Wednesday, March 16, 2016

Ang Kaibigang Nagbigay sa akin kay Tanya




ANG KAIBIGANG NAGBIGAY SA AKIN 
KAY TANYA

Si Tanya ay isang dachshund na nahingi ko sa isang kaibigan. Matagal nang wala si Tanya sa aming piling. Isa siya sa tatlo naming aso na dinapuan ng sakit, biktima ni Ondoy. Ngunit matagal ko nang naipagluksa ang pagkaulila ko sa asong ito. Bakit ngayon ay muli kong binabanggit?  

Dahil ang aming barkada noong nasa University of the East CPA Review Class kami...ay inulila na rin ng kaibigang nagbigay sa akin kay Tanya. Isang kaibigang noong araw, ay kasa-kasama namin, isinasakay kami sa kanyang owner na jeep, inihahatid kami sa Craig kung saan kami nakatira kahit baha sa Espana, isang karaniwang tao, isang magulong kabarkada, isang anak na devoted sa kanyang nanay noon hanggang sa huling sandali, na hindi namin sukat akalain, magiging isang taipan, a business tycoon, tinitingala at hinahangaan sa pagiging generous, matulungin, marunong lumingon sa pinanggalingan.

Paano ba kami nagkita matapos maghiwa-hiwalay sa UE. Nabasa ko ang pangalan niya sa diyaryo. May larawan pa siguro kaya nalaman kong siya nga iyon. May nadagdag kasi sa kanyang pangalan. Insurance underwriter ako noon at agad ko siyang pinuntahan sa Makati dahil balak ko siyang bentahan ng insurance. Nakatutuwa, at kalaunan ko lamang nalaman, kumuha siya ng insurance sa akin, maliit lamang, isang pagbibigay sa isang kaibigan, ngunit may-ari na pala siya ng isang insurance company. Nonlife siguro, pero kahit na. Nakatutuwa pa rin. At nakakatawa sa akin. 

Doon muling nagsimula ang koneksiyon ng dating barkada. Siya, na matapos ang maraming taong hindi namin ipinagkita-kitang magkakabarkada ay hindi nagbago ng pakikitungo sa amin, sa kabila ng iba nang kalagayan niya sa buhay. Sa pana-panahon, matapos ang muli naming pagtatagpo, lagi siyang tumatawag at magsasabi, magkita-kita naman tayo, sabik na ako sa barkada. Dahil sabi niya, iba pa rin ang kanyang pakiramdam kapag kami ang kanyang kasama, mga dating kaibigan noong siya ay siya pa rin, at wala pa. At siempre, natutuwa naman kami. Sino ang hindi matutuwa kung naiimbita ka sa opening ng Manila Grand Opera Hotel, sa launching ng kanyang mga librong sinulat ni Nick Joaquin at ni Jose Lacaba,  mag-lunch o dinner sa kanyang mga restaurant? Na kapag naroon na kami at hindi pa siya dumarating ay magte-text nang mag-order na kayo ng kung ano ang gusto ninyo. Na siempre naman, kaming mga babae ay magkakani-kaniya nang order. Si Linda ay Peking duck, ako ay alimango. Hindi diretsong o-order si Regia ngunit sinasabi niyang halabos na hipon ang gusto niya. Ikinatutuwa niya ang lahat ng ito. 


Naranasan rin namin na sumakay sa kanyang yate at magpiknik sa Batangas, magkwentuhan tungkol sa UE days, sa mga pinagdaanan niyang hirap bago narating ang kinalalagyan niya ngayon, mga taong kausap niya, taong gobyerno, taong simbahan.  Kukumustahin rin niya kami, kung ano ang aming ginagawa. tutuksuhing mga Lola na. Nasisiyahan siyang makita na masaya kami. At ipinagmamalaki namin siya: ang kaibigang milyunaryo. bilyunaryo, na hindi nakalilimot.

Siya ang nagte-text kung nais niya kaming makita. Late last year at early this year, lihu-liho ang aming mga available na araw dahil sa coding, kaya iyong hiling niyang magkita-kita kami mula noong Oktubre na naging Enero na naging Pebrero na, ay hindi natuloy. May text pa ako sa kanya noon na humihingi ng pasensiya at sana ay huwag siyang madadala sa amin. Ang sagot niya: Mahal ko kayong lahat. Hindi ko kayo malilimutan. May prefix pa ang kanyang pirma na Amba. Sagot ko naman, wow, nakakataba ng puso.  Na sinagot niya, Totoo yon. Na pinaniwalaan namin. Paano mo malilimutan ang isang taong katulad niya?

