Saturday, August 1, 2009

FRANK

FRANK


Ang napakahabang pila ng mga tao sa harap ng Folk Arts Theatre ang unang napansin ni Emma pagbaba niya ng taksi. Isa sa kaliwa, isa sa kanan. Ang tinungo niya ay ang gitnang entrada ng tanghalan at ipinakita ang kanyang tiket sa sumalubong na guwardiya.

“Blue ticket. Side bleacher ho ito. Mamili na kayo kung sa’n n’yo gusto, kaliwa o kanan. Mas maigsi yata ang pila sa kaliwa,” wika ng guwardiya.

Tinungo ni Emma ang kaliwang pila ngunit sa kalagitnaan ng paglalakad ay napatigil siya. At kanyang naisip. Paano malalaman ni Mario kung saan siya pumasok. Kung sa kaliwang side bleacher o sa kanan. Dangan kasi… ang hinanakit ay kirot na nadama ni Emma.

Si Chita, isang kaibigan buhat pa sa mga araw niya sa dormitoryo sa may Recto Avenue, Azcarraga pa noon, ang tumawag sa kanya tungkol sa concert.

“Hoy, Emma, darating si Frank Sinatra!” at tumili si Chita, ng pamilyar at hindi nagbabagong tili nito.

“Talaga? Akala ko, lokohan lang yan.”

“Hindi. Tutoong-totoo ito. Kaya lang, ang mahal ng tiket. Nagtanong na ko sa SM. Walang five hundred du’n. Mula one thousand lang ang binebenta. 1000.00 pesos! Diyos ko! Pero Emma, kayang- kaya mo yan,” tuluy-tuloy, humahangos sa pagsasalita si Chita, ang dati pa ring si Chita.

Darating si Frank Sinatra! Si Frank Sinatra ng kanilang kabataan. Ng panahon ng kanilang pag-aaral. Sila nina Chita at Angeling at Chabeng sa UE. Sina Puring, Femme at Lor sa CEU. Si Frank Sinatra ng mga araw ng pagtira sa St. Catherine’s Ladies Hall, ang korteng kahon ng posporong dormitoryo na pinamamahalaan ni Ate Nene na taga-Cabiao. Si Frank Sinatra na ang mga awit ay theme song ng bawat magnobyong nagbubulungan sa sala ng dormitoryo tuwing oras ng pagbisita. Hindi niya nakakalimutan, naulinigan niyang kinakantahan ni Ernie si Lita, isang kasamahan sa kuwarto. I’m a fool to want you. I’m a fool to need you at tinukso niya si Lita. “Ay, tutoo nga, he’s a fool,” at kinurot siya nito.

Tinungo ni Emma ang kaliwang pila. Naisaloob niyang malapit ito sa dagat. Hindi naman naka-aircon ang Folk Arts at medyo mahangin sa gawing ito. A, bahala na kundi sila magkita ni Mario. Ang nagbabangong sama ng loob ay pilit niyang iwinaksi. Nginitian ang babae sa kanyang harap.

“Favorite mo rin ba si Frank Sinatra?”

Napatawa ang babae. “Gusto rin ho. Pero sinamahan ko lang si Mommy.”

Buhat sa likuran ni Emma ay may narinig siyang nag-uusap. Sa tingin ko lang, ang average age ng mga manonood ngayon, e singkwenta.

May sumagot. Baka higit pa. Isipin mo namang seventy eight na si Frank Sinatra. Mantak mong ilang dekada na yang kumakanta.

Totoo iyon, naisaloob ni Emma. Bata pa siya ay kinakanta na niya ang mga awit nito, itinuro sa kanya ng kanyang tatay. Sa saliw ng ukulele. This love of mine, goes on and on. Though life is empty since you’ve been gone… at damang-dama na niya ang tema ng awit nito kahit hindi pa niya malay umibig.

Masasabing walang isang panahon si Frank Sinatra. Manapa’y lahat ng panahon ito. Nasa high school siya, sa gusaling nasa gilid ng MacArthur highway, malapit sa kapitolyo ng lalawigan, sa lilim ng malaking puno ng akasya, kasama ang mga kabarkadang sina Adela, Aida, Fely at Violeta, bigay-damdaming lagi nilang kinakanta ang isang awit ni Frank Sinatra na paborito nila. You’ll never know just how much I miss you. You’ll never know just how much I care. And if I tried I still couldn’t hide my love for you…

Nasa kolelhiyo siya nang maimbitahang minsan sa isang Frank Sinatra party. Ginanap iyon sa silong ng malaking bahay ng kaniyang titser sa piyano sa kanilang bayan. Tandang-tanda niya, malakas ang ulan noon, ang kasama niya ay ang pinsang si Conching na taga-Guiguinto. At kahit may kuryente ay walang sindidong bombilya sa pinadarausan ng parti. Panay ilaw lamang ng kandila ang nagbibigay ng liwanag. Napaka-romantic, biruan nga. Habang mula sa hi/fi, panay naman ang awit ni Frank Sinatra. I think of you with every breath I take, and every breath becomes a sigh… at haba ring cheek to cheek na nagsasayawan ang lahat.

