Sunday, April 27, 2008

MAYO - SANTAKRUSAN, BAKASYON, BARKADA

MAYO - SANTAKRUSAN, BAKASYON, BARKADA

Noon at ngayon. Malaking-malaki ang pagkakaiba. Sa mga taga-lungsod o mga taga-kabayanan, maaaring ang buwan ng Mayo ay bakasyon at barkada. Noon at ngayon. Ngunit sa aming mga tubong taga-baryo, kahit wala pang isang kilometro ang layo ng aming bahay sa poblacion, ang buwan ng Mayo ay may kakabit na gunita ng Santakrusan.

Dios te salve, Maria
Llena eres de gracia
El senor es contigo
Bendita tu eres.
Entre todas, las mujeres
Y bendito es el fruto
Y bendito es el fruto
De tu bien, entre Jesus

Kasama ang isang gitarista, kami ng aming barkada ay kawit bisig na naglalakad sa pinakahulihan ng prusisyon, buong siglang umaawit. Na sinasagot rin nang pakanta ng mga batang umiilaw.

Santa Maria madre de Dios
Ruega por nosotros
Pecador es hora en la hora
De nuestra muerte
Amen Jesus.

Mali-mali nga ang pagbigkas ng mga salitang espanyol, pero sige pa rin sa todo at parang hinahabol na pagkanta ang mga batang ang naglalaro na sa isip ay ang ipamimigay ng hermano na miryendang tinapay pagkatapos ng prusisyon. Aruro. Mamon tostado. Kamatsile. At kung sinusuerte at maykaya ang hermano, enseymada!

Iba naman ang pa-miryenda sa mga kadalagahan at kabinataan (kami iyon, kahit pa nga, tin-edyer pa lang nang magsimula kaming makasama sa grupo ng namumunong manganganta). Sa bahay ng hermano o hermana kami magtutungo pagkatapos ng prusisyon. Karaniwang “pakain” ay spaghetti. O kaya ay pansit bihon. O ginatang bilu-bilo o munggo o mais.

Sa mga ganitong pagtitipon namumuo minsan ang matamis na pagtitinginan ng ilang dalaga at binata. Na nagsisimula sa magkaagapay na pagsunod sa prusisyon. Magkatabing pagsasalo sa pagkain. Pagbibigay ng kwintas na sampagita bilang pahiwatig ng niloloob.

Ito ang paksa ng susunod na kwento sa buwan ng Mayo. Abangan ninyo! Sa mga tagasubaybay na tubong-probinsiya, muling pagbalikan sa gunita ang masasayang araw ng inyong kabataan. At sa mga hindi naman nakaranas nang ganito, ito ay isang pagkakataon na maging bahagi kayo ng isang panahon, na ayon nga sa tulang nasa pang-unang pahina ng isang aklat ng mga nagtapos sa haiskul noon, ay "isang panahong payapa at tiwasay, nang dalisay pa ang tubig na umaagos sa batisan at ginintuan ang sikat ng araw..."


Tuesday, April 22, 2008

COMMENTS AND FEEDBACKS - APRIL

COMMENTS AND FEEDBACKS - APRIL

LABINLIMA LAMANG, IBIG NANG MAG-ASAWA

I noticed how each “kwento” I put out in the blog affects the reader differently. Pag-ibig ni Dalisay brought back memories of high school days. Ga’nong Porsiyento ng Pagmamahal somehow made the women readers look into themselves and their relationships. And now, Labinlima Lamang, Ibig nang Mag-asawa, elicited some funny comments and a few serious conjectures.

Masyadong maagang kumerenkeng si Leni kay Romy, ano? From C.

(First love kasi. Kulang siguro ng communications sa parents kaya napasubo sa relasyon. Saka, masyadong istrikto noon, kaya nagiging patago. Iyon ang panahon mo, e, natin pala!)

AY ANG GALING...KUNG MAGKAANAK AGAD ANG KINSE ANYOS, AT AGE 30 OR AT MOST 35, LOLA NA!! BATANG-BATA AT SEKSING LOLA. From C.

(Hindi tulad ng mga lolang kilala natin. Talagang lola, in thoughts, in words and in deed. At sa iba pa…)

Hi! We got your emails and enjoyed reading your stories. Add us to your long lists of fans. You're an excellent writer. You deserved those awards you got from your hard work. We're proud of pinoys like you! Keep on writing and sharing your special literary talent to others. From B & B.

