Monday, November 24, 2008

ISANG SULYAP SA PASKO NG AKING KAMUSMUSAN

PASKO NA NAMAN
O KAY TULIN NG ARAW…
PASKONG NAGDAAN
TILA BA KUNG KAILAN LANG…

Isang napakalaking parol na nadaramtan ng puting-puti!
Itim na mantilla at pulbos na Maja!
Isang tunay na puno ng pine tree galing sa Baguio!
Belen na gawa sa karton!
Medyas na walang laman!
Isang hiwa ng Chinese ham at isang ulo ng repolyo!
Mga bisita sa bahay!

Ito ang Pasko ng aking kamusmusan.

Ang mga alaala ng Pasko sa akin ay nahahati sa mga panahon. Nariyan ang aking kamusmusan na binubuo ng mga araw sa elementarya. Nariyan ang mga teen-age years na kasama ang high school days. Sinundan ito ng pagdadalaga kung saan nasa kolehiyo ako, nagtapos ng karera, nagkatrabaho. Sumunod ay ang mga araw ng pagkakaroon ng boyfriend at kalaunan, pamilya.

Sa pagkakataong ito, ang nais kong isalaysay ay ang panahon ng aking kamusmusan. Doon sa aming baryo, Sto. Rosario, sa bayan ng Malolos, lalawigan ng Bulakan. Doon sa aming bahay. Na yari sa mga dingding na tabla, bubong na pawid, pairap na yero, sahig na tablang malapad sa sala at kawayan sa mga kuwarto, komedor at kusina.

Kinagisnan ko na ang aking Inang na matiyagang nagdadamit ng parol. Na iisa ang kulay. Puting papel de hapon. Napakalaki ng baskagan ng hugis-estrelya na dinidikitan niya ng papel. Kaya pumapasok pa lamang ang buwan ng Disyembre ay ito na ang hinaharap niyang gawin. Nagkalyo na ang mga daliri niya sa paggupit ng pinong dekorasyon na pagkatapos ay hahagurin pa ng likod ng gunting upang kumulot, saka ididikit sa tapat ng tadyang ng parol para hindi ito maaninaw… At ang kawayang bilog na paikot sa parol ay pakakapalin naman niya ng ginupit na lumang diyaryo, saka pa lamang paiikutan ng dekorasyon. At ang buntot ng parol, napakaganda! Parang burdadong lace na palawit sa mga itinitindang pastilyas San Miguel de Mayumo! Tuwing Pasko, ganito ang aming parol… na likha ng kanyang mga kamay! Na nahinto lamang nang ang kanyang mga daliri ay patigasin na at pakirutin ng rayuma… ng arthritis…

Noon… ang pagdating ng Kapaskuhan ay ibinabadya ng lumalamig na simoy ng hangin. Pahirapan ang pagbangon sa pagsisimbang-gabi dahil sa nakapanginginig na ginaw. Dito na inilalabas ng aking Inang mula sa pagkakatago ang kanyang Spanish mantilla na kulay itim, may disenyong bulaklak at ibon at burdado ng makukulay na sinulid! Gustung-gusto kong ibinabalabal ito sa akin, kasabay ang pag-ikot sa harap ng malaking salamin, tulad sa isang Espanyola (maarte rin naman!) Ito ang natatandaan ko sa aking Inang… ang kanyang mantilla kung simbang-gabi… at ang mabangong amoy ng kanyang pulbo na Maja…

Tandang-tanda ko ang aking unang Krismas tri. Gustung-gusto kong magkaroon nito, pero ayaw ng Inang ko, gastos lang. Sa iskwelahan, lagi namang may Christmas celebration at may Christmas tree na yari sa puno ng bakawan (mangrove) na nakukuha sa may tabing ilog, sa dongan (daungan), papuntang Kalero. Inaalisan ito ng dahon, binabalutan ng berdeng papel de hapon, papatungan ang mga sanga ng puting bulak na kunwari ay snow, sasabitan ng mumunting de kolor na bolang papel at sa pinakatuktok, ay isang kartolinang ginupit nang hugis estrella na binalutan ng makisap na palara. At voila! May krismas tri na! Lakas-loob, pagkatapos ng selebrasyon sa iskwelahan, hiningi ko kay Miss Velasco, adviser namin sa Grade 4, ang nasabing krismas tri. Na salamat, ibinigay naman.

Iniuwi ko ang nasabing krismas tri at inungutan ang aking Inang na bumili ng mga kending isasabit dito. Buti naman at nagpaunlak ito at nagmukha nang krismas tri ang aking puno. Kaya lang, kalaunan, humulas ang mumurahing kendi, pumatak sa sahig, nilanggam.

Gusto ko ring magkaroon ng Belen. Natatandaan ko ang lifesize (o higit pa yata!) na Nativity scene sa harap ng isang bahay sa Liang sa may Barasoain na balitang-balita, ngunit hindi ko nakita minsan man, hindi ako pinayagang pumunta rito. Kaya, ang aking Amang naman ang inungutan kong bumili nito. Ewan kung gaano katagal bago ako napagbigyan, ngunit dumating rin ang araw na nagkaroon ng Belen sa aming bahay. Na gawa sa karton, na ang mga tao ay naitatayo sa pamamagitan ng pag-iipit sa kani-kaniyang ipitan sa base ng Belen. Ang kaso, sa kalumaan, kalaunan ay lumuwang na ang mga kartong ipitan, kaya nakasandal na lang ang mga tao sa sabsaban.

May Santa Klaus ba sa aking kamusmusan? Natural, mayroon. Gabi pa lamang, handang-handa na ang malaking medyas ng aking Amang na hiniram ko upang isabit sa may tabi ng bintana, malapit sa daraanan ni Santa Klaus. Kinabukasan, takbo na ako rito upang tingnan kung naroon ang minimithi kong manika. Walang manika! Minsan may kendi. May panahon pang talagang walang laman ang medyas.

Magkakalapit lamang ang bahay noon sa baryo. Mula sa katapat na bahay, sisigaw na ang Kaka at Ka Seang, mga kapit-bahay na higit pa sa kamag-anak ang turingang kinagisnan namin. “O, ano ba ang bigay ni Santa Klaus sa iyo?”

Mula sa bintana, ipakikita ko ang walang laman na medyas. Wala, sagot kong kasabay ang iling.

Sagot nila, seryoso. “Siguro, sa highway nagdaan si Santa Klaus. Hindi nag-biyaheng Bulakan, kaya hindi nakita ang medyas mo…” Na pinaniwalaan ko naman.

Sa panahon ngayon, pinagtatalunan pa kung dapat papaniwalain ang mga bata sa Santa Klaus. Sa ibang pagkakataon na lamang matalakay ang bagay na ito. Ang masasabi ko lamang, wala naman yatang epekto sa akin nang malaman kong hindi totoo si Santa Klaus. Kasi siguro, wala naman siyang naibigay sa akin. Maliban sa matutong umasa. At paminsan, ay matuto ring tumanggap ng kabiguan.

