Wednesday, March 26, 2014

Graduation Noon...Reunion Ngayon... at Minsan,, May Kasunod pang Iba...




Graduation Noon...
Reunion Ngayon... at
Minsan, May Kasunod pang Iba…

Panahon na naman ng pagtatapos sa pag-aaral ng mga istudyante.  Kahapon, nang papunta ako sa kabayanan ng Marikina, nadaanan ko ang isang paaralan na nagdaraos ng graduation ng mga bata. Ang oras ay ikasampu ng umaga. Ang mga magtatapos na istudyante ay nakaupo sa mga silyang nasa ilalim ng matinding sikat ng araw, sa gitna ng bakuran ng hugis letrang U na mga gusali ng paaralan.

Kawawa naman ang mga bata, komentaryo ng isang nagdaraan. At naisip ko, kami ba, noong araw, ganito rin? Nakabilad rin sa araw?

Sa pagkatanda ko, makapananghali ginanap ang aming graduation, mga alas dos siguro. Mainit rin, nakabilad rin kami sa araw, ngunit sa totoo lamang, parang hindi naming ininda iyon. Excited kami! Sa wakas, ga-graduate na! Luluwas na sa Maynila!

At ang ganda yata ng suot namin. Puting damit na hanggang kalagitnaan ng binti, yari sa lace. Puting sapatos na may isa’t kalahati hanggang dalawang pulgada ang takong. Naka-stocking pa na ang pumipigil lamang sa pagdausdos sa binti ay garter sa hita. Kung mahaba ang buhok na dati ay nakatirintas pagpasok sa klase, noon ay nakatribuson. O bagong kulot kaya. At higit sa lahat, for the first time sa marami, naka-lipstick kami! At kolorete, na lipstick rin na ipinahid sa pisngi (wala pa yatang blush-on noon).

Ang mga lalaki ay naka-truvenized. Iyon ang tawag sa mahaba ang manggas na shirt. Hindi ko matandaan kung ano ang kanilang pantalon. Khaki pa rin siguro.

Inabot kami ng dilim sa dami ng mga presentation. Ang nasabing presentation ay nasa segment ng aking participation sa palatuntunan. Kinakatawan ko kasi ang subject namin na Physical Education, kaya, may folk dance dito, kaunting gymnastics at kung anu-ano pa. 

Masaya ang lahat. Masaya ang high school days. Masarap na pinagbabalikan.

Kaya nga mayroong mga reyunyon. Kung saan muling nakakatagpo ang mga unang pag-ibig. Sabi nga, first love never ever dies daw. Witness ako diyan. Sa totoo lang.

At diyan pumapasok iyong nasa titulo ng introduksiyong ito na …

Minsan, May Kasunod pang Iba.

Tulad ng kwento ko ngayon tungkol sa buhay at pag-ibig ng magkamag-aral. Na may bahid ng katotohanan. Opo!

Bukod pa sa ibang kwento ng tunay na buhay… na naghihintay na magkatotoo!

Opo!