(Una, salamat. Pangalawa, hindi naman excellent writer, manapa, sabihin na lang nating “storyteller”. Tungkol sa mga awards, medyo pinaghirapan talaga. Pero ang mga kwentong lumabas sa Liwayway, na ibinabahagi ko ngayon sa lahat, ay mga “magagaang kwento” na pampalipas lamang ng oras. Kung sa pagbasa ninyo ay napangiti kayo, natawa, naluha, maligaya na ako. Sulit na ang pagod ko noon, when I was still struggling to put into words the thoughts, the angst, the joy and the pain of being alive.)

Naunsiaming pag ibig pala ang kay Leni. Salawahan naman pala si Romy at akala ko liberated na rin ngayon ang mga boys pero conservative pa rin pala. I hope sa part 3 ay makakatagpo sya ng tunay na magmamahal sa kanya. O baka naman bumaling na lang sa Dios ang kanyang pag ibig. Sabi mo nga, smile, heh,heh,heh (may tawa pa). From C

(By this time, alam mo na ang nangyari kay Leni. Naniniwala ka ba sa pag-ibig? Na may ganoong uri ng tao at pag-ibig? May kilala ka bang ganoon?)


Ahahaha! Naka-relate ako dun sa "Pipila sa kantina. Ginisang munggo kung Biyernes. Trabaho na naman." And this was written in 1971, hindi pa ko pinapanganak! Timeless. =) From M.


(Timeless! Gusto ko ‘yan. Coming from a younger generation and a “wordsmith” from GMA, it is an outright compliment. Thank you, inaanak! Ay, nahalata…)


Salamat naman at nakatagpo rin ng true love si Leni. Kamuntik na palang mag old maid, ano. Nakakaaliw naman ang magbasa ng stories mo. Naaalala ko rin yung kabataan natin nun. Ang saya saya natin. Pero memories na lang. Kahit paano naman ay may naaalala pa rin. Aabangan ko uli ang ibang story mo,ha. Asan na ba ang exclamation point dito, di ko makita? From C


(Salamat naman at naaliw kita. At least, nagkaroon ng pahinga sa “apostolate” mo diyan sa abroad.)


I have read all your blogs and cuentos. I especially like the interview in U tube. Ikaw na ikaw walang halong arte. Oh wait, you are an art in yourself being you –

I remember the first time I heard about your kuwentos in Liwayway from Nanay & Tatay. They were 2 of your avid readers since they had a subscription of Liwayway. They were also proud of you, knowing your parents and you being my barkada sa high school. And of course, I was also proud, still am, 'coz you were my barkada. From F.


( Oh, am I glad to hear that a school principal was one of my tagahanga! Pati asawa, pati anak! Except, doon natapos. The following generation does not speak and read Tagalog. Wanted: Translator for the Fil-Ams.)


Nakakaiyak, Tita! From B.


(Talaga? Di kaya dahil minsanan mo lang binasa from January to April kaya ka naiyak, sumakit ang mata? Anyway, I am proud to have you as one of my readers. Taas IQ.)


Binasa ko na. Galing mo talaga! From V.


(Kung sa harap ko sinabi mo ito, ang isasagot ko’y “oo nga”. Heh, heh, pero dyahe pag in print. Di ba?)


Ganda. Balanced. Mapagpalaya. From A.


(Bago ito. UP-ing-UP ang dating. Mapagpalaya! Sa palagay ko’y marami pa akong kwentong “mapagpalaya”, pero ang nakaiskedyul kong ilabas ay mga kwentong “panghalukay ng mga nakabaong alaala ng kabataan ng aking henerasyon”. Ibig sabihin, nostalgia trip. Sanay okey sa iyo.)

Additional feedback from March “kwento” – Ga’nong Porsiyento..

Am a 100%. I am not one for powerplay. From A.

(You really are. I believe that is a family trait.)

Balo na si Aida. Time to look for another guy! From D.

(Spoken like a true liberated woman. Bakit hindi?)

Ikaw , siyento por siyento ba ang love mo, he,he,he. Alam ko na isasagot mo , kamukha ng sagot ni Oscar kay L, di ba? Nakakalibang naman magbasa ng mga kwento mo. Tuloy inisip ko kung ilang percent ang naging love ko sa nasira kong asawa. From C.

(Hayan, nag-isip ka tuloy. Well, think of the good times you shared with each other. Iyon na. Parang discard the chaff, keep the grain

Wednesday, April 16, 2008

LABINLIMA LAMANG, IBIG NANG MAG-ASAWA, Katapusan

LABINLIMA LAMANG, IBIG NANG MAG-ASAWA
Katapusan

DALAWAMPU’T anim na taon siya at sa isang bangko namamasukan. Mahigit nang sampung taon, mula nang mangyari ang kanyang mapait na karanasan. Kapwa namayapa na ang kanyang mga magulang. Sa isang may asawang kapatid sa lungsod, pamalagian na siyang naninirahan. Bihira na siyang mauwi sa lalawigan. Ang pamilya na lamang ng kanyang kapatid. Ito ang naghahatid sa kanya ng mga balita.