Ang pangalan ng aking asong si Tanya ay kinuha ko sa pangalan niya. Pero kuwento ko sa kanya noon, ordinaryo naman kung Tonya, dahil babae, mula sa Antonio. Pagagandahin ko na lang at gagawing Tanya.

Pito kami sa barkada. Na dumarami kung kasama ang aming mga kasama sa buhay. Ngunit sa aming pito, kami na lamang nina Joe ang natitira, tatlo na silang lalaki na nauna nang lumisan. Si Oscar. Sumunod si Vic. At ngayon, siya...

Paalam...Tony... paalam.  

 

Tuesday, March 15, 2016

Kuwento ng Pebrero at Marso 2016 sa Liwayway



Kuwento ng Linggo sa 
Pebrero at Marso 2016 
sa Liwayway

Narito ang pabalat ng Liwayway kung saan matatagpuan ang mga kuwento ko.

Sana ay makatagpo pa kayo ng mabibiling sipi nito.


Kislap ng Pag-ibig sa Karimlan - Ito ay kuwentong pang-Valentine. Naaalaala pa ba ninyo ang mga nakaraang Valentine sa inyong buhay? Nang may nanliligaw o nililigawan kayo? Sabik sa paghihintay ng araw na ito ng mga puso. Nakahanda na ang panregalo sa minamahal. Binibilang na at kinukwenta ang perang panggastos sa restoran na kakainan. Noon kami, pa-Max-Max lang. Isipin mong sa beinte pesos, may pantaksi na, pansine at fried chicken pa sa Max. Iyong medyo mataas na ang sinusweldo, Aristocrat siguro. Baka Sulo pa. Ang mga daily lang ang kita, pwede na ang Wah Nam o Ma Mon Luk, o halo-halo sa LIttle Quiapo. Pero ang tanging masasabi ko, kaming mga bunga ng henerasyong iyon na may ganoong uri ng Valentine Celebration, e, still going strong pa rin ang pagsasama sa ngayon. 






Senior's Sleepover - Hindi ko naranasan ang makitulog sa ibang bahay noong maliit ako. Ngunit nang maging teenager at nag-aral sa Maynila, paminsan-minsan ay niyayaya ko ang aking mga kabarkadang babae (pinsan at kababata) na matulog sa aming bahay. Hindi sila lumuwas at nag-aral, kaya nagkakasabikan kami ng kwentuhan. Sa sala ng aming bahay ay maglalatag kami ng mahabang banig sa may tabi ng bintana kung saan binubuksan namin ang bentanilya kaya nasisilip pa rin at naririnig ang mga nagdaraan sa kalsada. Magkakabit kami ng malaking kulambo at magkukwentuhan ng aming mga crush. Natatandaan ko pa ang isang gabing maulan, panay ang kidlat at kulog. Sa tuwing makikislapan kami ng liwanag ng kidlat, magsisigawan kami. Feeling namin ay flash ito ng kamera at kami ay kinukuhanan. Sabik pa kami noong makodakan. Sa bayan namin, si Topico lamang yata ang may kamera at studio at kung kaibigan ka niya, marami kang litrato. Di tulad ngayon, lahat ng celfone, may kamera na yata. 

Sa mga sleepover, marami ang napagkuwentuhan. Kung sa mga seniors ngayon ito mangyayari, ang kuwentuhan siguro ay iikot sa kung anong maintenance na gamot ang iniinom at kung ilang operasyon na ang nadaanan, na siyang sinisisi kung bakit nagiging malilimutin. Gawa raw ng anaesthesia. Oo na... ayaw pa kasing aminin...

 

Monday, January 18, 2016

Liwayway sa Abroad


May nag-request sa akin na ilagay ko raw ang listahan ng mga bagong kuwento kong kalalathala sa Liwayway nitong mga nakaraang araw. Kasi, may mabibili sa abroad nito thru internet sa isang link or website na nadiskubre niya. Okey. Sana lang, may back issues pang naroroon.