Ang isang nakatutuwa kong karanasan noong elementary ako ay kapag humihingi na ako ng pang-exchange gift sa aking Inang. Gastos na naman. Anim kaming magkakapatid. Magbalot ka na lamang ng sabon diyan. E, ano pa nga ba ang magagawa ko kundi magbalot nito. Camay. O Palmolive siguro.

Ang gagawin noon ni Miss Velasco, Grade 4 teacher namin, doon kami sa labas ng classroom iipunin, to form a big circle. Hawak namin ang aming pang-exchange gift. Kakanta ngayon ng Ring-a-ring-a-rosy (now I wonder how and why we sing this nursery rhyme na ang pinagmulan ay ang Black Plague noon) at habang kumakanta ay ibibigay sa katabi ang hawak na regalo. At paghinto sa pagkanta, kung anong gift ang natapat na hawak mo, iyon ang exchange gift mo.

Naku, natapat ba naman sa akin ay iyong sabon kong binalot. Kaya pilit kong ibinibigay sa aking katabi. Na ayaw namang tanggapin. Kaya, nahuli kami ng teacher na nag-aabutan at nagsasaulian. Ewan kung saan natapos iyon. Dahil kung bumalik sa akin ang sarili kong gift, dapat bumalik din sa iba ang kanilang sariling gift. Ay, ewan. Pero, nakatatawa pa ring pagbalikan.

Sa aming bahay naman, Pasko na, kapag pinitas na ng aking Inang ang hilaw na bunga ng papaya sa tabing-bakod. Tatalupan na ito, gagadgarin, pipigain, hahaluan ng hiniwang sibuyas bumbay, bawang, siling pula, carrots na kinortehan pa ang hiwa, kaunting luya, pasas at magkahalo at nag-aagaw ang tamis at asim ng asukal at sukang Paombong. Ilalagay na ito sa malaking kamaw (ceramic na kulay brown) at ititinggal upang tumalab ang lasa. Isang linggo bago dumating ang Pasko ay ginagawa na ito.

Anti-bispera ay gagawa na ng leche flan ang Inang. Gatas at pula ng itlog, asukal at dayap. A, ito ang sikreto (na hindi na sikreto ngayon) ng leche flan ng taga-Malolos. Dayap. Hindi vanilla, kundi dayap. Lulutuin sa lanera na may hugis, na isasalang sa malaking kawali na may tubig (banyo Maria ang tawag), may takip na telang katsa para huwag pasukin ng tubig at kung hindi ay magkakabutas-butas, hindi na pino ang consistency (the test of a good leche flan, sabi nga ng aking kapatid).

Siempre, hindi Pasko kapag walang ube. Hindi ito haleyang ube na tulad nang inihahain ngayon (panay extender). Ito ay tunay na purong ube, walang artipisyal na kulay, gatas, asukal at dayap na naman, saka hahaluin para kumunat nang husto, hanggang sabi nga ay magka-baga na sa kili-kili ang naghahalo.

Kinalakhan kong nakadestino sa Baguio ang aking ama. Kapag malapit na ang Pasko, anti-bispera siguro, inaabangan na namin ang kanyang pagdating mula sa lungsod ng Pino. Ngunit isang linggo pa bago siya dumating, mula sa krosing, may isang bus na biyaheng Baguio na hihinto sa tapat ng tindahan ng aking Tata Nardo at doon ay ibababa ang isang tunay, buhay, luntiang Pine tree. Masasabi kong noon, sa buong Malolos siguro, kahit na sa kamistisuhan, walang may Christmas tree na tunay na pine tree. Malamang, cypress ang gamit nila, hindi isang pine tree na galing pa sa Baguio. Mula bakawan, graduate na agad ako sa genuine pine tree.

Ang natatandaan ko rito ay ang amoy ng dahon ng pine tree. Paskong-pasko. Gustung-gusto ko ang humiga sa ilalim ng nasabing pine tree upang masamyo ang halimuyak na nagmumula sa mga dahon nito, na siempre, sa pagdaraan ng mga araw, ay unti-unti nang natutuyo at nalalaglag. Sunod ay kakanta pa ako ng mga carols. Noon ay panay ingles pa ang mga kanta- White Christmas, Joy to the World, I’ll be home for Christmas, Silent Night…

Ang Pasko ng aking kamusmusan ay kahon-kahon ng commercial cake (matigas ang icing), tiklis-tiklis na repolyo, petsay, beans, at dosena ng mga Chinese ham na uwi ng aking Amang mula sa Baguio.

May isang errand ang aking Inang na laging sa akin nakaatang tuwing bispera ng Pasko. Ang hilaw na hamon ay hihiwain niya nang tamang nipis. Bawat hiwa ng hamon ay sasamahan niya ng isang ulo ng repolyo at kaunting petsay at beans, babalutin ng pinilas na pahina ng Manila Times at iuutos sa akin na ibigay sa mga kapit-bahay. Bawat bigyan ko ay sasabihan ko ng “pabigay po ng Inang, pang-nilaga daw po sa Pasko!”

Sa totoo lang, noon ay hiyang-hiya ako sa pamimigay na ito, kasi sa tingin ko, wala namang halaga iyong ibinibigay ko. Kalaunan ko na lamang natanto na malaking bagay pala ito sa mga inaabutan kong mga kapit-bahay. Matagal nang natapos ang kabanatang ito sa aming buhay, sa mga pag-uusap-usap ay nababanggit pa rin nila nang may kasiyahan ang bagay na ito. (Nang manirahan kami sa Marikina, ang pag-aabutang ito ng pagkain o anupaman sa mga kapit-bahay ay dinala ko, ginawang tradisyon ng pamilya at naging kaugalian naming magkakapit-bahay.)

Sa aming bahay, lahat ng mga namamasko ay looking forward sa pagkain ng cake na siyang inihahain sa mga bisita. Malayung-malayo ang lasa nito sa Goldilocks o Red Ribbon ngayon, ngunit noon, sikat na sikat ang nasabing cake na ang karaniwang flavor naman ay lemon. Sa totoo lang din, hindi ako kumain ng mga nasabing cake. Siguro, napakarami, nanawa na ako ay di ko pa tinitikman. Taun-taon, iyo’t iyon din. Higit kong gusto ang napakakunat na kalamay puti, na maraming-maraming malapot na sarsa. Saka ang suman sa lihiya at suman sa ibos na siyang pinaka-aginaldo ng aking Nana Tuyang, kapatid ng aking Inang. Siya ang una naming pinupuntahan pagkatapos magsimba at pag-uwi ay dala na namin ang bigay niyang mga suman. Minsan, may kasama pang diyes sentimos (pilak ito!)

