Wednesday, April 1, 2009
MINSAN, MAY ISANG BARKADA
MINSAN, MAY ISANG BARKADA
Mahal na Araw. Taun-taon, dala ni Ben ang kanyang buong pamilya sa Baguio. Mula nang maliliit pa ang kanyang mga anak, hanggang sa lumaki at magkaisip ang mga ito, ang pagbabakasyon ay ginagawa nila taun-taon. Dahil maykaya sa buhay at may minanang matandang yaman sa probinsiya sina Ben, bukod sa pagkakaroon ng mabuting hanapbuhay, kayang-kaya niyang gawin ito. Ang iwanan ang init at alikabok ng Maynila.
Nang sinundang buwan, nagtapos sa kolehiyo, magkasabay ang dalawang anak ni Ben. Ang kanyang pangako, isang trip to Hongkong. Kasama ang ina.
“Paano ka, Dad?” ang tanong ng mga ito. “Anong gagawin mo habang wala kami?”
Tumawa si Ben. “Binata. Enjoy.”
Ang kanyang asawa ang nagtanong. “Aakyat ka pa rin ba sa Baguio?”
Saglit na nag-isip si Ben. Pagkuwa’y umiling. “Uuwi na lang ako. Sa baryo. Kina Ateng.”
Mahal na Araw sa baryo. Kailan ba nagsimula na binigyan niya ng pansin at kahalagahan ang araw na ito? Sa katolikong kolehiyo sa bayan siya nag-aral ng elementarya at haiskul. Lumaki siya sa piling ng isang palasimbang agwela. May isang panahong nagsakristan. Hindi kumakain ng karne sa lahat ng Biyernes na nasasakupan ng Mahal na Araw.. Nag-aayuno. Nagsisimba. Nangungumpisal. Nangungumunyon. At nang siya ay isa lamang na batang paslit, lumulundag nang pagkataas-taas para daw tumangkad, sa pagkabuhay ng kampana kinapaskuhan ng Pagkabuhay.
Natatandaan niya. Binatilyo siya at nasa haiskul nang una siyang payagan ng mga magulang na sumama sa isang pinsan na maglibot, mamasyal sa mga bisita ng kalapit nilang mga baryo.
Ang una nilang tinungo ay ang bisita ng kanilang baryo. Kung saan may nagbabasa, umaawit ng Pasyon, at may pakain pang miryenda, kahit sa mga miron na tulad nila.
Marami palang kaibigan si Ricky. Mga dalagita at binatilyo na tagaroon din sa kanila, sa kabilang kalye, namumukhaan niya, ngunit noon lamang niya nakaharap. Ipinakilala siya ni Ricky. “Pinsan ko, si Ben. Ben, ito si Manding, ang batikan sa languyan sa barkada. Sa tabing-ilog kasi ang bahay nila.”
Ngumiti si Manding. Iniabot ang kamay. “Tandaan mo lang, Ben, basta at pinakamaitim, ako yon, si Manding.”
Napangiti rin siya. Gusto niya si Manding. Mahigpit niya itong kinamayan. At nagpatuloy sa pagpapakilala si Ricky. “Si Rody, ang Dolphy ng baryo. Kaya lang, siya ang unang natatawa sa mga jokes niya. Nakakahiya.”
Tumawa si Rody. “Ipinakikita ko lang ang magagada at pantay-pantay kong mga ngipin.”
At tunay ngang magaganda, pantay-pantay at puting-puti ang mga ngipin ni Rody. Katulad din ng sa kapatid na si Linda. At pinsang si Mely. Kahuli- hulihang ipinakilala ni Ricky si Sonia. “Ang Musa ni Balagtas sa aming high school sa may kapitolyo.”
Inirapan ni Sonia si Ricky. “Musang, kamo…”
Gandang Pilipina, may maamong mukha, malalamlam na mga mata, makinis at kayumangging kutis, mahabang buhok, mabining ngiti at mahinhing kilos, si Sonia ay palagay pa ang loob kung makipag-usap. Maganda na ay mabait pa. at nang gabing iyon, may kakaiba nang damdamin siyang nadama para rito.
“Sasama ba kayo sa amin, Ricky?” tanong nito. “Mamamasyal kami sa iba pang mga bisita.”
“At makikikain,” sambot ni Rody.
“Pero, kailangan munang bumasa ng Pasyon,” singit ni Linda.
