Wednesday, January 7, 2009

NGAYON… SA PAGHARAP SA BAGONG ARAW



NGAYON… SA PAGHARAP SA BAGONG ARAW



“MADALI kang makalilimot,” walang bahid ng pagdaramdam ang kanyang tinig. Wala rin akong mabakas na hinanakit sa kanyang mukha. Nakangiti siya, bagaman at sa kanyang sarili ay may isa at sanlibong damdaming naghahari. Alam ko ito, kaht na napagtagumpayang di ipagkanulo ng malalamlam niyang mga mata.

Nais kong tutulan ang kanyang sinabi. Nais kong gagapin ang kanyang palad. O kaya’y hawakan siya sa mga balikat at sabihing hindi ko siya malilimot kailanman. Ngunit waring naglaho ang aking tinig. Nanuyo ang aking lalamunan at tila may isang kawan ng bubuyog na naghunihan sa aking tainga at siyang lumunod sa lahat ng aking sasabihin. Nakaramdam ako ng panghihina at wala akong nagawa maliban sa ipilig ang aking ulo. Isang piping pagtutol sa kanyang sinabi.

Isinalang ng tagapagsilbing babae ang dalawang tuhog na karne sa barbecue pit. Sumagitsit ang apoy na natuluan ng katas nito. Pumailanlang ang maputing usok, kasama ang mabangong samyo ng nalulutong karne. Nasumpungan ko na lamang ang aking sarili na nagpapalipat-lipat ng tingin sa baga, sa karne at sa usok. Baga. Karne. Usok. Usok. Karne. Baga.

Marahil ay nabadha sa aking mukha ang pagkainip sapagkat tumawa siya. “Mainit ang ulo mo, ano?”

Umiling ako. Ngumiti siya. Ngiting naghatid ng kirot sa aking puso. At naisip ko, kung sa halip na ngiti ay galit sana ang ipinakikita niya sa akin, marahil ay iba ang damdaming mamamayani sa aking katauhan.

Sumenyas ang tagapagsilbing babae. Sandali na lamang. Malapit nang maluto ang aming hiningi. Tumango ako.

“Gutom ka na ba?” baling ko sa kanya.

Hindi siya umimik. Walang kakurap-kurap ang mga mata sa pagkatitig sa basong lalagyan ng serbilyeta sa ibabaw ng hapag.

“Talagang maganda ang iyong mga mata,” biro ko. Nais ko siyang patawanin. Nais kong makita nang harapan ang malimit kong ilarawan sa aking isipan na pagkislap ng kanyang mga mata, kapag naririnig ko siyang tumatawa nang malutong at nakahahawa.

“Hindi naman,” tutol niya, at tila walang anumang tumitig sa akin. Saglit na nanikip ang aking paghinga. Ang maiitm niyang mga mata ay nagpaalala sa akin ng dalawang balon. Ng kawalang-malay? Hindi. Manapa’y ng balon ng kahiwagaan.

“Pero gusto ko,” giit ko pa rin. “Lalung-lalo na ang iyong mga pilikmata.”

“Tuwid nga, e…” tumawa siya nang marahan. At muling tumitig sa basong lalagyan ng serbilyeta sa ibabaw ng hapag. Napailing ako.

Buhat sa kung saan ay may isang teleponong tumunog. Kkkrrnngg. Kkkrrnngg. Biglang nagkaugnay ang aming mga tingin. Ang sa akin ay nag-aalala. Umuunawa. Ang sa kanya’y waring napasasagip sa pagkakalunod. Tumakas ang lahat ng kulay sa kanyang mukha. Isang alanganing ngiti ang namilaylay sa kanyang mga labi.

“Telepono,” mahina niyang badya. Halos di ko narinig.

Hinanap ng aking mga mata ang tagapagsilbing babae. Kailan pa ba maluluto ang barbecue? Sumenyas bilang sagot ang tagapagsilbi. Sandali na lang ho. Sandali na lang.

Huminto sa pagkuliling ang telepono. Marahil ay may sumagot na. Marahil ay sinabi rin niya ang pangalan ng palamigang kinaroroonan namin. Tulad ko, kapag may tumatawag sa aming opisina. Tulad noon.



“TORRES & Associates, good morning,” malamig ang aking tinig. Mababa. Lalaking-lalaki, sabi nga nila

“Torres & Associates?” Nagtataka ang malambing na tinig sa kabilang dulo ng kawad.

“Torres & Associates nga po. May maipaglilingkod ba kami sa inyo?” Nagbibiro kong sagot. Halos hindi ko na iniisip ang aking sinasabi. Bahagi na iyon ng aking mga pagsagut-sagot sa telepono.

