Sunday, August 24, 2014

What happened? Ano ang Nangyari?


ANO ANG NANGYARI!

Isang kaibigan na taga-Florida ang nag-order ng dalawang kopya ng librong Sa Sukatan ng Pag-ibig, Sa Timbangan ng Pagmamahal.  Ipinadala ito ng aking anak ngunit makalipas ang ilang araw, tumanggap siya ng notice mula sa Post Office na nawawala ang dalawang libro.  Ang nakita lamang sa Post Office ay ang pinagbalutan na mabuti at nasusulatan ng return address kaya nasabihan siyang nawawala nga ang libro.  Agad namang pinalitan ng aking anak ang nawawalang libro.  

Ang tanong:  SINO ang magkakainteres na bumasa nito?  Tukso nga sa amin dine, you are made!  




Friday, August 22, 2014

'Wentong May 'Wenta 1,2, at 3 - Sa Bangko


'WENTONG  MAY  'WENTA - 1 - SA BANGKO



Noong araw, ewan kung hanggang ngayon, kapag mayroong mga usapang hindi kapani-paniwala, ang komentaryo ay kwentong barbero lang ‘yan.  O kwentong kutsero.  Ngayon, narinig kong minsan, ang tawag nila dito ay ‘wentong ‘alang  ‘wenta.  Ibig sabihin, kwentong walang kwenta.

Minsan, sa araw-araw na buhay, dumarating sa atin ang mumunting karanasan na kapag ikinuwento natin sa iba ay sasabihin sigurong ‘wentong ‘alang ‘wenta.  Pero para sa akin naman, katuwa-tuwa ang mga ito.  O baka talagang mababaw lang ang kaligayahan ko…

Tulad minsan na nasa bangko ako, may nakatabi akong matandang babae.  Tingin ko’y matanda, kasi ay tunay na kulubot ang balat sa mukha, sa leeg, sa mga bisig.  Maluwang at kupasin ang suot niyang blusa.  Karaniwan ang palda at step-in sa paa.  Iyong tipong nakatira sa tabi ng creek.

May inaasikaso pa ang kaharap naming empleyada.  Nagngitian kami.   Tinanong niya ako.  “Ilang taon ka na?”

Mabilis ang aking sagot.  “E, kayo ba, ilang taon?”

“Otsenta’y kuwatro,”  sagot nito
.
Napatango ako.  Tama ako, matanda talaga.  Ako naman ang nagtanong.  “Kinukuha ba ninyo ang inyong pensiyon?”

Ang sagot niya, kasabay ang nguso sa may labas ng bangko.  “Oo.  Kasi offline sa ATM.”

“Ha!”  nagulat ako.  “Marunong kayo noon?”

Nakatawa, tumango siya, sabay ang aksiyon na wari ay nag-swipe ng card.

“Talaga?  Marunong kayo?  Ako, hindi.  Takot ako sa ATM,” kwento ko na ikinatawa niya.  “SSS ba ang pensiyon ninyo?” tanong ko pa.

Oo raw at sa isang pabrika ng sapatos siya nagtrabaho.  “Galing,” sabi ko naman na may damang paghanga sa kanya.  “E, saan kayo nakatira?”

Sinabi niya ang isang baryo o siguro ay isang purok sa Marikina.  “May sarili akong bahay.”

“Talaga!”  lalo akong humanga sa kanya.  “Sino naman ang inyong kapisan sa inyong bahay?”

Aba’y wala raw, dinadalaw lang siya paminsan-minsan ng kanyang mga apo sa nag-iisang anak na kung saan naman nakatira. “E, bakit di pa kayo pumisan sa anak ninyo?”  tanong ko.

Tumawa ang matanda.  “Makulit ang mga bata, mahirap sawayin.”

 “E, paano pag nagkasakit kayo?” tanong ko pa.

Nangyari na raw iyon at ang mga kapit-bahay ang nagdala sa kanya sa Rodriguez, isang ospital sa Marikina.

“Bait naman ng mga kapit-bahay ninyo,” sabi ko.

Mababait nga raw, pero tatlong beses na raw siyang lumipat ng bahay.  “E, bakit?”  sabi ko naman.

Kasi raw, tatlong beses na silang na-demolish.  Kaya alsa balutan lagi, dala ang mga tabla at yero at kung saan ang relocation, doon na ulit sila tumitira.

Wow, sa loob-loob ko, narito ang isang tunay na survivor ng mga demolition.  Matandang independiyente.  Namumuhay nang mag-isa.  Otsenta’y kuwatro, marunong sa atm… Mantak mo ‘yan… Bilib ako talaga!

‘WENTONG MAY 'WENTA - 2 – SA BANGKO PA RIN

Heto pa ang isang “wentong ‘alang ‘wenta, pero napatawa ko naman ang mga kinuwentuhan ko nito.

Nasa bangko na naman ako.  Nagkagulo.    Pati iyong branch manager, lumabas na rin ng kanyang cubicle.  Heto na ang security  guard at waring may sinusundang tao sa gawi namin.

“Kayo yata!”  usig nito sa isang lalaking nakaupo sa grupo ng mga senior citizens.

Umiling ang lalake.  “Hindi ako!”  tutol nito.

Nagpatuloy sa paglingap-lingap ang guwardiya.

“Diyan… diyan…”  sabi noong manedyer.

Isang matandang lalake ang nilapitan ng guwardiya.  “Kayo siguro, Lolo!” wika nito.

Umiling ang matanda, tumayo sa kinauupuan at lumakad, palayo sa guwardiya.

“Ano ba ‘yun?”  tanungan namin sa isa’t isa.

Binalikan ulit  ng guwardiya ang unang lalaking tinanong niya.  “Baka kayo?”

“Hindi ako!”  mariing sagot ng lalake, sabay hubad ng kanyang mga tsinelas at tuloy pahid ng suwelas nito sa kanyang suot na tee-shirt.  “O, gagawin ko ba ito, kung ako ang nakatapak?”

At saka namin naamoy ang  alingasaw  ng natapakang tae ng aso naman siguro, na dinala sa loob ng bangko ng kung sinong nakatapak sa labas.

“Hala, kumuha ng mop at spray at linisin ‘yan,”  utos ng manedyer.

At iyon na nga ang ginawa ng guwardiya.

Pero hindi namin nalaman kung sino ang criminal!  Sa totoo lang, sinipat ko rin ang suwelas ng suot kong rubber shoes…

‘Kakatawa rin…

‘WENTONG  MAY  'WENTA - 3 – AT SA BANGKO PA RIN

Baka naman masabi ng mga mambabasa na lagi yata ako sa bangko.  Hindi po ako nagdedeposito.  Nagbabayad po ako ng mga ilaw at tubig at kung anu-ano pang bayarin.  Tulad nang nabanggit ko sa matandang nakausap ko noon, allergic ako sa mga hi-tech na pagbabayad sa telepono na maraming pinipindot  pang kung ano. Gusto ko, pag nagbayad ako, kita ko iyong tumatanggap ng pera at nahahawakan ko ang resibo.  Kaya po madalas ako sa bangko, dahil ang mga bayarin ay walang katapusan.

At narito na naman ang isang kwentong bangko.

May nakatabi akong may edad na ring babae.  Makwento siya at agad niya akong hinunta.  At sa kaunti kong pagbabalik ng tanong sa kanya, nalaman ko na ang kanyang buhay.

Nakakatuwa na sa sumandaling pagkakausap namin ay nalaman ko nang lahat ito:

Siya ay isang US citizen, pero dual na ngayon.  Tatlo ang kanyang anak, ang nag-iisang babae ang nasa States na lagi, araw-araw, ay tumatawag sa kanya (hindi ko lamang nausisa kung sa computer sila mag-usap o sa telepono).  Isa siyang balo, at batang-bata nang mangyari ito, kasibulan pa kumbaga ngunit hindi na nag-asawang muli, itinaguyod na lamang ang pag-aaral ng mga anak, na swerte naman at mga iskolar sa Ateneo at UP. Galing, may paghanga kong nasabi. 

Nabaha ang dalawang grado nilang bahay ni Ondoy at kasamang tinangay ang kanyang mga alahas at gamit at ang mga uwi niyang laptop, i-pad at iba’t ibang appliances na hindi pa niya naaalis sa mga kahon dahil kauuwi lamang niya ng States.  Tanging ang passport lamang niya ang kanyang naisalba dahil umakyat na siya sa bubungan ng bahay. 

