Wednesday, May 28, 2008

KWENTONG BIYENAN AT MANUGANG

KWENTONG BIYENAN AT MANUGANG

Ito ay mga samu’t saring kwento tungkol sa mga biyenan at manugang na wika nga’y “napag-uusapan lamang at walang malisya.” Kumbaga’y naiwan lamang sa alaala dahil nakatatawa, nakatutuwa, at kung noon man ay nakaiinis o nakahihiyang nangyari, ngayon sa pagbabalik-gunita ay wala nang lahat iyon. Nakatatawa at nakatutuwa na lamang, period.

Totoo pa lang nangyayari ito. Na nangyari sa isang kaibigan. Nang may “pumupormal” daw sa kanya at sa kanyang kaibigan yata na nangangasera sa bahay nila nang nag-aaral pa sila sa kolehiyo, kapag gusto nang paalisin ng kanyang nanay ang mga bisita, ay naglalatag ito ng banig sa sala. Ang maganda rito ay “they live happily ever after” naman nang nagkapangasawahan ang magkasintahan at iyong naging magbiyenan ay nagkasundo naman. Sa pagtatapos ng dekada singkwenta nangyari ito.

Bagong kasal naman ang kamag-anak kong ito. Dahil nakapisan sa biyenan, minsan ay naatasan siyang magluto dahil may pinuntahan ito. Tamang-tamang nasusunog ang bawang na inihulog sa mantika nang dumating ang kanyang biyenan. Masyadong mainit ang mantika, sabi sa kanya. Naaga lang ng dating ang kanyang biyenan, balak sana niyang itapon na ang nasunog na bawang at maggisa nang panibago. Pero malas lang, naabutan siya. Sa ngayon naman ay magaling na siyang magluto.

May kwento naman kung saan marami kang maririnig sa mga bibiyenanin habang hindi pa nakakasal, ngunit nang makasal na, kalaunan ay “favorite” na. Nariyan iyong nagsabi na: Kung kailan pa lumaki ang sweldo, saka mag-aasawa! Kasi, kalakaran sa Pinoy ang mag-intrega sa Nanay habang binata o dalaga, kaya nagkakaroon ng ganoong saloobin. Hindi kasi alam kung ano ang kasasapitan ng nasabing intregahan. Pero, sa pagkaalam ko, naging favorite in-law naman ito.

Isa pang naging magka-vibes ay ang nabalitaan kong bibiyenanin noon na ayaw sa mamanugangin. Napakaraming sinabi na masakit kung tutuusin. Salamat na lamang at walang naghahatid ng balita noon sa mga kinauukulan (wala pa kasing blog noon, heh, heh!), kung hindi giyera patani (uy, biglang nahalukay ang matandang kasabihang ito, giyera patani!). Pero, magka-good sila ngayon!

May biyenan namang very proud sa mamanugangin. Kumbaga’y tipong artista ‘yan…gaganda ang lahi . At manugang na very proud sa mga bibiyenanin. Pero bihira yata ang nakatagpo kong ganito. Ang nangyayari nga ay reverse snobbery. Ang dayalog ay ganito: Mayaman sila? E, ano ngayon, wala sa akin iyon. Mahirap nga kami, pero marangal naman! Na siempre, bulaklak lamang ng dila. Dahil hindi naman ngayon at mayaman, e, hindi na marangal!

Swerte lang na ako ay nakabukod ng tirahan nang bago akong kasal. Nagtatrabaho ako sa downtown Manila at sa palengke sa may Echague ako namimili bago umuwi sa Paranaque kung saan kami nangungupahan. Hindi pa uso noon ang paglilinis ng tindera ng isda na binili sa kanila. Kaya buung-buo ang bangus na nabili ko. Dahil bagong kasal, at hindi naman ako masyadong nagtatrabaho sa kusina noong dalaga, sinimulan ko nang linisin ang bangus ayon sa aking pagkakatanda kung paano gawin ito. Kinaliskisan ko muna, pero dumudulas sa aking kamay. Minsa’y sa buntot, minsa’y sa ulo ko hinahawakan, pero ang dulas talaga! Ang tagal bago ko nagawa ito, pati ang pag-aalis ng hasang at mga bituka. Awa ng Diyos, malatang-malata ang bangus nang matapos. Ang lagay, kung sariwa nabili, bilasa na nang matapos linisin. Salamat at walang biyenan na nakakita. Iyon ang bentahe nang nakabukod. Todo pasa naman ito sa aking asawa, dahil bagong kasal lamang kami. Honeymoon stage pa kumbaga.