“Kung gayo’y wrong number pala ako,” nalulungkot niyang sabi. “Sorry, ha?”

“Sorry?” Talagang napakalambing niyang magsalita. “Teka muna,” naghahabol ako ng hininga. At hindi lamang hininga, kundi pati sandali. Baka pagsarhan niya ako ng telepono. “Ano bang number ang iyong tinatawagan?”

“Three… nine… one… two… one….

“ 3… 9…1… 2…1… ito,” paliwanag ko.

“Bakit ganoon?”

“Anong bakit ganoon,” tanong ko.

“Kasi, ganito. Ang pagkakaalam ko’y hindi naman Torres & Associates ang 39121. Teka, nariyan ba si Joe?”

“Sinong Joe?” di ko naunawaan ang damdaming biglang nagpasikip sa aking dibdib.

“Kaibigan ko.”

“Kaibigan lang? Kuwan mo siguro, ano?”

Nagtawa siya. “Nakatutuwa ka, oo.” Malutong na malutong ang kanyang halakhak.

“Sige, tumawa ka. Kung katabi lang kita…” banta ko sa kanya.

“Tse, at sino ka!” di ko inaasahang sagot niya.

“Ako si Luis,” pagpapakilala ko. “Ikaw naman?”

“Si Kurdapya,” muli siyang tumawa.

“Pilya ka, Kurdapya,” ang biro ko. “Ano bang number ang telepono mo?”

“Bakit?”

“Tatawagan kita. Gusto kitang maging kaibigan.”

“Ayoko nga.”

“Sige na…”

“Ayoko. “

“Please naman…”

“E…”

“Sige na naman…” at bumilang ako sa sarili, natatambak ang trabaho ko sa mesa. Isa, dalawa…hanggang tatlo lamang. Ibababa ko na ang telepono. Dalawat kalahati…

“Ay naku, sige na nga.”

Sinabi niya nang isa-isa ang bawat numero ng teleponong kanyang ginagamit. At maingat kong isinulat iyon sa isang dahon ng aking talaarawan.

“Sige diyan ka na,” bulong niya sa telepono. “Narito na ang boss ko.”

“Aba, teka muna. Ano nga pala ang talaga mong pangalan?”

“Edna,” at ibinagsak niya ang telepono.



“KINAKAUSAP mo ba ako?” nagtatanong pati ang mga mata ni Edna. Hindi ko namalayang nailakas ko ang pagbigkas sa kanyang pangalan.

Umiling ako. Nilingap ko ang tagapagsilbing babae. Umaaso pa ang tinuhog na karne na dala nito patungo sa aming hapag.

Kamuntik nang malaglag ang isinusubo kong isang pirasong karne nang muli kong marinig ang kuliling ng telepono. Sinulyapan ko si Edna, ngunit waring wala siyang narinig. Wlang kaalis-alis ang pagkakatitig niya sa baso ng pampalamig sa ibabaw ng hapag. Tila wala sa sarili.



“ANO ang ginagawa mo ngayon?” tanong ko sa kanya nang muli akong tumawag nang hapon ding iyon.

“Wala na. Tapos na ang mga gawain ko. At saka halos alas singko na. Isa pa’y wala na ang boss ko. Medyo nagbabasa-basa na lang ako ng leksiyon.”

“Leksiyon? Bakit, nag- aaral ka pa ba?”

“Hindi, nagre-review na lang.”

“Saan?”

“CPA.”

“Uy, bigatin ka pala, ha…”

“Bigatin na ba ‘yon. Hindi pa naman pasado.”

“Alam kong papasa ka. Magaling ka, e.”

“Owww…”

“Totoo. Alam ko ring maganda ka. Kasingganda ng iyong tinig.”

“Diyan ka nagkakamali. Pangit na pangit ako.”

“Hindi ako naniniwala,” tutol ko.

“Kung ayaw mo, di huwag.”

“Di naman sa ayaw kong maniwala. Gusto ko lang mapatotohanan ang iyong mga sinasabi,” may paghamon ang aking tinig.

“‘Yun lang pala, di sige.”

“Payag ka?”

“Oo. Papaano?”

“Magkita tayong dalawa paglabas sa opisina. Pupuntahan kita riyan.”

“Ayoko. Ayoko. Ayoko.”

Bumagsak sa aking tainga ang kanyang telepono.

Ang pakikipagniig kay Edna ay naging isang magandang karanasan sa akin mula noon.

