Sunday, September 6, 2009

Ikaw ay walang malay sa kahulugang ikaw ay busilak...

Katulad mo'y puting bulaklak...

PINAKAMAMAHAL KITA, KAYA…



PINAKAMAMAHAL KITA, KAYA…


SI ALMA.


Ang sandali ng pagpapasiya ay sinapit na. Ang nag-iisang hakbang na palagiang mag-uugnay sa tamis ng kahapon at sa kasalukuyang pait ay handa nang isagawa. Bukas ang mga matang tatalikod sa mga kapaniwalaang kinagisnan para sa isang saglit na kasiyahan. Isang pamumuno ng dibdib sa madaramang kagalakan. Isang pagtataas ng noo, ng kilay. Isang ngiti. Isang bulong. “Ako man. Kung aking nanaisin ay may angkin ding kakayahan.”


SI ALMA AT SI NOEL.


Kahapon. Mula sa labing-anim na si Alma sa labimpitong si Noel. Mula sa magkatabing hanay ng mga upuan sa silid-aralan. Ang unang araw sa kolehiyo. Kiming tumayo si Alma. “I’m Alma Reyes, from Bulacan.”

Nang dumating sa hanay nina Noel, sinabi nito. “I’m Noel Santiago, from Bulacan.” Nang makaupo’y binalingan si Alma. “Kababayan…”

Sa pagitan ng mga asignatura, mga putul-putol na pag-uusap. “Di ka sa may kapitolyo nag-aral?” usisa ni Noel.

Isang iling. “Mayroon sa bayan namin. Pribado.”

At sa iba pang tanong. “Oo. Talaga. Ulila ako. Palaki ng mga tiya.”

At pigil na hagikgik sa hitsura ng mukha ni Noel. “Ano? Ayaw na nakikipagkaibigan ka sa mga lalaki? Hawa naman…”

Si Noel ang kauna-unahang lalaki na nakausap niya nang matagalan at araw-araw, sa isang kapaligirang walang matang nagbabawal. Ang pamamaraan nitong matapat at prangkang pakikipag-usap na noong una ay kinaasiwaan niya, ay kinagliwan niya nang kalaunan.

Hanggang isang araw, pauwi sila minsan, si Noel ay patungong hintayan ng bus, siya ay patawid naman sa lansangan, sinabi nito. “Alam mo ba, Alma, na sa panahong ito, ikaw ay maituturing na isang kataliwasan?”

Yaon ang mga araw na sumaksi sa unti-unting pagtaas ng laylayan ng damit ng mga babai. Sa lumalaking takong ng sapatos. Sa humahabang buhok ng mga lalaki, na sa ibang bansa ay marami nang taong natanggap ng nakararami. Yaon ang mga araw na unang narinig ang tinig ng mag-aaral. At siya, si Alma, ay tinawag ni Noel na isang kataliwasan.

“Isang walang-malay,” nakangiti si Noel.

Kumulimlim ang kanyang mukha. Nagtatanggol ang kanyang tinig. “Sa kabila ng lahat, mulat ang aking mga mata. Bukas ang aking tainga sa mga nangyayari.”

Hindi nagbago ang ngiti ni Noel. “Alam ko iyon, Alma. May angkin kang talino at marunong kang dumama. Ngunit di iyon ang ibig kong sabihin. Ikaw ay walang malay sa kahulugang ikaw ay busilak. Isang puting bulaklak.”

Isang puting bulaklak. Kay gandang mangungusap ni Noel. Ang kanyang kabuuan ay nilukuban ng di matingkalang kasiyahan. At sumagot siya. “Bakit mo nasabi iyon? Ano ang nakita mong batayan?”

Ang sagot ni Noel “Yaon ay di nakikita. Yaon ay nadarama.”

At seryoso. “Sana, huwag kang magbabago. Manatili kang ganyan.”

At halos pabulong. “Para sa akin…”

Noon niya naalaala ang isang kinagigiliwang tula. Kabisado niya ito, hindi na matandaan kung sino ang may katha. “Pakinggan mo,” sabi niya kay Noel. I would be true for there are those who trust me; I would be pure for there are those who care…

I would be strong for there is much to suffer… tinig ni Noel.

