Tuesday, July 29, 2014
Kaunting Paliwanag sa Kwentong HELEN
Taong 1972 nang isulat ko ang kwento ni Helen. Nang isalin ko ito sa computer kamakailan upang mailagay sa blog, nang muli ko itong mabasa matapos matago nang matagal, batay sa nangyari sa mga karakter sa kwento, nagdudumilat ang kaibhan ng panahong yaon sa kasalukuyan.
Tiyak, mapapansin ninyo kaagad. Sa henerasyon namin, tatango sila at sasabihin, oo nga, ganoon talaga noon. Ngunit sa mga kabataan ngayon, iba siguro ang sasabihin ninyo, talaga? ganoon? Bagaman at ang mga pangyayari sa buhay ni Helen ay nagaganap pa rin ngayon. Malala pa siguro. Ang reaksiyon lamang ng mga tao ang naiba.
Kasi ngayon... nagbago na ang lahat... ang paningin at pananaw ng mga tao, ng lipunan... sa mga nangyayari sa paligid... Kung mabuti... o masama ang nasabing pagbabago... kayo ang makapagsasabi.
HELEN
HELEN
Hindi
mo kailangang ako'y pakasalan, Dindo.
Sapat
na iyong pakisamahan ka na lamang, Helen?
Sapat
na sa akin na ako ay mahalin, Dindo. Kaya kung talagang mahal mo ako…
Mahal
kita, Helen. Mahal na mahal, ngunit…
Walang
gagambala sa atin, Dindo.
Alam
ko, Helen, subalit… a, paano ko ba ito maipaliliwanag sa iyo.
ANG pag-uusap nilang iyon ni Helen ay nangyari sampung
taon na ang nakalilipas. Datapwat ang gunita ay buung-buong naibalik ng
larawang bumulaga sa kanya pagbuklat niya ng pang-umagang pahayagan na
nakapatong sa ibabaw ng hapag na kanyang pag-aalmusalan.
Kamag-aral si Helen ng kapatid ni Dindo, si Norie. Sa
kanilang tahanan sila unang nagkita ni Helen. Sa kanilang katamtaman ang laki,
matanda at lumang tahanan sa lalawigang karatig lamang ng Maynila.
“Nanay ko, Tatay ko, Kuya Dindo ko at ang mga bata,” ang
pakilala ni Norie sa kanila kay Helen.
May napansin kaagad siya kay Helen. Kung tumingin ito,
waring laging makikipagtitigan. Ang bibig, tikom na tikom, parang wala nang
balak magsalita. At ang baba, sa tingin niya ay hindi naman kamag-anak ni Babalu,
ngunit kung iasta, tila nakahandang makipagbabag.
Tinanguan niya si Helen at nagpatuloy siya sa pagkain. Wala siyang tiyaga sa mga kaibigan ni Norie.
Mga musmos. Walang latoy. Kinalabit siya ni Norie. “Gawi roon, Kuya. Bigyan mo
ng lugar si Helen.”
Isang silya ang isiningit sa kanyang tabi. Isang pinggan
ang ipinatong sa hapag-kainan. Umisod siya nang upo.
“Excuse me,” at marahang naupo si Helen.
Muli tumango siya.
Gulung-gulo ang kanyang nanay. Basta may bisitang naligaw
at hindi handa, hindi matapus-tapos ang paghingi nito ng paumanhin, ang pag-aasikaso.
“Kain, iha. Ikaw na ang bahala sa aming ulam.”
Lumulon siya. “Pasensiya na, Helen. Hindi kuwan ito,”
sinabi niya ang isang kilalang village sa Makati sabay sulyap dito.
Namula si Helen. Nilingap siya. Sinalubong ang kanyang
tingin. Ang mga mata ni Helen, kawangis ay dalawang balong malalalim,
madidilim. Nasaktan ba ito sa kanyang sinabi o ang sakit na nabanaagan niya sa
mga mata nito ay dati na.
Sa kanyang nanay, maraming ikinukwento si Norie tungkol
kay Helen. “Mayaman sina Helen, Nanay. Mayamang-mayaman. Pag
nagmiryenda kami sa canteen, gusto niya’y siya ang laging nagbabayad. Ayokong
pumayag. Ang iba naming kamag-aral, nagsasamantala. Pero ako, ayoko. Marahil
iyon ang dahilan kung bakit parang higit siyang malapit sa akin. Napapansin ko
lang. Siya nga ang nagprisintang pumunta rito sa atin.”
“Napunta na akong minsan sa bahay nila, Nanay. Sa Makati.
