Monday, August 18, 2008

COMMENTS AND FEEDBACKS – AUGUST 2008



COMMENTS AND FEEDBACKS – AUGUST 2008

ANG ULAN SA BUHAY NI LETY

Ang unang komentaryo na tinanggap ko sa kwento ni Lety ay isang pintas. Tama! Isang pintas. Ang taong ito, laging ganito ang kanyang feedback, pintas! Pinaiiyak daw siya ng aking mga kwento. Naluluha siya kapag binabasa niya ang mga ito. And he’s very much a macho man, totoo po.


-Read your latest kwento on Pepito, Lety and Zeny. Very well written and provided instant recall – scenes and feelings kapag umuulan, how it is to go through the episodes your characters go through. Isang pintas lang: Nakakalungkot!” Pero isinunod naman niya by way of explanation: Perhaps it is because memories from one’s life can come rushing back. But then, that is one of the gauges for the quality of literary pieces like yours. More power to you..
From B.

(Na naantig ko ang iyong damdamin, I consider it a compliment, thank you. Talaga namang ang ulan ay karaniwan nang may dalang lumbay sa ating buhay, kahit na nga walang dinanas na karanasan na tulad ng kay Lety sa kwento. Pero ang naaalaala ko sa ulan ay ang resulta nitong baha. Noon sa Malolos, kapag malakas ang buhos nito, sigurado na ang pagbaha sa dakong Liang sa Barasoain, sa Caingin, sa Sabitan. At dahil sabik ako sa tubig, malayo kami sa ilog, kapag baha nang ganito ay maglalakad na kami pauwi buhat sa haiskul at sa Liang kami nagdaraan. At habang naglalakad, pumapangos kami ng tubo na binili namin sa may pagbaba ng tulay ng Catmon. Sunod ay nagsho-shortcut kami sa paraang may tulay palabas sa San Vicente at palengke, na pinagkakatakutan namin dahil may kapre daw. Wow, memories!)

-Nabasa ko na ang katapusan ng kwento mo. Madali namang nakahanap ng kapalit ni Lety si Pepito. Naalala ko tuloy yung dorm mo. Wala na yata yun ngayon , ano. Parang kahapon lang nang dinadalaw ka ng love mo dun, hay........ Those were the days, my friend.....From C.M.

(Oo nga, pero talagang nangyayari iyon. Bibilib ka rin naman doon sa ipinalit ni Pepito kay Lety. She took a chance on love. Uy, kanta yata ng Abba ito sa Mamma Mia. Balita ko’y ipina-a-annul naman talaga iyong unang kasal ni Pepito, hindi lang makahintay si Lety. Ayyy, ano ba itong ikinuwento ko? Kathang-isip nga lang pala iyon :-))

-Memories of your dorm came rushing… From A.C.

(Nang sulatin ko ang kwentong ito ay Nobyembre, 1970. That was 38 years ago. Talagang sariwa pa sa aking alaala ang buhay-dormitoryo. Tumira ako sa dorm ng kulang-kulang sa sampung taon. Kaya, tunay na I breathe dormitory life, circa fifties/sixties. Ang buhay-dormitoryo ay buung-buong nailarawan ko sa first novel ko na inilathala ng Liwayway in the late eighties. God willing, I intend to publish this in book form. Abangan!!!)


- Masuerte si Lety sapagkat ulan lamang ang dumating sa buhay niya. Iyong iba nga bagyo at siyam siyam ang dumarating sa buhay. .Bukod sa maganda ang mga istorya, ,nahahasa rin ang aking tagalog. From P.

(Totoo ‘yan. At sabihin mo, pagkatapos naman ng ulan, lumilitaw ang bahag-hari. I am sure, sinuman ang nakakatulad ni Lety sa tunay na buhay, maligaya na siya ngayon.

Salamat din at hindi lamang pala nakaaaliw basahin ang aking mga kwento kundi nakatutulong pa in some ways. Dalawang text messages ang tinanggap ko along this vein.)

- Am one of ur before bed and upon waking up fans. Salamat sa iyong kwentong inuulan ng prinsipyo! Gagamitin ko cya sa sexuality class ko. Will keep u posted on feedback. From A.

(Mula sa isang isla sa Mindanao, ito ang text message ni A, isang idealistic and nationalistic young doctor na piniling mag-praktis ng kanyang propesyon sa piling ng mga karaniwang mamamayan sa baryo. Ang concern niya ay reproductive health ng mga babae at saludo ako sa kanyang ginagawa. Kung siya ay before-bed-and-upon-waking-up fan ko, ako naman ay her forever fan!)


Another text message came from a former staffer of Liwayway who is now in the teaching profession. She said she would endorse my blog to her students in Creative Writing for additional readings. Sana rin makatulong ito. Caveat ko lang, bear in mind na whatever I have written, then and now, ay bunga lamang ng sarili kong pag-aaral at pananaliksik at kumbaga, writing by ear (oido) lang. In this connection, I would like to reprint a comment by Liwayway Arceo, ang batikang manunulat ng Liwayway na in charge ng Pitak ng Bagong Dugo (new writers) noon, kung saan ako masasabing graduate in a way.

Pitak ng Bagong Dugo, Enero 9, 1961 – Liwayway Arceo


Lagi naming ipinapayo sa mga nagsisimulang sumulat na kung gagamitin ang unang panauhan sa isang kuwento, higit na mabisa na ang pangunahing tauhan, na nagsasalaysay ay kabaro ng awtor. Ngunit sa kuwentong handog namin sa inyo ngayon, ang panuntunang iyon ay sinira – at naging mabisa rin ang kuwento.

