Friday, February 4, 2011

IT'S VALENTINE AGAIN, DEAR...

HAPPY VALENTINE !

Uy, Valentines na naman... ano ba ang huling Valentine gift na tinanggap mo? O ibinigay mo? At kailan ito nangyari? Ano ba ang huling Valentine na kanta na ipinarinig sa iyo ng iyong Valentine? O inawit mo sa kanya? At kailan rin ito?

Sa mga ka-henerasyon ko, ang sagot bang narinig ko ay isang malalim na buntung-hininga? Na may kasabay na ayyy, naku... no comment!

Noong araw, sa dormitoryo, big deal ang Araw ng mga Puso. Tatlo lamang namang okasyon ang isiniselebra namin noon. Ang Acquaintance Party na ginaganap tuwing Hulyo na kasisimula ng semestre sa kolehiyo at maraming newcomers sa dorm. Ginagawa ito para magkakila-kilala ang dati at bagong dating na dormitoryana, gayon din para mabistahan, kumbaga ang mga kaibigan nilang iimbitahin, na kalaunan ay siyang kadalasang bumibisita sa kanila. Ang ikalawang okasyon ay ang Christmas Party na para sa mga nakatira lamang doon. Ang ikatlo ay ang Valentines pagdating ng Pebrero. Optional na ang excursion na ginagawa pag Mayo ng mga nagsa-summer classes.

Sa Valentines Party sa dorm, bago ang aming damit, na karaniwan ay may susun-susong petticoat sa ilalim ng maluwang na palda. At nagpapaayos rin kami ng buhok, naka-tiss (tease?) kung may pambayad sa parlour sa itaas ng Cunanan Bookstore sa tabi ng UE. Kung wala, ise-set na lamang na pa-pincurl o roller na binasa ng serbesa para magkaroon ng body, sunod ay iti-tiss, saka lalagyan ng spraynet. Okey na rin, pero natural, iba iyong gawa ng talagang beautician. Beehive na beehive ang dating. O kaya ay naka-flyaway, na parang Jacqui Kennedy style.

Simpli lang din ang handa sa party. Softdrink at sandwich na may palamang chicken spread at isang balot na matamis na biscuit, siguro Marie. Nasa loob ito ng brown bag. Ayos na ang refreshment. Ang sounds naman noon ay kinontrata sa Raon, Hi-Fi Music na ang mga tugtog sa 45 at longplay na boogie (Calendar Girl, Little Brown Jug, Tweedlee Dee) at sweet/slowdrag (Only You, Shadow of Your Smile, Moon River) Kapag tango, ang tugtog ay Kiss of Fire at La Cumparcita.

Pero siempre, iba ang paghahanda sa araw na ito ng mga may boyfriend. Tanda ko pa noon, pagpasok pa lamang ng Pebrero, nag-uusap na ang mga ito (mga empleyada na at may sueldo) at nagtatanungan kung ano ang magandang panregalo. Uso pa noon ang pagbibigay ng leather belt na may magandang buckle na kundi kulay ginto, e, kulay pilak. Sa Avenida Rizal Symporium karaniwang nabibili ito. Leather wallet din sa Valleson makikita O kaya ay cigarette lighter, hindi pa masyadong bawal noon ang pagsisigarilyo. Lahat ng ito ay may engraved pang pangalan nilang dalawa, saka date.

Karaniwan namang tinatanggap nila ay belo. Uso pa noon sa pagsisimba ang nagbebelo. Itim na lace. O scarf. Panyolito. ID bracelet na may engraved ding pangalan ng binibigyan at nagbigay. Pasadyang pamaypay. Pabangong Chanel #5. Handbag. Cardigan. Na pawang espesyal ang giftwrapping. Blue Heaven pa. Noon, sikat ka kapag ito ang balot ng regalo mo. Pambalot pa lamang, mahal na.

Ang pagreregalo noon, tulad rin ngayon, ay depende sa degree ng relasyon ng magnobyo. Kung bago pa lamang, bongga ang regalo, kasi ay nagpapasikat, kumbaga. Alam na marami ang magtatanong kung ano ang regalo niya. Bagaman, mayroon namang nakikiramdam pa. Pa-long play, longplay record ni Frank Sinatra o Jack Jones muna (wala pang CD noon). O kaya ay libro. Book of poems. Ni Jose Garcia Villa. Ni Rolando Carbonel.

At siempre, red, red roses at chocolates!

Ay, inggit kaming mga istudyante sa mga kasama sa kwarto na tumatanggap ng idini-deliver mula sa Esperanza's na long-stemmed American Roses, na nasa loob ng mahabang kahon. Tapos ay lumalabas ang mga ito at kumakain sa Aristocrat o Bulakena sa Dewey Boulevard, na susundan ng panonood ng sine sa Avenue o Ideal. Iyong iba ay sumasakay sa Motorco, iyong double-decked na sasakyang nagyayao't dito sa kahabaan ng Dewey.

Iyong medyo konti ang budget ay sa Max sa QC naman nagpupunta. At iyong talagang wala, lalo ang mga istudyante, ay sa dorm na lamang nagpapalipas ng Valentines matapos magmiryenda sa canteen sa tapat ng UE. Palabok at coke. At kung sa cafeteria pa sa loob ng UE, malamang ay hopiang munggo at pineapple juice sa plastic na baso. Pare-parehas na nakaupo ang mga ito sa sala, magkakatabi. Nagbubulungan ng sweet nothings. At iyong iba, kinakantahan ang girlfriend nila., My Funny Valentine... sweet comic valentine...

Ang romantic naman... noon...

E, ngayon ba, kumusta na tayo? May natitira pa bang kahit katiting, kamunting romansa sa ating buhay? Iyon bang dumadalaw sa atin noon at nagreregalo at tayo ay kinakantahan, na siya ring naging kaisang-palad natin, at kasama sa nakaraang ilanpung taon, nareregaluhan pa ba tayo? Kahit isang balot ng Palmolive. O Dove naman, para medyo class. O naabutan ng kahit bulaklak ng katuray. O nakakantahan kaya? Kahit maputi na ang buhok ko...

Feedback naman diyan tungkol sa inyong Valentine noon... at ngayon... Ito ang paksa ng aking kwento ngayong Pebrero. Abangan ninyo!!! At aabangan ko naman ang email ninyo sa eve.manunulat@gmail.com


No comments:

Post a Comment