Friday, November 7, 2014

Lalaging Narito si Neneng


Narito ang isa sa pinakapaborito kong kuwento tungkol sa Todos Los Santos.  Dalawampu't siyam na taon nang naisulat ko ito, 1985 pa nang malathala sa Liwayway, ngunit sa tuwing mababasa ko, naaantig pa rin ang aking damdamin, 

Sa mga nakaranas nang maulila ng isang minamahal - magulang, kapatid, kaibigan, asawa o kasintahan - alay ko ito sa inyo.


LALAGING  NARITO  SI  NENENG 



Do not come when I am dead to sit beside a low green mound or bring the first gay daffodils because I love them so for I shall not be there. You cannot find me there…



Si Neneng ang may-ari ng aklat na kinalilimbagan ng mga salitang yaon. Si Neneng na talagang mahilig maglibot sa bookstores kahit walang balak bilhin, baka sakaling may magustuhan. Tulad nang maliit na aklat na yaon, hardcover  sixteenth printing na isang koleksiyon ng mga tula at sanaysay sa ingles, may kasamang reflection o pagnilay-nilay ng awtor tungkol sa iba’t ibang paksa na kaagad nagustuhaan ni Neneng, hindi na binitiwan. Nagkataong wala palang dalang pera, ubos ang allowance niya.


Happy birthday, kanyang sabi. Wala siyang balak maningil.


Si Neneng, sa dinami-dami ng nilalaman ng aklat, yaon kaagad ang napagtuunan ng pansin. Do not come when I am dead to sit beside a low green mound…




Anak-mayaman si Neneng. Matandang yaman sa kanilang bayan ng mga  bukirin at palaisdaan. Nag-iisang babae sa tatlong anak. Isa sa mga tagapagmana ng isang matanda at iginagalang na pangalan.


Karaniwan ang kanilang buhay. Empleyado ang kanyang ama sa isang bangko. Naigagapang ang kanlang pag-aaral. Matatalino silang magkakapatid. Ang kanyang katalinuhan ang dahilan kung bakit nagkakilala, nagkalapit at naging magkaibigan sila ni Neneng. Sa Pamantasan sa Diliman.


Magkababayan pala tayo, sabi ni Neneng nang malamang taga-Malolos siya.


Oo, kanyang sagot. Sa baryo kami. Kayo ay sa bayan, sa poblacion. Katabi ng simbahan.


Medyo nanlaki ang mga mata ni Neneng. Alam mo. Kilala mo ako…


Tumango siya. Sa Immaculata ka nag-aral noong high school. Kung Linggo, ang kasama mong magsimba ay ang pinsan mong si Lorna. Kung malapit na ang pista ng bayan, lagi kang nakadungaw, pinapanood mo ang mga naglalaro sa liga ng basketball, ang mga sumasakay sa ferris wheel, ang mga namamasyal. Isa ako roon.


Nakangiting napailing-iling si Neneng.  Ngunit hindi naman itinanong kung bakit alam niya ang lahat ng ito.


Nasa high school siya nang una niyang masilayan nang malapitan si Neneng. Pauwi ito kasama ang pinsang si Lorna, nakauniporme ng kolehiyong pinapasukan, tumatawid sa may patyo ng simbahan. Pauwi na siya, naglalakad mula sa kanilang paaralan na nasa tabi ng kapitolyo ng lalawigan, kasama ang ilang kaibigang katulad rin niya na nagtitipid sa pamasahe.


Love at first sight siya. Na hindi nakaligtas sa pangmasid ng kanyang mga kasama. Inulan siya ng tudyo. Ang bigat niyan, Lino. Baka hindi mo kaya.


Nagmaang-maangan siya. Para napatingin lamang ako d’un sa tao…


Pero talagang maganda, Lino. At mukhang mabait.


At higit sa lahat… ibinitin ng pinakapilyo niyang kasama, sabay kindat sa mga kasama na nakaintindi kaagad ng ibig sabihin.


Kaylalim ng kanyang buntong-hininga. Iyon nga ang problema. Mayaman sila.


Ngunit ang katotohanan ay hindi nakapigil sa sumisibol niyang pagtatangi. Sa kanyang mga pangarap, ang mayaman ay para sa mahirap. Basta… nag-iibigan nang tapat walang makahahadlang. Maganda si Neneng. Guwapo naman siya. Hindi siya magiging alangan dito. At matalino siya. Alam niyang kung gagamitin niya ang kanyang katalinuhan sa pag-aaral darating din ang panahong iinam ang kanyang buhay. Kung magkakakilala nga lamang sila ni Neneng.




