Anibersaryo sa Piling ng Iba
Ikalima ng hapon. Nakatayo si Edna sa harapan ng gusali
ng Smithsonian Institution. Doon siya iniwan ng kanyang kapatid at bayaw ng
umagang iyon. Usapan nila'y doon din siya babalikan sa hapon. Nahihiya na nga
siya sa kanyang kapatid. Lubhang naabala ang mga ito sa paghahatid at pagsundo
sa kanya. Ayaw naman siyang payagang sumakay sa Metro. Kahit pa sinabi niyang
napag-aralan na niya ang sistema ng pagsakay dito. Naku, baka raw siya maligaw
kung saang linya ng tren makasakay. Sa halip na blue line, e baka sa red line o
yellow line o kung ano pa. Mahirap na, sabi ng kanyang bayaw, sagutin pa siya kay Arnel.
Si Arnel. Kay tagal nilang binalak ang biyaheng ito. Mula
pa noong unang nakapag-trip si Arnel sa Europe, ipinadala ng kompanyang
pinapasukan. Bagong kasal pa lamang sila noon. Pangako ni Arnel, bibiyahe tayong
dalawa. Parang honeymoon. Itatapat natin sa ating aniversaryo.
Natuwa naman siya. Sige, sabi niya. Mag-iipon ako ng perang
pamasahe. Sa States tayo pupunta para may matitirahan na libre na ang kain at
tulog. Naroon na kasi ang kapatid niya. Pero, sa ikailang anibersaryo, ang
kanyang tanong.
Ang tawa ni Arnel. Kung kailan ba kakasya ang naipon mong
pera sa halaga ng plane fare, sagot nito.
Nag-isip siya. Naku, baka boda de oro na. Anibersaryo nga'y
hindi na pwedeng maghanimun.
Umiling si Arnel. Seryoso nang magsalita. Sa fifteenth
anniversary, pangako nito. Dahil iyan ang timetable ko. Sa taong iyan, dapat ay
ganito na ang posisyon ko sa opisina, ganito na ang suweldo ko. Kaya makakaipon
ka agad, makakabiyahe agad tayo. Tuloy ang honeymoon.
Pinagbuti nga ni Arnel ang pagtatrabaho, umasenso, lumaki
ang suweldo. Pero kasabay ding lumaki ang gastos – hulog sa lote, bahay, kotse,
matrikula ng mga bata. Bumilang ng maraming taon bago siya nakaipon ng halagang
maaaring gastusin sa pangarap niyang trip abroad. Maaari na ring iwanan ang
kanyang mga anak, malalaki na, may kasama naman sa bahay. Isa na lamang ang
problema. Si Arnel. Hindi makaaalis si Arnel. Hindi maiwanan ang trabaho.
Walang maisagot si Arnel. Panay sorry. Ano'ng mangyayari
sa sorry. Sa sama ng kanyang loob, nahalungkat niya pati ang mga nakaraang pangako
at lakad na hindi natupad ni Arnel. Na ang laging dahilan ay trabaho.
Na
sinagot ni Arnel, para rin naman sa atin ang ginagawa ko.
Alam ko, sagot naman
niya, pero bakit hindi ako naliligayahan, ang dugtong niyang tanong. Kaytagal na
hindi nakaimik ni Arnel.
Hanggang nagpasiya ito. Sige, mauna ka na. Susunod na lang
ako.
Hindi siya kuntento sa ganoong usapan pero sa inis niya'y pumayag na rin
siya. Kaya dalawang linggo na siya sa States, marami-rami na rin siyang
napapasyalan, pero wala pa si Arnel. Nang huli silang magkausap sa telepono, ang
sabi'y pipiliting makarating ng a-beinte.
Alam niya ang ibig sabihin nito. A beinte uno kasi ang anibersaryo nila.
Dumating ang a-beinte
pero wala ni anino ni Arnel. A-beinte uno, sinabi niya sa kanyang kapatid
na mamamasyal siya sa Washington, sa DC, ganon ang tawag doon.
Sige, pinayagan
naman siya. Kaya nang umagang yaon, ikadalawampu't isa ng buwan, ikadalawampung
taong anibersaryo ng kanilang kasal ni Arnel, nag-iisa siyang nakatayo sa may
Smithsonian. Parang tangang nakatayo, daana't lampasan ng mga naglalakad,
pinagtitinginan, palinga-linga, nag-iisip kung saan unang tutungo.
