Tuesday, July 1, 2008

WORKING STUDENTS

WORKING STUDENTS

Pasukan na naman. Mataas na tuition, mataas na pamasahe, mataas na bilihin, at hindi tumataas na suweldo!

Sa henerasyon ng mga retired-ed na wala nang hinihintay na suweldo, pawang LOI at umaasa na lamang sa SSS at GSIS na pensiyon na kung ilang taon bago tumaas na kakarampot naman, bukod sa pamasahe at mga bilihin, ang malaking problema ay ang halaga ng gamot para sa high blood, diabetes, arthritis at iba pang mga sakit na kaakibat ng pagtanda.

Sa mga kabataang bago pa lamang nagpapamilya at nagpapalaki, nagpapaaral ng mga anak, ang panahon ng pasukan ay panahon ng sakit ng ulo. Ikinuha nga ng educational plan na pampaaral, bulilyaso naman ang kinalabasan. Ano na ang nangyari sa CAP?

Mahirap na tunay ang magpaaral! At mag-aral, lalo at gusto, ngunit walang ikakaya. Mabuti sana kung tunay na matalino at makakakuha ng scholarship. Paano kung tama lamang ang dunong, hindi iyong i-iskolarin. Marunong, pero hindi brilliant. Alalaon baga’y pwedeng pang-UP. Paano na? Mauuwi na lang sa sariling kayod at tiyaga. Na siyang nangyayari sa karamihan.

Sa mga mag-aaral, may isang grupo na kahanga-hanga sa kanilang pagsisikap na maiangat ang kanilang buhay: ang mga Working Students. Trabaho sa araw, pasok sa eskwela sa gabi.

Noon, may kasama ako sa opisina, (na isang Film Exchange) mensahero ang trabaho, o all-around go-fer, tagabili namin ng tanghalian sa Wa Nam, at istudyante sa PCC sa gabi. Matagal na kaming hindi nagkikita, ngunit ang huli kong balita sa kanya, naging Mayor siya ng kanilang bayan sa Sorsogon.

May boy kami noon sa dormitoryo (St. Catherine’s Ladies Hall sa Recto, dating Azcarraga) Tagabili namin ng mani at turon sa may kanto ng Quezon Boulevard, ice cream sa Jocson’s sa may Bustillos, accounting work sheet o columnar sa Cunanan’s sa gilid ng UE, at samu-t saring utos, bukod pa sa tunay niyang trabaho sa dormitoryo na tagalinis at taga-bunot ng sahig ng lahat ng kuwarto, taga-tapon o kalap ng aming mga basura, tagabuhat ng mga pinamalengke ng aming kusinera. Hindi ko matandaan ang kanyang buong pangalan, ngunit siya ay isang matalinong bata at may karisma. Sa masikap na pag-aaral, nakatapos siya ng high school sa UE. Hindi na rin kami nagkita matapos siyang umalis sa pagtatrabaho sa dormitoryo, ngunit nabalitaan ko rin na nasa Indonesia o isang ASEAN country siya, at mataas ang tungkulin sa Foreign Affairs doon.

Marami pa akong alam na ganitong istorya, na closer to home, ibig sabihin, sigurado akong totoo, hindi hearsay lamang. Talos kong sa mga bumibisita dito, may kakilala silang ganito rin. Saluduhan natin sila! And if you may want to share their stories, you’re most welcome! (Click on the COMMENT at the bottom of this entry.)

Kaya lamang, sa mga ganitong kwento ng buhay, may nasasalit na iba. Malungkot isipin, ngunit totoong nangyayari. Naroroon ang pagsisikap, ang pagtitiyaga, ang ambisyon, ngunit minsan, mabigat din ang kapalit. Ito ang paksa ng susunod na kwento.

Abangan… ang kwento ng buwan ng Hulyo!

No comments:

Post a Comment