Friday, May 6, 2011

WAKASAN O DUGTUNGAN



ANG KWENTO NGAYONG MAYO,
KAUNTING PALIWANAG


Katuwaan lamang ang pagkasulat ko sa kwentong ilalagay ko sa aking blog ngayon. May hawig sa tunay na buhay at pag-ibig ng karaniwang tao. Ganoon namang talaga ang pag-ibig, pare-pareho ang dating sa lahat ng nilalang. Lalo iyong mga first love. Na nangyayari noong high school. Pati ang mga problemang kaakibat nito, magkakamukha rin. Kaya, masasabing halos lahat tayo, minsan isang panahon, nagdaan sa ganitong situwasyon. Kaya tuloy, kapag nabasa ng ilan ang nasabing kwento, akala ay sila ang tinutukoy. Ito rin ang dahilan kung bakit atubili akong isama ito sa aking blog.

Ang nakatutuwa noon, pero, baka hindi na ngayon, ang ginamit ko pang mga pangalan nang ipalathala ko ito ay mga pangalan ng kilala ko't mga kaibigan. Gusto nila, kaya sunud-sunuran naman ako. Sabi nga, katuwaan lamang. Ang saya-saya pa nga namin noon, nagtutuksuhan pa.


Subalit ngayon, para wala nang usapan, napagpasiyahan kong baguhin ang lahat ng mga pangalang ginamit ko noon. Sa kanilang nakaaalam kung sinu-sino sila, makikilala nila ang kani-kanilang sarili. At alam rin nila, na kung may tatamaang katotohanan sa nasabing kwento, mayroon ding mga pangyayaring hinabi lamang ng aking malikhaing isipan.

Kumbaga ay isang “disclaimer”. Anumang pagkakahawig sa totoong tao o totoong pangyayari, ito ay nagkataon lamang at hindi po sinasadya. Narito na ang nasabing kwento.


WAKASAN O DUGTUNGAN


WHAT a night, bulalas ni Toti.

Kaya lang, bitin, reklamo ni Ellen.

Hindi pa naman tapos, sambot ni Ollie.

Natural, may karugtong pa, paliwanag ni Ally.

Tigil nga kayo, saway ko. Ang barkada, kung mag-usap, parang hindi kaharap ang pinag-uusapan. Ngunit mukhang okey lang kay Jeric. Ngingiti-ngiti, tatangu-tango. Wala ring sey si Rowena. Ngingiti-ngiti rin. Kaya lang, panay ang iling.


Kalalabas lamang namin ng Tipanan sa Manila Pen. Kung saan nagpasikat ng boogie at chacha sina Jeric at Ally. At non-stop na nagsayaw ng sweet sina Jeric at Rowena. Bago ito ay nanggaling na kaming mag-dinner sa ibang hotel na experience of a lifetime para kay Ally. Aba, e, pagsilbihan ka ba naman ng mga bunnies. Sabi nga ni Ally, naku, Nene, napakaganda naman ng katawan mo, ba't di ka mag-artista. Bira nga ni Ollie, kung puwede lang itakwil itong si Ally, nasa 5-star na, astang promdi pa rin. Pati preparasyon ng caesar's salad, inusisang mabuti, palibhasa'y tinablan na. Bago kasi nag-dinner ay nag-cocktail muna. Sa tuwa ni Ally sa blow-out ni Jeric, panay ang ginawang tungga. Kaya simula pa lamang ng dinner, malagihay na.

Nasa lobby kami ng hotel. Nag-uusap-usap kung sino ang sasama sa kung sino. Ang mag-asawang Toti at Ellen, magkasama, uuwi sa probinsiya. Si Ollie ay pauwing South Super. Si Rowena ay sa Antipolo. Si Jeric ay naka-book sa Silahis. Si Ally ay sa Sampalok. Ako ay sa Marikina.

Parang dispatcher na namahala si Ally. Si Ollie ang maghahatid sa akin. At ever, the incurable romantic, ikaw Rowena, ay ihahatid ni Jeric.

No, no, no. mabilis ang sagot ni Rowena. Ako'y susunduin at ako na ang bahala kay Eve. Ikaw, Ally ang ihahatid ni Jeric.

Lahat ng mga mata ay napako kay Rowena. Paano ang karugtong, wari ang tanong. Ang tawa ni Rowena. Nasusundan niya ang isip ng mga kaharap. Tapos na. The end. Wala na, saad ng kanyang tawa. Kay Jeric naman bumaling ang grupo. After this beautiful evening, wala nang karugtong? Tanong ng mga mata.

