Saturday, February 12, 2011

VALENTINE ARAW-ARAW


VALENTINE ARAW-ARAW


KAPAPASOK pa lamang ng Enero, hindi pa naaalis sa pagkasabit ang parol, hindi pa nakakalas at naililigpit ang christmas tree at manaka-naka'y may naririnig pang putok ng rebentador sa paligid, ay panay na ang parinig ni Linda kay Joey.

Aniya, “Wow, ang bilis nga naman ng panahon. Nu'ng isang linggo lang, 1988 pa. Ngayon 1989 na. Enero ngayon, sa isang buwan, Pebrero na.”

“Natural, kasunod ng Enero'y Pebrero,” komentaryo naman ni Joey.

Medyo nainis si Linda sa asawa, pero pinayapa pa rin ang loob. At itinuloy ang parinig. “Akalain mo, Valentine na naman...”

Palihim na sinulyapan ni Linda si Joey. Patuloy ito sa pagbabasa ng peryodiko. Wa epek.

My funny valentine, sweet comic Valentine, you make me smile with my heart. Your lips are laughable, unphotographable...

Wala pa rin, subsob pa rin ang mukha ni Joey sa binabasa. Parang walang naririnig na kanta.

Sentimental at romantika si Linda. Iyong tipong gustong nakatatanggap ng regalo kung Pasko, kaarawan, anibersaryo at kahit walang okasyon. Kahit na anong regalo, hindi kailangang mamahalin. Basta at maalaala lamang siya. Kahit sabon. Kahit bulaklak ng damo. Kahit kabibe.

Kaya nga ba sa kabila ng sampung taon nilang pagsasama ni Joey, hindi pa rin niya maiwasang balik-balikan sa alaala si Orly. Ang una at tangi niyang naging boyfriend bago napangasawa si Joey.


ORLY. Wala na yatang taong hihigit pa sa pagkamaalalahanin nito. Ito ang kaagad niyang napuna sa unang pagkikilala nila ng binata. Sa loob ng bus. Standing. May nakasabit hanggang estribo. Pero talagang kailangan niyang makarating sa Baclaran. Huling Miyerkoles ng kanyang nobena. Nakahihiya mang aminin at wala naman siyang balak umamin, ipinagnonobena niyang ligawan sana siya ng kanyang crush, seatmate niya sa Cost Accounting.


Hindi na raw uso ang Boy Scout, kaya nang parahin niya ang bus, nakahanda na siyang tumayo. Nang isang lalaki ang nag-alay sa kanya ng upuan. “Miss, dito na kayo.”

Siempre, natuwa siya. “Thank you, thank you,” sabi niya, sabay upo. Maraming aklat na dala ang lalaking nagpaupo sa kanya. Siya naman ang naghandog ng tulong dito. “ Akina ang mga dala mo,” kanyang wika.

“Baka ka mabigatan,” pasumala nito.

“Nakaupo naman ako,” nakangti niyang tugon.

Orlando Marcelo, nabasa niya sa sulok ng takip ng aklat. UE. Kapareho pala niya. Ano kayang college, bakit hindi sila nagkikita. Ngani-ngani na niyang buklatin ang kandong na libro. Nang mapansin niya ang konduktor.

“Baklaran, mama. Galing Quiapo.”

Kinindatan siya ng konduktor, sinulyapan ang lalaking nagpaupo sa kanya. “Bayad na, Miss.”

Nagsalubong ang kanilang mga mata ng lalaki. “Doon rin kasi ang punta ko,” sabi nito.

“Ba't mo nalamang doon ako,” tanong naman niya.

“Panahon ng final exams ngayon, panay sa simbahan ang puntahan ng mga istudyante.”

Kahit bahagya, nakadama rin siya ng pagkapahiya sa sarili. Iba kasi ang dahilan niya sa pagsisimba. Wala tuloy siyang maisagot liban sa thank you ulit.

Sa Baklaran, hindi na siya hiniwalayan ni Orly. Alalay siya sa paglakad. Iniiwas sa maraming tao. Natapos ang nobena nang hindi niya nasabi ang kanyang petisyon. Ang buong kamalayan niya ay nakatuon sa binata na waring taimtim na taimtim naman sa pagdarasal. Nang sila ay pauwi, ibinili siya ni Orly ng sampagita.

“Ilagay mo sa ilalim ng iyong unan para mabango, maganda tuloy ang mapanaginipan mo. Ako,” saka tumawa si Orly.

