Monday, July 28, 2008

SINO BA ‘TO?



SINO BA ‘TO?

Sino Si Evelyn Estrella Sebastian? Ito ang nabasa ko sa Top Ten Keywords for the week July 21-27, 2008 sa aking Account Login. Ang mga nakasulat dito ay ang mga “keywords” na gamit ng mga nananaliksik ng samu’t sari o kung anuman na sa kabutihang-palad ay “napapadpad” sa aking blogsite.

Tulad halimbawa ng salitang “nalamuyot”. May salitang Ilokano pala nito. Siguro ay may hinahanap ang isang “kailian” tungkol dito at nadaanan niya ang aking blogsite. Out of curiousity, nag-klik siya, at napunta nga sa akin. Sana nagustuhan niya ang kanyang nabasa at muli siyang bumalik.

At salitang “inuusal-usal”. Ano raw ang kahulugan nito, may nagtanong naman. Na ibig sabihin lamang ay pabulong na sinasabi sa sarili ang nasa isip. Kumbaga, thinking aloud.

At “pagkadaop”. Nagdaop ang kanilang mga palad. A handshake. O mariing pagkakuyom ng palad. Pagkakuyom, fist in a ball.

Samahang manugang at biyenan. Interesado lamang siguro ang naghahanap nito ng mga kwento tungkol dito. Bago siguro siyang manugang. O bagong biyenan.

Kahulugan ng PEFTOK. Na nasa kwento ng “Pag-ibig ni Dalisay”. A, masyadong luma na ang abbreviation na ito. High school pa kami. Mahahalata tuloy. Philippine Expeditionary Force to Korea. Panahon pa ng 38th Parallel na naghihiwalay sa North and South Korea.

At pinaka-recent nga, who is Evelyn Estrella Sebastian daw.

Sino nga ba ako?

Sa aking profile sa eve-estrella.blogspot.com, ang nakalagay ay Eve, Evelyn Estrella, Evelyn Sebastian, Evelyn L. Estrella-Sebastian. Naisip ko noon, sapat na iyon.

Marami naman na ang nakakakilala sa akin, dahil ang aking blog, bagama’t public, ay ipinang-imbita ko muna ng mambabasang kamag-anak at mga kaibigan sa simula ng aking posting. Kaya alam kong kilala ako ng mga mambabasa ko. Hopefully, thru word of mouth, may ibang mainteresadong magbasa ng aking mga kwentong Pinoy na di naman siguro masyadong interesado na malaman pa kung sino ako.

Hanggang may nagtanong na nga.

Sa mga “naligaw o naliligaw o napadpad o napapadpad lamang” sa aking blog, ang tanging masasabi ko ay ito:

Lahing Bulakan ako. Lalawigan ni Balagtas. Kaya naman, noong high school namin, tandis na ipinakabisa nang todo-todo ng aming guro ang kumpulan ng mga stanza sa Florante at Laura. Ang laki sa layaw karaniwa’y hubad, Sa bait at muni sa hatol ay salat… O kaya, Sa loob at labas ng bayan kong sawi, kaliluha’t sama ang siyang naghahari… Na hanggang ngayon, e, kabisado pa namin ang ilan.

Bayan ng Malolos. Alam naman siguro ng marami ang tungkol sa liham ni Rizal sa mga Kababaihan ng Malolos. Kaya, very historical na bayan ito, bukod pa sa ito ang kinaroroonan ng Simbahan ng Barasoain na pinagdausan ng unang kongreso ng Pilipinas.

Miyembro ako ng MHPHS Alumni Association. May website din ito sa internet kung saan may posting ang iba’t ibang class o batch ng mga graduate ng Marcelo H. del Pilar High School, dating Bulacan High School. At tapos ako ng Business Administration in Accountancy sa University of the East.

Graduate ng Pitak ng Bagong Dugo sa Liwayway noon kaya pinalad na naging regular na Contributor ng kwento at nobela sa magasin, kung ilang dekada na ang nakalilipas. Ibig sabihin, senior citizen na, and proud of it, dahil may pinagkatandaan naman.

In a nutshell, ito ako.