At sabay sila, I would be brave, for there is much to dare.

Nang mga sandaling iyon, dalawang bagay ang natiyak niya. Umiibig siya kay Noel. At tanging si Noel lamang ang nais niyang makaisang-palad pagdating ng panahon.

Hindi nagtagal, nagkaunawaan ang kanilang mga puso. Si Noel ay umiibig din sa kanya. Isang marubdob na pag-ibig sa isang matibay na dibdib. Apat na taong singkad sa kolehiyo. Ang tukso ay laging kaalakbay, ngunit sa tuwina ay napaglalabanan.

Ang sabi ni Noel. “Ikaw ay isang puting bulaklak, natatandaan mo ba? Sinabi ko sa iyo noong una pa lamang kitang nakilala.”

“Natatandaan ko,” ang sagot niya. “Pati iyong tula natin.”

At sabay sila. “I would be pure for there are those who care.

Isa pang taon at kapwa na sila tapos ng pag-aaral. Kapwa na naghahanap-buhay. Magbibilang na lamang ng kaunti pang panahon.

“Marami bang dalaga roon?” nagseselos, itatanong niya.

“Sa inyong opisina, marami bang binata?” ang ganting sagot.

Maliligayang sandali sa araw-araw na pagkikita. Nang dumating ang isang panahong si Noel ay hindi nakadalaw sa dami ng trabaho. Tuwing ikalawang araw na lamang. Hanggang maging ikatlo. Minsan isang linggo. At lagi na, minsan na lamang sa isang linggo.

Saka isang araw, “Magtanan tayo, Alma.”

“Magtanan?” Nabigla siya.

Balisa si Noel. “Kailangan.”

Mamamatay siya, naisip niya, nadama niya. “Bakit, Noel? Bakit?”

At sa kanyang harap lumuha si Noel. “Makabago siya, Alma. Anak ng panahong ngayon. At ginanyak niya ako sa isang paraang hindi ako makatanggi. Inilagay niya sa timbangan ang aking pagkalalaki.”

“Alam niya ang tungkol… ang tungkol sa akin?”

Tumango si Noel. “Naniniwala siya na tanging ikaw ang iniibig ko. Ngunit naranasan ko na raw ba ang umibig sa iba? Nakalasap na raw ba ako ng ibang yakap at halik. Alma… inialay niya ang kanyang sarili.”

Napugto na yata ang kanyang hininga. Napapikit siya.

“Walang tali, Alma,” tinig ni Noel. “Lubha siyang makabago, Alma. Kung sa kabila raw ng lahat at ikaw pa rin ang mahal ko, hindi siya tututol.”

“Iniibig ka niya,” ang katotohanan ay isang daing na namulas sa kanyang bibig.

“Ikaw ang mahal ko,” nakikiusap ang tinig ni Noel. “Tayo ang pakakasal.”

Hinanap niya ang mga mata ni Noel. “Matatalikuran mo ba ang iyong ginawa?”

Kaagad na nagbaba ng tingin si Noel. Matagal na hindi umimik.

At nagpatuloy siya. “Kung pakakasal ba tayo ay makakalimutan mo siya? Hindi mo maaalaala ang sandaling…”

“Alma!”

Ang pait ay kanyang nadama at napailing siya. “Kilala ka niya, Noel. Kung paanong kilala niya ako. Tarok niya ang ating kalooban. Sukat niya ang kahihinatnan, bago siya nakipagsugal. Matalino siya, Noel. Tunay na matalino.”

Tinanggihan niya si Noel. I would be strong for there is much to suffer…ang kanilang tula. At tinibayan ang kanyang kalooban. I would be brave, for there is much to dare.



AT SI ALMA, NGAYON.


Sa sandali ng pagpapasiya.

“Noel?”

Ang tinig sa kabilang dulo ng kawad. “Alma? Alma!”

“Si Alma nga, Noel. Kumusta?”

Matagal ang dating ng sagot. “Alma… Alma… mabuti. Ikaw?”

