Sunday, March 15, 2015

SAYANG NA PAG-IBIG






MARSO.  Tapos na ang malalamig na araw at gabi, ang nanunuot sa buto na simoy ng hanging amihan.  Narito na ang tag-init.  Ang panahon ng nalalapit na bakasyon, ng matatapos nang pagpasok sa iskwela.  Na ang ibig sabihin ay panahon rin ng mga school fair, ng mga Prom, ng mga soiree.


Na hindi namin masyadong naranasan ng aming kapanahunan.  Ang mga fair ay bihirang mangyari sa iskwelahan noon.  Ang mga ferris wheel at sari-saring booth na may samu’t saring exhibits o palabas ay tuwing piyesta lamang ng bayan nakikita sa may patyo ng simbahan. Natatandaan pa ba ninyo iyong babaing sirena raw? Ang dalagang dalawang piye lamang ang taas? Ang taong gubat?


Ang mga prom naman ay ang tinatawag naming Junior-Senior’s Prom na sinasalihan ng mga nasa ikatlo at ikaapat ng taon ng pag-aaral sa high school (at ang detalyadong paglalarawan nito ay mababasa sa ilalabas kong ikaapat na libro sa 2016, ang Sa Pag-ibig, Parehas ang Laban). 


Ang soiree?  Jam Session o Barn Dance – iyan ang aming pinaka-soiree noon kung saan nagkakatagpo ang mga teenagers. Doon nabubuo ang mga first love, love at first sight, young love na pinananaligang maitaguyod hanggang dumating ang panahong totohanan na, ito na talaga.  Ngunit, nangyayari ba?  


Narito ang isang kwento na marahil, makaka-relate kayo.  O nangyari sa isang kaibigan o kakilala ninyo.  Noong panahong usung-uso ang pag-alis ng mga nais magtrabaho abroad.  Nang mga araw na hindi pa naman uso ang magkaroon ng celfone ang mga ordinaryong taong tulad natin.  Pager pa yata.  Saka di pa pangkaraniwan ang pagkakaroon ng computer sa mga bahay, kaya wala pang email.  Snail mail pa.  At kay mahal ng overseas phone call.  


Narito ang isang kwentong may kaunting kurot sa puso.  Ang…


SAYANG NA PAG-IBIG

REYUNYON sa high school. Sampung taon na ang nakalilipas mula nang iwanan nila ang kolehiyong pinasukan nila mula kinder, prep, grade one hanggang seven, apat na taon sa high shool. 


A, ang high school days ng mga school fair at soiree kung saan nakakahalubilo nila ang mga istudyante ng exclusive boys school na kapit- paaralan nila. Mga araw sa high school ng mga panakaw na pagpunta sa mga mall sa Cubao, sa Greenhills, sa Eagle’s Nest sa papuntang Antipolo. 

Ang sarap pagbalikan ang masasayang araw na iyon bagaman sa nakaraang reyunyon, may bagong napag-uusapan, napagtutuuan ng pansin. Sa halos sabay-sabay nilang edad na dalawampu’t pito, sino sa kanila ang mga dalaga pa, may prospect pero walang boyfriend, may boyfriend at may balak nang pakasal, may asawa na pero wala pang anak, at ang mga may asawa na at anak.


Nakakatawa. Si Lorie na siyang pinakasimpli at pinakamahinhin sa kanilang klase ang unang-unang nag-asawa, apat na ang anak. Akala nila noon, magmamadre ito, iyon pala’y closet kikay ito.


Marami-rami na rin ang may asawa, halos kakakasal lamang, at mga may boyfriend na malapit nang magpakasal.  Pero siya, hindi niya alam kung saang kategorya lalagay.


“Ano ba, Gigi. Sino ba ngayon?” ang tanungan.


“Exuse me,” sabi niya. “Hindi ako papalit-palit, ‘no?”


Sabay-sabay ang bulalas. “Don’t tell us, si Bonnie pa rin hanggang ngayon!”


Tumaas ang kanyang kilay. “Ano’ng sama noon. Matibay, e…”


May nakaalala. “Third year high school pa lang nang ligawan ka niya.”


“Sa college fair nila,” may sumabad. “Hoy, di ba na-jail kayong dalawa ni Bonnie. At du’n ka dinigahan, saka maghapon kayong naka-handcuff. Kaya di ka makahiwalay, pero enjoy naman. Teka, kailan mo nga siya sinagot?”


“Nu’ng senior na tayo. Prom night.”


“Ay, oo, ganda nga ng corsage na bigay niya, catleya. Na dinugas pala niya sa garden ng Mama niya. Hahaha.”


Si Bonnie, kilalang-kilala ng kanyang barkada sa high school. Paano, lagi itong nakaabang sa may labasan ng kanilang iskwelahan. At may padulas lagi sa kanyang mga kaibigan. Imported na chocolate.


May nagtanong. “Ibig mong sabihin, sampung taon na kayong on ni Bonnie.”


Tumango siya.


“Wala ka nang naging ibang boyfriend at si Bonnie ay wala ring nagIng ibang girlfriend.”


Tumango ulit siya.


May nag-usisa. “E, kailan naman ninyo balak pakasal?”


Doon siya hindi nakasagot. Kaya nga hindi niya malaman kung saang kategorya siya lalagay dahil may boyfriend nga siya pero wala pa silang balak magpakasal. “Nag-iipon pa kami,” nahagilap niyang sagot.


Tinatanggap ng kanyang mga kaharap ang kanyang dahilan ngunit may sinabi si Lorie na nakabahala sa kanya.  “Ang tagal na ninyong magboyfriend, baka kayo magkalamigan. Sayang naman.”


May gusto pa sana siyang sabihin sa kanyang barkada tungkol kay Bonnie na sa kasalukuyan ay wala ito sa bansa, nasa abroad at doon nag-iipon ngunit dahil sa sinabi ni Lorie, hindi na niya itinuloy. Tiyak na mag-iimbita ito ng negatibong komentaryo at sa kalagayan ng kanyang damdamin ng mga sandaling iyon, sasama pang lalo ang kanyang loob.




DALAWANG beses isang buwan kung mag-usap sila sa telepono ni Bonnie. Iskedyul iyon, pero kung may mahalagang bagay na gusto nilang ipaalam sa isa’t isa, nagtatawagan sila nang bukod. Pagkatapos ng reyunyon nila sa high school, nadama ni Gigi na gusto niyang makausap si Bonnie. Makuwentuhan ng mga nangyari.


“Masaya ba?” tanong ni Bonnie.


“Ang saya. Ang daming nag-attend. At ang dami nang may asawa. Kilala mo siguro si Lorie, iyong akala nami’y magmamaddre nu’ng araw. Naku, apat na ang anak. Siya ang unang-unang nag-asawa.”


“E hindi ka ba tinukso ng barkada mo?”


“Bakit?” 


“Ikaw ang unang-unang naligawan sa kanila, unang-unang nagka-boyfriend sa barkada pero hanggang ngayon, hindi pa rin nag-aasawa.”


Ang tawa niya. “Nagulat nga sila. Hindi nila akalain na tayo pa ring dalawa.”


Natawa rin si Bonnie. “Wala bang nag-comment na ang boring naman, walang variety.”


Hindi niya nagustuhan ang sinabi ni Bonnie. “Bakit, boring na ba sa iyo ang relasyon natin?”


“Oooops, wala akong sinasabing ganyan,” mabilis na wika ni Bonnie.


Hindi siya kumibo. Gi, akala siguro ni Bonnie, wala na siya sa telepono.


Umungol siya, para kasing may nakaharang sa kanyang lalamunan. Saka naiinis siya kay Bonnie. Bakit nga ba hindi pa sila nagpapakasal.  Bakit kailangang mag-ipon pa. hindi naman kailangang en grande ang kasal. Puwedeng pamilya’t mga ninong lamang.


Si Bonnie. “Sinabi mo bang nag-iipon lang tayo.”


Hindi niya napigil ang sarili, nakahulagpos ang tanong. “E bakit ba kailangang mag-ipon pa.”


“Gi, pinag-usapan na natin ito, di ba. na gusto nating makabili ng isang lote, makapagpagawa kahit maliit munang bunggalo saka tayo pakakasal.”


Maaari naman tayong mangupahan. O doon muna sa amin. Mabait naman si Mommy.”


“O sa amin. Mabait din naman ang Mama ko,”
naghahamon ang tinig ni Bonnie.


“Kahit naman saan, ang importatante ay tayong dalawa,? pagpapaubaya niya.


