Sunday, April 19, 2015

INTERNET




INTERNET

Isang kahindik-hindik, para sa akin, na pangyayari ang aking naranasan kamakailan habang may ginagawa ako sa computer na gamit ko.  

Sa kasalukuyan, nasa proceso ako nang editing ng aking ikaapat na aklat na nais kong maipalimbag sa 2016.  Mapapansin ng mga nakabili ng aking unang aklat (at ito ay ihinihingi ko ng paumanhin) na marami ang typographical error, sa mga spaces, paragraph, capitalizations, spelling atbp. Patawad po, birth pains. 

Iyong ikalawang aklat, sa tagal nang paulit-ulit na pagbasa ay mangilan na lamang daw typo error ang nakita ayon sa feedback sa akin. Ang lahat naman ay pawang tungkol sa typo error. Kung iyon mismong nilalaman ang pag-uusapan, iyong sa ikatlong aklat, tulad ng una at ikalawang aklat, ay overwhelming ang response ng mga nakabasa na tunay na nakatataba ng puso: kumbaga sa pagkain, lasang ‘henga pa! Humihingi na ng kasunod! Kaya nga po, nakatuon na ang aking panahon sa editing ng ikaapat na libro. At dito nangyari ang kahindik-hindik kong karanasan.

Ang teksto ng nobela na nalathala noong 1989 (higit nang 25 taon ang nakalipas) sa LIwayway ay kinailangan ko pang ilipat sa computer dahil sa makinilya ko pa ito unang ginawa. Higit siyamnapung kabanata ito na buong tiyagang muli kong tinipa sa keyboard ng computer. Daming editing na gagawin sa mga capitalization, punctuation, spelling at iba pa! Sabihin pang minsan, mas marunong pa ang computer sa akin na siyang sumulat ng nobela. Aba’y binabago ang text! Kaya talagang trabaho ang maglabas ng libro, di pa kasama ang pagpili ng pabalat o cover, at iba pang pagsasaayos ng kabuuan ng nobela.

Ganito ang nangyari: Nag-e-edit ako. May dini-delete, kaya pinipindot ang del sa keyboard. Mayroon namang iyong backspace ang titipahin. Sa 375 na pahina ng nobela na nasa file ko, 70 na ang aking edited at nai-saved. Nasa 74th page yata ako nang biglang nag-delete on its own ang aking computer!!! Page 75, 76, 77, 78 onwards, tuluy-tuloy itong nagbubura na parang may sariling buhay! 

Sumigaw ako! Tinawag ko ang dalawa kong anak (isang computer 3-D animator at isang fine arts graduate at digital artist) for help.  Bakit, bakit, tanong ko. Pahintuin ninyo, nauubos, nabubura ang file ko!

Tanong ng anak ko, may back-up ka ba? Ibig sabihin, kung may naka-saved akong kopya sa flashdrive. Mayroon naman, pero raw materials, wala pang editing na nangyayari. 

Pindot dine, pindot doon, escape, etcetera, ngunit tuluy-tuloy pa rin ang pagbubura ng computer sa aking file. Feeling ko ay para akong nanghihina, nauubusan ng lakas, parang may isang pangyayari sa harap ko na hindi ko mapigil, wala akong magawa. Inisip ko na lamang, many months work gone, down the drain, magsisimula ulit.

Nang ewan, kung anong kumbinasyon ang napindot ng aking anak, biglang tumigil si computer. Higit one hundred pages ang nabura. Sabi ng anak ko, huwag kang pipindot ng save. Wait ka lang. Ewan kung ano pa ang ginawa, file recovered completely ang nakita ko. Kaagad ipinalagay ito sa aking flashdrive at inilipat din sa bagong computer. At tinuruan akong mag-save everytime na may ginawa sa file, under a different file name.

Ay, naku, my computer, pinataas mo ang aking high blood! Friend kita, di ba? Bakit mo naman ako biniro nang ganito?

At yamang nasa subject tayo ng internet, isang kwento tungkol dito ang alay ko ngayon sa inyo.

May Email Ka



“MAY  EMAIL  KA”

         SINULYAPAN ni Erika ang orasan sa kanang sulok sa ibaba ng monitor.  1:02 AM. Mahigit nang isang oras siyang nakaupo sa harap ng computer.  Nang bumangon siya at nagtungo sa silid na kinaroroonan nito ay wala pang alas dose ng hatinggabi.  Hindi siya makatulog dahil isang ideya para sa isang kuwento ang ayaw bitiwan ng kanyang utak.   Na nang upuan naman niya ay ayaw ring bitiwan ng kanyang utak, hindi malaman kung saan uumpisahan, mga daliri niya’y walang buhay na nakapatong lamang sa ibabaw ng keyboard.  Ayaw tumipa.  

