'WENTONG MAY 'WENTA - 1 - SA BANGKO
Noong araw, ewan kung hanggang ngayon, kapag mayroong mga
usapang hindi kapani-paniwala, ang komentaryo ay kwentong barbero lang ‘yan. O
kwentong kutsero. Ngayon, narinig kong
minsan, ang tawag nila dito ay ‘wentong ‘alang
‘wenta.
Ibig sabihin, kwentong walang kwenta.
Minsan, sa araw-araw na buhay, dumarating sa atin ang
mumunting karanasan na kapag ikinuwento natin sa iba ay sasabihin sigurong ‘wentong ‘alang ‘wenta. Pero para sa akin naman, katuwa-tuwa ang
mga ito. O baka talagang mababaw lang
ang kaligayahan ko…
Tulad minsan na nasa bangko ako, may nakatabi akong
matandang babae. Tingin ko’y matanda,
kasi ay tunay na kulubot ang balat sa mukha, sa leeg, sa mga bisig. Maluwang at kupasin ang suot niyang
blusa. Karaniwan ang palda at step-in sa
paa. Iyong tipong nakatira sa tabi ng
creek.
May inaasikaso pa ang kaharap naming empleyada. Nagngitian kami. Tinanong niya ako. “Ilang taon ka na?”
Mabilis ang aking sagot.
“E, kayo ba, ilang taon?”
“Otsenta’y kuwatro,”
sagot nito
.
Napatango ako. Tama
ako, matanda talaga. Ako naman ang
nagtanong. “Kinukuha ba ninyo ang inyong
pensiyon?”
Ang sagot niya, kasabay ang nguso sa may labas ng
bangko. “Oo. Kasi offline sa ATM.”
“Ha!” nagulat
ako. “Marunong kayo noon?”
Nakatawa, tumango siya, sabay ang aksiyon na wari ay
nag-swipe ng card.
“Talaga? Marunong
kayo? Ako, hindi. Takot ako sa ATM,” kwento ko na ikinatawa
niya. “SSS ba ang pensiyon ninyo?” tanong ko pa.
Oo raw at sa isang pabrika ng sapatos siya nagtrabaho. “Galing,” sabi ko naman na may damang
paghanga sa kanya. “E, saan kayo
nakatira?”
Sinabi niya ang isang baryo o siguro ay isang purok sa
Marikina. “May sarili akong bahay.”
“Talaga!” lalo
akong humanga sa kanya. “Sino naman ang
inyong kapisan sa inyong bahay?”
Aba’y wala raw, dinadalaw lang siya paminsan-minsan ng
kanyang mga apo sa nag-iisang anak na kung saan naman nakatira. “E, bakit di pa
kayo pumisan sa anak ninyo?” tanong ko.
Tumawa ang matanda.
“Makulit ang mga bata, mahirap sawayin.”
“E, paano pag
nagkasakit kayo?” tanong ko pa.
Nangyari na raw iyon at ang mga kapit-bahay ang nagdala
sa kanya sa Rodriguez, isang ospital sa Marikina.
“Bait naman ng mga kapit-bahay ninyo,” sabi ko.
Mababait nga raw, pero tatlong beses na raw siyang
lumipat ng bahay. “E, bakit?” sabi ko naman.
Kasi raw, tatlong beses na silang na-demolish. Kaya alsa balutan lagi, dala ang mga tabla at
yero at kung saan ang relocation, doon na ulit sila tumitira.
Wow, sa loob-loob ko, narito ang isang tunay na survivor
ng mga demolition. Matandang
independiyente. Namumuhay nang
mag-isa. Otsenta’y kuwatro, marunong sa
atm… Mantak mo ‘yan… Bilib ako talaga!
‘WENTONG MAY 'WENTA - 2 – SA BANGKO PA RIN
Heto pa ang isang “wentong ‘alang ‘wenta, pero napatawa
ko naman ang mga kinuwentuhan ko nito.
Nasa bangko na naman ako.
Nagkagulo. Pati iyong branch
manager, lumabas na rin ng kanyang cubicle.
Heto na ang security guard at
waring may sinusundang tao sa gawi namin.
“Kayo yata!” usig
nito sa isang lalaking nakaupo sa grupo ng mga senior citizens.
