Wednesday, January 25, 2012

Welcome Water Dragon !!!


Kung Hei Fat Choi

KUNG HEI FAT CHOI


KUNG HEI FAT CHOI

Nakatutuwa. Isang text ko lamang na bumabati ng Kung Hei Fat Choi sa isang kaibigan at ang dumating na sagot ay isa nang lunch invitation sa aming barkada sa kolehiyo sa Manila Grand Opera Hotel. Ang aming barkadang ito ay bihirang magkita, minsan lamang isang taon na ang laging pasimuno ay ang nang-imbita ngayon. Nagkakatawagan o text ngunit ganoon lamang. Sa kabila nito, tulad nang ibang barkadahan, kapag kami ay nagkita-kita, nanariwa ang dating saya ng aming pagsasama, na binuklod ng hirap sa review, luha ng pagkabigo at tamis ng tagumpay sa ilan, sa pagkuha ng CPA Board exams.

Dahil dito, naalaala ko tuloy ang aking pangakong dalawang kwento ang ilalabas ko ngayon sa aking blog. At dahil Bagong Taon ng mga Chinese, may kinalaman sa mga Chinese ang aking kwento. Nalathala na ito sa Liwayway noon at sa e-zine magazine sa internet, Our Own Voice, at maaaring nabasa na ng ilan, ngunit inilalagay ko ngayon para sa ibang hindi pa. Muli...

Kung Hei Fat Choi !!!

Ang Tagahanga ni Alice


Ang Tagahanga ni Alice



Sa Good Morning Bazaar, laging aali-aligid si Mr. Yu, pamasid-masid sa mga despatsadora, sa mga mamimili, palapit-lapit sa kaha, sa ginagawa ni Alice.

Ang sabi sa kanya ni Mr. Yu, Oy Alice, gusto ka Mang Benito.

Na narinig ng kanyang mga kasamahan na agad siyang binalaan. Naku, Alice, mag-ingat ka. Namber tu ang labas mo, me asawa 'yan.

Pinakamaganda si Alice sa lahat ng mga empleyada ni Mr. Yu, may-ari ng Good Morning Bazaar sa Carriedo. Nag-iisa siyang kahera ng tindahan na bagama't masasabing malaki na rin ay hindi pa sumusunod sa kasalukuyang kalakaran ng mga makabagong mangangalakal na Intsik. Sa Good Morning Bazaar, laging aali-aligid si Mr. Yu, pamasid-masid sa mga despatsadora, sa mga mamimili, palapit-lapit sa kaha, sa ginagawa ni Alice.

Hindi naman nababahala si Alice sa ginagawa ng may-ari. Alam niya ang kanyang ginagawa. Nakaabot siya ng dalawang taon sa kolehiyo, hindi nga lamang nakapagpatuloy dala ng kahirapan. Kayang-kaya niya ang magkahera at hindi ang trabahong ito ang pinapangarap niyang maging opisyo habang buhay.

Gusto kong yumaman, lagi niyang sinasabi sa mga kasamahan.

Mag-asawa ka ng mayaman, sabi naman ng mga ito.

Saan ako makakakita ng mayaman o sinong mayaman ang makakakita sa akin dito sa Carriedo, tanong niya.

Maraming businessmen na Intsik dito. Gusto ng Intsik, e, Intsik din, di ba?

Hindi naman ako purong Intsik, sagot niya.

Ang ina ni Alice ay isang Pilipina, taga-Norte. Purong Intsik ang tatay niya, na ang trabaho ay humango at magrasyon ng mga iba't ibang diyaryo at babasahin. Ang mga nakatatandang kapatid ni Alice ay nagtapos lamang ng high school, nag-asawa agad, namasukan sa mga pabrika ng Intsik.

Pero iba si Alice. Pinilit niyang makapasok sa kolehiyo. Kahit hindi siya nakatapos, alam niyang iba pa rin ang magiging tingin sa kanya ng iba dahil nakatuntong siya ng pamantasan. Iyon na nga ang dahilan kung bakit naging kahera siya ni Mr. Yu sa halip na despatsadora lamang.

Nakita tuloy siya ni Mang Benito. Na pagdating na ng hapon bago sila magsara ng tindahan at mag-uwian, makikita na niyang kausap ni Mr. Yu. Patingin-tingin sa kanya. Alam niyang siya ang pinag-uusapan.

Hanggang sinabi na nga ni Mr. Yu na gusto siya ni Mang Benito. Na agad niyang sinagot nang pabiro, dahil nabibiro niya si Mr. Yu. Mayaman ba si Mang Benito?

Tumango si Mr. Yu. Maraming tindahan si Mang Benito.

Tumawa si Alice. Aba, e baka pwedeng bigyan niya ako ng isa, sabihin nyo sa kanya. Babayaran ko. Hindi libre. Basta hulugan lang.

Nagulat na lamang si Alice nang sa paglalakad niya sa may harap ng simbahan ng Quiapo ay may sumabay sa kanya. Si Mang Benito. “Alice,” bati nito.

Kinabahan din si Alice. Nabigla sa pagkakita kay Mang Benito. “O, ba't naglalakad kayo. Nasa'n ang sasakyan n'yo?”

Lumingon sa gawing gilid ng simbahan si Mang Benito. “Du'n. Hinahabol nga kita. Pwede bang maihatid ka sa inyo?”

Hindi kaagad nakasagot si Alice. Tinawag ang kanyang pansin nang matuwid na pananagalog ni Mang Benito. Hindi katulad ni Mr. Yu na parang telegrama kung magsalita ng tagalog.

“E, kung sabihin ko hong hindi pwede...” nakangiti si Alice, malumanay ang tinig ngunit naroon ang pahiwatig ng katarayan. Naalaala niya ang sinabi ng mga kasamahang despatsadora. Number tu ang labas mo, Alice. Me asawa na 'yan.

“May magagalit ba? May boyfriend ka na ba?” deretso ang tanong ni Mang Benito.

Hindi sinungaling si Alice at wala siyang boyfriend. Prangka siyang tao at hindi ugali ang makipagbolahan. “Wala ho,” sagot niya.

