Friday, April 9, 2010

BAGONG MAGDALENA



BAGONG MAGDALENA


OY... mga bata... diyan kayo sa gilid ng prusisyon umilaw. Huwag hahawak sa karo ng Birhen. Huwag sasama dito sa gitna. Hindi naman kayo ang me ari...

Makalilimutan ba niya si Bosyong? Ang ubod ng supladong sakristan sa simbahan sa kabayanan? Na porke kilala at katanguan ng mga mayayamang matatandang dalagang manang sa bayan, e, akala mo kung sino na?

Gigil na gigil siya. Yabang, yabang, yabang, bulong niya.

Pagtatawanan naman siya ni Ric. At sasawayin. Huwag kang manggigil. Papangit ka.

Ilang taon ba siya noon? Walo o siyam, nasa elementarya. Magandang batang anak ng isang labandera at isang kargador sa palengke. At malamang sa hindi, lalaki ring hindi makatatapos ng pag-aaral. At mabubuhay rin sa paglalabada., ke sabihin pang maganda siyang bata.

Pero never, sabi nga ni Miss Torres, ang kanyang titser. Huwag na huwag kayong susuko. Kung may pangarap kayo sa buhay, magsikap kayo. Huwag patatalo. Alalahanin ninyo, na nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang awa. Aim high and hit the mark!

Hindi pa siya malay makaintindi ng ingles ay bukambibig na niya ang kasabihang narinig kay Miss Torres. Aim high and hit the mark. Dahil ang kwento ni Miss Torres, anak-mahirap lamang ito ngunit sa pakikitira sa kamag-anak, pagtulung-tulong sa tindahan at sa bahay ng mga ito, nalibre ng kasera at nakatapos ng karera. Awa ng Diyos, ngayo'y isa nang iginagalang na guro sa baryo.

Tulad ni Miss Torres, may pangarap din siya. Makatapos ng karera, oo, puwede rin pero ang talagang gusto niya ay ang yumaman. Titser nga si Miss Torres, pero sa dyip pa rin sumasakay. Luma pa rin ang tinitirahang bahay. May refrigerator nga, hulugan naman. At mahaba pa rin ang listahan ng utang sa tindahan sa kanto.

Ang gusto niya ay mayamang tulad ng mga nakatira sa kanilang kabayanan. May kotse at tsuper. May mga palaisdaan at bukirin. Iyong kapag nagsimba't nakatabi mo sa pagkokomunyon ay mababalot ka ng kabanguhan. Iyong tipo ng mayamang nag-aari ng mga karo ng Birhen at San Jose at Sto. Sepulchrong inilalabas tuwing prusisyon kung Mahal na Araw. Na pag Biyernes Santo ay pami-pamilyang nakasunod sa likuran ng karong ari nila. Sa gitna ng prusisyon. Na iniilawan sa magkabilang gilid ng mga katulad nilang ganoon, taga-ilaw lamang. Hanggang tabi. Hindi pwede sa gitna. Magagalit si Bosyong.

“Balang araw, yayaman din ako at magkakaroon din ako ng karo,” wika niya.

“Karo ng sorbetes?” tukso ni Ric.

“Luku-luko! Karo ng Birhen,” napika niyang sagot.

“Paano ka yayaman, bibili ka ng supistik?” kantiyaw pa rin ni Ric.

Nilingon niya si Ric. Magkasunod silang umiilaw sa prusisyon. Biyernes Santo noon. Nakatapat sila sa karo ni Maria Magdalena, ari ng pamilya Santos sa bayan. Ang karo ay napapalamutihan ng mga sariwang bulaklak na calla lilies at baby's breath na galing pa ng Bagiuo at naiilawan ng mga bombilyang de ciento na nakapaloob sa kumpol-kumpol na bolang kristal at sinusundan ng karitong nagdadala ng generator.

“Ang dali lang yumaman, Ric,” aniya. “Susundin ko lang ang sabi ni Miss Torres. Aim high and hit the mark.”

Tumawa si Ric. “Walandyo, ingles 'yan, Nilda.”

Kinurot niya si Ric. Umiwas ito, umurong at natapakan ang sumusunod ditong umiilaw. Na sa pagkabigla'y nasulsulan naman ng kandila ang bisig ni Ric. Na napaso't nagkakarang at siya naman ang nasulsulan.

“Ay, kalabaw!” malakas niyang sambit.

Sinulyapan niya ang mga umiilaw sa gitna ng prusisyon. Ang mga matatanda ay patuloy nang pagrorosaryo. Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya, ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo....

Ang mga dalaga't binata ay patuloy sa mahinang pagsagut-sagot sa dasal. O pagkukuwentuhan?

Si Misis Santos, may-ari ng botika sa may palengke ay tuwid na tuwid ang tingin. Hindi sila napansin. Hindi yata sila nakikita. Maliban siyempre, ke Bosyong.

