Wednesday, February 27, 2008

Ang Pag-ibig ni Dalisay, Katapusang Yugto

Ang Pag-ibig ni Dalisay, Katapusang Yugto


PERO si Dalisay ay isang palaisipan. Kung sa ngalan ng pag-ibig, siya ay isang Maria Clara, sagad hanggang buto, ang kasabihan nga, pero sa ibang bagay naman ay makabago siya. Nang mga panahong yaon na ang suot ng karamihan sa amin ay boys shoes ng Gregg, siya ay naka-sandals na very flattering sa kanyang mga paa at mapuputing binti. Nang kami ay mga kimi pang makitalamitan sa mga lalaki, heto na si Dalisay, kabungguang-balikat ng mga crush namin, kakuwentuhan, kasama sa pagkain ng halu-halo sa school canteen. At ang turing sa kanya ng mga ito, one of the guys. Talagang patay-malisya. Pati nga si Ramon, kasama sa grupong ito.

Sinabihan ko si Dalisay. “Nalilito sa iyo si Ramon.”

“Bakit?” ang tanong.

Nagpaliwanag ako. “Hindi niya matiyak ang kanyang kinalalagyan. Espesyal ba siya o isa lang sa marami.”

Humalinghing, namilipit si Dalisay. “Kapatid, alam mo naman kung gaano ko siya kamahal. Dito sa kaibuturan ng aking puso…”

“Tama na,” naiinis kong putol. “Kaso, hindi mo ipinakikita sa kanya. Wala siyang madama na iba ang damdamin mo sa kanya.

Aba, namaywang pa ang Dalisay. “Ipakitang gusto ko siya? Aba, Maria Clara yata ito. Nevah!”

At lumipas ang mga taon. Nang unang sumupling ang pag-ibig ni Dalisay kay Ramon ay bago pa lamang kasasakop ng mga komunista sa Republika ng Korea. Ang presidente pa ng Estados Unidos ay si Truman. Ang popular na awit ay ang Autumn Leaves ni Bing Crosby, Music Music Music ni Teresa Brewer, Cry ni Johnny Ray, Tennessee Waltz ni Patti Page.

Kung saan ang favorite song niya ay So Close to my Heart. Sa kabila ng sangkaterbang kantang sumikat na at natabunan, faithful pa rin siya sa kanyang favorite song na siyang tugtog nang mag-first dance sila ni Ramon noong Junior’s Prom nang kami ay nasa third year pa sa high school. So close to my heart, each night and each day, you’re still in my heart, though you’re far away, Can’t you see I’m lost when you’re not beside me, Every night I dream and wonder…

Ang tanong ko: “Nagtapat na ba si Ramon?”

Nangulupetsay ang mukha, umiling ang bida. “Hindi pa nga.”

Nag-isip ako nang malalim. At muling nagtanong. “Kung mga okasyon, naaalaala ka ba niya?”
Parang bombilyang nagliwanag ang mga mata, inisa-isa ni Dalisay ang mga okasyon. “Tuwing birthday ko, mula noong Peftok incident sa Current Events ni Miss Flores, Christmas, Valentine, mula noon, hanggang ngayon, may card siyang ibinibigay sa akin. Special friend, special girl, special someone. Puwera pa ang bitbit na manggang hilaw, malasebong sampalok, pastilyas San Miguel de-Mayumo, kuwintas ng sampagita, dalaw-dalaw sa dormitoryo, tawag sa telepono….”

Patapos na ang dekada singkuwenta, papasok ang sisenta, wala pa ring nang- yayari. Dumating si Elvis Presley. Namayani ang rock and roll. Pumasok sa eksena si Paul Anka at ang kanyang Diana. Bumalik si Frank Sinatara at ang kanyang All the Way. And somewhere along the way, nawala, naglaho sa sirkulasyong ginagalawan ni Dalisay si Ramon.

“Ano ang nangyari?” usisa ko.

Kay lalim ng buntong-hiningang hinugot ni Dalisay sa kanyang dibdib. “Ewan. Unti-unti, dumalang ang mga pagdalaw, ang mga pagtawag sa telepono.”

“Ngayon, paano?”

Ngumiti si Dalisay. Malungkot na ngiti. At ang sagot. “Sabi nga ni Doris Day, que sera, sera, whatever will be, will be.”

At kami ay nangakatapos ng kolehiyo. Nagkatrabaho. Nagkapamilya. Ang iba ay nag-abroad. Nagkahiwa-hiwalay. Nawalan ng balita sa isa’t isa. Ni hindi nag-reunion for so many ywars. Ang una at huli ay ang Silver Jubilee kung saan dumating si Dalisay ngunit wala si Ramon. May asawa na at mga anak si Ramon. At sa kabila ng maraming nagsiligaw, dalaga pa rin si Dalisay. Tapat pa rin at dalisay sa kanyang tanging pag-ibig. Na gustong ipa-immortalize, nais makita sa mga pahina ng Liwayway.

Na sinagot ko ng a…. ewan!

NOON kasi, hindi ko maisip kung ano ang kahanga-hanga sa kanyang pag-ibig. Para sa akin kasi, hindi kahanga-hanga iyon. Katanga-tanga, mas tama siguro. Ngunit sa isang dako, kung pakaiisipin naman ang lahat, ang nais kong bigyan ng sisi, sa kawalan na marahil nang masisisi, ay ang panahong kinalakhan namin. Mil nueve cientos cincuenta! Si Dalisay ay bunga at bihag ng nasabing panahon. Mga matang nakatuon sa ibayo ng dagat. Sa mga nangyayari sa Amerika, sa mga tanyag na awit sa Amerika, sa bawat kilos at galaw ng presidente ng Amerika, sa mga gamit at pagkaing nanggagaling sa Amerika. Mga isipang kolonyal. At tulad ng nasabing panahon, ang panlabas na anyo at kilos ni Dalisay ay makabago, sumusunod sa moda. Ngunit sa kanyang kaibuturan, siya ay isa pa ring Maria Clara. May tapat, dalisay na pag-ibig, Na ipinakalihim-lihim. Ayaw ibunyag. Ni hindi ipinahalata.

Aaminin ko na. Ito nga’y kahanga-hanga.

Liwayway, Hunyo 22, 1987

1 comment:

  1. I like the story and very well written.Sana ay may kasunod pa.

    ReplyDelete