Wednesday, March 9, 2011

CASA REAL


CASA REAL


BIYERNES nang gabi nang mapanood ni Ben ang patalastas sa telebisyon tungkol sa gaganaping reyunyon ng kanilang klase sa high school. At kinabukasan na, Sabado, mula ikasiyam ng umaga ang nasabing reyunyon. Sa Casa Real.

God, nasambit ni Ben. Buhay pa pala ang aming klase. Nadama niya, kailangan niyang dumalo, makita, muling makasalamuha ang mga dating kaeskwela. Si Jorge, ang best friend niya. At si Marietta.

Maagang umalis ng bahay si Ben. Malayo ang Casa Real sa panggagalingan niyang bayan. Naisip niya, kasinlayo ng kahapon sa kasalukuyan. Nagsama siya ng drayber at nang masabi rito kung paano sila makararating sa Casa Real ay panatag na siyang naupo sa likuran ng kotse, sumandal, pumikit at hinayaan ang sarili na tangayin ng diwa sa Casa Real ng kanyang nakaraan.


ANG tawag nila sa Casa Real ay Munisipyong Luma. Nakatayo ito sa gilid ng Ilog-Liyang, sa puno ng tulay Heneral Felipe Estrella, sa baryo San Agustin. Napag-aralan nila noon kung gaano kalaki ang bahagi ng Casa Real sa kasaysayan ng Unang Republika ng Pilipinas na itinatag sa Malolos. Isang bahagi nito ang ginamit ng National Printing Press sa paglulunsad ng panganay na isyu ng opisyal na pahayagan ng Republika noon, ang El Heraldo de la Revolucion, ang natitirang bahagi ay ginamit naman sa National Treasury.

Ngunit ang pagkamakasaysayan ng Casa Real para sa kanya ay nagmula nang una niyang nasilayan si Marietta. Unang taon nila sa high school. Mula sa iba't ibang baryo ng Malolos at iba't ibang bayan sa Bulakan, mga ilang taon lamang matapos ang ikalawang digmaang pandaidig, silang mga gradweyt ng elementarya ay nagkatagpu-tagpo sa Casa Real upang doon pansamantalang mag-aral habang hindi pa natatapos ang gusaling ipinagagawa sa high school, sa tabi ng kapitolyo na lilipatan ng mga nasa ikatlo at ikaapat na taon.

Taga-bayan si Marietta. Gradweyt ng elementarya sa isang iskwelahang malapit sa kabayanan. Maykaya ang mga magulang nito. Doktor ang ama. May mga lupain ang ina. Kaeskwela nila ni Jorge si Marietta. Naging kaseksiyon mula una hanggang huling baitang ng high school. Naging magkakaibigan, pagkakaibigang nagmula sa Casa Real. Sa Munisipyong Luma. Sa tabi ng Ilog Liyang.

Tandang-tanda niya ang pangyayaring iyon. Vacant period nila. Isang grupo ng mga babae na kinabibilangan ni Marietta ang sumakay sa isang nakapundong bangka sa pampang ng ilog. Nagkakatuwaan pang nagkantahan. We were sailing along, on moonlight bay. We could hear the voices ringing, they seemed to say. You have stolen my heart. Now don't go away. As we sang loves old sweet song on moonlight bay.

Nang sa isang sandali ng kapilyuhan ng isa nilang kaiskwelang lalaki ay naisipang kalasin sa pagkakatali ang bangka. Naanod ito sa gitna. Nang napansin ito ng mga babae ay nagkagulo at nag-panic. Laking tilian. At dahil hindi marunong magsipanimbang, gumiwang-giwang ang bangka, pinasok ng tubig at unti-unting lumubog. Ang mga lalaki naman palang taga-bayan ay bihira ang marunong lumangoy. Kaya tanging sila ni Jorge, na bawat libreng oras ay nasa patubig sa kanilang baryo, naliligo't lumalangoy, ang sumagip sa mga muntik nang malunod. Na sa katotohanan ay wala namang dapat ikatakot. Mababaw lamang ang ilog, maburak nga lamang ang ilalim.