Ang laki. Ang ganda. Ang luwang ng terrace. May swimming pool. At ang hardin.”
Sa dahon ng pocketbook na binabasa ni Dindo, lumitaw,
naglaro ang larawan ni Helen. Ang tikom na bibig. Ang astang waring laging handa
sa babag. Ang mga matang nagkukubli ng lihim na hinanakit. Sa buhay.
“Anim ang kanilang kotse, Nanay. Anim. Biro mo ‘yon.
Isang continental Nanay, halaga na ng malaking bahay. Mercedes Benz… Toyota…
Vauxhall… at si Helen, Nanay, may sariling kotse.”
Pulang-pula ang kotse ni Helen. Hindi kaagad nakilala ito ni Dindo
nang minsang hintuan siya sa kanyang pag-aabang ng sasakyan, isang hapon sa
Makati. “Sakay na Dindo,” anyaya nito.
Nais niyang tumanggi ngunit panay na ang busina ng hindi
makaraang bus sa likuran ng kotse ni Helen. Mula Ayala Avenue, lumiko ang kotse
at tinalunton ang daang patungo sa isang kilalang restoran. “Akong taya,” wika
ni Helen at naalaala ni Dindo ang kwento ng kapatid. Umiling siya.
Matagal na hindi umimik si Helen. Matamang lamang tumitig
sa kanya. At si Dindo ay waring inalinsangan. “Bakit?” tanong niya.
Ngumiti si Helen. Pantay-pantay, mapuputi ang ngipin ni
Helen. Napuna ni Dindo, nahahawi ang dilim, may kumikislap sa mga mata ni Helen
kapag ito ay ngumingiti.
“Alam mo ba, naiinggit ako sa inyo. Sa iyo, kay Norie.”
Nakangiti si Helen ngunit hindi nakaila kay Dindo ang
bahagyang panginginig ng mga sulok ng labi nito. Muli ang mga mata nito ay
dalawang balong malalalim, balot ng karimlan.
“Bakit?” Pinaglaruan ni Dindo ang
hawak na baso. “Kung ako ang nakatira sa isang kilalang village, wala na ako
sigurong kaiinggitan pang iba.”
“Wala nga,” sambot ni Helen, “ dahil hindi ka marunong
maiinggit. Minsan ko lamang nakita ang pamilya ninyo ay natiyak ko nang hindi
kayo marunong mangimbulo sa kapwa. Kahit saan kayo naroon, iskwater man kayo’t
nakatira sa tabing-riles o mayamang nananahanan sa mga village liligaya kayo.
Marahil, dahil mabuti ang pagkahubog sa
inyo, ang pagkapalaki. Marahil, mahusay magdala ng pamilya ang tatay ninyo. At
ang nanay ay lagi sa bahay, asikaso kayong lahat. Nakikita ko… talagang
maligaya kayo.”
Hindi nagbago ang mukha ni Helen at inisip ni Dindo kung
totoong gumatol ang tinig nito sa pagsasalita. “Mahirap lamang kami.”
Nagkibit ng balikat si Helen. “Hindi kailangang maging
mayaman ang isang tao upang lumigaya.”
“At hindi kailangang maging mahirap,” ulos niya.
Matagal na napatitig si Helen sa kanya. Pagkuway
dumukwang ito nang bahagya, kinatuk-katok ng matutulis na kuko ng daliri ang
ibabaw ng hapag na nakapagitan sa kanila. "Totoo. Ngunit ang labis na yaman o
ang labis na pagkasangkot ng sarili sa paghanap ng salapi…” hindi tinapos ni
Helen ang sinasabi. Nagyaya na itong umalis. Ang kanilang pagkain ay hindi
binayaran. Mayroon lamang itong pinirmahan.
Siya, si Dindo ang panganay sa kanilang limang
magkakapatid. Katamtaman lamang ang kanilang pamumuhay. Sapat lamang upang
maluwag silang mapag-aral ng kanilang mga magulang. Isang matalinong estudyante
nang kanyang kapanahunan, nagtapos nang may karangalan at isa sa sampung
nanguna sa taunang pagsusulit ng pamahalaan sa kursong tinapos, si Dindo ay may
magandang kinabukasan sa malaking kompanyang pinapasukan. Pagkatapos ng
dalawang kasintahan, isa sa mataas na paaralan na pinalitan ng isang kamag-aral
sa pamantasan, siya ay binata pa rin. Nalilibang sa hanapbuhay. Walang tali.