At mula noon, tuwing Miyerkoles, lagi na siyang binibigyan ni Orly ng sampagita, natigil lamang nang sila ay magkahiwalay. Kaya basta nakasamyo siya ng bangong sampagita, lagi nang kasunod ang alaala ng binata.

Hindi siya niligawan ng crush niyang kaiskwela. Si Orly ang lumigaw sa kanya. Sinasamahan siya sa Baclaran tuwing Miyerkoles at dinadalaw sa tinutuluyang kasera tuwing Sabado. Sabi nga ng kanyang mga kasama, parang nagrorosaryo. Glorious at Joyful. Nang mabanggit niya ito kay Orly, binigyan kaagad siya ng rosaryo. At ang sabi. “Linda, hindi lamang glorious mystery at joyful. Pati sorrowful. Nasa sa iyo 'yan.”

Naunawaan niya ang ibig sabihin ng binata. Araw-araw pwede itong dumalaw sa kanya. Kung papayag siya. Dinama niya ang kanyang sarili. Hulog na ang loob niya sa binata. Kuhang-kuha nito ang kanyang kahinaan. Sucker siya, basta very thoughtful ang isang tao sa kanya.

Si Orly bukod sa dalaw, lahat na ng misteryo ng rosaryo, may tawag pa sa telepoho. Sa umaga. Good morning Linda. Nakatulog ka ba kagabi. At sa gabi. Good night Linda. Sweet dreams. Ako sana ang mapanaginipan mo.

Si Orly sa UE. Kapag nagkasalubong sila, laging may iniaabot. Kadalasan ay tsokolateng kisses. Ito ay nang panahong ang mga px ay doon lamang sa palengke sa ilalim ng tulay ng Quiapo at siempre sa Dau natatagpuan. Pagdating niya sa kasera, hulas na ang tsokolate. Tukso nga ng kanyang mga kasama. “Sagutin mo na Linda. Humuhulas na ang pag-ibig niya sa iyo.”

Valentines day nang sagutin niya si Orly. At mula noon, tuwing katorse ng bawat buwan, dinadalhan siya ng bulaklak na rosas nito. Laging tatlo. I love you. Bukod sa sampagita. At marami pang iba. Mga love poems na ginugupit sa kung saan-saang magasin. Pasalubong kapag nauwi ng probinsiya.

Wala na nga siyang mahihiling pa. Si Orly ang kabuuan ng isang katangi-tanging kasintahan. Kapag ikaw ang kaharap, ikaw lang ang wari ay nakikita. Kapag ikaw ay nagsasalia, parang ikaw lamang ang naririnig. Very loving. Very thoughtful. At hindi plastik. Talagang natural ang ugaling ito.

Na siyang pinagsimulan ng kanilang mga away.

“Nakita kita,” sumbat niya. “Kasama mo si Alma.”

“Nagpatulong lang. Sa registrar,” ang sagot.

Matulungin, okay. Pero iba na ang usapan nang ipagparangalan ni Alma ang isang tuhog na jasmin sa kanya. Bigay ni Orly.

Laking tampo niya sa kasintahan. “Bakit mo siya binigyan ng jasmin.”

“Paborito raw niya ng jasmin. Nagkataon namang may tanim ang tiyang ko nito,” sagot ni Orly.

“E, bakit ako, hindi mo binibigyan.”

“Hindi ko alam na gusto mo.”

Mula noon, binibigyan na rin siya ng jasmin ni Orly. Nang muli, nakita niyang may kasamang ibang babae si Orly. Nagpasama lamang daw, sa kung saan. Nainis siya, ngunit nakapagpigil pa rin. Nang dumating ang panahong madalas na hindi nakadalaw ang binata sa kanya sa kadahilanang may tinulungan o sinamahang kung sinu-sino. Ang katangiang ikinagusto niya kay Orly ang siya ring naging ugat ng kanilang paghihiwalay. Mabait. Maalalahanin. Sa lahat ng tao. Kahit kangino. Kung tutuusin ay hindi naman masama. Kaya lang, naglected naman siya. At hindi siya makapapayag nang ganoon. Buti pa'y wala na.

Matagal bago siya muling umibig. Nabalitaan niya, kung nakailan na si Orly nang ipinalit sa kanya bago ito nag-asawa. At kay Alma. Siya ay kay Joey.


JOEY. Mabait kung mabait si joey. At matalino. Kaya niya nagustuhan. Palabasang tulad niya. Isang intelektuwal. Magkasundo sila kaya lang, nang mamahagi siguro ng katangiang pagkamaalalahanin ang Diyos, bahagya nang naabutan si Joey. Karaniwan lamang ang pagkamaalalahanin nito. Kung baga sa iskuwela ay average lang. At nang maging mag-asawa sila ay nabawasan pa. Bukod sa naging praktikal pa. Noon ngang kaarawan niya, heto na si Joey. “O, eto ang pera, hindi ko alam ang gusto mo. Ikaw na ang pumili.”


Sa mga ganoong pagkakataon, maaalaala niyang muli si Orly. Ilan bang pocket book ang naibigay ni Orly sa kanya na hindi naman niya gusto. Pero, iba pa rin iyong nakabalot na regalo. Hindi perang nasa sobre.

Kung Pasko naman. “O hayan ang bonus ko. Buung-buo. Bilhin mo na ang gusto mong regalo.”

At kung Valentine. Nang magboyfriend sila, oo. Records at libro na kasama siya nang bilhin. Okey sa kanya iyon. Kaso nang maging mag-asawa na sila, sorry, wala nang sound. At doon, doon niya muling naalaala si Orly. Hugos na ang mga gunita ng nagdaan nilang kahapon nito. Iyong kahon ng tsokolateng black magic. Social telegram ng rcpi. Tatlong pulang rosas sa parihabang kahon. Tapos, sasakay sila ng taksi, kakain ng fried chicken sa Max's sa Quexon City. At habang sila ay nasa loob ng sasakyan, kakantahan pa siya. My funny valentine, sweet comic...

Wala naman siyang ibang reklamo kay Joey. Kung magiging maalalahanin lamang ito, kahit bahagya. Sabi naman ng isang kaibigan nang maidaing niya ang problema. “Sa iyo manggaling ang paraan. Turuan mo.”

Dalawang araw bago dumating ang Valentine, kinausap niya si Joey. “Sa Valentine, treat kita Joey. Kumain tayo sa Max's...”

“Okey,” ang sagot. Bakit ba heto na naman ang mukha ni Orly. Kung ito siguro ang napangasawa niya, ito ang magyayaya sa kanya. Sa Max rin, for sentimental reasons. At tiyak, tatanggap siya ng roses at chocolate mula rito. Ay, kay lalim ng kanyang buntong hininga.


ARAW NG MGA PUSO. Sa Max sa Greenbelt sila nagpunta dahil sa Makati nag-oopisina si Joey. Puno ang restoran nang sila'y dumating . Binulungan siya ni Joey.

“Daming kumakain. Bumili na lang kaya tayo ng lechong manok dun sa may Queen”s at umuwi tayo.... at manood ng beta.”

Ang irap niya'y tinugon ng kindat ng asawa. “Relax ka lang. May mababakante na.”

Nakatuun ang kanyang mga paningin sa isang mesa. Nakabayad na ang lalaki. Naghahanda nang tumayo ang magandang babaing kasama nito. Iniabot ng lalaki ang isang kahon. Tsokolate, tiyak. At ang parihabang kahon na kinalalagyan ng mga pulang roses. Tatlo. I love you. Uy, may pinagpag pang dumi sa balikat ng babae. Inalalayan sa pagtayo. How sweetah. How very loving ng lalaki.

Nang makilala ito ni Linda. Ang lalaki ay si Orly. Ang napaka-thoughtful na si Orly, may kasamang ibang babae sa araw ng mga puso. Hindi si Alma. Hindi ang asawa. Roses and chocolates. Diyos ko, salamat po. Ipinag-adya mo pa rin ako.

Binalingan ni Linda ang asawa. “Sige... bumili na lang tayo ng litsong manok. Umuwi na tayo...”

“After the lechong manok...” nanunukso ang tinig ni Joey.

A, si Joey. Na hindi kasing maalalahaning tulad ni Orly, ngunit dama niyang siya lamang ang mahal, na nag-iisa siya sa buhay nito. Si Joey na siya ang kasama sa araw ng mga puso. A, kay Joey, araw-araw ay Valentines Day. Wala mang bulaklak. Wala mang tsokolate. Bastat hindi nawawala ang pinakaimportante. Pagpapahalaga. At pag-ibig.


LIWAYWAY, January 11, 1989

1 comment:

  1. LEKAT PALA SI ORLY; SOBRA NGANG MAALALAHANIN. SA LAHAT PALA NG BABAI AY GANYAN SIYA. MABUTI AT NATAUHAN SI LINDA; KUNG HINDI, NAKATENGGA SIYA SA VALENTINE.. MASAYA NA ANG MGA MISIS, BASTA KASAMA NILA ANG ASAWA SA VALENTINE'S DAY. AT SA LAHAT NG OKASYON....

    ReplyDelete