Tungkol sa aking pagsusulat, inaanyayahan ko ang mga ito na bisitahin ang mga sumusunod na links:

http://sofasebastian.multiply.com/

http://sofasebastian.multiply.com/video

YouTube - Interview-SoFA-Evelyn Sebastian-"Ideya ng ...

Ito ay ang interview sa akin ng mga istudyanteng Atenista para sa isang takdang aralin nila bago magtapos ng haiskul. Isa nga sa mga Atenistang ito ay si Robert Marion Eusebio Domingo, mas kilala sa Robi Domingo. ang Atenistang nanalo ng Pangalawang Puwesto sa nakaraang Pinoy Big Brother ng ABS CBN. Napaka-thorough ng ginawa nilang panayam sa akin na wala na siguro akong maidadagdag pa basta tungkol sa aking pagsusulat ang nais talakayin.

Inilagay pa nga nila ako sa YouTube. Tuloy, nabisto si “Anda”.

Anyway, sa mga “maliligaw o mapapadpad” na muli sa aking blogsite, ito po ako, sakali man na I prick your curiousity at dumadaan sa inyong isip na sino ba ‘to?

Tuesday, July 22, 2008

COMMENTS AND FEEDBACKS - HULYO 2008



COMMENTS AND FEEDBACKS - HULYO 2008

Unang yugto pa lamang ng ISKOLAR. may umabot nang komentaryo sa akin sa cellfone. Bakit naman, anya, ang pangalan ng aking bida/kontrabida? na ginamit ko sa kwento ay halos pangalan ng isa naming kakilala!

Na sinundan ng isa namang email na nagsasabing - bakit daw sa dinami-dami ng pangalan sa kalendaryo ni Honorio Lopez ay iyon pang pangalan na iyon ang napili ko.

Nang sulatin ko ang kwentong ISKOLAR ay around mid-eighties, Kainitan ang barkadahan naming magkakaibigan. Sagana sa kwentuhan na maaaring totoo at maaari namang hindi, na tunay na a very rich source of ideas for me. Noong panahon din namang iyon kasipagan ako sa pagsusulat. Idagdag pa rito ang karaniwang request sa akin, isulat mo naman ang aking lovelife. O gamitin mo naman ang aming pangalan. Kaya…mapapansin sa aking mga kwento na ang ngalan ng mga karakter ay hango sa aking mga kakilala. Isama pa rito ang aking istilo na gawing background o backdrop ng istorya ay tunay na lugar, tunay na mga okasyon o event, at mga tunay na pangyayari sa buhay ng tao… tuloy, inakala ng marami na totoong mga tao ang aking ikinukwento.

Na ibig lamang sabihin, effective.

Naalaala ko tuloy ang isa kong kwento tungkol sa Undas sa Malolos. Siempre, ang background nito ay ang Malolos at ang sementeryo sa Mabolo/Kaniugan at sa Tubigan (wala pa noong mga memorial park). Tipong poignant ang mood ng kwento at ang aming kapit-bahay na nakabasa nito ay nagsabing nang umaga ng Undas na iyon ay pinakikiramdaman niya ang pag-uwi namin sa probinsiya. Dahil… ang aking karakter sa kwento ay uuwi sa Malolos para dalawin ang kanyang unang pag-ibig sa kinahihimlayan nitong libingan.

Komentaryo na aking tinanggap:

-Ang alam ko nga ay banda roon sa Quiapo nagtrabaho si …(isang kakilala)… este Ellen, pala...Ang galing nang pagkakahango ng kwento sa tunay na buhay ni Ellen , but only as far as her place of work, and residence then, are concerned...kudos to you. From C.

(Azcarraga, Quezon Boulevard, Quiapo, Carriedo, Avenida Rizal … mga lugar na may ginigising na gunita ng nakaraan. Mga lugar na minsan, isang panahon ay ginalawan nating lahat.)

-Eve, bakit mo alam ang Iskolar? From V.

(Ha, sa tema ng iyong pagtatanong, alam mo rin ito! Hindi kaya dahil sa isa nating dating kabarkadang milyunaryo? Huwag mo nang sagutin, maraming pruweba…)

--Nagising ako nang alas dos ng madaling araw. (Bakit ba konting tulog na lang ang kailangan ng mga nagkaka-edad?) Naalaala kong pinadalhan mo ako ng text message tungkol sa pangalawa at katapusang bahagi ng kuwentong ISKOLAR. Kaya binasa ko na.