Kay raming anak ni Romy, ang balita. Kamamatay lamang ng bunso sa isang hindi naagapang sakit. Payat na payat ang asawa ni Romy. Umuubo pa. Duwa, may tisis. At si Romy, walang palagiang trabaho.

Ang balita ay tatapusin ng kanyang kapatid sa isang malalim na buntung-hininga. Pasalamat ka, Leni, sa ginawa ng mga Tatay. Na hindi ka ipinakasal sa kabila ng mga nangyari. Kundi ay ikaw ang nasa kalagayan ngayon ng asawa ni Romy. Laking inam ng buhay mo ngayon…

Ang kanyang buhay?

Gigising sa umaga. Maliligo. Tutulong nang bahagya sa paghahain ng almusal. Magmamadali sa pagkain. Makikiangkas sa kotse ng kapatid pagtungo sa opisina. Bababa sa downtown. Lalakarin ang kahabaan ng Carriedo, Plaza Sta. Cruz. Escolta. Magpa-punch in. Aayusin ang mesa. Papalisin ang mga alikabok na hindi nakita ng diyanitor. Trabaho na. Breaktime. Kaunting satsatan. Tsismis. Trabaho na naman. Lunch break. Pipila sa kantina. Ginisang munggo kung Biyernes. Trabaho na naman. Break na muli. Trabaho. Uwian. Sa dating rota. Aabangan ang kotse ng kapatid. Bahay. TV. Kabisado na niya ang mga programa sa telebisyon. The Avengers kung Lunes. Hawaii Five-O kung Martes. Miyerkoles ay Mannix. Celebrity Hour kung Huwebes. Rhoda and Me kung…. A bago matulog, isang pocketbook na pampaantok. Wala na. Tapos na.

Anong laking inam raw ng kanyang buhay!

Dalawamput’ anim na taon siya at kung tutuusin ay bata pa rin, ngunit nakahanda na ang kanyang loob sa gayong takbo ng kanyang buhay. Nag-iisa. Ulila sa pagmamahal. Basta, mag-iipon na lamang ng pera at bahala na kung sino ang mag-aalaga sa kanyng pagtanda. Doon niya iiwanan ang natipong kabuhayan.

Matandang dalaga. Hindi kagandahang pakinggan. Career woman. Mabuti-buti. Pero wala na siyang magagawa. Pagkatapos ng nangyari sa kanila ni Erwin at ni Lino, bakit pa niya muling ipakikipagsapalaran ang kanyang damdamin? Muli lamang siyang masasaktan. Kaya, hindi na niya pinansin ang mga lalaking nanligaw sa kanya.

Hanggang sa makilala niya si Roman.

“Kaya pala hindi pa ako nag-aasawa, Leni.”

Nakaiigaya ang mga biro ni Roman. Pilit, hinawakan niya ang sarili. Leni, Leni, huwag kang patatangay.

Kalaunan, naging matapat na si Roman. Wala nang halong biro ang mga sinasabi. “Mahal kita, Leni.”

Kung bakit hindi niya magawa kay Roman ang madaliang pagbigo na siya niyang standard procedure sa mga manliligaw. May boyfriend na ‘ko. Tiyak, hindi maniniwala si Roman. Wala akong balak mag-asawa. Tatawanan lamang siya ni Roman.

Nagpatawing-tawing siya sa balak na pagbigo sa pangingibig ni Roman. Hanggang dumating ang araw na tumututol na ang kanyang puso sa gagawin. Ikamamatay niya kapag nawala pa si Roman sa kanyang buhay.

Noon sumilang ang isang ideya. Isang kaisipang hindi mainam ngunit isang pagkakataon sa kaligayahan. Hindi kailangang malaman ni Roman ang lahat sa katayuang maaari pa itong umurong. Tulad ni Erwin. At hindi rin kailangang ipagtapat niya rito ang lahat, tulad nang ginawa niya kay Lino.

“Alam mo, Roman, talagang balak ko ang magpakatandang dalaga.”

Tumawa si Roman. “Kung di ako dumating, Leni…”

Tumawa rin siya. “Pero, alam mo, Roman. .. kung makatatagpo rin lamang ako ng lalaking iibigin, ang gusto ko’y kasal agad. Ayoko ng long engagement.”