Sa aking pag-iisa ay malimit kong pagbalikan sa alaala ang mga mumunting bagay na aming napag-usapan. Napapahalakhak ako kung sumasagi sa aking isipan ang pabalang-balang niyang pagsagot. Ang mariing hindi at ayoko kapag may nasasabi akong di niya nagugustuhan. Ang salitang tse na waring sadyang nakakabit sa dulo ng kanyang dila, na sa bahagyang pagkainis ay isinasatinig. Ang pagbagsak-bagsak ng telepono. Ang walang kapararakang ungol kung siya’y nakikipag-usap. Malambing ngayon. Galit sa susunod.

Ang unang larawan ni Edna sa aking diwa ay unti-unting napawi at nahalihan ng iba.

Ang nakikita ko’y isang batang walang-malay. Mga matang mabibilog. Nagtatanong. Kumikislap. Mga labing hindi maiguguhit. Laging nakasimangot. Nasusuya. Naiinis. Masiglang katawan. Mga paang mabibilis sa paglakad. Kung minsa’y nanghihimamad.

Mahigit nang anim na buwan kaming nagtatawagan sa isa’t isa nang una kaming magkita. Binalaan ko lamang na pupuntahan siya sa tinutuluyan niyang dormitoryo kung di siya makikipagkita sa akin, kaya siya napahinuhod.

Madali ko siyang nakilala sa suot niyang murang rosas na damit. May paniniyak ang aking tinig nang siya’y aking tawagin. Edna.

Bigla siyang huminto sa mabilis na paglakad. Namimilog ang mga matang tumitig sa akin.

“Ikaw ba. Ikaw ba si Luis?” may pagkabigong nalarawan sa kanyang mukha.

Naalangan ang aking pagngiti “Ako nga.”.

Kumibot ang kanyang mga labi. At maliwanag kong nabasa ang kahulugan nito.

“Matanda na ako, ano?” tumawa ako, kasabay ang sumingit sa isipan… at dahil matanda na… gumitaw na ang alinlangan… “Ngunit mga walong taon lang siguro. O baka pito lang,” hula kong pabiro.

Ngumiti siya nang pilit. “Sige, uuwi na ako, ha…” nakikiusap pati ang kanyang mga mata.

“Aba, kakain muna tayo. Saka, ihahatid kita sa inyo,” sabi ko.

“Aba, hindi maaari,” tutol niya.

“Di ba iyon ang pinag-usapan natin noon?” paalala ko sa kanya.

“Ayoko na,” nagdilim ang kanyang mukha. Tumigas ang kanyang tinig.

“Bakit naman ganoon?” mahina kong tanong.

“Wala naman,” biglang humina ang kanyang pagsasalita. “Wala naman.” At ngumiti siya. Hindi isang pilit na ngiti, kundi isang malungkot na ngiti.

Ang sumunod na mga araw ay lubhang nakapanlulumo . Lagi siyang matamlay sa pagsagot sa telepono. Laging may kasalit na buntung-hininga ang kanyang mga pagsasalita. Laging may ginagawa. Laging naroroon ang boss. Laging walang panahong tumawag.

Hanggang isang araw, may naiba sa kanyang mga sagot. Ang aking mga pag-aalaala sa kanya’y di na binibinigyan ng halaga. Kumain ka na ba? Hindi pa. Bakit hindi pa? Gusto ko nang mamatay. At mawawalan ako ng kibo, gusto ko mang itanong kung bakit.

Kung umulan at pinaalalahanan ko siyang magdala ng payong at pangginaw ay iisa ang sagot. Gusto kong magkasakit. Di bale nang hindi makapasa, isinasagot niya tuwing kukumustahin ko ang kanyang pagrerepaso. Hindi ko na siya nakausap nang mahusay. Takot naman akong magtanong. Minsan lamang.

“Bakit ka nagkakaganyan? Ano ang kasalanang nagawa ko sa iyo?” Lumuluhog ang aking tinig.

“Bakit, hindi mo ba alam?”

“Wala akong nalalaman.”

“Nakapagtataka namang di mo malamang may asawa ka!”

Saglit akong hindi nakahuma. “At kailan ako nagkaasawa?” mahinay kong tanong.

“Aywan ko,” at ibinagsak niya ang telepono.



PINULOT ni Edna ang nalaglag na tinedor. “Kakain ka ba? O titingnan mo lamang ang iyong barbecue.”

Itinulak ko sa gitna ng hapag ang aking pinggan bilang pagsagot sa kanyang tanong. “Ano ngayon ang gagawin mo?”