Ibinibenta na niya ngayon ang kanyang bahay ngunit binabarat daw ito ng bumibili.  Sa condo na siya nakatira ngayon.  Pampatulog niya sa gabi ang panonood ng mga teleserye sa napakanipis na telebisyon na kabibili niya, kai-install sa kanyang kuwarto (nasa sala iyong isa).  Panuntunan niya sa buhay, basta at wala kang ginagawang masama sa kapwa, okey ang buhay.  Sa mga taong gumawa ng masama sa kanya, sila anya ang magdadala noon, hindi siya. 

Ngayon, kung sa telepono ako nagbayad ng mga bayarin ko, may makakausap ba akong tao na tulad niya? 

Sa Paglalaro ng Apoy


SA PAGLALARO NG APOY


SIYA, si Wilma ay bunga ng isang wasak na tahanan. 

Lima silang magkakapatid at siya ang bunso. Siya ang nakasapol ng ligalig sa buhay ng kanyang mga magulang. At ang lahat ay natanim sa mura niyang isipan. Mga gabi ng pagluha ng kanyang ina. Dumadalang, tuluyang hindi pag-uwi ng kanyang ama. At kanyang naisumpa sa sarili, hindi siya mag-aasawa.  Noon iyon. Siya ay isang batang paslit. Hindi pa malay makaranas ng pag- ibig. 

Tinedyer siya nang katukin ng first love ang kanyang puso. Malabo na ang alaala ng nangyari sa kanyang mga magulang. Kumakaway ang pag-ibig. Siya ay natatangay. May kaba mang naliligaw, nakahanda na siyang makipagsapalaran. 

Nang datnan niya sa kanilang bahay ang kanyang ate, panganay niyang kapaitd na limang taon nang may asawa, dalawa na ang anak. Nagsusumbong sa kanyang ina. Nagloloko ang asawa. May kinahuhumalingang babae. At ang nakaraan ay buung-buong ibinalik ng eksenang iyon. Ang sakit ng loob ay muling nanariwa. Muling naalaala ang sumpa. At kinalimutan niya ang tawag ng unang pag-ibig.


Makulit si Erwin. Ang sabi nito. “Give yourself a chance, Wilma.”


“Ha,” ang piksi niya. “Ang ibig mong sabihin, give yourself a chance, Erwin. A chance to break my heart.”


Umiling si Erwin. “Napaka-negative mo, Wilma. Ang nangyari sa mga magulang mo ay hindi parang sakit na namamana.”


“Bakit ang ate ko. Nang may mangyari sa buhay nilang mag-asawa, lilimang pa lang silang kasal. Supposed to be honeymoon state pa rin iyon.”


“Adjustment period iyon, the first five years. Siguro they weren’t able to iron our the kinks.” paliwanag ni Erwin.


Bigla naalaala niya ang kapatid niyang lalaki. “Ang kuya ko. Dapat leksiyon na ang nangyari sa buhay ng nanay sa kanya. Mahirap ang wasak na pamilya. Pero ano ang ginagawa niya. Sabi ng hipag ko, ayun, may kinalolokohan…”


“Hindi naman ako ang kuya mo. Hindi ako ang tatay mo.”


“Pero lalaki ka. Lalaki ang tatay ko, kuya ko, bayaw ko. Nagloko sila, nahumaling sa iba. Ergo, magloloko ka ring tulad nila.”


“A… mali ka na naman diyan, Wilma. Iyan ang tinatawag na hasty generalization. Tatlong lalaki ang sampling mo, pagkatapos ang conclusion mo ay para sa lahat ng lalaki,” tutol ni Erwin.


“A, ewan,” nagkibit siya ng balikat. “Absent ako se eskwela noon.”


Nagseryoso si Erwin. “Isang tanong lan, Wilma.”


Umiling siya. “Ang sagot ko ay hindi, wala, ayoko.”


Tumango si Erwin. “Alam ko. Hindi ka mag-aasawa. Wala kang balak pakasal. Ayaw mong magka-boyfriend. Iba naman ang tanong ko. Please lang, Wilma sagutin mo.”


Sumasamo ang tinig ni Erwin at napahinuhod siya. “O ano?”


“Mahal mo ba ako,” tanong ni Erwin.


Ang  tawa niya. “I refuse to answer on the ground that I might incriminate myself.”


