Monday, May 10, 2021

03 – Ugnayan ’53 – 10th Anniversary at iba pang happenings

 

Tagni-tagning gunita

-Dumating daw si Baby, ang aming doktora. Dahil inuwi ng Pilipinas ang namatay niyang Itay si Doctor Mario na ibinurol sa simbahan ng Barasoain. Kung paano ako umuwi ng Malolos at kung sino ang kasama ko ay hindi ko na maalaala. Ang naiwan sa aking gunita ay ang aming pagkikita, kuntodo sigaw, yakapan at tawanan (namatayan ba?) Noong istudyante pa kami, paminsan-minsan ay niyayaya niya ako sa UST para magtampisaw sa grounds kapag baha sa Espana. Tuloy rin naman ang komunikasyon bilang barkada hanggang sa umalis na nga siya at nag-abroad.

-Jungle Bar – sa Hilton ba iyon? Ang natatandaan ko ay naroon kaming mga magkakaiskwelang babae at ang grupo ng mga kaiskwelang lalaki, ang balik-bayan (hindi pa palasak ang katawagang ito) na si Baby, at ang aming valedictorian. Yes, kasama namin siya at waring siya pang pasimuno sa pagpunta roon para maipasyal ang mga kaiskwelang babae. Enjoy kami sa nakapapanibago ngunit nakasisiyang pakitungo ng dati ay napaka-seryoso naming valedictorian. Na bihirang ngumiti. Espesyal na tao lamang ang nginingitian. Pero noon, maasikaso. Order daw kami, kung ano ang gustong inumin, waring siya rin ang taya. At ang hiningi ni Baby ay gin and tonic! Hanga naman ako. Order ko’y ewan, baka coke o orange juice.

-Luneta – Parang pagkatapos ng Jungle Bar ay nagtungo pa ang buong grupo sa Luneta. Na nagkuwentuhan lamang, labu-labong kuwentuhan, ng kung anu-ano. Na nagbibigay na ng pahiwatig na pwedeng magkasama at magkasundo ang dati ay kani-kaniyang grupo. Ilarawan mo ang Luneta noon. Gabi. Malamig ang simoy ng hangin. Ang tanglaw na liwanag ay nagmumula sa mga ilaw ng poste sa paligid. At grupo ng mga kabataang nangakatayo, umpuk-umpok, nagkukwentuhan, naghahalakhakan, waring walang alalahanin sa buhay.

-Sa pagdaraos ng ikasampung anibersaryo ng Klase, noon nasimulan ang pagtungo sa bahay ng mga kaiskwela upang hikayatin ang mga ito na dumalo sa nasabing pagdiriwang. Alam kong nagpunta ang grupo ng mga lalaki sa amin at ang nangyari, nakasama na nila ako sa paglakad-lakad na ito. Iyon marahil ang simula na maging bahagi ako ng namumuong grupo, a loosely grouping of active classmates, na kinabibilangan namin nina Aida na maybahay na noon ni Mon. Ngunit hindi lahat ng lakaran ay nakakasama ako. Doon naman marahil naging aktibo si Dally at iba pa at sa dami ng dumalo ay mahihinuhang marami rin silang napuntahang kaiskwela.

-Isa sa mga nabisita naming bahay ay ang kina ‘Ne, tawag sa kanya ng mga malalapit na kaibigan. Tama kaya ang pagkatanda ko, na bagong kapapagsilang lamang niya ng triplets. Tama, triplets. Only in Class ’53. Si Ine, sa pagdaraan ng mga taon ay naging isa sa maraming ilaw na tumatanglaw sa buhay ng mga kaklase.

-Naghalungkat na ako sa mga kahon ng mga lumang larawan ngunit hindi ko makita iyong kuha noong ika-10 anibersaryo ng Klase. Hindi ako sigurado kung naroon pa nga sa kahon o kasama nang tinangay ni Ondoy. (SOS sa mga may naitatagong kopya, paki-email sa akin para maisama natin dito.) Ngunit natatandaan kong naroon ang valedictorian, salutatorian at iba pang nasa top ten ng Klase… mga kaiskwelang bitbit ang kanilang anak, kayag ang pangiti-ngiti lamang at di pa nakikihalubilong mga maybahay at mga teachers! Kodakan ngang umaatikabo.

 

 

Sa ginanap na palatuntunan ay isa-isang nagbigay ng kaunting pananalita o pagpapakilala ng sarili ang bawat dumalo. Natatandaan kong sinabi ko lamang ang aking pangalan, na dalaga pa ako, at ang aking telephone number ay… (siempre, di ko itinuloy, saka may boyfriend na ako noon, nagpapatawa lamang…) Nang sumunod na taon ay nag-asawa na nga ako at hindi na nakasama sa anumang lakaran ng Klase, bagaman at may ilang okasyon na naimbitahan. Marahil, sa panahong ito na tuloy ang pagkikita ng mga lalaki, konting inuman at blackjack (o poker?) sa opisina ng kaiskwelang executive sa isang hotel sa Roxas Boulevard, noon nabuo ang balak na ipagdiwang ang ika-25 aniversaryo ng Klase. Ang Silver Jubilee! Isang okasyon na nagpabago ng relationship dynamics ng mga magkakaiskwela.

Na maihahalintulad sa isang pinilakang pahina sa aklat ng buhay ng Klase.

 

Abangan at huwag kalimutang i-share ang natatagong gunita. Kung may lumang larawan ng mga happenings na nababanggit dito, please email to me. Para minsan pang masilayan natin the way we were... )

04 – UGNAYAN ’53 – SILVER JUBILEE, THE BIG CHANGE

 

 

1 comment:

  1. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete