Wednesday, June 19, 2013

HUNYO, ROMANTIKONG BUWAN

Isa sa mga paborito kong buwan ang Hunyo.  Marami akong kinakanta na sinasaliwan ko nang tugtog sa ukulele na may salitang June.  Tulad ng -

January, February, June or July,
I said January, February, June or July,
Oh, shine on, shine on harvest moon
Up in the sky
I ain't had no lovin'
Since January, February, June or July...
for me and my guy...


At sa mga jam session noon, sinasayawan namin kapag sweet ang tugtog, na may kasama pang dip na deep -

I stand at your gate.
And the song that I sing is of moonlight.
I stand and I wait
For a touch of your hand in a June night.
The roses are sign of moonlight serenade...


Siempre naman, sa aming high school, sino ang hindi makaaalala ng duwetong pag-awit nina Choleng at Abner, miyembro ng Glee Club, ng Song of Songs -

Do you recall that night in June when first we met?
Do you remember love the words we spoke?
Have you forgotten all the tender vows we made
In the silent magical moon beams light...
Gone are the golden dreams with summer roses
And all of our tender-est vows were made but to be broken
Song of songs, song of memory
And broken melody of love and life
Never more to me can that melody
Fill the heart with the joy once it knew
Oh night of bliss, night of June and love
Beneath the stars amid the roses
Oh dream of delight that faded at dawn
Oh song of songs, oh night of bliss
When you were my whole world of love
When you were my whole world of love, of love.



Bagaman at ayon sa statistiko, higit na marami ang mga nagpapakasal sa buwan ng Disyembre kaysa sa Hunyo (sa panahon ngayon marahil dahil tag-ulan at tag-baha ito), kinagisnan nang nakaugnay ang buwang ito sa pag-aasawa.  June Bride, kasabihan na.  At dahil nasa paksa ng pag-aasawa tayo at ang napili ko ring kwento para sa buwang ito ay tungkol sa pagpili ng makakaisang-palad, nais kong ilagay dito, with permission, ang isinulat sa blog ng aking anak who is a wife and a teacher-mama, homeschooling her children.

Ayon sa kanya, isang kaiswela sa high school writing a book asked her to answer a list of questions on husband-wife relationships.  And sagot niya sa isa sa mga tanong ang ilalagay ko rito:

What is a happy marriage?

Sabi ng anak ko:  Her questions required more than the ten-minute limit I've set for "fun" online time.  I certainly find myself happy when my husband cooks dinner or empties the trash without waiting for it to overflow.  Happier even when he keeps the cars filled up with gas or engages the girls in whatever activity they are all doing. But to answer this question, I needed more than ten minutes.

Or as I wrote to my friend: Ang hirap naman ng mga tanong mo.  I have to define happiness.  Then I have to describe observable behaviors. That used up all of my online time.

According to the others, her questions made them re-think their marriages and expectations.  I took the easy way out and did not bother to think.  But it was surprising for me to find a homeschooling question--whether it is a general one about philosophies or a specific one about curriculum options--to be far easier to answer.  I am around the girls more hours in the day, living the homeschooled life outside of the 9-to-5 schedule, talking and listening, in the car and on the track.  I am constantly on the computer researching about maps for geography, comparing language tutorials, evaluating living books.


My friend wanted me to think of a happy marriage consciously---

Without the advantage of time to ponder the question, I dare answer: What is a happy marriage? 

I suppose I can liken it to the homeschooled lifestyle: it is a conscious decision to live a specific kind of life, with days that are sometimes chaotic, sometimes uneventful but always towards a destination.  The girls have their bad math days and fun science days.  All those days help them to learn and to love to learn. 

Just like this marriage dance.  We have funky days and honeymoon days, stepped on each other's toes and tango'd like experts.  In the end, we learn to dance with this one partner we've chosen for life.


Learn to dance with the partner we've chosen!  Ito ay kung ikaw o ako, tayo... ang pipili ng ating makakaisang-palad.  Paano kung iba?

Narito ang kwento para sa buwang ito. 
SA PAGPILI NG KAISANG-PALAD

NANG sinundang gabi, may nakilala si Lily. Isang lalaki na nagkaroon ng kaugnayan sa kanyang ina nang ito ay dalaga pa.  At maraming katanungan ang sinagot ng pagkikilalang iyon. 

Tandang tanda pa niya.  Kasal ng kanyang kaibigan sa opisina na si Beth at siya ang candle sponsor.  Sa reception, nilapitan siya nito, may kasamang isang may edad nang lalaki.

“Lily, I'd like you to meet my Uncle Edy.  Edy Rosales siya.  O 'ayan, Uncle, itanong mo na,”  nakangiting kumindat si Beth.

Nagtatakang napatingin siya sa dalawa.  At nagpaliwanag si Edy nang makaalis si Beth. “Nakita kita kangina sa simbahan.  Mayroon kasi akong dating kakilala na kamukhang-kamukha mo at nagkainteres akong makilala ka.  Nang makausap ko si Beth, natiyak ko na.”

“Ano ho ang natiyak ninyo?” tanong niya.

“Anak ka ni Teresa.  Teresa Silva.”

Napatango siya.  “Kilala ninyo ang Nanay ko.  Kaibigan ninyo.”

Saglit na tumungo s Edy.  Nang magkasalubong ang kanilang mga mata ay ngumiti.  “Higit pa sa kaibigan, Lily.  Higit pa.”


SA sulok ng mga mata ay pinagmasdan ni Lily ang kanyang ina.  Nakaupo ito sa may terasa ng kanilang bahay.  Mula sa kinaroroonan nito ay tanaw ang sala kung saan nakaupo silang dalawa ni Richard, ang kanyang boyfriend.  Alam niya, paminsan-minsan, sumusulyap ang kanyang ina sa kanilang kinalalagyan.  Binabantayan sila ni Richard.  Na para bang lagi na silang may gagawing labag sa kagandahang-asal.  Ayaw ng kanyang nanay kay Richard.  Ang hinanakit ay damang-dama niya.

“A penny for your thought,” biro ni Richard.

Napabuntung-hininga si Lily.  “Sayang, wala ka kahapon sa kasal ni Beth.  May nakilala ako.  Nakilala mo rin sana.”

“Maganda ba?” nagpapatawa si Richard.


“Guwapo,”  maikling sagot  ni Lily.  Muli naglaro sa kanyang isipan ang kaanyuan ni Edy Rosales. 

Matangkad sa karaniwan, maputi sa kayumanggi, matangos na ilong at singkit na mga mata.  Guwapo nga si Edy Rosales.  Lalo't higit siguro nang kabataan nito.  Nang kasalukuyang kasintahan ng kanyang ina.

“Hey,”  sumandal sa kinaupuan si Richard.  “Mahaba yatang kwento iyan.  Nakahanda akong makinig.”

At kung paano ikinuwento ni Edy Rosales kay Lily ang lahat, gayundin ang ginawang pagsisiwalat ng dalaga sa kasintahan.
Kaisa-isang anak si Teresa Silva.  Mutyang-mutya.  Lahat halos ng mga kilos ay sinusundan ng tingin ng nagmamahal na magulang.  Sa kabila noon, may ilang bagay na nailihim ang dalaga sa mga ito.  Si Edy.  Kapatid si Edy ng isang kamag-aral ni Teresa.  Nagkakilala sila.  Niligawan siya.  Naging magkasintahan.  Sa haiskul iyon na tumagal hanggang kolehiyo.

Mahal na mahal ko siya, ang kuwento ni Edy kay Lily.  At mahal na mahal rin niya ako, alam ko.  Ngunit may malaking hadlang.  Ipinagkasundo na pala ng mga magulang ni Teresa na ipakasal siya sa anak ng isang kaibigan nila.  At masunuring anak si Teresa.  Nakipagkalas siya sa akin.  Tinalikuran ang matagal rin naming pag-iibigan.  Napakasal siya sa iyong ama, Lily.  Sa iyong ama.

Tinutop ni Lily ang kanyang dibdib.  “Nang marinig ko ang sinabi niya, Richard, parang hindi ako nakahinga.  Bigla kong naalaala ang nakaraan, noong maliit pa kaming magkakapatid.  Tahimik sa aming bahay.  Walang awayan.  Mabait sa isa't isa ang aking mga magulang.  Mabubuti sila sa amin.  Maligaya kami.  Ang nakita ko bang magandang pagmamahalan nila ay isa lamang malaking pagkukunwari?”

Nagpatuloy si Lily.  “Nang marinig ko ang katotohanan sa buhay ng aking ina, saka ko naliwanagan ang dahilan kung bakit niya ayaw sa iyo, Richard.”

Tumawa ang binata.  “Bihirang nanay ang nakagugusto kaagad sa kasintahan ng kanilang anak.  Siyempre,  no man is good enough for their daughter.  Natural lang iyon, Lily.  She'll come around.”

Umiling si Lily.  “Hindi mo alam ang buong istorya.  She has somebody else in mind for me.  Another arranged marriage.  Another victim.  Ako 'yun, Richard.”