Walang balak. Hanggang dumating sa kanyang buhay si Helen.
Muli, nakikain si Helen sa kanilang bahay. May dalang
binalot na fried chicken. “Ayaw pasaway,” sumbong ni Norie.
Umiling ang kanyang tatay. “Huwag nang uulit, ha, Helen?”
Sinulyapan niya si Helen. Wari namutla ito. “Hindi na po.”
Pagkakain ng hapunan nakitulong si Helen sa paglalabas ng
mga kinanan sa kusina. Pagkatapos ay
nakiumpok sa salas. Nakipaglaro ng scrabble. Kay lakas tatawa ni Helen.
“Ilang taon ka na ba, Helen?”
Nahinto sa pagtawa si Helen. Muli, waring tinakasan ng
kulay ang mga labi. Mailap ang mga matang sumulyap sa kanyang tatay. “Disinuwebe
po.”
Pinagmasdan ni Dindo ang ama. Ang suot na salamin nito ay
inalis, pinunasan ng panyo. Ito’y tumikhim. “Hindi naman sa ako’y nakikialam
Helen. Kaya lamang ay kaibigan ka ni Norie at itinuturing ka na rin naming
anak. Gabi na, hindi ka kaya hanapin sa
inyo. Baka sila mag-alala.”
Lumulon ng laway si Helen. “Alam po nilang narito ako.”
Nang gabing iyon ay nagdahilan si Dindo na may
pupuntahang kaibigan at isinabay na niya sa pag-alis ng bahay ni Helen. “Hindi
ka rin naman mahusay magsinungaling,” puna niya rito.
Tumawa si Helen. “Kung sasabihin ko ang totoo, mahabang
salaysayin.”
“Aber,” pasumala niya.
Hindi sumagot si Helen ngunit mabilis ang pagpapatakbo
nito ng kotse. Sa tabing-dagat, magkatabi silang naupo. At nagkwento ito.
“Mayaman kami, Dindo. Kung gaano kayaman, ewan ko. May
asyenda kami, tubuhan at palayan, mga palaisdaan, mga bahay at lupa sa mga
exclusive na subdibisyon sa Makati na aming pinauupahan, apartment, sarisaring negosyo.
Kanya-kanya kaming kotse sa bahay at higit pang marami ang mga katulong kaysa
sa amin na pinagsisilbihan. Hindi ako maligaya.”
“Kung kami ang may palaisdaan at palayan…” biro niya.
“May kulang sa aming pamumuhay. Nakita ko sa inyo.”
“Sa amin ka na tumira,” singit niya.
Matagal na naglapat ang mga labi ni Helen. “Ako’y muhing-muhi
sa uri ng aming pamumuhay. Lumaki kami sa piling ng mga katulong. Walang kapana-panahon
ang aking mga magulang para sa aming magkakapatid. Dalawa, tatlong buwan sila
sa Amerika, inaasikaso ang dulo ng kanilang negosyo roon, isa, dalawang buwan
sila rito, inaayos ang puno naman ng negosyo. Areglado kami sa allowance…” bigla, tumawa si
Helen. “Naalaala ko si Norie. Pag kailangan daw niya ng ekstrang pera ay tigas
na paglalambing niya sa tatay ninyo. Kami? A, Dindo kung kailangan ko ng pera,
pupunta lamang ako sa opisina ng daddy ko, hihingi ako sa kahera at saka
pipirma sa voucher. Akalain mo… pipirma
sa voucher!”
Matagal ding tinutop ni Helen ang tiyan sa di mapigil na
pagtawa. Sa nakitang ayos ni Helen, naisip ni Dindo na hindi labinsiyam na taon
lamang ito. Siyamnapu marahil. Nakaramdam siya ng pagkahabag na kanyang
iwinaksi. At siya ay nagbiro. “E di may kalyo na ang daliri mo sa kapipirma sa
voucher.”
Humagikhik si Helen. At ang anyo nito na salikop at sapo
ng dalawang kamay ang kanang tuhod na nakapatong sa kaliwang hita at ang hita
ay inililitaw ng maigsing unipormeng suot, ang mahaba, lampas balikat na buhok
ay pinaglalaruan ng malakas na hangin, isinasabog, tumatakip sa mukha, ay may haplos
ng kasiyahan sa puso ni Dindo.
Si Helen, mukhang siyam na taon, at sa dibdib
niya ay may nagbangong damdamin, ang mapanatiling masaya, maligaya si Helen,
matulungan sa mga suliranin, maipagtanggol sa mga pasakit na dulot ng buhay.