Nagpormal si Roman. “Kung iibigin mo ako, Leni, ipinangangako ko sa iyo, pakakasal tayo agad. Nasa edad na naman tayo kapwa.”

Iyon ang kanyang ideya. Ang matalian si Roman upang malaman man nito, hindi na rin makauurong. Bahala na ang pagpapaliwanag pagkatapos. Mauunawaan na rin marahil ni Roman. Ibubukas niya ang kanyang puso. Ilalahad niya ang pait na nadama sa pagtalikod ni Erwin. Ni Lino. Marahil, mapatatawad na rin siya nito. Gagawin niya ang lahat upang mahalin siya, patawarin, ni Roman.

Itinakda ang kanilang kasal. Isang tahimik na kasal. Pamilya lamang. Walang ibang imbitado. Kinausap na nila ang restoran na kakainan. Reserbado na ang tiket ng eroplano na sasakyan nila patungo sa Davao na pagdarausan ng kanilang pulut gata. Sinukatan na siya ng modista, napili na nila ang telang gagamitin na damit pangkasal.

Puting alaskin. Busilak na puti. Sapagkat ang ikakasal ay isang birhen, ang sabi ng madaldal na modista.

Noon nanghina ang kanyang loob. Siya ay hindi na birhen. Dinadaya niya si Roman. Hindi niya magagawa iyon kay Roman. Pinakamamahal niya si Roman. Higit sa kay Romy. Kay Erwin. Kay Lino.

“Pakinggan mo ako, Roman. Magagalit ka sa aking sasabihin, ngunit maipagpapasalaman mo rin ang lahat. Roman… Roman… nais kong iurong ang ating kasal.”

“Leni! Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Mahal kita, Roman. Pinakamamahal. Tandaan mo.”

“Kung gayo’y bakit, Leni? Bakit?”

“Hindi ako karapat-dapat, Roman. May nakaraan ako. Na ipinaglihim ko sa iyo. Roman… hindi na ako birhen!”

“Leni!”

Pinigil niya ang luha. Ayaw niyang kaawaan siya ni Roman. “Labinlima ako, noon. Roman. Nasa high school. At si Romy….”

Matagal na siyang tapos sa pagtatapat, hindi pa rin umiimik si Roman. O, R;oman. Paalam, Roman…

Saka hinawakan ni Roman ang kanyang palad. Pinisil-pisil. “Leni, ako naman ang may ipagtatapat sa iyo.”

Isang binatilyo at isang dalagita, magkamag-aral din sa high school, naging magkasintahan. Nagtanan. Ang dalagita ay binawi ng mga magulang. Sa kabila ng nangyari. Ang dahilan ay hindi ang pagkakaiba ng kalagayan sa buhay. Kapwa mabuting pamilya ang dalawa. Manapa’y upang iiwas ang dalawang kabataan sa susuunging hirap ng pagpapamilya nang hindi pa nakahanda. Sa pagdaraan ng araw, nagmaliw ang pagtitinginan. At ilang taon lamang ang nakalilipas, ang dalagita ay ikinasal. Sa isang kababata. Na hindi inalintana ang nakaraan. Pag-ibig.

Ang dalagita ay kapatid ni Roman.

SA GABI ng pulutgata, tinanong ni Leni si Roman. “Kung hindi nangyari sa inyong pamilya ang katulad ng aking karanasan, nasaan na kaya ako ngayon? Iniwan mo na rin ako marahil. Tulad ni Erwin. At ni Lino.”

Tinitigan siya ni Roman habang hawak-hawak, pisil-pisil ang kanyang kamay. “Marahil nga, Leni. Maaaring makitid din ang aking pag-iisip, nadadala ng damdamin, mataas ang pride. Ngunit ewan… maaari rin namang lumawak ang aking pag-unawa, pagkatapos nang nangyari sa aking kapatid. Maaari rin namang likas na matibay, walang hangganan ang aking pag-ibig. Sa karanasan ng aking kapatid, naniniwala na ako na may gayong uri ng pag-ibig. Naniniwala na ako, Leni. Naniniwala na ako sa pag-ibig!”

At siya ay naniniwala rin. “Ako rin, Roman. Ako rin….”

Liwayway, Disyembre 06, 1971

Tuesday, April 8, 2008

LABINLIMA LAMANG, IBIG NANG MAG-ASAWA

LABINLIMA LAMANG, IBIG NANG MAG-ASAWA

Ikalawa sa Tatlong Bahagi

DUMATING kinabukasan ang mga magulang ni Romy. At halos kasunod, ang ama’t ina niya. Kinukuha siya. Tumutol ang partido ni Romy. “Nahihiya kami sa ginawa ng aming anak,” wika ng ama ni Romy. “Ngunit nakahanda kaming ituwid ang lahat. Ipakakasal namin nang maayos ang mga bata.”