Umiling ang lalake.
“Hindi ako!” tutol nito.
Nagpatuloy sa paglingap-lingap ang guwardiya.
“Diyan… diyan…”
sabi noong manedyer.
Isang matandang lalake ang nilapitan ng guwardiya. “Kayo siguro, Lolo!” wika nito.
Umiling ang matanda, tumayo sa kinauupuan at lumakad,
palayo sa guwardiya.
“Ano ba ‘yun?”
tanungan namin sa isa’t isa.
Binalikan ulit ng
guwardiya ang unang lalaking tinanong niya.
“Baka kayo?”
“Hindi ako!”
mariing sagot ng lalake, sabay hubad ng kanyang mga tsinelas at tuloy
pahid ng suwelas nito sa kanyang suot na tee-shirt. “O, gagawin ko ba ito, kung ako ang
nakatapak?”
At saka namin naamoy ang
alingasaw ng natapakang tae ng aso naman siguro, na dinala sa loob ng bangko ng kung sinong
nakatapak sa labas.
“Hala, kumuha ng mop at spray at linisin ‘yan,” utos ng manedyer.
At iyon na nga ang ginawa ng guwardiya.
Pero hindi namin nalaman kung sino ang criminal! Sa totoo lang, sinipat ko rin ang suwelas ng
suot kong rubber shoes…
‘Kakatawa rin…
‘WENTONG MAY 'WENTA - 3 – AT SA BANGKO PA RIN
Baka naman masabi ng mga mambabasa na lagi yata ako sa
bangko. Hindi po ako nagdedeposito. Nagbabayad po ako ng mga ilaw at tubig at
kung anu-ano pang bayarin. Tulad nang
nabanggit ko sa matandang nakausap ko noon, allergic ako sa mga hi-tech na
pagbabayad sa telepono na maraming pinipindot
pang kung ano. Gusto ko, pag nagbayad ako, kita ko iyong tumatanggap ng
pera at nahahawakan ko ang resibo. Kaya
po madalas ako sa bangko, dahil ang mga bayarin ay walang katapusan.
At narito na naman ang isang kwentong bangko.
May nakatabi akong may edad na ring babae. Makwento siya at agad niya akong
hinunta. At sa kaunti kong pagbabalik ng
tanong sa kanya, nalaman ko na ang kanyang buhay.
Nakakatuwa na sa sumandaling pagkakausap namin ay nalaman
ko nang lahat ito:
Siya ay isang US citizen, pero dual na ngayon. Tatlo ang kanyang anak, ang nag-iisang babae
ang nasa States na lagi, araw-araw, ay tumatawag sa kanya (hindi ko lamang
nausisa kung sa computer sila mag-usap o sa telepono). Isa siyang balo, at batang-bata nang mangyari
ito, kasibulan pa kumbaga ngunit hindi na nag-asawang muli, itinaguyod na
lamang ang pag-aaral ng mga anak, na swerte naman at mga iskolar sa Ateneo at
UP. Galing, may paghanga kong nasabi.
Nabaha
ang dalawang grado nilang bahay ni Ondoy at kasamang tinangay ang kanyang mga
alahas at gamit at ang mga uwi niyang laptop, i-pad at iba’t ibang appliances
na hindi pa niya naaalis sa mga kahon dahil kauuwi lamang niya ng States. Tanging ang passport lamang niya ang kanyang
naisalba dahil umakyat na siya sa bubungan ng bahay.
Ibinibenta na niya ngayon
ang kanyang bahay ngunit binabarat daw ito ng bumibili. Sa condo na siya nakatira ngayon. Pampatulog niya sa gabi ang panonood ng mga
teleserye sa napakanipis na telebisyon na kabibili niya, kai-install sa kanyang
kuwarto (nasa sala iyong isa).
Panuntunan niya sa buhay, basta at wala kang ginagawang masama sa kapwa,
okey ang buhay. Sa mga taong gumawa ng
masama sa kanya, sila anya ang magdadala noon, hindi siya.
Ngayon, kung sa telepono ako nagbayad ng mga bayarin ko,
may makakausap ba akong tao na tulad niya?
No comments:
Post a Comment