Muli at muli, nakikain si Helen kina Dindo. Patuloy si Norie
sa pagkukuwento sa kanyang nanay tungkol kay Helen. Mga lihim, pormal na
kwentuhan. At ang wari ay nadagdagang pagkagiliw ng kanyang nanay kay Helen,
ang malimit, nahuhuli niyang pagmamasid ng kanyang tatay rito.
Dinama ni Dindo ang sarili. Maliwanag ang kanyang
damdamin para kay Helen. Umiibig siya rito. At ninais niyang makilala nang
lubusan si Helen, makadaupang-palad ang mga magulang nito.
“Wala rito ang daddy ko,” wika ni Helen. “Wala rin si
mommy. Bakit mo itinatanong.”
“Wala sila? Kaya pala libring-libre ka, ha.”
Kumibit ang balikat ni Helen. “Kahit sila narito, libre
pa rin ako. Hindi naman nila ako pinakikialaman. They no longer care about me.”
Umungol siya. “Mayroon bang magulang na hindi umalala sa
anak.”
“Mayroon. Ang mga magulang ko.” Sa mukha ni Helen ay
walang nakabadhang pagkabahala at sumidhi ang hangarin ni Dindo na makaharap
ang ama’t ina nito.
Sa airport isinama siya ni Helen upang salubungin ang
pagdating ng mga magulang nito. “Hindi kami dating sumasalubong,” wika nito. “Sanay
na kami sa pag-alis-alis at pagdating-dating nila. Ngunit birthday ni daddy.
Meet the company.”
Unang nakilala ni Dindo ang tatlong nakatatandang kapatid
ni Helen, ang mga asa-asawa nito, ang mga anak. Bawat bata, may kasunod na yaya.
Ang mga hipag ni Helen, mga pustura, todo makeup. Ang bayaw, gumagapang ang
buhok sa batok, nag-aabot ang balbas at patilya. “Taga village silang lahat,
pero sa amin nakatira. Iyon ang gusto ni daddy,” at bumulong si Helen. “Sabagay
wala isa mang nakatapos sa pag-aaral diyan. Ang mga kapatid ko, nalibot nang
lahat ang mga kolehiyo, walang nangyari. Ang mga hipag ko’t bayaw, pareho rin.
Puro pala…pakainin ngayon ni daddy a…”
“Ikaw lamang ang kaiba.”
Umiling si Helen. "Kapareho rin nila ako. Isa lamang ang
ipinagkaiba namin."
"Ano yon?"
"Malalaman mo rin."
Bata pa, masigla, larawan ng isang matagumpay na
negosyante na nagmula sa wala at handang magpakamatay sa paghahanap-buhay,
sumipsip ng dugo, kahit dugo ng mga anak, huwag lamang mabalik sa dating
pinagmulang wala, ang impresyon na ibinigay kay Dindo ng daddy ni Helen.
Mukhang mabait ngunit hapo, pagod kasasama, kasusunod sa asawa, laging
naghahabol ng panahon, ito ang mommy ni Helen. Paghalik ni Helen sa pisngi ng
ina, ipinakilala siya. “Kaibigan ko Mommy, si Dindo.”
Ngumiti ito, saka binalingan si Helen. “Ang bata?”
Nagkibit ng balikat si Helen. “Ewan. Galing ako kina Dindo.”
Sa bahay nina Helen sa village, nakilala ni Dindo ang
bata. Isang aapating taong gulang na batang lalaki. May mga matang kawangis ay
dalawang maliliit na balong malalalim, madidilim. Maayos ang damit, alaga,
ngunit payat, mukhang masasaktin. Hintakot kung ititig ang mga mata. Kiming
kumilos. Si Helen, sinusundan nito ng tingin. Si Helen, umiiwas dito.
Sa tabing-dagat, habang kakatuk-katok ang matutulis na
kuko ng mga daliri sa inuupan nilang bato, nagkwento si Helen. “Madalas silang
wala at tama ang sabi mo, libring-libre ako. Nang maglabing-apat na taon ako,
hindi na ako birhen. Ang kapatid ko rin, ang mga naging hipag ko, pare-pareho
kami. Ang kaibhan ko lamang, hindi taga-village ang aking napili. At sa simula,
ayaw nila akong ipakasal, hanggang lumaki ang aking tiyan.”
