Saturday, May 2, 2009

TAG-ULAN NA...


TAG-ULAN NA


Mayo na ngayon. Paulan-ulan, dala ng namumuong bagyo sa ibang panig ng bansa. Hindi na ito matatawag na April shower. Na nakagawian ko, kapag pumatak ang ulan sa buwan ng Abril, lagi kong kinakanta iyong isa sa natutuhan ko sa Women’s Club nang nag-aaral pa ako sa UE (kasamahan ng Desert Song), na ang nagturo ay si Prof. Remedios Bosch Jimenez, na sa pagkakaalam namin noon ay isang opera singer.


When April showers will come your way
They’ll bring the flowers that bloom in May
So, if it’s raining have no regrets
For it isn’t raining rain, it’s raining violets…

Medyo uplifting iyong kanta. Kasi, kapag umuulan, na kulay abuhin ang paligid, parang ang lungkut-lungkot. Lalo na sa mga batang hindi pinapayagang makapaglaro o maligo sa ulan. Tulad ko noong araw. Nakapanungaw lamang ako sa aming bintana at tinatanaw ang mga kalarong nagtatampisaw sa tubig na naipon sa mga lubak-lubak ng kalsada. O sumasahod sa malakas na buhos ng tubig na nagmumula sa bubong ng bahay, na sa mga alulod nagdaraan. Naalala ko tuloy ang kanta ng Apo Hiking.

Pumapatak na naman ang ulan sa bubong ng bahay
Di maiwasang gumawa ng di inaasahang bagay
Laklak ng laklak ng beer magdamagan
May kahirapan at di maiwasan
Mabuti pa kaya, matulog ka nalang at baka sumakit ang tiyan

E, bata pa ako noon, saka di naman ako umiinom ng beer, ang nangyayari, nagkakasya na lamang ako sa pagbili ng inilalakong binatog, o inihaw na mais ni Candeng. O bagong lutong bitsu-bitsu ng Nana Asyang sa katabing bahay namin. Tapos ay ang pagpapaanod ng bangkang papel na gawa sa pinilas na pahina ng Liwayway, sa umaagos na kanal sa magkabilang gilid ng kalsada paghinto ng ulan. Kung saan umaabot ang aking mga bangka ay di ko alam. Ngayon yata, nakararating sa Malakanyang ang mga bangkang papel na ipinaaanod… nalagay ito sa diyaryo noon…

Pero, ngayon, kung talagang walang magawa, saka nakaupo ka sa inyong balkon (may balkonahe pa ba ngayon ang mga bahay sa probinsiya?), o nakapamintana (kung nabubuksan pa ang mga bintana at hindi natatabingan ng screen at grills o venetian blind o kurtina), o nakaupo sa dahilig o tumba-tumba o monobloc na silya sa patyo ng inyong bunggalo, habang pinapanood ang masinsing patak ng ulan sa kalsada, sa eskinita, sa hardin, sa semento --- ang kinauuwian ay ang hindi maiiwasang pagmumuni-muni.

Ano ba ang buhay? Saan ba ako papunta? May nangyari ba sa loob ng kung ilanpungtaong narito ako sa mundo? May maiiwan ba akong may halaga materyal man o iba pa? Sino ba ako talaga?

Mga isiping may haplos ng lungkot. At pagkabahala.

May isang tulakis (ito ang tawag ko sa mga tula-tulaan na aking nahabi sa mga sandaling ginaganahan, kumbaga, na parang sumusuma sa aking nadarama sa mga ganitong tipo ng panahon, lalo na kung kumakagat na ang dilim…

Anino ng dahong nangagsayaw-sayaw
At perlas na hamog sa lulot ng rosal
Bakit sa isip ko ang dala mo’y panglaw
Ano’t sa puso ko’y may hatid kang lumbay?

Ikaw ba ang dahon na siyang tatabon
Sa hinuhukay kong puntod ng kahapon?
Ang perlas bang hamog ang luhang dadaloy
Kapag sumapit na ang takdang panahon?

Siga’n na ang dahon na nangalalaglag
Isama sa usok ng tuwa at galak
Pailanlangin na, isapi sa ulap
Pagbalik sa lupa ay ulang laganap.

Anino ng dahong nangagsayaw-sayaw
At perlas na hamog sa lulot ng rosal
Sa mata ng puso’y kay gandang pagmasdan
Dahil sa gunitang babalik-balikan.

Malungkot, ngunit sa dakong huli, may kasiyahan pa ring taglay. Katulad ng mga alaala ng nakaraang panahon, na maya’t maya’y napag-uusapan.,, ulit-ulit na sinasariwa… kahit minsan ay may hatid itong kirot…

Na katulad rin ng ulan, buwan man ito ng Abril pumatak. O sa mga buwan ng tag-ulan. Dala nito’y tubig ng buhay, para sa bukirin, sa mga halaman, sa mga inuming dadaloy sa mga gripo sa mga tahanan.

Ang kahalagahan ng ulan ay nasa mga matang tumitingin. Ulan man itong tunay o ulang pumapatak sa buhay ng isang nilalang.

Abangan ang kwento ng buwan ng Mayo, IBUKAS MO LANG ANG IYONG PUSO na nalathala sa Liwayway noong Marso 4, 1974.

1 comment: