Sunday, June 9, 2013

KOMENTARYO, 2013

BIYENAN AT MANUGANG -

Ito ay nalathala sa blog noon pang 2008.  Para sa inyong impormasyon, ang kwentong ito ay kasama rin ngayon sa 2013 May edition ng Our Own Voice, isang internet magazine: http://www.oovrag.com

Isa sa mga dumating na komentaryo sa akin ay nanggaling sa isang manugang.  Tawagin natin siyang Sharon, ngunit hindi ito ang nakalagay niyang pangalan sa ipinadalang komentaryo o higit sigurong tamang sabihing “hinanakit”.  Sa kanyang biyenan!

Ang sabi ni Sharon:  Hi, galit ako sa biyenan ko.  Ang problema niya ay ang hindi pantay na pagtingin ng kanyang biyenan sa kanyang mga anak.  Liliwanagin ko lamang na sa pagkaintindi ko, pareho niyang anak ang nakasangkot dito.  At sa kanyang komentaryo, hinihingi rin niya ang komentaryo ko.  Narito ang isa sa mga walang kamatayang istorya ng mga biyenan at manugang.

Paborito raw ng kanyang biyenan ang panganay niyang anak, laging may binibili, laging may pasalubong para rito.  Wala para sa bunso.  Hindi naaalaala.  Para raw namang unfair.  Na dapat naman siguro, parehas ang tingin at pakikitungo tulad nang nakikita niya sa sariling mga magulang.  Pakiramdam pa nga raw niya minsan,
feeling sariling anak na ang turing ng kanyang biyenan sa kanyang panganay. 

Nais kitang patawanin, Sharon.  Parang kwentuhan lang nang magkakaharap na barkada.  Sabi raw siguro ng biyenan mo, kinuha mo at inangkin ang kanyang anak (ang asawa mo), kaya ngayon, anak mo naman ang kukunin at aangkinin niya, subtly, sa pamamagitan ng pagreregalo rito  at pagbuhos ng pagtingin.  Para mabaling nang husto ang pagmamahal sa kanya ng bata.

Isa pa, talaga raw mas matimbang ang tubo kaysa puhunan.  Ibig sabihin, iba talaga ang dating ng mga apo sa kanilang mga lolo at lola.  Kung mahigpit sila sa anak noong araw, aba, e, sobrang luwag sa mga apo ngayon.  Buhos na buhos ang atensiyon at pag-aalaga na hindi nagawa sa mga sariling anak.  Baka bumabawi lamang ang biyenan mo sa hindi nagawa sa iyong asawa noon. Kaya nauso ang salitang apostolic sa mga magulang at biyenan na yayo at yaya ng kanilang mga apo sa kasalukuyan.

Isa pa  rin, iba-iba ang mga bata.  May likas na karinyosa at malambing.  May bata pa ay reserved na.  Parang aloof, suplada, o baka shy lamang.  Natural din na mag-gravitate ang sinuman sa mga batang palangiti at madaling kausapin.

Ngunit, hindi ito dahilan upang hindi maging pantay ang pagtingin ng biyenan mo sa iyong mga anak.  Pareho naman niyang apo ang mga ito.  Kung pasasalubungan ng pagkain ang isa, dapat mayroon din iyong iba.  Isang dosenang donut, hopia, siopao!  Damit, sapatos?  Birthday ba noong panganay?  Kasi kung birthday, kahit siya lamang ang bigyan, okey.  Pero kung hindi naman at gusto lang bigyan, aba, e, huwag namang kalimutan ang bunso.


At iyan nga ang problema mo, Sharon.  Ang ipinaghihinanakit mo.  Nasasaktan ka para sa iyong bunso.  Lalo na at pantay naman ang pag-aaruga mo sa iyong mga anak.

Bago lumaon ang ating kwentuhan, kukumustahin ko muna ang iyong biyenan.  Matanda na ba siya?  Biyuda?  Walang ibang apo?  Sa iyo lamang?  (Mas problematic ka kung ibang apo ang paborito ng biyenan mo at hindi ang anak mo!)  Ano ba ang kalagayan niya sa buhay?  Ano ang kanyang pinagkakaabalahan?  Baka sa palagay niya, wala nang nag-aalala sa kanya, wala nang nagmamahal.  Baka ang iyong panganay ay carbon copy ng kanyang yumaong asawa, kung biyuda o biyudo na ito.  O ng iyong asawa na anak niya.