Nag-email sa iyo si -- tungkol sa kuwento mo and you emailed me about it.. So I texted him. at medyo inabot siya ng kantiyaw sa akin. Sumagot at ang sabi: Alam mo rin ba ang tungkol dito? E ano pa nga ba? sagot ko naman


Pero, naglalaro pa rin sa isip ko: totoo kayang may nangyari sa kanila ni Ellen? Sa tanong ko'y ako na rin ang sumagot: E ano pa nga ba? Sa kalibre niya…


Best regards and I will wait for the next kuwento. Pwede bang mag-request? Di ko pa nababasa ang: SI REGINA AT AKO. Maganda daw ito.
From R.

(Sobrang self-explanatory ang komentaryo sa itaas, kaya wa na ko sey! Tulad nang mga una kong nasabi, humahango lamang ako ng ideya, pinalalawak, tinatauhan ng iba’t ibang karakter na inilalagay ko sa isang pamilyar na kapaligiran, mga karakter na may dinadalang suliranin na tinatambalan ng mga kakaibang solusyon… at voila! May kwento na!)

-Ah! Bumigay sa tawag ng laman si Ellen. Mwahaha! Baka she confused lust with love. From MG.

(How refreshing to receive such comment from this lady! Makabago siya. A product of the now-generation. Drives her own car. Maalam ng mga racket. Maraming gimmick. But still, Maria Clara at heart?)

-yup... i believe one can love more than one... even at the same time... but a mature person also loves not only with the heart but with the mind... because discernment helps differentiate between love & lust ... and commitment brings order... and peace... From A.

(And after all is said and done, peace within is what matters. And that must be everybody’s ultimate goal in life.)

- Nice ending Eve. Nice ending. More power to you. From G.

(Thank you.)

-Mali ang ending ng kwento. Ayaw niyan ni Gerry (iyong karakter ng kwento?) Congrats! Pinaglaro mo ang aking isip. From RC

(Natutuwa ako na napaglaro ko ang isip ng isang inhenyero. Ibig lang sabihin, me epek naman ang kwento. Salamat po!)

Thursday, July 17, 2008

ISKOLAR – Katapusan



ISKOLAR – Katapusan

Naghapunan sila, hindi sa Recto, kundi sa Makati. At nag-enjoy siya. Bago sila naghiwalay, sabi ni Mr. Celestino. “Sa isang linggo, luluwas ulit ako. Birthday ko, Ellen, blow-out kita.”

Kaarawan ni Mr. Celestino, pwede ba siyang tumutol? At sa sumunod pang pagkakataon na kaarawan naman niya? At iba pang okasyon tulad ng Valentine, kahit hindi nakatapat sa katorse ng Pebrero? At kalaunan, kahit wala nang okasyon, dahil gusto lang na maging up-to-date sa mga balita tungkol sa kanyang pag-aaral?

Sa pagitan ng mga panahong iyon, naglaho si Mr. Celestino, ang kliyente ng kanilang opisina, may-ari ng kung ilang sinehan at nagrerenta ng mga pelikula sa kanilang kompanya. Pumalit si Gerry, early forties, late nang nag-asawa, maliliit pa ang mga anak, mula sa angkan ng mga nag-pioneer ng pagtatayo ng sinehan sa kanilang probinsiya.

Sa ilang mga salita, ang kanilang mga nakaraan ay nailahad. At kinalimutan. Ang mahalaga ay ang hinaharap. At ang kasalukuyan.

Minsan, itinanong ni Gerry. “Nagka-boyfriend ka na ba, Ellen?”

Umiling siya. “Hindi.” Wala na ang pamumupo, ang paggalang sa dati ay tinatawag niyang Mr. Celestino. Ngayon ay Gerry na lang. Gerry.

“Ngayon?”

Sinalubong niya ang mga mata ni Gerry. Muli siyang umiling. “Wala.”

