Sunday, September 6, 2009

PINAKAMAMAHAL KITA, KAYA…



PINAKAMAMAHAL KITA, KAYA…


SI ALMA.


Ang sandali ng pagpapasiya ay sinapit na. Ang nag-iisang hakbang na palagiang mag-uugnay sa tamis ng kahapon at sa kasalukuyang pait ay handa nang isagawa. Bukas ang mga matang tatalikod sa mga kapaniwalaang kinagisnan para sa isang saglit na kasiyahan. Isang pamumuno ng dibdib sa madaramang kagalakan. Isang pagtataas ng noo, ng kilay. Isang ngiti. Isang bulong. “Ako man. Kung aking nanaisin ay may angkin ding kakayahan.”


SI ALMA AT SI NOEL.


Kahapon. Mula sa labing-anim na si Alma sa labimpitong si Noel. Mula sa magkatabing hanay ng mga upuan sa silid-aralan. Ang unang araw sa kolehiyo. Kiming tumayo si Alma. “I’m Alma Reyes, from Bulacan.”

Nang dumating sa hanay nina Noel, sinabi nito. “I’m Noel Santiago, from Bulacan.” Nang makaupo’y binalingan si Alma. “Kababayan…”

Sa pagitan ng mga asignatura, mga putul-putol na pag-uusap. “Di ka sa may kapitolyo nag-aral?” usisa ni Noel.

Isang iling. “Mayroon sa bayan namin. Pribado.”

At sa iba pang tanong. “Oo. Talaga. Ulila ako. Palaki ng mga tiya.”

At pigil na hagikgik sa hitsura ng mukha ni Noel. “Ano? Ayaw na nakikipagkaibigan ka sa mga lalaki? Hawa naman…”

Si Noel ang kauna-unahang lalaki na nakausap niya nang matagalan at araw-araw, sa isang kapaligirang walang matang nagbabawal. Ang pamamaraan nitong matapat at prangkang pakikipag-usap na noong una ay kinaasiwaan niya, ay kinagliwan niya nang kalaunan.

Hanggang isang araw, pauwi sila minsan, si Noel ay patungong hintayan ng bus, siya ay patawid naman sa lansangan, sinabi nito. “Alam mo ba, Alma, na sa panahong ito, ikaw ay maituturing na isang kataliwasan?”

Yaon ang mga araw na sumaksi sa unti-unting pagtaas ng laylayan ng damit ng mga babai. Sa lumalaking takong ng sapatos. Sa humahabang buhok ng mga lalaki, na sa ibang bansa ay marami nang taong natanggap ng nakararami. Yaon ang mga araw na unang narinig ang tinig ng mag-aaral. At siya, si Alma, ay tinawag ni Noel na isang kataliwasan.

“Isang walang-malay,” nakangiti si Noel.

Kumulimlim ang kanyang mukha. Nagtatanggol ang kanyang tinig. “Sa kabila ng lahat, mulat ang aking mga mata. Bukas ang aking tainga sa mga nangyayari.”

Hindi nagbago ang ngiti ni Noel. “Alam ko iyon, Alma. May angkin kang talino at marunong kang dumama. Ngunit di iyon ang ibig kong sabihin. Ikaw ay walang malay sa kahulugang ikaw ay busilak. Isang puting bulaklak.”

Isang puting bulaklak. Kay gandang mangungusap ni Noel. Ang kanyang kabuuan ay nilukuban ng di matingkalang kasiyahan. At sumagot siya. “Bakit mo nasabi iyon? Ano ang nakita mong batayan?”

Ang sagot ni Noel “Yaon ay di nakikita. Yaon ay nadarama.”

At seryoso. “Sana, huwag kang magbabago. Manatili kang ganyan.”

At halos pabulong. “Para sa akin…”

Noon niya naalaala ang isang kinagigiliwang tula. Kabisado niya ito, hindi na matandaan kung sino ang may katha. “Pakinggan mo,” sabi niya kay Noel. I would be true for there are those who trust me; I would be pure for there are those who care…

I would be strong for there is much to suffer… tinig ni Noel.