“Ano ang gagawin ko?” ulit niya sa aking tanong. “Mamayang gabi’y iiyak ako,” at tumawa siya nang mahina. Nagpasikip sa aking dibdib ang nadama kong kawalang-buhay ng kanyang tawa.

Ikinibit niya ang kanyang mga balikat. “Pero makalilimot din ako. Bakit hindi. Pinaghihilom daw ng panahon ang lahat ng sugat. Unti-unti nga lamang ang paggaling. Dahan-dahan ang pagbabago ng damdamin. Hinay-hinay,” biglang bumaling siya sa akin. “Magiging madali sa iyo ang paglimot. Dating wala ako sa buhay mo,” tumawa siya. “Dati ring wala ka sa buhay ko.”

Edna… aywan ko kung saan nanggaling ang aking tinig. Talos kong ang katapatan lamang ng kanyang mga sinasabi at ang kawalang-pagkukunwari ng kanyang pagsasalita ang nag-udyok sa akin upang magtanong. “Papaano, Edna. Papaano mo na…” kumipot ang aking lalamunan at di ko nakuhang tapusin ang aking sinasabi.

Walang kakurap-kurap na tumitig sa akin si Edna. “Kailangan pa bang ipaliwanag kung papaano? Hindi pa ba sapat na lumitaw ang katotohanan?” hinintay niya akong sumagot, ngunit hindi ako kumibo.

Pagkuway nagkibit siya ng balikat. “Talagang hindi naililihm ang katotohanan. Di ako nag-aksaya ng panahon nang kausapin niya ako. Tinawagan kaagad kita. Upang magkaharap tayong mag-usap. Bagama’t kung tutuusin, ano ba ang katotohanan sa ating dalawa, maliban sa pagiging malapit na magkaibigan, na ni hindi naman nagkikita nang harapan. Ngunit sa pagdaraan ng panahon… ay nagkakawilihan. Na siyang hindi dapat mangyari sa harap ng katotohanan. Masakit ang katotohanan, Luis, ngunit masakit lamang ito sa isang ayaw tumanggap. Sa ngayo'y masasabi ko lamang na tinanggap ko ito sapagkat kailangan kong tanggapin. Masakit, Luis, ngunit kailangan. Mahirap ngunit nararapat. Sa aking kalagayan, ano ang gagawin ko? Magpatuloy at maging maligaya?” napailing siya. “At anong uri ng kaligayahan ito. Panandalian.”

“Kahanga-hanga ka, Edna,” nasambit ko.

“Alin ang kahanga-hanga? Ang inilalahad kong katwiran? Marahil nga’y kahanga hanga, sapagkat marapat at wasto. Ito ang aking unang suliranin at ayaw kong magkamali sa pagbibigay ng kalutasan. Ito pa rin ang unang karanasan ko sa buhay. Unang pagtataas ng noo at pagsasabing hindi ako nagkamali. Wala akong pagsisisihan. Mahirap, Luis. Sinasabi ko lamang ang mga ito subalit iiyak din ako mamayang gabi. At hindi lamang mamaya, natitiyak ko. Kaya ayaw kitang padalawin sa kinatitirahan ko noo’y natatakot akong mawili sa pakikitungo sa iyo. Kaya mabuti na ngang ngayon na… na kakaunti pa ang ating lilimutin.”

Kakaunti? Mga mumunting pag-uusap lamang sa telepono? Na matapat at walang pagkukunwari? Araw-araw na kumustahan. Batian. Alalahanan…

“Makalilimot ka rin, Edna,” taimtim kong nasambit. Bata ka pa. Ako’y isang yugto lamang sa buhay mo.

Tumayo siya. Hinawakan ko siya sa bisig nang kami’y nasa labas na ng palamigan. Sinundan niya ng tanaw ang aking kamay ngunit hindi siya nagtangkang kumawala sa aking pagkakahawak. Tiningala niya ako. Pilit kong inaninaw sa kanyang mga mata ang kawalang-malay na dati ay nakakintal doon. Tinitigan ko siya at pilit kong pinagbalikan sa alaala ang aming unang pagkikita. Mga matang nagtatanong. Kumikislap. Mabibilog na mga mata. Mga matang malulungkot.

Humigpit ang pagkakahawak ko sa kanyang bisig. “Dinaramdam ko, Edna,” nangangatal ang aking tinig.

Dumantay ang palad niya sa kamay kong nakahawak sa kanyang bisig. “Luis, huwag mong damdamin ang pagkakaroon ng isang asawa at anak.”

At siya’y tumalikod sa akin.



LIWAYWAY, Pitak ng Bagong Dugo, Enero 9, 1961

No comments:

Post a Comment