Semestral break, kaarawan ni Gerry, nang may nangyari. Pagkatapos ng hapunan sa isang restoran sa Makati, sa loob ng taksi nang sila ay pauwi na, ano nga ang sabi ni Gerry? Nang iabot niya ang isang munting kahita na may lamang cufflinks, regalo niya. Pinag-ipunan, binili sa Avenida Rizal.

Wala bang birthday kiss?

Malamig ang pisngi ni Gerry sa mainit niyang mga labi.

Nang biglang bumaling ito, hindi na niya nasundan ang kasunod. Nadama na lamang niyang pinaliliguan siya nito ng halik. Sa labi, sa pisngi, sa leeg, sa buhok, habang hapit siya nang mahigpit.

Bigla, may kumislap sa kanyang utak. Pay when able, sabi ni Gerry noon. Siya nga ay isang iskolar, ngunit, scholar with a difference. Ngunit ano ang ginagawa ni Gerry sa kanya ngayon?

Please, ang pakiusap niya, habang iniiwas ang kanyang mukha at inilalayo ang katawan sa pagkakayapos nito.

Please… ngunit malakas si Gerry at siya ay mahina. Mapusok ito at siya ay natatangay. Kalaunan ay gumaganti, nagpapaubaya. Nang gabing iyon, isinuko niya ang kanyang pagkabirhen kay Gerry. Na muli at muli pang naulit sa mga araw pang dumating. Kanyang nadama, siya ay bihag ng damdaming ginising ng bagong karanasan sa kanyang buhay.

Hanggang isang araw, napatingin siya sa kalendaryo. At siya ay kinabahan.

Diyos na mahabagin, ano itong kanyang nasuungan? May asawa si Gerry. Mayroong mga anak si Gerry! Walang kahihinatnan ang relasyong kanilang sinimulan. At ang kanyang dasal, O, mahal na Ina, huwag mo pong ipahintulot…

Ang kanyang hinihintay ay dumating at tiklop-tuhod siyang nangako. Nagkasala ako, Diyos ko, ngunit nangangako akong hindi na uulit. Puputulin ko ang lahat sa aming dalawa…

At kinausap niya si Gerry. “Sabi mo noon, pay when able. Hindi ko ito kalilimutan, Gerry. Darating ang panahon, tatanggapin mo ang kapalit ng lahat-lahat nang ginastos mo sa akin…”

Nagtama ang kanilang mga mata. Lumarawan, nabasa ang gunita ng isang gabi, ng unang gabi ng pagtatalik. Ang iwing pagtutol, tinalo ng ganyak na magpaubaya. Napailing siya.

“Kung tutuusin, Gerry, nakapaningil ka na. At maaari ko nang sabihin na bayad na ako sa iyo hanggang sa kahuli-hulihang sentimo ng aking mga utang.

Parang pinitpit si Gerry, walang katagang namutawi sa bibig.

SA kasera ni Ellen sa Bustillos, may munting salu-salong inihanda para sa kanyang pagtatapos sa kolehiyo. Spaghetti na mabibilang ang mga sahog na meatballs. Dalawang taksing mga taga-opisina ang kasama niya sa selebrasyon. Hindi nakaluwas ang kanyang mga magulang, walang pamasahe. Si Manager, kahit hindi nakarating, may pabigay na cake na binili sa Goldilocks. Ang mga empleyado nilang checkers sa mga sinehan, nagkontribusyon, may dalang ice cream. Ang iba, regalo ang bitbit.

Naisip ni Ellen, hindi blue marlin, hindi teppanyaki sa Kimpura, hindi restoran sa Makati Avenue, ang blow-out sa kanyang graduation, ngunit nasisiyahan na rin siya. Maligaya sa kanyang desisyon na hindi na makipagkita kay Gerry.

Nagkamali siya. Nagkamali sila ni Gerry. Ngunit sino ang taong hindi nagkamali? Ang masama ay ang magpatuloy sa ginagawang kasalanan kahit namulat na ang mga mata sa kamaliang ito.

Anong lungkot ni Gerry sa ginawa nilang paghihiwalay. Ngunit ang iwing pagka-maginoo nito ay namayani pa rin. At ulit-ulit niyang ipinangako, pagdating ng panahon, makababayad rin ako, huwag kang mag-alaala.

Panay ang iling ni Gerry. As far as I am concerned, you owe me nothing.

Dahil bayad na ako? May sumbat sa kanyanag tinig.

Nagtiim ng bagang si Gerry. Nangyari ang mga nangyari dahil.. dahil mahal kita. Hindi sa ako’y naningil. Can’t you see, Ellen, I’ve fallen in love with you! Sana nga, huwag tayong maghiwalay. Ngunit alam ko, alang-alang sa iyong kinabukasan, marapat lamang.

Sa bugso ng damdaming nadama, nilapitan niya si Gerry, hinagkan, sa noo. At kanyang ibinulong. Salamat. Salamat.

Ngunit ang karugtong ng pasasalamat ay hindi na niya isinatinig. Mahal rin kita, Gerry… Mahal rin kita….

Liwayway, 30 Marso 1987

Monday, July 7, 2008

ISKOLAR – Unang Yugto



ISKOLAR – Unang Yugto

SABI ni Gerry. Graduation blow-out ko para sa iyo. Ikaw ang pumili kung saan mo gustong pumunta. Dinner sa Makati. Gusto mo ba ng steak? Teppanyaki sa Kimpura? O seafood kaya. Masarap ang blue marlin..

Umiling siya. Huwag na lang…

Mapilit si Gerry. Graduation gift ko sa iyo…

Ngumiti siya. Salamat na lang.

At nagseryoso ito. For old time’s sake, Ellen. At huwag kang mag-alala. No strings. Walang pisi.

Ang kanyang sagot. Titingnan ko. Titingnan ko…

ANG nakaraan nila ni Gerry. Paano ba sila nagkakilala?

Working student siya. Isang clerk-typist na may kakarampot na suweldo sa isang film exchange office sa Carriedo. Nangangasera sa isang maliit na apartment sa Bustillos. Pagpitada ng ikalima ng hapon, nakikipag-unahan na siya sa elevator. Sugod sa kahabaan ng Carriedo, baba sa ilalim ng underpass, lakad ng Quezon Boulevard, liko ng Recto, para umabot ng five-thirty niyang klase. Isa siyang masipag na mag-aaral, dahil gusto niyang maging titulada. Accounting major, gusto niyang maging CPA. Pangarap niyang makapasa sa board, makatagpo ng magandang mapagtatrabahuhan sa Makati. Makapag-abroad. Isang pangarap na gumuho nang makatanggap siya ng liham mula sa kanyang ina sa probinsiya.

May sakit ang Tatay mo. Hindi na siya makapaghahanap-buhay. Hindi ka na namin mapadadalhan ng kahit kaunting tulong sa iyong pag-aaral. Kami pa nga ang nangangailangan ng iyong tulong. Kung nais mo, umuwi ka na lang dito sa atin. Magtinda-tinda tayo. Makararaos rin sa awa ng Diyos…

Makararaos rin sa awa ng Diyos! Napaiyak siya sa bahaging ito ng liham. Ayaw niyang makaraos lamang sa awa ng Diyos. Kaya siya nagpapakahirap mag-aral ay dahil gusto niyang umasenso sa buhay. Kaya subsob siya sa pagtatrabaho kahit maliit ang suweldo ay upang masustentuhan niya ang mga sariling gastos. Sa harap ng pangangailangan ng kanyang mga magulang, paano pa niya matutustusan ang kanyang pag-aaral? Ang upa sa kasera? Pambili ng gamit sa iskwela? Damit? Sapatos?

“O, bakit ka umiiyak, Ellen?”

Dali-dali niyang pinahid ang kanyang luha, saka tiningala ang nagtanong na nakatayo sa harap ng kanyang munting mesa sa may pagpasok ng pinto ng kanilang opisina.