Bunga ng aksidenteng iyon, ang pagiging magkakaibigan nila nina Jorge at Marietta. Iyon rin ang naging binhi ng hangarin niya sa buhay na umangat, yumaman, tingalain, upang maging karapat-dapat kay Marietta. Sa kalagayan ni Marietta, dama niyang hindi ang isang katulad lamang niya ang pakikitunguhan nito. Bilang kaibigan, oo. Ngunit higit pa roon, para na siyang sumuntok sa buwan. At ilanpung taon pa ang lilipas bago makarating ang tao sa buwan.

Anak-maralita sila kapwa ni Jorge. Ang pagluwas sa Maynila pagkatapos ng high school upang kumuha ng karera ay masasabing talagang isang pangarap lamang.

“Sabi ni Tatang, kung makakasama ako sa unang limang gradweyt ng high school, igagapang niya ako para makapagkarera. Kahit ipangutang,” natatandaan niyang kuwento ni Jorge. “Kaya kailangang mag-aral na mabuti.”

Tumango siya. “Kayang-kaya mo 'yan. Balediktoryan ka sa atin.”

Napailing si Jorge. “Buong section one, panay balediktoryan yata. Kita mo naman, topnotcher sa entrance test ay taga-Central. Ibang turo dun kaysa sa atin sa baryo.”

“Mag-aabut-abot na rin kayo,” pampalakas loob niya. “Kahit pa'no may tinatanaw kang pangako ng tatang mo. E, ako, walang maaasahan. Mahina na'ng ingkong. Sana nga lang matapos muna ko ng high school bago may mangyari sa kanya.”

Ang kanyang ingkong na nagpapaaral sa kanlya sa high school, mula nang siya'y maulilang lubos ay namatay hindi pa man siya nakakagradweyt. Kinakatulong lamang ito ng isa nilang malayong kamag-anak sa pamumuwisan ng ilang palaisdaan na siya nilang ikinabubuhay. Nang namatay ito'y wala na talaga siyang pagkukunan ng pambili ng kanyang pangangailangan. Niyaya siya ng kanyang kamag-anak na sumama sa pamumuwiasan, maging bantay palaisdann. Si Mariettta agad ang sumilid sa kanyang isipan. At magalang siyang tumanggi.

“Ano ngayon ang plano mo,” tanong ni Jorge sa kanya nang kunin nila ang kanilang diploma sa high school. Hindi nakasama si Jorge sa sampung nanguna at panay ang pakiusap nito sa ama na papag-aralin sa kabila nang nangyari.

Mula sa kinatatayuan nila ni Jorge ay tanaw nila ang barkada nina Marietta, nangakaupo sa may hagdanan ng new building katapat ng kanilang homeroom. Nagkakantahan na naman ang mga ito. Talagang mahilig itong magsikanta. Namumukod-tangi ang magandang tinig ni Marietta. Good luck, good health God bless you, that's all my heart can say … good luck, good health, God bless you and guide you on your way. No matter where you wander...

“Makikipagsapalaran ako, Jorge. Sa ibang bansa. Papasok ako sa US Navy.”

Good luck, good health, God bless you and keep you and keep me still in your heart.

“US Navy?” napamaang si Jorge. “Hindi ka natatakot?”

Natawa siya. “Anong ikatatakot ko. Di ba marunong akong lumangoy,” biro pa niya. “Tayo 'ata ang sumagip kina Marietta sa ilog noon.” Lagi nakakabit sa bawat gawin niya ang alaala ni Marietta.

Muli ang tinig ni Marietta. Goodbye I hate to see you go but have a good time. So long I'll miss you dear I know but have a good time. Have your fling be gay with your new love, I'm setting you free...

“Bakit mo naman naisipan iyan,” hindi pa rin makapaniwalang tanong ni Jorge.

“Dollar, Jorge. Dollar. Mas madali sigurong yumaman sa dollar...” at sa likod ng kanyang isipan, kapag mayamang-mayaman na siya, babalikan niya si Marietta.

Matagal silang hindi nag-imikan ni Jorge. Waring naubusan na ito ng itatanong sa kanya. Hanggang sa napansin nila, kinakawayan sila nina Marietta. “Halikayo. Sama kayong kumanta.”

Lumapit sila ni Jorge at nakikanta. Smile awhile you bid me sad adieu when the clouds roll by I'll come to you when the heart will seem more blue, down in lovers lane my dearie wedding bells will ring so merrily every tear will be a memory, so wait and pray each night for me, till we meet again

Umalis siya. Nagsikap at nagtipid at nag-ipon. Humawak ng perang ang halaga ay sa panaginip lamang niya naiisip mahawakan. Ngunit sa kabila nito, sa kanyang sarili, pakiramdam niya'y hindi pa rin siya karapat-dapat kay Marietta. Kailangan niyang makapag-aral, naisip niya. Maging propesyunal. Kaya lamang ,ang pagkakataong tuparin ang hangaring ito ay hindi agad dumating sa panahong ibinigay niya sa sarili na makabalik kay Marietta. Noon niya napag isip-isip na ni hindi alam ni Marietta na may pag-ibig siya rito. Paano kung may kasintahan na ito. O asawa. Kay laki niyang tanga. Kung nagtapat man lamang sana siya ng pag-ibig dito bago siya umalis, baka may mabalikan pa siya. Ang kaso'y naduwag nga siya. Natakot na baka pagtawanan. O hamakin.

Tuluyang nasiraan siya ng loob. Na naging daan upang mamulat ang kanyang mga mata. Sa paligid. Sa iba't ibang mukha. Sa iba't ibang tinig. Noon niya nakilala si Aida. Kasing-ganda ni Marietta o baka higit pa. Mabait din. May kabuhayan man ang pamilya ay hindi kasing-yaman nina Marietta upang kanyang kasilungan.

Niligawan niya ito. Sinagot siya. Hindi naglaon ay napakasal na sila. Masipag si Aida, marunong humawak ng pera at mahilig sa negosyo.. Nang magretiro siya sa Navy ay niyaya siya nitong magpauwi-uwi sa
Pilipinas, sa lalawigang sinilangan nito. At mula noon, naging parang kapit bahay na lamang nila ang Amerika. Suwerte sila sa bawat pasuking neosyo.

Hanggang isang araw, nang may pirmahan siyang tseke na nagkakahalaga ng kung ilang milyon, parang kidlat na gumuhit sa kanyang isipan, mayaman na siya. Ganoon na siya kayaman. At kasunod niyang naalala si Marietta. Ang kanyang unang pag-ibig. Ang dahilan ng lahat ng kanyang pagpupunyagi sa buhay noon.

At ang tangi at huling balita tungkol dito na nakarating sa kanya.


NANG lumabas sa Tabang exit ang kotse ay alam ni Ben na malapit na siya sa Malolos. Hindi na niya inalis ang mga mata sa pagtingin sa nadaraanan. Bihira siyang madaan sa MacArthur highway, lagi nang diretso sa North Diverson road kung nagpupunta sila ni Aida sa Baguio. Kaylaki na nang ipinagbago ng lahat. Masyado nang komersiyal.

Panay ang lingap niya. Nasaan na ang mga bukid. At iba na rin ang krosing . Wala na iyong lumang Valenzuela Restaurant sa may kanto ng Guinhawa. At parang hindi na matarik ang tulay ng Catmon. Saka nasaan ang bahay nina Lettie sa tabi ng ilog. Kabarkada ni Marietta si Lettie, madalas silang magpunta rito noong nasa high school na sila sa tabi ng kapitolyo. At ngani-ngani na siyang bumaba upang tingnan kung naroon pa ang riles ng tren na waring hindi niya naramdamang nadaanan.

Mabilis na nadaanan ng kaniyang tingin ang simbahan ng Barasoain. Wala na ang Villegas Bakery na nagtitinda ng orihinal na enseymadang Malolos. Mga sinehan na lamang. Gasolinahan. Tindahan. Nakadama ng panlulumo si Ben. Wala na yata siyang babalikan.