Narinig niya ang buntong-hininga ni Bonnie, ang lalim. Bigla siyang kinabahan. Ganoon kasi si Bonnie kapag may mahalagang bagay na sasabihin. Nang manligaw ito sa kanya. Noong sabihing pupunta at dadalawin siya sa kanilang bahay. Nang unang ipagpaalam siya sa kanyang daddiy na lalabas sila dahil birthday nito.  At ang hindi niya malilimutan, nang sabihin sa kanya na may passport na ito at visa magtatrabaho sa abroad.  “Gigi…”


“Ano?” pigil ang kanyang paghinga.


“Di ba ang sabi ko nu’n, pagkatapos ng kontrata ko sa isang taon, uuwi na ‘ko.”


Para siyang nanlamig. “Sabi mo nga.”


Hindi agad sumagot si Bonnie. Para niya itong nakikita, nag-iisip ng sasabihin. At lalong lumakas ang tahip ng kanyang dibdib.  “Alam mo kasi,” at tumikhim si Bonnie, “pinapipirma na naman ako sa isang bagong kontrata, na napakaganda ng terms, may kasamang training na malaking- malaki ang maitutulong sa career ko.  Lalo’t magsasarili ako pagdating diyan sa atin.”


Siya naman ang huminga nang malalim. “Ibig mong sabihin, interesado ka sa bagong kontrata?”


“It’s not everyday that one gets this opportunity,” seryoso si Bonnie.


“Alam ko,” ayon niya.  “Kaya lang… parang napakatagal na ng aking ipinaghintay.”


“Gigi!” Napalakas ang tinig ni Bonnie.


“Parang di ko na kayang maghintay pa, Bonnie.”


“Gigi, makinig ka sa akin…”


Ngunit para siyang nasusian. Hindi na mapigil sa pagsasalita. “Siguro Bonnie, masyadong napaaga ang pagkakaroon natin ng relasyon. Kaagad naging mag-steady. Hindi na nagkaroon ng pagkakataong tumingin sa iba, makihalubilo sa iba. Tama ka. Totoo yon. Parang naging boring, walang variety. Okey lang naman sa akin, dahil happy naman ako sa iyo. Dahil din, may tinatanaw ako, iyong araw ng pagpapakasal natin, pagiging mag- asawa na siyang magbibigay ng bagong sigla sa ating relasyon.”


“Talaga namang magpapakasal tayo,” singit ni Bonnie.


“Noon, sabi mo pagkatapos ng college, basta’t stable na ang trabaho natin,” patuloy niya. “Dumating iyon pero ano’ng ginawa mo. Nagpunta ka diyan, nag-abroad. Madali kamong makakaipon ng pera. Okey, naniniwala ako du’n. Nang matatapos na ang iyong kontrata at handang-handa na ako sa iyong pag-uwi, sabi mo’y may offer kang mag-renew. Sayang na hindi mo tanggapin, mas maganda ang terms kaysa dati. E di pumayag naman ako. Ngayon, may bago na namang offer. Walang katapusan ‘yan. Paano na?”


“Last na ito, Gi…”


“Ewan,. Bonnie. Ewan.”


“Talagang ito na ang huli.”


“A, Bonnie, siguro, mabuting maghiwalay muna tayo.”


Nagulat na siya sa kanyang sinabi. Talagang nadala siya ng kanyang damdamin.


“Ano'ng ibig mong sabihin?” kaylamig ng tinig ni Bonnie.


“Let’s take a breather,” sagot naman niya.


Muli, narinig niya ang paghinga nang malalim ni Bonnie. “Kung iyan ang gusto mo, sige…”


Siya naman ang hindi kaagad nakasagot. Ang inaasahan sana niyang reaksiyon ni Bonnie ay matinding pagtutol sa kanyang sinabi. Na hindi nito ginawa. Sa halip ay pumayag agad, na parang bale wala dito na nagmumungkahi siya ng paghihiwalay. “All I want is for you to finish your contract, come home and marry as planned,” kanyang wika.


“And all I wish is for you to understand why I’m renewing my contract,” sagot naman ni Bonnie.


A, ang katulad nila ng mga sandaling iyon ay isang immovable object at isang irresistible force.  “Sorry Bonnie,” tangi niyang nasabi.


“Sorry din, Gigi,” ang sagot ni Bonnie.


At ganoon lang, tapos na. Ni walang malaking away na pinagmulan. Walang ibang taong kasangkot. Walang kadahi-dahilan. 


Wala nga kaya?



REYUNYON na naman sa high school. Limang taon mula nang huli nilang pagkikita. Laking gulat ng mga kaiskwela niya nang ipakilala niya ang kanyang kasama. “My husband, Marc…”


Nagkagulo ang mga ito. Ano’ng nangyari kay Bonnie, ang bulungan. 