Napalis ang ngiti sa mukha ni Richard.  “Totoo, Lily?  Ipinagkasundo ka rin ng iyong mga magulang?”

Tumango si Lily.  “Oo.  Ang hindi nangyari sa buhay niya ay ayaw rin niyang mangyari sa buhay ko.  Hindi niya napangasawa ang kanyang kasintahan, ayaw rin niyang mapangasawa kita.  Ang nanay ko ang pipili ng mapapangasawa ko.  In this age of nuclear weapons, women's liberation, peaceful revolution.  Ewan ko, Richard.  Talaga sanang yayayain na kitang magtanan.”

Muli,  ngumiti si Richard.  “Is that a proposal?”

Nagbuntung-hininga ang dalaga.  “Iyon ang balak ko nang nadedesperado ako.  Ngunit mula kahapon, nang makilala ko si Edy Rosales, naisip kong kausapin siya.  Sa harap ng aking ama.”

Nababahalang napatingin nang matagal si Richard kay Lily.  “Isipin mong mabuti ang lahat.  Huwag kang pakabibigla sa pagsasalita.  Remember, Lily, words are like arrows.  Kapag binitiwan mo, hindi mo na mahahabol.”

Nang magpaalam si Richard, bahagya nang ngumiti ang nanay ni Lily.  Muli, nakadama ng hinanakit sa ina ang dalaga.

Sa paghahapunan ng kanilang pamilya, pasulyap-sulyap ang dalaga sa ama't ina.  Asikaso ng kanyang ina sa pagkain ang kanyang ama.  Sa pagkukuwento ng kanyang ama, matamang nakikinig, paminsan-minsan ay sumasagot ang kanyang ina.  Hindi malaman ni Lily ang iisipin.  Ang lahat ba ng kanyang nakikita o nakita noong araw na mabuting pagtitinginan ng kanyang mga magulang ay isa lamang balatkayo?  Bilang kasagutan, sisingit sa kanyang isipan ang sinabi ni Edy Rosales.  Mahal na mahal ko siya at alam kong mahal na mahal din niya ako.  Kaya lang, masunurin siyang anak.  Naisip ni Lily, masunurin ba siyang anak, tulad ng kanyang ina?  Sigaw ng kanyang kaibuturan, hindi!

“Lily?”

Napatigil sa pagkain si Lily.  Nakatuun ang lahat ng pansin ng mga kaharap sa kanya.  “May sinabi ka ba, Lily?”  tanong ng kanyang ama.

Umiling ang dalaga. “Wala, Tatay.”

Nagkatinginan ang kanyang mga magulang.  Muli ang kanyang ama.  “Mamaya, Lily, may sasabihin kami sa iyo ng Nanay mo.”

Wari nahirinan si Lily sa narinig.  At ang bara sa lalamunan ay waring taglay pa rin niya hanggang sa ipatawag siya ng ama.  Hindi ito nagpaliguy-ligoy sa pagsasalita.  “Boyfriend mo na ba si Richard, Lily?”

Hinanap niya ang mga mata ng ama at tumango siya.  “Opo, Tatay.”

Tumikhim ang kanyang ama, saglit na sumulyap sa kanyang ina.  “May pagkukulang kami sa iyo, Lily.  Mayroon kaming dapat sinabi sa iyo noong araw na nakaligtaan naming gawin.  Na nang banggitin sa iyo ng iyong ina ay may kumplikasyon nang dala.  May boyfriend ka na pala.”

“May boyfriend rin ako noong araw,” bigla sumagot ang kanyang ina.  Si Teresa Silva. Mutyang-mutya, nag-iisang anak.

Napatingin si Lily sa kanyang ina.  At sa kanyang ama.  Nakangiti ito nang magsalita.  “At mahal na mahal ka niya.  Mahal na mahal mo rin siya.  Pero napakasal ka sa akin.”

“Marunong pumili ang aking mga magulang,”  matipid ang ngiting iginanti ng kanyang ina sa kanyang ama.

“Hindi mo alam iyon,”  agaw ng ama ni Lily at naisip ng dalaga kung ano ang ginagawa niya sa harapang iyon.

Tumango ang ina ni Lily.  “Hindi ko nga alam iyon.  Kung paanong marami akong hindi alam noon.  Kung si Edy, Edy Rosales ang kanyang pangalan, ang tamang lalaki para sa akin.  Kung paanong hindi mo rin alam, Lily kung si Richard ang tamang lalaki para maging asawa mo.”

Parang naalimpungatan si Lily.  “Nagmamahalan kami ni Richard.”

“Nagmamahalan rin kami ni Edy noon,”  agaw ng kanyang ina.

Sinalubong niya ang mga paningin ng ina.  “Ano ang koneksiyon ng nakaraan ninyo sa kasalukuyan ko ngayon, Nanay?”

“Lily, ang pagpapakasal namin ng iyong ama ay isa lamang kasunduan ng aming mga magulang.  Maligaya ako sa piling ng iyong ama na sila ang pumili.  Liligaya ka rin sa lalaking aming pipiliin para sa iyo.”

Kinagat ni Lily ang labi upang hindi mapabulalas ng iyak.  Pilit pinahinahon ang saili.  “Naniniwala ako, Nanay. Tatay na maligaya kayo sa inyong pagsasama.  At natutuwa ako sapagkat lumaki kaming magkakapatid sa isang payapang kapaligiran.  Ngunit ipagpatawad ninyo na suwayin ko ang inyong kahilingan.  Si Richard ang mahal ko at sa kanya lamang ako pakakasal.”

“Lily,”  nabasag ang tinig ng kanyang ina.

“Teresa,”  sumasaway ang tinig ng kanyang ama.

Ipinipinid na ni Lily ang pinto ng kanyang silid ay naririnig pa niya ang tinig ng ina.  “Maligaya naman tayong talaga, Nestor, hindi ba?  Gusto lang naman nating lumigaya rin siya.”  At ang umaalong tinig ng kanyang ama. 


MALALIM na ang gabi ay hindi pa nakakatulog si Lily.  Pabiling-biling siya sa pagkakahiga.  Nang makarinig siya ng mahinang katok sa pinto ng kanyang silid.  Dali-dali siyang bumangon.  Ang kanyang ina ang nasa likod ng pintuan.

“Nanay...”

“May sasabihin lang ako, Lily,”  napansin ni Lily, nagmamadali sa pagsasalita ang kanyang ina.  “Kung talagang mahal mo si Richard, pumapayag ako.”

“Nanay!”  ang galak ay nanulay sa tinig ni Lily.

Tumaas ang kamay ng ina ni Lily, sinasaway siya sa pagsasalita.  “Kaya lang, pakinggan mo muna ang aking sasabihin.”

Tumango ang dalaga. At nakinig. 

“May kasintahan nga ako nang ipagkasundo ng aking mga magulang sa iyong ama.  At sinunod ko sila.  Sa maniwala ka at sa hindi, tanungin mo ang iyong sarili, lingunin mo ang nakaraan, ang aming pagsasama ng iyong tatay ay tunay na maligaya.  Unti-unti ang pagtubo ng pagmamahal. Nauna ang respeto sa damdamin ng isa't isa.  Hindi ko malilimutan kung paano niya inunawa ang kalungktan ko sa paghihiwalay naming magkasintahan.  Tulad niya ay isang kaibigang mapagbigay.  Hanggang naantig ang aking damdamin at siya ay natutuhan kong mahalin...”

“Mayroon ba siyang kasintahan tulad mo?”  tanong ni Lily.

Umiling ang kanyang ina.  Ngumiti.  “Hindi raw ako mahirap ibigin, ang sabi niya sa akin noong nag-uusap na kami tungkol sa aming mga damdamin sa isa't isa.  Noon nga, Lily, noon namin binalak na kami ang pipili sa magiging asawa mo pagdating ng panahon.”

Napahinga nang malalim si Lily.  Nagpatuloy sa pagsasalita ang kanyang ina.  “Maligaya kami at sa aming kaligayahan, hindi namin malurok kung  ano ang kasalukuyan naming kalagayan, kung naging iba kaya ang aming naging kaisang-palad.  Ako sa aking sarili, naisip ko kung ganoon din kaya ako naging kaligaya kung si Edy ang napangasawa ko.  Kaya lang, nang makita ko kung gaano kahalaga  si Richard sa iyo, na waring handa mo siyang ipaglaban, na hindi ko naman nadama noon, nagdalawa ang aking loob.”

Bigla niyapos ni Lily ang ina.  “Kung gayo'y wala na tayong problema, Nanay.  Kailangan lang nating sabihin sa Tatay.  Kung payag ka'y papayag na rin iyon.”

Malungkot na umiling si Teresa.  “Hindi mo nauunawaan. Lily.  Kaya walang kasintahan ang iyong ama noon ay sa dahilang alam niya ang usapan ng aming mga magulang .  At noon pa man, mahal na niya ako.  Kaya tuwang-tuwa siya nang malaman niyang natutuhan ko na rin siyang ibigin.  Kung sisira ako sa usapan naming kami ang pipili ng iyong mapapangasawa, ano ang kanyang iisipin.  Na kaya ako pumayag kay Richard ay sapagkat hindi ko pa nalilimutan ang aking dating kasintahan.  Na ang nangyari sa akin ay ayaw kong mangyari sa iyo.  Mahal ko ang iyong ama, Lily at hindi ko magagawang saktan ang kanyang kaooban.”