Saka niya nakita ang Casa Real. Ang bagong ayos na Casa Real. Hindi na ang dating Munisipyong Luma, ang kanilang Munisipyong Luma nina Jorge at Marietta. Na siyang naging magkapalaran.

Bakit? Paano ang nangyari? tanong niya sa nagbalita sa kanya. Isang natuntong kababayan na nakakilala sa isang dinaluhang okasyon sa Houston Texas na nagtawa at sumagot. Ano pa, e, di niligawan ni Jorge. At nagustuhan naman ni Marietta.

Gusto sana niyang itanong. Hindi lamang niya nagawa, kung yumaman si Jorge. Tumama ba sa sweepstakes. Bakit nagkalakas-loob na lumapit kay Marietta.

Ngunit hindi na niya kailangang mag-usisa. Ganado ang nagkukuwento sa kanya. Parehong taga-UP sina Jorge at Marietta. Sila naman ni Marietta ay magkasama sa dorm. Maraming nanliligaw kay Marietta, hindi kasama roon si Jorge, kahit alam pa ng lahat na may gusto ito. Himutok nga ni Marietta noon, talaga bang ganoong lagi ang kanyang kapalaran, ang gusto niya'y takot siyang ligawan. Hindi naman anya siya nangangain ng tao. Mababait naman ang kanyang mga magulang. Hindi tumitingin sa pera. Basta masipag, responsible, may ambisyong umangat sa buhay...

Nalaman ba ito ni Jorge, tanong niya. At sa sarili niya, kung alam lamang niya...

Kung nalaman man ay hindi ako ang nagsabi. Seryoso sa pag-aaral si Jorge. Magna cum laude nang nagtapos. Madaling nakakuha ng magandang trabaho. Noon lamang ito nanligaw kay Marietta, ang kuwento sa kanya

Bago tumawid ng kalsada si Ben ay pinalibutan muna niya ng tingin ang kapaligiran. Hayun ang tulay. Nasa ilalim nito ang ilog na kinahulugan nina Marietta. Doon ang dating post office. Ang papuntang Caingin ay sa gawing iyon. Tagaroon ang kaeskwela nilang si Odeng na siyang nagkuwento sa kanya tungkol sa US Navy. Kaya siya nagkainteres na pumasok dito. Kaya nabago ang kanyang buhay. Noon, para sana kay Marietta. Kalaunan, natanto niyang para rin sa kanyang sarili.

Nadama niyang bigla, sana'y hindi naunang bumalik sa States si Aida.

Sana'y kasama niya ito ngayon...

sa pagbabalik niya...

sa bagong...

Casa Real.


Abril 7, 1997

Tuesday, March 1, 2011

Palaro sa mga reunion

Tao ba 'to? Hayop? Pangyayari? Lugar?


Basain mo muna bago mo ipasok !!!


Bilisan mo... pero baka ka magkamali!

REUNION NA NAMAN!



REUNION NA NAMAN!


Taun-taon, siempre may reunion. Sisimulan ng Bagong Taon, pampamilya. Pero pagpasok na ng Enero at Pebrero hanggang Marso, high school reunion naman. O sa kolehiyo. Pareho ng katatapos na Quadricentennial ng UST. Buhat sa lahat ng sulok ng daigdig, nagdatingan na ang mga die-hard alumni nito.

Na sinamantala naman ng mga namamahala ng kanilang high school reunion. Total, nariyan na ang mga taga-abroad, mabuting isabay na sa kanilang reunion.

Isang napansin ko sa high school reunion na nadaluhan ko na, sa akin at sa partner ko, may naiiba. Puna ng isang pari na anak ng isang kaiskwela, tingin ko ho'y nangangaunti na kayo... na siempre, umani ng tawanan mula sa mga senior citizens. Tama sa obserbasyon niya ang nasabing pari. Kaya naman, dapat, samantalahin na ang panahon. Lumalakad ang mga araw. Connect with friends. Text them, email them, write them letters, call them, visit them. Do what you can for your loved ones... and for the less fortunate ones...

Mayroon akong nabasang tula noong araw. Na nagustuhan ko,

Around the corner I have a friend
In this great city that has no end
Yet the days go by and the weeks rush on
And before I know it a year is gone.