Pero sa pagkakataong umuuwi kami sa lumang bahay sa probinsiya sa weekends o reyunyon ng pamilya, siempre ay may nangyayari ring pagdadaop kaming magbiyenan. Kilala ang matatanda sa probinsiya sa pagiging masinop at malinis at kabilang dito ang aking biyenan. Sa paghuhugas ng mga kasangkapan, iba-iba ang kanyang mga gamit. Timplado na ang Tide sa isang plastik na lalagyan na gagamitin sa paghuhugas ng pinggan. Konti-konti lamang ang gamit.. Aakalain ko bang matabig ko ang nasabing lalagyan at natapon ang lahat ng laman! Nakupo! Dali-daling nagtimpla ako nang panibago. Palingon-lingon pa sa likod at baka nariyan na ang aking biyenan. Salamat naman at hindi ako nahuli! Heh, heh!

Kayo ba, ano ang inyong karanasan sa bagay na ito? Katulad kaya ng karanasan ng aking mga karakter sa susunod na kwento ng Hunyo? Abangan ito at siempre, share naman…

Friday, May 23, 2008

BIYENAN, NARITO ANG IYONG MANUGANG…


BIYENAN, NARITO ANG IYONG MANUGANG…

Noong araw, panahong katatapos lamang ng WWII, naobserbahan ko pa sa buhay pagdadalaga ng aking mga kapatid ang kalakarang dinadalaw sila (pumopormal ang termino) ng kanilang manliligaw sa aming bahay. Sa madali’t sabi, unti-unting nakikilala kung anong klase ng tao sila, bukod pa siempre sa pakikibalita kung ano talaga ang pagkatao ng mga ito sa mga bayang pinagmulan. Ito ay sa mga pumapanhik ng ligaw.

E, sa nililigawan? Kung ang kapatid ay lalaki na siyang pumapanhik ng ligaw? Siya naman tiyak ang kinikilatis. Walang problema sa mga ito kung magkakababayan o mga kilala ang angkan. Ngunit paano kung taga-malayo. Ang isang dalagang nobya ay hindi nakakatuntong ng bahay ng kanyang nobyo, maliban kung naiimbitahan sa isang okasyon – kaarawan, pistahan o anupaman – at ito naman ay nagpaunlak, kasama ang tsaperon! Doon pa lamang nagkakaharap ang bibiyenanin at mamanugangin.

Noon na noon iyon. Iba na ngayon. Ngayon na ngayon, o kahit medyo kahapon na ngayon. Kumbaga ay panahon ng mga pamangkin, mga mid seventies o eighties. Nagpupunta na sa bahay ng bibiyenanin ang isang nobya, dahil turo rin ng kanyang mga tita na kailangang makita niya ang tahanan ng kanyang nobyo at maobserbahan kung paano makitungo sa isa’t isa ang magkakapamilya. Lalabas raw ang natural sa sariling bahay. Masisilip tuloy ang tunay na katauhan.

Noong araw pa rin, iba ang palagayan ng biyenan at manugang. Medyo ‘lamang’ ang biyenan at mga hipag at bayaw. Kawawa si manugang lalo’t paborito ng pamilya ang napangasawa. Masuerte ang mga manugang na nakatatagpo ng mabait na biyenan. At bise bersa.

Pero ngayon, iba na ang situwasyon. May tinig na ang lahat. Ang totoo’y nadadaan namang lahat sa pag-usap. At sa matalas na pakiramdaman. Sa pag-uusap ng mag-asawa. At sa pakikiramdam ng biyenan sa manugang. O manugang sa biyenan.

Abangan ang kwento ng buwan ng Hunyo, ang buwan ng pagpapakasal, ang buwan ng pagkakaroon ng biyenan. At ng manugang. At pagbalikan sa gunita kung ano ang inyong naging karanasan sa bagay na ito. Mabait ba ang inyong naging biyenan? O monster-in-law!

Sa mga biyenan naman, kumusta naman ang naging manugang? Ay, naku, mahirap na lang ang magsalita – ito ba ang inyong dayalog?

Sa mga hindi pa sumasapit sa puntong ito ng buhay, wala pang biyenan o manugang, ilarawan sa inyong isipan kung ano kaya?

Maganda ba ang pangitain?

O ito’y isang bangungot!

Friday, May 16, 2008

ROBI DOMINGO, ATENISTA SA PINOY BIG BROTHER:

SA AKING PANANAW

Bihira akong manood ng telebisyon. Higit kong kinagigiliwan ang makinig ng mga lumang awitin sa radyo o sa pinatutugtog na CD. Nostalgia trip, kumbaga.

