Wednesday, February 20, 2008

Pagpili ng Pangalan ng Karakter sa Kwento

Paborito kong pangalan ang Celia, Edna, Ellen sa mga bida kong babai.

Celia – dahil babaing-babai, mahinhin, tagalog na tagalog ang dating.
Edna - dahil gusto ko lang. Siya ang una kong bida sa kauna-unahan kong kwento.
Ellen - dahil parang kuha sa pangalan ko.

Sa lalaki naman ay Ramon, Leo.

Ramon – dahil may kilala kami noon sa dormitoryo na Ramon ang pangalan.
Leo - dahil horoscope ko iyon.

Ang pagbibinyag sa isang karakter sa kwento ay hindi lamang pinagbubuhusan ng isip. Higit na tamang sabihin na ito’y “pinakikiramdaman”. Kapag hindi tama ang pangalan, parang ayaw umusad ng kwento. Hindi madulas ang daloy. Kapag tugma ang ipinangalan, ay, naku, ang pagsulat ng kwento ay parang isang bola ng sinulid na kapag nahawakan at nahila ang simula ay tuluy-tuloy na.

Ang masaya ay ito. Sa isang sumusulat ng kwento, natural nang makatanggap ng mga “request” na ‘oy, isulat mo naman ang aking buhay. O kaya ay ‘oy, gamitin mo naman ang aking pangalan. Mas madaling pagbigyan ang huling kahilingan, kaya mapapansin ng marami na ang aking mga kwento ay may “sprinkling of familiar names”. Depende sa tema ng kwento, doon pumapasok ang kanilang pangalan. Kung tulad ng kwento ng “Pag-ibig ni Dalisay”, mababasa ang mga pamilyar na pangalan ng maraming kaiskwela sa haiskul. Dahil bumabagay rin ito sa background at scenario ng kwento, na high school days.

Ang nangyayari tuloy, dahil sa mga kilalang pangalang nababanggit sa kwento, at sa pamilyar na kapaligirang ginagalawan ng mga karakter sa kwento, akala ng marami na totoo ang nasabing kwento.

Sa lisyang pag-aakalang ito, masasabi ko namang, somehow, the storytelling could be deemed a success.

No comments:

Post a Comment