And I never see my old friend's face
For life is a swift and terrible race
He knows I like him, just as well
As in the days when I rang his bell.

And he rang mine but we were younger then
And now, we are busy, tired men
Tired of playing a foolish game
Tired of trying to make a name.

“Tomorrow,” I say, “I will call on Jim
Just to show I am thinking of him.”
But tomorrow comes and tomorrow goes
And distance between us grows and grows.

Around the corner, yet miles away
“Here's a telegram, sir,” “Jim died today.”
And that's what we get and deserve in the end
Around the corner, a vanished friend.

Charles Hanson Towne, written in 1900

Malungkot din, ano? Ano ba ang leksiyon na mapupulot natin dito. Na dapat, ugaliin na ang pagdalo sa mga reunion. Lalo sa mga high school reunion, na napakasaya!

Sa mga high school reunion, talagang feel na feel mo na parang bata ka pa. Karaniwan ay ganito ang eksena. Kumustahan, kodakan, kwentuhan, halakhakang umaatikabo sa pag-reminisce sa mga nagdaang araw. Kasunod nito ay ang usisaan kung anu-ano ang mga maintenance na gamot na iniinom sa umaga, sa tanghali at bago matulog. Combizar. Plendil. Norvasc. Betazok. At kung ano rin ang kasalukuyang blood pressure o sugar level. Tapos ay kukumustahin ang hdl at ldl ng cholesterol, ang uric, ang creatinine, sgot, sgpt. At naku, kapag nakita ang mga kukuting chicharon at mani, saka ang handang litsong baka o baboy, sasabihin bawal 'yan... Pero, kukuha pa rin at kikindatan ang katabi, may lipitor naman, saka minsan-minsan lang. Tuloy ang ligaya... Na tatapusin sa dessert na leche flan at miryendang kung anu-anong kakanin – sapin-sapin, pitsi-pitsi, biko, cassava, puto, etcetera. Nag-insulin naman.

Tapos nito, balik-asal-bata, at sasali sa mga palaro. Noong hindi pa masyadong senior ang mga nagre-reyunyon sa amin, ang mga inihahanda naming palaro ay medyo pisikal pa. Tulad ng Trip to Jerusalem na medyo may kaibhan. Ganito iyon:

Pipili kami ng mga lalaki na siyang uupo sa mga silya. Sunod, mga babai ang mag-aagawan nang pag-upo sa kandungan ng mga lalaki. Wala nang kahiyaan. Talagang agawan. Ang gulo. Nagkakatulakan pa. Ito ay noon. Mga panahon ng Silver Jubilee pa. Pero matapos ang Golden Jubilee, iba na ang inihanda naming palaro. Delikado na ang Trip to Jerusalem. Baka sumalpak sa sahig, e, masyadong mahal ang magpa-hip replacement.

Kaya, nag-Pinoy Henyo kami noong huli naming reyunyon. Tao ba ito? Bagay? Pangyayari? Lugar? Siempre, isa naming ipinahula ay ang Casa Real. Kung hindi ninyo alam ang Casa Real, abangan ang kwento ng buwan ng Marso.

Isa pa naming nilaro ay ang pabilisan ng pagsusuot ng sinulid sa butas ng karayom! Karayom na ng sako ang binili namin pero DMC na sinulid na medyo may kalakihan ang ipinagamit. Nakupo, nakasalamin na ang mga kasali, hindi pa rin maisuot. Sigawan naman ang mga miron: Basain mo muna bago mo ipasok! At nang ang manalo ay isang may edad nang dalaga, laking kantiyawan. Kung sino pa anya ang walang muwang sa mundo... siya pang mabilis nakapagsuot sa butas. Na agad namang sinasagot ng palaban din dalaga, walang muwang? Iyon ang akala ninyo! Ang saya.


Nilaro din namin noon iyong Tongue Twister. Na tagalog. Siempre, pabilisan, patagalan at paramihan nang paulit-ulit na pagsasalita at ang magkamali, talo. Nakupo, nagkakapili-pilipit ang dila, kung ano tuloy ang lumalabas na salita. Sumasakit ang tiyan namin sa katatawa. Ilan sa mga ito ay ang sumusunod.