        Sa isang dako ay alam rin naman niya ang dahilan. Kung bakit waring siya ay sapupo ng writer’s block.  O iyong tinatawag na drought. Kumbaga’y tigang ang lupang kinapupunlaan ng binhi ng kanyang gustong ikwento.

         Hindi siya sanay magsulat ng kuwento sa computer.  Simula’t sapul, ang gamay niya ay ang lumang Underwood na circa sesenta pa, nabili niya sa book value nito nang magsara ang opisinang pinapasukan niya, na tamang-tama sa kanyang pag-aasawa, panganganak, pagpapamilya, at pagsuong sa daigdig ng pagsusulat ng maikling kuwento at nobela. na siya niyang tunay na hilig, hindi ang tinapos na propesyon sa kolehiyo.  Ang kaso, sa kanyang edad, medyo nananakit na ang kanyang mga daliri sa pagtipa sa matitigas na teklado ng lumang makinilya.  Kasama na ang sugpungan ng kanyang bisig at balikat.     

       Noon siya niregaluhan ng kanyang anak na nasa abroad ng isang computer.  Ayaw nga niya, tinutulan niya ang pagbili nito, malay ko bang gamitin iyan, kanyang wika.  Naku, Nanay, ang dali-dali lang naman.  Kung marunong kang magmakinilya, iyon din ang prinsipyo ng computer, sabi ng kanyang anak.  Pero ang daming pipindutin, reklamo niya.  Simpli lang, sabi ng kanyang anak. Nanay, ilista mo lang, paliwanag nito. At naglista siya. 

       1. On ang switch ng UPS at AVR. Para daw mag- brown-out man, hindi agad mabubura ang ginagawa o sinusulat sa computer. Tuloy pa rin ang kuryente.  Uninterrupted Power Suppy, UPS.  Automatic voltage regulator, AVR. Kasi, minsan, malakas ang dating ng boltahe ng kuryente na nakasisira ng appliance. Okey, sabi niya.
       2. On ang switch ng CPU, Central Processing Unit.  Lahat daw ng nangyayari sa computer bago makita o marinig ay dito nagdaraan.  Okey, sabi niya ulit.
       3. On ang switch the monitor. Pero, pwede na rin daw na huwag patayin ito at pamalagiin na lamang bukas. Okey, sagot niya, hayaan nang laging bukas.
       4. Click ang icon ng Microsoft. Pagbukas nito, nasa document na siya at pwede nang mag-type. Ang dali-dali.  Pati pagbubura ng mali. Pagkokorek. Ang bilis. ng ganda.  Kung matatandaan niyang lahat.  

       Habang katabi niya ang kanyang anak na nagtuturo sa kanya, iba ang file sa folder. Ganito ang pag-save. Ganito ang ganire at ganito ang ganoon, e, kayang-kaya niya ang mag-computer. Ang kaso, kapag nawala na ito, lahat na yata ng bulilyaso ay nangyayari sa kanya. Biglang mawawala sa screen ang sinusulat niya. Sigaw agad siya, anakkkkkkkkk, bakit ganire! Talagang malaking adjustment ang magsulat sa computer, para sa kanya. Pero, isang nagustuhan niya sa computer ay ang pag-e-email.  Medyo mabilis niyang natutuhan ito. Unlimited ang service na kinuha ng kanyang anak, dahil lagi itong may dina-download. Kaya, madalas siyang mag-email sa kanyang anak na nasa abroad. 

       Ito ang pumasok sa isipan ni Erika nang ayaw lumabas ang kanyang kuwento sa kanyang ulo at puting-puti pa rin ang screen ng monitor sa kanyang harap.   Mag-tse-tsek siya ng email.  Pinindot niya ang icon ng kanilang internet provider.  Nagkonek siya.  At nakonek naman. Lumitaw ang listahan ng mga email messages niya. Sangkaterbang spam.  Mga nag-aalok ng viagra, cialis, at kung anu-anong gamot for enhancement ng kuwan ng babae at ano ng lalake.  Delete agad niya ang mga ito.  Ay, salamat at may email ang kanyang anak sa abroad.  Natutuwang binuksan ito ni ErikaDear Nanay, bumili na kami ng bagong van.  Ang sikip na kasi sa kotse dahil dalawa na ang bata at sa mga car seats lamang nito ay punung-puno na ang likod.  Tamang-tama sa pagbabakasyon ninyo.  Love, Diane.   

       Nakita ni Erika, may isa pang message sa Inbox. Tony ang pangalan ng pinanggalingan.  Ang subject matter ay yesterday’s meeting.  Kahapon ba sila nagmiting ng mga kaklase niya tungkol sa reyunyon?  O noong isang araw?  Anong araw na ba ngayon?  Pero sinong Tony ito?  
  
