ANG magkakamag-aral ng dekada singkuwenta ay tumutugpa na
sa bagong landas ng buhay. Tapos na ng pag-aaral ang marami, at halos lahat ay
may kani-kaniya nang hanap-buhay. Ang iba nga ay may pamilya na. Sa panahong
ito nagsimula ang pakikibalitaan.
Na, ‘oy, nagkikita ba
kayo nina Roger at Ed? At wow, kasama sa top five ng bar ang ating
valedictorian! Siempre! Alam ba ninyo, may asawa na iyong pinakamahinhin nating
kaklase? Talaga? Aba, nasa abroad na pala si Let. Nursing ang kinuha niya. Si
Baby ay medicine at naroon na yata. Si Odeng, iyong athlete natin, US citizen
daw dahil Navy yung tatay kaya ang daling nakapunta. One take lang sa CPA si
Ano, buti pa siya, akalain mo… (Hindi man namin kayo kaklase, palitan lamang
ninyo ang mga pangalan ay ganyan din ang takbo ng mga dayalog, di ba?)
Halatang nagkakasabikan na ang mga magkakaiskwela. Hanggang
may nag-organize ng isang pagtitipon. Parang mini-reunion. Siguro, binhi na ng
namumuong ugnayan. Tanda ko ay para
sa isang mag-a-abroad. Hindi ko matandaan kung sino. Potluck ito. A, itong
potluck na ang naging template ng lahat nang susunod na pagtitipon ng klase. Sa
Makati ito ginawa, sa tirahan noon ng mag-asawang kapwa namin kaiskwela. At
maganda ang istorya nila. Abangan…
Yaon yata ang unang pagkikita ng magkakaiskwela, bagaman
iyong mga dating magkakabarkada ay nagkakatawagan at kahit paano ay di nawala
iyong koneksiyon. Ang saya! Ang ingay! Ang gulo! Aba, ang mga dalaginding sa
high school ay mga dalaga na ngayon. At may naiba. Gumanda naman yata. (Dahil
daw sa make-up.) Pero nagkakilalanan naman. Naalaala ko tuloy, may kaiskwela
akong bumati sa akin. Kumusta na,
Estrella… (na sa apelyido ako tinawag). Na sinagot ko ng mabuti naman … (at apelyido rin niya ang
sinabi ko, ginaya ko ba siya). Maganda kasi ang apelyido ko, parang first name
na rin. At ibinagay siguro sa akin, baka gumanda na rin ako, heheh…
Isang kaiskwela, (at sa lahat siguro ng klase, may isang
tulad nito), si Totek, noon pa man ay mahilig nang magkuha ng picture. Parang
si Topico (kilalang letratista ng Malolos) ng Klase. Dami naming kuha. Kaya
lang, wala akong nakita isa man. Ngunit sa palagay ko, ang pagtitipong iyon ang
naging simula na magkaugnayan ang lahat, magkakaiskwelang babae at lalaki. Kasi,
noon pa man ay lumutang na ang kwentuhan na may grupo ng mga lalaki na ang
dating paminsan-minsang pagkikita at pag-iinuman sa isang otel sa may Roxas
Boulevard kung saan Personnel officer ang isang kaiskwela ay nagiging regular
na.
Ang sumunod na pahina sa aking aklat ng gunita ay isang KKB
(na naman!) na kainan sa Max sa Quezon City. Iyong original na Max. May picture
ako nito na despedida para kay Del na mag-a-abroad, connected siya sa Foreign
Affairs, sa pagkatanda ko. Magkakasama na ang mga guys and dolls. Ang mga
dating hindi nagbabatian kahit magkakaseksiyon, dahil mga adolescents at shy
kumbaga, ay nag-uusap na at nagbibiruan, nagtutuksuhan, at ang mga dalaga at
binata pa at biyudo na, sa wari ko ay nagpapakiramdaman. Bida siempre ang life
of the party noong high school pa man, ang katangi-tanging dalaga, na kaibigan
ng mga kaiskwelang lalaki dahil one of the boys kung makisama, walang kiyeme,
walang malisya. Masaya siyang kasama. Komentaryo nga ng isa kong kaibigan,
noong panahong iyon na kasikatan at hinahangaan ang aming Klase, kasi daw, ay
mayroon ang Class ’53 ng isang Dally. Ito ang tunay niyang pangalan. At
natitiyak ko na kung ang ibang klase ay katulad ng aming klase, malamang na
mayroon din silang isang Dally.

(Malabo ang picture at may kaguluhan pa nang bahagya, Nilagyan ko kasi ng caption. Now showing daw iyong "Ang Tangi kong Pag-ibig" na tinutuksong ang tanga kong pag-ibig. A, those were the days... Kaiskwela, nakasama ka ba noon?)
May namuo na ngang barkada, isang maluwag na core group na
binubuo ng mga lalaking laging magkakasama at ilang babae na nasusundo nila
kapag may lakaran. Yes, may kotse na rin ang ilan na kanilang nagagamit na
sasakyan para imbitahin ang mga kaiskwela na dumalo sa 10th
anniversary ng Klase. Iyon ang nadaluhan kong first ever reunion ng ’53.
Sa mga kabar-dekada, kahit Class ’53 kayo sa ibang high
school, tiyak kong halos parehas din ang ating mga karanasan noon. Mayroon din kayong
Totek na photographer. Dally na life of the party. May mga guys na nagpepelota,
nag-iinuman, kaiskwelang nurse at doctor na nag-abroad, kasi sila ang
karaniwang umaalis noon, mga high school crush na nakatuluyan at ilang
pag-iibigan ring naunsiyami.
At sa mga kaiskwela ko, email na sa akin ang sharing at
inputs para maisama sa mga kasunod na posts. Lagi, smile…at abangan ang…
03 –
Ugnayan ’53 – 10th Anniversary at iba pang happenings