Umiling ang ama niya. “Ang isang pagkakamali ay hindi maitutuwid ng isa pang pagkakamali.”

“Ano’ng ibig ninyong sabihin?” Gumatol ang tinig ng ama ni Romy.

“Hindi kailangang ikasal ang mga bata.”

Hinanap ng kanyang mga mata ang mukha ng kanyang ina. Yumuko ito. At sinaklot ng isang walang pangalang pangamba ang kanyang buong katauhan. Hindi sa nangyari sa kanya. O sa mangyayari sa kanya. Kundi sa nakaambang pagkawala sa kanyang buhay ni Romy.

Nang sinundang gabi lamang. Ang mga labi, mga halik ni Romy. Ang mga bisig na nagsilbing unan niya sa magdamag. Ang lumulukob na init ng katawan. Ang…

Nanaig ang kagustuhan ng kanyang mga magulang. Hindi sila ikinasal. At umiyak siya nang umiyak.

Sabi ng kanyang ama. “Sige, umiyak ka na hanggang gusto mo. Ngayon. Dahil matutulungan ka pa namin. Kung ikaw ay aming ipinakasal, wala ka nang kawala sa iyong kapalaran.”

Ang kanyang ina. “Kung ang iniiyak mo ay ang maaaring sabihin ng mga tao, nagsasayang ka lamang ng luha. Dahil lilipas ang mga tsismis. Magsasawa ang mga bunganga sa pagdalirot sa iyong buhay. Darating ang panahong malilimutan na ang lahat. Pero kung pumayag kaming makasal ka kay Romy, ano’ng mangyayari sa iyo? Hindi ka na makapag-aaral. Magkakasuson-suson ang inyong mga anak. Hindi na makatatapos ng karera si Romy. Kailangang maghanap-buhay para may maipakain sa inyo. Ano’ng inyong kahihinatnan? Wala. Beinte anyos ka pa lamang, pindangga ka sa kunsumisyon.”

Dinala siya sa lungsod. Pinatingnan sa isang kakilalang doktor. Balak ipagamot. Kung. Pero talagang wala. Hindi nagkabunga ang isang gabing pagsisiping nila ni Romy. At siya, sa panlabas na anyo, ay isa pa ring dalaga. A, hindi. Isa pa ring dalagita. Dahil labinlima pa lamang siya.

Sa lungsod na siya nagpatuloy ng pag-aaral. Matagal bago niya nakalimutan si Romy. Sa isang mahabang panahon, ito pa rin ang simula at wakas ng kanyang mga araw. Ang laman ng kanyang mga panaginip. At sa kanyang mga panaginip, laging kapiling niya si Romy. Hinahagkan siya. Nilulukuban ng init ang katawan. Ang pangako ay halos marating niya. Saka siya magigising. At gusto niyang sumigaw. Alam niya, kapag nagpatuloy ang gayong pangyayari, may hibla ng katinuang malalagot sa kanya.

Saka dumating ang isang balita. Nagtanan ng babae si Romy. Isang dati niyang kamag-aral. Kakilala. At ikinasal.

Ang pagnanasa kay Romy ay nasubhan. Hindi niya ako mahal. Kay daling panahon, nakakuha na siya ng kapalit.

At siya ay nakalimot.

LABINGWALO siya. At maganda. Ang nakaraan ay anino na lamang sa kanyang mga mata. Isang pangako ng kaalaman, na kumikiliti sa mga matang matapang makipagtitigan sa kanya.

Kakilala si Erwin ng isang kamag-aral sa kolehiyo. Guwapo. Nanliligaw sa kanya. At nadama niya, nahuhulog ang kanyang loob dito.

“Leni, kailan mo pa ‘ko sasagutin?”

“Kailan lamang tayo nagkakila, Erwin.”

“Ano pa ba ang dapat nating malaman sa isa’t isa. Mabuti akong tao. Walang masamang hangarin sa iyo.”

“Ikaw, mabuting tao. E, ako. Hindi mo ako lubusang nakikilala, Erwin.”

“Wala sa mukha mo, Leni…”

“Malay mo.”

“Wala sa tipo mo, Leni.”

“Wala nga marahil, Erwin. Pero gusto ko pa ring malaman mo ang lahat tungkol sa akin. Bago kita sagutin.”

“Hindi mahalaga sa akin ang iyong nakaraan, Leni. Mahalin mo lang ako. Sabihin mo lang na mahal mo ako.”

“Mahal… mahal kita, Erwin. Pero…”

“Tama na, Leni. Huwag ka nang magsalita. Mahal mo ako. At mahal kita. Iyon lamang ang mahalaga para sa akin.”

Naging kasintahan niya si Erwin. Labingwalo siya at dalawampu ito. At sa loob ng mahaba rin namang panahon mula nang magkahiwalay sila ni Romy, muli niyang nadama ang ligaya ng isang minamahal at nagmamahal. Ngunit ligayang nalalambungan ng pangamba. Paano kung dumating sa kaalaman ni Erwin ang lahat? Hindi raw mahalaga rito ang nakaraan niya, sapagka’t marahil, ang akala ni Erwin, sa bokabularyo ni Erwin, ang tinatawag na nakaraan ng isang dalagang tulad niya ay ang pagkakaroon lamang ng kung ilang manliligaw, o isa o dalawang kasintahan. Mga crush. Puppy love. Romantic interest. At wala na.

Isang araw, hindi na lamang dumating si Erwin. Sa oras na dapat idalaw ay wala. Naghintay siya. Baka nagkasakit. O may mahalagang pinagkaabalahan. Mga pangyayariwng hindi maiwasan.

Makaraan ang isang linggo, tumanggap siya ng isang sulat. Ikinalulungkot ko, Leni, makabubuting maghiwalay na tayo. Maraming sinabing dahilan si Erwin. Na kailangang magtapos muna sila ng pag-aaral. Na mabuting ipaubaya sa panahon ang pagsubok sa katapatan ng kanilang pag-ibig sa isa’t isa.

Matagal bago niya nalaman ang lahat. Maliit lamang ang daigdig, ang wika nga. Sa isang kasayahan, may nakatagpo si Erwin na isa niyang kababayan. At tama ang kutob ng kanyang loob. Iba ang pakahulugan ni Erwin sa tinatawag na nakaraan ng isang dalagang tulad niya. Hindi ang katotohanang nangyari sa kanya.

Ang pait ay unti-unti niyang nadama.

DALAWAMPU’T isa siya. At tapos na ng karera. Nag-oopisina sa isang malaking tanggapan. Kasamahan niya si Lino.

“Maaari bang makadalaw sa inyo, Leni?”

May pag-ibig si Lino, alam niya. Nasa mga kilos nito. At nabuo ang isang balak sa kanyang isipan. “Bakit hindi….”

Dumalaw, nanligaw, matiyagang sinuyo siya ni Lino. May personalidad, may ipinangangakong hinaharap sa trabaho, maalalahanin, si Lino. Mga katangiang umakit sa kanya. At siya’y nagpasiya.

“Gaano mo ako kamahal, Lino?”

“Nakahanda akong pakasal sa iyo, Leni, mabigyan lamang ng kaunting panahon upang makapaghanda.”

“Pwede bang malaman, Lino, kung bakit ako ang napili mong ligawan sa dinami-dami ng iyong mga kakilalang dalaga?”

“Tahimik ka, Leni, iyong tinatawag na mahinhin, na sa panahong ito’y bihira nang matagpuan. Mukha kang mabait, at sa tinagal-tagal ng ating pagkakaibigan ay napatunayan kong totoo. Saka, maganda ka. Hindi ako naiiba sa karaniwang lalaki. Gusto ko ng maganda.”

“Ibig mong sabihin, Lino, nagustuhan mo lamang ako dahil sa magaganda kong katangian? Paano kung malamang mong may natatago pala akong hindi kainamang ugali, e, di mababawasan ang iyong pag-ibig sa akin. Ha, Lino?”

“Hindi rin naman, Leni. Walang taong perpekto. Kaya hindi ko inaasahang wala kang kapintasan. Mahal ko pati iyong kapintasan, Leni, sapagkat bahagi iyon ng iyong sarili. Gayon ang aking pag-ibig. Walang hangganan.”

“Hindi sa ayokong maniwala, Lino. Ngunit pakinggan mo muna ang aking ipagtatapat sa iyo. Tungkol sa akin. Isang karanasan.”

Matamang nakinig si Lino sa kanyang mga sinabi. Ngunit maliban sa pamumuti ng kamao sa mariing pagkadaop ng kamay ay wala na siyang nakitang reaksiyon. Sa kilos. Sa salita. Sa kabila niyon, hindi na niya inasahang babalik pa o magpapatuloy pa ng panliligaw si Lino.

Bumalik si Lino. Sa panunuyo. At paano siya makatatanggi. Naging magkasintahan sila.

“Manood tayo ng sine, Leni.”