Nakikiusap pati mata ni Erwin. “Please.”


At naawa siya dito. “Erwin, sa lahat ng mga nanligaw sa akin, ikaw na ang pinakamalapit sa aking puso. Ngunit wala akong balak mag-boyfriend dahil wala akong balak mag-asawa. Sorry.”


Nagliwanag ang mukha ni Erwin. “Iyon lang ang gusto kong marinig.”


Magkasama sila sa opisina ni Erwin. At matalik niya itong kaibigan bago naging manliligaw. Magkaibigan noong dalaga ang kanilang mga nanay kaya alam nito ang loob at labas ng kanyang buhay. Gusto niya ang ugali ni Erwin. At totoong mahal niya ito. Kundangan nga lamang at nadala na siya sa nangyari sa buhay ng kanyang ina at kapatid. Pati naman ang kanyang kuya, pinalala pang lalo ang mga pangyayari.


Pero talagang makulit si Erwin. Nang muli silang mag-usap, iba naman ang thrust ng mga salita nito. “Ang tatay ko, di ba kilala mo, Wilma. Ano’ng masasabi mo.” 


Saglit siyang nag-isip. “Mabait.”


“Ang Kuya ko. Si Mang Fred na asawa noong may tindahan sa kanto doon sa inyo. Si Mr. Estrada na kabarkada ng mga nanay natin noong high school. Si Mr. Luna ng accounting. Si Mr. Carlos, ang boss mo.”


Nasakyan niya ang ibig sabihin ni Erwin. “Naroon na ako. Wala silang chicks. Pero hindi kaya dahil walang opportunities na lumalapit. Given the right time and the right woman, sira na rin ang record nila.”


Umiling si Erwin. “Ewan ko, Wilma. Mayroong mga taong tinutukso at natutukso naman pero hindi pa rin pumapatol dahil hawak nila ang kanilang sarili. Ibig lang sabihin, totoo silang tao ngunit matatag sila. Tulad ng iyong boss. Si Mr. Carlos. Sa Sales iyan. Hindi mo sasabihing lacking in opportunities iyan. Pero balitang devoted iyan sa asawa. Siya at ang kanyang mga kamukha ang general rule. Ang tatay mo at kuya mo ang exception."


Si Mr. Carlos ang kanyang boss. Matangkad, guwapo, laging nakangiti, masarap kausap, bata pa, mga mahigil lang kuwarenta. Hinanap niya ang mga mata ni Erwin.  “Baka… baka hindi pa lang natatagpuan ni Mr. Carlos ang kanyang waterloo.”


Ang hinala ay isinatinig ni Erwin. “Huwag mong sabihin, Wilma.”


At ang nabuong pasiya ay kanyang isinatinig rin, “Kung paibigin ko kaya siya.”


“Wilma, huwag.”


“At tanggihan niya ako…”


“Wilma!”


“Then, mababago na ang pagtingin ko sa buhay may-asawa.”


Nagbakasyon ang sekretarya  ni Mr. Carlos. Maternity leave. Siya, si Wilma ang ipinalit pansamantala. Pakiramdam ni Wilma, lahat ng kilos niya ay sinusundan ni Erwin. At sa loob-loob niya, for your sake Erwin, sana huwag akong patulan ni Mr. Carlos.


May plano siyang isinagawa. Para mapansin siya ni Mr. Carlos. Kilalang punctual si Mr. Carlos ngunit hiindi siya naunahan nito sa pagdating sa opisina. Lagi, dinaratnan na siya nito. Nasubaybayan na niya ang diyanitor sa paglilinis ng kuwarto nito, ng mesa at mga cabinet. Nakahanda na rin ang mainit na tubig sa thermos para sa kape. At araw-araw, may dala siyang isang bulaklak ng rosas na inilalagay niya sa isang munting plorera na  siya rin ang bumili at nagpatong sa ibabaw ng mesa nito. Ito ay kaagad napuna ni Mr.Carlos.


“Dala mo ito, Wilma.”


Mabilis siya. Kimi, waring nahihiya, kinuha agad niya ang plorera. “Ayaw ninyo,Sir. Aalisin ko na. akala ko lang matutuwa kayo.”