Mahaba ang dining table namin. Hindi pangkaraniwan ang haba, hindi tulad ng ibang mesa sa karaniwang bahay sa probinsiya. Labindalawa ang maluwag na makauupo rito. Natatandaan ko pa ang dalawang sinaunang sopera na puno ng mainit na sabaw ng nilagang pinasarap ng hiniwang hamon. Katabi nito ay isang malaking bandehado na may hiniwang repolyo, petsay, patatas at saging na saba, isang buong manok-tagalog (na ang aking Amang ang naggilit ng leeg at kasama ako sa paghihimulmol ng balahibo), at mga putul-putol na pata ng baboy. Kasamang nakahain sa mesa ang morcon na masarap kainin na may kasamang atsara. Bringhe! Ito ay paborito ng aking Amang. Sinangkutsang manok, atay, patatas, carrot, siling pula, pasas at malagkit na niluluto sa maraming gata ng niyog sa isang malaking kawa na sa kabila ng saping dahon ng saging ay nagtututong pa rin, na siya namang gustung-gusto niyang kainin. Iyan ang Christmas fare ng aking kamusmusan. Masaganang maituturing, kahit sa pang-araw-araw, ang isang tortang bilog ay hinahating tulad sa pizza upang magkasya sa aming magkakapatid. Iba kasi kapag Pasko!

Mga bisita?

Ang aking Amang ang panganay sa magkakapatid. May kani-kaniyang pamilya na ang mga ito at naninirahan sa iba’t ibang baryo sa Malolos. Pagdating ng Pasko, lahat sila ay dumarating sa aming bahay upang doon mananghalian. Bihira pa ang may camera noon (mayaman lamang o si Topico lang), kaya wala ni isa akong larawang naiwan ng mga pagtitipong ito. Para lamang itong isang malabong eksena sa isang lumang pelikula, kapag binabalikan ko sa isip. Ngunit puno ito ng saya para sa matatanda. (Para sa akin, ni hindi kami nag-uusap na magpipinsan. Kimi sila, lalong kimi ako, dahil sa tuksong pinaka-kayumanggi kasi sa pamilya!) Natapos lamang ang ganitong pagkikita-kita nang magsilaki na ang kani-kanilang pamilya at nagkani-kanila na silang reyunyon. Hiwa-hiwalay na silang namasko kalaunan

Kinagabihan naman ng Pasko, kapag halos tapos na ang mga bumibisitang inaanak o kamag-anak, lilipat sa amin (magkatapat ang aming bahay) ang itinuturing naming pinakamalapit naming kamag-anak sa baryo (no blood relation), ang Santos Family – Amang Puten, Oya, Kaka, Ka Seang, Ka Jose, Ka Oniong at Ato upang makasalo sa hapunan, magkwentuhan pagkatapos. Natigil rin kalaunan ang pagsasalu-salong ito, ngunit hanggang sa ngayon, ang pagiging malapit sa isa’t isa ng mga naiwan sa pamilya ay patuloy na binibigkis ng matibay na pagtitinginan – sa pamamagitan ng pagiging magkumare o kumpare ng mga magulang, kalaunan, ng mga anak na rin.

The Christmases of my childhood are peopled by loved ones who are now all gone. Yet, they continue to be enshrined in my heart… to live in my mind…

At sa samyo o halimuyak ng dahon ng pine tree, o sa lasa ng tamis-asim ng atsara, o sa sarap ng lasa ng morcon, o sa napasong dila sa init ng sabaw ng nilaga, sa linamnam ng leche flan, sa naririnig na himig ng “Silent Night” o “White Christmas” – lahat sila ay malinaw na bumabalik sa alaala.

Lahat nang ito ay alay ko sa aking mga anak … at sa susunod pang henerasyon… na sa pagdating ng panahon, maaaring makaisip magtanong: Paano ba ang Pasko nang panahon ni Anda at ni Papo?

Sunday, November 23, 2008

SULYAPAN NATIN ANG PASKONG NAGDAAN

SULYAPAN NATIN ANG PASKONG NAGDAAN

Halos isang taon na ang eve-estrella.blogspot.com. Sampung kwento na ang nailathala ko rito, bukod sa mga reflections on the subject at mga comments and feedbacks for the month.

Naisip ko lang, na bukod sa ilalathala kong ikalabing-isang kwento para sa buwan ng Disyembre, sana ay maging kakaiba naman ang Christmas issue ng aking blog, kumbaga sa magazine. Hindi ba noon, mas makapal ang Liwayway kapag Pasko? Gayun din ang mga peryodiko, mas maraming supplement?

Yamang ang simulang hangad naman ng aking blogging ay upang mapanatiling sariwa sa alaala ang mga nagdaang araw ng kabataan ng nakararami sa orihinal na imbitadong bisita nito upang hindi malimutan ng sumusunod na henerasyon, napagpasiyahan kong anyayahan kayo na mag-contribute ng kaunting salaysay ng inyong karanasan kung paano ipinagdiriwang ang Pasko noong araw. Sa English… sa Tagalog… Ilokano… Bisaya… kahit anong lengguahe, isulat ninyo. Para na rin itong pagbabalik-gunita sa mga childhood o teenage experiences natin kapag panahon ng Kapaskuhan… noong panahon natin…

Narito ang ilang katanungan na maaaring magsilbing guideline sa inyong trip down memory lane…

-may barkada ba kayo sa pagsisimbang-gabi?

-o simbang-bibingka o puto-bumbong lang kayo?

-namamasko ba kayo sa kamag-anak at magkano naman ang aginaldo sa inyo?

-ano ang mga handa ni Inang kapag Pasko? May reunion ba sa bahay nyo?

-ano ang mga smell and sounds na associated ninyo na Pasko na?

-may Santa Klaus ba ang childhood ninyo?

-ano ang natatangi ninyong experience sa Pasko?

-may natanggap ka bang Christmas card na galing sa crush mo noon?

-may pinadalhan ka ba nito?

Any Christmas related experience sent will be appreciated. Let my December blog be an interactive postings. I am going to post my own recollections anytime this week. At sa mga nauna nang nagpaunlak, salamat… salamat… salamat…

Sa iba pang tagasubaybay ng aking blog, sana... sana... sana... magpadala kayo... thru email… or thru the Comments at the bottom of this posting.

Naghihintay ako…

Sunday, November 16, 2008

COMMENTS AND FEEDBACKS – November 2008

COMMENTS AND FEEDBACKS – November 2008

Pahabol sa kwentong “Hiwalay”

- This is about yur stori , HIWALAY. In comparison to a true life historia de un asawahan, my friend’s married life is one that has tested time. She is an abused wife not only verbally but physically as well. And not only that, pati ‘yong anak na babae, napagdiskatihanan din…not sexually tho.

