Tuesday, June 12, 2012

SI AMA, ANG LUMANG BAHAY


SI AMA, ANG LUMANG BAHAY

Ang isang lumang bahay ay maihahalintulad sa isang magulang. Na pinagmulan.  Ang bahay na sinilangan at nilakhan.  Kubo.  Gawa sa pawid at kawayan.  Tabla, tisa at yero.  Bato.  Anupaman.  Na sa pagdaraan ng mga taon ay iginupo na ng panahon.  Winasak ng malupit na unos.  At lindol.  O simpling kapabayaan ng may-ari. Ngunit sa alaala ay hindi napaparam.  Muli't muli, ginugunita, binabalik-balikan.  Sa pag-iisa sa sariling katandaan, nauusal-usal, noong araw, sa aming bahay.

Tulad rin ng pagsingit sa isipan ng alaala ni Amang.  Ni Tatang.  Tatay.  Papang.  Na marahil ay kay tagal nang wala sa ating piling.  Kung dati ay nasa lalawigan at nadadalaw paminsan-minsan nating mga taga-lungsod, ngayon ay wala na.  Marahil ay namayapa na.  Kapara ay ang lumang bahay ng ating kamusmusan.  Na baka wala na rin.  Dinaanan ng bagong lansangan.  Naipagbili na at natayuan ng iskwelahan o gusaling pang-komersiyal.  O kung naroon pa ay baka kalansay na lamang ng dating larawan nito.  Hagdang bato na walang pinatutunguhan.  Putol na't wala nang aakyatan.  O baka naman haliging matayog pa rin sa pagkakatayo, ngunit wala nang sahig o dingding o bubong na kaalakbay.

Ang buwan ng Hunyo ay buwan daw ng pagpapakasal.  At ng mga ama, ang haligi ng tahanan.

Ano ang natatandaan mo sa iyong Tatang?  Sa inyong lumang tahanan?

Napansin ko, sa statistics ng mga bumibisita sa blog na ito, marami ang hanggang ngayon ay dumadalaw sa entrada ng tungkol sa remembering my father.  Nakikipagpaligsahan ito sa dami ng mga bumibisita sa postings na tungkol sa Amaya, Pinoy Henyo at Santakrusan.  Masarap kasing alalahanin paminsan-minsan ang nangakaraang araw sa piling ng ating mga magulang.  Ngayong magulang na rin tayo, hindi lamang dahil may mga anak na, kundi, pati sa gulang, medyo magugulang na rin :)  Tuloy nasasabi-sabi natin, naku, kung buhay si Tatang, hindi pupwede 'yan...  Kami noon, 'sang tingin lang, 'sang tikhim lamang niya, tigil na kami sa anumang kaguluhan na ginagawa!

Nagrerebelde tayo noon sa sobrang kahigpitan nila.  Ngunit sa pagbabalik-tanaw, ngayon natin nauunawaan, na kaya tayo matino at nakarating sa maalwang kalagayan ngayon, ay dahil sa kanilang mabuting pagkapalaki sa atin.

Hindi ako mauubusan ng kwento tungkol sa aking Amang.  Unang-una na nga, ay siya ang nagturo sa akin na umawit sa saliw ng gitara na siya ang tumutugtog.  Kasunod nito ay siya rin ang nagturo sa aking tumugtog ng gitara, ipinasadya pa niya sa Pampanga ang isang katamtaman ang laking-gitara para hindi mahirapan ang mga daliri ko sa pagtipa.  Siya rin ang nagturo sa akin ng isang matandang awit na ako lamang yata ang nakaaalam, dahil wala pa akong nakakausap na alam awitin ito.  Na ngayo'y itinuro ko sa aking apo. Titingnan ko kung mailalagay ko ito ngayon para sa mga makababasa na baka alam awitin ito.  Sabihin lang sa akin, para hindi naman ako nag-iisa...

Ang ama ay tulad sa isang lumang tahanan.  Tayong sumunod na henerasyon sa ating mga magulang, ngayon ay nakakalat na halos sa buong mundo.  Kung hindi man, wala na tayo sa lalawigang sinilangan. May ilan na lamang na natitira. Kadalasan, narito na sa Kalakhang Maynila ang karamihan.  Nasa mga subdibisyon.  Nasa condo ang ilan,

Ngunit ano ba ang natatandaan natin sa ating lumang bahay?  Gawa sa pawid ang bubungan?  Ang sahig ay kawayan?  Yero, tabla at bato ang iba?  O sama-samang materyales ng mga nabanggit na. 

