‘LA LANG… NAPAPANSIN LANG…
Kapag senior na raw, dapat na maingat sa paglalakad. Noong araw, hindi ako humahawak sa barandilya
o gabay pag umaakyat o nananaog ng hagdan lalo sa mga mall at publikong gusali.
Marumi ‘ikako ko. Ngunit ngayon, lagi ko na itong ginagawa. Maghugas na lamang
ng kamay pagkatapos. Kung walang mahawakang barandilya, lalo at sa madudulas na
sementadong suelo ng mga mall, uma-abresiyete na lamang ako sa aking kasama,
tuloy umaani ng komentaryong ang sweet
naman nila… hehehe kuno.
Tulad rin nang paglalakad nang nakayuko at tinitingnan ang
dinaraanan. Sa aking pamamalengke, naging ugali ko na ito. Sa nadaraanan kong
barangay na kinahihimpilan ng mga traysikel na aking sinasakyan, na nakawawala
at naglisaw ang mga aso (sa amin sa Marikina ay hinuhuli ang aso sa kalye),
malamang sa hindi, makatapak ka ng hindi kanais-nais na tumpok ng dumi. Gawa ko
ito hanggang dumating ako sa palengke
dahil basa ang mga dinaraanan, baka naman madulas, magtihaya, mabalian ng buto
sa kamay o siko na itutukod o sa masasalampak na balakang, ay, lagot ang kay
mundong ilaw.
At sa paglalakad ko nang nakayuko, na siempre, sinasalitan
rin ng pagtingin sa pinupuntahang direksiyon at baka naman mabangga sa
nakakasalubong, marami akong napapansin. Mga seniors na ang suot ay rubber
shoes at usong maikling medyas na kinakain ng kanilang sakong. Ngunit karamihan
ay mga flip flop (tawag noon sa States) at dito ay beach walk o spartan o goma
o step-in na sakbat.
Ito ang napansin ko, halos lahat ng mga babae ay
naka-pedicure, sariling gawa o sa parlor na halata naman, pero makukulay lahat.
Noong araw, pula lamang ang kyuteks, tawag namin sa nailpolish, tulad ba ng
Colgate sa toothpaste at Palmolive sa sabon. Ngunit ngayon, all the colors of
the rainbow and more – ipinapahid sa kuko. Violet, green, blue, yellow, orange,
pink, gold, red, etc. O iyong natural o colorless na napuna
kong gamit ng mga lalaki na asawa siguro ng mga manikurista.
Nasa loob ako ng groseri sa tapat ng palengke at magbabayad
ng binili kong mantika nang may nasundan akong bihis na bihis na babae. Tiningnan
ko ang kanyang paa, nakagawian na yata nakasapatos
siya, flat shoes na halatang mamahalin ngunit sigurado akong nakapedikyur ito. Naka-tucked in ang suot na magandang blusa,
maayos ang buhok na sigurado akong sa parlor tinina at tama lamang ang make-up.
Ang binili niya ay isang pirasong hindi ko na matandaan kung ano ngunit ang
halaga ay wala pang sandaan, lampas lamang yata ng singkwenta ngunit
nagkainkwentro sila noong kahera dahil inilabas niya ang kanyang senior citizen
booklet para sa mga grosering pwedeng magkaroon ng discount. Sa madali’t sabi
ay matagal na nabinbin ang pila namin dahil sa kapiranggot na diskwento na
hiningi niya. It’s the principle, sabi nga. Pero sa tikas niyang ang gara…
Noong araw ding iyon, sa aking pag-uwi ay may nadaanan naman
akong babaing naglilinis ng kalsada. May sombrero siya, mahaba ang manggas ng
suot na blusa, pantalong bitin at nakatsinelas lamang, hindi sapatos. At pulang-pula
ang kyuteks ng mga kuko sa kanyang maalikabok na paa. Na hindi ko na
ipinagtaka, iyon ang uso. Ang ikinatuwa ko ay ang anklet niyang suot, pinong
tanikalang kulay kupas na ginto. Mumurahin
lamang, alam ko. Pero ewan, nakasisiya sa akin ang makakita ng ganitong larawan
ng isang tao sa isang karaniwang eksena ng buhay. Isang tagalinis ng kalye na waring
siyang-siya sa kanyang pagwawalis… walis… walis… na halos mabalot ng umaalimbukay
na alikabok ang mga daliring may kyuteks at paang may pulseras.
Di kasing naalaala ko ang pusturang babae sa groseri na
hiningi ang karampot niyang diskwento para siguro pandagdag sa ibabayad niya sa
pantina sa kanyang buhok at sa magpepedikyur sa kanya sa parlor.