Sa kanan
ang US Capitol. Sa kaliwa ay ang Washington monument. Sa harap ay ang National
Museum of Natural History. Sabi ng kanyang bayaw, huwag kalimutang puntahan ang
National Air and Space museum. Hindi siya makapagpasiya. Kasi…
Nang may kumausap sa kanya. "Are you lost?"
Nagitla siya. Biglang napabaling sa pinagbuhatan ng
tinig. Isang lalaki. Nakangiti. Matangkad. May hitsura. Kayumanggi. Pilipino.
"Sorry, nagulat ka yata," may pag-aalalang lumarawan sa mga mata ng lalaki.
"Oo nga, nagulat ako," amin niya, sabay hakbang, pero wala
sa kanyang loob kung saan siya patutungo.
Nakisabay sa kanyang paglalakad ang lalaki. "Galing ka sa
Pilipinas," ang himig ay hindi nagtatanong.
Nadama niya, kailangan niya ang kausap ng mga sandaling
iyon, anibersaryo ng kanyang kasal. At Pilipino ang lalaki sa kanyang tabi.
Tumango siya sabay baling sa lalaki. "Ikaw?"
Ngumiti ang lalaki. "California."
"Saan sa California? May kaiskuwela ako sa high school na
nasa California. Sa Daly City. Tess Candelaria, baka kilala mo. At saka sina
Fely Sillona, ang mag-asawang Mon at Aida Tecson sa Los Angeles. Di ba,
magkakakilala naman ang mga Pilipino sa California?" sunud-sunod niyang tanong.
Tumawa ang lalaki at parang nakaramdam siya ng
pagkapahiya. Nagmukha yata siyang tanga, ang laki naman ng California. "San
Francisco ako," ang sagot.
Naglaro sa kanyang utak ang himig ng isang awit. I left my
heart in San Francisco. "Bakit ka narito"
Hindi agad sumagot ang lalaki, waring nilimi-limi muna
ang isasagot. Pagkuway itinuro ang isang bangko. "Upo muna tayo."
Nagpaunlak siya bagaman at sumagi rin sa kanyang isip
na hindi niya kilala ang kasama niyang lalaki. Pero sa pakiramdam niya'y
mapagkakatiwalaan naman ito. At saka ang lalaki ay Pilipino. At sa kinaroroonan
niya ng mga sandaling yaon na pawang puti at itim at kung ano ano pang kulay
ang kanyang nakikita, malaking bagay iyon. Tagalog pa ang salita. Magkatabi
silang naupo.
"Alam mo, sa opisina namin ay maraming incentive sa trabaho.
Minsan cash, karaniwan ay mga trip. May trip sa Hawaii, trip sa LA, trip dito sa
Washington at kung saan-saan pa. All expenses paid iyon. Tatlong araw lang naman.
Last day ko na nga ngayon. Uuwi na ko bukas."
"Ay ang galling," natutuwa niyang wika. "Sa Pilpinas, mayron
ding ganyan. Incentive sa mga salesman, trip within the Philippines o sa
Hongkong o mga Asean countries, karaniwan mga multinational companies. At saka
nga pala, mga raffle sa department stores. Trip abroad ang premyo. At trip for
two, hirap yatang magbiyahe nang nag-iisa."
"For two rin naman ang trip namin," sambot ng lalaki. "Kaya
lang…"
Pinigil niya ang sarili na itanong, kaya lang ano.
Binalingan siya ng lalaki. Matagal na nagkaugnay ang
kanilang mga paningin. Ito ang unang bumawi ng tingin. Ilang saglit na nag-isip.
Nang magsalita'y muling hinanap ang kanyang mga mata. "Kaya lang, wala talaga akong makakasama. You
see, I'm divorced."
Divorced. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin ngunit
nakalarawan marahil sa kanyang mga mata ang gusto niyang itanong. Bakit.
Tumingin sa malayo ang lalaki. "Same old story. Tourist
visa lang ako noong una. Kalaunan, nagkaroon ng working visa. Nang panahong
iyon pinakamabilis na paraan para maging legal ang katayuan dito ay ang
pag-aasawa ng isang US citizen."
"Pero may asawa ka sa Pilipinas."
Napailing ang lalaki. "Ayaw nga niyang pumayag na
diborsiyuhn ko siya. Kunwari lang sabi ko, para rin sa amin iyon, sa kapakanan
ng aming mga anak, paliwanag ko pa."