Minsan naman, ego trip, tiningnan ko sa google ang pangalan ko. Ito ay nang matutuhan kong mag-google ng kung anu-ano at sinu-sino.

Kaya, nagulat ako nang makita ko ang entry na ito: ABS-CBN Community - "True Blue Atenista" Robi (OT)

May Multiply site para sa manunulat na si Evelyn L. Estrella (na Evelyn Estrella-Sebastian na pala ngayon) na naglalaman ng ilang larawan, video interviews ...

Na nasa Multiply site pala ako. At si Robi pala ay kasali sa Pinoy Big Brother! Kaya pinagtatawagan ko agad ang mga kaibigan at kamag-anak kong nanonood nito at tinanong sila tungkol kay Robi.

Feedback nila: Ayyy, guwapo! Cute! Mukhang mabait! Manalo sana

At nainteresado silang malaman kung paano ko nakilala at bakit ko kilala si Robi.

Hindi importante ang buhay ko sa buhay ni Robi. Nagkataon lamang na isang requirement nila sa isang subject sa Ateneo bago magtapos sa high school ay ang kapanayamin ang isang writer. Hindi man ako writer sa tunay na kahulugan ng salitang ito, manapa’y isa lamang storyteller, ako ang napili ni Robi at ng kamag-aral niyang si Nico sa roster ng mga nanalo sa Palanca Awards for Literature para sa nasabi nilang assignment..

Tumawag si Robi sa telepono namin. Sinabi ang pakay. Hindi naman bago sa akin ang makatanggap ng ganitong tawag. Marami-rami na rin naman ang nag-interview sa akin mula sa iba’t ibang paaralan – taga-Ateneo rin na kaiskwela ng anak ko (pero iba ang ininterbyu ng aking anak noon), UST, CEU, Pamantasan ng Maynila, San Beda, Bulacan State University, atbp. Hindi ako pwede ng ganoong petsa, hindi siya pwede ng ganoong petsa. Sa madali’t sabi, tatawag ulit. At tumawag pa nang makailan bago sumapit ang araw ng aming pagkikita.

Itinuro ko kung paano ang pagpunta sa aming bahay sa Marikina. At tandang-tanda ko ang araw na iyon, dahil, kakaiba sina Robi sa mga naunang nag-interbyu sa akin.

Kumatok si Robi sa aming gate. Binuksan ko. Ay, ka-guwapong bata, naisip ko.

Tuloy, tuloy, sabi ko. Inabot ni Robi ang aking kamay. Nagmano! Natuwa ako. Galing, a, naisaloob ko. Sa panahong ito, bihira na sa mga kabataang laki sa lungsod at nag-aaral sa mga iskwelahang tulad ng Ateneo ang nagmamano. Magalang na bata. Tinuruan siguro ng magulang, naisip ko pa.

At iniyabot sa akin ang isang kahon ng Goldilocks rolls. Ha, ha, ha, ang tawa ko lang. Sabi ko lang naman sa inyo, sa tapat ng Goldilocks sa bayan kayo kumuha ng tricycle. Di ko naman sinabing magdala kayo nito. Kung nalaman ko lamang na magdadala kayo, sana, doon ko kayo pinasakay sa tapat ng… biro ko at nagtawa ako nang nagtawa. At kasunod kong naisip, thoughtful ang mga batang ito. O napayuhan ng mga magulang. Ang magbitbit ng pasalubong sa isang bibisitahin ay kaugaliang Pilipino.

Kumpleto sa paraphernalia ang mga interviewers ko. May digital camera at videocam. Naka-xerox ang mga nanalong manuscript ko sa Palanca. At nabasa na rin nila, kaya alam ang mga itatanong at uusisain sa akin. Hindi ko rin akalain na kalaunan, ang buong interview na ito ay ilalagay nila sa internet – wikipedia, multiply at youtube. Spotlight on a Filipino Author- Evelyn Estrella-Sebastian - SoFA's ...

Magalang makipag-usap si Robi. Laging nakangiti. Pero, sensible ang mga sinasabi. Tinanong ko kung may probinsiya siya. Lahing Bulacan daw ang kanyang ina, Eusebio. Pulilan. Nasabi ko tuloy na ang salutatorian namin sa high school ay Eusebio na taga-Plaridel. Matagal din ang naging pag-uusap namin. Nakaaaliw na kausap si Robi at ang kaibigan niyang si Nico. Kitang-kita sa kanilang mga kilos at pananalita ang mabuting pagkapalaki sa kanila.

