Ako, basta nakaamoy ng halimuyak ng sampagita, kagyat na bumabalik sa aking gunita ang mga buwan ng Mayo ng aking kabataan. Kasunod na nito ang alaala ng mga pag-ilaw sa santakrusan, iskarsiyon sa Antipolo, bakasyon at barkada at panginginain ng manggang manibalang, asim! na umano'y nahingi (o nasungkit?) sa puno ng may puno.
Sabi naman ng isang kaibigan, siya raw, basta nakarinig ng isang lumang awit, doon siya parang nababalik ng panahon. Daig pa raw ang time machine! Rock n Roll? Napapaindak na siya, kahit ngayon ay masakit ang kanyang tuhod. The Platters? Only You, The Great Pretender, Twilight Time? Balik-gunita na siya sa mga jam session noon kung saan ang sayaw ay sayaw, magkahawak ang kamay, magkadikit ang noo, o wika nga ay cheek to cheek!
Wika naman ng isa, kapag may natikman siyang kasing-lasa ng pagkaing dati nang nakain, feel na feel niyang back in time siya. Kaso, hirap na raw mahuli ang lasa ng mga pagkain noon sa ngayon. Ang fried chicken na timplado lamang ng asin, paminta, bawang at kaunting suka, mula sa bagong huling inahin na pagala-gala sa bakuran at pinatutuka ng palay ay naglaho na. Masarap man ito, iba na ang lasa ng mga fried chicken ngayon na nakakulong at laki sa iba't ibang bitamina.
Nabanggit ko lamang ang mga ito dahil sa kwento ko ngayong buwan ng Mayo, na tungkol sa isang puno ng sampagita. Sa pagbabakasyon ko noon sa abroad, nakakita ako ng mga Pilipinong nag-aalaga ng halamang ito. Tunay ang ginagawa nilang pagpapala na talaga namang yumayabong ang halaman, namumulaklak at nagsasabog ng halimuyak sa loob ng kanilang tahanan. Nakatanim ito sa malalaking paso, na labas-masok sa loob at labas ng kanilang bahay, depende sa lagay ng panahon - winter, spring, summer or fall.
MAY ISANG PUNO NG
SAMPAGITA
WALA pang isang dangkal niya ang taas ng puno ng
sampagita. Pipito ang mga dahon, lanta
na’t natutuyo ang isa, ngunit may dalawang ga-daliring supling na sanga. Sinuri-suri ni Noemi ang munting paso na
kinatatamnan ng sampagita. Dinampi ng
dulo ng hintuturo ang lupa.
“Lupa ba ito
sa atin?” ang lupang dumikit sa daliri
ay pinagmasdang mataman ni Noemi.
Napatawa ang
hipag ni Noemi na siyang may dala ng puno ng sampagita. “Naku, ewan ko, pambihira ka naman. Basta’t nang makita ko ‘yan, e, kinapalan ko
na’ng aking mukha. Hiningi ko agad sa
kaibigan ko. Sabi ko’y may hipag akong
homesick na homesick na tanging ang bango lang ng bulaklak ng sampagita ang
makalulunas. Walandyo, tagalog ‘yan…”
Sinulyapan ni
Noemi ang kanyang hipag. Pagkuway
ibinalik ang paningin sa puno ng sampagita at nagtanong . “Halata ba?”
Nagkibit ng
balikat ang hipag ni Noemi. “Loud and
clear. Nagdaan naman kaming lahat sa
ganyan. Lalo ang kuya mo. Miss na miss niya ang kanyang barkada’t
kainuman.”
Tumango si
Noemi. “E, di tenk yu na lang, Ate. Sana’y mabuhay ito.”
“Mabubuhay
iyan, alagaan mo lang na mabuti. Huwag
raw aalisin sa paso. Ilipat mo lang sa
malaki. Kapag summer mo lang daw
ilalabas ng bahay dahil sa panahong iyon lamang medyo makakapareho ang klima
natin dito sa klima sa atin doon.
Pagpasok ng fall, dapat ay dadalhin mo na sa loob ng bahay ang paso,
dahil kapag inabutan ito ng frost, ay,naku, lagot ang sampagita mo. Kailangan ding may palagiang ilaw na
nakabukas sa ibabaw ng paso. Para bagang
sikat ng araw. Lalo’t winter na, below
zero ang temperature, kailangang- kailangan ng halaman ang init.”