“Lily...  Teresa...”

Sabay na napalingon si Lily at ang kanyang ina sa pinagmulan ng tinig.  Nakatayo sa may bukas na pintuan ng silid ang ama ni Lily. 

“Hinanap kita, Teresa.  Bukas ang pinto.  Hindi ko naiwasan.  Narinig ko ang lahat.”

Sinalubong ni Lily ang ama. Inakbayan siya nito. “Kung talagang si Richard ang nais mong mapangasawa, hindi ako magiging hadlang, Lily,”  sabay baling sa asawa.  “At salamat, Teresa sa pag-aalala mong huwag masaktan ang aking kalooban.  Mahal kita. Sinabi mong mahal mo ako.  Naniwala ako noon.  Naniniwala pa rin ako hanggang ngayon.”

Hindi napigilan ni Lily ang luhang naglandas sa kanyang mga pisngi.  At isang dasal ang namutawi sa kanyang mga labi.  Sana... sana'y maging maligaya rin sila ni Richard, tulad nang kanyang mga magulang, kahit siya at hindi ang mga ito ang pumili sa binata.

LIWAYWAY, Enero 19, 1987

Saturday, June 15, 2013

Happy Father's Day!

Narito ang isang tulang Ingles ni Karen K. Boyer
na isinalin ko sa tagalog  para lamang sa 
Araw ng mga Ama - 

Hindi niya hangad ang papuri
Wala siyang yabang sa sarili
Tahimik na naghahanap-buhay
Para sa kaniyang mga mahal.

Pangarap niya'y di sinasabi
Pangangailanga'y di marami
At halos lagi, alalahanin
niya ay hindi rin sasambitin.

Hayun siya...  pundasyong matibay
Sandigan sa unos nitong buhay
May mga kamay na aalalay
Sa oras ng pangangailangan.

Kaibigan na malalapitan
Sa lahat ng panahon ng buhay
Si Daddy, si Papa, si Tatang,
si Tatay, si Ama, si Amang!


Sabi raw ni Leonardo da Vinci, nakita ko sa isang tweet,
the best gift a father can give his children is to love their mother.

Siguro, pwede rin itong baligtarin at sabihing the best gift a mother can give her children is to love their father.

O kaya, the best gift parents can give each other is to love their children. 






 

Sunday, June 9, 2013

KOMENTARYO, 2013

BIYENAN AT MANUGANG -

Ito ay nalathala sa blog noon pang 2008.  Para sa inyong impormasyon, ang kwentong ito ay kasama rin ngayon sa 2013 May edition ng Our Own Voice, isang internet magazine: http://www.oovrag.com

Isa sa mga dumating na komentaryo sa akin ay nanggaling sa isang manugang.  Tawagin natin siyang Sharon, ngunit hindi ito ang nakalagay niyang pangalan sa ipinadalang komentaryo o higit sigurong tamang sabihing “hinanakit”.  Sa kanyang biyenan!

Ang sabi ni Sharon:  Hi, galit ako sa biyenan ko.  Ang problema niya ay ang hindi pantay na pagtingin ng kanyang biyenan sa kanyang mga anak.  Liliwanagin ko lamang na sa pagkaintindi ko, pareho niyang anak ang nakasangkot dito.  At sa kanyang komentaryo, hinihingi rin niya ang komentaryo ko.  Narito ang isa sa mga walang kamatayang istorya ng mga biyenan at manugang.

Paborito raw ng kanyang biyenan ang panganay niyang anak, laging may binibili, laging may pasalubong para rito.  Wala para sa bunso.  Hindi naaalaala.  Para raw namang unfair.  Na dapat naman siguro, parehas ang tingin at pakikitungo tulad nang nakikita niya sa sariling mga magulang.  Pakiramdam pa nga raw niya minsan,
feeling sariling anak na ang turing ng kanyang biyenan sa kanyang panganay. 

Nais kitang patawanin, Sharon.  Parang kwentuhan lang nang magkakaharap na barkada.  Sabi raw siguro ng biyenan mo, kinuha mo at inangkin ang kanyang anak (ang asawa mo), kaya ngayon, anak mo naman ang kukunin at aangkinin niya, subtly, sa pamamagitan ng pagreregalo rito  at pagbuhos ng pagtingin.  Para mabaling nang husto ang pagmamahal sa kanya ng bata.