Both are full blooded pinoys, but my santa kaibigan did everything to make sure her children are all protected emotionally n financially. She had filed for divorce twice but yet changed her mind n remained w/da guy, up to da present time….kaya lang, isa pang maling hakbang noong lalaki, tuloy sa preso….tuloy divorsio.

This woman’s heart of gold, made her ULIRAN in my vocabulary. Her intention was not for herself but for her children’s safety n wellbeing, n these, God rewarded her. From I.

(May kwento sa akin ang kapatid ko tungkol sa isang pag-asawahan na medyo hawig sa isinalaysay mo. True to life ito, nangyari sa isang kakilala at kababayan nating lahat. Kaya lang, hindi natin ka-henerasyon, kaya siguro nagkaroon din ng kaibhan ang mga ginawang hakbang.

Pito ang kanilang anak, sunud-sunod. Abandonada siya. Kumbaga, nangibang-bahay (at bansa pa!) at bumuo pa ng bagong pamilya ang lalaki. Para makaraos at maigapang sa pag-aaral ang mga anak, nagtinda ng kakanin at samu’t sari si Inang sa isang iskwelahan dito sa Manila. Panahon ng Hapon, liberation, siya lahat ang bumalikat ng tungkulin ng isang magulang. Awa ng Diyos, napagtapos niya ang mga ito.

Sunod na eksena, namatay ang nanay sa bagong pamilya. Heto na si Tatang, bitbit ang naging anak sa pangalawa, binabalikan si Inang. Kapwa may edad na sila ngayon, mahigit nang dalawampung taon silang hiwalay. Sabi ni Inang, ngayon pa? Ngayon pa na tapos na ang mga problema ko, wala na akong inaalala. Mabuti na ang buhay ng mga anak ko…

Ayaw pumayag ng tatlong nakababatang anak. Ni hindi nila kilala ang taong ito na Tatang daw nila! Pero iyong mga nakatatanda, na may magaganda pa sigurong alaala ng kanilang ama, ang siya namang nakiusap na sana, patawarin na ng kanilang ina ang nagbabalik-loob na ama.

Patatawarin kaya ito ni Inang? Abangan sa susunod na linggo …… …………………… Pasensiya na, I just can’t resist doing this…

O, sige na nga, tatapusin ko na!

Muli, niligawan ni Tatang si Inang. Alam niyang mahilig sa halaman si Inang, kaya, bumili siya ng lupa at bahay sa isang lugar na pwedeng pagtaniman ng mga bulaklaking halaman. Niregaluhan niya ito ng mga naggagandahang halaman. Roses. Orchids. Dahlia. Chrysanthemum.

At doon lumambot ang puso ni Inang. Tinanggap na niya nang maluwag sa kalooban ang nagbabalik-loob na asawa. Matagal rin silang nagsama na masasabi na ring pangalawang gloria at sa piling niya binawian ng buhay ito.

Maganda rin, di ba? Kung ikaw kaya, tatanggapin mo pang muli ang bumabalik mong kabiyak? O sasagutin mo na lang ng “hello… masaya ka!”)

-I’m always humahanga sa mga topics mo lalo na yung mga narration of our youth’s journey…buti ka, natatandaan mo pa. In high school, uhugin pa mi, pagdating naman sa college, mistulang mungha (‘coz of those sister of charity in UST na parang mga prison guard sa ka-istrikto)………………ay, that’s why, I can’t recall anything. Tenks for informing me of those events I missed in life. As always I will be anticipating yur next kwento. From Insan.

(I remember UST. Noong nasa college ako, kapag umulan na at bumaha sa Claro M. Recto na Azcarraga pa noon, yayayain na ako ng kabarkada ko sa high school na sa UST nag-aaral ng medisina. Dahil, baha sa loob ng kampus ng UST. Ay, sarap magtampisaw sa baha! Pero noon, ewan ko ngayon, hiwalay pa ang mga boys at girls doon sa university ninyo. Hiwalay ang mga daanan, di ba?)

- Alam ko pong bilang manunulat, tumataba ang puso natin hindi lamang kapag may nagbabasa ng ating sinusulat, kundi kapag may nabubuhayan din ng loob na sumulat dahil sa atin. May bumisita po sa blog ko at sinundan ang blog nyo. Mahilig po talagang magsulat iyon pero minsan pinanghihinaan ng loob. Nang mabasa ang blog nyo, lumukso ang dugo at tumapang magsulat uli! From M.

(Salamat, salamat, salamat! At kahit sa maliit na paraan, may mabuti naman palang kinahihinatnan ang mga pagsusulat kong ito. Natatandaan ko pa nga noong bago pa lamang akong nanalo sa Palanca, kinuha akong isa sa mga resource speakers sa isang kolehiyo sa probinsiya. Tungkol ito sa creative writing.

Hiyang-hiya ako tuwing naaalaala ko ito. Kasama ko pala noon ay isang kilalang writer at poet, professor pa sa isang exclusive school sa Manila. Ewan ko kung ano ang naisaloob nito nang marinig ako – una akong nagsalita. Kasi naman, hindi ito ang pinag-aralan ko. Kung debit at credit at financial statement pa siguro, baka may nasabi ako. As it was, ikinuwento ko lamang kung paano ako nagsimulang magsulat ng kwento, kung paano ko hinimay-himay ang mga kwento kong nababasa, saan ang simula, ano ang gitna, paano natapos. At gamit ang mga mekanismong ito, isinulat ko ang mga ideyang nasa utak ko. Sa simula ay parang kopya ang konstruksyon ng kwento, pero, sabi nga ni Liwayway Arceo, if you’ve got it… lalabas ang sarili mong istilo at pamamaraan ng pagsulat. Lahat daw ng mga paksa ay halos naisulat na. Nagkakaiba na lamang ang “treatment” ng sumusulat nito.

Sana’y makabasa rin ako ng mga sinusulat ng mga kakilala mo.)

KAGABI, MARAMI NANG TODOS LOS SANTOS ANG NAKALIPAS

- I got and read your kwento "Todos Los Santos". Bumalik sa memory ko ang ginagawa namin ni Roger or kami ni Ravenal pagsapit ng Todos Los Santos, hindi para dumalaw sa mga namatay, bagkus naghahanap ng mga kaibigan, specially dalaga at may magandang tipo From M.

(Mission accomplished. Iyon ang isa kong gustong mangyari sa mga bumabasa ng aking kwento. Ang maka-relate sila at tuloy magbalik-gunita sa mga araw na nagdaan. Siguro, doon kayo sa may Barasoain namamasyal ni Roger…joke only!!!)