Bumili si
Noemi ng isang malaking paso, de dose ang sukat, may disenyo ang gilid. Bumili rin siya ng pataba, mga gamit sa
paghahalaman tulad ng maliit na shovel at fork at guwantes para maprotektahan
ang kanyang mga kamay.
Naintriga si
Brian, ang kanyang asawa.
Nag-usisa. Sa buong panahon kasi ng kanilang pagsasama ay hindi siya
nakitang naghalaman nito. Sa simula pa
lamang ay sinabi na niyang ito ang bahala sa kanilang bakuran at mga halaman at
siya naman sa loob ng bahay. Ngunit
ngayon, nakita nitong asikasung-asikaso niya ang pag-aalaga sa gadangkal na
halamang iyon.
Sa
nagtatanong na mga mata, nagpaliwanag si Noemi.
“This is sampagita, our national flower.
The color is pure white, the petals are dainty and it smells so
sweet. So fragrant, you won’t fail to
notice it once it comes out.”
Tumango-tango
si Brian. At sinabi nitong siguradong
mabango nga ang bulaklak, dahil sinabi niya.
Ngunit sa huli’y idinugtong na mas mabango siya kaysa sampagita, sabay yakap at halik sa
kanya. At naisip niya, Americans are great
huggers.
Kaibigan ng
kanyang kuya si Brian. Isang arkitekto ang kanyang kapatid, plumber si
Brian. Na nakapag-ral din sa kolehiyo
bago naging lisensiyadong tubero. Na
siyang nagustuhang trabaho. Blue
collar. Sa Pilipinas, isang opisyong
laging nakakabit sa malalaking konstruksiyon, kung magaling ka’t sikat at may
capital. O isang opisyong naaalala
lamang ng mga tao kapag may sira o tumutulong gripo o ayaw gumanang onidoro.
Si Brian,
nang ipakilala sa kanya ng kanyang kuya ay halatang nagkagusto agad sa
kanya. Gusto rin ito ng kanyang
kapatid. Sagot daw sa kanilang dasal
para sa kanya. Solusyon sa kanyang problema. Inilingan lamang niya ito. Laman pa ng kanyang isipan si Carlo.
Si Carlo ay
isang kababata, kapitbahay, kinakapatid.
Ninang niya ang nanay nito. Si
Carlo ang tatay sa kanilang larong bahay-bahayan nang paslit pa sila’t walang
malisya ang samahan. Siya ang
nanay. Kung siya ay titser sa larong
iskwe-iskwelahan, si Carlo ang principal.
Kung empleyado sila sa munisipyo, siya ay klerk, si Carlo ang boss. Hanggang lumaki sila’t naging tinedyer,,
nag-aral sa haiskul. Si Carlo ang
nagturo sa kanya ng mga bago at usong sayaw.
At siya ang nagturo rito ng mga bago at usong kanta.
Walang bahagi
ang kanyang kamusmusan at kabataan na hindi kasama si Carlo. Si Carlo ang nawawala sa umpukan kapag
nasambit niyang para bang gusto niyang kumain ng manggang manibalang dahil may
bagong lutong bagoong ang kanyang nanay.
Pagbalik nito’y may bitbit nang isang kumpol ng mangga, kapipitas lamang
at may dagta pa. Ang nakapagtataka’y wala
namang puno ng mangga ang mga ito. Pag
tinanong nila’y tatawa lamang at magsasabing sige lang, kain lang kayo, pag
nabulunan kayo dahil umit yan, e, di pasensiya.
Kunwari nama’y aayaw pa sila, pero kalaunan, ay kakain na rin. Ganoon lamang naman sa kanilang
probinsiya. Karaniwan lang iyong
nawawalang bunga ng mangga o murang buko kapag Mayo at panahon ng bakasyon ng
mga nag-aaral.
Kapag buwan
ng Mayo ay may santakrusan sa kanilang lugar.
Gabi-gabi, sila ni Carlo ay umiilaw sa prusisyon. Lagi siyang iginagawa
ni Carlo ng pansahod ng tulo ng kandila para hindi siya mapaso. Isang binilog na matigas na karton, may butas
sa gitna na sinusuutan ng kandila at saka binalutan ng palara para sa bawat
imbay ng kanyang kamay ay lumilikha ng kislap kapag natamaan ng liwanag.