1. Kahilingan ni Bebi--------------------- Enero 18, 2016
2. Closure sa Bagong Taon------------ Enero 04, 2016 
3. Isang Kuwentong Masaya-----------Disyembre 07, 2015
4. Ang Karaoke ni Tatay---------------- Nobyembre 30, 2015
5. Sa Kabila ng Sapa-------------------- Nobyembre 16,  2015
6. Sanggano In My Mind---------------- Oktubre 19, 2015
7. Ang Bangko sa Bangketa----------- Setyembre 28, 2015
8. Shakespeare---------------------------- Setyembre 14, 2015
9. Ang Dalawang Daigdig ni
   Manang------------------------------------- Agosto 31, 2015
10. Magic Jack------------------------------ Agosto 10, 2015  


 
 
Ang pabalat ng kuwentong Closure sa Bagong Taon ay si Miss Universe, our very own Miss Philippines Pia WurtzBach.





Sa mga taga-abroad, hindi na problema ang pagbasa ng Liwayway. May mabibili na riyan. Google na ninyo kung saan.  Kahit paano, alam kong makaka-relate kayo sa mga kuwento ko ngayon. Maligayang Pagbabasa.

Sunday, January 17, 2016

Cherry Pics


Natatandaan ko pa, ang una kong suweldo ay ibinili ko ng class ring. Kasi noong panahon namin, uso ang nagbibigayan ng class ring ang magnobyo. Pero wala pa akong boyfriend nang bilhin ko ito, naghahanda lang. Ang pangalawang binili ko ay camera, isang Kodac Brownie. Ang pangatlo ay pagpapa-assemble ng isang Hi-Fi sa isang pinsan, kumpleto sa turntable na pwedeng lagyan ng patung-patong na plaka para sunud-sunod ang tugtog. Siempre, inipon pang lahat ang pambili ng mga ito, kasi, una muna ang obligasyon. Noon ang sinundan kong kapatid ang nagbayad ng aking upa sa dormitoryo sa buong pag-aaral ko bago siya nag-asawa. Ako naman ang nagbigay ng allowance sa sumunod kong kapatid habang ito ay nag-aaral. Ganoon kami noon. Kayo ba ngayon?

Pero balik tayo sa camera. Ang hilig kong magkuha ng pictures noon. Black and white pa 'kamo at kailangan pa ang film at pa-develop. Kung ang mga bagong naghahanap-buhay noon ay mahilig sa pagbili ng alahas, ako naman ay sa pagbili ng film at long-playing records noon. Ngayon naman, napansin kong basta nagkapera ang isang naghahanap-buhay lalo at wala pang pamilya, sa Boracay na o Palawan o Bohol o Singapore o Japan mo mababalitaang nagpunta. At wala nang debe-develop ng pictures. Punta ka na lang sa facebook nila.

Kay Cherry pa rin ako, ang sumpungin kong celfone na malimit mag-init, ewan kung bakit. Narito ang ilan kong kuha. Natuwa lang ako.

 Halinang maupo... sa ulilang bangko
At doon aliwin sawing mga puso.

Ang bughaw na langit, ating tingalain
Palad ng pag-ibig ay doon basahin.


O kakain muna nang sabay
Ng ensaladang makulay
Na pati mga petal
Kasama na ng gulay!

Facebook Gems


FACEBOOK GEMS---1

Wala akong facebook dahil may blog na ako na halos hindi ko na nga maasikaso na entradahan ng mga dating kuwento, ay abala pa rin ngayon na magsulat ng mga bago, dahil naimbitang mag-contribute ulit.

Ngunit nakikibasa ako sa facebook ng may facebook (aking anak na hindi rin ito naasikaso dahil bukod sa mga chores daw niya sa bahay, hino-homeschool pa ang mga anak at volunteer pa sa kung saan-saan). 

At marami akong nababasa doon, mga trivia, mga tula, kwento ng buhay, mga nag-birthday, nag-celebrate ng kung anu-ano, reunion, balita sa mga malalayong kamag-anak at matagal nang hindi nakikitang kaibigan, pulitika tulad ng paglalaho ng inaasam na increase sa pensiyon, showbiz at aldub, kung sila na nga talaga, pagandahan ng mga profile pictures, pagalingan ng mga anak, cute na mga apo, mga kinain at pinuntahang restoran, sarap!, mga pinasyalang beach, resort, siyudad, pinanood na mga sine o theatre, Broadway o London o Solair (heheh, hanggang dine lang kami sa Marikina pag Lunes at Martes, second week ng pelikula, first screening for seniors), pinakinggang banda o singer in town... ay, ang daming makikita sa facebook. At mapupulot.