PALAGAY KO'Y GANYAN ANG SENARYO SA BAWAT BARYO NUON KAPAG DUMARATING ANG UNDAS. SA AMIN, MAY BARKADA RIN AKO, AT INUUMAGA KAMI SA PANANAPAT SA ILANG BAHAY NA ALAM NAMING MAY NILUTONG MGA KAKANIN. HANGGANG SA PAG-UWI AY GALIT NG INANG KO ANG SASALUBONG SA AKIN....MASAYA, MASAYA TALAGA.. From C.

(Ito ang hindi naranasan ng ating mga supling. Maliban sa pag-uwi ng Araw ng Undas sa probinsiya upang dalawin ang puntod ng ating mga magulang na mga lolo at lola nila. Na lalong hindi mararanasan ng maraming mga kabataan ngayon. Mga batang lalaki sa selebrasyon ng Halloween at trick or treat. Ngunit sabi nga, kani-kaniyang panahon ito. Sila naman ang magtitipon at magtutumpok sa mandala ng sarili nilang mga alaala.)

-Section One pala si Dan, lower section si Nenita. Sino ba si Nenita? Sino ba si Dan? Bakit ihinuli pa ng barkada ang Mabolo, e, mas malapit itong puntahan kaysa sa Barasoain mula sa Tubigan?

Nakakaiyak naman talaga ang mga kwento mo…From B.

(Dami mong tanong. Pero okey ‘yan. Ibig lang sabihin, tumimo ang kwento. Tulad nang nasabi ko na noon, ang karakter sa aking mga kwento ay “composite” lamang ng maraming mga kaibigan at kakilala. Talagang makikita mo sila sa mukha ng iyong mga kaiskwela! Tungkol naman sa kung bakit inuna pa ang pantiyon sa Barasoain, e kasi po, nasa pantiyon sa Mabolo ang patay nina Nenita. You save the best for last, sabi nga.)

-I am reading all your kwento, it put me in a broad perspective at looking varied life experiences . Enjoy the real tagalog kwento and very casual conversation of the characters. Till the next yugto. Thanks to you. From L.

(Salamat din sa pagbasa mo. I am extending an invitation to your Pinoy friends to visit my blog. Sina Beng and the folks at LA. Baka interesado sila…)

-Ano ba yong “gapi “ . Tunay na pang-undas itong hwento mo… nakakalungkot/makakaiyak. – From S

(Ibig sabihin ng “gapi” ay “lugmok na sa pighati”. At dahil nagre-refer ito sa physical health condition niya, ibig sabihin nito ay lubhang talunan na ng hirap at sakit, physical, mental at emotional. Sumuko na si Nenita, nagapi na siya. Nagba-bye bye na. Lungkot din ako nang sinusulat ko ito, sa totoo lang.)

-Maganda ang story at na-iiba ang twist, at sa huli ay namatay pala si Nenita. Iba ang ending. Aabangan ko ang susunod na story for December. – From M.

(Alam mo, naghahanap ako ng medyo masasaya namang kwento para sa isang taon. Napansin ko, malulungkot nga ang kwento ko. Kasi, in my experience, mas natatandaan ng tao ang malulungkot na istorya, kaysa doon sa mga happy ending. Like Wuthering Heights by Emily Bronte… kaya siguro nagkaroon ako ng leaning sa pagsulat ng mga stories that bring back poignant memories.)

-Malungkot pala ang ending ng kwento mo! Meron pa bang isang Dan ngayong panahong ito? Tila naglaho na ang ganoong breed na totoong magmahal. Parang ngayon ay napakadaling magpalit ng boyfriend at girlfriend ang mga kabataan , ibang iba na . Pero siguro meron pa namang mangilan-ngilan (ako na rin ang sumagot sa tanong ko) I'll be waiting for the next story. Itong nakaraang story brought back memories. From Cm.

(Mayroon pa siguro. I am inviting my blog visitors to email me or thru the Comment at the bottom of the posting “Dan” stories. Para mapatunayan lamang natin na “love is not dead” sa panahong ito.)

-Ang lungkot naman ng ending. Kawawang Dan, tumandang binata dahil sa naulilang pag-ibig! Reminds me of someone in a somewhat similar circumstance. – Anonymous

(Mr. or Ms. Anonymous, so may kakilala o alam ka palang isang “Dan” sa panahong ito! Could you share with us your Dan’s love story?)

Sunday, November 9, 2008

KAGABI, MARAMI NANG TODOS LOS SANTOS ANG NAKALIPAS - Katapusan

KAGABI,

MARAMI NANG TODOS LOS SANTOS

ANG NAKALIPAS

(Katapusan)

IBA ang dalaw sa girlfriend, iba ang dalaw sa barkada. Kung papaanong iba ang dalaw ng boyfriend sa dalaw ng mga kabarkada. Kaya sa kabila ng lahat ng mga pagbabago sa kanilang buhay, buo pa rin ang barkada.

“Hanga kami sa inyo,” nasasabi ng ilan nilang kakilala. “Paano ninyo napagtagal ang inyong pagsasamahan?”

“Simple lang,” sabi nila. “Walang ligawan.”

Walang ligawan. Kahit talos niyang umiibig na si Berting kay Nenita. Pag-ibig na sumilang sa kagandahan ng kanilang pagkakaibigan. Na di katulad ng kanyang pag-ibig sa dalaga. Sapagkat iniibig na niya si Nenita, noon pa mang nakakasakay niya ito sa diyep ni Erning sa pag-aaral nila sa high school.

Marami ring manliligaw si Nenita ngunit waring wala itong napupusuan.

“Masyado ka yatang pihikan,” puna niya.

“Hindi,” sabad ni Berting. “Hinihintay ni Nenitang ligawan ko siya.”

Kinurot ni Nenita si Berting. “Oy, kinakapatid na kita at hindi katalo, e, kabarkada pa.”

Hindi na muling binanggit ni Berting ang tungkol sa ligawan kay Nenita. At lalong hindi niya nakuhang magparamdam dito. Tiwala si Nenita sa kanila. Pati mga magulang nito.

Saka nangyari ang isang sakuna sa buhay ni Nenita. Naaksidente ang diyep na sinasakyan. Nagkadiperensiya nang malaki, mula sa baywang pababa sa dalawang paa. Nahinto sa pag-aaral. Namalagi sa bahay.

Sabi ng ina ni Nenita. Lagi siyang nag-iisip. At nais na laging nag- iisa. Ayaw makikipag-usap. Ayaw padadalaw.

Maliban sa kanila. Ang buong barkada ay nakadadalaw, pinadadalaw pa rin ni Nenita. Sila lamang ang kinakausap nito. At nakapagpapatawa rito.

Dinalhan ni Berting ng mga magasing babasahin si Nenita. At ang dinala naman nina Coring, Lita at Mila ay tsismis, samu’t saring mga balita tungkol sa kanilang mga kakilala. Na nakaligaya rin para kay Nenita. Nagdala si Ado ng scrabble at siya naman ay baraha. At sa mga panahong siya’y nag-iisa sa pagbisita kay Nenita, nagbabaraha sila. Rummy, crazy eight, black jack.