Ngunit ang
hindi niya malilimutan sa mga buwang iyon ng Mayo ay ang kuwintas ng sampagita
na laging ibinibigay ni Carlo sa kanya.
“Ako ang
nagtuhog niyan,” pagmamalaki nito
“Talaga?” kunwari, hindi siya naniniwala.
“Aba, oo.
Natusok pa nga ako ng karayom.”
Ipakikita pa ni Carlo ang daliri sa kanya.
Hahawakan
niya ang daliri ni Carlo. Aaninawin ang
sinasabing tusok. Sunod, ang sariling
daliri ay hahagkan at pagkatapos ay idadampi sa natusok na daliri ni Carlo. “Hayan, magaling na ‘yan.”
At isusuot
niya sa kanyang ulo, isasabit sa kanyang leeg ang kuwintas ng sampagita. Kaya habang umiilaw sila sa prusisyon ay
nasasamyo niya ang mabangong halimuyak nito.
Pag-uwi sa bahay ay ipaiilalim niya ang kuwintas sa loob ng punda ng kanyang
unan, tuloy hanggang sa kanyang pagtulog ay nababalot siya ng bango. Buwan ng Mayo nang tuluyan nang nagkaunawaan
ang kanilang mga puso.
Nang mag-aral
sila sa Maynila, kapag dinadalaw siya ni Carlo sa tinitirahang kasera, lagi
itong may bitbit na kuwintas ng sampagita.
Tinukso tuloy siya ng isang kasama.
Ang unang anak ninyong babae, e,
pangalanan ninyo ng sampagita. Ang
tawa lang niya. Ang totoo’y bumubuo na
nga sila ng mga balak sa hinaharap.
Magtatapos mag-aral, magtatrabaho at kapag stable na’t may naipon,
magpapakasal na. Nakatapos nga sila’t
nakapagtrabaho, nag-iipon na’t may naiipon na nga, nang mahikayat si Carlo na
magtungo sa Middle East.
“Madali
tayong makaiipon,” wika nito sa kanya.
Umiling
siya. “Mahirap ang magkalayo. Maraming maaaring mangyari.”
“Walang
mangyayari.”
“Anong
gagawin ko habang wala ka?”
“Magsusulatan
tayo, paminsan-minsan, tatawag ako sa iyo.”
Hindi natinag
sa kanyang desisyon si Carlo at umalis ito.
Natapos ang unang kontrata at umuwi.
Akala niya’y pakakasal na sila ngunit muli itong pumirma ng bagong
kontrata. “Para rin sa atin ito, Noemi," alo ni Carlo sa kanya. At umalis itong muli.
Noon siya
niyaya ng kanyang kuya sa States na magbaka-sakaling kumuha ng tourist visa
para makapagbakasyon doon. Suwerteng
nakakuha siya. Sa Virginia,
malapit sa Washington DC, nakatira ang pamilya ng kanyang kapatid. Inilibot siya ng mga ito sa magagandang
tourist spots. Tuwang-tuwa siya at
talagang enjoy sa mga nababagong karanasan.
Hanggang
dumating ang isang mapait na balita mula sa Pilipinas. Kasama si Carlo sa mga nasawi sa isang malaking
pagsabog na isinagawa ng mga terorista sa bansang kinaroonan nito. Napakalubha ang pangyayari na ni wala nang
bangkay si Carlo na maiuuwi sa Pilipinas.
Gusto na
niyang mamatay. Gusto rin niyang
umuwi. Upang makita man lamang kahit sa
huling sandali si Carlo. Ngunit may
daratnan ba siyang masisilayan?
Sabi ng
kanyang kanyang kuyang. “Dito ka muna.
Noemi. Ituloy mo ang bakasyon mo.”
“May trabaho
ako sa atin.”
“Dito ka
muna,” ulit ng kanyang kuyang. “Gagawa tayo ng paraan. Magkakatrabaho ka rin dito. Saka…”
hindi man binigkas ng kanyang kapatid ang gusto pang sabihin nito ay
talos na naman niya kung ano. Saka nang malibang ka, magamot ang iyong
sarili, malimutan ang nangyari kay Carlo.
Napahinuhod
siyang tumigil muna sa kapatid. Ipinasok
siyang medical clerk sa isang klinika ng kaibigan nitong isang mag-asawang
doktor na Pilipino. Habang nagtatrabaho
ay nalibang siya, tinuruan ang sariling isipin na si Carlo ay nasa ibang bansa
at nagtatrabaho lamang, nag-iipon para sa kanilang dalawa. Kung gabi,
sa kanyang pag-iisa, saka siya umiiyak, tinatangisan ang kasaliwaang-palad.