       Nang buksan niya ang mensahe ay saka naalala ni Erika ang bilin ng anak na huwag na huwag siyang magbubukas sa Inbox ng email na hindi niya kilala ang pinanggalingan. Baka may virus. Pero, huli na nga ito nang maalala niya. buksan na. At binasa niya.  

       Nagpunta ako sa bangko kanginang umaga. Nakita agad kita.  Nakaupo ka sa may  mesang  nasa likod ng teller na  malapit sa may New Accounts na kinaroroonan ko.  Alam ko ring nakita mo ako. Pero, hindi mo ako pinansin.  Bakit?  Tony. 

        Kumunot ang noo ni Erika. Kailan ba siya nanggaling sa bangko? Kahapon? Noong isa ng araw? A, kangina siya nasa bangko.  At doon nga siya nakaupo sa harapan ng mesa ni Pinky, sa likod ng teller na si Merlyn. Pero sino si Tony? Na hindi raw niya pinansin. 

        Itinuro niya ang palaso ng mouse sa Edit sa kaliwang sulok ng monitor. Pinindot ang select all, at ang delete sa keyboard.  Naglaho sa screen ng monitor ang mensahe ni Tony.  Paghiga niya ay agad naman niyang nalimutan ito. 

        Kinabukasan, nagising si Erika na naglalaro na naman sa isipan ang kuwentong gusto nang makawala sa kanyang utak. Pagkatapos ayusin ang mga pang-araw-araw na trabaho sa bahay, tinungo niyang muli ang computer.  At biglang sumulpot sa kanyang isipan si Tony. Agad siyang kumonekta sa internet, at tiningnan kung mayroon siyang email. Mayroong isa, galing sa nagngangalang Mariel. Ang subject matter ay re yesterday’s meeting.   Dali-daling binuksan ito ni Erika, muli na namang nalimutan ang babala ng anak na huwag magbubukas ng email mula sa hindi kilalang tao.  At binasa ang mensaheng nakasaad dito 

       Pasensiya ka na.  Kasama ko ang aking asawa sa bangko nang makita mo ako.  Medyo may pagkaseloso siya.  Kahit wala naman akong ginagawang kasalanan at ingat na ingat sa aking mga pagkilos.  Mahirap nang makilala ka niya nang harapan.  Dahil kilalang-kilala ka niya sa pangalan.  Hindi maiwasang nababanggit ka paminsan-minsan ng mga dating kaibigan, na akala, ay tayo ang nagkatuluyan.  Iniisip ko nga lamang kung bakit pinagtagpo pa tayong muli ng kapalaran.  Bakit nga kaya Mariel.    
     
         Sa ibaba ng email ni Mariel ay nakasulat ang sinagot nitong email ni Tony. Nagsasagutang email sa loob ng kanyang computer! At sa kanyang email address ipinadadala! Pero nababasa ba ng mga ito ang kani- kanilang mensahe? Paano naman nakapapasok ang dalawang ito sa kanyang pansariling address?  Ito ba’y mga hackers?  Narinig lang ni Erika, ganoon daw ang trabaho ng mga hacker. 

       Wala ang anak ni Erika at wala siyang matanong. Muli na lamang niyang binura ang mga email nina Mariel at Tony at tinungo ang Microsoft Word para maumpisahan ang kanyang kuwento. Na hindi na makalabas ay parang lumabo pa ang tema. Ang dating buo na sa isip ay waring napuno ng butas. Bukod sa gumigitgit na isipin tungkol kina Mariel at Tony.  Sa nabasa niya ay waring dating magkasintahan ang dalawa.  Na muling nagkita, pero may asawa na si Mariel.  Na seloso.  At si Tony naman, mukhang interesado pa kay Mariel. Wala pa ba  itong asawa? Palagay niya’y wala pa nga. Parang kwento ng pag-ibig. Ano kaya’t sulatin niya.  

        Bumalik si Erika sa Document 1 ng Microsoft, sa isipan ay binubuo ang nakaraan at pinagdaanang buhay nina Tony at Mariel.  Saan nagkakilala, nagkatagpo.  At natagpuan na lamang ni Erika, parang naghahabulan ang kanyang mga daliri sa ibabaw ng keyboard. At lumilipad ang isip sa hinahabing kuwento. 

       Sina Tony at Mariel ay magkamag- aral sa UP Diliman, magkasintahan sa buong panahon ng pag-aaral. Kainggit-inggit ang pagtitinginan, inakala ng lahat na ang mga ito ang magkakapangasawahan.  Matalino si Tony, mayaman sina Mariel. Nang makatapos sila nang pag-aaral, madaling nagkatrabaho ang dalawa ngunit nagkahiwalay dahil niyaya si Tony ng ama na naghahanap- buhay sa abroad. At sa kagustuhan ni Tony na makaipon dahil gusto nitong magkaroon ng sariling negosyo, umalis ito sa kabila ng pagtutol ni Mariel.  