“Bakit ayaw mong magpahatid?”

Huminto sa paglalakad si Alice. “May asawa kayo, Mang Benito. At dalaga ako. Ayokong matsismis.”

Tumigil din sa paglalakad si Mang Benito. “Gusto ko lamang makipagkaibigan sa iyo. Wala akong masamang …” saglit na nag-isip si Mang Benito, “hangarin.”

“Bakit naman ninyo gustong maging kaibigan ako,” muli lumakad si Alice.

“Sabi ni Mr. Yu, narinig daw niya, gusto mong yumaman.”

Muling napahinto sa paglalakad si Alice. “Ano hong koneksiyon nu'n?”

Ngumiti si Mang Benito. “Gusto ko ang mga taong alam ang gusto sa buhay. Hanga ako sa mga babaing gustong yumaman. Lalo pa ang isang dalaga na nanghihingi ng tindahan at nangangakong ito'y babayaran.”

Pinamulahan ng mukha si Alice. “Sinabi ni Mr. Yu!”

“Wala namang masama doon. Totoo ba sa loob mo ang iyong sinabi?”

“Ang pagyaman?” tanong ni Alice. “Totoo ho.”

“May gusto lang akong malaman, Alice. Bakit naman gusto mong yumaman?” seryosong tanong ni Mang Benito.

Napansin ni Alice nakatigil sila ni Mang Benito sa bangketang makalampas sa malaking botika sa Plaza Miranda. Panay ang daan ng mga dyip na puwede niyang sakyang pauwi sa kanila. Nagdadalawa ang kanyang isip kung sasakay na siya. Nag-aalala siyang sumamang sumakay si Mang Benito, hindi naman niya mapipigil ito. O sagutin ang tanong nito, baka magpaiwan na matapos niyang sagutin.

Binalingan niya si Mang Benito. Tipikal na Intsik si Mang Benito. Maputi, hindi kataasan, singkit, ngunit may pagkaguwapo kahit may edad na. Gusto nga kaya siya nito bilang kaibigan lamang o may ibang interes ito sa kanya. Walang maniniwala sa tindahan na walang intensiyon sa kanya si Mang Benito. Matay man niyang isipin hindi rin kapani-paniwala. Ngunit sa kanyang pakiramdam wala naman siyang nadaramang pagkabahala. Naisip niyang ang dahilan marahil ay dahil alam niyang hindi siya papatol dito. Ganoon niya kakilala ang kanyang sarili.

Hinarap niya nang husto si Mang Benito. “Sino ho bang ayaw yumaman? Iyong mayayaman nang tunay, halos sobra-sobra na ang kayamanan, gusto pa ring lalo pang yumaman. E, di lalo't higit ang mahihirap, talagang gustong magkapera. Tulad ko. Ang tatay ko, magdidiyaryo. Wala kaming sariling bahay nangungupahan lang. High school lamang ang tinapos ng mga kapatid ko. College drop-out ako. Gano'n lang ang mga trabaho nila, suweldo ko kay Mr. Yu, pagkain lang namin, pamasahe ko. Walang kuwentang buhay, Mang Benito. Kaya ang gusto ko magkaroon ng sariling negosyo. Iba ang negosyo. Kapag masipag ka at matalino sa pagpapatakbo nito, tiyak na aasenso ka. Walang paltos iyon. At kung may negosyo ako, matutulungan ko ang aking pamilya na bigyan din sila ng negosyo para yumaman din sila. Kung mayaman na kaming lahat, makatutulong din kami sa iba. Simple lang, Mang Benito.”

Tumatangu-tango si Mang Benito habang siya'y nagsasalita. Kaya ginanahang lalo si Alice na sabihin ang mga nasasaloob. Wala pa siyang nakausap na tao na handang makinig sa kanyang mga pangarap.

“Gusto ko'y isang hardware store. Kahit maliit lang, pang-umpisa. Doon sa Divisoria. Para sa aking mga magulang. Alam kong ito ang gusto ng aking tatay. At kaya niya. Problema nga lamang ang kapital.”

“Alice, kung bigyan kita ng kapital...”

Napatitig si Alice kay Mang Benito. Sa unang pagkakataon nakaramdam siya ng pangamba. Na kung saan na tumutungo ang kanilang usapan. “Ano ho ang kapalit?” naisip ni Alice, mabuti na ang maliwanag na usapan.

“Kayang-kaya mong ibigay, kung gugustuhin mo,” nakangiti si Mang Benito.

“Kung gugustuhin ko. E, kung hindi ko ho gusto,” agaw niya. Naglaro sa isipan ni Alice ang maaaring mangyari, na mangyayari lamang kung gugustuhin niya. Magkakaroon ng sariling negosyo ang kanyang pamilya, siya ang kapalit. Namber tu ni Mang Benito. Bibigyan siguro ng sariling bahay. At negosyo. Pero namber tu. Nakadama siya ng matinding pagtutol. Hindi. Hindi niya matatanggap.

“Mang Benito!”

“Sandali, Alice. Magaan lang ang kondisyon.”

Umiling siya. “Hindi ho.”

Hinawakan ni Mang Benito sa bisig si Alice. “Makinig ka, Alice. Tutulungan kitang mangutang sa bangko.”

“Wala ho akong pang-collateral,” ibinaba ni Alice ang tingin sa kamay ni Mang Benito na nakahawak sa kanya.

Binitiwan ni Mang Benito ang bisig ni Alice. “Makinig ka, Alice,” ulit nito. “Gagamitin natin ang pangalan ko. Kaya magkakaroon ka na ng kapital. Tutulungan din kitang mag-umpisa. Ipakikilala sa mga dapat mong makilala na pagkukunan ng paninda. Pero may kondisyon.”

Heto na, naisaloob ni Alice. “Ano ho 'yon?”

“Kailangang hinding-hindi ka papalya sa pagbabayad sa bangko. Diyan papasok kung mabuti kang negosyante. Ang sa akin ay pagtulong lamang.”

Hindi makapaniwala si Alice sa narinig. “Iyon lamang ho ang kondisyon? Walang ibang kapalit?”