Rizal Park. Tabing-dagat. Dancing fountain. Chinese Garden. Damuhan. Malilikot na kamay. Ang piping pagtutol ay nagkatinig. “Lino, huwag!”

At hindi niya nagustuhan ang isinukling ngiti ng kasintahan. Sa pakiramdam niya’t para ba siyang inuuyam.

“Outing tayo ngayonag weekend na ito, Leni.”

Ang pagyayaya ay ginanti niya ng tanong. “Kailan mo balak na tayo ay pakasal, Lino?”

May isang saglit na natigilan si Lino. Pagkuwa’y mataman siyang tinitigan. Ang mukha ni Lino ay ang mukha ng Linong nanunuyo sa kanya noong araw na hindi pa alam ang kanyang nakaraan. “Patawarin mo ako, Leni. Sa aking mga ginagawa sa iyo. Nahihirapan ang aking loob na sabihin… may hangganan ang aking pag-ibig. Leni, hindi ko matanggap ang iyong ipinagtapat sa akin. Parang nakukulangan ang aking pagkalalaki. Leni, alam kong mali, ngunit sana’y maunawaan mo ako…”

Naunawaan niya si Lino at sila ay naghiwalay. Hindi naglipat buwan, lumipat ito ng opisinang pinapasukan.

(Hindi na ba makatatagpo si Leni ng tunay na magmamahal sa kanya? Wala na ba siyang tinatanaw sa buhay? Abangan ang katapusang bahagi ng “Labinlima lamang, Ibig nang mag-asawa”.

Tuesday, April 1, 2008

LABINLIMA LAMANG, IBIG NANG MAG-ASAWA

LABINLIMA LAMANG, IBIG NANG MAG-ASAWA

Una sa Tatlong Bahagi

LABINLIMA siya at umiibig. Si Romy ang kanyang buong daigdig. Ang simula ng kanyang araw. Ang liwanag ng ninikat na araw. Ng papalubog na araw. Ang simula ng gabi. At mga panaginip. Lahat ng kanyang mga pangarap sa buhay ay umiikot sa katauhan ni Romy. Labinlima siya. At mataos na umiibig.

Romy. Romy. Romy.

“Naiisip ko lang, Leni… alangan ako sa iyo.”

Inirapan niya si Romy. “Anong alangan? Nagsalita ka na naman diyan.”

Hinimas ni Romy ang noo. At mariing pumikit. “Mayaman kayo…”

Pumiksi siya. “Hus… ano bang yaman ang pinagsasabi mo? Pobre rin kami, ano’ng akala n’yo,”

Nakatitig si Romy sa kanya. Pagkuwa’y nagkibit ng balikat. “Siguro ngang pobre rin kayo, Leni, pero dito sa bayan natin, tinitingala ang inyong pamilya. Kilala. May pangalan.”

Si Romy. Lagi na lang minamaliit ang sarili. Kesyo kung sino lamang ito at kesyo sila’y mayaman. Kahit saan sipatin, talagang alangan. Langit at pusali, sasabihin pa nito. Na hindi naman niya pinaniniwalaan.

Totoo ngang kilala sila dahil sa isang lolo na naging alkalde at tiyuhing naging congressman. Pero hindi mayaman. Kaya, pareho lamang sila ni Romy.

Hanggang sa kausapin siya ng kanyang ina.

“Ano ‘yung nababalitaan ko, Leni?”

“Tungkol ho saan?”

“Sa inyo ni Romy.”

Hindi siya kumibo. Hindi niya alam ang sasabihin, kung aamin o magsisinungaling.

“Hindi ba si Romy ay iyong anak ni Corpuz na empleyado sa munisipyo?”

Alam niya, karaniwang clerk lamang ang ama ni Romy. Tumango siya.

“Alam mo, Leni, hindi naman sa pinipigil kitang makipagkaibigan kay Romy. Pero baka kung ano ang kahinatnan ng inyong pagtitinginan. Hindi pa napapanahon na ikaw ay maging seryoso sa iyong relasyon sa isang lalaki. Sa madaling sabi, musmos ka pa. Ilang taon na ka, Leni?”

Labinlima siya. At tapat ang kanyang pag-ibig kay Romy.

“BATA pa raw ako, Romy. Sabi ng Nanay, hindi pa napapanahong maging seryoso ako sa pakikipagkaibigan sa iyo,” kuwento niya rito.

“Naniniwala ka namang iyon ang tunay na dahilan ng pagkausap sa iyo,” sagot nito.

Napangat-labi siya. “Hindi nga ako naniniwala.”