Si Mr. Celestino, isang mabuting kliyente ng kanilang opisina. May-ari ng kung ilang sinehan sa probinsiya. Mabait makipag-usap. Magaling makisama. Ang liham ng kanyang ina ay iniabot niya rito. Tinanguan ang nagtatanong na mga mata. At binasa ni Mr. Celestino ang iniyakan niyang liham

Sa buong maghapon, laman ng kanyang isipan ang liham ng kanyang ina at ang kinakaharap niyang problema, ngunit si Mr. Celestino ay nawaglit na sa kanyang isip. Hanggang sa paglabas niya sa iskwela kinagabihan, may bumati sa kanya. “Ellen…”

Si Mr. Celestino. Inakay siya nito, palayo sa karamihan ng mga naglalabasan sa iskwela. Palagay ang loob na sumunod siya. Si Mr. Celestino, para niyang ama. O nakatatandang kapatid. Mga kuwarenta. Labing-walo siya. “Nag-aalala ako sa problema mo, Ellen. At mayroon akong naisip na solusyon. Ang gusto ko lang malaman ay kung disidido ka talaga sa iyong pag-aaral.”

Tumigil siya sa paglalakad, hinarap si Mr. Celestino. “Gusto ko hong makaahon sa kahirapan. At ang alam ko lang na paraan ay ang makatapos sa pag-aaral.

Sa harap ng isang simpling hapunan, sa isa sa mga naghanay na restoran-kantina sa kahabaan ng Recto, sinabi ni Mr. Celestino ang naisip nitong paraan.

“Pay when able, iyan ang ating kondisyon, Ellen. Think of it as a loan. Paluluwalan kong lahat ang mga gastos mo sa eskwela. Tuition, libro, supplies. Pati bayad sa kasera. Para makapagpadala ka ng pera sa iyong mga magulang.

Pinaglaruan ng kanyang mga daliri ang plastik na straw ng iniinom niyang Coke. Hindi niya alam ang kanyang isasagot. Kay tagal na hindi siya nakahuma.

“Iisipin ko ho,” ang mga salita niyang pinaghiwalayan nila.

At nang gabing iyon ay hindi siya natulog. Tinimbang-timbang niya ang sama at buti ng gagawin niyang hakbang. Ang maaaring mangyari sa hinaharap. Ang kauuwian ng kanilang relasyon.

Nasa ikatlong taon na siya ng pag-aaral sa kolehiyo, unang semestre. Dalawa, tatlong taon na lamang, dahil hindi siya full load, makatatapos na siya. Na kung hindi niya tatanggapin ang alok na tulong ni Mr. Celestino ay hindi mangyayari, sa abot ng kanyang pagmumuni-muni.

Laki siya sa probinsiya. Ngunit matalino siya at palabasa, palamasid. Hindi siya ignorante sa mga nangyayari sa paligid. Sa kalakaran sa lungsod. Sa mga estudyanteng pinapag-aaral ng mga taong hindi nila kaanu-ano. Alam rin niya ang kapalit nito. Pati kung ano ang tawag sa mga ito. Iskolar.

Matapos ang buong susing pag-iisip, napagpasiyahan niya, ang alok na tulong ni Mr. Celestino ay kanyang tatanggapin. Iskolar na rin siya. But with a difference. Nananangan siya sa sinabi ni Mr. Celestino. Sa kondisyong ang lahat ay pautang. Na babayaran kalaunan.

Sa katapusan ng unang semestre ng ikatlo niyang taon, ipina-xerox niya ang kanyang mga grades. Matataas ang mga ito, lalo ang Accounting at Commercial Law. At sa pagdalaw ni Mr. Celestino sa opisina, inihabol niya ang sobre sa elevator nang ito ay pauwi na.

Naglalakad siya sa may Recto nang biglang may umagapay sa kanya. Nagulat siya. Si Mr. Celestino. “Maganda ang grades mo, Ellen…”

Napangiti siya. “Kailangan ho…”

Blow-out kita…”

“Naku, huwag na ho,” tutol niya.

Para makwentuhan mo rin ako sa pag-aaral mo,” agaw nito.

Paano siya makatatanggi?

(Ano ang kahihinatnan ng wari ay nagbabagong relasyon ni Mr. Celestino at Ellen? Sa tunay na buhay, nangyayari ba ito? Naalaala ko lamang kung bakit ko ito naisulat o bakit ko naisipang gumawa ng ganitong kwento. Narinig ko lamang ang usapan ng ilang kaibigang lalaki, nagkakatuwaan, nagtutuksuhan, kumusta na ba ang iskolar mo?