“Siyempre, meron pa,” sagot ni Mang Benito. “Hindi maaaring bigay lang nang bigay nang walang kapalit. Masama sa negosyo 'yan. Pero ang gusto kong kausap ay ang mga magulang mo.”

Dismayado si Alice sa sinabi ni Mang Benito. Sinasabi na nga ba niya. It's too good to be true. Huminga siya nang malalim. “Mang Benito... anumang sasabihin ninyo sa mga magulang ko ay maaari kong sagutin sa pag-uusap nating ito. Lalo't tungkol sa akin. Hindi na kayo kailangang makipagkita sa kanila.”

Dumilim ang mukha ni Mang Benito. Sunud-sunod ang ginawang pag-iling. Iba na ang tinig nang magsalita. “Alice, masamang ugali ang walang respeto sa magulang. Ang mga Pilipino at Intsik, kilala sa pagrespeto sa matatanda. Bakit ayaw mong ipakausap sa akin ang mga magulang mo. Mabuti ang aking intensiyon. Alam ni Mr. Yu. Sa kanya ko unang sinabi na gusto kita.”

“Mang Benito!” bulalas ni Alice, sabay hakbang paalis.

“Guwapong anak ko, Alice. Magugustuhan mo,” naghahabol ang tinig ni Mang Benito.

Napahinto si Alice. “Anak n'yo? Guwapo?” ulit niya.

Tumango si Mang Benito. “Mabait pa si Benjie, masipag, mahusay sa negosyo. At importante, may respeto sa magulang. Sinabi sa akin, sige, mamili raw ako para sa kanya. Kondisyon lang ay kailangang magugustuhan din niya. Alam ko, magugustuhan ka niya, Alice. At pag nakasal kayo, bibigyan kita ng sarili mong hardware store.”

Hindi napigilan ni Alice ang kanyang ngiti. “Mang Benito, kung magugustuhan niya ako... at magugustuhan ko naman siya, saka na kayo magpunta sa aming bahay...” at sumakay siya sa nagdaang dyip. Naiwan sa bangketa ang kanyang manliligaw, na iba pala ang inililigaw. Nakangiti rin.

Liwayway, June 8, 1992





























Monday, January 9, 2012

BAGONG TAON, BAGONG PAGKAKATAON 2012


BAGONG TAON, BAGONG PAGKAKATAON


Tuwing sumasapit ang bagong taon, karaniwan nang kahit paano, sa ating isipan ay bumubuo tayo ng hindi man matatawag na “resolutions” ay masasabi na ring “pagtatangka na magbago”. Mga “little attemps to change” sa mga kinamihasnang hindi kagandahang gawi... tulad nang pagiging “punctual” kung laging “late”; konting bawas sa sobrang pagbababad sa telebisyon at computer; pagsisimulang mag-exercise, kahit stretching muna at pa-bending-bending; kontrol sa pagkain... sa gimik... pagiging seryoso sa mga dapat seryosohin... at kung medyo nakakalimot, konting lingon sa pinanggalingan at tingala sa Itaas!

Ang Bagong Taon ay laging may dalang mensahe ng pagbabago. Hindi ang mga pagbabagong naiulat na sa unahan, kundi pagbabagong ang alay ay bagong pagkakataon. Na higit ang lalim ng kahulugan.

Ang Bagong Pagkakataong ito ay masasabi ring hindi lamang kung Bagong Taon dumarating. Sa pagtugpa natin sa ating buhay, may mga pangyayaring sumasapit na nangangailangan ng pagpapasiya ng pagbabago, na karaniwan nang dumarating lamang katambal ang isang hindi inaasahang pagkakataon.

Ang katotohanan ay hindi na natin kailangang hintayin ang bagong taon upang magamit ang pagkakataong kumukurus sa ating landas. Ang kailangan lamang ay maging mulat ang ating mga mata at pakiramdam.

Sa kwento ng Enero, 2012, ANG NUNAL SA DALUYAN NG LUHA, makikita kung paano dumating ang pagkakataon sa buhay ni Ched.

ANG NUNAL SA DALUYAN NG LUHA


ANG NUNAL SA DALUYAN NG LUHA


NARAMDAMAM niya ang pag-agos ng dugo. Tuluy-tuloy. Namalisbis sa kanyang hita at binti. Gumawa ng isang munting lawa sa kanyang kinatatayuan. Mapulang-mapula. Buhay na buhay na dugo.

Kumapit si Ched sa likod ng isang kalapit na silya. Sinakmal ng isang walang pangalang takot ang kanyang buong katauhan. Nangalog nang husto ang kanyang mga tuhod.

“Emily! Saning!”

Tumatakbong dumating si Emily. Pakurap-kurap, malikot ang mga matang tumingin sa kanya. Kasabay ang pagbasa ng dila sa mga labi. At paglunok ng laway.

“Tatanga-tanga ka riyan,” bulyaw ni Ched. “Tawagin mo si Saning. Dali.”

“O... opo. Opo.” At lumilipad sa paglabas ng silid si Emily.

Kinipit ni Ched ang suot na daster. Pinagkurus ang kanyang mga hita. Isang pagtatangka na pigilin ang daloy ng dugong lumalabas sa kanya. At iniwasan niyang tingnan ang dugo sa sahig. Nasisilaw siya sa tingkad ng pula nito. Nahihilo siya. Oo nga. Nagdidilim ang kanyang …


OSPITAL. Alam ni Ched, nasa ospital siya. Narinig niya ang tinig ni Gil. At ni Dr. Sison, ang kanyang obstetrician. Kailangang biyakin, narinig pa niya. At ang mahinang bulong na nakaabot din sa kanyang pandinig. Delikado. Siya. Ang bata.

Namulatan ni Ched ang luntiang kurtina ng kinaroroonang silid. Naramdaman niyang may tao sa dakong ulunan niya. Tinangka niyang lumingon, ngunit namimigat ang kanyang ulo at may kung anong nakapasok sa kanyang ilong. Huminga siya. Mababaw. Nilaliman niya ang paghinga. Kinakapos siya. Muli, lumukob ang takot sa kanyang kabuuan. Mamamatay na yata siya.