Sa kantina sa UE, habang kumakain sila ng pansit nina Linda at Hilda (nasaan na kaya sila?), Regia at Oscar (akalain ba niyang ang dalawa pala ang naging magkapalaran), at Tony C. (si Tony, bilyunaryo na raw, hindi na maabot, may insurance company na, may memorial park pa, bukod pa sa kung anu-anong negosyo), at haba ring pinag-uusapan ang paborito nilang professor sa cost accounting na si Doroteo Pasion, ang pinakikinggan naman nila mula sa jukebox ay Uldawi, sabi nga ng pilyong si Vic. Win sambadi labs yo, its nu god anles he labs yo…

Kapag weekend, sa pag-uwi sa probinsiya para magpalaba at kumuha ng sanlinggong panibagong isusuot, tuloy pa rin ang kantahan ng barkada nilang wack-a-doos na sina Azon at Lolly. Ang kanta ni Lolly, Come to me my melancholy baby, cuddle up and don’t be blue, All your fears are foolish fancies, maybe, You know honey, I’m in love with you… na sa palagay niya, kilala niya ang pinatutungkulan. At si Azon naman ay I’m going through the impatient years, the years when the days seem twice as long… Iyon ang panahong hindi alam kung saan papunta ang buhay. At siya. Ano nga ba ang kinakanta niya noon? Kapag nagkakaseryosohan na iyong dalawa, binibirahan yata niya ng sinisinta kita’y di ka kumikibo.. at natutuloy sa halakhakan ang lahat.

Sa dormitoryo, sa Room Four, ang pinakamaingay na kuwarto ayon kay Ate Nene, nagkakagulo naman sila sa ibabaw ng kama ni Lita, dahil wala si Lita at nasa opisina, hawak ang songhits, kani-kaniya sila nang pagsosolo. Si Angeling, ang kanta’y I’ve got you under my skin, I’ve got you deep in the heart of meayaw namang sabihin kung sino ang pinatutungkulan.

Si Puring ay Love and Marriage. Con todo arte pa. Go together like a horse and carriage…

Si Lor ay All of Me… why not take all of me Si Femme ay Three Coins in the Fountain. Which one will the fountain blessSi Chita ay Tender Trap. Si Chabeng ay Close To You.

At siya, ang lagi niyang kinakanta ay Someone To Watch Over Me.

There is somebody I’m longing to see,
I hope that he turns out to be,
Someone to watch over me…

Si Mario, ang someone na iyon, nakilala, naging kaibigan sa simula, nanligaw, kalaunan, naging kasintahan. Naging regular na bisita sa dormitoryo. At tulad ni Ernie kay Lita, kinantahan rin siya. Mahina lang, halos pabulong.

Just in time, I found you just in time.
Before you came my time was running low
I was lost, the losing dice were tossed
My bridges all were crossed, nowhere to go
Now you’re here and now I know just where I’m going
No more doubt or fear I found my way
For love came just in time, You found me just in time
And changed my lonely life that lovely day.

Habang sa kabila ng manipis na dingding ng Room One na katabi ng sala ay humahagikgik na nakikinig sina Angeling at Chita.

Ilang taon pa at ikinasal sila ni Mario na dinaluhan ng mga kasama sa dormitoryo, puwera si Angeling na dahil tapos nang mag-aral ay hindi na niya nasundan kung nasaan. Laking hinanakit nito, nalaman niya kalaunan. At sa kanyang buhay may-asawa, kaalinsabay pa rin niya ang mga awit ni Frank Sinatra. Habang sinusulsihan niya ang punit na polo ni Mario ay mahina siyang umaawit.

For once in my life I have someone who needs me…
Someone I’ve needed so long
For once unafraid I can go where life leads me
And somehow I know I’ll be strong…

At nang isilang niya ang una nila anak, habang nasa ospital siya, sa isang kuwartong single occupancy pero hindi aircon, sa Mary Chiles hospital, natimo sa kanyang isip ang isang awit ni Frank Sinatra na kinakanta ng kung sino sa kalaliman ng gabi, sa may labasan…

Strangers in the night exchanging glances.
Wond’ring in the night What were the chances,
We’d be sharing love before the night was through
Something in your eyes was so inviting
Something in your smile was so exciting
Something in my heart told me I must have you…

Nasundan ang kanilang anak ni Mario, nagsilaki ang mga ito, nag-aral. Tumigil siya nang pagtatrabaho, tumaas ang tungkulin ni Mario, nagkakotse sila, at mula sa apartment ay lumipat sa sariling bahay. Natapos sa pag-aaral ang mga bata, nagsipaghanap-buhay at ilan sa mga regalong tinanggap niya sa mga ito kung pasko at kaarawan niya ay mga plaka at tapes ni Frank Sinatra. Kaya lamang, sa pagdaraan ng mga taon, napuna niyang nag-iisa na lamang siyang nakikinig dito.