Isa pa, talaga raw mas matimbang ang tubo kaysa puhunan.  Ibig sabihin, iba talaga ang dating ng mga apo sa kanilang mga lolo at lola.  Kung mahigpit sila sa anak noong araw, aba, e, sobrang luwag sa mga apo ngayon.  Buhos na buhos ang atensiyon at pag-aalaga na hindi nagawa sa mga sariling anak.  Baka bumabawi lamang ang biyenan mo sa hindi nagawa sa iyong asawa noon. Kaya nauso ang salitang apostolic sa mga magulang at biyenan na yayo at yaya ng kanilang mga apo sa kasalukuyan.

Isa pa  rin, iba-iba ang mga bata.  May likas na karinyosa at malambing.  May bata pa ay reserved na.  Parang aloof, suplada, o baka shy lamang.  Natural din na mag-gravitate ang sinuman sa mga batang palangiti at madaling kausapin.

Ngunit, hindi ito dahilan upang hindi maging pantay ang pagtingin ng biyenan mo sa iyong mga anak.  Pareho naman niyang apo ang mga ito.  Kung pasasalubungan ng pagkain ang isa, dapat mayroon din iyong iba.  Isang dosenang donut, hopia, siopao!  Damit, sapatos?  Birthday ba noong panganay?  Kasi kung birthday, kahit siya lamang ang bigyan, okey.  Pero kung hindi naman at gusto lang bigyan, aba, e, huwag namang kalimutan ang bunso.


At iyan nga ang problema mo, Sharon.  Ang ipinaghihinanakit mo.  Nasasaktan ka para sa iyong bunso.  Lalo na at pantay naman ang pag-aaruga mo sa iyong mga anak.

Bago lumaon ang ating kwentuhan, kukumustahin ko muna ang iyong biyenan.  Matanda na ba siya?  Biyuda?  Walang ibang apo?  Sa iyo lamang?  (Mas problematic ka kung ibang apo ang paborito ng biyenan mo at hindi ang anak mo!)  Ano ba ang kalagayan niya sa buhay?  Ano ang kanyang pinagkakaabalahan?  Baka sa palagay niya, wala nang nag-aalala sa kanya, wala nang nagmamahal.  Baka ang iyong panganay ay carbon copy ng kanyang yumaong asawa, kung biyuda o biyudo na ito.  O ng iyong asawa na anak niya.

Baka ang iyong biyenan ay may pangangailangan, hindi pinansiyal, kundi emosyonal, na hindi ninyo naibibigay... Sa halip nang hindi pantay na pagtingin niya sa iyong mga anak, for a change, siya ang pag-ukulan mo ng pansin.  Paradigm shift, wika nga.

Ang hinihingi mo, Sharon, sa iyong komentaryo, ay mabigyan sana kita ng advice para maalis ang galit mo sa iyong biyenan.  Ipinagpapauna ko na, na ang mga sasabihin ko rito ay batay lamang sa mga naranasan ko na, nabasa, nabalitaan at nalaman sa karanasan ng iba.  Gusto ko ang attitude mo.  Ang nais mo ay maalis ang nadarama mong negatibo sa iyong biyenan.

May kwento ako.  At totoo ito.  Isang kaibigan ang nagkaproblema sa kanyang bilas na ang pinagmulan ay ang kanilang biyenan.  Kapwa wala silang kasalanan at walang isyung pinagtatalunan.  Ilang salita ng biyenan na nagkaroon ng misinterpretation.  Na ikinagalit ng kanyang bilas.  Wari, sa kanya! Galit na hindi ipinakikita, malamig lamang.  Pero alam niyang galit.   At nainis rin siya.  Nagalit din.  Dahil ano ba ang ikagagalit sa kanya, e, wala naman siyang ginagawang masama rito.  Kalaunan, alam mo ang ginawa ng kaibigan kong ito?  Hindi siya madasaling tao, pero, ipinagdasal niya ang problemang ito.  Simpli lang daw ang dasal niya, na para siyang nakikipag-usap:   


Diyos ko, alisin mo po ang galit sa aking puso, sa aking damdamin, sa aking isipan.  At liwanagin mo ang kanyang isip na wala akong kinalaman sa anupamang ikinagagalit niya sa akin.
 