Baka ang iyong biyenan ay may pangangailangan, hindi pinansiyal, kundi emosyonal, na hindi ninyo naibibigay... Sa halip nang hindi pantay na pagtingin niya sa iyong mga anak, for a change, siya ang pag-ukulan mo ng pansin.  Paradigm shift, wika nga.

Ang hinihingi mo, Sharon, sa iyong komentaryo, ay mabigyan sana kita ng advice para maalis ang galit mo sa iyong biyenan.  Ipinagpapauna ko na, na ang mga sasabihin ko rito ay batay lamang sa mga naranasan ko na, nabasa, nabalitaan at nalaman sa karanasan ng iba.  Gusto ko ang attitude mo.  Ang nais mo ay maalis ang nadarama mong negatibo sa iyong biyenan.

May kwento ako.  At totoo ito.  Isang kaibigan ang nagkaproblema sa kanyang bilas na ang pinagmulan ay ang kanilang biyenan.  Kapwa wala silang kasalanan at walang isyung pinagtatalunan.  Ilang salita ng biyenan na nagkaroon ng misinterpretation.  Na ikinagalit ng kanyang bilas.  Wari, sa kanya! Galit na hindi ipinakikita, malamig lamang.  Pero alam niyang galit.   At nainis rin siya.  Nagalit din.  Dahil ano ba ang ikagagalit sa kanya, e, wala naman siyang ginagawang masama rito.  Kalaunan, alam mo ang ginawa ng kaibigan kong ito?  Hindi siya madasaling tao, pero, ipinagdasal niya ang problemang ito.  Simpli lang daw ang dasal niya, na para siyang nakikipag-usap:   


Diyos ko, alisin mo po ang galit sa aking puso, sa aking damdamin, sa aking isipan.  At liwanagin mo ang kanyang isip na wala akong kinalaman sa anupamang ikinagagalit niya sa akin.
 
Inulit-ulit lamang niya ang dasal na ito na tungkol sa pagbabago ng kanyang sarili.  Mind you, sarili niya! Hanggang isang araw, naramdaman niyang hindi na siya naiinis sa kanyang bilas.  At nagkaroon pa siya ng unawa kung bakit rin ito nagkaroon ng ganoong damdamin.  Where she's coming from, kumbaga.  At kasunod niyang nadama ay acceptance.  Iba-iba ang tao, iba-iba ang pinanggagalingan, talagang ang kailangan ay pag-unawa.  At sa dahilang naging positive ang outlook niya, nawala na ang inis at galit sa puso't isipan niya, she invites the positive in other people.  Positive energy attracts positive energy.  Kaya, okey na sila ng bilas niya.  Laban sa biyenan nila, hehhehheh, joke only, joke only, di ba gusto lang kitang patawanin!

Subukin mong gawin ito. 

At ito rin:  Kapag may ibinigay ang biyenan mo sa panganay, na pwedeng i-share sa bunso, pakialaman mo, hatiin mo, in a way na parang tinuturuan mo ang panganay na hatian ang ibang kapatid.  Share 'ikamo.  Mabait ang batang nagbibigay sa kapatid.  Para mo na ring ipinakikita sa biyenan mo na dapat, parehong binigyan niya ang mga bata.

Isa pa.  Ikwento mo sa asawa mo ang mga pangyayari, lalo iyong gabing   magkapiling kayo sa higaan.  Kwento ha, hindi sumbong!  Naku, honey, alam mo si Nanay, laging ibinibili si Junior ng pasalubong, nalilimutan na si Bunso.  Medyo pakisabi lang.  Dahil nai-insecure na yata si Bunso.

Sabi nga pala ng isang natanong ko tungkol dito.  Sabihin ko raw sa iyo, pinakamabuti raw ay humiwalay kayo ng tirahan.  Na malayung-malayo.  Na hindi ka madadalaw ng iyong biyenan.  Unless, madalas magbakasyon ito sa inyo.  O makikipisan nang talaga!  Nakupo!

Napatawa ba kita, Sharon?

Ewan lang kung matatawa ka kay Anonymous na nagkomentaryo rin sa kwentong Biyenan at Manugang.  Ang sa akin, kailangan ba talagang iasa ng biyenan ko ang lahat ng gastuhin nila gayun alam naman nilang me pamilya na ang anak nila at me dalawang anak na nag-aaral?  Di talaga maiiwasan magkaroon ng sama ng loob sa mga biyenan!  Kung ang tawag raw sa ama ay Haligi ng Tahanan, sa ina ay Ilaw ng Tahanan, ano raw kaya ang tawag sa biyenan?

