Mga Nanay sa Labas ng Bahay
1. Nadaraanan ko siya tuwing namamalengke ako. Edad kwarenta higit siguro. Suot ay ordinaryo, lumang blusa o teeshirt at shorts. Nakatsinelas ng sakbat na rubber, o step-in na pudpod, medyo may karumihang mga paa. Naka-ponytail ang hindi kahabaang buhok. Kayumanggi, magaspang ang balat. Kadalasan ay nakatalungko at nakasandal sa pader ng iskwelahan, minsan ay nakapikit pa ang mga mata, waring nagbabawi ng tulog. Katabi niyang nakaupo ay si Kulit, isang aspin, na nakita kong lumaki mula sa pagiging tuta. Trabaho ni Nanay ay ang magtrapik nang lumalabas na kotse at sasakyang pumaparada sa harap ng iskwelahan na nangyayari lamang kapag walang pasok ang mga bata, tulad ngayon na bakasyon. Kahit para siyang tulog, kapag may umugong nang sasakyan na waring papaalis na sa pagkaparada, mabilis siyang tatayo at pupunta sa gitna ng kalsada upang magtrapik. At siyempre, maningil!
2. Gigi ang pangalan niya. Tisay na tunay, maputi, matangos ang ilong, maganda ang mga mata, malamang ay "may katawan" noong dalaga bagaman at malusog na ngayon. Suot niyang lagi ay blusa at pantalon, medyas at rubber shoes. Kadalasan ay may suot din siyang malapad na sombrero, panlaban at pangsangga sa init ng araw, dahil ang munti niyang tindahan ng mga native crafts- pamaypay, bag, bayong, walis tambo at tingting, wallet, coin purse, Baguio products- ay nasa-tabing kalsada at tampak na tampak sa araw. Tuwing nadaraan ako sa tabi niya sa aking pamamalengke ay hindi siya pumapalya sa pagbati sa akin ng "good morning, Tita". Kaya laging maganda ang aking umaga. Pag-uwi ko naman ay saglit ko siyang nakakakwentuhan tungkol sa buhay may pamilya at buhay ng isang ina - walang katapusang trabaho!
3. Araw-araw ay nadaraan siya sa harap ng aming bahay. Lumang pantalon, lumang blusa, tsinelas na kaladkad sa paglakad, nakayuko at tuon ang mga mata sa dinaraanan na parang laging may malalim na iniisip. Umaga, tanghali, kahit gabi, at kung saan siya nagpupunta ay hindi ko alam. Higing ko ay nagtitinda siya kung may makukuhang paninda, mamamasukan kung may mapapasukang trabaho, sa madali't sabi ay naghahanap-buhay para sa napakalaki at lumalaki pa niyang pamilya - anupa't kapisan pa rin niya ang mga anak na maagang nagsipag-asawa na pinag-aapuhan. Pag-uwi niya ay may bitbit nang plastik na may lamang lutong ulam.
4.
Kapag namamalengke ako, iniiwan ko ang bayong ng napamiling gulay sa suking
maggugulay, ang isda sa suking binilhan nito, ang manok, ang prutas sa mga
suking yaon ang tinda. Hindi na ako nagbubuhat dahil lingguhan akong mamili at
mabigat ang mga nasabing bayong. Mayroon din akong suking kargador na siyang
kumukolekta ng lahat at kami ay nagkikita na lamang sa paradahan ng traysikel
na sinasakyan kong pauwi. Sa isang waiting shed ako naghihintay, nauupo
katabi ang ilang naghihintay ng diyep, ng mga drayber ng traysikel, ng isang
babaing nagtitinda ng mani na mamantika, lima o diyes pesos depende sa laki ng
takalan, kending Maxx at iba pang maanghang o lasang kape. Dito ako malimit
lapitan ng isang babaing maayos ang bihis, uupo sa tabi ko, ngingiti sa akin,
kalaunan ay makikipag-usap. "Pensioner kayo? SSS?" Naku, sagot ko
naman, wala nga! Tanong ulit, "Di pa kayo retired?" Naku, sagot ko
ulit, may retirement ba ang mga housewife? Retirado na ang mga empleyado, pero
ang mga asawa at ina, tuloy pa rin ang trabaho! Naiba ang tanong,
"pensioner ang asawa ninyo?" sabay bigay sa akin ng isang papel at
tuloy ang sales talk. "Wala nang processing, ibibigay agad ang cash."
Ganoon, naisip ko at aking itinanong, paano kayo nakasisingil? A...sabi noong
babai, isu-surrender lang ninyo sa amin iyong passbook n'yo, kami ang
maghahawak. A...gano'n!
5.
Bago ako makarating sa sinasakyang traysikel kapag papunta sa palengke ay
nadaraanan ko ang isang multi-purpose gym ng katabi naming barangay. Depende sa
panahon ang mga aktibidades na ginaganap o ginagawa rito. Graduation ng
elementarya, sosyalan ng barangay ngunit kadalasan, mga batang
nagba-basketball. AT... grupo ng mga Nanay o Lola na siguro, naka-jogging
pants, teeshirt at rubber shoes, dalagang nais magbawas ng timbang ang
minsan sa isang linggo, ay nadaraanan kong tumatalon-talon, taas, dipa ang mga
braso, kembot ang mga puwet, ikot, giling, lundag, lakad sa harap, sa gilid,
patalikod... Zumba! At ako'y saglit na titigil at manonood, paminsan ay
niyayaya pa ng ilan dahil naka-rubber shoes, teeshirt at pants akong
mamalengke. Sali na, anyaya nila. At tunay namang naiingganyo rin ako. Zumba!
Pero naghihintay ang palengke at walang retirement ang mga katulad ko.