“Marunong ka bang kumanta ng Pasyon, Ben?”
Napamaang siya, sabay sulyap sa isang grupo ng matatandang nakaupo sa isang mahabang bangko, kaharap ang isang mesang kinapapatungan ng aklat ng Mahal na Pasyon na binabasa nang pakanta, na ang mga tinig, kaytitinis, ay nagpapahabaan ng indayog.
“Sila’y humahabi,” wika ni Manding.
“Marunong ka bang humabi, Ben?” nanunuksong tanong ni Mely..
Umiling siya. At sabay sabay ang lahat. “Tuturuan ka namin.”
Nang unang gabing yaon, natuto siyang umawit ng Pasyon sa pamamagitan ng dalawang uri ng himig. Ang una ay ang pangkaraniwan na niyang naririnig. Ang ikalawa ay ang inuulit ang unang apat na pantig ng tatlong magkakasunod na linya.
Matapos silang umawit ng tatlong pahina, inanyayahan silang magmiryenda ng mga nag-aasikaso ng pabasa. Sa likod ng altar ng bisita, may isang mesang mahaba, laging may nakahaing pagkain, noon ay sotanghong may sabaw at sari saring tinapay. Pagtayo ng mga tapos nang kumain, may panibagong dudulog. Kaya sa likod ng bisita sa pinagtungkong tatlong malalaking bato na kinapapatungan ng isang malaking kaldero ng sotanghon, walang tigil nang kababanto ng tubig ang kusinera.
Miyerkoles Santo noon. Nakatatlo pa silang bisita. Sto. Rosario, San Juan, Sto. Cristo. Namaos sila sa kakakanta. Ngunit busog naman sila sa kamimiryenda. Spaghetti na paborito niya. Sopas na makaroni na panay makaroni raw, walang mahagilap na mano\k si Rody. At pansit bihon na nagkamurahan naman sa hipon, dahil malapit raw sa punduhan ng Atlag, sabi naman ni Manding.
Huwebes Santo. Ipinagpaalam siya ni Ricky na isasama sa isang piknik. Sa Masili. Maraming talaba at inihaw na bangus.
Ayaw pumayag ang kanyang ina. “May nagpipiknik ba ng Huwebes Santo?”
Nang makisagot ang kanyang impo. “Noong kapanahunan namin, nagpipiknik rin kami kung Huwebes Santo. Hindi nga lamang sa Masili, kundi sa Pamarawan.”
At tuluy-tuloy na itong nagkuwento ng mga masasayang araw ng kanyang kabataan. Pamamangka sa ilog. Mga bangkang walang pakaway. Mga dalagang nakabaro’t saya gayong sa piknikan pupunta. Ngunit ang pagkain ay talaba ring bahagya nang nabanlian ng kumukulong tubig, isasaok na sa napakaasim na sukang Paombong at hiniwang pinong sibuyas tagalog at dinikdik na pamimta. Inihaw na bangos na napakataba ng tiyan. At alimango na siksik ng aligi ang talukap, na kahit na pinapantal ang kanyang ingkong kapag kumain nito, ay sige pa rin, banat pa rin ng kain, bahala na ang dahon ng malaiba na tumanggal ng mga nasabing pantal.
At natural, napayagan siyang sumama kay Ricky sa piknik sa Masili.
Hindi niya makakalimutan ang piknik na iyon. Masaya ang barkada. Habang sila ay namamangka, de motor, ay umaawit sina Sonia. Mga awitin nina Nida Blanca at Sylvia La Torre, panahon noon ng pelikulang Waray Waray. Na sisingitan ni Rody ng masiglang awit ni Bobby Gonzales, o ang babae, pag minamahal, may kursunada’y aayaw-ayaw… na siempre, ikagagalit ng mga babae, kaagad sasalok ng tubig sa ilog at babasain si Rody.
Ngunit ang hindi niya malilimot kailanman ay ang nangyari nang sila ay namamangka nina Sonia. Tuturuan daw siyang sumagwan. Ngunit malilikot ang kanyang mga sakay at tumaob ang bangka. Hindi siya gaanong marunong lumangoy at kaagad siyang nakainom ng tubig. Dagli namang nakarating sa kanilang kinaroroonan sina Manding, Rody at Ricky at kaagad nasaklolohan ang mga babae na pawa namang nakakapit sa bangka. Hindi kaagad napansin ng mga ito na siya ay nalulunod. Akala niya ay katapusan na ng lahat sa kanya nang biglang may bisig na kumawit sa kanyang leeg. Si Manding.