Si Jeric naman ang tumawa. At kinilingan, kinindatan si Rowena. You heard what the lady said. Ano pa ang masasabi ko.


JERIC, Rowena, Toti, Ollie, Ally at ako, magkakaiskwela, barkada sa high school, sa probinsiya, karatig ng Maynila. Ngunit sina Jeric at Rowena, elementary pa lamang ay magkamag-aral na, higit na matagal ang pinagsamahan. Nineteen forgotten pang talaga. Noon bang ang usong komersiyal sa radyo ay cenvoco, mantikang pantahanan, malinis, mura't malinamnam. Nang ang mga nakasahimpapawid na dula sa radyo ay Ramon Selga, Ilaw ng Tahanan, at Gulong ng Palad sa tanghali at Prinsipe Amante sa gabi. Nang ang idolo ng mga bata ay si Hagibis. At ang mga iskursiyunistang nagsisimba sa Antipolo kung Mayo ay nagtutuloy na magpiknik sa Balara at La Mesa Dam.

Ayon sa kuwento ni Rowena nang nasa high school kami, higit na may kabuhayan sina Jeric kaysa sa kanila ngunit sa dami nang magkakapatid nito, hagad din sa gastos ang mga magulang. Nagkataon pang bunso si Jeric, kaya ito ang nakasapol ng hirap ng mga kakulangan sa maraming bagay. Na marahil, siyang ugat ng di pangkaraniwang ambisyon nito. Dahil buo na ang balak sa hinaharap ni Jeric. Maghahanap ng trabaho pagkatapos ng high school. Kung puwedeng pagsabayin ang aral at trabaho, lalong mainam. Kahit na clerk, mensahero, diyanitor.

Bakit ka ba nagmamadali, usisa ni Ollie.

Ang sagot ni Jeric. Gusto kong yumaman. Hindi lamang mayaman. Kundi napakayaman. Hindi tulad ni Tatang, ang pag-aari ay mga bangkang pangisda lamang. Gusto ko'y may bahay na rito, mayroon pa rin sa Amerika. Kahalu-bilo ng matataas na tao rito sa atin at pati sa ibang bansa. Araw-araw na suot ay amerkana. Laging nakakurbata. Florsheim ang sapatos. Cadillac ang kotse. May tsuper na sarili.

Hoy gising na, singit ni Ally.

Ngunit hindi maawat si Jeric. Hindi lamang iyan, dahil very successful ako, kukunin akong maging guest speaker sa kung saan-saang conferences at convention.

O, sige, ako nang unang mang-iimbita sa iyo, sambot ni Toti. Pwede ka bang maging guest speaker ng graduation sa high school na ito kapag ako na ang principal.

Inilahad ni Jeric ang palad kay Toti. Ikasa mo, kapatid. Sikapin mo lang na maging prinsipal sa lalong madaling panahon. I'll be a millionaire before I'm forty.

Ayos, ako naman ang pumasok. Basta blow-out mo kami pagdating ng araw na 'yon.

Sinabi mo, thumbs up na sagot ni Jeric.

Lakas ng tawanan namin. Si Rowena lamang ang walang imik. Kung ano ang nasasaloob, walang nakakaalam.

Sa college nagsimula at panayang dumalaw kay Rowena si Jeric. Iyong dalaw na may kulay, hindi dalaw barkada. Kadalasan nga ay may bitbit na pasalubong. Isang supot na mani na binili sa may kanto ng Quezon Boulevard. Tatlong tuhog ng bananacue na nakabalot sa wax paper, binili sa may Lepanto. Tatlong pulang rosas galing Quiapo.

Si Rowena. Uyyyyyy... tatlo. Bakit tatlo?

Si Jeric. May ibig sabihin ang tatlo, Weng. I love you...

Nanliligaw ka sa akin, bulalas ni Rowena.

Dalawang taong singkad, matiyagang dumalaw si Jeric kay Rowena, kasabay ang iba pang manliligaw ng dalaga. Walang sinabi si Rowena kay Jeric ngunit iba ang pakitungo niya rito kaysa sa iba. Higit na matamis. Nang dumating ang ikatlong taon ng pag-aaral sa kolehiyo, bigla, ang panayang dalaw ni Jeric ay naputol. Walang liham, tawag sa telepono o anumang balita, parang bulang naglaho, wika nga. At isang bahagi ng sarili ni Rowena ang wari ay nawalan ng buhay.