Akala niya’y
naililingid niya sa kapatid ang kanyang damdamin. Hindi pala.
At may binabalak pala ito. Noon
ipinakilala sa kanya si Brian.
Binata. Guwapo. Na wari ay agad nahalina sa kanya. Niligawan siya, naghandog agad ng kasal.
Inilingan
niya ang pangaral ng kapatid. “Uuwi na
ako,” sabi niya.
“Keep an open
mind. Huwag mong isarado agad ang iyong
isip, ang iyong puso. Remember, wala na
si Carlo. Mabait si Brian. Matagal ko na siyang kilala. Pati pamilya niya, nakita ko na.”
Wala na si
Carlo. Wala na nga siyang uuwian. Bakit pa siya uuwi?
At napakasal
siya kay Brian. Naayos ang kanyang mga
papeles at sa panahon ng kanilang pagsasama, masasabing naging tiwasay ang
kanyang buhay. Ngunit hindi lingid sa lahat ang tunay niyang damdamin. Still homesick, sabihan ng mga ito. Na hindi niya pinabulaanan.
BUWAN ng Mayo
nang ibigay kay Noemi ng kanyang hipag ang puno ng sampagita. Parang batang sinubaybayan niya ang bawat
pagsusupling ng mga dahon nito.
Alagang-alaga niya sa pataba, sa pagdidilig. Kung walang tao sa paligid, ito’y kinakausap
pa niya. “Bigyan mo ako ng
bulaklak.” At sa kanyang isipan, nang muli kong masamyo ang tamis ng pag-ibig
ni Carlo.
Patapos ang
summer sa States nang umuwi sa Pilipinas
si Noemi dahil sa pagkakasakit ng kanilang ina.
Sa pagmamadali ay hindi na niya naalalang ipagbilin sa kapatid at hipag
ang kanyang puno ng sampagita na nasa likod- bahay nila. Sa kanyang pag-uwi ay nakausap niya ang
pamilya ni Carlo at ibinigay sa kanya ang mga bagay-bagay na para sa kanya, na
iningatan ni Carlo nang nabubuhay pa. Sa
mahabang panahong inilagi niya sa mga kapaligirang kinalakhan nila ni Carlo,
nakadama siya ng kapayapaan sa sarili.
Isang matatawag na closure. Bagamat nang nasa eroplano siya at pabalik
kay Brian, panibagong isipin naman ang gumugulo sa kanya. Ito’y kung ano ang kahihinatnan ng kanilang
pagsasama. Kung may hinaharap ito.
HINDI handa si Noemi sa galak na nadama
nang makita si Brian na masayang sumasalubong sa kanya. May dala itong overcoat. Isinuot agad sa kanya, sabay yakap nang
mahigpit. “It’s freezing outside. But it’s nice and I got a surprise for
you.”
Panay ang
kwento ni Brian habang nasa biyahe sila pauwi ng kanilang bahay. Imbitado raw
sila sa hapunan ng kanyang kuyang. Sabik
na ang lahat sa kanyang pagdating . Sa pakiramdam ni Noemi, parang ang layo na
ng Pilipinas. May lungkot siyang nadama,
na wari ay may katambal naming kapayapaan ng damdamin ng isang naglakbay na pauwi na sa kanyang
pamilya.
Ganito ang
nararamdaman ni Noemi nang buksan ni Brian ang pinto ng kanilang tahanan at
binalot siya ng isang halimuyak na kilalang-kilala niya. “My God!” bulalas
niya.
Sa sala ng
kanilang bahay, naroon ang kanyang puno
ng sampagita, hindi pa karamihan ang mga sanga, ngunit bawat dulo nito’y
namumulaklak na.
“Your
national flower is a very hardy plant.
It will thrive anywhere in the world.
And it’s so sweet… so
fragrant…”
“Oh, Brian,”
napayakap si Noemi sa asawa. Agad niyang natanto na ito ang nag-asikaso sa
kanyang puno ng sampagita nang siya ay umalis.
“With loving care, it will, Brian.
It will…”
At sa kaibuturan ng
kanyang dibdib, ibinulong ng kanyang puso, salamat
Carlo, salamat.
LIWAYWAY MAY 16,2005