May pumigil sa kamay na pilit niyang itinataas sa mukha. Upang alisin ang kung anong nakapasok sa kanyang ilong.

“Huwag kilusin ang kamay. May dextrose...” tinig iyon ng nars.

Ang isa namang kamay ang iginalaw niya. Kilala niya ang haplos ng palad na pumigil dito. “Ched.”

Pumipikit ang kanyang mga mata. Hindi niya mapigil ang pagsara. Ngunit nakita pa rin niya ang patak, patak, patak ng mapulang bagay sa loob ng isang nakasabit na botelya, nanunulay sa isang nakalawit na munting tubo. At ang mukhang nakatunghay sa kanya. Ang malalamlam na mata. Matangos na ilong. Ang malaki, mabilog, maitim na nunal. Sa daluyan ng luha. Si Gil.


KUNG panaginip, hindi niya alam. Tinawag niya ang kanyang ina.

Inay ko. Inay.

Hindi tutol ang kanyang ina sa kanyang pag-aasawa. Wari lamang nag-aagam agam. At dinaan niya sa tawa, himas at paglalambing ang mga pag-aalaala nito.

Nauunawaan ko ang lahat, Inay, wika niya.

Mahirap ang susuungin mo, anak.

Kayang kaya ko, Inay.

Lalaki ang suliranin, pagkakaanak mo...

Sayang naman ang mga units ko sa guidance conselling. Thesis na lang yata ang kulang ko.

Madaling magpayo sa iba. Madaling lutasin ang suliraning hindi iyo.

Pag-ibig, Inay, ang kasagutan. At hinalikan niya ang kanyang ina.

Iniibig niya si Gil at talos niyang tapat din ang pag-ibig nito sa kanya. Ito lamang ang mahalaga para sa kanya. Ngunit nag-iisa siya sa ganitong paniniwala. Lahat na ng kanyang mga kaanak at kaibigan ay salungat sa kanilang pag-iibigan. Sapagkat si Gil ay isang balo. At may dalawang anak sa yumaong asawa.

Mababaluhin si Gil, pananakot ng kanyang mga pinsan.

Buhay na buhay ang kanyang nunal sa pisngi, sudsod pa ng isa.

Malaking kalokohan, naiinis niyang wika. Para kayong matanda sa una. Iya'y paniwala lamang sa mga dulong baryo. Doon sa mga duluhang may tiyanak at tulay na may kapre.

Sige, sige, ikaw na nga ang bahala. Tutal, kadali namang magpatahi ng panluksa, patianod ng mga ito.

Talagang nag-iinit siya nang husto. Ngunit talaga ring hindi na siya makalalayo kay Gil.

Nakakainis, sumbong niya kay Gil.

Pabayaan mo sila. Nanunukso lang ang mga iyon, wika nito.

Marahang idinampi niya ang dulo ng kanyang daliri sa nunal ni Gil. At ang daliri ay kanyang hinagkan. Mahal kita Gil. Mahal.

Ched. Ched.

At ipinakilala siya ni Gil sa dalawang anak na nasa pag-aaruga ng mga magulang nito. Ito si Emily. Ang maganda kong si Emily.

Kumurap kurap, lumikot ang mga mata ni Emily. Ngunit sumilay rin ang ngiti na pinakahihintay niya. At ni Gil. Ng mga magulang nito. At ng lahat ng nakapaligid sa kanila.

Emily, kiss Tita Ched, udyok ng isang kapatid ni Gil.

Nawala ang ngiti ni Emily. Lumapat ang mga labi. At may dilim na tumabing sa mukha. Kaagad niyang sinulyapan ang nagsalitang kapatid ni Gil. At nginitan. Huwag ninyong pilitin, ang ibig niyang sabihin. Dahil alam niya, nakakaramdam ang bata.

Ako na lamang ang hahalik kay Emily, kanyang sinabi, kasabay ang yuko at yakap at dampi ng labi sa mabangong pisngi ng bata. Ang bango, ang kanyang papuri.

Gusto ni Emily ang sinasabing mabango ito, at muli, nakita niya ang ngiti. Na nawala lamang nang sumabad sa usapan ang bunsong si Eric. Ako rin, mabango. Kiss mo ko.

Nag-away ang dalawa. Na sabay-sabay na sinaway ng mga kaharap. Tigas na kahihingi ng paumanhin ni Gil. Kita mo na Ched ang iyong hinaharap na buhay sa piling ko. Dalawa kaagad ang magiging anak mo. Na ubod ng gugulo. Paano kita mayayayang pakasal.

Subukin mo, hamon niya.


AT ikinasal sila ni Gil. Tumira sa isang apartmen, bagong apartmen na siya ang nag-ayos at siya ang namili ng ilalagay na mga kasangkapan. Ang lahat ay ipinagparangalan niya sa kanyang ina.

Tingnan ninyo ang kalagayan ko, Inay. Humanap ng bagong apartmen si Gil. Para sa akin. Pinabili niya ako ng mga bagong kasangkapan. Sa akin niya ipinaubaya ang pag-aayos ng lahat.

E iyong kasangkapan nilang ari ng nasira niyang asawa, tanong ng kanyang ina.

Ang malalaking bulto ay ipinagbili at ipinamigay sa mga kamag-anak. Ang maliliit at mahahalaga ay itinago. Para sa mga bata, paglaki. Kaya diyan ninyo makikilala na inuunawang mabuti ni Gil ang kalagayan ko sa pamilya niya. Kaya naman marapat na ibigay ko sa kanya ang buo ring pag-unawa. Paano kami hindi liligaya. Nasaan ang sinasabi ninyong susuungin kong problema?

Ngunit sa isang silid ng apartmen ay nakita ng kanyang ina ang isang nakasabit na larawan sa dingding. Sa ulunan ng katre ng dalawang bata. Siya ba?

Tumango siya. At nakangiting pinagmasdan ang nakakuwadrong larawan. Si Rina. Ang asawa ni Gil.

Bakit pinabayaan mong nariyan iyan, usisa ng kanyang ina.