Dagling pinigil siya ni Mr. Carlos. Hinawakan ang kanyang kamay. “Gusto ko, Wilma. Kaya lang baka matabig ko dahil maraming folder dito sa mesa. Doon mo na lang ilagay sa ibabaw ng cabinet, okay.”


Ayaw ni Mr. Carlos, naisip niya, pero how tactful. Nasa bahay na siya ay parang naririnig pa niya ang tinig nito at waring damang-dama pa ang init ng palad nito sa kanyang kamay. Natulog siyang ito ang laman ng kanyang isipan. At ito pa rin sa pagpasok sa opisina. Ngunit si Erwin ang dinatnan niya sa kanyang mesa.


“Oy,” masaya niyang bati.


Hindi ngumingiti si Erwin. “Nag-aalala ako, Wilma.”


Maganda ang kanyang gising. Ang lahat ay isang biro. Pinagdaop niya ang kanyang mga palad tulad sa isang haponesa at kanyang sinabi. “Please not to worry.”


Ngunit hindi nagbago ang mukha ni Erwin. “Wilma, alalahanin mo lang. mayroon tayong kasabihan. Ang naglalaro ng apoy kadalasan ay napapaso.”


Saglit siyang hindi nakahuma. Nang magsalita siya ay madalang, mariin ang bawat salita. “Wala akong balak maglaro ng apoy, Erwin. Gusto ko lang patotohanan, given the temptation, lahat ng lalaki ay matutukso. Hindi ko sinabing papatulan ko siya kapag pinatulan niya ako. At pwede ba, Erwin, huwag mo na muna akong kakausapin.”


Nang tumalikod ang binata ay nakadama siya ng pagkaawa. At naisip niya. Mahal kita Erwin. Kaya lang natatakot ako. Nais kong makatiyak. Ngunit ang lahat ng kanyang alalahanin ay naparam nang dumating si Mr. Carlos, may magandang balita.


“Wilma, may memo na lalabas, sabihin mo sa iyong mga kasama, ihanda ang mga bikini. May summer outing ang kompanya sa Sariaya. Maganda raw ang beach doon.”


Palabiro si Mr. Carlos. Sino ba sa Sales ang hindi. Ngunit ang pagkabanggit nito sa bikining isusuot paliligo sa dagat ay may inihatid na pagkabigo sa kanyang kaibuturan. Si Mr. Carlos, hindi rin naiiba sa karamihan. Mahilig rin sa mga seksing naka-bikini. Ngunit sumingit ang alaala ng sinabi ni Erwin. Natutukso rin kapag tinutukso ngunit hindi pumapatol dahil matibay.


Tatlong malalaking bus na airconditioned ang sinakyan nila patungong Sariaya. Kasama sa bus nila si Mr. Carlos. Gayon din si Erwin. Ngunit hindi siya kinakausap nito bagaman at alam niyang panay ang sulyap sa kanya. Dala niya ang kanyang bikini. Na kanyang isinuot. Shocking pink na bagay na bagay sa kanyang kaputian. Sa sulok ng kanyang mga mata ay kitang- kita niyang sinusundan siya ng tingin ni Mr. Carlos. Minsang nagtama ang kanilang mga mata ay nginitian siya nito.


Sa grupo nila nakisalo si Mr. Carlos. Pawa silang mga dalaga at si Mr. Carlos ang naging tampulan ng kanlang mga tukso. Siya ang nangunguna.


“Naku sir, hindi kaya magalit si misis kapag nakita kayo ngayon. panay seksi ang kausap ninyo.”


Masaya rin si Mr. Carlos. Game, wika nga. “Ay Wilma, binata yata ako.”


“Hala kayo sir, isusumbong namin kayo kay Cynthia,” sabay-sabay na wika ng mga kaharap ni Wilma.


Naisip ni Wilma, wala pala siyang alam sa buhay ni Mr. Carlos. Sino si Cynthia. Binalingan niya ang kanyang boss, “Sir, kwentuhan mo naman kami tungkol kay Cynthia.” 


Ngunit ang mga kasama ni Wilma ay nagkayayaang maligo pagkatapos kumain at siya lamang ang naiwanang kakuwentuhan ni Mr. Carlos.


“She’s pretty, if I may say so. Masaya. Pilya. Malambing. Manang-mana…”


Ang kutob ng loob ay sinundan ni Wilma. “Anak ninyo si Cynthia?”