Minsa’y hinulaan niya si Nenita.

Binobola mo ako, marunong ka ba talaga?

Ikaw lang. at sinimulan niyang ihanay ang mga baraha. At ang kanyang mga sinabi ay hindi pambobola. Sa kabila ng iyong kalagayan, may isang tapat na nagmamahal sa iyo, isang nakahandang pakasal, ano man ang iyong kaanyuan.

Ang tawa ni Nenita ay nauwi sa impit na hagulgol. At iniwan niya ito sa tahimik na pagluha.

May balita si Nenita nang siya ay bumalik. Totoo ang iyong hula, Dan. Nagtapat na nga siya sa akin.

Si Berting, pabigla niyang tanong.

Si Berting, at malungkot na umiling si Nenita. Kung bakit ginawa ni Berting ang bagay na iyon sa akin ay matagal kong pag-iisipan.

Mahal ka niya.

Muling umiling si Nenita. Naawa siya sa akin. Isang buhay na walang kahihinatnan.

Mahal ka niya, ulit niya.

Naawa lang siya, muli ring ulit ni Nenita.

Hindi ka naniniwala, tanong niya.

Sa kalagayan ko, sino’ng maniniwala na hindi pagkaawa ang nadarama para sa akin.

Pero….

A… Dan. Huwag mo nang tulungan si Berting. Hinding-hindi niya ako mapaniniwala. Kilala ko na kayo. Ilang taon na tayong magkakasama. Kung talagang mahal ako ni Berting noon pa man, na tulad nang kanyang sinasabi, bakit hindi siya nagsabi noon. Noong hindi pa ako ganito.

Nenita…. Barkada tayo, hindi ba. Bawal ang ligawan. Maitim ang buto, kulta ang utak ng manililigaw. Hindi ba?

Kung talagang mahal…

Nenita….Nenita… hindi ka magagalit… kung nagtapat si Berting noon?

Isang iling.

Ang iyong mga magulang…

Mauunawaan din nila.

Kung gayo’y mahal mo rin si Berting, Nenita. Kung nagtapat siya noon…

Nakayukong umiling si Nenita. Bilang kaibigan lamang. Wala na. pero… ang ginawa niyang pagtatapat ngayon, parang… parang mapait sa aking panlasa.

Saka ngumiti si Nenita. Ng ngiting nagmumula sa labi at tumutuloy sa magagandang mata. Ngunit malungkot na ngiti. At lubusang naglaho ang kanyang pag-asa

Dumalang ang pamamasyal ni Berting kina Nenita. Gayon din sina Rolly at Ado, Lita, Coring, Mila. Sa iba’t ibang kadahilanan. Siya lamang ang kalaunan ay naging matapat, patuloy sa madalas na pagdalaw. At nang Undas nang taong iyon ng aksidente ni Nenita, sila lamang dalawa ang nagkita. Naglaro ng baraha. Nagkuwentuhan. Pinagbalikan sa alaala ang kauna-unahang Undas sa kanilang pagkakaibigan.

Natatandaan mo pa ba. Noong mangaluluwa tayo sa may tabi ng kiskisan. Itinatanong kung saan natin gagamitin ang perang ililimos sa atin.

Hindi tayo nakasagot, kasi, ibubulsa lamang naman nating talaga iyon.

Saya lang ng ating barkada.

Alam mo, Dan, kung uuliting muli ang buhay ko, ibig kong sabihin, kung bibigyan ako ng pagkakataong makapili ng uri ng buhay na tatahakin sa mundong ito, hindi ako magdadalawang-isip. Nanaisin kong muli ang magkaroon ng barkada… na bubuuin nating lahat. Sina Coring, Lita, Mila. Saka sina Berting, Ado, Rolly, ikaw…ako…

Pero ako, Nenita, ayoko.

Ayaw mo. Ng barkada. Natin?

Mataman niyang sinalubong ang hindi makapaniwalang mga mata ni Nenita. Nakangiti siyang umiling-iling. Totoo ‘yon. Ayaw ko ng barkada. Na may ipinagbabawal. Tulad ng ligawan . unfair yon, Nenita. Unfair.

Nanunuot ang titig ni Nenita. Nag-aanyayang ituloy niya ang kanyang sinasabi. At nagpatuloy siya. Huwag kang magagalit, Nenita. Hwag mong hatulan ang aking sasabihin ayon sa kalagayan mo ngayon. Pagbalikan mo sa isip ang ating nakaraan. Ang mga kilos ko noon, ang mga salita…

Walang sinabi si Nenita matapos marinig ang kanyang mga ipinagtapat. Dan… Dan… sabi nito, kasabay ang bahagyang tapik ng palad sa kanyang kamay na wari bagang siya ay inaaliw. Dan… at ngumiti pa si Nenita. Ngiting nauwi sa isang hikbi. Sa isang pagluha.

Hindi ako nagagalit sa yo, Dan. At halos pabulong, hindi na marinig, nanghihinayang lang, Dan. Nanghihinayang lang…

DINUKOT ni Dan sa bulsa ang pambayad sa toll. Mahabang- mahaba ang pila ng mga sasakyang papasok sa lungsod. Mga nanggaling sa probinsiya. Na ang araw at gabi ng Undas ay doon pinalipas. Tulad niya. Na hindi nakalilimot umuwi. At dumalaw sa puntod ng mga mahal sa buhay.

Isang Undas na naman ang lumipas sa kanyang buhay. Ilang Undas na nga buhat nang mamatay si Nenita? Isang malubhang sakit na sumapi sa gapi nang katawan. Ilang Undas na buhat nang mabuo ang kanilang barkada? Maraming-marami nang Undas! Pero, parang kahapon lamang. Parang kagabi lamang…

Basta. Walang ligawan. Para walang masabi ang mga magulang natin. Lalo na ang mga babae. Baka akalaing sinasamantala natin ang ating pagkakaibigan. Sinasangkalan pa ang barkada. Basta. Walang ligawan.

Pinangatawanan nila. Sila’y mga lalaking mapagkakatiwalaan. Iyon ang kanilang panahon. Ang kanilang panahon…

Ngayon? A, pagtatawanan sila.

At marahil nga. Dahil binata pa siya, hanggang ngayon. Patuloy sa paghahanap ng isa pang Nenita sa kanyang buhay. Paghihintay sa isang pag-ibig na hindi na sisikilin.

LIWAYWAY, Nobyembre 1, 1971

Sunday, November 2, 2008

KAGABI, MARAMI NANG "TODOS LOS SANTOS" ANG NAKALIPAS... (Unang Yugto)


KAGABI,

MARAMI NANG “TODOS LOS SANTOS

ANG NAKALIPAS…

(Unang Yugto)

NOON nabuo ang barkada. Noon.