“Mabuti rin, Noel. E, siya. Kumusta naman siya?”

Naiba ang tinig. “Bakit mo itinatanong, Alma?”

“Nangungumusta lang ako, Noel. Kung nagagalit ka, sorry. Sige na…”

“Alma…teka.” Nagmamadali ang tinig. “Huwag mong ibababa. I want to explain. Hindi ako nagagalit. Alma, nasasaktan ako…”

“Nasasaktan? Ikaw?”

“Para sa iyo, Alma. Para sa iyo.”

Mahal pa siya ni Noel. “O, sige, Noel. Tatawag na lang ulit ako.”

“Promise, Alma.”

“Promise, Noel.”


SI NOEL.


Naghintay. Kinabukasan. Tunog ng telepono sa ganoong oras. “Hello?” Isang piping dasal. Si Alma sana.

“Tungkol ho sa account namin, Mr. Santiago,” ang sagot.

“A…” ang pamimigat ng dibdib ay iwinaksi ni Noel, tinanggihang bigyan ng kahulugan.

Siya at at si Alma. Noon. Sa magkatabing hanay ng mga upuan sa silid-aralan. Labimpito siya sa labing-anim ni Alma. Ang walang-malay na si Alma. Ang busilak. Ang puting bulaklak.

“Ako’y isang romantiko,” ang sabi niya kay Alma. “Birhen kitang ihahatid sa harap ng altar.”

“Mahal kita,” sasabihin ni Alma.

“Mahal na mahal kita,” ang isasagot niya.

Saka dumating sa buhay niya si Lorna. Ang ganda ay mula sa malawak na kaalaman. “Mapagbasa ako. At mapagmasid. Isang mag-aaral ng kalikasan ng tao.”

Iba ang taglay na pang-akit ni Lorna. Matapat ito. Prangka. Turol kung mangusap. “Ikaw ang tipo ko, Noel.”

Ang naisipan niyang sagot. “Sayang. May girlfriend na ako.”

Pormal si Lorna. “Hindi pa kayo kasal.”

Kahit saan daanin, ang sinabi ni Lorna ay isang uri ng paghamon. “Ano’ng ibig mong mangyari?” pabiro pa rin ang sa kanya.

“Try me. Subukin mo ako,” Hindi ngumingiti si Lorna.

“Subuking girlfriend?” ang tanong niya ay may palaman.

Matunog si Lorna. “All the way. Hanggang doon. At walang tali. Ang pagpapasiya ay nasa iyo.”

Paano siya makatatanggi? Saka sinabi ni Lorna. “Please lamang, huwag mong isipin na ganito ako sa lahat ng lalaki. Ngayon pa lamang. And why not, Noel. As far as you are concerned, I’m up to my neck. I know you like me a lot and I’m banking on the chance that you might fall in love with me later on…”

Tama si Alma. Matalino nga si Lorna. Yaon ay isang magandang bitag na bukas ang mga matang pinasok niya. At naiwan mang bukas ang pinto ay hindi pa niya nakuhang lumabas. Nagpasiya man siyang makawala ay nagdalawa na ang kanyang kalooban. Sila ni Lorna ang ikinasal at nagsama naman nang mainam. Lamang, ang matamis-mapait na alaala ni Alma, ang walang-malay, ang busilak, ang puting bulaklak, lagi na ay may ginigising na damdamin. Damdaming hindi maiwaksi, ayaw mamatay. Damdamin niya, para kay Alma.

“Alma?”

“Ako nga, Noel.” Tinig sa telepono.

“Bakit ngayon ka lang tumawag, Alma?” Napapikit si Noel, damang-dama niya ang bagyo sa loob ng kanyang dibdib.

“Hinintay mo ba ako, Noel?”

Araw-araw, tumawag si Alma. Kumusta ka, Noel? Kumain ka na ba? Dala mo ba ang iyong jacket, umuulan. Happy Birthday, natatandaan mo ba? Merry Christmas. Utang ang regalo, ha? Happy New Year. Happy Valentine. Noel… magkita tayo ngayon.