Inay, ako ang naglagay niyan diyan, paliwanag niya sa ina. Unawain natin na dapat lumaki ang mga bata na alam na siya ang ina. Hindi ako. Kahit mommy na ang tawag nila sa akin. Gusto kong madama nila na hindi ko itinatago o ipinababaon sa limot ang kanilang sariling ina. Sa gayon, magiging maluwag sa kanilanag kalooban ang pagtanggap sa akin. At ang problema na karaniwang nagpapagulo sa buhay ng mga pamilyang katulad ng sa amin ay hindi na darating.

Maligaya sila ni Gil. Sapakat maunawain nga si Gil.

Minsan. Magpiknik tayo sa Montalban. Maganda roon. Ang kinis ng mga bato. At ang sarap maligo. Kaylinaw ng tubig. Noong araw...

Bigla, huminto sa pagsasalita si Gil. Na kaagad niyang pinuna. Ituloy mo. O, anong nangyari noong araw.

Alanganin ang ngiti ni Gil. Nag-aalala. Ngunit sa kanyang udyok, hinagkan niya ito, isang mabilis na halik sa labi, ay nagpatuloy. Noong araw, noong maliit pa si Emily at wala pa si Eric, madalas kami sa Montalban.

Ni Rina. Nanunukso ngunit umuunawa ang kanyang tinig.

Mahigpit siyang niyakap ni Gil. Ched, Ched, mahal kong Ched...

Nang siya'y makahinga nagpaliwanag siya. Huwag mong pipigilin ang iyong sarili kung nais mong magkwento ng tungkol kay Rina. Huwag kang mag aalaala na akoy magagalit. O magseselos. Dahil nauunawan ko ang lahat. Si Rina ay may mahalagang bahagi sa iyong buhay. At hindi mo siya dapat ibaon sa limot. Lalo na at pilit, artipisyal na paglimot. Bayaan mong ang panahon ang humilom ng ssugat ng alaala. Higit kang magiging maligaya sa iyong mga gunita. Payapa sa iyong bagong buhay.

Maligaya nga sila. Sapagkat maunawain rin siya.

Anim na taon si Emily at nasa prep school. Inihahatid at sinusundo niya ito sa eskwela. At siya ang nakikipag-usap sa guro tungkol sa pag-aaral nito.

Mahusay ang kanyang comprehension. Tahimik sa klase. At hindi madaldal.

Tumango-tango siya at nginitian ang nakatinging si Emily.

Malikot si Eric. Magulo sa pagkain. Madalas na matabig ang baso sa hapag. At kay limit na mabasa ang suot na damit.

Hayaan mo na si Saning, sasabihin ni Gil kapag tumayo siya upang bihisan ang bata.

Titingnan niya si Gil. Ako na. Masama iyong mawili kay Saning. Sa akin na lang. Buti pa.

Kaya kung may sakit ang alinman sa dalawa, siya ang puyat at pagod. Lalo na noong sabay na nagkatigdas. Na ang lagnat ay parehong abot sa kwarenta. Siya ang lahat. Ang punas. Ang himas. Ang nagpapakain. Ang nasusukahan. Bakit hindi matatanga ang mga nakakakita sa kanya.

Hanggang lumipas ang mga buwan at taon. Grade two na si Emily at nasa kinder na ang limang taong si Eric. Kung nasa eskwelahan ang mga ito at nag aantabay siya ng oras ng pagsundo, nakakaramdam siya ng pagkainip sa bahay. Saka pa lamang siya waring nagising. Sa katotohanang wala pa silang anak ni Gil. Dalawang taong kasal.

Tinanong niya si Emily. Gusto mo ba ng baby, Emily. Iyong maliit. Na mataba at maganda.

Pumalakpak si Emily. Gusto ko, Mommy. Iyong girl.

At nakisagot si Eric. Boy ang gusto ko.

At tumawa si Gil. Ako ba, hindi ninyo tatanungin.

Handa na si Emily. At si Eric. Siya at si Gil. At nang buwang iyon, pumalya siya. Delayed nang isang araw. Dalawa. Isang linggo. Dalawa. Nang ikatlong linggo, noon lamang niya nadama ang pagsama ng sikmura. Malaki, matigas na bukol ng pagkaing waring ayaw matunaw. Sumisigid na asim na pilit niyang idinuduwal. Na ayaw lumabas. Lapot ng laway na humihibla sa lababo.

Nagpabili siya ng berdeng mansanas kay Gil. Berde, hindi pula, ang bilin niya. Iyong malutong.

Umuwi si Gil na walang dalang mansanas. Wala akong makitang berde. Panay pula. Ayaw mo naman. Bukas na. Talagang-talaga.

Masamang-masama ang kanyang loob. Naisip niya, kung talaga niya akong mahal, hahanap siya nang hahanap, hanggang makakita. Naisip pa niya, si Rina kaya? Nang maglihi kaya si Rina kay Emily, nakalimot ding bumili si Gil?

Saka niya naalaala ang isang kwento ni Gil. Nang libutin nito ang Divisoria sa paghahanap ng duhat. Duhat nga ba o santol. At minsan pa, kay Eric yata. Nang may sadyain itong enseymada, sa Malolos pa binili. Ngayon, siya. Hindi nakapagtiyagang maghanap ng berdeng mansanan. At malalim na ang gabi ay iniiyakan pa rin niya ang nangyari.

Nakabili rin si Gil ng berdeng mansanas. Malalaki. Kayganda ng kulay. Sabi ni Gil. Ang mahal. Ang mahal-mahal!

Ang mahal. Nagkaroon ng ibang kahulugan sa kanya ang sinabi ni Gil. Na para bang pinanghihinayangan nito ang perang ibinili ng nahiling niyang mansanas. Ngunit katuwas ng dati niyang ginagawa na kinakausap ang asawa kapag may sinabi itong medyo hindi niya naunawaan o nagustuhan, nagsawalang-kibo siya. Kinuyom ang sama ng loob.

Ngunit hindi totoong nanghihinayang si Gil sa ginagasta sa kanya.

Mula noon, laging may pasalubong ito sa kanya. At malaki ang perang ipinakuha sa kanya sa iniipon nila sa banko. Bilhin mo ang lahat ng kailangan ni Baby. Iyong maganda at matibay.