Inulit-ulit lamang niya ang dasal na ito na tungkol sa pagbabago ng kanyang sarili.  Mind you, sarili niya! Hanggang isang araw, naramdaman niyang hindi na siya naiinis sa kanyang bilas.  At nagkaroon pa siya ng unawa kung bakit rin ito nagkaroon ng ganoong damdamin.  Where she's coming from, kumbaga.  At kasunod niyang nadama ay acceptance.  Iba-iba ang tao, iba-iba ang pinanggagalingan, talagang ang kailangan ay pag-unawa.  At sa dahilang naging positive ang outlook niya, nawala na ang inis at galit sa puso't isipan niya, she invites the positive in other people.  Positive energy attracts positive energy.  Kaya, okey na sila ng bilas niya.  Laban sa biyenan nila, hehhehheh, joke only, joke only, di ba gusto lang kitang patawanin!

Subukin mong gawin ito. 

At ito rin:  Kapag may ibinigay ang biyenan mo sa panganay, na pwedeng i-share sa bunso, pakialaman mo, hatiin mo, in a way na parang tinuturuan mo ang panganay na hatian ang ibang kapatid.  Share 'ikamo.  Mabait ang batang nagbibigay sa kapatid.  Para mo na ring ipinakikita sa biyenan mo na dapat, parehong binigyan niya ang mga bata.

Isa pa.  Ikwento mo sa asawa mo ang mga pangyayari, lalo iyong gabing   magkapiling kayo sa higaan.  Kwento ha, hindi sumbong!  Naku, honey, alam mo si Nanay, laging ibinibili si Junior ng pasalubong, nalilimutan na si Bunso.  Medyo pakisabi lang.  Dahil nai-insecure na yata si Bunso.

Sabi nga pala ng isang natanong ko tungkol dito.  Sabihin ko raw sa iyo, pinakamabuti raw ay humiwalay kayo ng tirahan.  Na malayung-malayo.  Na hindi ka madadalaw ng iyong biyenan.  Unless, madalas magbakasyon ito sa inyo.  O makikipisan nang talaga!  Nakupo!

Napatawa ba kita, Sharon?

Ewan lang kung matatawa ka kay Anonymous na nagkomentaryo rin sa kwentong Biyenan at Manugang.  Ang sa akin, kailangan ba talagang iasa ng biyenan ko ang lahat ng gastuhin nila gayun alam naman nilang me pamilya na ang anak nila at me dalawang anak na nag-aaral?  Di talaga maiiwasan magkaroon ng sama ng loob sa mga biyenan!  Kung ang tawag raw sa ama ay Haligi ng Tahanan, sa ina ay Ilaw ng Tahanan, ano raw kaya ang tawag sa biyenan?

Ano ba ang masasabi ko rito, talagang mahirap ngayon ang buhay.  Kung uusisain at hahalungkatin ang lahat ng pinagmulan, tiyak na may makikitang mga dahilan.  Ngunit may makita man, ang bottomline, lahat ay may kani-kaniyang pangangailangan.  Mahirap ang mahirap.  Sino nga iyong nagsabi na masarap maging senador?  O pulitiko?

TAGAHANGA NI ALICE -

Natatandaan ba ninyo si Alice?  Iyong karakter ng kwento ko na nagtatrabaho noon sa Good Morning Bazaar sa Carriedo?  May nagtatanong at humihingi ng impormasyon kung ssaan makokontak ang may-ari ng tindahan, dahil hinahanap niya ang Uncle niyang si Cesar Yap na dating worker dito. 

Dati akong nag-oopisina sa Alcazar Building sa may Carriedo.  Nang gawin ko ang kwento ay ginamit ko lamang ang ngalan ng unang tindahan na sumingit sa isip ko, ang Good Morning Bazaar.  Na marahil, isa sa mga nadadaanan kong tindahan sa pagpasok sa opisina mula paglalakad sa underpass ng Quiapo, sa Plaza Miranda, sa kahabaan ng Carriedo at mga tindahan ng Valleson, ShoeMart at iba pa.  At maaaring may isang Cesar Yap ngang namasukan sa bazar na ito.  Pero hindi ko kilala ang may-ari ng Good Morning Bazaar.  Sori.

MANGGAGAMOT

Isang manggamot ang nag-share ng kanyang Christmas experiences noon at ngayon may tinanggap akong sulat na addressed sa kanya.  Naghahanap daw ang sumulat nito ng isang plastic surgeon sa Turkey dahil gusto niyang magkaroon ng aesthetics na dibdib.  Well... bakit sa Turkey pa, e, nariyan naman si Belo o si Calayan...

PAANO MAGDAOS NG ISANG REYUNYON -

Sabi ni Debbie, habang binabasa ko ito ay nanunulay sa labi ko ang ngiti.  Para bagang pinapanood ko yung reyunyon namin.  Haaay!