NGAYON. SI ALMA AT SI NOEL.


Sa dating pasyalan.

“Alma!”

“Noel!”

Nagdaop ang kanilang mga palad. Kumapit si Alma sa bisig ni Noel. Nagpapaubaya ang katawang hindi iniilag. “Baka tayo makita ng boyfriend mo, Alma.”

“Alam mong wala, Noel. O baka natatakot ka lang sa kanya…”

“Saan mo gustong pumunta? Ako’ng taya,” ang tanong ni Noel, ang naramdamang hamon ay hindi pinansin.

Maputing-maputi ang mukha ni Alma. Malalim at di matarok ang isinasaad ng mga mata. “Kahit saan, Noel. Kahit saan..

Ang walang-malay. Ang busilak. Ang puting bulaklak. “Alma…”

“Pinakamamahal kita, Noel.” Sumungaw ang luha. “Kung paano at kung gaano ka niya kamahal… noon. Magagawa ko na, ngayon. At walang tali, Noel.”

Ganito marahil ang kamatayan, naisip ni Noel. At isang bagay ang natiyak niya. Umiling siya. Sunud-sunod. “Hindi. Hindi, Alma.” May katal ang tinig.

“Tinatanggihan mo ako?” Ang luha’y nawala sa mga mata ni Alma, napunta sa tinig nito.

Tumango si Noel. Sunud-sunod na pagtango. At sa pinatatatag na tinig. “Oo, Alma. Tinatanggihan kita.”

“Hindi ka tumanggi noon.” Nanulay ang pait.

“Isang pagkakamali. At kung ngayon ay muli akong magkakamli, sa alaala mo man ay hindi na ako magiging karapat-dapat. At Alma… magaan ang buhay dahil lamang sa alaala…”

Naumid si Alma. Kalahating oras. Isang oras na katahimikan. Tumayo si Alma. “Tinatanggap ko. Isang kabaliwan ang aking naisip. Nais kong makaganti sa kanya sa pamamaraang nauunawaan niya. Ngunit iba siya at iba ako. Kung paanong iba ka sa kanya at iba ka sa akin.”

Nagsimulang lumakad si Alma. At sumabay si Noel. “Pinagbigyan mo siya noon. Tinanggihan mo ako ngayon. Bakit, Noel” Anong talaga ang dahilan?”

Huminto sa paglakad si Noel. “Ang katotohanan ay maganda, ngunit baka pumangit kapag namulas sa aking bibig…”

“Nais ko pa ring marinig, Noel. Maging alaala man lamang sa aking pagtanda….”

Huminga nang malalim si Noel. “Kung gayon ay ikuwento mo sa iyong mga apo, Alma. Pinakamamahal kita… kaya…”

At alam ni Alma, pinakamamahal kita… at naniniwala siya, kaya… iyon ang talagang dahilan… ang magandang katotohanan.



Liwayway, 18 Marso 1974


(Ang tulang ginamit sa kwento ay nabasa ko lamang sa isang peryodiko noong 1974. Nagustuhan ko ito at kinabisa. Ngayon na lamang na panahon ng internet napag-alaman ko ang pinagsimulan ng nasabing tula. Ito ay sinulat ni Howard Arnold Walter noong 1906 na may titulong My Creed. Pamaskong handog niya ito sa kanyang ina na siyang nagpadala ng tula sa Harper’s Magazine. Pumanaw siya sa murang edad, habang nagtuturo sa Punjab, Lahore. Ngunit ang kanyang alaala ay nanatiling buhay sa magandang tula na kanyang kinatha.)

Tuesday, September 1, 2009

Best Loved Poems


Best Loved Poems


Nang munti pa akong bata, nasa elementarya pa siguro kung saan hindi pa itinuturo ang Florante at La
ura, natutuhan ko ang ilang piling taludtod nito dahil sa pagkakabisa ng mga kapatid kong nag-aaral sa haiskul.

Pag-ibig anaki’y aking nakilala,
di dapat palak’hin ang bata sa saya,
at sa katuwaa’y kapag namihasa,
kung lumaki’y walang hihinting ginhawa.