At nang dumating ang kanyang pagsisilang, airconditioned na kuwarto ang kinuha ni Gil para sa kanya. At ang unang dinatnan niya sa silid ay isang bungkos ng malalaki, mapupulang rosas na binili pa sa isang kilalang florists.

Nang bago sila ikinasal ni Gil, noong ang buhay sa piling ni Gil ay isa pa lamang pangarap, ang lahat ng mangyayari sa kanilang dalawa, kung kanyang isipin, ay laging ayon sa dikta ng matwid. Sapagkat alam niyang doon nakasalalay ang ikapagtatagumpay ng kanilang pagsasama.

Noon ay nadili-dili na niya at natanggap nang maluwag sa kalooban, ang isiping si Gil, sa pag-aasawa sa kanya ay magpapatuloy na lamang sa isang buhay na nadaanan na. Para kay Gil, wala na ang balani ng isang bagong karanasan. Di tulad niya. Ang lahat ay bago. At maganda. Bawat pangyayari ay natatangi.


Tulad nang kanyang pagsisilang kay Girlie. Para sa kanya, ang naging paglilihi niya ay napakahirap. Kaysa paglilihi ng iba pa niyang kakilala. Ang kanyang panganganak, a, hindi niya mailalarawan ang sakit na naranasan. Malaki na ang kanyang sanggol ay nababanggit-banggit pa niya ito.

Isang gabi, kalong niya at ipinaghehele ang kanyang anak nang marinig niya sa labas ng kinaroroonang silid ang masayang tinig ni Gil at ang mataginting nahalakhakan nina Emily at Eric.

Oooppppps.... oooppps.... isa pa daddy, isa pa. Tinig ni Eric.

Ako naman, ako naman, tinig ni Emily.

Pagod na ko, si Gil iyon.

Nalabasan niya si Gil na nakalupasay sa sahig at nadadaganan ng dalawang bata. Humihingal si Gil ngunit ang mukha'y larawan ng kasiyahan. Pinilit niya ang ngumiti. Oy, ano ba kayo riyan. Ang dumi ng sahig.

Ibinangon si Gil ng dalawang bata, hatak sa tig-isang bisig. At si Gil, bago tuluyang tumayo, mahigpit na hinapit ang dalawang anak at hinagkan. Mabilis niyang tinalikuran ang mag-aama. Damang-dama niya ang tulis at lalim ng iwa sa kaibuturan ng kanyang dibdib.

Sa kanilang silid, iniabot niya ang sanggol kay Gil. O daddy yan. Kakalungin ng daddy yan.

Hinagkan ni Gil sa noo ang sanggol ngunit hindi ito kinuha. Hindi marunong ang daddy. Baka bumagsak si baby.

Nakalimutan na niya ang mga kwento ni Gil na takot itong humawak ng munting sanggol bunga ng isang malungkot na karanasan sa pinakabunsong kapatid. Parang sasabog ang kanyang dibdib sa matinding pagdaramdam. Pagdaramdam kay Gil na nauwi sa isang matining na ngitngit. Walang katwirang galit. Sa kay Emily. At Eric.

Emily, nagkakandalabas ang litid niya sa leeg sa pagsigaw.

Bakit Mommy. Si Emily, lumalaki ay kamukhang-kamukha ni Rina.

Dinaklot niya ang bibig ng bata. Hindi ako ang iyong mommy, naiintindihan mo. Hindi ako. Tita Ched lang ako, naririnig mo.

Kumurap-kurap, lumikot ang mga mata ni Emily. Gumiti ang luha. Ba... bakit.

Huminga siya nang malalim. Naalala niyang bigla si Gil. Baka magsumbong si Emily. Hinawakan niya sa dalawang balikat ang bata. Alam mo ba kung bakit ko dinaklot ang bibig mo, Emily?

Sa pag-iling ni Emily ay tuluyang naglandas ang luha sa mga pisngi nito . Hi .. hindi Mom... hindi, Tita Ched.

Hindi, ulit niya. Hindi po. po. Naiintindihan mo, Emily. Ikaw ay mamumupo. Lalo't matanda ang kausap mo. Opo. Hindi po. Baka sabihin na lamang ng mga tao, hindi ko kayo tinuturuan ng paggalang.

Kinagabihan ay sinabi niya kaagad ang nangyari kay Gil. Naku naman Gil, iyang si Emily. Napagsabihan ko lamang na mamumupo, umiyak kaagad. Paano ang gagawin ko. Nang kausapin ko'y hindi raw naman niya ako mommy. Tita Ched lang daw niya ako. Hayaan mo na ngang tita na lang ang itawag sa akin.

Kinausap ni Gil si Emily. Pinagsabihan ka bang mamumupo ng Mommy mo.

Tita Ched, pagtutuwid niya.

Tumango si Emily.

Umiyak ka?

Mahinang opo ni Emily.

Bakit ka umiyak, pinangangaralan ka lamang.

Nabigla rin siya nang hugutin ni Gil ang suot na sinturon at bigyan ng isang hagupit sa puwit si Emily. Hindi nakaiyak si Emily. Napatingin na lamang sa ama. Na lalong ikinagalit wari ni Gil. Ano ang itinitingin tingin mo riyan.

Mula noon, naging parang malayo si Emily kay Gil. Na ikinatuwa naman niya. At waring lalong isinama ng ulo ni Gil sa pang-araw-araw na pakikisama sa mga anak. Siya naman, naging madali para sa kanyang mumunting pagsusumbong sa asawa. Si Emiy naman, pagsabihan mo Gil. Hindi ako kinikibo rito sa bahay. Parang di ako taong kasama. At si Eric, Gil, nagiging barumbado. Ayaw na akong pakikinggan.

At si Gil, parang may nais patunayan sa sarili. At sa kanya. Nakahagupit kaagad sa mga bata.