Ano ba ang masasabi ko rito, talagang mahirap ngayon ang buhay.  Kung uusisain at hahalungkatin ang lahat ng pinagmulan, tiyak na may makikitang mga dahilan.  Ngunit may makita man, ang bottomline, lahat ay may kani-kaniyang pangangailangan.  Mahirap ang mahirap.  Sino nga iyong nagsabi na masarap maging senador?  O pulitiko?

TAGAHANGA NI ALICE -

Natatandaan ba ninyo si Alice?  Iyong karakter ng kwento ko na nagtatrabaho noon sa Good Morning Bazaar sa Carriedo?  May nagtatanong at humihingi ng impormasyon kung ssaan makokontak ang may-ari ng tindahan, dahil hinahanap niya ang Uncle niyang si Cesar Yap na dating worker dito. 

Dati akong nag-oopisina sa Alcazar Building sa may Carriedo.  Nang gawin ko ang kwento ay ginamit ko lamang ang ngalan ng unang tindahan na sumingit sa isip ko, ang Good Morning Bazaar.  Na marahil, isa sa mga nadadaanan kong tindahan sa pagpasok sa opisina mula paglalakad sa underpass ng Quiapo, sa Plaza Miranda, sa kahabaan ng Carriedo at mga tindahan ng Valleson, ShoeMart at iba pa.  At maaaring may isang Cesar Yap ngang namasukan sa bazar na ito.  Pero hindi ko kilala ang may-ari ng Good Morning Bazaar.  Sori.

MANGGAGAMOT

Isang manggamot ang nag-share ng kanyang Christmas experiences noon at ngayon may tinanggap akong sulat na addressed sa kanya.  Naghahanap daw ang sumulat nito ng isang plastic surgeon sa Turkey dahil gusto niyang magkaroon ng aesthetics na dibdib.  Well... bakit sa Turkey pa, e, nariyan naman si Belo o si Calayan...

PAANO MAGDAOS NG ISANG REYUNYON -

Sabi ni Debbie, habang binabasa ko ito ay nanunulay sa labi ko ang ngiti.  Para bagang pinapanood ko yung reyunyon namin.  Haaay!

Salamat, Debbie.  Masaya na ako na napangiti ko ang mga bumabasa.

Nangungumusta naman si Cherry, ang isa pang sumulat tungkol dito.  Salamat, mabuti naman ang kalagayan ko.  Natutuwa raw siyang natagpuan ang blog ko dahil mahilig siyang magbasa ng mga kwentong “sinauna” (ehmm, nahalata na!)  na may pagka-makata ang pagkasulat (am taking this as a compliment!), although, sa pakiramdam ko naman ay napakakaswal ang pagsusulat ko, at simpli rin ang choice of words, mga everyday words lang.  Sabi pa niya, may nabasa na raw siyang libro ko sa library ng kanilang klase.  Siguro ay kwento ko lang na kasama sa antolohiya ng Anvil Publishing na  mga kwentong nanalo sa Palanca noon at ang librong “Silid na Mahiwaga” na kalipunan ng mga sinulat ng babaing manunulat, tinipon ni Prof. Soledad Reyes ng Ateneo.  Dahil sa ngayon, ang mga libro ko, Minsan, May Isang Pag-ibig at Mahirap Ba Akong Mahalin, ay hindi pa available sa mga library at tindahan dito sa Pilipinas.  Bagaman, isang kaibigan abroad ang nangakong maglalagay ng kopya ng mga nasabing libro sa Library of Congress sa USA.

Sabi pa ni Cherry, salamat sa inspirasyon!  Sa totoo lang, Cherry, kayo ang aking inspirasyon.  Ang mga katulad mo na kahit hindi ko kakilala nang personal ay nakakaisip sumulat upang ipaalam ang kanilang nasasaloob.  Kaya, sa iyo rin, salamat!

Salamat rin kay Jhun T. isang kaiskwela sa isang monthly seminar na dinadaluhan ko.  Hindi ko malimutan ang sinabi niya nang bumili siya ng aking librong Minsan, May Isang Pag-ibig.  Na kaya siya bumili nito ay dahil nais niyang ipagmalaki sa iba na ang awtor ay kakilala niya, kakwentuhan niya, kaibigan niya.

Para bang it's not the book... it's the author!

Salamat!



No comments:

Post a Comment