Sapagka’t ang mundo’y bayan ng hinagpis,
namamaya’y sukat tibayan ang dibdib,
lumagi sa tuwa’y walang pagtitiis,
ano’ng ilalaban sa dahas ng sakit?


Ang taong magawi sa ligaya’t aliw,
mahina ang puso’t lubhang maramdamin,
inaakala pa lamang ang hilahil,
na daratna’y di na matutuhang bat’hin.


Para ng halamang lumaki sa tubig,
daho’y nalalanta munting di madilig,
ikinaluluoy ang sandaling init,
gayundin ang pusong sa tuwa’y maniig.


Munting kahirapa’y mamalakhing dala,
dibdib palibhasa’y di gawing magbata,
ay bago sa mundo, balang kisap-mata,
ang tao’y mayroong sukat ipagdusa.


Ang laki sa layaw karaniwa’y hubad,
sa bait at muni sa hatol ay salat,
masaklap na bunga ng maling paglingap,
habag ng magulang sa irog na anak.


Sa taguring bunso’t likong pagmamahal,
ang isinasama ng bata’y nunukal,
ang iba’y marahil sa kapabayaan,
ng dapat magturong tamad na magulang.


Wow! Ang sarap bigkasin, ang sarap namnamin. Tunay na makahulugan ang bawa’t taludtod. Pwede nang Parenting 101. Hindi na kailangan si Dr. Benjamin Spock na noong kapanahunan namin ay takbuhan ng mga nagpapalaki ng anak, na pero ngayon naman ay balot ng kontrobersiya ang sistema nito. Kaya, ito na lamang marahil ang tandaan natin. Ang sinabi ni Balagtas na - ang isinasama ng bata’y nunukal, ang iba’y marahil sa kapabayaan ng dapat magturong tamad na magulang!

At ngayon nga, kung nagkakatipun-tipon kaming magkakaiskwela sa high school at nagbabalik-tanaw sa mga araw na ipinakabisa sa amin ito, may magsimula lamang ng unang linya, agad nang nasusundan ng iba pa. Yes, kabisado pa ng marami.


Tulad ng grand alumni homecoming sa high school (Bulacan High School/Marcelo H. del Pilar High School, Malolos, Bulacan) na nadaluhan ko noon kung saan ang isang matandang guro, Gng, G. Lomotan, mahigit nang otsenta anyos, ang nahilingang sumali sa palatuntunang ginaganap. Kaagad siyang nagpaunlak at tumula. Ang kanyang tula na sa elementarya pa niya marahil natutuhan at kabisado pa rin niya ay katha ni Henry Wadsworth Longfellow:


I shot an arrow into the air ,
it fell to earth I know not where
For so swiftly it flew, the sight
could not follow it in its flight.


I breath'd a Song into the air
It fell to earth, I know not where.

For who has sight so keen and strong
that it can follow the flight of a song?


Long, long afterward in an oak,
I found the Arrow still unbroke;

And the Song from beginning to end
I found again in the heart of a friend.


Galing! Tuwang-tuwa kami. Talagang ang mga natutuhan noong kabataan natin ay malalim na natatanim sa ating mga isipan.
Tulad naman ng aking ama noon, na kapag ipinaliliwanag sa akin kung bakit kahit hindi kami mayaman ay kuntento siya sa buhay, ay may idinurugtong na quotation o linya ng isang tula. I envy nobody - no, not I - And nobody envies me At iyan, aniya, ay from The Miller of Dee.

Sa haiskul, paborito naming magkakaiskwela ang guro namin sa Literature, si Miss J. E. Ladia, kahit tunay na istrikto siya. Kaya naman, hanggang ngayon, tanda pa rin namin ang ilang tula na ipinakabisa niya. Tulad ng Thanatopsis ni William Cullen Bryant. Na pwede na ring ituring na How To Live Life 101.

So live, that when thy summons comes to join

The innumerable caravan which moves

To that mysterious realm, where each shall take

His chamber in the silent halls of death,

Thou go not, like the quarry-slave at night,
Scourged to his dungeon, but, sustained and soothed
By an unfaltering trust, approach thy grave
Like one who wraps the drapery of his couch

About him, and lies down to pleasant dreams.