       Tumigil sa pagtipa ang mga daliri ni Erika. Kung may magandang trabaho na si Tony, bakit pa ito aalis at pupunta sa abroad? Dahil, mas maraming magandang trabaho doon. At gusto nitong yumaman. Dahil may kaya sa buhay sina Mariel.  Nais nitong huwag maging alangan sa pamilya ng kasintahan. May tumawag sa telepono kay Erika, isang kaiskwela, at nagkakwentuhan sila nang husto tungkol sa idaraos nilang reyunyon, kaya, iniwan na lamang niya ang ginagawa.  Kinagabihan na lamang niya naalalang ito ay balikan. 

        Ngunit tulad nang mga nakararaang araw, wala siyang maidugtong sa kuwento nina Mariel at Tony.  Kaya ang Inbox na lamang ang kanyang tiningnan kung mayroon siyang bagong email.  Mayroon nga.  Mula kay Tony.  Dali-daling binuksan ito ni Erika. 

        Tinatanong mo kung bakit tayo muling pinagtagpo ng kapalaran.  Mariel, isa lamang ang kasagutan niyan.  Na hindi pa tapos ang ating kasaysayan.  May simula, at nasa kalagitnaan pa lamang ay naputol na.  Natapos nang walang pinagkatapusan.  Kuwento man, o nobela, o pelikula, lagi, mayroong wakes . . . the end . . . Kay ganda pa naman ng ating istorya.  At ang setting.  UP Diliman.  Isang probinsiyanong istudyante, nakatabi sa upuan sa iskwela ang isang sosyal na kolehiyala.  Hindi ko talaga akalaing papansinin mo ako noon.  Mabuti na lamang, biniyayaan ako ng Diyos na maging matalino.  Kaya mo ako napuna.  Naging kaibigan.  Kalaunan, kasintahan.  O, di ba? Tony.  

        Napahinga nang malalim si Erika sa nabasa. What a coincidence!  Sa UP Diliman nga nagkatagpo ang dalawa.  At tama pa rin ang takbo ng kanyang kuwento.  Matalino si Tony, ngunit hindi kapareho ang katayuan sa buhay nina Mariel.  Kaya disidido ito sa pagnanais na umunlad sa buhay.  Binalikan ni Erika ang sinusulat niyang kuwento.  Sa kanyang isipan, nag-uusap sina Tony at Mariel.  A, talagang matigas sa kanyang disisyon si Tony.  Dapat lamang.  Lumuluhog naman si Mariel. Muli, naglaro ang mga daliri ni Erika sa ibabaw ng keyboard ng computer.  

       “Bakit kailangan mo pang umalis?”  may sumbat sa tinig ni Mariel.

      “Walang mangyayari dito. Mas maraming opportunidad sa abroad.  Madali akong makaiipon.  Saka ako uuwi.  Gusto kong magnegosyo.  Ayokong namamasukan lamang.  Swelduhan.  Gusto ko’y ako ang nagpapasweldo.  Mahirap bang unawain iyon, Mariel?”

       “Pero, bakit nga?”  pilit pa ring tanong ni Mariel.

      Napailing si Tony.  “Gusto mo pang sabihin kong isa-isa ang mga dahilan.  Masakit na ngang isipin, gusto mo pang sambitin ko.  Pero, sige, makinig ka.  Una, mayaman kayo. . . Ikalawa, mayaman kayo.  Ikatlo . . .”

     “Tama na! Ano’ng kinalaman noon,” agaw ni Mariel.  “Tanggap ka naman sa amin.”

     “Presently tolerated. Ayaw ka lang biglain. Hinihintay sigurong sa iyo na magmula ang pagbabago. Ang pakikipagkalas.”

     “Pero, alam na nilang tayo, noon pang nasa UP tayo.  Wala silang sinabi.”

      "Dahil istudyante pa lang tayo at umaasa silang magkakahiwalay kalaunan.  Bihira sa  mga college romances ang natutuloy sa pag-aasawa.  Kaya pag nakita nilang hindi nagbabago ang ating pagtitinginan, gagawa na sila ng paraan.”

       Si Mariel naman ang umiling. “Ewan ko.  Hindi na nga siguro kita mapipigil.  Kaya lang, lalong alam kong bihira sa mga nagkakalayo ang nagkakatuluyan. . .” 