At sabay sila, I would be brave, for there is much to dare.

Nang mga sandaling iyon, dalawang bagay ang natiyak niya. Umiibig siya kay Noel. At tanging si Noel lamang ang nais niyang makaisang-palad pagdating ng panahon.

Hindi nagtagal, nagkaunawaan ang kanilang mga puso. Si Noel ay umiibig din sa kanya. Isang marubdob na pag-ibig sa isang matibay na dibdib. Apat na taong singkad sa kolehiyo. Ang tukso ay laging kaalakbay, ngunit sa tuwina ay napaglalabanan.

Ang sabi ni Noel. “Ikaw ay isang puting bulaklak, natatandaan mo ba? Sinabi ko sa iyo noong una pa lamang kitang nakilala.”

“Natatandaan ko,” ang sagot niya. “Pati iyong tula natin.”

At sabay sila. “I would be pure for there are those who care.

Isa pang taon at kapwa na sila tapos ng pag-aaral. Kapwa na naghahanap-buhay. Magbibilang na lamang ng kaunti pang panahon.

“Marami bang dalaga roon?” nagseselos, itatanong niya.

“Sa inyong opisina, marami bang binata?” ang ganting sagot.

Maliligayang sandali sa araw-araw na pagkikita. Nang dumating ang isang panahong si Noel ay hindi nakadalaw sa dami ng trabaho. Tuwing ikalawang araw na lamang. Hanggang maging ikatlo. Minsan isang linggo. At lagi na, minsan na lamang sa isang linggo.

Saka isang araw, “Magtanan tayo, Alma.”

“Magtanan?” Nabigla siya.

Balisa si Noel. “Kailangan.”

Mamamatay siya, naisip niya, nadama niya. “Bakit, Noel? Bakit?”

At sa kanyang harap lumuha si Noel. “Makabago siya, Alma. Anak ng panahong ngayon. At ginanyak niya ako sa isang paraang hindi ako makatanggi. Inilagay niya sa timbangan ang aking pagkalalaki.”

“Alam niya ang tungkol… ang tungkol sa akin?”

Tumango si Noel. “Naniniwala siya na tanging ikaw ang iniibig ko. Ngunit naranasan ko na raw ba ang umibig sa iba? Nakalasap na raw ba ako ng ibang yakap at halik. Alma… inialay niya ang kanyang sarili.”

Napugto na yata ang kanyang hininga. Napapikit siya.

“Walang tali, Alma,” tinig ni Noel. “Lubha siyang makabago, Alma. Kung sa kabila raw ng lahat at ikaw pa rin ang mahal ko, hindi siya tututol.”

“Iniibig ka niya,” ang katotohanan ay isang daing na namulas sa kanyang bibig.

“Ikaw ang mahal ko,” nakikiusap ang tinig ni Noel. “Tayo ang pakakasal.”

Hinanap niya ang mga mata ni Noel. “Matatalikuran mo ba ang iyong ginawa?”

Kaagad na nagbaba ng tingin si Noel. Matagal na hindi umimik.

At nagpatuloy siya. “Kung pakakasal ba tayo ay makakalimutan mo siya? Hindi mo maaalaala ang sandaling…”

“Alma!”

Ang pait ay kanyang nadama at napailing siya. “Kilala ka niya, Noel. Kung paanong kilala niya ako. Tarok niya ang ating kalooban. Sukat niya ang kahihinatnan, bago siya nakipagsugal. Matalino siya, Noel. Tunay na matalino.”

Tinanggihan niya si Noel. I would be strong for there is much to suffer…ang kanilang tula. At tinibayan ang kanyang kalooban. I would be brave, for there is much to dare.



AT SI ALMA, NGAYON.


Sa sandali ng pagpapasiya.

“Noel?”

Ang tinig sa kabilang dulo ng kawad. “Alma? Alma!”

“Si Alma nga, Noel. Kumusta?”

Matagal ang dating ng sagot. “Alma… Alma… mabuti. Ikaw?”

“Mabuti rin, Noel. E, siya. Kumusta naman siya?”