Naitanong ko tuloy sa aking mga anak kung napag-aralan nila ito sa high school. At hindi raw! Kung paanong blangko ang kanilang mga mukha kapag nababanggit sa usapan sina Alexander The Great at Richard, the Lion-Hearted ng Modern Times & the Living Past at ng iba’t ibang dynasty ng Oriental History. Ito’y mga karakter na sa telebisyon o sine lamang nila kilala.

Marahil, ay iba ang kanilang alam. Iba ang kanilang napag-aralan. Kung paanong hindi ko alam ang be-a-be, be-a-ba, be-a-bo na leksiyon sa katon ng aking ama. Kung paano ring ang aking mga apo ay iba ang natututuhan sa kanilang home schooling program. Kani-kaniyang panahon.
Ganito kami noon, ganyan kayo ngayon.

Ang isa ko pang paboritong tula ay ang My Native Land ni Sir Walter Scott

Breathes there the man with soul so dead,
Who never to himself hath said,

"This is my own, my native land!"

Whose heart hath ne'er within him burn'd

As home his footsteps he hath turn'd

From wandering on a foreign strand?

If such there breathe, go, mark him well;

For him no Minstrel raptures swell;
High though his titles, proud his name,

Boundless his wealth as wish can claim;

Despite those titles, power, and pelf,
The wretch, concentred all in self,

Living, shall forfeit fair renown,

And, doubly dying, shall go down

To the vile dust from whence he sprung,

Unwept, unhonour'd, and unsung
.

Isa lamang ang masasabi ko. Ang nasabing tula ay hindi naglalarawan ng karamihan sa mga OFW at mga immigrants abroad, na sa tuwi-tuwina ay dumarating, dumadalaw, naninirahan nang kahit ilang buwan sa Pilipinas, ang bayang kanilang sinilangan ngunit nilisan sa iba’t ibang kadahilanan. Muli at muli nilang ninanamnam ang tamis ng pagsasamahang kinagisnan, mga kaugalian at tradisyong kinamulatan, pagkakaibigang malalim ang pagkakatanim – sa elementarya, sa high school at kolehiyo, sa opisina, sa kapit-bahay!

Bulalas nga ng isang kabataang kilala ko sa mga unang beses niyang pagbabalik-bayan: I’m grounded!

Na ibig lamang sabihin, at home siya. Feel na feel ang lupang tinubuan. Ang tunog at ingay sa paligid – tahulan ng aso, ang arangkada ng traysikel, sigawan at awayan ng mga batang naglalaro sa kalye, daya ka, gago! ‘tangna mo! Teleserye sa telebisyon, ang tinig ni Dante, ang suking magtatqho, sir, ma’am, taho kayo diyan! Ang amoy – ng mabahong sapa sa gilid ng karsada, ang lansa ng isda ng palengke, ang mabangong samyo ng kapetimusang sa kapihan sa Riverbanks, ang halimuyak ng sampagitang nakatanim sa gilid ng bakod, ang ginigisang bagoong na sawsawan ng kare-kare. Mga nakikita sa paligid - SM, Jollibee, MOA, namumutiktik sa bulaklak ng yellow bell at gumamela, naglipanang jeepney at taxi at bus, mga kakaning tinda, puto, cuchinta, tamales, kalamay, butchi, sapin-sapin ni Aling Citang sa Sta. Isabel sa Malolos, NLEX at Eurobake sa Guiguinto at enseymada at inipit, SLEX at Tagaytay at buko pie. Mga nadarama – init at pawis sa tindi ng sikat ng araw, inis sa buhul-buhol na trapik, baha pag malakas ang ulan, desperasyon sa malalang lagay ng korapsiyon sa gobyerno, yamot sa boladas ng mga kakandidato, buntong- hininga ng kasiyahan sa sarap ng kinaing sariwang halabos na hipon at alimango sa Seafood Market, kwentuhan at halakhakan sa reunion. Ang maganda’t pangit, ang mabango at masama ang amoy, lahat ay niyayakap, hinahapit sa dibdib, kasama ang piping dalangin – kailan magaganap ang pagbabago?