Nakatawa, tumango si Mr. Carlos. “My firstborn. Disinuwebe, halos kaedad mo. Maaga akong nag-asawa, Wilma. Hindi pa tapos mag-aral. Kaya ang dinanas naming mag-asawa noon hindi siguro kaya ng mga kabataan ngayon, na konting hirap, konting away, naghihiwalay.”


“Mahal na mahal ninyo siya… si misis. Ang inyong pamilya…” hindi mapigil ni Wilma ang sarili sa pagtatanong.


Tumingin sa laot si Mr. Carlos, matagal. At naalaala ni Wilma ang isang lumang-lumang awitin. Narinig niya sa radio, sa paboritong istasyon ng kanyang ina. My love is deep as the sea… that flows forever…you ask me when will it end I tell you never…


Bigla tumayo sa pagkakaupo si Mr. Carlos. “Nasasayang ang oras, Wilma. Kailangang mag-enjoy tayo. Mag-relax. Join the young ones. Saka na lang kita kukuwentuhan. Kaya lang, boring. Nothing remarkable about my life and my wife. We just love each other. Not the stuff great novels are made of…”


Matagal nang nakaalis si Mr. Carlos ay hindi pa rin tumitinag si Wilma sa kinauupuan. Parang umuulinignig sa kanyang tainga ang mga sinabi ni Mr. Carlos. We just love each other. Nag-iibigan lang kami. Para kay Mr. Carlos, walang kahanga-hanga sa bagay na iyon. Napakasimpli. Isang bagay na natural. We just love each other.

At iyon ang sagot sa kanyang tanong. Iyon ang patunay sa mga sinasabi ni Erwin. Ang mga taong tulad ni Mr. Carlos na umiibig pa rin sa asawa sa kabila ng maraming taong nagdaan ang siyang kalakaran sa mundo. Ang kanyang ama, kapatid at bayaw ang kataliwasan. Kahit na tinutukso, kahit na natutukso, mayroong mga taong nahahawakan pa rin ang damdamin. Pinatatatag ang pag-ibig ng asawa, ng pagmamahal sa asawa.


Kay lalim ng buntong-hininga ni Wilma. Magkataliwas  ang damdaming kanyang nadarama. Naroon ang lumbay. At ang pagkabigo. Ngayon niya natanto, kaunting panahon pa, ayaw man niya, mahuhulog ang kanyang loob kay Mr. Carlos. Tama si Erwin. Walang naglaro ng apoy na hindi napapaso. Sa kanyang kaso, ang pagkapaso ay hindi dahil siya ay pinatulan kundi dahil siya ay nabigo.  Si Mr. Carlos, nasa mga kilos at salita na hindi nakikilaro. Nasaktan ba ang kanyang pride?. Pride, ano na ang pride? Ang iniingatan niyang masaktan ay ang kanyang puso. Kaya kung tutuusin, sa likod ng kanyang pagkatalo, naroon din ang kanyang tagumpay.


Nilingap ni Wilma ang paligid. Hinanap ng mga mata si Erwin. Tumatakbo si Erwin patungo sa kanya. At patakbo rin siyang sumalubong dito. 

Liwayway, Hulyo 14, 1986

Monday, August 11, 2014

Cherry Eyes - 3 - Makinilyang Luma


Cherry Eyes - 3 - MAKINILYANG LUMA
















Nabahang makinilya 
Salamat at naisalba
Ng istudyante sa pintura
Amateur man pagkapinta
Ikinwadro nang maganda
Sa teklado niya itinipa
Mga panalo sa Palanca.



 

















Nasa computer ako ngayon
Ngunit ikaw ang inspirasyon
Sa dingding ay dekorasyon.

Cherry Eyes - 4 - Kalansay ng Bahay



Kalansay ng Bahay



Kalansay ng bahay
aking nadaanan
lagping durungawan
wasak na pintuan,





Kalawanging yero
butas na bubungan
hagdang kulang-kulang
ang mga baitang.  

Nasaan na kaya
dating nakatira - 
Habulan sa hagdan
mumunting mga paa,
Inang nakadungaw
naghihintay sa asawa
Kung ito'y naka-vale
at may uwing pera.







Marahil, pinalad
tumama sa lotto!
Bahay ay iniwan
ngayo'y nasa condo.