Sa loob ng isang taon, ipinatawag si Gil sa eskwela nina Emily. Si Emily. Hindi nakatatapos ng mga aralin. Ayaw sasagot kapag tinatawag ng guro. At si Eric. Anim na taon na, biglang nagbasa ng higaan kung gabi. Bed wetting. Sa abot ng kanyang napag-aralan, alam niya ang dahilan ng lahat ng mga pangyayari sa dalawang bata. Ngunit malabo na ang nakaraan para sa kanya. Ang kasalukuyan na lamang ang mahalaga. Ang pagmamahal ni Gil sa kanya at hindi sa dating asawa. At ang pagkatuwa't pagkalinga sa anak nila ngayon, at hindi sa kina Emily at Eric.

At sa loob din ng isang taon, mui siyang naglihi. Higit na mahirap na paglilihi. Kaya higit din ang init ng kanyang ulo. At higit na hirap ng katawan na inaabot ni Emily at ni Eric mula sa kanya.

Kapag may ipinaabot siya sa bata at hindi kaagad naibigay, kurot kaagad siya. Kapag may iniutos siya na hindi kaagad nasunod, batok kapagdaka. At hindi na nagsusumbong sina Emily at Eric kay Gil. Nadala na sa hagupit ng sinturon.

Gayon ang uri ng kanilang pagsasamahan nang may mangyari sa kanya.


INAY!

Namulatan niya sa kanyang tabi ang kanyang ina. Pilit niyang iginalaw ang kanyang ulo. Ang namimigat niyang ulo. At namataan niya sa isang panig ng silid ang isang pulutong ng mga taong nakatayo at mahinang nag-uusap. Nakilala niya ang panganay niyang kapatid. At ang asawa nito. Ang kuya't hipag niya. Ang bunso nila. Isang pinsan. At sa sopa ay nakaupo ang ilang matatanda. Ang kanyang lola na ina ng kanyang yumaong ama. Kausap ang mga magulang ni Gil. Kayrami naman niyang panauhin. Ano namang dami ng kanyang mga dalaw. Kamag-anak niya at kamag-anak ni Gil. Naroon nang lahat. Lahat. Parang may okasyon. Binyag. Kasal. at... at pag may... may namamatay. Mariin siyang pumikit ngunit waring hindi na siya makadilat.

“Gil...” malakas niyang tawag.

Alam niyang bumuka ang kanyang bibig. At alam din niyang walang tinig na namulas dito. Gil. Gil. Nananangis na ang kanyang kaibuturan... Gil...


“Ched,” tinig ni Gil. “Lalaki ang ating anak. Naririnig mo ba. Lalaki.”

“Magpalakas ka, Ched,” tinig ng kanyang ina. “Kailangan ka ng iyong anak. Naririnig mo ba. Kailangan ka nila.”

Kailangan ka ng iyong anak. Bakit sinabi iyon ng kanyang ina. Kailangang itanong niya kung bakit. Pilit, iminulat niya ang kanyang mga mata. Ang malabong larawan ng nakatunghay sa kanya ay unti-unting luminaw. Malalamlam na mata. Matangos na ilong. Malaki, mabilog, maitim na nunal sa daluyan ng luha. Ni Gil.

Ibinuka niya ang kanyang bibig. Gil. Naririnig mo ba 'ko, Gil. Ayoko pang mamatay Gil. Ayoko pa, Gil. Naririnig mo ba. Tulungan mo ako. Tawagin mo ang doktor. Gil. Sabihin mong gamutin ako. Kailangang gumaling ako, Gil. Maliliit pa ang anak natin, Gil.

Si Girlie. Nasaan si Girlie. Gil. Kawawang anak ko. Kayliit pa'y mauulila na . At si Boy. Hindi ko na makikita si Boy. Hindi na ako makikilala ni Boy. Gil. Gil. Mag-aaawa ka bang muli, Gil. Pag namatay ako? Huwag na, Gil. Mahirap ang kauling ina. Mahirap para sa mga bata. Kawawang Girlie at Boy. Aapihin lamang. Alam ko Gil. Alam ko. Alam ko. Patawarin mo ako, Gil. Nagsisisi ako, Gil. Nagkasala ako sa iyo, Gil. At kay Rina. Rina. Rina, saan ka man naroon, patawad. Emily, Eric, patawad.

O Mahabaging Ina ng awa, o Panginoong kong makapangyarihan sa lahat, bigyan ninyo ako ng pagkakataon. Itutuwid ko ang lahat. Isa lamang... isa lamang...


Pagkakataon.


“EMILY, kiss Tita Ched,” udyok ng isang kapatid ni Gil.

Kumurap-kurap, lumikot ang mga mata ni Emily. Lapat na lapat ang mga labi nito. At may dilim na nakatabing sa mukha.

Naupo si Ched sa sopa. “Emily, anak, halika. Hahalik sa iyo ang Mommy.”

Parang tuod sa pagkakatayo si Emily. Ang mga mata lamang ang kumikilos. Palipat-lipat sa mukha niya at sa kalong niyang sanggol.

“Baby brother mo, Emily. Ate Emily ka na ulit. Kalaro ni Eric. Kuya Eric na siya ulit. Apat na kayong anak ng mommy. Emily... Mommy, Emily. Mommy, hindi Tita Ched.”

Hindi pa rin kumikilos si Emily ngunit si Ched ay nakahanda nang maghintay.


LIWAYWAY, October 25, 1971

Wednesday, January 4, 2012

POSTSCRIPT TO CHRISTMAS 2011


POSTSCRIPT TO CHRISTMAS 2011


Natatandaan kong humiling ako ng sharing mula sa tagasubaybay na naninirahan sa ibang bansa tungkol sa karanasan nila ng Kapaskuhan sa mga unang taon ng pagiging immigrant. Sa ilang nag-share, napakaikli ng kanilang komentaryo. Halos nakapaloob lamang sa iilang salita: Malungkot. Ubod nang lungkot. At sa dahilang naging abala akong lubha nitong Disyembre, wala na akong follow-up na nagawa.