Nang makalipas ang ilang buwan, isang tanghali ay walang abog na dumating sa kaserang tinutuluyan si Jeric. Anong nangyari sa iyo, usisa ni Rowena.

Kay haba ng kuwento ni Jeric. Tumigil na akong mag-aral. Nakakuha ako ng trabaho sa base. Naipasa ko ang lahat nilang iksamen. Maganda ang aking posisyon. May bago akong kakilala na alam kong makatutulong pagdating ng panahon. Marami akong natutuhan. Ito na ang simula, Weng. The oportunities are there, waiting for me. Kailangan lamang ay sipag, tiyaga, lakas ng loob. Damang-dama ko, I'm at the threshold of my dreams.

Mua noon, minsan isang buwan o dalawang buwan, dumarating si Jeric, bitbit ang mga pasalubong na binili sa px. Mga tsokolate, tela, pabango at kung anu ano pa. Bibiyahe mula Olongapo sa umaga, darating ng tanghali sa kasera, isa, dalawang oras na makikipagkuwentuhan kay Rowena, at muli, lalarga. Kailangan ako sa trabaho, ang sabi. At maiiwan si Rowena sa ilang umuukilkil na katanungan. Bakit laging tanghali kung siya ay dumalaw? Sino ang kanyang pinupuntahan pagkaalis dito? Trabaho nga kaya? O may iba. Hindi lamang ako.

Ang mga tanong na hindi isinatinig ay natulad sa kalawang na sumira sa bakal. Bumuwag sa pagtitiwala. At sapagkat walang pormal na ugnayan, ang walang linaw na relasyon ay natapos nang pagayon lamang. Nabalitaan ni Rowena, wala na sa Pilipinas si Jeric. Nasa America na raw.

Hanggang kailan makapaghihintay ang isang puso? Isang buwan. Tatlo. Lima. Hustong labing-isang buwan at tatlong linggo, tinanggap ni Rowena ang katotohanang wala na si Jeric. Hindi tulad nang unang mawala, sa pagkakataong ito ay tuluyan nang naglaho ang binata sa kanyang buhay. Sarado na ang aklat. Tapos na.

At patuloy ang buhay. Unang nag-asawa si Toti. Nanirahan sa probinsiya, nagturo sa dating high school. Sunud-sunod na nag-asawa si Rowena, ako, saka si Ollie. Nagpakatandang-dalaga si Ally, hindi malimutan ang kanyang katangi-tangi o katanga-tangang pag-ibig. Bihira kaming magkita-kita. Una't huli ay nang mag-reunion nang nakaraang taon. Ang saya, kaya lang ay kulang ang barkada. Wala si Jeric. Nasa states daw, mayaman na, mayroon nang pamilya. Iyon lamang ang balita. Kibit lamang ng balikat si Rowena. Okey na ang kanyang buhay, may apat na anak, nasa abroad ang asawa, may posisyon siya sa opisina.

Nang makalipas ang ilang taon ay hangos na tumawag sa telepono si Toti. Imbitado kita, Rowena. Ang buong barkada. Sa graduation dito sa high school.

Principal ka na, hula ni Rowena.

Tama, excited si Toti.

At guest speaker mo si Jeric.


PAWISAN si Jeric sa suot na amerkana. Kay ganda ng kurbata. Anong kintab ng sapatos. Dapat, nag-barong siya, bulong ni Ally kay Rowena. Siniko ko si Ally. Nakatingin sa amin si Toti, nasa entablado, kasama ng iba pang opisyales ng iskwelahan. Pssst, saway ni Ollie sa amin, ang gulo ninyo.

Nagsasalita si Jeric. Ang paksa ng kanyang talumpati ay tungkol sa Acres of Diamonds. Sa isang taong sa pagnanasang yumaman ay ipinagbili ang lupang minana sa mga magulang. Nagtungo sa malayong bayan na inakala niyang madudukalan ng brilyanteng inaasam. Hindi niya alam, ang lupang tinalikuran ang kinaroroonan nang hinahanap na yaman. Kaya panghuling sabi ni Jeric sa mga kaharap na estudyanteng magsisipagtapos nang hapong yaon. Bago kayo umalis, tingnan munang mabuti ang inyong kapaligiran, ang inyong iiwanan. Baka ang hinahanap ay nasa tabi lamang huwag isiping kailangang umalis upang magtagumpay. Laging itanim sa isip na nasa inyong sarili, sa inyong sariling kakayahan ang ikapagtatagumpay. Dito man sa atin. O sa iba mang bayan.