Kamakailan, dumalas ang pag-uwi namin ng probinsiya dahil sa isang pangyayari.  Tinaasan ang lansangan sa harap ng lumang bahay ng pamilya ng aking kasama.  Dahil ito ay sa kanya iniwan, sa kanya rin naatang ang lahat ng responsibilidad na pagyamanin ito.  Na dahil sa pagtaas ng kalsada, lumubog lahat ang mga bakuran ng mga bahay sa nasabing lugar.  At ito ang aming inasikaso – ang pagtatambak ng ilang bahagi ng bakuran, pagpapataas ng bakod, pagpapaayos sa gate, at mga iba pang pagawain.  Anupa't malaking gastusin, na nang may nagtanong na isang businessminded na kamag-anak, na ano raw ang magiging kapalit ng mga nasabing investment kumbaga, wala kaming naisagot kundi just taking care of a heritage!  Walang ROI o return on investment :( pero feeling good about it :)

Kasi, may napuna ako kapag naglalagi kami ng kahit ilang araw sa nasabing lumang bahay.  Parang iba ang kilos ng aking kasama.  At home siya.  Grounded.  Bahay niya iyon.  At kahit paano, parang may sumisilay o  lumalabas na gawi at pananalita  siya na bahagi ng kanyang dating personalidad na somehow, waring nabawasan ng mga nagdaang taon.    Nakatutuwa.  Nakasisiya.

Kapag umuuwi rin kami, para raw kaming nasa States.  Dahil walang kasambahay na nauutusan ng mga gawaing-bahay.  Si ako na ang nagluluto, naghahain, naghuhugas ng pinggan (nag-uwi ako ng sandamukal na paper plates), sumasaglit sa palengke, nagwawalis-walis at lampaso.  Pero, himala yata! O epekto iyon ng pagtira sa kanilang lumang bahay, may mga chores na ang kasama ko ang gumagawa.  Tulad ng pagsasara ng mga bintana at pinto at gate sa bakuran, pagtingin sa mga gripo kung nakasarado, etc.  na excuse me, sa aming sariling bahay ay sa iba nakapaubaya.

Masaya rin ako sa lumang bahay na ito.  Kung noong araw ay nakakaramdam ako ng salagimsim dahil sa mga lumang larawan ng mga ninuno sa mga sinaunang kuwadro sa dingding na waring sinusundan ang aking bawat kilos, ngayon ay hindi na.  Kung bakit nag-iba na ang aking pakiramdam, hindi ko alam.  Pakiramdam ko lamang ay naka-tune in na ako sa ispiritu ng bahay. Naroon na ang harmony.  Naalaala ko tuloy nang una akong mapunta sa bahay na ito at nakita ko ang katabing ilog.  Agad kong nasambit, ang sarap sigurong tumira rito!  Sa totoo lang, ni sa hinagap, ni hindi ko naisip na darating ang panahong titira nga ako rito.  Tabing-ilog ang bahay at sabik ako sa ilog, dahil sa hindi kami marunong lumangoy, bawal na bawal sa amin ang lumapit sa ilog.  Kaya naman, gustung-gusto ko ang ilog, ang dagat... noon!  Nature-lover, kumbaga.  O baka, kung totoo ang reincarnation, e, sirena ako noong araw... 

Isang liko lamang mula sa lumang bahay na ito ng aking kasama ang kinaroroonan naman ng aming bahay.  Ngunit hindi na ito ang lumang bahay na sinilangan at nilakhan naming magkakapatid.  Noong mid-fifties ay tinayuan na ito ng bagong bahay, na siempre, luma na rin ngayon.  Ngunit sa aking alaala, nananatili pa rin, malinaw na malinaw, ang larawan ng dating bahay na yari sa dingding na tabla at sahig na tabla at kawayan, at bubong na pawid.  Kahit sa aking panaginip, ang bahay na ito ang gumigitaw.

At  ngayong Hunyo, na buwan ng Ama ng tahanan, ito ang paksa ng aking kwento: ANG LUMANG BAHAY, na may kinalaman rin sa Ama ng nasabing tahanan.


No comments:

Post a Comment