“Ewan ko,” sagot niya. “Alam ko’y nasa abroad.” Ibig niyang sabihin, nasa abroad pa.


Sabi ni Lorie, “Sayang naman. Sampung taon!”


At kahit maligaya siya sa piling ni Marc, paminsan-minsan, sa kanyang pag-iisa, lalo at dumarating ang panahon ng mga school fair, prom, at soiree ng mga estudyante sa kolehiyong pinagtuturuan niya, nakadarama rin siya ng panghihinayang.



Agosto 10, 1992, Liwayway

Thursday, March 12, 2015

Bisitang Balikbayan





BISITANG BALIKBAYAN – 1 -

Ang pagdating at pagbabakasyon ng isang kaibigang balikbayan ay big deal sa mga dinaratnan.  Kung kaiskwela, umaatikabong tawagan na at text ang kasunod nito para sa balak na get-together. Malimit na ako ang naaasahang mag-organize nito na nagsimula noong nagsisipag-opisina pa ang aking mga kasama sa katwirang wala raw naman akong ginagawa, dahil housewife ako at lagi sa bahay!  Kaso, mga retirado na silang lahat, e, ako pa rin, nakahahalata na ako!

Sa  totoo lang, kaya ako siguro ang naka-assign dito ay sa dahilang ako ang laging ka-email ng mga balikbayang ito at sa paminsan-minsang pagbisita ko abroad ay ako ang kanilang nakakausap at nakakasama.  Isa pa, dahil siguro bago ako naging pangulo ng aming alumni association ay forever secretary ako at siyang nakaaalam sa mga ganitong asikasuhin.  (Preamble lamang po ito ng aking mga kwento tungkol sa nakatutuwang karanasan kamakailan.)

Dalawang balikbayan ang inanyayahan kong kumain sa labas.  Tamang-tamang nasa probinsiya kaming lahat ng nasabing araw kaya nag-google ako ng magandang makakainan sa aming lugar.  Nakakita naman ako, maganda ang review, okey raw ang food at service, fair ang cost.  Nagtanong pa ako sa isang pamangkin na nakapunta na roon.  Ayos naman daw, hindi lang airconditioned.  Hindi ko na ito sinabi sa aking kasama, may bentilador naman daw at parang tipong outdoor, hindi kulong ng mga dingding ang restoran.

Pagkasundo sa mga balikbayan ay nagpunta na kami sa nasabing lugar at hindi namin nakita ang restoran.  Madali’t sabi, kahit isang tuwid na kalye lamang ang aming pinasok, kami ay naligaw.  Dahil sa magandang review, nakatingala kaming lahat sa paghahanap ng karatula.  Na maliit lamang pala kaya hindi namin nakita.

Pumasok kami, naghanap ng magandang lugar na mauupuan kung saan conducive sa kwentuhan.  Nakakita naman ng malayu-layo sa ibang kumakain, naghintay ng waiter na lalapit para mag-request ng ekstrang bentilador na sa amin nakatutok.  Dumating naman, okey nga ang service, so far.  

Muli, naghintay ng waiter para sa menu.  Wala.  Kaya tumayo na ako, iniwan ang mga kasama at lumapit sa counter kung saan may kausap (customer?) ang tao (cashier?) rito.

Sa likod ng kahera ay may isang malaking blackboard.  Nakasulat rito ang listahan ng mga ulam:  Pritong ganire at ganoon, Crispy na ganire at ganoon, kare-kare at mga espesyalidad na ganire at ganoon, etc.

Ah, naisaloob ko, eto pala ang menu.  Kaya binasa ko ang mga ito at inisip kung ano ang magugustuhan ng kasama kong balikbayan.  Crispy pata, sabi ko.  Ito na ho ba, ang tanong.  Teka muna, at tatanungin ko muna ang mga bisita ko, mga senior iyon, baka ayaw ng cholesterol, sagot ko. 

Umalis ako saglit at bumalik sa aming upuan, at ayos daw ang crispy pata.  Pagbalik ko sa counter para sabihing okey na, wala na raw crispy pata, nabili na iyong last pata, kasi daw, di ko pa kinuha agad.  Abaw, e, sabi ko, dapat ay marami kayong stock, wala pang alas seis, ubos na ang tinda ninyo.  Kasi daw, etcetera, etcetera, ang katwiran.  Walang magagawa, naroon na, kaya sige na lang. 