Narito ang isa, mula raw kay Shakespeare -

I always feel happy, You know why?
Because I don't expect anything from anyone.
Expectations always hurt...
Life is short, so love your life.
Be happy and keep smiling
Just live for yourself.
And...
Before you speak, Listen
Before you write, Think
Before you spend, Earn
Before you pray, Forgive
Before you hurt, Feel
Before you hate, Love
Before you quit, Try
Before you die, Live. 

 Maganda, di ba? Kaya, okey din talaga ang facebook.





 

Thursday, January 14, 2016

Mga Kuwento sa Liwayway ngayong buwan ng Enero, 2016



MALIGAYA, MANIGO, MAPAYAPANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT


Sa taong ito, baguhin natin ang dapat baguhin...
Lagyan ng tuldok ang mga kabanata ng buhay
na dapat wakasan...
Ituloy ang mga pangyayaring nasa balag ng alanganin...
Bigyan ng kalutasan ang mga alinlangan...
Nang sa gayon, tunay na maging masaya tayo 
at lapitan ng mabuting kapalaran.

Narito ang isang kuwento tungkol sa pagtutuldok o pagpapatuloy ng kabanata ng isang buhay. Sana, may mabili pa kayo sa National Bookstore.







Isa ako sa mga naging mapalad na magkaroon ng kasama sa bahay na masipag, may malasakit at mapagkakatiwalaan.
Naikuwento ko na rin sa Liwayway ang buhay nito, si Manang na may dalawang daigdig na ginagalawan. Ang kuwento ko naman ngayon ay tungkol sa kanyang kaibigan na si Bebi. Ang mga katauhan sa kuwento ay halos hango sa kanila, bagaman at ang mga pangyayaring isinasalaysay ay kathang-isip lamang. Nais ko lamang itampok ang kanilang mga katangian. Mabuhay sila!


Baka may abutan pa kayong sipi ng Liwayway diyan sa may tindahan ng diyaryo. Bili na. Paminsan-minsan, sisilip kayo sa kung ano ang nilalaman ng magasin, baka swertihin kayong may kuwento ako. Matagal pa kasi bago ko mailagay ang mga ito dito sa aking blog.

2008 - 2014 Listahan ng mga Kwento sa Blog

LISTAHAN  NG  MGA  KWENTO  SA  BLOG, 2008-2014

Sa mga bagong mambabasa, na ngayon lamang nabalitaan ang blog na ito na kababasahan ng mga kwentong nalathala noon sa Liwayway na marahil ay hindi ninyo nabasa dahil hindi pa kayo ipinapanganak, inaanyayahan ko kayong basahin ang simula ng blog noong 2008.  Doon ay isinalaysay ko ang mga dahilan sa pagsulat nito. At sa maniwala kayo at sa hindi, ito ay para sa mga kabataang tulad ninyo. Kumbaga ay isang pagkakataon na inyong masulyapan ang isang ginintuang panahong ginalawan ng aming henerasyon.

At para sa mga bagong tagasubaybay na ito at sa mga dating nais magbalik-basa, narito ang listahan ng mga kwentong matatagpuan dito. Hindi lamang mga kwento, may kasama pa rin ditong mga iba't ibang salaysay o muni-muni o nilay-nilay. Mga awit, tulakis, personal na karanasan.
  
Simpli lamang ang mga hakbang na gagawin upang mapuntahan at makita ang mga nasabing kwento at lathalain.

-Sa listahan ng kwento rito, piliin ang gusto ninyo.  
-Sunod ay hanapin sa archive na nasa dakong kanan ng blog ang taon at buwan ng pagkalathala.  Halimbawang napili ay "Ang Pag-ibig ni Dalisay". Click the year 2008 and then the month of February.  Mapupunta na ang blog sa pahinang pinindot mo.  
-Mapapansin rin sa mga pahinang binisita, kung minsan ay  nakalagay sa ibaba (bottom of the page) ang mga salitang OLDER BLOG. Ibig lamang sabihin, may iba pang lathalaing kasunod. Click lamang para makita.
-Maligayang pagbabasa ng mga lumang kwento!
-At narito ang kumpletong listahan. 




