Sunday, April 26, 2009

COMMENTS AND FEEDBACKS, ABRIL 2009



COMMENTS AND FEEDBACKS, ABRIL 2009


MINSAN, MAY ISANG BARKADA…


-Ang lungkot na naman ng kwento mo! Kaya nga kung minsan ay ayaw ko ng basahin ang mga kwento mo. Mapapaiyak mo ako. Hindi ko malaman kong kanino ako magagalit - kay Manding na napakahina ng loob at hindi makapagtapat kay Sonia; o, kay Ben na hindi makapagtapat kay Manding na gusto rin niya si Sonia; o, kay Sonia na hindi nakakuha ng paraan upang masabi niya kay Manding na may gusto siya kay Ben ngunit mukhang nag-aatubili si Ben na lumigaw sa kanya!

Baka puede namang sabihin mo sa akin kung sino-sino ang mga ito talaga: sino si Ben, si Manding, si Sonia! (From B.)

(Sino nga ba si Ben? Si Manding? Si Sonia? Minsan, sa isang high school reunion na dadaluhan mo, lumingap ka sa paligid. Maaaring si Sonia ay isa sa mga kamag-aral mong hanggang ngayon ay “matibay” pa rin, dalaga but not for lack of opportunities. At si Manding ay isang kaibigan na binata pa rin, gayong marami namang mga dalagang nagkakagusto rito, ayaw lamang patulan. At si Ben…ay maaaring isang kaiskwela na wari ay maligayang nakapag-asawa, ngunit paminsan-minsan, mapapansin mong pasulyap-sulyap sa isang kamag-aral. Sa bawat isa sa kanila, o sabihin nang sa isang bahagi ng puso nila ay natitiyak kong katatagpuan ng mga alaalang katulad ng nasalaysay sa kwento. Ang panahong yaon na lubhang pinahahalagahan ang pagkakaibigan.

At natutuwa ako kapag sinasabi mong napapaiyak ka ng aking kwento. You may have noticed, most of my kwentos are poignant, may kurot kumbaga, sa puso. But then, that is life. Hindi lahat ay happy ending.)

- Binata pa rin....dalaga pa rin....!!! Gosh, what's stopping them? This is what-- - love can't be rushed nor forced. It must be free to find its own destiny! (From EVD)

(Look who’s talking! But I agree. Love can’t be rushed nor forced. Sumisibol iyan, kumbaga sa halaman. And it will seek its own level, kumbaga sa tubig. Kaya, kahit parang ayos naman ang lahat, dalaga naman at binata, kapag may kulang, whatever it is… then, walang mangyayari. Hindi mapipilit. Noon iyan… nang hindi padalus-dalos ang mga tao at ang lahat ay pinag-iisipan.)

-Ang saya nga ng Mahal na Araw sa probinsya, lalo na nga kung may barkada. Basa ng Pasion , tapos kain, manood ng senakulo, punta sa Kapitangan at may karidad pa sa daan (kariba at tubig para sa mga nauuhaw na naglalakad.) Hay! How time flies. Ngayon ay iba na , puro outing kung saan-saan at di na yata nag aayuno ang marami. Totoo nga yung sa kwento mo na ang mga magkakabarkada nun ay nagbibigayan lalo na pagdating sa mga sinisinta ng bawat isa. Masarap ring balik-balikan ang mga nakaraang panahon. Minsan ay napapangiti na lang ako sa sarili pag naiisip ko ang mga panahon ng mga Wackadoo. Aabangan ko na lang ang susunod mong story. Nakakaaliw kasi. Bye! (From CM.)

(Nabanggit mo ang Wack-a-doo! It was a barkada within a barkada. I would say, iyon ang younger set na kinabibilangan natin. Naalaala ko tuloy iyong mga “escapades” natin, na ang tawag ngayon, e, “gimik”. Iisipin mo bang nagkakasya tayo, labing-apat, sa isang owner na jeep! Na kapag nagbilangan ng tuhod, parang tig-i-tig-isa lamang, dahil patung-patong halos! Kung saan-saan tayo nakararating, kawawa ang dinaratnan na magpapakain ng pananghalian. Minsan nga, buko ang pananghalian natin, saka santol. Titibay naman ng ating mga tiyan, hindi nasisira. Saya lang talaga.)


-It brought back memories of Kapitangan in Paombong during Good Friday.
I like the ending - it leaves something to the imagination. (From G.)

(Nang mapunta ako sa Kapitangan sa Paombong ay may asawa na ako. Hindi kasi ako napayagan noon na pumunta rito kasama ang aking mga barkada, masyado raw mainit at maraming tao. Bueno, pag sinabi ng mga “old” (tawag natin sa erpat at ermat noon), wala tayong magagawa. Kaya, nang magkaasawa ako, na wala na sa kanilang poder, kinayag ko na ang aking asawa at maliliit na anak para maipakita ang mga nagpepenitensiya rito at ang mga nagpapapako sa kurus. Pero, ang isa pang hindi ko nakita at napanood noong araw ay ang nagsesenakulo sa Caingin! Gabi kasi gawin iyon at hindi rin ako napayagan noon.)


-Ganap na ganap ang pagkalarawan mo sa mga ginagaygay ng barkada. Masayang balikan ang mga lugar na yaon, na kinagisnan namin, at nilakaran din namin ng aking barkada. Kaya nga lang, 2 sa barkada ko ay mga pinsang buo ko at may nirereto sa akin na pinsan din nila sa kabilang side. Ang di masaya rito ay hindi ko kursunada ang nasabing kapitbahay. Ay bakit ba dito napunta ang usapan?...Basta, siyang-siya ako sa kwento mo. (From C.)