Nais niyang maging doktor. Kalaunan ko na lamang nalaman na doktor pala ang kanyang ama.

Matapos ang mahaba rin namang panayam, kasama ang mga kodakan, nagpaalam na sina Robi. Pero ang nakatutuwa, parang hiyang-hiya pa ang dalawa, nang sabihin na may expiry date iyong dala nilang rolls. Tiningnan ko naman at nakita kong hindi naman sa araw na iyon ma-e-expire, may kaunti pang panahon, ilang araw pa para maubos namin ito.

Inihatid ko ang dalawa hanggang sa makalabas ng aming gate. Tinuruan ko silang muli kung paano ang pinakamalapit na daan para makalabas ng aming subdibisyon.

O, sige, ingat, bilin ko kina Robi. Salamat po, sabi naman nila.

At hinalikan ako ni Robi sa pisngi! Ay, feeling lola ako!

Pero ang bottomline ng blog entry na ito, sa ilang oras na pag-uusap namin nina Robi, sa aking nakita at narinig sa kanila – magalang, matalinong makipag-usap, masayahin – malinaw na gumitaw ang kabutihang-asal na kinalakhan nila. Na aking ikinatuwa. At naisaloob ko, may pag-asa pa ang Pilipinas,


(Ngayong buwan ng Mayo, kasalukuyang sinusubaybayan ng marami ang Pinoy Big Brother sa ABS CBN Channel 2. Dahil nga sa pagkukurus ng aming landas ni Robi Domingo, naisipan kong ikwento ang aming encuentro para sa mga nagtatanong tungkol dito na tagasubaybay naman ng blog na ito.

Sa buwan ng Hunyo, abangan ang kasunod kong kwento. Salamat...)

Wednesday, May 14, 2008

COMMENTS AND FEEDBACKS – MAYO

COMMENTS AND FEEDBACKS – MAYO

KARUGTONG NG ISANG MAYO

-I got it at nabasa ko na. Iyang Santacrusan ang something we missed here. The pictures brought back memories when we were young. I remember the last time I was a "Konsorte" was 1956 in Bintog and Monching was a "Konsorte" in 1984 sa Better Living Santacrusan. Masaya tayo noon. From S.

(Those were the days, my friend, we thought they’d never end… ay, kanta yata ito! Pero, tunay na masarap pagbalikan sa alaala ang masasayang araw na iyon. At totoo naman, hanggang ngayon, e, “escort quality” pa rin, kumbaga, di ba? As for Monching, siempre, like father, like son!)

-Yes I read your short story and I enjoyed it immensely, it is a big break from the hustle and bustle of our daily activities. Since March 6 of this year, we drive back and forth from Palm Coast to Jacksonville on Tuesdays, Thursdays and Saturdays, that is 60 miles one way……. now you can imagine how I enjoy your stories at night when everything is quiet and we are ready for bed. Keep sending them and we are eternally grateful for all your thoughtfulness and concerns. Love and hugs from sunny Florida, we miss all of you. From J.

(Ito man lamang ay makapagdulot ng kaunting kasiyahan at kaaliwan sa inyo. Salamat din sa pagsubaybay sa blog.)

- Hi Mare-to-be (for your inaanak-to-be, M),

Pakiusap lang. Pwede bang konting laki ng "font size"? Ang sakit sa mata, eh.

At any rate, enjoy pa rin akong nagbasa, kasi nagbabalik sa aking alaala ang mga biyahe nang paluwas at pauwi na talagang saulo kong lahat ang bawat bayan na dinadaanan.... From C.

(Malaking “font size” pala, ha? Nagpapahalata ka naman, Mare. Pero, totoong nakaka-miss iyong dating ruta ng papaluwas sa Maynila. Lalo iyong biyaheng “Bulacan, Bulacan”… na may papara sa may tarangkahan, pero naliligo pa pala iyong sasakay! O kaya kahihinto lamang ay may papara na naman, na halos ilang hakbang lamang ang pagitan! Kaya, ang tagal-tagal ng biyahe. Pero, tamang-tama naman sa mga mag-boyfriend na magkasabay lumuluwas sa Maynila. Mas mahaba ang oras na magkatabi sa upuan ng bus, na kakarag-karag, kaya laging nagkakabungguan ang mga balikat. Ayyyy….)

-Enjoy naman ako sa stories mo, lalo na yung 1st part nung Santacruzan. It brought back memories of my youth at nangingiti akong mag-isa habang binabasa ko kasi nga naalala ko yung mga panahon na kasibulan natin, The Good Old Days, kung baga. Regards na lang at aabangan ko uli ang kwento mo. From A.

(A, sigurado akong magugustuhan mo ang kasunod na kwento para sa buwan ng Hunyo. Di ba buwan ng pagpapakasal ito? Kaya tungkol sa pag-aasawa ang tema ng kwento. Tungkol sa biyenan at manugang!)


- Haaayyyy naku, missed na missed ko talaga yung santacrusan sa Malolos lalo na yung mga taon na palaging sagala ang mga LVN stars...From C.

(Doon naman sumikat ang aming lugar, na kauna-unahang nagsagala ng mga artista. Sinimulan ni Celia Flor na kamag-anakan ng mga Buencamino at Donya Sisang ng LVN Pictures. Inimbita niya ang mga big stars ng studio at isinagala sa amin – Reyna Elena si Mila del Sol, at kasama niya sina Rosa Rosal, Milagros Naval, Rebecca Gonzalez, Delia Razon at marami pang iba. Hindi mahulugang-karayom sa dami ang mga taong nagmula pa sa kung saan-saang bayan ng Bulacan na dumating upang mapanood ang nasabing Katapusan ng Santakrusan ng taong iyon – di ko na matandaan, medyo bata pa ako noon! Ang naging measure ko lamang kung gaano ka-popular ang nasabing kasayahan ay nang mag-aral na ako sa Maynila at nakaiskwela ang isang taga-Olongapo, Zambales na nagsabing nabalitaan niya ang pambihirang okasyong ito!)

-Naiiyak ako sa kwento mo. From B.

(Napapansin ko lang, laging ganyan ang comment mo. Naiiyak ka ba dahil may kinakalabit na bagting ng alaala ang nasabing kwento? O masama ang pagkasulat, kaya ka naiiyak? Ay, biro lang, kasi alam ko namang okey ang pagkasulat ko, di ba????)

-Sumasakit ang dibdib ko pag nagbabasa ng kwento mo. From P.

(Naniniwala ako sa iyo. Kasi, sa kabila ng iyong “scientific mind”, naroon ang isang “romantic heart”. I can still visualize iyong eksena sa Virginia Beach kung saan kayo nagduduweto sa pag-awit ng iyong mahal.)

Wednesday, May 7, 2008

KARUGTONG NG ISANG MAYO - Katapusan

KARUGTONG NG ISANG MAYO
Katapusan

HINDI natapos ang unang pagsisiyam sa Krus at nakapagtapat siya kay Lucia. Ang tanong nito. “Alam ba ni Alex?”

Tumango siya.

Matagal na hindi umimik si Lucia. At sa pangalawang pagkakataon, ang katotohanan ay may dinalang lumbay sa kanyang kaibuturan. Umiibig rin si Lucia kay Alex.

Pista ng Krus at huling araw niya sa Malolos nang may sabihin si Lucia sa kanya. Dalawa sila sa maraming sumusunod, umiilaw, umiindak sa saliw ng tugtuging balse ng isang banda ng musiko na dumapit sa Birhen ng baryo mula sa bisita ng nayon, upang isama sa malaking prusisyon kinagabihan.

“Kung hihiling ka sa Birhen, ibibigay niya sa iyo,” ang sabi ni Lucia.

Sinulyapan niya ang Birhen na nakasakay sa ibabaw ng karo, na hila-hila, tulak-tulak ng sandamukal na tao.

“Kung ikaw ang hilingin ko sa kanya,” nananantiyang sagot niya.

“Makaliligaya ba sa iyo?”

Tumango siya. “Labis-labis.”

Tiningala ni Lucia ang birhen. “Pero, di ba dapat, makaliligaya rin sa akin? Sa ating dalawa. Ganoon ang pag-ibig, di ba?”

Hindi siya sumagot. Naunawaan niya ang ibig sabihin ng dalaga. At sa kabila ng kalungkutang damang-dama, umusal siya. Ang makaliligaya sa lahat. Kay Lucia. Kay Alex. Sa akin…

Iyon ang una at huling Mayo niya sa Malolos.

IMINULAT ni Gil ang kanyang mga mata. Naidlip yata siya. Kumurap-kurap siya. Sa kaharap na salamin ng kotse ay nasilip niya ang singkabang tumatanod sa lansangang papasok sa nagpipistang nayon. Muli, siya ay nasa Malolos. Nakadama siya ng pananabik.