Naiba ang tinig. “Bakit mo itinatanong, Alma?”

“Nangungumusta lang ako, Noel. Kung nagagalit ka, sorry. Sige na…”

“Alma…teka.” Nagmamadali ang tinig. “Huwag mong ibababa. I want to explain. Hindi ako nagagalit. Alma, nasasaktan ako…”

“Nasasaktan? Ikaw?”

“Para sa iyo, Alma. Para sa iyo.”

Mahal pa siya ni Noel. “O, sige, Noel. Tatawag na lang ulit ako.”

“Promise, Alma.”

“Promise, Noel.”


SI NOEL.


Naghintay. Kinabukasan. Tunog ng telepono sa ganoong oras. “Hello?” Isang piping dasal. Si Alma sana.

“Tungkol ho sa account namin, Mr. Santiago,” ang sagot.

“A…” ang pamimigat ng dibdib ay iwinaksi ni Noel, tinanggihang bigyan ng kahulugan.

Siya at at si Alma. Noon. Sa magkatabing hanay ng mga upuan sa silid-aralan. Labimpito siya sa labing-anim ni Alma. Ang walang-malay na si Alma. Ang busilak. Ang puting bulaklak.

“Ako’y isang romantiko,” ang sabi niya kay Alma. “Birhen kitang ihahatid sa harap ng altar.”

“Mahal kita,” sasabihin ni Alma.

“Mahal na mahal kita,” ang isasagot niya.

Saka dumating sa buhay niya si Lorna. Ang ganda ay mula sa malawak na kaalaman. “Mapagbasa ako. At mapagmasid. Isang mag-aaral ng kalikasan ng tao.”

Iba ang taglay na pang-akit ni Lorna. Matapat ito. Prangka. Turol kung mangusap. “Ikaw ang tipo ko, Noel.”

Ang naisipan niyang sagot. “Sayang. May girlfriend na ako.”

Pormal si Lorna. “Hindi pa kayo kasal.”

Kahit saan daanin, ang sinabi ni Lorna ay isang uri ng paghamon. “Ano’ng ibig mong mangyari?” pabiro pa rin ang sa kanya.

“Try me. Subukin mo ako,” Hindi ngumingiti si Lorna.

“Subuking girlfriend?” ang tanong niya ay may palaman.

Matunog si Lorna. “All the way. Hanggang doon. At walang tali. Ang pagpapasiya ay nasa iyo.”

Paano siya makatatanggi? Saka sinabi ni Lorna. “Please lamang, huwag mong isipin na ganito ako sa lahat ng lalaki. Ngayon pa lamang. And why not, Noel. As far as you are concerned, I’m up to my neck. I know you like me a lot and I’m banking on the chance that you might fall in love with me later on…”

Tama si Alma. Matalino nga si Lorna. Yaon ay isang magandang bitag na bukas ang mga matang pinasok niya. At naiwan mang bukas ang pinto ay hindi pa niya nakuhang lumabas. Nagpasiya man siyang makawala ay nagdalawa na ang kanyang kalooban. Sila ni Lorna ang ikinasal at nagsama naman nang mainam. Lamang, ang matamis-mapait na alaala ni Alma, ang walang-malay, ang busilak, ang puting bulaklak, lagi na ay may ginigising na damdamin. Damdaming hindi maiwaksi, ayaw mamatay. Damdamin niya, para kay Alma.

“Alma?”

“Ako nga, Noel.” Tinig sa telepono.

“Bakit ngayon ka lang tumawag, Alma?” Napapikit si Noel, damang-dama niya ang bagyo sa loob ng kanyang dibdib.

“Hinintay mo ba ako, Noel?”

Araw-araw, tumawag si Alma. Kumusta ka, Noel? Kumain ka na ba? Dala mo ba ang iyong jacket, umuulan. Happy Birthday, natatandaan mo ba? Merry Christmas. Utang ang regalo, ha? Happy New Year. Happy Valentine. Noel… magkita tayo ngayon.



NGAYON. SI ALMA AT SI NOEL.


Sa dating pasyalan.