Ikalawang taon niya sa UP nang naging kamag-aral niya sa isang aralin si Neneng. Sa Philippine History and Institutions. Nagkasama sila sa isang grupo na maglalahad ng mga nangyari sa rebolusyon ng 1898. Siya ang group leader at siya ang nagtakda ng paksang tatalakayin ng bawat isa sa grupo. Ang tungkol sa Spanish American war ay ibinigay niya sa isa. Ang resumption of the revolution noong Mayo 1898 ay sa iba naman. Pero ang tungkol sa Malolos Convention ang kanyang pinili para kay Neneng. 


Tamang-tama, natutuwang sabi ni Neneng. Taga-Malolos ako.


Alam ko, ang sabi niya.


Oo nga ano, ngiti ni Neneng. Taga-Malolos ka rin pala.


Noon pa man ay talos na niyang nahulaan ni Neneng ang kanyang niloloob. Ngunit hindi rin nabago ang pakikitungo nito sa kanya. Natapos ang semester pero hindi naputol ang kanilang pagkakaibigan. Hindi lamang sila magkakilala ni Neneng. Sila ay magkaibigan. Takbuhan siya ni Neneng kung may problema ito sa Math 17. Na kayang-kaya naman niya. Tinutulungan naman siya ni Neneng sa Spanish.  Wala siyang tiyaga na magmemorya, kaya iginagawa siya ng notes nito para maging madali sa kanya ang magkabisa ng mga pangalan ng manunulat na kastila at ang mga akda nito.


Sa Malolos, kung malapit na ang pista ng bayan at siya ay namamasyal sa patyo at matatanawan siya ni Neneng, kakaway ito sa kanya. Na gagantihan rin naman niya ng kaway. 

Ito ay lubos na ikinagugulat ng kanyang mga kasama. Lino pinahahanga mo kami.


Pero hanggang kaway lamang sa Malolos. Dahil iba sa Malolos. Matandang pamilya at matandang yaman sina Neneng. At anak lamang siya ng isang karaniwang empleyado. 

Sa Diliman, iba sa Diliman. Kasabihan na nga iyong Republic of Diliman. Demoktrasya ang umiiral doon. Kahit ka mahirap, hindi nawawala ang karapatan mong umibig. Kahit sa mayamang tulad ni Neneng.


Nakatutuwang ang hindi niya mabuksang paksa kay Neneng ay kay Neneng din nagmula. Sa katutubong hilig nito sa mga tula. Sanaysay. At kung anu-ano pa.  Kaarawan niya nang abutan siya nito ng isang birthday card.


Card lang, kanyang biro.


Tingnan mo ang nasa loob, wika nito.


Buong kasabikang binuksan niya ang sobre. To a special friend. Sa loob ng card ay nakaipit ang matagal na niyang hinihinging larawan ni Neneng. Sa likod ng larawan ay nakasulat.   

Oh the comfort, the inexpressible comfort of feeling safe with a person having neither to weigh thoughts nor measure words but pouring them all right out just as they are, chaff and grain together certain that a faithful hand will take and sift them, keep what is worth keeping and with a breath of kindness blow the rest away.


Matagal siyang hindi nakaimik. Si Neneng pa rin ang bumasag sa katahimikang namagitan sa kanila. Best friend kita, Lino, baka akala mo sabi nito.


Salamat, kanyang sagot. Pwede bang tumawad?


Kumunot ang noo ni Neneng. Tumawad?


Tumango siya. Pwedeng more than friend?


Waring nabigla si Neneng. Matiim na napatitig sa kanya. Nang unti-unti, sumilay ang isang ngiti sa mga labi nito. Bakit hindi.




Ang mga sumunod na araw sa Diliman ay mga ginintuang araw. Alam niya ang class schedule ni Neneng. Kung libre siya, inaabangan niya ito sa paglabas ng klase. 
Sinasamahan sa pagpunta sa shopping center kung may bibilhin. Sa library kung may kailangang I-research. Sa panonood ng play sa AS theatre. Sa pagdalo sa Piling-piling Huwebes ng Akademya ng Sikolohiyang Pilipino, iinom ng kape, kakain ng cake at kakanta ng mga awit tungkol sa welga at manggagawang Pilipino.


Kapwa sila aktibo ni Neneng sa mga organisasyon sa pamantasan. Alam nila ang isyu. Socialized tuition fee. No to any tuition fee increase. Barikada sa Pook Ricarte. Ngunit puspusan din ang kanilang pag-aaral. Ang grado na tres ay masama nang balita para sa kanila. Kailangang dean’s list. 

At sa pagdaraan ng mga araw, mga semester, lalong tumitibay ang kanilang pagiging magkaibigan. Lalong nagiging matapat ang pagsasamahan. Walang salitang namamagitan ngunit naroon ang unawaan. Hindi ngayon, nag-aaral pa, hindi pa panahon. Ngunit bukas, sa hinaharap. Kung ganap na ang mga isip. Hawak na ang mga damamin.