Inusisa ng isang kaibigang babai kung ano ang kanilang pinag-uusapan. Wala ‘yan, di totoo ‘yan... sagot ng tinutukso, kasabay ang tawa.

Maganda yatang kwento iyon, naisaloob ko. At “lumipad na ang aking diwa”.

Ngunit ipinagpapauna ko na, anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay hindi sinasadya at nagkataon lamang. Wika nga ay “bungang-isip” lamang.

Abangan ang katapusan ! )

Tuesday, July 1, 2008

WORKING STUDENTS

WORKING STUDENTS

Pasukan na naman. Mataas na tuition, mataas na pamasahe, mataas na bilihin, at hindi tumataas na suweldo!

Sa henerasyon ng mga retired-ed na wala nang hinihintay na suweldo, pawang LOI at umaasa na lamang sa SSS at GSIS na pensiyon na kung ilang taon bago tumaas na kakarampot naman, bukod sa pamasahe at mga bilihin, ang malaking problema ay ang halaga ng gamot para sa high blood, diabetes, arthritis at iba pang mga sakit na kaakibat ng pagtanda.

Sa mga kabataang bago pa lamang nagpapamilya at nagpapalaki, nagpapaaral ng mga anak, ang panahon ng pasukan ay panahon ng sakit ng ulo. Ikinuha nga ng educational plan na pampaaral, bulilyaso naman ang kinalabasan. Ano na ang nangyari sa CAP?

Mahirap na tunay ang magpaaral! At mag-aral, lalo at gusto, ngunit walang ikakaya. Mabuti sana kung tunay na matalino at makakakuha ng scholarship. Paano kung tama lamang ang dunong, hindi iyong i-iskolarin. Marunong, pero hindi brilliant. Alalaon baga’y pwedeng pang-UP. Paano na? Mauuwi na lang sa sariling kayod at tiyaga. Na siyang nangyayari sa karamihan.

Sa mga mag-aaral, may isang grupo na kahanga-hanga sa kanilang pagsisikap na maiangat ang kanilang buhay: ang mga Working Students. Trabaho sa araw, pasok sa eskwela sa gabi.

Noon, may kasama ako sa opisina, (na isang Film Exchange) mensahero ang trabaho, o all-around go-fer, tagabili namin ng tanghalian sa Wa Nam, at istudyante sa PCC sa gabi. Matagal na kaming hindi nagkikita, ngunit ang huli kong balita sa kanya, naging Mayor siya ng kanilang bayan sa Sorsogon.

May boy kami noon sa dormitoryo (St. Catherine’s Ladies Hall sa Recto, dating Azcarraga) Tagabili namin ng mani at turon sa may kanto ng Quezon Boulevard, ice cream sa Jocson’s sa may Bustillos, accounting work sheet o columnar sa Cunanan’s sa gilid ng UE, at samu-t saring utos, bukod pa sa tunay niyang trabaho sa dormitoryo na tagalinis at taga-bunot ng sahig ng lahat ng kuwarto, taga-tapon o kalap ng aming mga basura, tagabuhat ng mga pinamalengke ng aming kusinera. Hindi ko matandaan ang kanyang buong pangalan, ngunit siya ay isang matalinong bata at may karisma. Sa masikap na pag-aaral, nakatapos siya ng high school sa UE. Hindi na rin kami nagkita matapos siyang umalis sa pagtatrabaho sa dormitoryo, ngunit nabalitaan ko rin na nasa Indonesia o isang ASEAN country siya, at mataas ang tungkulin sa Foreign Affairs doon.

Marami pa akong alam na ganitong istorya, na closer to home, ibig sabihin, sigurado akong totoo, hindi hearsay lamang. Talos kong sa mga bumibisita dito, may kakilala silang ganito rin. Saluduhan natin sila! And if you may want to share their stories, you’re most welcome! (Click on the COMMENT at the bottom of this entry.)

Kaya lamang, sa mga ganitong kwento ng buhay, may nasasalit na iba. Malungkot isipin, ngunit totoong nangyayari. Naroroon ang pagsisikap, ang pagtitiyaga, ang ambisyon, ngunit minsan, mabigat din ang kapalit. Ito ang paksa ng susunod na kwento.

Abangan… ang kwento ng buwan ng Hulyo!