Nang makatanggap ako ng email mula sa aking anak na masayang nagsabi na isang essay niya tungkol sa Pasko ang isinumiti niya sa OOV (Our Own Voice), isang e-zine magazine at ito ay tinanggap at inilathala sa December issue nito.

http://www.oovrag.com

Dalawang kwento ko na ang nalathala rito, sa maiden issue ng magasin, ang Ipanalangin Mo Siya, Ipanalangin Mo Kami, na nagtamo ng unang gantimpala sa Palanca noon 1998, at ang Tagahanga ni Alice, kwentong nalathala na sa Liwayway. Nais ko siyang tuksuhin, Like mother, like daughter? Na kung ituro ko sa aking mga apo ay manang-mana...


Ang kanyang essay ay tungkol nga sa Pasko at sa damdamin ng isang Pilipino na nagdiriwang nito na malayo sa sinilangan niyang bayan. With her permission, I am posting it on my blog, with the corresponding comment that I wrote when I first read it in 2007.


Thursday, December 20, 2007

Are You Homesick, Mama?

It is around the first week of Advent when my children begin to hear The Best of Bukas Palad (volumes 1 and 2!) on a regular basis. There's something about listening to Emmanuel or Mariang Ina Ko that slows me down during these frantic days of preparation. It is not intentional to bombard them with my music -- Mama's music, as they call it. In fact, I do make it a habit to intersperse their Cat. Chat audio shows and Veggie Tales CDs with Munting Bulilit songs so they don't ascribe labels to the music in the house as mine or theirs, or children's or grown-ups'. But they do notice.

By the middle of Advent, we are plotting our route to the different parishes hosting a Simbang Gabi Mass. We are fortunate this year to have several locations to choose from every night, making our nightly commute shorter than an hour during rush hour traffic. The girls don't seem to mind too much because the salu-salo after the Mass, with the ever-present pansit and puto, has never failed to entice my girls. I am not complaining either because this is one of the few chances I get to hear a homily in Tagalog, and to listen to all-Filipino choirs singing Kordero ng Diyos and Ama Namin, just like back home.

Mama, are you homesick now?

By this time, the girls notice something different and inevitably ask me that question. After all, they hear me belting out the hymns in church and see me swaying to the postlude songs, usually a traditional Christmas song like Ang Pasko ay Sumapit. I don't really feel homesick but I do bask in this transplanted celebration of my faith and culture. I look forward to going out in the evenings, even in the near-freezing cold, to feel the warmth of Filipino companionship.


During the final days of preparation, our home starts filling up with gift-wrapped packages from relatives, and the stack of outgoing mail grows larger. Most of our Christmas cards have been mailed and we are finishing up our baking. But there is a pile of cards for family and friends that still require my attention. In each envelope, I insert a short note of greeting, a bit about our year, and sometimes, reminiscences of my time with that person. Oddly, this is the time that makes me pensive, homesick even. As I write each note, I think of my readers and imagine their circumstances when they receive my card.

I can just see Tita Luding sitting on her piano bench in the old house in Paco. She travels less frequently now and I don't expect a visit from her anymore but I hope of still finding her up-and-about when I do visit. She's reading my news with that knowing look and that little smile in her mouth, which would be telling me of her experiences had I been right in front of her.

The note for RJ, my godchild, is part advice, part encouragement. It's hard to see him all grown and managing a career. In my mind's eye, I see the shy, curly-haired boy, who loved reading the books I send. There he is, sitting in a corner in the ancestral home in Malolos, with his face buried in the science encyclopedia. The same corner where my brothers and I hid from the loud relatives during the Christmas family gatherings.

My short letter to Annie expresses my empathy, for though I don't know how it feels to have a child with cancer, I know how a mother feels. I can see her sad but pleased to receive my card and the light-hearted news about my domestic efforts. I still remember where we were, the day before she found out about her daughter's illness. I remember the restaurant, the busyness of Glorietta during lunch hour, the fashion sense of the petite Pinay.

My American husband asks, "Are you sad?"

"Just wistful," I replied.

Time and distance have softened the piercing pain that homesickness brings. Oh, I certainly would love to celebrate Christmas in the Philippines. Yet I also enjoy seeing him in his elements, having a run of his own home, and without having to follow the quick chatter of a language not his own.


My life away from home is filled with the joy of watching two little girls grow. It is even made happier by their distracted humming of Aleluya during the Christmas season. But I know that there will come years when we will roll out of bed for a real Misa de Gallo. There will be newly-cooked puto bumbong and hot salabat right outside the church. I will remind them to button up their sweaters in the chill of the morning. And I will be waving at high school friends from across the parking lot, as they hurry on with their families to avoid the Manila morning rush hour.

Mama, are you homesick?

No, my little ones. I am just remembering.



1 comments:

Eve said.

And again... I cried.
Not because I'm homesick for you, but because I remember, too...

Not my own Christmases of real pine tree from Baguio for our Christmas tree, of slices of ham and head of cabbages and petchay given to neighbors for their "nilaga", of singko and diyes aginaldo from relatives, of suman sa lihiya from Nana Tuyang, the only living sister of Inang then, of carolling with the teenage barkada (we were the first carollers in the neighborhood to sing "Ang Pasko ay sumapit"), of exchange gifts and Christmas programs at the dorm where Rose, a kababayan, and I sang "Santa Claus is coming to town" which marked our introduction to the dormitory people and no turning back afterwards (I became the dorm's association president later)...

But... of a uniquely shaped handbag made of wood, Papa's first Christmas gift to me as his girlfriend... of your first Christmas in our life, bundled in a yellow, hand-me-down blanket, comfortably settled in my arm in the wee wee hour of a Christmas morning, as we rode home inside a jeep from monumento to Malolos to spend the day with Inang and Daddy, then with Inang and Amang and relatives... of a toy fire engine, our gift to the three of you, which we tried vainly to hide inside the luggage compartment of our car... of a record player from Santa Claus and the record "Give Love on Christmas Day"... of coins and five-peso bills wrapped in bond paper with dedications that read "to dearest Mama, you're the best mother in the world, Merry Christmas!"...

And many more wonderful memories, and like icing on a cake, to be topped by the best Christmas gift, so far, the gift of a baby on the first day of December, 2001... followed by another one in September of 2003!

Come to think of it, Christmas is really for remembering. And feeling a little homesick for everything gone by...