Alam niya, walang iba, walang ikatlo, ngunit laging wala si Mario. Bisi sa trabaho. Mga miting na dapat daluhan. Mga sosyalang hindi maiiwasan, minsa’y kasama siya, minsa’y hindi.. mga seminar, out of town. Conferences sa ibang bansa. Alam niya, dama niya, wala siyang dapat ikabahala. Kaya lang, parang wala nang panahon sa kanya si Mario. Natigil na ang paglabas-labas nila. Ang panonood ng sine at play ng repertory. Ang mga kwentuhan.

Naputol ang daloy ng gunita ni Emma. Lumalakad na ang pila. Luminga-linga siya, umaasang makikita si Mario. Sabi nito. Akina ang tiket, susunod na lang ako sa iyo. Pipilitin kong makaalis agad sa miting.

Ang sama ng loob niya. Alam niyang hindi sentimental si Mario, na karaniwan sa mga lalaki, pero iba ito. Si Frank Sinatra ay bahagi ng kanilang nakaraan.

Pagdating sa bleacher, inilapag ni Emma ang dalang pamaypay at bag sa kanyang tabi, bilang tanda na may uupo roon. Umaasa pa rin siya. At ang matagal na paghihintay sa pagsisimula ng concert ay hindi napuna ni Emma dahil sa pagtingin-tingin sa mga tao. Nang awitin ang pambansang awit, nakadama ng panlulumo si Emma. Papatayin na ang ilaw, paano pa siya makikia ni Mario?

Sinipat ni Emma sa dalang munting binocular ang mga tao sa entablado. Si Raul Manglapus at ang grupo nitong The Executive Band. Naalala niya. Isa sa mga anak nilang lalaki ay gusto sana niyang pangalanan ng Raul na ang ispeling ay Raoul, pero ayaw ni Mario. Pangalan kasi ng boss nito’y Raul.

May singit pang kanta si Eddie Mercado, bago si Lea Salonga. A, si Lea. Na isa sa mga inawit ay On My Own mula sa Les Miserables. Ang kauna-unahang Broadway play na napanood niya sa New York. Sa kagandahang loob ni Angeling. Si Angeling ng dormitoryo days niya na isa nang immigrant sa States, nakatira sa Jackson Heights sa Queens, kasama ang roommate na si Pining, kung saan siya tumuloy nang nagtour siya sa States. Nag-tour nang mag-isa dahil kahit kasama sa gayak si Mario ay hindi nakasama sa tulak. Dahil na naman sa trabaho. At sa malaking inis, kahit takot siyang magbiyaheng mag-isa, tumuloy na rin siya. At nag-enjoy rin naman, salamat kina Angeling at Pining.

Nang buksan ang ilaw para sa intermission, muling lumingap-lingap si Emma. Nang hindi makita si Mario ay binalingan ang katabi, ang mag-inang nasusundan niya sa pila. Kinausap. Kung saan pa uuwi. Pinag-usapan rin nila si Frank Sinatra. Baka mag-collapse, buti nang first day sila manood, kasabay pa si Presidente Ramos. Habang naiisip niya, malabo nang dumating si Mario. Baka hindi nakaalis sa miting. O baka nasa kabilang side bleacher. Very funny, sa loob loob niya.

Nang may magsalita sa tabi ni Emma. “May nakaupo ho ba rito?”

Lumundag ang puso ni Emma. Inalis niya ang nakalapag na pamaypay. “Meron ho, pero, alang-alang sa inyo.”

Ngumiti si Mario. Naupo. Ngumiti rin si Emma, nilinga ang asawa. “Bakit dito ka nagpunta? O nanggaling ka na sa kabila?” birong tanong niya.

Si Mario. “Hindi aircon ang Folk Arts, kahit sinabi pang ipapa-aircon. Para sa show na ito. Siyempre, mas malamig sa gawing dagat. Kaya, alam kong itong kaliwa ang pipiliin mo. Am I right. Or am I right,” nakataas pa ang kilay na tanong nito.

Nakangiting inirapan ni Emma ang asawa. Nagkakatugunan pa rin pala sila ng isip ni Mario. Sa kabila ng panahong wari ay hindi sila nagkakaulayaw. Namuno sa kasiyahan ang kaniyang puso. At nang patayin ang ilaw sa loob ng tanghalan, nang isigaw ang pangalan ni Frank Sinatra, na sinalubong ng masigabong palakpakan at hiyawan ng mga tao, nang simulang awitin nito ang Come fly with me, let’s fly, let’s fly away …

naramdaman ni Emma na mahigpit na ginagap ni Mario ang kanyang palad, halos hindi pinakawalan sa buong oras ng pagtatanghal, binibitiwan lamang para pumalakpak.

At nadama niya, parang bumalik ang mga taon.


Oktubre 17, 1994, Liwayway.

1 comment:

  1. Sayang, na-missed ko yung show ni Frank Sinatra sa Pinas nuon. Kung naroon ako, nakita ko sana sina Mario at Emma na magka- holding hands. Ka-inggit naman.. he he

    ReplyDelete