1. Ang relo ni Leroy, rolex, ang relo ni Leroy, rolex, (uulit-ulitin)
2. Pugong bukid, pugong gubat. (delikado rito, pag nagkamali!)
3. Butiki, bituka, butika
4. Pitumpu't pitong puting pating.
5. Pitumpu't pitong butong puting patani.
6. Minikaniko ni Monico ang makina ni Monica.

Kapag nababanggit ang reunion, nagbabalik sa alaala ko ang Golden Jubilee namin sa high school. Bongga ang selebrasyon na pinaghandaan namin nang todo-todo. Dalawang taong singkad ang preparasyon. May inihanda kaming yearbook na tinawag naming Aklat ng Ginintuang Alaala.

May kwento ako na ang pamagat ay Aklat ng Gintong Alaala, nasa libro kong Minsan, May Isang Pag-ibig. Let me digress a little bit. Tinanggap ko ang mga text na ito mula kay Emy, isang principal ng isang iskwelahan sa may dakong Kalookan, at nakabasa na ng libro. Ayon sa kanya ay ipinabili niya sa kanyang kapatid na nasa abroad ang libro dahil sa partikular na kwento kung saan ang bidang lalaki ay kapangalan ng kanyang kapatid na si Ibarra na kamag-aral ko naman sa high school. She got the book thru the kindness of her brother Norio, Batch '56 MHPHS.

Got ur “MINSAN...” courtesy of my brod, Isagani. Read about Ibarra and Celia. Wen we c each ader, I want u “to autograph” it to tel d world I met a ---- (dyahe kong isulat) writer in d course of my life. God Bless! 13:17:40, 02-27-11

Ang daling maka-relate sa mga stories: Kaingin, Mambog, Azcarraga. It's indeed down memory lane! Go! Go! Go! Eve! 16:05:55, 02-27-11

Tulad nang nasabi ni Emy tungkol sa aking libro na parang a trip down memory lane, ang Aklat ng Ginintuang Alaala ng aming Golden Jubilee ay gayon din ang katulad. Ito ay isang koleksiyon ng mga istorya naming magkakaiskwela mula nang maghiwa-hiwalay kami sa high school. Bawat pahina ng aklat ay inilaan namin sa bawat kaiskwela na nakontak namin, nakausap, na-interbyu, nahingan ng luma at bagong larawan na siya namin inilagay sa aklat. Dito nabasa ng marami ang masayang kwento ng buhay ng isang kaiskwela na namanhikan sa katimugan para sa isang batang-batang mapapangasawa, ang kanyang ikatlo yata. Sabi raw ng mga magulang ng babai, mabuti naman at isinama mo ang iyong bibiyenanin. Hindi po, tatay, sagot raw ng dalaga. Siya po ang aking mapapangasawa. Hindi matapus-tapos ang aming pagtawa sa istoryang ito. At marami pang naggagandahang kwento ang laman ng aming aklat.

Bagaman at ito ay isang amateur undertaking naming magkakaiskwela, nagsilbi naman itong template ng mga sumunod pa sa aming nag-go-golden jubilee. Sabi nga namin, tinutularan, ngunit hindi mapantayan. Na maaaring nahigitan nga, dahil naiwasan ang aming nagawang pagkakamali, ngunit ang bottomline, we blazed the trail... para sa mga sumusunod.

