Wednesday, March 16, 2016

Ang Kaibigang Nagbigay sa akin kay Tanya




ANG KAIBIGANG NAGBIGAY SA AKIN 
KAY TANYA

Si Tanya ay isang dachshund na nahingi ko sa isang kaibigan. Matagal nang wala si Tanya sa aming piling. Isa siya sa tatlo naming aso na dinapuan ng sakit, biktima ni Ondoy. Ngunit matagal ko nang naipagluksa ang pagkaulila ko sa asong ito. Bakit ngayon ay muli kong binabanggit?  

Dahil ang aming barkada noong nasa University of the East CPA Review Class kami...ay inulila na rin ng kaibigang nagbigay sa akin kay Tanya. Isang kaibigang noong araw, ay kasa-kasama namin, isinasakay kami sa kanyang owner na jeep, inihahatid kami sa Craig kung saan kami nakatira kahit baha sa Espana, isang karaniwang tao, isang magulong kabarkada, isang anak na devoted sa kanyang nanay noon hanggang sa huling sandali, na hindi namin sukat akalain, magiging isang taipan, a business tycoon, tinitingala at hinahangaan sa pagiging generous, matulungin, marunong lumingon sa pinanggalingan.

Paano ba kami nagkita matapos maghiwa-hiwalay sa UE. Nabasa ko ang pangalan niya sa diyaryo. May larawan pa siguro kaya nalaman kong siya nga iyon. May nadagdag kasi sa kanyang pangalan. Insurance underwriter ako noon at agad ko siyang pinuntahan sa Makati dahil balak ko siyang bentahan ng insurance. Nakatutuwa, at kalaunan ko lamang nalaman, kumuha siya ng insurance sa akin, maliit lamang, isang pagbibigay sa isang kaibigan, ngunit may-ari na pala siya ng isang insurance company. Nonlife siguro, pero kahit na. Nakatutuwa pa rin. At nakakatawa sa akin. 

Doon muling nagsimula ang koneksiyon ng dating barkada. Siya, na matapos ang maraming taong hindi namin ipinagkita-kitang magkakabarkada ay hindi nagbago ng pakikitungo sa amin, sa kabila ng iba nang kalagayan niya sa buhay. Sa pana-panahon, matapos ang muli naming pagtatagpo, lagi siyang tumatawag at magsasabi, magkita-kita naman tayo, sabik na ako sa barkada. Dahil sabi niya, iba pa rin ang kanyang pakiramdam kapag kami ang kanyang kasama, mga dating kaibigan noong siya ay siya pa rin, at wala pa. At siempre, natutuwa naman kami. Sino ang hindi matutuwa kung naiimbita ka sa opening ng Manila Grand Opera Hotel, sa launching ng kanyang mga librong sinulat ni Nick Joaquin at ni Jose Lacaba,  mag-lunch o dinner sa kanyang mga restaurant? Na kapag naroon na kami at hindi pa siya dumarating ay magte-text nang mag-order na kayo ng kung ano ang gusto ninyo. Na siempre naman, kaming mga babae ay magkakani-kaniya nang order. Si Linda ay Peking duck, ako ay alimango. Hindi diretsong o-order si Regia ngunit sinasabi niyang halabos na hipon ang gusto niya. Ikinatutuwa niya ang lahat ng ito. 


Naranasan rin namin na sumakay sa kanyang yate at magpiknik sa Batangas, magkwentuhan tungkol sa UE days, sa mga pinagdaanan niyang hirap bago narating ang kinalalagyan niya ngayon, mga taong kausap niya, taong gobyerno, taong simbahan.  Kukumustahin rin niya kami, kung ano ang aming ginagawa. tutuksuhing mga Lola na. Nasisiyahan siyang makita na masaya kami. At ipinagmamalaki namin siya: ang kaibigang milyunaryo. bilyunaryo, na hindi nakalilimot.