LISTAHAN NG MGA KWENTO SA BLOG


2008 -

2/22/08    -Ang Pag-ibig ni Dalisay
3/12/08    -Ga'nong Porsiyento ng Pagmamahal
4/108      -Labinlima Lamang, Ibig nang Mag-asawa 
5/2/08     -Karugtong ng Isang Mayo
6/2/08    -Biyenan at Manugang
7/7/08    -Iskolar
8/4/08    -Ang Ulan sa Buhay ni Lety
9/1/08    -Pagkalipas ng Bagyo
10/6/08  -Hiwalay
11/2/08 -Kagabi, Marami nang Todos Los Santos ang    Nakalipas
12/7/08  -Ang Pasko ay Para sa Lahat ng Bata
2009 -
1/7/09  -Ngayon, sa Pagharap sa Bagong Araw
2/4/09  -Isang Pook, Dalawang Panahon
3/8/09  -Larawan ng Pag-ibig
4/1/09  -Minsan, May isang Barkada
5/3/09  -Ibukas Mo lang ang iyong Puso
6/3/09  -Bago Pakasal, Bakit di muna natin Subukin
7/4/09  -May Puntos ang Pagibig
8/1/09  -Frank
9/6/09  -Pinakamamahal Kita, Kaya...
2010 -
1/8/10     -Umaga Na
1/15/10   -May Isang Bagong Tatsulok
1/29/10   -Ang Makaliligaya kay Chito
2/10/10   -Minsan, Isang Araw ng mga Puso
2/18/10   -Natatandaan mo pa Ba?
3/12/10   -Ang Buhay, Iba't Ibang uri ng Pagkain
4/9/10     -Bagong Magdalena
5/15/10   -Sa Muling Pagiging Ina
6/2/10     -P'wera Biro, Ha?
6/26/10   -Katulad ng Kanyang Tatay
7/12/10   -Isang Kumot, Isang Unan, Isang Katre
8/7/10     -Ang Listahan ni Charo
9/15/10   -Sapagkat Mahal Kita
10/03/10 -Sapagkat Ganyan ang Pag-ibig
11/         -Kandila sa Harap ng Bahay
12/         -Masaya na ang Ating Pasko, Roehl
2011 -
1/         -Ngayon ang Mahalaga
2/         -Valentine Araw-araw
3/         -Casa Real
4/         -May Kani-Kaniyang Krus
5/         -Wakasan o Dugtungan
6/         -May Kasukat na Tungtong
7/         -Ang Pipiliin
8/         -Si Taba
9/         -Happy Anniversary
10/       -Gustong Mag-alaga ng Tigre
11/       -Ako'y Babalik        
2012
1/       -Ang Tagahanga ni Alice
1/       -Nunal sa Daluyan ng Luha
2/       -Pag-ibig sa Araw ng mga Puso
3/       -Kung May Darating Pa- Ruby
4/       -Bitag
5/       -May Rogel? Walang Bebet
6/       -Ang Lumang Bahay
7/       -Mahirap Ba Akong Mahalin- ist chapter
8/       -Sutlang Pangarap sa Loob ng Eskaparate
9/       -Ang Tahanan ni Erika
10/     -Isang Gabi sa Karnabal   
2013
2/       -Gusto ko nang Mamatay
2/       -Sa Muling Pagpintig ng Puso
3/       -Rigodon
4/       -Isang Gabing Walang Telebisyon
5/       -Love Bus
6/       -Sa Pagpili ng Kaisang-Palad
7/       -(walang kwento)
8/       -Alang-Alang sa Isang Bata
9/       -(wala)
10/     -(wala)
11/     -(wala)
12/     -Nobyembre 1 – Tipan sa Kahapon
12/     -Pasko: Isang Magandang Pangyayari
2014
1/    -Pagkakataon
2/    -Sariwang Rosas sa Araw ng mga Puso
3/    -Historia de un Amor
4/    -Wala
5/    -May Isang Puno ng Sampagita
6/    -Ama, narito ang iyong Anak
7/    -Helen 
8/    -Sa Paglalaro ng Apoy
9/    -Anibersaryo sa Piling ng Iba
10/  -Listahan ni Aleli
11/  -Lalaging Narito si Neneng
12/  -Wala
Sa mga dati nang sumusubaybay, huwag kayong magsasawa.  At salamat.