“Nakasal din kami. Tinangka niyang ipagsama ako, ihiwalay
sa aking mga magulang. Namagitan ang aking ama’t ina. Ginamit ang aming
kayamanan. Ako’y labinlimang taon, may maliit na sanggol, mahina ang puso,
walang paninindigang sarili, marupok ang laman, kayan-kayanan. Wala akong lakas
upang tumutol sa kanilang kagustuhan. Kami ay pinaghiwalay sa marami at walang
katotohanang ibinintang sa kanya.”
“Narito ako ngayon. sinisisi ang sarili. Sinisisi ang mga
magulang. Pati ang sarili kong anak, aking sinisisi, pinagkakaitan.”
Helen.
Halos bahagya nang nasambit, ang pangalan ay hinugot ni Dindo sa kaibuturan ng
kanyang dibdib. Ng kanyang nawawalat na dibdib.
“Sorry, Dindo,” kumibut-kibot ang mga labi ni Helen,
kumurap-kurap ang mga mata. Alam ni
Helen ang damdamin niya rito. At alam din ni Helen na nasaktan siya sa mga
ipinagtapat nito.
Hindi na muling bumalik si Helen sa kanila. Nahinto na
ang pakikikain nito. Nagtaka ang matatanda. Walang maisagot si Norie. O ayaw
sumagot. Ngunit si Helen at siya, si Dindo ay patuloy na nagkikita. Kumakain sa
labas. Nanonood ng sine. Namamasyal, nauupo sa tabing dagat, nagkukuwentuhan.
“Sabi ng Daddy sa akin, kung dumating daw ang panahon na
may magustuhan akong lalaki at magugustuhan din nila ito, ipakakasal niya kami.
Hindi rito sa Pilipinas. Doon daw sa Amerika. Pagkatapos ng diborsiyo. Ito ang
hindi nila alam. Kung pakakasal din lamang akong muli, doon na ako sa aking
gusto, kahit ayaw nila. Halimbawa’y ikaw. Ikaw na ang pipiliin ko,” tinitigan siya ni Helen.
Pinisil niya ang palad ni Helen. “Marami pong salamat,
binibini.”
Tumawa si Helen. Ng tawang naiipon ang tunog sa
lalamunan. At lagi na, hindi niya maunawaan, ang kaanyuang masaya ni Helen ay
naghahatid ng kirot sa kanyang dibdib.
Minsan itinanong nito. “Mahal mo ba ako, Dindo?”
Ang kirot ay muli niyang nadama. “Mahal kita, Helen.
Mahal na mahal.” Totoo ang kanyang sinabi.
At minsan pa, may ibinalita si Helen. “Know what, Dindo.
The family doesn’t like you. At dahil doon, lalo akong nakumbinsi na tama ikaw
para sa akin.”
Wala siyang naisagot. Ano ang kanyang sasabihin. Naalala
niya ang huling pag-uusap sa kanilang bahay.
Ang kanyang ina. “Nakarating na sa amin ang balita, Dindo.”
Ang kanyang ama. “Kilala
mo na ba siyang lubusan, Dindo?”
Tumango siya. “Nakilala ko na silang lahat. Ang buo niyang
pamilya, Tatay. Pati ang kanyang anak.”
Umiling-iling ang kanyang ama. “Isipin mong mabuti ang
iyong kinasasangkutan, Dindo.”
“Huwag mo nang dagdagan ang kapaitan sa buhay ni Helen, Dindo.
Habang maaga, putulin mo na ang lahat,” wika naman ng kanyang ina.
At si Norie, ang kanyang kapatid. “Kaibigan ko si Helen,
Kuya. Naaawa ako sa kanyang kalagayan. Ngunit iba ang kanyang daigdig, Kuya. At
iba ang sa atin. Ang sa kanya ay pinagagalaw ng yaman. Ang sa atin ay
pinakikilos ng dangal. Higit kay Helen ay matatagpuan mo, Kuya. Maaaring hindi
kasinyaman niya. Ngunit maaaring kasingganda o maganda pa sa kanya. At isang
dalaga. Sa atin, mahalaga ang bagay na iyon, di ba Kuya?”
Matunog si Helen. Kaagad napakiramdaman ang bumabalisa sa
kanya. “Ayaw nila sa akin, Dindo.”
Hindi siya makapagkaila. “Hindi naman sa ayaw nila,
Helen.”
Sumungaw ang luha sa mga mata ni Helen. “Hindi naman…
hindi naman ako masamang babae Dindo.”
Kinabig niya sa kanyang dibdib si Helen. Mahal kong Helen.