Ano ba kayo... mga bata kayo! Harutan nang harutan.!

At piping dasal niya sa sarili, pagyaman ko, Bosyong.



NASA ikaapat na grado siya nang tawagin ng kanlyang ama. “O, Nilda, magaling ka na bang bumasa ng tagalog?”

“Opo, tatang,” sagot niya.

“E, ingles?”

“Marunong na rin po.”

“Hale nga, basahin mo 'yan.” Isang lumang songhits ang iniabot sa kanya.

“Tatang, kinakanta iyan.”

“Kantahin mo.”

Isang awit ng Beatles ang pinili niya. Yesterday, all my troubles seemed so far away. Now it looks as tho they're here to stay, Oh, I believe in yesterday..

Pinutol ng kaniyang Tatang ang kanyang pagkanta, ginaganahan pa naman siya. “O, sa arithmetic, marunong ka na? Addition... subtraction... multiplication?”

Naisip niyang bigla, ang kaniyang Tatang, grade four lamang ang naabot noong araw, pero nakakaintindi rin ng lahat. Tumango siya. “Opo.”

“Nine times nine...”

“Eighty one,” sagot niya.

“Eight times eight...”

“Sixty four.” Alam pa rin niya ito.

“Six times seven...”

Medyo natagalan siya sa pagsagot. Inisip niya muna ang six times six bago niya naalala ang forty two.

“Magaling!” papuri ng kanyang ama. “Pagkatapos mo ng grade four, puwede ka nang humintong mag-aral. Marunong ka nang bumasa ng ingles at tagalog at saka magsuma. Hindi ka na maloloko. Maaari ka nang bumoto.”

“Tatang...” nanulay ang matinding pagtutol sa kanyang tinig. Lumarawan sa kanyang mga matang dagling pinangiliran ng luha.

“O, bakit?” tanong nito.

Parang hindi makalabas ang tinig sa kanyang lalamunan. Nagkakabuhul buhol ang kanyang hininga. “Gusto... gusto ko pong... makatapos mag-aral... hanggang high school.”

Naglandas ang luha sa kanyang mga pisngi. Napatingin ang ama niya sa kanya. Matagal na hindi nakaimik. Pagkuwa'y kinuha at inililis ang laylayan ng kanyang suot na damit at pinahid ang kanyang luha. “Anak, e, sino bang ayaw,” malumanay nitong wika.

Suminghot siya. “Kahit po ako paalilang-kanin.”

Muli, natigilan ang kanlyang ama. Matamang nag-isip.

Naging katulong siya sa bahay ni Misis Santos sa kabayanan, akalain ba niya. Minsang nagbakasyon ang katulong nito ay nakapaglaba ang nanay niya rito at nagustuhan kaya ginawang permanente. Nang maikwento ang pagnanasa niyang makapag-aral kahit paalila, kaagad siyang ipinatawag ni Misis Santos.

“Kung magiging mabait ka at masipag, tutulungan kita,” seryosong wika nito.

Mabait siya at masipag. Istrikto ngunit maunawaing amo naman si Misis Santos. Sa tiyaga ay nakatapos siya ng high school. Kasabay rin ni Ric na bagaman at mahirap din, ay hindi naman nila kasing-dahop sa kabuhayan. May isang amaing nakatulong dito upang makatapos. Ng haiskul.

“Ano ngayon, Nilda?” tanong ni Ric.

“Sabi ni Misis Santos, luluwas ako ng Maynila. May kapatid siya. Doon ako titira. At pwede akong mag-aral. Secretarial. Steno. Typing. Bookkekeping. Ikaw?”

Malungkot si Ric. “Dito na lang siguro sa 'tin. Sa Trade School. Vocational.”

“Ayun naman pala. Automotive ang kunin mo, di ba hilig mo 'yon. Sunod, pag sanay ka nang mangumpuni ng kotse at dyip, magtayo ka na ng sariling repair shop.”

“Sarap pakinggan,” malungkot pa rin si Ric. “Buti ka, ang suwerte mo.”

“At pag marunong na ako ng typing, papasok ako sa opisina, sekretarya. O sa banko kaya. Tapos mag-aaral akong muli.”

“At kalaunan, yayaman ka na.”

Tumawa siya. Hinampas niya sa bisig si Ric. “Talaga.”

Nang muling magsalita si Ric. “Ingatan mo ang suwerte mo, Nilda. Unti- unti lang, huwag kang magmadali.”

“Anong ibig mong sabihin?” tanong niya.

“Alam mo na, pag nando'n ka na, baka abutin ka ng inip. Ang tagal naman. Kung ano tuloy ang gawin mo, pati pag-uwi dito sa atin malimutan mo.”

Umling siya. “Hindi ako magmamadali. At uuwi ako tuwing Mahal na Araw. Sabay pa rin tayong iilaw tuwing Biyernes Santo.”