Istimado sila ng mga magulang ni Lito. Tuwang-tuwang sumalubong sa kanila. Pinamiryenda sila ng masarap na enseymada at ng espesyal na inipit na ayon sa mga ito ay sa Malolos lamang matatagpuan. Nang matapos ang kanilang kuwentuhan ay palagay ang loob na siya ay nagpaalam na.

“Inihatid ko lang ho si Jojo.”

Naunawaan naman siya ng mga magulang ni Lito. Kaya lamang ay inanyayahan muna siya na magtungo sa bahay ng reynang kokonsortihan ni Jojo.

Para naman makita ninyo kung gaano kaganda ang aming pamangkin, hindi sa pagbubuhat ng bangko.”

Hindi nagsisinungaling ang mga ito. Talagang maganda si Aurora. Tumatawang mga mata. Makinis na kayumanggi. Mahaba, kulot na buhok. Katulad ni Lucia? At may biloy pa sa pisngi. Na tulad ni Alex!

Tumatawa, lipos ng kasiyahang niyapos siya ni Alex. “Ilang taon na, Gil? Ang tagal na. Bumalik ako sa kasera. Lumipat raw kayo, hindi masabi kung saan. Ikaw, hindi ka na bumalik rito.”

Nakangiti, nagpapahid ng luha si Lucia. At alam niya. Maligaya si Lucia. Kay Alex. At maligaya rin siya.

Sa tabi ng durungawan, nasulyapan ni Gil, magkatabi sina Jojo at Aurora. Pinapanood ang nagdaraang dapit ng Birhen ng baryo. At ang mga umiilaw, sumasayaw, umaawit na mga tao. At nadama niyang parang nabalik siya ng panahon. Sa unang Mayong iyon sa Malolos. Na parang kahapon lamang. Ang karugtong ay ngayon.

Liwayway 12 Mayo, 1986

Saturday, May 3, 2008

SANTAKRUSAN NGAYON - Marikina 2007


Noon, sa Malolos, Banda ng Sta. Isabel ang umaasisti sa prusisyon.
Ngayon, ganito sa Marikina.



Ngayon, may nadagdag sa prusisyon ng santakrusan.
Mga batang nakasuot ng national costume ng mga bansang
miyembro ng United Nations.



Noon at ngayon, hindi nawawala sa mga santakrusan ang mga anghel.



Ngayon, sa Marikina, pustura ang mga umiilaw, nakabaro't saya.



Noon, sa Malolos, kapag Katapusan ng Pagsisiyam sa Krus, Banda ng Musiko ang
tumutugtog. Sa araw-araw na prusisyon, gitarista
ang umaakompanya sa mga kumakanta.
Ngayon, bitbit na cassete ang bahala. Minus One siguro.



Ngayon, sa Marikina, tunay na naggagandahan ang mga sagala.



Noon, sa Malolos, may samaan pa ng loob kung minsan ang mga hermano at hermana.
Sa kung sino ang magiging Reyna Elena.



Noon, sa Malolos, kabalitaan ang aming lugar sa pagsasagala ng mga artista.
Sinimulan nina Mila del Sol, Jaime dela Rosa, Rosa Rosal, Delia Razon, Milagros Naval atbp.
Sinundan ng marami pang iba na kinabibilangan nina Guy at Boyet,
Janice de Belen, Regine Velasquez.
May isang panahon pang mga beauty queens tulad nina Edita Vital, mga Miss Caltex,
mga modelo ni Pitoy Moreno, suot ang kanilang magagandang terno.



Noon, sa Malolos, nasa hulihan ng prusisyon ang karo.
At sa likod ng karo ang banda ng mosiko.
At sa likod ng banda ng mosiko
ay si Turing.
(Pero ang kwento ni Turing ay hindi pa nasusulat.)


Friday, May 2, 2008

KARUGTONG NG ISANG MAYO - Unang Yugto

KARUGTONG NG ISANG MAYO

Unang Yugto

NAIMBITAHANG konsorte ng isang reyna si Jojo sa isang Santakrusan sa Malolos. Ngunit hindi masusundo ni Lito, ang kaibigang nang-imbita. At iyon ang problema. Kailangang ihatid si Jojo. Ang mahigpit na kundisyon ng Mommy nito. Di kasing nakatingin sa kanya. Ihahatid lang naman. Di naman babantayan.

Ang Malolos ay malapit lamang sa Maynila, ipinakadiin-diin ni Jojo, na waring nangangambang hindi papayagan. “’Pag sa Diversion Road nagdaan, wala pang isang oras.”

Tumango siya. Alam niya. Dahil noong araw, na sa MacArthur Highway nagdaraan ang mga bus, humihigit nang isang oras. Pero, sa Malolos? Ang mga alaalang ginigising nito ay may dalang pangamba. At pananabik. Pero napakalaki ng Malolos. Bakit ba siya mag-aalala?