Ang kirot ng damdamin ay nasa mga mata ni Romy. “Mahirap kami, Leni. Kung sino lamang. At kayo’y pamilyang may pangalan. Iyon ang tunay na dahilan. Iyon, Leni.”

Ang kirot ay nadama rin niya. Masidhi ang kanyang pagnanasang magamot ang nasaktang damdamin ni Romy. “Pero mahal kita, Romy. Kahit ano pa’ng sabihin ng Nanay. Kahit na magalit pa’ng Tatay. Basta, mahal kita. Tayong dalawa pa rin. Kung … gusto mo.”

Labing-anim si Romy. At mapusok. “Gusto ko, Leni. Dahil mahal na mahal kita. At pag nawala ka sa akin….”

Tinutop niya ng palad ang bibig ni Romy. “Hindi ako mawawala sa iyo, Romy.”

Ang kamay niya ay mahigpit na hinawakan ni Romy. Ang kanyang palad ay mariing hinagkan. “O, Leni…”

Pabiglang hinila niya ang kanyang kamay. Ngunit huili na. Ang init ng mga labi ni Romy ay apoy ng herong pumaso, nagmarka sa kanyang laman. Sa kaliit-liitang himaymay ng kanyang katawan. “Romy!”

“Kung talagang mahal mo ‘ko, Leni… Kung talagang mahal…”

Pigil niya ang kanyang hininga. “Ano…?”

“Sasama ka sa ‘kin, Leni. Magtanan na tayo.”

“Ha?”

“Wala na silang magagawa, Leni. Hindi na nila tayo mapaghihiwalay.”

Sa kanyang isipan ay naglaro ang larawan ng kanyang ama. At ang galit nito. Ang kanyang ina. Magagalit? Malulungkot? Maninisi?

May sinasabi si Romy. “Dahil walang butong natangay ang aso na hindi nalawayan.”

Naunawaan niya ang sinabi ni Romy. Ngunit ang pisikal na kahulugan niyon ay banyaga pa sa kanya.

“Ano, Leni?”

Mapilit si Romy. Nagmamadali ang tinig. Nagbabaga ang mga titig. Ang matiim na pagkalapat ng mga labi ay may ipinangangako.

At siya ay natangay. “Sasama ako, Romy. Kailan?”

“Bukas. Biyernes nang makapananghali. Hindi ka na papasok sa PE class ninyo. Aabangan kita sa paradahan ng bus. Pupunta tayo sa amain ko.”


NGUNIT wala ang amain ni Romy. Gabi na nang dumating. “Bakit ninyo ginawa ito?” itinanong kay Romy.

Sinulyapan siya ni Romy. “Kasi… kasi, may nangyari na ho sa amin ni Leni.”

Pero, wala pa. Nagsisinungaling si Romy. At alam niya kung bakit. At inihanda na lamang niya ang kanyang isasagot kapag siya ay tinanong ng amain nito.

Ngunit hindi siya tinanong. Ang binalingan ay ang asawa nito. “Problema ang dala ni Romy, ‘oy. Ano kaya’ng mabuti?”

“E, di puntahan na lang ang Kaka. Para maiayos ang lahat.”

“Ngayon na rin ako lalakad.”

“Gabi na.”

“Kailangang malaman ng Kaka. At nang mapag-usapan ang gagawing pagsasabi sa mga magulang ni Leni. Doon na ako matutulog. Ikaw na’ng bahala sa mga bata.”

Nang gabi ring iyon ay umalis ang amain ni Romy. At nang oras ng pagtulog, narinig niya ang pag-uusap ng mag-ale. Nagtatalo. “Hindi pa kayo kasal,” ang sabi ng ale ni Romy.

“Kahit na, Tiya. Tutal, kami naman ni Leni ay halos mag-asawa na. May nangyari na sa amin, Tiya. Kaya kami nagtanan. Kaya kami narito.”

Gusto niyang matawa nang malakas sa narinig kay Romy. At sa kaibuturan ng kanyang sarili, nadama niyang gusto rin niya ang gustong mangyari ni Romy.

Nalamuyot, naniwala, ang ale ni Romy. Nang gabing iyon, nagsiping sila ni Romy. Sa unang pagkakataon.

Leni. Leni. Leni.

Romy!

LABINLIMA siya. At labing-anim si Romy. Ibinigay nila kapwa ang lahat-lahat para sa isa’t isa. Ang mga pangakong ligaya ay ipinadama. At nadama. Na para bang wala nang kinabukasan pang darating.

(Hanggang kailan magtatagal ang kaligayahang nadarama ni Leni? Ano ang kinabukasang naghihintay sa kanila ni Romy? Abangan ang susunod na bahagi.)