Ngunit ang pangako ay hindi niya natupad. Iba ang buhay sa Maynila. Iba ang mga tao rito. Kina Misis Santos, nasa sariling bayan siya. Sa lungsod, istranghero siya. Isang galing sa probinsiya. At madali siyang nasilaw sa kinang at kislap ng bagong kapaligiran. Dagling narahuyo ng matamis na pangako ng mga bagong kakilala.

Astang mayaman si Gabby. Kaibigan ng kaklase niya. At galante. Lagi silang ibino-blow-out sa canteen ng iskwelahan, inililibre sa sine.

Nakagalitan siya ng kapatid ni Misis Santos. “Ano pang trabaho ang magagawa mo sa bahay, Nilda, kung gabing-gabi ka na uuwi?”

Mayaman si Gabby. May kotse at may gusto sa kanya. Bakit pa siya magpapakahirap mag-aral samantalang kung mapapangasawa niya si Gabby ay mayaman na rin siya. Kay dali niyang nalimutan ang pangako kay Ric na hindi siya magmamadali.

At sumama siyang magtanan kay Gabby na hindi naman pala mayaman. Hindi ari ang dala­dalang kotse at ang talagang trabaho nito ay ang makipagkaibigan sa mga bagong saltang tulad niya. Paibigin, ariin at sa gitna ng kawalang-pagasa'y amukiin sa isang hanapbuhay na kasintanda ng panahon.

Itinakwil siya ng kanyang mga magulang. Pinanghinayangan siya ni Misis Santos at ng pamilya nito. Nabalitaan niyang umalis si Ric, hindi alam kung saan nagtungo.

Kinasuklaman niya ang kanyang sarili ngunit mayroon siyang natuklasan. Kung gagamitin niya ang kanyang isip, magkakapera pa rin siya. Tulad ng kanyang pangarap at hindi niya kailangang magtiis sa mga parukyanong dala ni Gabby. May nagbalita sa kanya tungkol sa Hongkong... Singapore...Japan.



BIYERNES Santo. Pabalik na ang prusisyon sa simbahan. May pinagkakaguluhan ang mga tao, pinag-uusyusohan. Isang bagong karo ng isang bagong imahen ni Maria Magdalena.

Ganda, bulalas ng mga nanonood.

At ang dami ng ilaw, ang liwanag! Dagdag pa ng iba.

Ang imahen... tingnan n'yo... ang lungkot ng mukha. Mas iba kesa dun sa Magdalena ni Misis Santos... Isang kung sino ang nagsabi.

Kanino ba 'yun? May nagtanong. Walang kasunod ang karo.

Ang matandang Bosyong lang, may sumabad.

Mahabang istorya niyan, may nagsalitang matanda, pero tsismis. Donasyon daw yan sa simbahan, kaya simbahan na bale ang may-ari. Kasama ng donasyon ang kung magkanong pera para scholarship fund sa mga mahihirap na gustong mag-aral. Hindi malaman kung sino ang nagbigay. Pero ang tsismis...

Sumandal si Nilda sa pagkakaupo sa loob ng kotse. Mariing ipinikit ang mga mata. Hanggang kailan kaya maitatago ang lihim ng bagong Magdalena. Natupad na rin ang kanyang pangarap noon. Ang magkaroon ng sariling karo sa prusisyon ngunit doon napuputol ang kanlyang pangarap.

Hindi siya makalalabas. Hindi niya maitataas ang kanyang noo. Hindi niya maihahantad ang kanyang mukha sa pagsunod sa likuran ng kanyang karo.

Wala na ang kanyang mga magulang. Namatay na matindi ang hinanakit sa kanya. Tinatanggap ng mga kapatid niya ang kanyang tulong ngunit malayo ang loob ng mga ito sa kanya.

Kung hindi siguro siya nagmadali... Kung nagtiyaga siya sa pag-aaral... Baka siya'y naging empleyado o maski clerk sa munisipyo.

At si Ric, baka nagkapangasawahan sila. May gusto ito sa kanya, alam niya. At kung mekaniko si Ric, sa dami ng kotse at dyip ngayon, makabubuhay na rin ito ng pamilya, mapag-aaral ang mga anak. Magkakatulungan sila. Hindi mayaman ngunit nakaharap sa kaunlaran. At magiging maligaya rin sila, natitiyak niya

Ngayon, walang Ric, walang sinuman. At ang mukha ng kamatayan ay nakatunghay na sa kanya dahil sa taglay niyang sakit. Nakahahawa at walang lunas.

O, kung maaari lamang na ulitin ang kanyang buhay...

Kung ang lahat sana'y isa lamang masamang panaginip...

Kung muling maibabalik lamang ang panahon...

Kung saan bata pa sila ni Ric, umiilaw sa prusisyon, sa tapat ng Magdalenang ari ni Misis Santos...

At ang ang supladong si Bosyong ay panay ang saway sa kanila...

Oy... mga bata...


Liwayway, Marso 20,1989

No comments:

Post a Comment