Si Jojo ang nagmaneho ng kotse. Magkatabi silang mag-ama sa unahan. At sa likod ng kotse ay sasayaw-sayaw ang barong-tagalog ni Jojo, nilalaro ng hangin. Ang direksiyong ibinigay ni Lito ay nakabisa na ni Jojo. At habang nagmamaneho ay inuusal-usal.

“Mula sa Diversion Road, lalabas raw tayo ng Tabang, Guiguinto. Mapupunta tayo ng MacArthur Highway. Kalaunan, makikita natin iyong Café Valenuela at Ospital sa mata sa bandang kanan. Ibig sabihin, malapit na tayo sa krosing ng tren ng Malolos, sa kung saan tayo kakaliwa.”

Sumandal si Gil at ipinikit ang mga mata. Sa sarili ay inilarawan ang mga sinasabi ni Jojo. Sa kanyang pandinig, waring ang tinig ni Jojo ay naiba. Napalitan. Nang isang tinig na kilalang-kilala rin niya noong binata pa lamang siya. Si Alex.

Taga-Malolos si Alex. Kaiskwela sa UE ng isang nangangasera sa kanila. Kalaunan, naging boarder na rin nila. Mabait ito at tapat makisama. Nakahulihan niya ng ugali, naging kaibigang matalik. Nang dumating ang pagtatapos ng semestre ng Abril, sa huling taon ng pag-aaral nito, ay ipinagpaalam siya ni Alex sa kanyang ina. “Susunduin ko ho si Gil sa Mayo para makapagbakasyon naman sa amin.”

Tandang-tanda niya ang araw na yaon. Kumuha sila ni Alex ng isang dyip na papuntang Divisoria. Sumakay sa bus na La Mallorca na biyaheng Hagonoy. At sa upuang dalawahan, siya sa dakong durungawan, nagpista ang kanyang mga mata sa magandang tanawing nadaraanan. Mga bukirin. Kulupong ng mga bahay na naiikot ng mga punong nagtataasan.

Ito’y Meycauayan, sabi ni Alex, kasabay ang isang malalim na paghinga. Nakatawa siyang tumango. At nang dumating sila sa Bocaue, kumindat si Alex. Tsoy, Bocaue. Sa Bigaa, may itinurong lumang bahay-kastila sa tabi ng highway si Alex. Maganda, sabi niya. At sabi ni Alex, taga-Bigaa si Balagtas. Taga-Bulakan, Bulakan naman sina del Pilar, ang daan ay pakaliwa, mula sa highway. At Guiguinto na. Ibig sabihin, malapit na ang Malolos. At sa may Tabang niya nakita ang tabi-tabing tindahan ng prutas. Tumpok ng ginintuang mangga. Santol. Mabolo.

At Malolos na. Baryo ng Tikay. Sta. Isabel. Dakila. Gandang pangalan, naisip niya. At liliko nang pakaliwa sa krosing. Riles ng tren, sa kung saan nanunulay sina Alex at mga kaiskwela sa paglalakad pag-uwi galing sa haiskul na nasa tabi ng kapitolyo. Tulay ng Catmon. Simbahan ng Barasoain. Nasa piso, sabi pa ni Alex, nakatawa. Casa Real, ang presidencia noong panahon ng Kastila. At tulay na naman. Sa kanan, ang munisipyo ng Malolos, nakaharap sa patyo ng simbahan. Sa gilid ng simbahan ay tumigil ang kanilang bus. Lumipat sila sa isang dyip, papunta raw ng Atlag. Ngunit hindi sila dumating ng Atlag. Pumara sila sa harap ng Malolos Central School. At nakiraan sa kung saan-saang bakuran.

“Ito ang Malolos,” nakatawa si Alex. Ang ibig sabihin, siya ay nasa teritoryo na nito.

Unang araw ng Mayo at unang araw ng pagsisiyam sa Santakrusan. “Mamayang gabi ay iilaw tayo,” sabi ni Alex.

Siya ay laking-Maynila at sa buhay niya ay hindi pa siya nakailaw minsan man sa prusisyon. Ang sabi ni Alex, dito sa Malolos ay mahuhusto ang pagkatao mo.

At hawak ang isang payat na kandila, na ang paghawak ay hindi patayo, dahil matutuluan ang kamay at di rin naman pagawing unahan, dahil baka makapaso sa sinusundang umiilaw, siya ay sumama sa prusisyon.