“Salamat, Manding, salamat,” wika niya matapos siyang mahimasmasan.
“Walang anuman, Ben.”
“Utang ko sa iyo ang aking buhay,” ulit niya.
Umiling si Manding. Pagkuway saglit na nag-isip. “Gusto mo ba, Ben, tuturuan kitang lumangoy?”
Tumango siya. Aba, oo. Gusto niya. At mula noon, tuwing Sabado ng umaga, kasama na siya nina Manding, Ricky at Rody, may bitbit na miryenda, nilagang mais o kamote, singkamas kaya, bitsu butso, turong munggo, sugod na sila sa dongan, tawid ng tulay ng Lambingan, lakad na sa pilapil, dahan-dahan nga lamang at baka makatapak ng kung ano, lundag sa mga prinsa, hanggang makarating sa Kalero, at doon, buong umaga siyang tinuturuang lumangoy ni Manding. Siya at si Manding ay naging magkaibigang matalik. Hindi lamang tagapagligtas ng kanyang buhay, si Manding ay itinurng niyang parang kapatid.
Natapos silang lahat ng haiskul sa kani-kaniyang pinapasukang paaralan. Halos lahat sila ay lumuwas ng Maynila upang kumuha ng mga napiling kurso. Sina Rody at Linda, si Mely, si Ricky, siya at si Sonia. Maliban kay Manding. Hindi kayang papag-aralin ng mga magulang si Manding sa Maynila. Sa Trade School lamang, sa may kapitolyo. Vocational.
Anong lungkot ni Manding. Ngunit higit ang kanyang pagkalungkot sa narinig na pagtatapat nito. “Wala na talagang pag-asa, Ben,” anito.
Akala niya ay tungkol sa pag-aaral ang sinasabi ni Manding at ang kanyang sagot. “Tapusin mo ang iyong vocational. Sunod ay maghanap ka ng trabaho sa Maynila. Saka ka mag-aral sa gabi. Tiyaga lang, Manding...”
Umiling si Manding. “Si Sonia…”
Napatingin siya sa binata. “Ano si Sonia.
Nagbuntong-hininga si Manding. “Maganda si Sonia. Pagdating niya sa Maynila, maraming liligaw sa kanya. At tiyak, makakatagpo siya ng magugustuhan. Sa palagay mo ba, Ben, pipiliin niya ako, lumigaw man ako sa kanya?”
Natigilan siya, hindi nakakibo. Sapagkat alam niya, nadarama niya, nakikita niya sa mga kilos at salita, kung sino ang pipiliin ni Sonia kapag niligawan ito. Siya. Si Ben. At ano ang masasabi niya kay Manding?
Buo na sana ang kanyang mga balak. Pagdating sa Maynila, dadalaw-dalawin niya sa tinitirahan si Sonia. Unti-unti, ipahihiwatig niya ang kanyang niloloob. Na mahal niya ito, matagal na. hindi nga lamang niya sinabi, ni ipinahalata, noong barkada pa sila sa baryo, dahil ayaw niyang masira ang kanilang pagsasamahan, mahaluan ng ligawan, na sa kalakaran sa kanila ay hindi maganda. Ngunit sa harap ng ipinagtapat ni Manding na lihim na pagtatangi sa dalaga, anong hakbang ang kanyang gagawin?
Si Manding na pinagkakautangan niya ng kanyang buhay. Matalik niyang kaibigan. Parang kapatid. Si Manding na sa kanilang barkada, ay siya nang masasabing pinakakapos sa buhay, hindi makapag-aral sa Maynila. Kung mabibigo pa ito sa pag-ibig na siya ang dahilan…
Sa Maynila, sa buong panahon ng kanilang pag-aaral, dinalaw-dalaw rin niya si Sonia. ngunit hanggng doon lamang. Kuwentuhan. Kahit pa minsan, sila ay natitigilan. Ang isa ay waring may nais sabihin. Ang isa ay waring may hinihintay na marinig.
Sa baryo, tuloy ang lakad ng barkada, basta at nagkakatipun-tipon. Lalo at Mahal na Araw. Miyerkoles Santo, lakad na silang lahat. Iisa-isahin na ang mga bisita sa baryo. Sto. Rosario, San Juan, Sto. Cristo, Atlag.