Ito’y nagpapatunay lamang na sadyang napakahirap magbigay ng pangkalahatang panuntunan sa pagsulat ng maikling kuwento. Sa katapusan nito, ang sariling pamamaraan ng awtor, ang kanyang kakanyahan sa paglalahad ng mga pangyayari, ang nagbibigay din ng buhay. Ang kuwentong ito ay tumuturol din sa isang paksang lumang-luma na – ang tatsulok sa pag-ibig – ngunit sa sariling pamamaraan ng sumulat, sa kanyang matipid at matimpi at naiibang paraan, ay nagawa niya itong bago… tila ngayon lamang mababasa.

Aywan lamang namin kung si EVELYN L. ESTRELLA, ay mulat sa katotohanang ginawa niya ang isang napakalaki at napakataas na pamantayang pansarili sa kanyang akda. Mangyari pang maghahanap kami ng nakahihigit dito… sa ibang araw…

Ang komentaryong ito ay kasama sa aking unang-unang kuwento na inilathala ng Liwayway sa kanilang pitak ng mga baguhang manunulat. Ang kasunod na komentaryo ay kasama naman sa ikalawang kuwento na aking isinumite sa kanila.

Pitak ng Bagong Dugo, Mayo 6, 1961 – Liwayway Arceo


Maraming nagtatanong sa amin: Ipinapayo ba ninyo sa mga nagsisimulang sumulat na gawing huwaran ang tinatawag na formula story?

Ang aming sagot: Hindi. Ang lagi naming sinasabi ay maging kayo kayo sa pagsulat; sa pagpili ng paksa at sa pamamaraan. Dito namin nasisinag ang mga tunay na manunulat, ang mga isinilang na manunulat, at ang mga naghahangad lamang na maging manunulat.

Isang halimbawang aming maibibigay, nang wika nga’y hindi man lamang kailangang kumurap, si Evelyn Estrella, na sa kanyang ikalawang kuwento ay nailipat namin sa dahon ng Inang-Liwayway. Sa kanyang unang kuwento pa lamang ay nagpakita na siya ng kakanyahan: ang kanyang pangunang tauhan ay lalaki, ngunit ang pangyayaring sinulat niya ang kuwento sa unang panauhan ay hindi man lamang nakabawas sa bisa ng katha. Sa mga manunulat na may sariling kakanyahan at katangian, ang mga patakaran ay hindi mailapat.

Hanggang ngayon, tuwing mababasa ko ang mga komentaryong ito ni LAA, sa itinago kong sipi ng lumang Liwayway, tumataba ang aking puso. Ito rin ang nagsisilbing inspirasyon sa akin sa mga panahong tinatamad na akong magsulat. Natatandaan ko pa ang una naming pagkikita nang harapan at ito ay nang tanggapin nila ang aking ikalawang kuwento. Pointblank niya akong tinanong kung ako ang sumulat noon. Sabi ko’y oo. Nagkataon namang may kausap siya noon na taga-Malolos, si Mabini Centeno, na kilala ang aming pamilya. Si Benny ang nagpatunay na nakatitiyak siyang ako nga ang sumulat, na sa palagay ko ay ibinatay lamang niya sa taglay kong apelyido.

Huli kaming nagkita ni Aling Lily sa Gabi ng Parangal sa mga nagwagi sa Carlos Palanca Awards for Literature noong 1998.

Lahat nang ito ay naisipan ko lamang balikan dahil sa nabanggit nga ng dating taga-Liwayway na i-endorso niya ang aking blog sa kanyang mga istudyante for additional readings. The honor is mine, pero dahil hindi naman base sa aking napag-aralan ang aking pagsusulat, baka magkaroon ng conflict somewhere. Alalaon baga’y, wala naman pala akong “K” – sabi nga. Muli kong inuulit, sabihin na lamang nating isa akong “storyteller”.

ISKOLAR – Pahabol na feedback

-Salamat at walang pangalang Eve, Maria, Clara, Tony, Amor o Rufing sa kwento mo! From RC.

(Heh, heh, ayaw mo ba noon, bida kayo. Ano kaya ang magandang titulo?
Driver’s Lounge?)

-Enjoy ako sa kwento mong Iskolar. Ang setting at mga nangyayari ay pawang totoo sa marami. Happy ending naman at hindi ako naiyak. From LE.

(Alam kong pamilyar sa iyo ang Recto at UE. Teritoryo natin iyon noon.)


-Marami akong mga kababata na nagkaroon ng mga Iskolar. Dalawang kababata ko na parehong mayaman, na sumakabilang buhay na. Ang istorya ay nang nakaburol ,may nakipaglibing na pamilya na hindi kilala ng mga tunay na pamilya ng mga pumanaw. Mga iskolar daw ito na …(ang naging bunga ay panibagong pamilya). Sa kahirapan, lalo na ngayon, palagay ko mas madalas pang mangyari ito. From P.

(Nangyayari pa rin nga…)


-Baka gusto mo namang isulat ang mga “iskolars” ng aming klase. Umpisahan mo kay P, ang then go to M. From B.

(Naku, baka bumangon si P. Si M naman ay hindi iskolar, mga pamangkin iyon…o apo!)

No comments:

Post a Comment