Humigpit ang hawak ng mga kamay ni Dan sa manibela ng kotse. Paakyat siya ng tulay ng Catmon. Nang dati ay matarik na tulay ng Catmon. Di nga ba, nang nag-aaral pa sila sa high school, doon sa tabi ng kapitolyo, kapag nagdaraan sila sa tulay ng Catmon, sigawan na sila. Tulinan mo, Erning! Tulinan mo! Eeekkkkk… Ku, ang mga babae, ang lalakas sumigaw.

Puwera si Nenita. Hahawak lamang ito nang mahigpit sa sandalan ng upuang pang-unahan ng diyep na siya niyang paboritong lugar, dahil kita niya sa salamin ang lahat ng nakasakay, saka kakagatin ang labi, at sa haribas at biglang pagbaba ng sasakyan sa tulay, na ikawawala ng kanilang sikmura, ay pipikit si Nenita. Ayyyy, ang wari ay buntung-hininga nito.


Gusto niyang tuksuhin si Nenita. Ngunit hindi niya ito magawa. Hindi sila magkabatian, bagama’t magkataon sila sa high school, mataas nga lamang siya rito ng seksiyon, at magkababaryo pa. Kaya nagkasya na lamang siya sa pagtingin-tingin.

Hanggang isang gabi ng Undas, marami nang taon ang nakalilipas.

Nagmenor si Dan sa pagliko sa krosing. Makapal ang mga taong naghihintay ng Rabbit at La Mallorca na patungong Maynila. Mga magsisipag-opisina. At estudyante. Isang karaniwang tanawin tuwing maka-Undas. Magsisipagpuyat nang sinundang gabi sa paglilibot sa mga sementeryo, saka magmamadali sa pagluwas kinabukasan. Katulad din nila noon nina Nenita.

Umarangkada si Dan. Wala siyang namukhaang isa mang kakilala sa maraming nakatayo at naghihintay ng sasakyan. Ang mga gunita ng nakalipas ay pilit niyang iniwaksi. Sa pagmamaneho itinuon ang isipan. Na nagawa lamang niya hanggang sa may pagpasok ng diversion road. Sa loob nito ay magaan ang pagpapatakbo ng sasakyan. At hindi na niya maitaboy ang mga gunita.

IYON ang unang Undas. Ikaanim pa lamang ng hapon ay kumakain na siya. At nakabantay sa kanyang tabi si Berting. “Dali naman, tsoy. Naghihintay na sila.”

Pandalas ang kanyang subo. “Alin bang uunahin natin?” tanong niya.

“E, di sa libingan muna sa Tubigan. ‘Yon ang malapit. Saka natin isunod ang Barasoain. At ihuli ang Mabolo.”

“Kaniyugan, ‘kamo,” pagtutuwid niya.

“Mabolo o Kaniyugan, pareho na rin iyon,” sagot ni Berting. “Nasa gitna iyong sementeryo.”

Nakisagot ang kanyang ina. “Sinu-sino ba ang patay na dadalawin ninyo?”

Tumawa si Berting. “Hindi ho patay ang sasadyain namin. Mga buhay. Mga bebot hong buhay. Na mga damagan.”

Umungol ang kanyang ina. “Pwera basag-ulo, ha...”

LUKOT na sa pawis ang kuwelyo ng kamisadentro ni Ado at nakalilis na ang mahabang manggas ng kay Rolly nang sila’y magkita-kita. “’Namputsa naman, tagal n’yo,” angal ng dalawa.

Nagturuan sila ni Berting. Ito kasi…

At sila'y naglibot. Umistambay sa mga nitsong may nagbabantay na kakilala. Nakikukot ng mani. Nakikain ng suha, ang asim naman. Maaskad pa. Nakikuha ng mga tulo ng kandila. Tunawin lamang sa konting gas, may floorwax na. Lakad na naman.

Hanggang maraanan nila ang nitsong kinalilibingan ng lola ni Nenita.

Saka lamang niya nalaman, kinakapatid pala ni Berting si Nenita. Kaytagal na niyang kaibigan si Berting. Kay laki niyang tanga.

“Oy, Berting,” sabi ni Nenita. “‘Lika nga’t itayo mo itong kandila. Laging nabubuwal.”

Huminto silang apat. Nilapitan kaagad ni Berting ang kandilang ayaw tumayo. At natuklasang basa pala ng tubig ang sementong pinagtutulusan. Diyos ni Abraham, at umiling iling si Berting.

Sa liwanag ng kandila, halata pa rin ang pamumula ni Nenita. Dito siya pumasok. “Di ba sa diyep ni Erning ka sumasakay?”

Tumango si Nenita. “Ikaw rin. Sa unahan ka, no?”

Tumango rin siya. Alam pala ni Nenita. Napapansin pala siya ni Nenita. Pati kung saan siya laging nauupo.

At kung saan-saan nasuot ang kanilang usapan. “Sa may pagliko lang sa kanto ang bahay n’yo, di ba?”

Tumawa si Nenita. “Lagi ka sa kanto, ano?”

“Kung Sabado’t Linggo, kantoboy tayo,” sagot naman niya.

Saka dumating ang mga kaibigan ni Nenita. Na pawang tagaroon din sa kanilang baryo. Na taga-high school din. Hindi nga lamang niya kabatian. Buti pa sina Ado at Rolly, dati na palang kakikilala ang mga ito. Siya lamang talaga ang napag-iiwanan.

Maputi, tsinita at maliit si Coring. Masayang kausap. Matangkad, balingkinitan, may ipinangangakong katawan sa hinaharap si Lita. Palabiro, mahaba ang alun-along buhok, napakaraming kuwento, si Mila. Napapatanga sila. Ngunit si Nenita. A… kay Nenita pa rin siya. Kayumanggi, pantay-pantay ang mga ngipin, ang mga ngiti sa labi ay tumutuloy sa magagandang mata, na waring nanunuot kung ititig, hindi sa panunuri, manapa’y isang pag-aanyayang ipanatag ang loob sa kanya. Sapagkat nais ka niyang maging kaibigan.

Masaya ring kausap, palabiro at napakarami ring kuwento si Nenita, ngunit hindi ang mga katangiang iyon ang naiwang impresyon nang una nilang paghaharap ni Nenita. Sa kabuuan, si Nenita ay tahimik. At malalim.

Dumating ang mga magulang ni Nenita. “Ay, may kahalili na ako sa pagbabantay. Lilibot naman ako, ‘Nay.”

“Sino’ng mga kasama mo?” Inisa-isa kaming tiningnan ng ama ni Nenita.

Entra si Berting. “Mano po, Ninong, Ninang…”

“O, ikaw pala, Berting. Sino ba ‘yang mga kaibigan mo?”