        Sumandal si Erika sa inuupuan.  Totoo ang sinabi ni Mariel. Bihira sa nagkakalayo ang nagkakapangasawahan.  Kundi makakita iyong nasa malayo, iyong naiwan ay nangulila at nakatagpo ng iba.  Absence doesn’t make the heart grow fonder, sa lahat ng panahon.  Karaniwan nga, absence makes the heart forget.  Napabuntong-hininga nang malalim si Erika.  Pasado ala una na ng madaling- araw.  Dali-daling isinara niya ang computer.  Tulog na ang kanyang anak na balak pa naman sana niyang tanungin tungkol sa mga nababasang email sa kanyang Inbox.  Kung paano ito nangyayari. 

       SA hapag-almusal, kinabukasan, naisingit na itanong ni Erika sa anak ang tungkol sa mga nasabing email. “Nagtataka ako sa mga natatanggap kong email. Hindi naman ako ang sinusulatan, pero sa ating address bumabagsak ang mga mensahe…”    
   
       Natural lang iyong may dumating na email sa iyo, ‘Nay, kung may nakaalam ng ating email address.  Kaya nga may spam, iyong kung anu-anong email na kung anu-ano ang itinitinda na sabi ko’y i-delete mo lang agad at huwag bubuksan,” paliwanag ng kanyang anak. 

     “Pero, dalawa silang wari ay siyang nagsusulatan…” patuloy niyang wika.           

       Nagkibit ng balikat ang kanyang anak, na nagmamadali sa pagkain, aalis.  “Isipin mo na lang ‘Nay, iyong mga crossline sa telepono.  Di ba minsan, pag-angat mo ng phone, may naririnig kang nag-uusap.  Hello ka nang hello, hindi ka naman nila naririnig, pero naririnig mo sila.  Baka gano’n lang ang nangyayari sa internet service mo.  Hindi pa naman perfecto iyang technology.  Marami pa ring kinks.   Basta sige lang.  Delete mo na lang,”  patapos nitong wika. 

      Si Erika naman ang nagkibit ng balikat.  Siguro nga.  Dahil minsan, tumunog ang kanyang cellfone, nakita niya, galing kay Mayang na kaiskwela niya.  Hello siya nang hello, tuluy-tuloy namang nakikipag-usap si Mayang sa kung kangino at waring hindi siya naririnig. 

        Dakong hapon na nang maharap ni Erika ang kanyang computer.  Ang Inbox agad ang tinungo niya.  Wala siyang nakitang email.  Bumalik siya sa ginagawang kuwento ng pag-ibig nina Tony at Mariel.  Muli, gumana na naman ang kanyang utak.  Sino kaya sa dalawa ang unang tinawag ng pangungulila, naghanap ng makakausap, makakaulayaw.  Si Tony kaya?  O si Mariel.  Sa palagay niya ay hindi si Tony, dahil kaya nasa abroad ito ay upang umangat sa buhay, dahil gustong balikan si Mariel.  Mas malamang, si Mariel.  Marami itong manliligaw ngayong wala na si Tony.  Si Mariel nga siguro.  May nakilala itong binata, mabait, gusto ng mga magulang.  Tama.  At tatangu-tangong sinimulan ni Erika ang pagsusulat ng karugtong ng kanyang kuwento nang naisipang magkonek muna sa kanyang email. a gitna ng maraming spam, may email si Mariel.        

      Lagi kong naaalaala ang mga college days natin sa UP.  Iyon na ang pinakamaligayang sandali sa aking buhay.  Na hindi na nadugtungan dahil sa iyong pag-alis.  Hindi ka talaga mapigil.  Ayaw kang maniwala na kapag nagkalayo ang dalawang tao, nagkakaroon na ng puwang sa kanilang pagitan.  Hindi lamang iyong pisikal na distansiya ng mga kilometro o milya, dagat at himpapawid, kundi iyong kahungkagang emosyonal.  Pangungulilang hindi maiibsan ng pamamasyal o panonood ng sine, lalo’t ang mga nakaraang pamamasyal ay may kasama ka, ang mga nakalipas na panonood ng sine, ay may katabi ka’t kahawak ng kamay.  Mahaba ang dalawang taon, tatlong taong ipinaghintay ko sa iyo.  Nang walang maliwanag tayong usapan.  Basta, naroon ka sa abroad.  Narito ako sa Pilipinas.  Bihira, mabibilang ko sa daliri ng aking mga kamay ang iyong mga sulat.  Ganoon ka ba kaabala?  Sa paghanap ng kung anuman ang iyong hinahanap?  Huwag mo akong sisihin, na sa dakong huli, inakala kong nakalimot ka na.  Wala ka mang sinabi na tapos na sa atin ang lahat, wala ka rin namang niliwanag na mayroon pa tayong pagkakaunawaan.  Kaya pumayag na akong pakasal kay Arnold.  Na alam kong mahal na mahal ako, kung bakit nga lamang, medyo seloso siya.  At ikaw na hindi pa niya nakakaharap ang lubhang pinagseselosan.  Dahil lamang alam niyang isang panahong tayo ang magkasintahan.        