(Huhulaan ko kung bakit hindi mo kursunada! Dahil ba… ay, huwag na lang. Anyway, ang saya-saya noon, di ba? Bagaman at nitong nakaraang Semana Santa 2009, marami akong naging bagong karanasan. Dulot ito ng pangyayaring may dalawa akong munting balikbayan na nais ng kanilang ina na makaranas ng kung paano idaos ang Kwaresma sa Pilipinas. Ang nakatutuwa, ang mga ito ay “first time” din para sa akin.

Tulad ng “Salubong”. Hindi ako nakakita nito noong maliit ako, dahil kailangang gumising nang madaling-araw at magtungo sa pagsasa-lubungan ng Mahal na Birhen at ni Hesus kung saan may munting anghel na nakabitin o “suspended” sa karaniwan na ay isang mataas na puno, na siyang mag-aalis ng lambong ng Mahal na Ina pagdaraan nito. Isang coveted role ito ng mga batang babae. Kumbaga sa resume, nababanggit-banggit paglaki na ako aniya, e, ilang taong naging anghel sa salubong. Na kaya lamang natigil ay nang tumaba na at natakot na ang nanay na baka hindi na makaya ng nagdadalang lubid o anupaman.

At nakakita ako nito ngayon dito sa Marikina. Kasama ang mga munting balikbayan, nagtungo kami sa patio ng simbahan ng Saint Paul of the Cross kung saan magsasalubong ang dalawang karo na kinasasakyan ng Mahal na Birhen at ni Hesus.

Ang paglilibot ng barkada noong araw, na tinutupad ko ngayon sa pamamagitan ng visita iglesia tuwing Huwebes Santos, sisimulan sa UP Chapel, La Strada, Sta. Clara, San Roque, Concepcion, sa may Greenland, sa SSS, at ilang taong kasama pa ang Mount Carmel, Sto. Domingo at Divine Mercy, ay nabago rin sa taong ito. Dahil sa mga munting balikbayan, iba’t ibang araw ng Semana Santa ginanap ang pagbibisita.

Lady of the Abandoned sa San Roque (at itinuloy ng nanay na bisitahin ang Shoe Museum sa kalapit ng simbahan);

Virgen dela Paz & Buen Viaje sa Antipolo (at nag-uwi ng kasuy);

San Sebastian sa may Legarda (kung saan kinatok-katok pa ng mga bata kung bakal nga ang mga dingding at poste nito, bakal nga! At kung saan hugos na dumating sa akin ang alaala ng mga araw ko sa dormitoryo; kung kailan malimit kaming magsimba rito; kung paanong ang isang kasama sa kwarto ay inaaring parang pelikula ang misa, na kapag nag-abot ang dalawang misa ay nakabuo na raw siya);

Sto. Nino ng San Beda Chapel sa Mendiola (a, ang panahong iyon na kabisado namin ang cheer ng mga Bedan, the Red and the White, colors true, it is you, we defend, Fearless for you, our might to the fight we will lend, so wave banners wave, We will fight on for your glory, Red and White, we will fight till the fight is won! Bagong salta kami sa Manila, panahon ng NCAA at nina Caloy Loyzaga);

ang bagong simbahan sa tabi ng Mall of Asia (pero sarado pala ang MOA, kaya sa may Blue Wave sa Makapagal kami bumagsak);

Mother of Perpetual Help sa Baclaran (na kay tagal ding hindi nabisita, kaya parang kumpletong-kumpleto ang buhay nang muling napasok rito)

at ang pinakahuli, Saint Paul of the Cross sa SSS.

Tunay na naging napakamakahulugan ang nasabing linggo. Salamat sa mga balikbayan.)

At sa isang natalisod…

-magandang araw po!!!! taga balagtas po ba kayo? natisod ko lang po kasi ang blog nyo dahil naghahanap po ako ng storya ni dolphy na may kaugnayan sa balagtas. .taga balagtas po ako, at natutuwa po kapag may nakikitang mga sikat na personalidad na may kaugnayan sa bayan ng balagtas. maraming salamat po!!! (From Anonymous – adaptor….)

(Kung sino ka man, salamat din sa pagkatalisod mo sa aking blog. Hindi ako taga-Balagtas, ngunit taga-Bulacan rin. At kilala at paborito namin sa aming lugar si Dolphy, kasi nga ay kamag-anak siya ng Ka Picang na kapit-bahay/kamag-anak namin sa Malolos. Lahing Bigaa (Balagtas) siya na nakapag-asawa ng tagaroon sa amin. Kamag-anak rin yata niya si Macario Pineda, isang ipinagmamalaki rin ng inyong bayan. Sana ay muli kang bumisita sa aking blog para basahin ang mga kwento rito.)

Text comments: Sa mga nagtext sa akin, salamat din. Kay N na dinala pa ang kopya ng mga kwento sa Bicol para doon basahin; Kay R na ever faithful na tagasubaybay. At kay LTR, presidente (raw, ayon sa kanya) ng aking mga tagahanga, na nagsabing hindi lamang siya ang tagahanga ko, kundi pati ang kanyang mga kapamilya, salamat, salamat, salamat! Si LTR ay isang kilalang awtor ng mga aklat tungkol sa kanilang bayan at isang propesor sa UP.



1 comment:

  1. I guess you should start blogging in English. Many people here are English and cannot understand this language. Also, you can reach to a larger audience then.

    ReplyDelete