Itinuro ko ang kare-kare.  Ayyy, sabi noong babae, may X na ho.  Ibig sabihin, ubos na!  Nakupo, lahat nang nakursunadahan kong order, may X na, ubos na.  Aba, e, magsara na kayo, sabi ko.  Tumatawa lang sila.  Gusto ko na sanang umalis pero nagkakakwentuhan na ang mga kasama ko, kaya pumili na lamang ako noong espesyalidad raw nila na walang X. 

Bumalik ako sa upuan.  Inis na ang aking partner.  Bakit daw ako ang tayo nang tayo.  Bakit hindi ako humingi ng menu sa waiter.  Nakupo, e, hindi maibibigay ng waiter iyong menu, kasi blackboard iyon na nakapako sa dingding!  Tawa nang tawa ang mga balikbayan (‘kakahiya naman…)

O, sige, anong drinks ang gusto ninyo, tanong ko.  Naghanap kami ng waiter.  Wala.  Sa isang maliit na blackboard sa isang partisyon ay may nakalistang drinks at shakes.  O, hayan pala, sabi ko.  Pili na tayo. Namili na kami.  Siyempre, tumayo ulit ako para sabihin ito sa counter.  Sabi sa counter, ayyy, wala ho kaming shakes, sira kasi iyong makina, panay softdrink lang.  Balik ulit ako sa upuan dahil sigurado akong hindi nagsisi-inom ng softdrink ang mga ito. Tubig na lang, bottled.  Order naman ng partner kong kasama, hot calamansi, kasi may sipon ako.

Balik ako sa counter.  Wala raw bottled pero mineral naman ang drinking water na isini-serve nila.  Okey, sabi ko, may calamansi ba kayo.  Mayroon daw.  Good, sabi ko, bigyan mo kami ng isang hot calamansi.  Naku, sagot, hindi raw pwede, kasi… iyong kalamansi nila… ay pampiga lamang sa pansit!  Ay, buhay!

Gusto ba ninyong malaman kung alin at saang restoran ito?  Heheheh!


BISITANG BALIKBAYAN -2-

Isang dating kasama sa dormitoryo ang umuwi at nagbakasyon.  Kinontak ko agad ang ilang naririto pang taga-dorm (marami sa grupo namin ay nasa abroad na) para sa isang get-together.  Mungkahi ng isa na sa halip na sa Megamall magkita-kita ay sa isang bagong Mall na malapit sa kanila pumunta.  Okey raw ang parking, bagong bukas ang restoran at naiiba.  Magugustuhan raw namin.  Unique, kumbaga.

Naligaw rin kami sa pagpunta, dahil mali raw akong kumuha ng direksiyon.  Basta nakarating sa pupuntahan, sa akin ay tapos na ang salitaan.  At nagkita-kita naman kami.  Masaya.  Yakapan.  Beso-beso, kwentuhan na agad kung saan nag-abot, hindi pa nakapapasok ng restoran.

Kakaiba nga ang nasabing restoran.  Senyora ang tawag sa amin.  Nang nakaupo na kaming lahat, nagpakilala ang tagapagsilbi (hindi waiter at your service!) kundi tagapagsilbi.  Binigyan kami ng Talaan ng mga Pagkain.  Heheheh, yaon po ang menu.  Masarap ang kanilang okoy.  Naalaala tuloy namin ng aking partner ang  kinainan naming restoran ni Tito Manny Tagle, ang Bistro 7107 sa Crystal City, Arlington, VA, a Filipino fusion restaurant na supersarap ang okoy. 

Kaso, dumating na ang iba pang pagkain, kanin, sopas, ulam, e, halos nahuli pa ang ensalada!  At ang Serbesang Magaan  ay nasobrahan yata ang gaan, ang tagal bago dumating.  Gayundin din ang lychee buko shake, pinitas pa raw yata ang buko sa Quezon, sabi ng isa naming kasama.  Sa tagal ng mga kwentuhan, na hangga’t makakaya, ay isinasa-tagalog ang mga pag-uusap, no English please, (may isang naghahanap ng CR, correction please, palikuran!), umabot ang tanghalian namin ng halos apat na oras, parang lauriat ng Intsik.  Kaya, naisipan naming mag-order na ng merienda.  Ginataang halo-halo.  Wala raw.  Hanap ulit kami sa Talaan.  Halo-halong ginadgad  na yelo.  Wala raw.  Pabiro, sabi namin, magsara na kayo.  Ngunit kadalasan naman, sa mga  pagtitipon ng magkakaibigan, secondary na lamang ang pagkain.  Higit na mahalaga na nagkita-kita at nagkabalitaan,