Ngunit hindi lamang ang Aklat ang kakaiba sa aming reunion. Nagtipun-tipon kami sa patyo ng simbahan ng Barasoain. Pinasyalan ang Casa Real kung saan namin ginugol ang unang taon ng pag-aaral sa high school. Casa Real? (Inuulit ko, abangan ninyo ang kwentong ito sa buwan ng Marso.) Nagkaroon din kami ng motorcade around town...pinasyalan ang mga dating pook na bahagi ng aming nakaraang kabataan... ang krosing... ang highway... kapitolyo... pavillion... ang bakante nang lote na dating kinatatayuan ng gusali ng aming paaralan... at muling nagsama-sama sa bagong kampus ng iskwelahan kung saan namin nakaharap ang mga iskolar na tutulungan namin sa pag-aaral sa kolehiyo. Tinapos namin ang motorcade sa isang miryenda sa bahay ng isang dating pangulo ng aming alumni association kung saan naman namin pinanood ang mga memorabilia ng klase at ng classmates – mga awards na natamo, mga luma at bagong larawan, mga lumang autograph na kinasusulatan ng mga favorite actor (Pancho Magalona) at actress (Tita Duran), color (pink), flower (rose o sampagita), song (No Other Love), crush (guess who?), motto (Try and try until you succeed). Ay, naku, talagang balik-gunita! Na siya namang tunay na kahulugan ng pagre-reyunyon.

Nagkaroon din kami ng isang araw na piknik sa isang resort na inakupa namin exclusively. May litsong baka, mga litsong baboy at masaganang hapag ng mga pagkaing bayanihan o potluck. Nagmisa ang aming kaiskwelang naging alagad ng Diyos. Nagkaroon ng award giving sa mga alumni na nagkaroon ng katangi-tanging achievement sa iba't ibang larangan ng pamumuhay. Na hindi lamang sa puntong materyal. May ginantimpalaan rin kami na isang pag-asawahang hindi nakatapos sa pamantasan ngunit ang walong anak ay naitaguyod sa pag-aaral at lahat ay naging propesyunal.

Ang finale ng aming golden jubilee ay ang aming gala dinner na idinaos sa isang otel na kakawing ng isang paaralang may kursong HRM. Nag-dress up kami rito. Ang mga lalaki ay naka-barong. Kaming mga babai ay nakasaya o kimonang burdado at kay gaganda. May inihanda kaming palatuntunan na sabi nga ay two-years in the making. Mga awit na hindi makabi-kabisa ang lyrics, sayaw na Carinosa na nagkakalihis-lihis ang mga indak, broadway show na kuntodo ang mga costume at arte, pero lipsynch, angklung ng mga bata, rondalya ng mga istudyante... at ang katapusan, ballroom dancing – boogie, chacha, tango, rock n roll, disco! Naghiwa-hiwalay kami sa naging tradisyon nang paghahawak-hawak ng kamay, pagbuo ng isang malaking bilog, habang umaawit ng Till We Meet Again... Good Luck, Good Health, God Bless You... Auld Lang Syne...

Iyan ang aming Golden Jubilee! Na napakasaya. Very memorable. Inuwian ng mga taga-abroad. Pinaggugulan ng pagod, pawis, pag-iisip at perang pikit-matang ginasta, minsan lang dumating sa buhay natin ito!

At ngayon, makalipas ang ilang taon mula noong Golden Jubilee, simpli na lamang ang mga pagdiriwang. Ayos-ayos lamang ang mga pagkain, marami nang bawal. Wala na ring pera, mga retired nang lahat. Maliit ang pension. Saka recession. Ang layunin ay basta magkita-kita, magkakwentuhan, magkodakan pa rin, basta laging ngingiti nang hindi makuhanan ng candid na ang sama ng kinalalabasan. Pero sa totoo lamang, hindi nagbabago ang saya, ang halakhak, ang katuwaan tuwing magkikita.

Kaya kayong mga natatamad sumama sa reyunyon, mag-isip-isip kayo. You're missing a lot! Reunion is like a time machine. You can go back in time...
At malilimutan ninyo ang inyong mga dinaramdam... mga kumikirot na kasu-kasuan, nananakit na baywang, at kung anu-ano pang sakit na nagpapayaman sa mga botika. Maglaga na lamang kayo ng kintsay at inumin ang pinaglagaan. O maghiwa ng hilaw na okra at ibabad sa isang basong tubig sa buong magdamag, inumin sa kinaumagahan ang pinagbabaran. Gamot raw ito. Kung saan, sa lahat raw! Ewan ko lang. Ang tangi ko lang masasabi ay...

Reyunyon na tayo !!!