      Napatawa si Erika.  Akalain ba niya, tugma lahat ang kanyang kuwento sa talagang naganap sa buhay nina Tony at Mariel. Si Mariel ang unang nangulila.  Si Mariel ang unang nag-asawa.  At hindi pa nag-aasawa si Tony.  Tulad nang  kanyang palagay at pakiramdam noong una pa mang hindi pa niya sinisimulan ang kuwento.   

       At ngayon, si Tony, marahil, umaandar na naman ang utak ni Erika, ay narito na sa bansa.  Matagal-tagal na rin.  May sinisimulang negosyo.  At minsan, sa isang dinaluhang okasyon, grand opening ng kung anuman, nagkita ang dalawa.  Tama!  At hindi kasama ni Mariel si Arnold.  Kaya nagkaroon ng pagkakataong mag-usap ang mga ito.  Sa isipan ni Erika ay maliwanag niyang naipipinta ang pagdadaop-palad ng dalawa.  Pati ang dayalog ng mga ito. 


     "Tony!”  si Mariel ang unang bumati sa dating kasintahan.


     Nabigla si Tony.  Nakatalikod siya nang batiin ni Mariel.  Pagharap niya rito ay para siyang namalik-mata.  “Mariel!”


      Hinagkan ni Mariel sa pisngi si Tony.  “Kumusta?”


     Hindi makapagsalita si Tony.  Kagat ang labing nakatitig lamang kay Mariel.  “Nasaan siya?”  si Arnold  ang tinutukoy ni Tony, alam ni Mariel.


     Umiling si Mariel.  “Ako lang ang narito, may iba siyang commitment.”


      “Bakit, Mariel?”  may hinaing sa tinig ni Tony.


      Muling umiling si Mariel.  “Wala akong maisasagot diyan, Tony.  It just happened.”


      "Mahal mo ba siya?”  tanong ni Tony.


      Hindi sumagot si Mariel.  Sa halip, tinapik sa bisig si Tony at nagpaalam, may ibang kinausap. 


      May gusto pa rin si Mariel kay Tony, sumaksak sa utak ni Erika.  May gusto pa nga ba?  Ang alinlangan ay sumingit sa isip ni Erika. Dagli, pinindot niya ang Send/Receive sa nakakonekta pa niyang internet at sa kanyang Inbox ay may nakita siyang email si Tony. 

      Muli tayong pinagtagpo ng tadhana, Mariel, dahil, nais ng Diyos na magkaroon ng kaganapan ang ating pag-ibig.  Nang makita kita sa Bahay Alumni sa UP noong nakaraang general alumni homecoming, nang tawagin mo ako, nang hagkan mo ako sa aking pisngi, pinigil ko lamang ang aking sarili na ikulong ka sa aking bisig, yakapin nang mahigpit, upang huwag na tayong magkahiwalay.  At nang tanungin kita kung mahal mo ang iyong naging asawa, at hindi mo ako sinagot, talos kong ako pa rin ang nagmamay-ari ng iyong puso.  At hindi ako titigil hanggang hindi dumarating ang sandaling iyon.  Tony. 

       Wow, bulalas ni Erika.  Gumaganda ang kuwento nina Tony at Mariel.  Nagkatagpo nga ang dalawa, hindi lamang doon sa naisip niyang grand opening ng kung ano, pero grand din, dahil general alumni homecoming pala.  Muli, nausal ni Erica, what a coincidence!  O talaga lamang kabilib-believe ang kanyang kakayahan bilang kwentista.   Halos tumutugmang lahat sa iniisip niyang takbo ng kuwentong isinusulat ang mga palitan ng mensahe ng dalawa.    
   
        Pero, paano niya tatapusin ang kanyang kuwento?  At paano rin kaya matatapos ang tunay na kuwento ng pag-ibig nina Tony at Mariel?  Napabuntong-hininga nang malalim si Erika.  Paano liligaya ang dalawa?  May asawa si Mariel.  Ano ang gagawin niya kay Arnold.  Mabait namang asawa, medyo seloso lamang.  Kailangang mawala ito sa landas upang magkabalikan ang dalawa.  Maaksidente kaya?  Hindi maaaring basta na lamang niya patayin sa kanyang kuwento ito upang mabigyan niya ng happy ending ang kuwento.  Inabot ng madaling-araw si Erika sa pag-iisip kung paano niya tatapusin ang kuwentong isinusulat na batay (ngunit bungang-isip rin niya) sa kasaysayan nina Tony at Mariel.  Aksidente lamang ba ang kasagutan?   Halimbawa ay isang confrontation.   Nag-away ang mag-asawa.  Nagkasagutan.  Sa kotse.  Kaya nagkaaksidente.  Kung mabubuhay si Mariel, baka magka-guilt feelings pa ito sa nangyari.  Parang hindi ito gusto ni Erika.  Iniwan niya ang pagsusulat, isinara ang computer.  