Kung iisipin, anu-ano ba ang napag-usapan ng mga ito?  Nagsimula sa rekoleksiyon ng kung saang parte ng Room IV ng dormitoryong tinirahan namin ang situwasyon ng kani-kanilang katre; ang pangalan ng mga kasama noon – sina Kambal, magkakapatid na Velda, Alicia at Siano, si Gerry o Imo ang gofer namin noon na nakatagpo ng isa sa Indonesia at mayaman na raw, ang cook na si Ate Lila, ang receptionist na si Olympia, ang mga dormitoryanang areglado ang kilay noon pa man, o makapal ang make-up, ang blondie ang buhok, ang susun-suson ang petticoat, ang kumain ng kanyang meryendang itinatabi, ang tumatayo sa kama at nag-i-speech, kung sino ang namatay na, ang tumandang dalaga, at nasaan na si ganire at si ganoon.

Pagkatapos naman ay dumako ang usapan sa Alzheimer, bakit malilimutin na sila sa mga pangalan, mga gamot na iniinom, mga sakit at operasyon at ang kwento ng isa na ang kakilalang doctor na gumagamot ng Alzheimer ay may sakit nang Alzheimer ngayon.  Naku, nagtanong na tuloy kung anu-ano ang espesyalidad ng mga doctor nilang anak.  Dahil ganoon daw, nakukuha raw ng gumagamot iyong sakit ng ginagamot.  Heheheh…

Paglabas ng nasabing kakaibang restoran sa bagong kabubukas na Mall, halos isang oras pang tumayo kami sa harap nito, nagkodakan, muling nagkwentuhan, at kalaunan, naisipang magkape sa Starbucks.  Na nilakad pa ng kay layo, maituloy lamang ang kwentuhan nang nakaupo.  Sa Starbucks, nakaswerte kaming nakaupo sa isang sulok, kaya lamang, tampak sa sikat ng papalubog na araw kaya silaw na silaw ang isa sa amin.  Biruan ay hihintayin naming lumubog ang araw para hindi na siya masilaw.  Kaso, baka masikatan naman siya ng buwan.   

Marami pang kwentuhan at tawanan ang nangyari na dumako pa sa kani-kanilang pangungumpisal at ang dalawang pagrorosaryo na ipinataw sa isa (palagay namin ay hindi sa dami ng kasalanan ito kundi dahil sa pakikipagtalo sa pari).  Ang nakatutuwa ay ang kwento ng isa na nalimutan wari ng pari na bigyan siya ng dadasalin kaya siya pa ang nagpaalala rito, na aniya, may kasalanan siya dahil nakikinig siya ng tsismis sa mga artista, na sinagot nito ng okey lang, entertainment lang iyon...

Pagsapit ng alas seis ng hapon, noon lamang naghiwa-hiwalay ang grupo… sa pangakong muling magkita-kita pagdating ng sinumang balikbayan uuwi.


BISITANG BALIKBAYAN – 3 –

Isang forever faithful na balikbayang kaiskwela ang muling bumisita.  Isa na namang okasyon upang magkita-kita kaming magkakaiskwela – kaming mga madaling magkatawagan sa telepono, na magkaka-textmates, mga retirado, malalaki na ang mga apo kaya di na nag-aalaga.   

Ang pagkikita-kita ay naganap sa tahanan ng isang dating presidente ng aming alumni association. Potluck ang meriendang halo-halo (kani-kaniyang toka ng dadalhing panghalo).  Libre ang tanghalian na sinagot ng isang nagdaos ng kaarawan – halabos na swahe at gatas ng kalabaw, kare-kareng buntot ng baka, pritong manok, burong isda – na dinagdagan pa ng mga dalang laing, ginataang biya, fruit salad, Bataan ice cream (galing pa sa Bataan), cassava cake, etc.  

Pero ang highlight nito ay ang kontratadong DI na namuno sa pagtuturo ng LA Walk na sinundan ng Zumba!  

Sino ang magsasabing boring ang buhay ng mga Seniors?  Lalo pa at ang ilan sa mga seniors na ito ay nag-sleepover pa para sa mas mahabang kwentuhan at kinabukasan ay nagsitungo sa isang buffet restaurant na nagbibigay ng 50% discount sa mga over na over na Seniors! 

Wika nga’y samantalahin…