Principal na nga si Toti. Naging guest speaker niya si Jeric. At nang gabing yaon, ang pangakong blow-out ni Jeric para sa barkada, maraming taon na ang nakararaan ay tinupad. Noon nga tinablan si Ally, kaya lalong naging mausisa. Pati ang nakalipas nay pilit pa ring hinalukay.

Jeric, di ba lumigaw ka kay Rowena, ang tanong.

Ngumiti si Jeric, sabay sulyap kay Rowena. Guilty.

Kumumpas si Ally. Ba't hindi kayo nagkatuluyan, e, ganoong gusto ka rin niya.

Nabitin ang ngiti ni Jeric, hinanap ng mga mata si Rowena. Totoo?

Napatingin kaming lahat kay Rowena. Totoo, mabilis na sagot nito.

Kumunot ang noo ni Jeric at nang magsalita ay iba na ang tinig. But why didn't you tell me then?

Nakataas ang mga kilay na sinalubong ni Rowena ang mga mata ni Jeric. Hindi mo naman 'tinanong. I remember too well you never asked me.

Never asked you, my God. Kailangan pa bang itanong. Dalawang taong singkad na niligawan kita. Nang nasa Olongapo ako, kung ilang oras akong nagbibiyahe, makita at madalaw ka lamang.

Minsan isang buwan, o sa dalawang buwan. At tanghali pa. Malay ko kung may iba kang pinupuntahan pagkatapos.

Trabaho lang, Weng. Walang iba.

Isa pa 'yang trabaho mo. Masyado kang preoccupied sa pagyaman mo, na- insecure tuloy ako. Parang hindi ako bahagi ng iyong mga balak sa hinaharap.

If you had those feelings then, ba't hindi ka nagsalita, nagtanong.

Noong panahong 'yon, ang mga babae'y hindi nagtatanong.

O, my God, waring tinakasan ng lakas na sumandal ng upuan si Jeric, iiling iling. What a waste. And all those years I had the diamonds in my hand.

Tahimik kaming lahat. Kaming mga miron na naging saksi ng isang confrontation, many years too late. Nang bigla, tinukop ni Ally ang kanyang bibig, pinipigil ang nagwawalang ngawa, habang nag-uunahang naglandas ang luha sa mga pisngi.

Hoy, saway ni Ollie.

Sorry, at dagling pinahid ni Ally ng table napkin ang kanyang mga mata. Naalaala ko lang kasi ang aking tanging pag-ibig, ang dugtong pa. Iyon lamang at hagalpakan kami. Muli, bumalik ang buhay sa aming mesa. Bagaman at may naiba. Waring nagkaroon ng kakaibang sigla.


NAKAALIS na sina Ollie, Toti at Ellen. Kami na lamang ni Jeric, Rowena at Ally ang naiwang magkakaharap sa isang mesa sa lobby. Nagdidiskusyon. Post mortem, wika nga.

Si Ally ang naapektuhan sa lahat. Now what, tanong niya kay Rowena, kay Jeric.

Now what na ano, sagot ni Rowena. Jeric here is married.

Nauna kang nag-asawa, singit ni Jeric.

Hindi namansin, nagpatuloy si Rowena. And I'm happily married with wonderful children. May dapat pa bang itanong?

Sunud-sunod ang iling ni Ally. What a waste, ulit-ulit.

Dumating ang binatang anak na sundo ni Rowena. Nagpakilalanan. Nagpaalaman. Bago lumakad ang kotse, may itinanong si Jeric. When I'm in town, coud I call on the barkada for dinner or something...

Ngumiti lamang si Rowena. Hindi sumagot. At bigla kong naisip, abangan... ang susunod na kabanata.



Mayo 23, Liwayway.

1 comment:

  1. Sa kagustuhan Kong mabuhay in Muli ang nakaraan, binasa ko ang Wakasan at Dugtungan. Hindi ko mapigil ang paglingon sa nakaraan. At Muli, sobrang nalungkot ako. Ang daming " what if" na sumagi sa aking isip at kalokohan. Muling nabuhay ang akala ko ay matagal nang nalibing sa limot na unang pagibig. Narito pa rin ang kirot, mas masidhi. Sana naaalala niya ako.

    ReplyDelete