Sagot si Berting. “Ito ho si Dan. Anak ng Ba Pepe na nagtatrabaho sa Maynila. ‘Yung ang bahay, e, malapit sa may bisita ng baryo.”

“Anak ka ni Salud?” Sumabad ang ina ni Nenita.

At sa kanyang pagtango ay kasamang nawala ang matamang panunuri. Anak pala ni Salud na kasama kong nanahi ng mga baru- baruan nung araw. Itanong mo sa nanay mo, nandayuhan pa kami nang pagtitinda sa Baliwag nung araw.

Libre na ang pakikipagkaibigan kay Nenita. Sina Rolly at Ado naman. Aba, anak pala ire ng Ka Sion. Pinsan ko lang na makaitlo ang iyong ina. Halika nga’t magmano ka sa amin. Tingnan mo nga naman. Ang tatay mo, Ado, saka ako, e, magkaiskwela mula sa pagbasa ng Katon. Alam mo yung Katon? Be-a-ba, be-a-be, be-a-bo….

At sila’y namasyal. Naggalante siyang bumili ng butong-pakuwan. “‘Yan lang?” sabi ni Lita. Aba, e, aagihapin lang ako niyan.”

At sumabad naman si Ado. “Alam mo ba, Lita, iyon daw inaagihap, e, malapit nang mamatay.”

Kinurot ni Lita si Ado. At sa kaibuturan ng kanyang sarili ay may nadama siyang ibang uri ng kasiyahan. Kaybago lamang nilang magkakasama, palagay na ang kanilang loob sa isa’t isa. Walang malisya. Parang magkakapatid. At ito’y naibulong niya kay Berting. Tsoy, masarap pala’ng may kabarkadang babae.

Na narinig ni Coring. “Lalo’t katulad namin. Magaganda. Kayo rin, kung katulad ninyo, masarap din ang kabarkadang lalaki. Biro mo, yung sigurado na ang mga kukuha sa amin sa mga sayawan ng klab sa atin.”

Ngunit umiling si Nenita. “Ewan ko, pero sa amin, ayaw ng barkadang lalaki’t babae. Ligawan lang daw ang mangyayari’t kauuwian. Sa simula lamang parang magkakapatid, pero sa dakong huli’y partner-partner na rin.”

Sumagot si Rolly. “Hindi mangyayari iyon sa atin, Nenita. Unang- una, ‘insan tayo, di ba. Hindi katalo. Ito namang si Coring, e, di ko liligawan. Pandakaki. Kulang sa sukat. Ang gusto ko’y katawan. Si Lita naman ay may katawan nga, pero dalpak naman ang paa.”

Dito nabugbog ang bisig ni Rolly sa kabubuntal ni Lita. At sa paghinto ng kanilang tawanan, si Ado naman ang nagpatuloy. “Wala akong kursunada isa man sa inyo. Ang tipo ko’y maganda, at mayaman.”

Si Berting naman ay may nililigawan na. Siya ang kahuli-hulihang naharap. “O, ano, Dan?”

Tumikhim siya. “Ipagpatawad n’yo. Bata pa ako para isipin ang mga bagay na iyan.”

Kinurot siya ni Nenita. A, kay sarap talaga ng may kabarkadang babae. At sa iisang tinig, napagkaisahan nila. Barkada tayong lahat. Apat na babae at apat na lalaki. Pero walang ligawan. Parang magkakapatid. Walang ligawan. Para walang masabi ang mga magulang natin. Maliwanag?

Nang gabing iyon ng Undas, na nabuo ang kanilang barkada, umuwi sila sa kani-kanilang bahay na punung-puno ng mga balak para sa kanilang samahan. Ang mga babae ay upang mag-isip ng ipangangalan dito. Uso noon ang pagpapangalan sa mga barkadahan. Ang mga lalaki naman ay upang umimbento o maghanap ng angkop na sipol na para sa kanila lamang. Alalaon bagay sipol na panawag sa isa’t isa. Halimbawang nanood ng basketball kung pista ng bayan at nagkahiwa-hiwalay, sumipol lamang ng kanilang sipol at ayos, magkikita-kita na sila.

Pero wala rin silang naimbentong sipol. Iyong tono ng jack and jill went up the hill, na sasagutin ng to get a pail of water ay marami nang barkada ang gumagamit. Ang iminungkahi naman ni Berting na isang linya ng piyesa sa piyanong Rustle of Spring ay hindi naman nakuha ni Rolly ang himig. Nasisintunado. Maanong huwag na nga.

Tuwing Sabado’t Linggo, hindi na sa kanto siya umiistambay. Kasama sina Berting, kina Nenita na siya naglalagi. Hindi naman lagi nilang nakakausap si Nenita. Basta, naroon lamang sila. Nakaupo sa may tarangkahan at nagkukuwentuhan. Nagbabasket kaya. O nagbabaras. Kadalasa’y may ginagawa si Nenita. At hindi na sila pinapansin ng mga magulang nito.

Dumadayo rin sila kina Coring, Lita at Mila. Barkada na nga sila, at siyempre, hindi nawala ang bulung-bulungan sa baryo. Naku, partner-partner pa raw. Talagang iba na ang mga kabataan ngayon. Hindi kaila sa kanila ang mga tsismis.

Lalabi si Coring. Hayaan mo sila. Inggit lang ang mga iyon.

Kasi, magaganda tayo, isasabad naman ni Mila.

Ilan pang Undas ang nagdaan sa kanilang barkada. Isang Undas, isang tibay ng pagsasamahan. Ilang Undas silang nagkaisang manapatan. Inumaga sa bahay-bahay na pag-awit. Kung kami po'y lilimusan. Dali-daliin po lamang, baka kami mapagsarhan ng pinto sa kalangitan…

Espesyal ang araw ng Undas sa kanilang lahat. Ito ang kanilang anibersaryo. Kaya nasa Maynila na silang lahat, hindi pa rin sila nakalilimot umuwi pagdating ng Undas. At sa kanilang pag-aaral sa lungsod, huwag di magkapanahon, nagkikita kita sila. Nagtitipan-tipan sa pag-uwi o pagluwas nang sabay-sabay.

Kahit pa nga may girlfriend na sina Ado at Rolly. At may boyfriend na si Lita at si Coring.

Pero duda siya kay Berting. Nasa ikaapat na taon na sila sa kolehiyo, malapit na silang matapos ng karera, nang may mapansin siya rito. Waring iba nang makitungo kay Nenita. Sa kinakapatid.

“Magtapat ka nga, Berting,” minsa’y sinabi niya. “May problema ka yata.”

Umiling si Berting. “Wala… wala…”

At hindi na siya nagpilit.

(May sinisimpang damdamin si Berting kay Nenita. Isisiwalat ba niya ito? Ito na kaya ang simula ng pagkawasak ng kanilang barkada? Ano ang gagawin ni Dan? Abangan ang katapusan ng kwento.)