Ngunit minsan, umuulan, magkasukob sila ni Neneng sa ilalim ng isang payong, naglalakad galing Palma Hall patungong Melchor, nang masabi niya rito. Ano kaya’t makasalubong tayo ng taga-Malolos na kilala ka at isumbong ka sa iyong mga magulang?


Nagkibit ng balikat si Neneng. Wala naman tayong ginagawang masama.


Nakikitungo ka sa isang hindi mo kauri, masama iyon, paliwanag niya.


Kinurot siya ni Neneng at nagpatuloy siya. O kaya’y dumalaw ako sa inyo sa Malolos. Ano kaya ang sasabihin sa inyo. Patuluyin kaya ako?


Umirap si Neneng. Oy, Lino, ano ang  akala mo sa amin, mga impakto.


Siya naman ang nagkibit ng balikat. Hindi naman. Mayaman lang…


Umalis sa ilalim ng payong si Neneng at hinabol niya ito.




Sa Malolos, kung malapit na ang pista ng bayan at siya ay namamasyal sa patyo at natatanawan siya ni Neneng, kakaway ito sa kanya. Ngunit hindi tulad nang dati, ang mga kaway ngayon ay may katambal na titig na may isang libo at isang kahulugan. Na gagantihan naman niya ng isa ring kaway. At isang tango. Sa mga ganoong pagkakataon, nadarama niya na anong layo ng Malolos sa Diliman.



Unang semester ng huling taon nila. Hindi nag-enrol si Neneng. Pinaghahanap niya sa kani-kanyang tambayan ang mga kamag-aral ni Neneng na kakilala niya. Inusisa. May isang nakapagsabi, humingi raw ng leave of absence si Neneng, umalis, nagpunta sa States kasama ang mga magulang.


Ang kasabihang parang binagsakan ng langit ay totoo pala, nadama niya. At talaga palang kumikirot ang puso. 

Masamang-masama ang kanyang loob. Ulit-ulit, sinasabi niya sa sarili, nalaman nila, nalaman nila ang tungkol sa amin ni Neneng… Inilayo siya sa akin...


Ang mga sumunod na araw at buwan ay walang katapusang tag-ulan para sa kanya. Hanggang isang araw, pag-uwi niya sa Malolos, pagbaba ng tulay sa tabi ng munisipyo, pagsulyap niya sa malaking bahay nina Neneng, isang parihabang telang itim ang bumulaga sa kanya. Parang binayo ang kanyang dibdib. Ang kutob ng loob ay pilit sinikil. At tinanong niya ang kasakay na nakatingin din sa bahay.
Alam ba ninyo kung sino ang namatay diyan.


Iba ang sumagot. Isang matandang babae na sumakay mula sa krosing sa may highway. Iyong anak na dalaga… si Neneng… leukemia… dinala pa nga sa States pero wala ring nagawa.




Araw ng mga patay. Sa Malolos, alam ni Lino na abalang-abala ang lahat nang nagmamahal kay Neneng sa pag-aayos ng mamahalin at magagandang bulaklak na iaalay sa puntod nito sa matandang mauseleo ng pamilya sa libingang katoliko sa Tubigan. Malapit sa palengke.  

Hindi na maalala ni Lino kung ano ang kanyang idinahilan sa mga magulang, ngunit ngayong araw ng mga patay, mag-isa siyang naglalakad sa kampus sa Diliman, sa ulilang lansangan na nalililiman ng malalaking puno ng akasya, hindi alintana ang patak ng ulan, ang unti-unting pagkalat ng dilim sa paligid. Hawak niya ang maliit na aklat ni Neneng, ang koleksiyon ng mga tula at sanaysay na dumating sa kanya sa pamamagitan ng koreo, may maikling sulat si Lorna.  Habilin ni Neneng, ipadala sa iyo.
 

Do not come when I am dead to sit beside a low green mound, para niyang naririnig ang tinig ni Neneng, for I shall not  be there. You cannot find me there.


I will look up at you from the eyes of little children; I will bend to meet you in the swaying boughs of bud-thrilled trees and caress you with the passionate sweep of storm-filled winds; I will give you strength in your upward tread of everlasting hills; I will cool your tired body in the flow of the limpid river; I will soothe you into forgetfulness to the drop, drop of the rain on the roof’ I will speak to you, out of the rhymes of the masters; I will dance with you in the lilt of the violin and make your heart leap with the bursting cadence of the organ’ I will flood your soul with the flaming radiance of the sunrise and bring you peace in the tender rose and gold of the after sunset.


All these have made me happy. They are a part of me. I shall become a part of them.


Hinugasan ng lumalakas na patak ng ulan ang luhang namamalisbis sa pisngi ni Lino. Ngunit sa kanyang kaibuturan ay may nadama siyang kapayapaan. 

Hindi kailanman mawawala si Neneng.



November 4, 1985