       Kinabukasan, nagtungo si Erika sa bangko.  May kausap si Pinky, ang kakilala niyang bank officer, ngunit pinaupo pa rin siya sa nabakanteng silya sa harap ng mesa nito.  Sa likod ng teller na si Merlyn.  Bigla, naalala ni Erika si Mariel.  At si Tony.  Saka niya napuna ang babaing nakaupo sa kaharap na silya, kausap ni Pinky.  Maganda ito.  May edad lang nang kaunti kay Pinky na kaiskwela ng kanyang anak sa high school.  Sa likod ng babae ay nakatayo ang isang lalaki na siyang dating nakaupo sa kinauupuan niya ngayon.  Nginitian siya ng lalaki.  Ngumiti rin si Erika.  Ngumiti rin ang babaeng kaharap niya, na parang nakita na niya, hindi lamang niya matandaan kung saan.  Nang paalis ang mga ito ay sinundan niya ng tanaw.  Akbay noong lalake sa balikat iyong babae.  Nag-uusap, nagtitinginan habang naglalakad.
  
        Napansin siya ni Pinky.  “Ang sweet nila, ano, ho?”  Sa kanyang pagtango ay may idinugtong si Pinky,  “Ang ganda ng istorya ng buhay nila, pwede ninyong gawing kuwento…” 

        Natawa si Erika, tagahanga ng kanyang kuwento si Pinky.  “Pampelikula ba?” 

       “Ay, oho. Kasi hindi naman talagang iyang si Lily at Arthur ang magboyfriend…” 

        Agad umandar ang utak-kwentista niya at dinugtungan ang sinasabi ni Pinky. “Iba ang boyfriend pero nagkahiwalay, umalis iyong lalake, nag-asawa itong si Lily kay Arthur, kaso, bumalik ngayon iyong dating boyfriend.” 

        “Na si Rommel!  Ay, naku, gano’n nga’ng kwento ni Lily.  Ordinaryo na pala,” dismayado si Pinky. 

        “Depende sa ending, naalala ni Erika ang kuwento nina Mariel at Tony. 

       “’Yan na nga ho ang istorya.  Wala pang ending.  Kababalik lang daw ni Rommel from abroad,” iiling-iling si Pinky.  “Si Rommel, marunong daw iyon, guwapo, sabi ng Ate ko.  Magkakaiskwela sila sa UP noon.  Crush pa nga raw niya.” 

        “Galing abroad?  UP?"  may kumislap sa isip ni Erika.  Si Tony ni Mariel?  “E, nagkita na ba ulit sila, mula nang nag-asawa si... ano nga’ng pangalan,  Lily?”  usisa ni Erika. 

       Tumango, umiling si Pinky. “Oho, Lily.  At hindi pa yata nagkikita.  Kaya nga ho, parang wala pang ending.  Although, may asawa na si Lily.  Di ba ending na iyon?” 

       “Aber, kung ikaw ang tatanungin ko, Pinky, ano sa palagay mo ang magandang ending sa kuwento ng pag-ibig nina Lily at Rommel?  At Arthur?”  

        Ngumiti si Pinky.   “Kung crush ng Ate ko si Rommel na dating boyfriend ni Lily, e, crush ko naman itong si Arthur na napangasawa niya.  Ang bait-bait niya.  Pogi rin, di ho ba?  Saka mukhang in love naman sila.  At nangyayari namang talaga iyon.  Falling in love with another man...di  pa naman kasal doon sa dating boyfriend,”  wika ng dalaga. 

         Sa kanyang kuwento, mabait si Arnold, ang napangasawa ni Mariel, at sa kasalukuyang kuwento ni Pinky, ang bait-bait ni Arthur, ang napangasawa ni Lily, naisip ni Erika.  At nanikit sa isip ni Erika ang sinabi ni Pinky.  Nangyayari namang talaga iyon.  Ang umibig sa iba.  

         PAGDATING sa bahay, ang computer agad ang tinungo ni Erika.  Tuloy agad sa Microsoft Word, sa hinahabing kuwento nina Mariel at Tony.  Naisip niya, ang kuwento ng pag-ibig nina Mariel at Tony ay tunay na nangyayari sa araw-araw na buhay ng mga tao.  Sinuman sina Tony at Mariel na mga tauhan sa loob ng Inbox ng kanyang computer, at sinuman sina Tony at Mariel na mga tauhan sa loob ng kanyang kuwento – ang mga ito ay katulad din lamang nina Lily at Rommel at Arthur, na tunay na mga nilalang na humihinga, umiibig, may problema na inihahanap rin ng solusyon.  Ang nakatutuwa lamang ay ang pagkakatugma-tugma, pag-aayon-ayon, pagkakatiyap-tiyap ng mga pangyayari.  O, talagang ganito lamang ang utak ng isang nagsusulat.  Mayaman sa imahinasyon.  O kaso ito ng life imitating art?  Teka, baligtad yata, di kaya art imitating life... 