Para niyang narinig ang tinig ni Arnel. Para rin naman sa
atin ang ginagawa ko. Na sinagot niya ng bakit hindi ako naliligayahan.
"Hindi ko pa rin siya mapapayag. At dahil nanghihinayang
ako, itinuloy ko pa rin ang plano. Madaling ayusin ang mga dokumento. US citizen
na ko ngayon."
Ang tanong ay nakahulagpos sa kanyang mga labi. "Bakit?"
Nagtatanong din ang mga mata ng lalaki. "Bakit ano?"
Napahinga siya nang malalim. "Bakit parang hindi ka
maligaya. Natupad na pala ang pangarap mo."
"Dahil ayaw niyang pumunta rito. Masyado siyang nasaktan.
Kung gusto ko raw na kunin ang mga anak namin, ibibigay niya pero siya,
ituring ko raw na malaya na siya dahil diniborsiyo ko naman siya. Parang
talagang nilalagot na niya ang taling bumibigkis sa amin." Puno ng hinanakit ang
tinig ng lalaki.
Naisip niya pambihira ang asawa ng lalaking ito. Hindi
pangkaraniwan, hindi martir, hindi tulad ng maraming Pilipinang kilala niya. Sa
isang punto, parang siya. Kung ayaw ba o hindi pwedeng magbiyahe si Arnel, e di
magbibiyahe siyang mag-isa. Maano ba kung mag-isa rin siyang nagseselebra ng
kanilang anibersaryo. Nakadama siya ng hinanakit kay Arnel. Katulad ng
hinanakit sa asawa na nadama niya sa tinig ng lalaki. Sa halos magkatulad na
dahilan. Sa pakiramdam ng lalaki hindi na ito mahal ng asawa. Siya alam niyang
mahal naman siya ni Arnel. Kaya lang kung talagang hindi makararating bakit
hindi man lamang tumawag. Anibersaryo…
"Alam mo, anibersaryo namin ngayon," kuwento ng lalaki.
Muntik na siyang mahulog sa kinauupuan. "Ngayon!"
"Oo,'' kay lungkot ng mukha ng lalaki.
Natutop niya ang kanyang dibdib. Napatingin ang lalaki sa
kanya. Sayang, ang tangi niyang nasambit. Bigla, naisip niyang itanong. "Mahal mo
pa ba siya?"
"I never stopped loving her."
"Bakit di ka umuwi sa atin. Kausapin mo siya. Ipakita mong
mahal mo siya. Magpaliwanag ka na ang lahat ng nangyari ay para sa pamilya.
Totoong nakalulungkot na ang kalakaran ng pakikipagdiborsiyo sa asawa para
makapag-asawa ng isang US citizen upang maging isang US citizen ay sumisira ng
maraming pamilya sa Pilipinas. Sayang
naman…" at naalaala niya si Arnel. At ang kanilang dalawampung taong pagsasama.
Kung hindi pa tatawag si Arnel sa gabing iyon, siya na ang tatawag. At mag-uusap
silang mabuti.
Kay haba ng kanyang sinabi at nabigla, nagulumihanan mandin ang
lalaki. Nang mapagwari-wari ang kanyang winika ay biglang ginagap ang kanyang
palad, tumitig sa kanya at punung-puno ng damdamin na nagwika. "Salamat. Salamat
nang marami. Tama ka, susundin kita. Uuwi ako. Kakausapin ko siya. At hindi ako titigil hanggang hindi siya pumapayag na muli kaming magkasama."
Matagal nang nakaalis ang lalaki nang maalaala niyang
hindi man lamang sila nagtanungan ng pangalan. Pero natutuwa na rin siya na
waring napagaan niya ang kalooban nito. Baka natulungan pang makabalikan ang
asawa. Kayrami ng ikukuwento niya kay Arnel sa kanilang pagkikita. Pati ang
ikadalawampung taong anibersaryo ng kasal na ginugol niya sa piling ng ibang
lalaki. Nakatatawa. At sa maghapong paglilibot, lagi siyang napapangiti sa
alaalang ito.
Ngiting nakapamilaylay pa rin sa kanyang mga labi nang
huminto ang kotse ng kanyang kapatid at bayaw sa kanyang harapan. Ngiting nauwi
sa sigaw ng katuwaan nang masilip sa likuran ng kotse, mandi'y nagtatago pa, si
Arnel.
Na dumating, nakaabot din sa kanilang anibersaryo.
Liwayway, Agosto 17, 199-