“Alma!”

“Noel!”

Nagdaop ang kanilang mga palad. Kumapit si Alma sa bisig ni Noel. Nagpapaubaya ang katawang hindi iniilag. “Baka tayo makita ng boyfriend mo, Alma.”

“Alam mong wala, Noel. O baka natatakot ka lang sa kanya…”

“Saan mo gustong pumunta? Ako’ng taya,” ang tanong ni Noel, ang naramdamang hamon ay hindi pinansin.

Maputing-maputi ang mukha ni Alma. Malalim at di matarok ang isinasaad ng mga mata. “Kahit saan, Noel. Kahit saan..

Ang walang-malay. Ang busilak. Ang puting bulaklak. “Alma…”

“Pinakamamahal kita, Noel.” Sumungaw ang luha. “Kung paano at kung gaano ka niya kamahal… noon. Magagawa ko na, ngayon. At walang tali, Noel.”

Ganito marahil ang kamatayan, naisip ni Noel. At isang bagay ang natiyak niya. Umiling siya. Sunud-sunod. “Hindi. Hindi, Alma.” May katal ang tinig.

“Tinatanggihan mo ako?” Ang luha’y nawala sa mga mata ni Alma, napunta sa tinig nito.

Tumango si Noel. Sunud-sunod na pagtango. At sa pinatatatag na tinig. “Oo, Alma. Tinatanggihan kita.”

“Hindi ka tumanggi noon.” Nanulay ang pait.

“Isang pagkakamali. At kung ngayon ay muli akong magkakamli, sa alaala mo man ay hindi na ako magiging karapat-dapat. At Alma… magaan ang buhay dahil lamang sa alaala…”

Naumid si Alma. Kalahating oras. Isang oras na katahimikan. Tumayo si Alma. “Tinatanggap ko. Isang kabaliwan ang aking naisip. Nais kong makaganti sa kanya sa pamamaraang nauunawaan niya. Ngunit iba siya at iba ako. Kung paanong iba ka sa kanya at iba ka sa akin.”

Nagsimulang lumakad si Alma. At sumabay si Noel. “Pinagbigyan mo siya noon. Tinanggihan mo ako ngayon. Bakit, Noel” Anong talaga ang dahilan?”

Huminto sa paglakad si Noel. “Ang katotohanan ay maganda, ngunit baka pumangit kapag namulas sa aking bibig…”

“Nais ko pa ring marinig, Noel. Maging alaala man lamang sa aking pagtanda….”

Huminga nang malalim si Noel. “Kung gayon ay ikuwento mo sa iyong mga apo, Alma. Pinakamamahal kita… kaya…”

At alam ni Alma, pinakamamahal kita… at naniniwala siya, kaya… iyon ang talagang dahilan… ang magandang katotohanan.



Liwayway, 18 Marso 1974


(Ang tulang ginamit sa kwento ay nabasa ko lamang sa isang peryodiko noong 1974. Nagustuhan ko ito at kinabisa. Ngayon na lamang na panahon ng internet napag-alaman ko ang pinagsimulan ng nasabing tula. Ito ay sinulat ni Howard Arnold Walter noong 1906 na may titulong My Creed. Pamaskong handog niya ito sa kanyang ina na siyang nagpadala ng tula sa Harper’s Magazine. Pumanaw siya sa murang edad, habang nagtuturo sa Punjab, Lahore. Ngunit ang kanyang alaala ay nanatiling buhay sa magandang tula na kanyang kinatha.)

2 comments:

  1. "PINAKAMAMAHAL KITA - - KAYA," ay isa na namang "very entertaining reading material", dagdag pa ang mga poems na bahagi ng ating hi-school days- the good old days. The whole thing, the story and the poems, triggers flash back or balik ala-ala ng ating nakaraan, dahil iba na ang panahon ngayon. Sana marami pa ang tulad ni Noel, na naging matatag at maginoo sa huling pagsubok.

    ReplyDelete
  2. Tama si Noel - "magaan ang buhay dahil sa alaala" For some, memories are enough to sustain us.

    EVD

    ReplyDelete