Friday, February 22, 2008

Ang Pag-ibig ni Dalisay, Unang Yugto

Ang Pag-ibig ni Dalisay, Unang Yugto


SA aming high school reunion, doon ako kinorner nang husto ni Dalisay. Sige na naman, anito, isulat mo naman ang kasaysayan ng aking pag-ibig. Sa Liwayway.
Aling pag-ibig? Ang tudyo ko.
Tumaas ang kilay, at ang tanong. May iba pa ba akong pag-ibig?
Napatango ako. Kasunod ang kibit ng aking mga balikat. Pero por Dios por Santo, ano ba naman ang kahanga-hanga sa pag-ibig mo? Sa tangi mong pag-ibig?
Nagseryoso ang berat. At sumagot. Ang aking pag-ibig ay tapat, hindi kumukupas. Matibay, di magigiba ng panahon. Wagas, tulad ng aking pangalang Dalisay.
Napahagikgik ako. Dalisay. Di magigiba. Naku, ang mais….
Kinurot ako, ang sakit. Sige na naman…
Ano pa ang magagawa ko? Okey, isusulat ko, pero, hindi ko maipangangako na tatanggapin ng pasulatan. At kaunting yabang. Alam mo roon, kahit magaling ang pagkasulat, kung wala namang sinabi, sorry na lang…
Tuwang-tuwa ang kumag. Pero nabigla ako sa kasunod na hiling. Doon mo isulat sa kuwan, ha… sa teen-age love story!
Napahumindig ako. Ano? Teen-age love story? Aber, ang pamagat, True Love, Circa Cincuenta? First Love, Panahon ni Mahoma? A, ewan…


ANO nga bang taon yaon?
Early fifties. May giyera sa Korea. Ipinadala ni President Truman ng Amerika si General Douglas MacArthur bilang Commander ng UN Forces. Ang Pilipinas, may padala ring mga sundalo, ang tawag: PEFTOK. Nang tawagin ngang mag-recite si Dalisay ni Miss Flores sa Current Events at itanong ang ibig sabihin ng PEFTOK, si Ramon, na nakaupo sa kanyang likuran ang nagdikta ng sagot. Na tama naman. Ang kaso’y narinig pala ni Miss Flores ang boses ni Ramon, malaki, mababa, na biglang pumiyok. Nagbibinata na kasi, at nanukso ito.
Naku, iba na nga naman ang may boyfriend, kahit hindi nag-aral, may taga-dikta ng sagot!
Hiyang-hiya si Dalisay. Palibhasa’y maputi, kitang-kita ang pamumula ng pisngi nang mag-blush. Yukung-yuko naman sa pagkakaupo si Ramon. Hagikgikan kaming mga miron.
Nakaupo kami ni Dalisay sa bench na nasa ilalim ng malaking puno ng akasya sa grounds ng main building, naghihintay ng aming service na dyip nang lumapit si Ramon. “Dely, sorry kangina.”
Nagkulay-makopa na naman si Dely, palayaw ni Dalisay. “Ikaw nga riyan, nagturo ka lang, napasama pa.”
Naupo si Ramon sa tabi ni Dalisay. “Okey lang ako. Ikaw nga, ang tingin ko kangina, maiiyak ka…”
Bigla, sumingit ako. “Ayyy… iba na talaga ang mag-boyfriend, nag-aalalahanan. A, sweet mystery of life!”
Nakupo, ang sakit mangungurot ni Dalisay. Mahaba kasi ang mga kuko. Ngunit sa pakiramdam ko, no’ng mga sandaling iyon, isinilang ang isang damdaming hindi na matatakasan ng ating bida.
Ang simula ay crush. Isang bagong salita sa aming bokabularyo. Crush ko si Romy, sasabihin ng isa sa barkada. Ako, si Dilo ang crush ko, agaw naman ng isa. Mga basketball players ng high school ang mga iyon. Ang crush ko ay si Kuwan, ang crush ko ay si Ano. At kani-kaniya kaming crush. At kahit wala, umiimbento na rin, para di masabing abno. Kasi, ang hindi raw nagkakaroon ng crush, hindi normal. At natural, ang crush ni Dalisay ay si Ramon. Pero, lumubog man ako sa aking kinatatayuan, hindi ko ipamamalita kahit kangino. Sabi ni Dalisay, ikaw lang ang nakaaalam.
Sa madlang people, napakaraming crush ni Dalisay. Crush si Amado, ang pinakamarunong sa klase. Crush si Sir, ang teacher sa Science. Crush si Restie, tipong silent water runs deep. Crush si Bogs, galing mag-dribble. Pero, never na never niyang binanggit na crush niya si Ramon. At nag-cross my heart at hope to die ako na walang ibang makaaalam.
Mabait si Ramon kay Dalisay. Kung crush noong una iyong huli, ito ang hindi ko masasagot. Ngunit action speaks louder than words at kung ang pagbabasehan ay ang pakikitungo ni Ramon kay Dalisay, masasabi na ring may katugon ang damdamin ng ating bida.
Tulad noong minsang malakas ang ulan. Parang ibinubuhos. Walang payong si Dalisay. Wala rin akong payong. Halos basang-basa na kami. Eto na si Ramon. “Dely, gamitin mo ang jacket ko. Baka ka masipon.”
At tinanggap ni Dalisay ang jacket. Ayyy, ang sweetah! Ang kaso, si Ramon ang nasipon. Nilagnat. Hindi nakapasok. “Dalawin natin,” ang yaya ko.
Sunud-sunod na iling ang ginawa ni Dalisay.
Ang sagot. “Sa palagay mo ba, kung nagkasakit si Crisostomo Ibarra, dadalawin siya ni Maria Clara?”
Napa-Diyos ko ako. Pero, wala akong magawa. Ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay mga aklat na pinag-aaralan namin sa iskwela. Pag sinabing animo si Maria Clara ang babae, pinakamataas na papuri na iyon. Noon.

(Ano kaya ang mangyari sa pag-ibig ni Dalisay? Abangan ang karugtong at katapusan ng kanyang kwento sa susunod na blog entry.)

3 comments:

  1. I love ang unang yugto. Got us (Aida and me) interested and anxiously waiting for the susunod na yugto.

    ReplyDelete
  2. Ang galing nyo po talaga Tita Eve!
    Kaabang abang ang kasunod na yugto....

    ReplyDelete
  3. It can truly be said that I'm holding my breath till I read the next chapter. Talagang kapanapanabik!

    ReplyDelete