Siya ang nagte-text kung nais niya kaming makita. Late last year at early this year, lihu-liho ang aming mga available na araw dahil sa coding, kaya iyong hiling niyang magkita-kita kami mula noong Oktubre na naging Enero na naging Pebrero na, ay hindi natuloy. May text pa ako sa kanya noon na humihingi ng pasensiya at sana ay huwag siyang madadala sa amin. Ang sagot niya: Mahal ko kayong lahat. Hindi ko kayo malilimutan. May prefix pa ang kanyang pirma na Amba. Sagot ko naman, wow, nakakataba ng puso.  Na sinagot niya, Totoo yon. Na pinaniwalaan namin. Paano mo malilimutan ang isang taong katulad niya?

Ang pangalan ng aking asong si Tanya ay kinuha ko sa pangalan niya. Pero kuwento ko sa kanya noon, ordinaryo naman kung Tonya, dahil babae, mula sa Antonio. Pagagandahin ko na lang at gagawing Tanya.

Pito kami sa barkada. Na dumarami kung kasama ang aming mga kasama sa buhay. Ngunit sa aming pito, kami na lamang nina Joe ang natitira, tatlo na silang lalaki na nauna nang lumisan. Si Oscar. Sumunod si Vic. At ngayon, siya...

Paalam...Tony... paalam.  

 

Tuesday, March 15, 2016

Kuwento ng Pebrero at Marso 2016 sa Liwayway



Kuwento ng Linggo sa 
Pebrero at Marso 2016 
sa Liwayway

Narito ang pabalat ng Liwayway kung saan matatagpuan ang mga kuwento ko.

Sana ay makatagpo pa kayo ng mabibiling sipi nito.


Kislap ng Pag-ibig sa Karimlan - Ito ay kuwentong pang-Valentine. Naaalaala pa ba ninyo ang mga nakaraang Valentine sa inyong buhay? Nang may nanliligaw o nililigawan kayo? Sabik sa paghihintay ng araw na ito ng mga puso. Nakahanda na ang panregalo sa minamahal. Binibilang na at kinukwenta ang perang panggastos sa restoran na kakainan. Noon kami, pa-Max-Max lang. Isipin mong sa beinte pesos, may pantaksi na, pansine at fried chicken pa sa Max. Iyong medyo mataas na ang sinusweldo, Aristocrat siguro. Baka Sulo pa. Ang mga daily lang ang kita, pwede na ang Wah Nam o Ma Mon Luk, o halo-halo sa LIttle Quiapo. Pero ang tanging masasabi ko, kaming mga bunga ng henerasyong iyon na may ganoong uri ng Valentine Celebration, e, still going strong pa rin ang pagsasama sa ngayon. 






Senior's Sleepover - Hindi ko naranasan ang makitulog sa ibang bahay noong maliit ako. Ngunit nang maging teenager at nag-aral sa Maynila, paminsan-minsan ay niyayaya ko ang aking mga kabarkadang babae (pinsan at kababata) na matulog sa aming bahay. Hindi sila lumuwas at nag-aral, kaya nagkakasabikan kami ng kwentuhan. Sa sala ng aming bahay ay maglalatag kami ng mahabang banig sa may tabi ng bintana kung saan binubuksan namin ang bentanilya kaya nasisilip pa rin at naririnig ang mga nagdaraan sa kalsada. Magkakabit kami ng malaking kulambo at magkukwentuhan ng aming mga crush. Natatandaan ko pa ang isang gabing maulan, panay ang kidlat at kulog. Sa tuwing makikislapan kami ng liwanag ng kidlat, magsisigawan kami. Feeling namin ay flash ito ng kamera at kami ay kinukuhanan. Sabik pa kami noong makodakan. Sa bayan namin, si Topico lamang yata ang may kamera at studio at kung kaibigan ka niya, marami kang litrato. Di tulad ngayon, lahat ng celfone, may kamera na yata. 

Sa mga sleepover, marami ang napagkuwentuhan. Kung sa mga seniors ngayon ito mangyayari, ang kuwentuhan siguro ay iikot sa kung anong maintenance na gamot ang iniinom at kung ilang operasyon na ang nadaanan, na siyang sinisisi kung bakit nagiging malilimutin. Gawa raw ng anaesthesia. Oo na... ayaw pa kasing aminin...