Sunday, January 4, 2009

Celebrity Status



Celebrity Status


How does it feel to be a celebrity?

Gusto kong isipin na sa buhay ng bawat tao ay naranasan niya ang maging isang celebrity. Maaaring sa isang maliit na paraan. At sa isang munting kapaligiran. Mayaman man o maralita, kung nag-iisa siyang supling ng isang pag-asawahan, celebrity siya sa kanilang pamilya. Kung tanging babae sa maraming kapatid na lalake, o tanging lalake sa maraming kapatid na babae, isa siyang celebrity. Kung sa isang barkadahan ay siya ang pinakamatangkad, o marunong kumala-kalabit ng gitara, o medyo nakakakanta, celebrity na siyang maituturing. Bukod-tangi o karaniwan man ang katangian, ang pagiging celebrity ay nasa tumitingin. O sa nakadarama.
.
Sa aking buhay, naranasan ko na rin ang maging celebrity. Limang taon ang pagitan namin ng sinundan kong kapatid. Anim kaming lahat, panlima ako. At sa aking pakiramdam, paborito ako ng aking mga magulang. Feeling celebrity? Pero, bakit ‘ika mo? Dahil ako… ang pinaka-tuksuhin sa lahat. Pinaka-kayumanggi (pinaganda ko lang ang termino). Kaya, kumbaga, alalay sa damdamin ko ang atensiyon ng aking mga magulang. Nakatatawa nang pagbalikan ito sa isip ngayon, bagama’t noon, may kirot ang mga panunukso.

Ngunit sa totoo lamang, nangyari nang nadama ko ang maging celebrity noong araw, sa tunay na kahulugan nito. Ito ay noong ako ay sampung taon. Balagtas Day. Ako ang napili ng aming gurong si Miss Villegas na maging representative ng aming elementary school sa isang oratorical contest sa Pilipino. Lahat ng mga mababang paaralan sa buong Malolos ay kasali rito. Tandang-tanda ko pa ang aking oration – ang isinatagalog na talumpati ni Carlos P. Romulo na I Am a Filipino.

“Ako’y Pilipino. Tagapagmana ng isang maningning na lumipas at bihag ng isang di tiyak na hinaharap…”

Nanalo ako sa paligsahan ng talumpatian na ito. Tumanggap ako ng tropeo para sa eskwelahan at tatlong aklat – Noli Me Tangere, El Filibusterismo at Urbana at Felisa – para sa akin. At bigla, parang lahat ng mga nag-aaral sa aming mababang paaralan ay nakilala ako. Bawat makasalubong ko, grade one pupil man o grade six (grade five ako noon), ako’y binabati sa aking pangalan. Evelyn! At hindi lamang sa aming paaralan nangyayari ito. Kahit sa aming baryo, ang mga magulang na aktibo sa Parent-Teacher’s Association ay kilala na rin ako. Heto na si Ako’y Pilipino, ang kanila namang bati. At may dala itong kasiyahan sa akin.

Hindi ko ito alam noon, feeling celebrity na pala ito.

Sa high school naman ay iba. Kahit wala ka pang ipinapanalo, basta at marunong ka, o maganda na tipong pang-Musa ni Balagtas, Mutya ng Kudyapi, Junior or Senior Sweetheart, celebrity ka na. Sa kasamaang-palad, wala akong pag-asang bumagsak sa mga nasabing kategorya. Sa maikling salita, bagsak nga!

Hanggang magkaroong muli ng isang oratorical contest. Kaarawan ni Marcelo H. del Pilar, bayaning tubo sa Bulacan. Napili akong muli na mag-represent ng aming high school sa paligsahang sinalihan ng mga public high schools sa buong Bulacan. Swerteng ipinanalo ko itong muli. May iniwan na naman akong tropeo para sa high school, Marami na namang nakakilala sa akin. Iyong iba, hanggang ngayon ay natatandaan pa ito.

Feeling celebrity na naman ako.

After college, unang taon ng pagtatrabaho ko sa opisina, noon nakawala o nakahulagpos ang hindi na mapigilang nasa na makapagsulat ng kwento. Self-study o self-help, dahil accounting ang background ko, at ni hindi nga naging typist ng The Republic, ang aming high school organ noon, ang una kong pagtatangka sa pagsulat sa pamamagitan ng pagsusumiti ng kwento sa Pitak ng Bagong Dugo sa Liwayway ay isang tagumpay.

A… iba ang feeling na ito. Ibang klaseng tuwa. Nag-uumapaw. Iyong puntong naging celebrity rin, hindi lamang sa dormitoryong aking tinutuluyan, kundi pati na sa mga dating kaiskwela sa high school, mga kapit-bahay, mga kamag-anak, ay parang icing on the cake na lamang. Ang kasiyahan kasing nadama ko sa pagkalathala ng aking unang kwento ay nagmumula sa aking kaibuturan. Isang validation ng aking kakayahan at katuparan ng isang pangarap.

At nang magkasunud-sunod ang mga kwentong nalalathala sa Liwayway, sa kabila ng mga nasasalit na rejection slips, unti-unti, nadama kong ang aking sarili, na dati ay parang may hinahanap, may kahungkagang naghihintay ng kaganapan, noon ay unti-unti nang nabubuo. Ang mumunting pirasong dati ay hiwa-hiwalay ay dahan-dahan nang nagsasama-sama, nagkakabit-kabit, nagiging isa.

Hanggang may nakakwentuhan ako sa pasulatan ng Liwayway tungkol sa Carlos Palanca Awards for Literature Contest. At inudyukan akong sumali. Na inilingan ko, hindi ko kaya. Subukan mo, ang sabi. At naisip ko kalaunan, bakit hindi? Nothing ventured, nothing gained. No pain, no glory.

Sa tinamong unang gantimpala sa kauna-unahang pagsali sa paligsahan ng Palanca, ito lamang ang masasabi ko: Naranasan na ba ninyo ang lumakad na parang nakalutang sa ulap? Sanlinggo akong ganito, bago muling tumapak sa lupa ang aking mga paa.

Feeling celebrity?

Ay, naku, sabi nga isang artista, todo na ’to !!!


(Ngayong Enero, abangan ang unang kwento ng taong 2009: ang aking kauna-unahang kwento na nalathala sa Pitak ng Bagong Dugo noong 1961. Para sa buwan ng Pebrero, huwag kaligtaan ang kauna-unahan ko namang kwentong isinali at nanalo sa Palanca Awards for Literature Contest noong 1987.)

No comments:

Post a Comment