Samantala, patuloy ang pag-uwi, kahit naiinitan at naiinis sa trapik;
pagpapadala ng balikbayan boxes, kahit magastos ang mga pasalubong;
paglingon sa pinanggalingan… kahit nakarating na sa nais paroonan!


At narito ang love poem ni Elizabeth Barrett Browning na paborito at kabisado pa ng marami, ang How Do I Love Thee. Ilang beses na ginamit ng mga binatilyong nagpapahiwatig ng pagtingin sa napupusuan, kinopya at isiningit sa kuwaderno. Noon ito… panahon namin… kaylayo na sa panahon ngayon ng mga Love Online at eyeball kalaunan.

How do I love thee, let me count the ways
I love thee to the depth and breadth and height
My soul can reach, when feeling out of sight

For the ends of Being and ideal Grace.

I love thee to the level of everyday's
Most quiet need, by sun and candle-light.
I love thee freely, as men strive for Right;

I love thee purely, as they turn from Praise.
I love thee with a passion put to use
In my old griefs, and with my childhood's faith.

I love thee with a love I seemed to lose With my lost saints, ---
I love thee with the breath,
Smiles, tears, of all my life! ---
and, if God choose,
I shall but love thee better after death.

Marami pang mga tula ang kabisado ko/namin hanggang ngayon. Pira-piraso. Tulad ng a perfect woman, nobly planned, to warm, to comfort, and command.

O iyong flower in the crannied wall, I pluck you out of the crannies;— Hold you here, root and all, in my hand, Little flower—but if I could understand What you are, root and all, and all in all, I should know what God and man is. Gustung-gusto ko ito.

Saka ito:

To see a World in a Grain of Sand
And a Heaven in a Wild Flower,
Hold Infinity in the palm of your hand
And Eternity in an hour.

Bukod pa sa mga gawa ni Shakespeare na to be or not to be, at ang pangwakas niyang sinabi sa All the World’s a stage na Last scene of all,That ends this strange eventful history,Is second childishness and mere oblivion; Sans teeth, sans eyes, sans taste, sans everything.

Ngunit dumating ang isang panahon na ang naging hobby namin ay ang mangolekta ng love poems. May isang munting aklat ako ni Jose Garcia Villa, na kinalalathalaan ng kanyang pamosong comma poems. Medyo nagkaroon din ng isyu dito. Sa aking pagkatanda ay iyong The Coconut Poem niya. Ganito iyon: The coconuts have ripened, they are like nipples to a tree… Noon, medyo konserbatibo pa ang mga tao.

Pero, ang naging paborito naming mga teen-agers noon ay ang love poem ni Roy Croft: Feel na feel ang bawat linya, sinuman ang pinatutungkulan noon, na ngayon, sa ilan ay ni hindi maalaala ang pangalan, ngunit sa iba naman, hindi pa nagmamaliw sa gunita ang larawan na patuloy na nagdadala ng kilig at malalim na buntong-hininga.

I love you, Not only for what you are,
But for what I am When I am with you

I love you, Not only for what You have made of yourself,
But for what You are making of me.

I love you for the part of me That you bring out;
I Love you For putting your hand Into my heaped-up heart
And passing over All the foolish, weak things
That you can’t help Dimly seeing there,
And for drawing out into the light
All the beautiful belongings That no one else had looked
Quite far enough to find,

I love you because you Are helping me
to make Of the lumber of my life
Not a tavern But a temple;
Out of the works Of my everyday
Not a reproach but a Song.

I love you Because you have done
More than any creed could have done
To make me good, And more than any fate
Could have done To make me happy.

You have done it
Without a touch,
Without a word,
Without a sign.

You have done it.
By being yourself.
Perhaps that is what
Being a friend means.
After all.

Ganda, di ba? Ay, naku, abangan na lamang ninyo ang kwento ng buwan ng Setyembre. PINAKAMAMAHAL KITA… KAYA… Isang love story… at isang tula!