Salamat, Debbie.  Masaya na ako na napangiti ko ang mga bumabasa.

Nangungumusta naman si Cherry, ang isa pang sumulat tungkol dito.  Salamat, mabuti naman ang kalagayan ko.  Natutuwa raw siyang natagpuan ang blog ko dahil mahilig siyang magbasa ng mga kwentong “sinauna” (ehmm, nahalata na!)  na may pagka-makata ang pagkasulat (am taking this as a compliment!), although, sa pakiramdam ko naman ay napakakaswal ang pagsusulat ko, at simpli rin ang choice of words, mga everyday words lang.  Sabi pa niya, may nabasa na raw siyang libro ko sa library ng kanilang klase.  Siguro ay kwento ko lang na kasama sa antolohiya ng Anvil Publishing na  mga kwentong nanalo sa Palanca noon at ang librong “Silid na Mahiwaga” na kalipunan ng mga sinulat ng babaing manunulat, tinipon ni Prof. Soledad Reyes ng Ateneo.  Dahil sa ngayon, ang mga libro ko, Minsan, May Isang Pag-ibig at Mahirap Ba Akong Mahalin, ay hindi pa available sa mga library at tindahan dito sa Pilipinas.  Bagaman, isang kaibigan abroad ang nangakong maglalagay ng kopya ng mga nasabing libro sa Library of Congress sa USA.

Sabi pa ni Cherry, salamat sa inspirasyon!  Sa totoo lang, Cherry, kayo ang aking inspirasyon.  Ang mga katulad mo na kahit hindi ko kakilala nang personal ay nakakaisip sumulat upang ipaalam ang kanilang nasasaloob.  Kaya, sa iyo rin, salamat!

Salamat rin kay Jhun T. isang kaiskwela sa isang monthly seminar na dinadaluhan ko.  Hindi ko malimutan ang sinabi niya nang bumili siya ng aking librong Minsan, May Isang Pag-ibig.  Na kaya siya bumili nito ay dahil nais niyang ipagmalaki sa iba na ang awtor ay kakilala niya, kakwentuhan niya, kaibigan niya.

Para bang it's not the book... it's the author!

Salamat!



Sunday, June 2, 2013


SANDAAN AT LABINLIMANG TAON

na ang nakalipas mula nang iwagayway ang watawat ng malayang Pilipinas sa Kawit, Cavite.

Labinlimang taon na ang nakaraan matapos ipagdiwang ang sentenaryo ng ating Kalayaan.

Tulad nang nabanggit ko sa nakaraang blog sa buwan ng Mayo, isang araw akong nagbuklat ng mga lumang album at isa sa mga nakita ko ay ang mga larawang kuha namin noong araw na iyon ng Hunyo, ika-12 ng taong 1998.  Balik-gunita bilang pag-alala sa darating na pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, nais kong ibahagi ang ilang larawan sa inyo.

Hunyo 12, 1998 - Maaga pa lamang, narito na kami.  Sasama sa pagdiriwang.

                                                       Ang Watawat ng Pilipinas.

Kalayaan - Dating Ipinaglaban, Ngayo'y ipagdiwang.  Hunyo 12, 1898-Hunyo 12, 1998

                                                   Nilagang Mani sa mga nagugutom.  


                                   Malamig? Kahit na naarawan, softdrink sa nauuhaw.

                                           Walang Kamatayang Banda ng Mosiko


 
                                                                      Mga Kadete

                                                        Isang magandang karosa

                                         Isa pang nakikipagpaligsahan ng ganda.

         Ang bantog at kilalang anda-andanang bukirin sa kabundukan ng Ifugao.

                                                   Ebolusyon ng Watawat ng KKK

                                                  Mga Magigiting na Katipuneros

                           La Solidaridad - sa pamamahala ni Marcelo H. del Pilar.  

                                        May bigoteng nakatikwas.  Si Del Pilar ba ito?

                                                              Intramuros

                                                              Katutubong Sayaw

                             Mga Dalagang Pilipina, noon.  Mayumi at mahinhin.

           Mga Kabataan ngayon.  May tinig.  Tulad ng mga Kababaihan ng Malolos, noon.

Bayang Magiliw, Perlas ng Silanganan, Alab ng puso sa dibdib ko'y buhay...
Lupang HInirang, duyan ka ng magiting, sa manlulupig di ka pasisiil...

                        Sa pagtatapos kinagabihan, mga pailaw sa kalawakan...
                                                               at kinabukasan...                            






        Hunyo 13, 1998 -  Feeling nakasakay sa nakatigil na karosa sa Luneta.