Huwebes Santo, Panasahan, Matimbo, Mambog. Pag-uwi’y hilahod na sila sa paglakad. Alas dos ng madaling araw. Marami nang tao sa punduhan sa Atlag.
Biyernes Santo, umagang-umaga pa lamang, sugod na sila sa Kapitangan, sa may Paombong para makipagsiksikan sa panonood ng mga nagpepenitensiya. Nagtitiis ng pagod, uhaw at init ng araw, para na ring sakripisyo.
At kung gabi ng Biyernes Santo, magkakasama na silang lahat, iilaw sa prusisyon. Nang kabataan pa nila, paborito nilang tapatan at ilawan ang karong kinaroroonan ni Kristo na may pasang krus, habang nakapaligid dito ang mga Hudyo. Natutuwa kasi si Sonia sa Hudyo na may hinihipang trumpeta. Kalaunan, sa tapat na ng Santo Sepulchro sila umiilaw. At kahuli-hulihan, sa tapat ng namimighating Birhen, na siyang dulo ng prusisyon.
Sabi tuloy ni Rody, “Tumatanda na tayong talaga. Noong araw, katuwaan lang, laro lang ang pag-ilaw sa prusisyon. Ngayo’y talagang nasa sa loob na natin.”
Tatango siya, sapagkat sa kanyang sarili, may dahilan ang pag-ilaw niya sa prusisyon. Siya’y walang sawa sa pagdarasal. Sana… sana’y makatagpo na ng ibang iibigin si Manding. Sana, Diyos ko, sana…. Upang magkaroon na siya ng kalayaang lumigaw kay Sonia. A, ang panahong yaon na ang utang na loob ay talagang tinitingnan, ang pagkakaibigan ay hindi basta tinatalikuran…
Hanggang lumipas ang mga taon. Maestra na si Sonia, naging guro sa paaralang sental ng bayan. Si Manding ay napasok na kawani sa munisipyo. Nag-asawa na si Rody. Gayon din si Mely. Si Linda ay nag-abroad, sa California. Si Ricky ay nasa Canada. At si Manding ay umiibig pa rin kay Sonia. Si Sonia ay umiibig pa rin sa kanya. Siya ay umiibig pa rin sa dalaga. At kanyang naisip, kailangan na niyang kumilos. At sa unang pagkakataon, iminulat niya ang kanyang mga mata, ibinukas ang kanyang sarili sa mga nakikita at nadarama, iniharap ang puso sa isang bagong Sonia. Ipinaubaya na niya ang Sonia ng kanyang kabataan sa kanyang kaibigan. Nag-asawa siya sa iba. Halos hindi na umuwi sa baryo, lalo’t ang Ateng na lamang niya ang naiwanan ng mga namayapang magulang. Ang kanilang barkada ay wala na. nabuwag na.
Sa tabi ng bakod, nakatayo si Ben, katabi ng kanyang Ateng, nanonood ng nagdaraan prusisyon.
Sa tapat ng Santo Sepulchro, isang lalaki ang humiwalay sa prusisyon. “Ben…” bati nito.
“Manding…” Mahigpit niyang kinamayan ang kaibigan.
Kumusta? Mabuti. Kailan ka pa? Kahapon lang. O, ano, ikaw?. Eto. Pasyal ka. Sige. Talaga. Oo. Sige.
At sila’y naghiwalay.
Sa tapat ng namimighating birhen, isang babae na nagrorosaryo, tuwid na tuwid ang tingin, ang saglit na lumingap, tumingin sa bahay nina Ben, sa bakod na kinaroroonan ni Ben. At nang magtama ang kanilang mga paningin, ay biglang nagliwanag ang mukha, sumilay ang isang ngiti.
Ben!
Sonia…
Malayo na ang prusisyon ay nakatayo pa rin sa tabi ng bakod si Ben. Wari, nakadikit pa rin sa kanyang balintataw ang larawan ni Sonia. At ni Manding.
Dalaga pa rin. Binata pa rin.
At nais niyang lumuha.
Abril 20, 1987, Liwayway
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Binata pa rin....dalaga pa rin.....! Gosh, what's stopping them? This is what - love can't be rushed nor forced. It must be free to find its own destiny!
ReplyDeleteE
V
D
nakapanghihinayang. Sana, kinausap na ni Ben si Manding. Nagusap sila bilang magkaibigan, bilang magkabarkada, sayang na pagibig.
ReplyDelete