      A, saan ba siya tumigil sa ginagawang kuwento?  Doon sa pinaglalaruan na niya sa diwa ang pagkakaroon ng komprontasyon nina Mariel at Arnold.  Ang magaganap na aksidente na ikasasawi ni Arnold.  Na sa totoong buhay nina Lily at Rommel, ay si Arthur. 

        Si Arthur.  Nakita niya kangina sa bangko. Nagngitian pa sila.  Mukhang mabait nga ito.  At tama si Pinky, mukhang in love naman sila sa isa’t isa ni Lily.  At ayon sa kuwento nito, walang namang binanggit na in love pa si Lily sa dating boyfriend na si Rommel.  Kung tutuusin, wala namang problema sina Lily at Arthur sa kanilang buhay ngayon.  Si Rommel lamang ang may problema dahil hindi pa nito matanggap ang katotohanang wala na sa kanya si Lily. 

      At sa hinahabi niyang kuwento nina Tony at Mariel, si Tony, tulad ni Rommel, ang nangangailangan ng closure.  He needs to move on.  Successful na siya sa buhay, guwapo naman, he will be a good catch.  A, alam na niya ang kailangang mangyari.  Dapat siguro ay makatagpo si Tony ng bagong iibigin.  Na maganda ring tulad ni Mariel.  Na matututuhan nitong mahalin.  Mas mabuti siguro, dati nang kakilala.  

        Binalikan ni Erika ang bahagi ng kuwento kung saan unang nagkita sina Tony at Mariel. 

        “Tony!” si Mariel ang unang bumati sa dating kasintahan.    
  
        Nabigla si Tony.  “Mariel!”      

      “E, ito, natatandaan mo?” nakatawang tanong ni Mariel.  “Taga-UP rin.  Barkada. At dalaga pa!”   
    
      Pinagmasdan ni Tony ang katabi ni Mariel.  Ngumiti ito, lumitaw ang biloy sa magkabilang pisngi. “Mimi!”  bulalas ni Tony, ang mga mata’y parang ipinako sa mukha ng kaharap.     
  
      Nakangiting pinagmasdan ni Mariel ang dalawa.  Pagkuway hinagkan sa pisngi si Tony  sabay wika ng “bye”.   At kay Mimi, “O, siya, diyan na muna kayong dalawa,”  wika ni Mariel, sabay talikod sa mga ito.       

       Mandi’y nababaghan pang tinanaw ni Tony ang papalayong si Mariel, ngunit muling umaliwalas ang mukha nang mabaling kay Mimi.  At may kasabikang nagsimula nang mag-usap ang dalawa.

       Huminga nang malalim si Erika.  Wala nang aksidente, wala nang mamamatay, ang kanyang naisaloob.  Mula sa pagkikitang ito nina Tony at Mimi, maiiba na ang daloy ng mga pangyayari.  Dalaga pa si Mimi, binata pa si Tony.  Sa totoong buhay, nangyayari ito, sabi nga ni Pinky.  Maaaring mabaling sa iba ang pag-ibig, matuturuan ang puso.  At matatanggap ang katotohanan!      

       Matapos mai-save ang sinulat, bago isara ang computer, ay kumonektang muli si Erika sa internet at tinungo ang kanyang Inbox.  Mayroon siyang email.  Galing kay Tony.  Sabik na binuksan niya ito.  Lilimang salita lamang ang mensahe.  Hindi pa tapos ang kuwento!

       Pinapag-isip si Erika kung ano ang ibig sabihin nang kanyang nabasa.  Anong ibig sabihin ni Tony?  Aling kuwento, anong kuwento?  tanong niya sa sarili.  At kangino sinasabi ito ni Tony.  Kay Mariel?  O sa kanya?  
Pakiramdam ba niya’y siya ang kinakausap ni Tony.  Si Tony na isang pangalan lamang sa loob ng kanyang email.   

        Well, whatever, at kumibit ang kanyang balikat.  Pinindot niya ang mouse, sabay highlight sa mensahe ni Tony, tinuunan ang delete sa keyboard at isinara na niya ang computer.  Basta, may nagawa na siyang kuwento, una  niyang kuwento,  sa computer.  Hopefully, kaya na niyang magsulat ng kuwento sa computer, na hindi na kailangan ang tulong ng mga mensaheng naliligaw sa kanyang email.  
  
         Iyon pa man, salamat, Tony!