Maraming bumabati kay Alex, at alam niya, iniino siya. Alam rin niyang panay ang sulyap ng mga umiilaw sa kaibayo nilang linya. Ang linya ng mga kababaihan. Na nagbubulungan na waring siya ang pinag-uusapan. Yukung-yuko siya, parang napapahiya. At pinagbuti na lamang niya ang pakikinig sa tugtog ng gitara na kung minsan ay nasisintunado at sa mga namumunong mang-aawit na kadalasa’y hindi magkakasabay

Dios te salve, Maria, llena eres de gracia, El Senor es contigo, Bendita tu eres…

At ang panagot na awit. Sabay-sabay sa simula, ngunit kalaunan ay hindi na. Santa Maria, Madre de Dios, Ruega por nosotros, Pecador es hora en la hora…

Hanggang makita at marinig at makilala niya si Lucia. Ang mga sumunod na sandali, ang mga sumunod na araw at gabi, ay waring isang napakagandang pangarap na nagsisimula at nagtatapos dito. Tumatawang mga mata. Makinis na kayumanggi. Mahaba, kulot na buhok. Malambing na tinig

Mawiwili siya sa Malolos, naisip niya. Hindi siya makakaramdam ng pagod, kahit kasuluk-sulukan ng baryo ay libutin ng prusisyon, basta at katabi niya si Lucia. Basta at naririnig niya ang tinig nito.

Kay sarap pang kausap si Lucia. “Enjoy ka ba, Gil?”

Ang sagot niya. “Napakasaya rito sa inyo. Masarap sigurong maging tagarito.”

Tumawa si Lucia at para siyang nalunod. At naisip niya, sana’y huwag nang matapos ang gabi. Pagkatapos ng prusisyon, ang mga nagsiilaw ay pinamimiryenda pa pala. Natutuwang pinanood niya ang pagpapalinya ng isang matandang lalaki sa mga bata sa gitna ng lansangan. “Huwag magulo. Walang agawan. Walang doble.” Gumuguhit ang tinig nito sa kalaliman ng gabi, sa ibabaw ng di magkamayaw na ingay ng mga bata.

Ayon kay Alex, ang ipinamamahaging tinapay ay daan-daan kung bilhin sa Panaderya Concepcion sa bayan, at masasarap naman, magaganda pa ang mga pangalan: prinsipe, aruro, sigarilyo, galyetas, binanli, kamachile, mamon tostado.

Para naman sa mga kadalagahan at kabinataan, hindi pa sila nakararating sa bahay ng hermano ay nabalitaan na nilang ginatang bilu-bilo raw ang handang miryenda. Sapagkat ang mga nakakain na ay nagkakantahan nang masalubong nila sa daan. Santa ginatan, kami’y sandukan, baka kami maubusan…

Sa kaunting panahong itinulog niya nang unang gabing iyon, si Lucia ang laman ng kanyang mga pangarap. At ito pa rin ang unang katagang binanggit niya kay Alex nang siya ay magising. “Si Lucia, may boyfriend na ba?”

“Bakit?”

Tinutop niya ang kanyang dibdib. “Tinamaan yata ako ni Kupido.”




Tumawa si Alex. “Walang kasintahan si Lucia. At talagang katangi-tangi siya. Maganda. Mabait. May kaya pa sa buhay. Subukin mo. Baka maging mapalad ka. Kaya lang…”

Nagtama ang kanilang mga mata ni Alex. At noon niya nakita ang kanyang pagkakamali. Sa nakabiting ngiti nito. Sa mukhang waring tinakasan ng kulay. Sa garalgal ng tinig. Umiibig si Alex kay Lucia, ang katotohanang dagling sumilid sa kanyang ulo. Higit na may kaya sina Lucia, naaalangan si Alex, iyon ang dahilan. Ngunit sa mga sandaling iyon ay hindi aamin si Alex.

“Kaya lang, totohanan. Ganoon ba, Alex?”

Inabot ni Alex ang kanyang kamay. “Tutulungan kita, Gil.”


(Nangyari na ba ito sa isang pagbabakasyon ninyo? Isang summer romance? O love at first sight? Noon, may mga kaibigang katulad ni Alex. May kaibigan ba tayong tulad niya? Kung nangyari sa atin, gayon din kaya ang magiging reaksiyon natin. Tutulong? A, ngayon, siguro ay iba na. All is fair in love, sabi nga. Ngunit anong uri naman kaya ng kaibigan si Gil? Abangan ang katapusang yugto ng kwentong “Karugtong ng Isang Mayo”.)