Noon sinabi ni Helen, hindi niya kailangang pakasalan
ito. Sapat nang ito ay mahalin lamang. Pakisamahan kahit patago. Nais lamang
maging bahagi ng kanyang buhay sa panahong mahal siya. At kung dumating ang
araw na may iba na siyang napupusuan, nakahanda si Helen, ipinangako nito, ang
pagpapaubaya sa higit na mapalad.
Naniniwala siyang magagawa ito ni Helen. Ngunit kung
matatanggap niya ang alok ni Helen ay matagal bago niya napagpasiyahan. Siya si
Dindo ay isang binata. Si Helen, bagamat hiwalay sa asawa ay hindi pa rin
maituturing na malaya.
Helen
Sandoval. Ang pangalan ay isang kirot sa kaibuturan ng kanyang
dibdib. Helen Sandoval.
"HELEN Sandoval. Kakilala mo?”
Tiningala ni Dindo ang magandang mukhang nakatunghay sa
kanyang balikat. Pagkuway iniabot niya rito ang hawak na peryodiko. “Kamag-aral
siya ni Norie sa college. Madalas siya sa bahay noon.”
Nakalarawan sa mukha ni Helen ang sampung taon na
nadagdag sa gulang nito. Mga taong nagpatingkad sa angkin nitong ganda. Nasa
tiim ng mga labi ang dagdag na kaalaman sa buhay. Nasa tigas ng guhit ng panga
ang patuloy na pakikibaka. Nasa lalim at hiwaga ng mabibilog at maiitIm na mata
ang hindi namamatay na pag-asa, ang ikinukubling pagdurusa.
Hinalu-halo ni Dindo ang umuusok na kape sa kanyang
puswelo. Helen Sandoval. A Filipino found
dead in her New York apartment… believed to have taken an overdose of…
Kailan lamang ba niya narinig kay Norie ang tungkol kay
Helen. Tungkol sa nabalitaan nito. “Helen’s living high,” sabi ni Norie. Ang
hindi raw natagpuan nito sa tao, ang pagmamahal na kailangan na hindi natamo ay
natuklasan ni Helen sa droga.
Kung pinakisamahan kaya niya si Helen… kung hindi kaya
niya pinakinggan ang pangaral ng kanyang pamilya at sa halip ay ang tibok ng
kanyang puso ang kanyang sinunod… kung hindi kaya niya inisip ang magandang
hinaharap sa malaking kompanyang pinapasukan, isang up- and-coming executive,
nangangailangan ng isang maipagmamalaking maybahay.
Kung tutuusin ay mali rin sa Norie sa sinabi nitong
dahilan upang layuan niya si Helen. Na magkaiba ang kanilang daigdig. Ang
pinagagalaw ng kayamanan. Ang pinakikilos ng karangalan. Si Helen ay may tatak
ng lipunan. Hiwalay sa asawa. Ito ay isang kasahulan. Isang kapintasang
makakabit sa kanyang pangalan. Siya si Dindo na abot-kamay na ang magandang
hinaharap sa kanyang propesyon sa kampanyang pinapasukan.
Nilayuan niya si Helen, ang pag-ibig niya rito ay sinikil
niya’t kinalimutan para sa ikalalawig ng kanyang pansariling interes. Kung
ganoon ay nasaan ang sinasabing kaibhan ng kanilang daigdig ni Helen. Nasaan
ang dangal sa kanyang ginawa?
“Kawawa naman.” Malungkot ang magandang mukha sa tapat ng
kinauupuan ni Dindo. Maganda, kasingganda ni Helen. Hindi kasinyaman. Ngunit
dalaga. Birhen nang kanyang matagpuan.
Muling nadama ni Dindo ang kirot sa kaibuturan ng kanyang
dibdib. At alam niya, si Helen ay mananatiling isang kirot, isang sugat na
hindi mapaghihilom ng panahon.
LIWAYWAY, Hunyo 5, 1972
Sunday, July 27, 2014
Cherry Eyes - 2 - Ay, Makahiya, Patawad
Ay, Makahiya, Patawad
Damong makahiya
Damong pambihira
Sa aki'y kahanga-hanga;
Tiklop-dahon pag nagalaw
Ngunit tunay ba'ng kahihiyan
O isang palabas lamang?
Ito'ng sumingit sa isipan
Baka tulad nang marami diyan
Anyo'y di makabasag-pinggan.
Na kapag naman nausisa
Abot-langit ang pagtatwa.

Ay, makahiya, patawad
Sa pagkahambing sa mga huwad!
Cherry Eyes - 1 - Isang Natatamad na Hapon
Subscribe to:
Posts (Atom)