Historia de Un Amor



HISTORIA DE UN AMOR

BINULUNGAN ako ni Ka Luming, ang aking katabi sa pagkakaupo sa mga inukit na upuang bangkong kahoy na nakapalibot sa pabilog na chapel sa loob ng Tagaytay Highlands na pinagdarausan ng kasal ng kanyang kapatid.  “Isulat mo nga ang historia de un amor ni Manoling at ni Claring.”
Natawa ako.  “Dated na dated ka naman, Ka Luming.  Historia de un amorPanahon ng mga kantang Malaguena at Andalucia.  Bakit, iyon ba ang theme song nila?  Saka, di ba Claire at Manny na sila ngayon?”
Natawa rin si Ka Luming.  “Ay, basta sa akin, e Manoling at Claring pa rin sila.  At tama ka, panahon nila ang kantang iyon.”  
Hindi na ako sumagot at tahimik na naming itinuun  ang aming pansin sa  mga ikinakasal. Malakas ang hihip ng hanging nagmumula sa mga kahoy sa paligid at sa dakong ibaba  ng kinaroroonan  ng lawa ng Taal.  Paminsan ay inililipad nito ang nakaalampay na puti at burdadong spanish mantilla sa balikat ni Claring, sanay kami talaga sa Claring.  Isang simpling damit na mahaba na yari sa malambot na satin  lace ang suot niya, kulay ecru, at ang tanging suot na alahas ay ang sinaunang kuwintas na may palawit na locket na mana niya sa kanyang ina.  Simpli rin ang ayos ng kanyang buhok, na natural na kulot, sa warm brown na kulay na bumagay sa kanyang kutis-kayumanggi.  May   catleya sa kanyang buhok sa gawing kaliwang tenga. 
Hindi ko kilala si Manoling.  Noon ko lamang ito nakita.  Guwapo naman.   Matikas  at kagalang-galang ang dating  sa suot na barong na pinya.  Bagay silang dalawa ni Claring.    
Hindi ako nakatiis at ako naman ang bumulong sa aking katabi.  “Bakit, may istorya ba ang dalawang iyan?  Di ba isang simpling love story lamang ng mga nasa dapit-hapon na ng buhay?   Kapwa nag-iisa na, nagkakilala sa isang parti, nagkagustuhan, at ngayon, e, napakasal?"
         Nagtakip ng abaniko sa bibig si Ka Luming.  “Tama ka.   Nagkagustuhan nga at ngayo’y ikinakasal.   Simpli nga, pero maganda sa kanyang kasimplihan.  Bakit, di mo ba kayang magsulat ng simpling kuwento?  Kailangan ba, e, laging masalimuot, maraming tunggalian,madrama?”  nilingap ako ni Ka Luming, nakataas ang kilay,  may paghamon sa kanyang tinig.
 Nakanti, nasundot ang aking writer’s ego. “Kaya naman, bakit hindi, may simpli namang maganda…”   mahinay kong sagot. 
 Ngumiti si Ka Luming.  “Mamaya sa reception, kwento ko sa iyo buong istorya.  Hindi naman sa abroad lang sila nagkakilala, doon lamang muling nagkita.  Dati silang magkabarkada.    At nakikita mo ‘yang maingay na grupong ‘yan?  Barkada iyan ng dalawa noon,”  sinulyapan ni Ka Luming ang mga katabi naming mga golden girls at boys na panay ang bulungan at tawanan. 
Napatango ako.  So, may history  naman pala ang dalawa.  May posibilidad, kumbaga. 
Sa reception na ginanap sa loob rin ng Highlands, muli kaming nagtabi sa upuan ni Ka Luming.    At nagkuwento na ito. 
      Teacher na ako nang malipat ng destino sa trabaho ang Amang sa Lucena, kaya alsa-balutan kaming lahat mula Bulacan  hanggang Quezon.  Napadestino na rin kami ni Aning. Nasa elementary naman si Claring at sa  haiskul ang iba pang kapatid namin.   Naging eskwela ko sina Claring at Manoling sa Grade Five. Matalino si Manoling.   Noon pa lamang, napansin ko nang iba ang tingin nito  kay Claring.  At minsan nga, nahuli ko siyang nag-ipit ng love letter sa libro nito.  Na siempre, agad kong sinita.  Pinangaralan.  Hindi ko  naman pinagalitan, bagkus pa nga ay tiniyak kong mahinahon ang pakikipag-usap ko sa kanya.  Pero, siguro, mas may dinalang takot ito sa kanya.       Mula noon, nagpakalayu-layo na ito kay Claring.  Pero alam kong Manoling did carry a torch for her all those years,  although  kahit kailan, hindi na ito nagsalita kay Claring tungkol sa bagay na iyon.  Hanggang sa akin siya nagsabi.
          Napatigil ako sa pagsubo ng aking kinakain sa narinig sa Ka Luming.  “Sa iyo?”
          Tumango si Ka Luming.  “Sa akin niya ipinadala ang kanyang sulat.  Itinago ko.”
          “Dala mo?”  nilingap ko si Ka Luming.
          Ngumiti ito.  At ang mga kasunod ko pang tanong ay pinutol ng tinig ng emcee na isa sa mga kabarkada nina Claring at Manoling.  “Mga mahal at piling panauhin sa napaka-espesyal na okasyong ito… na kaya ko ito nasasabi ay napansin kong mga malalapit na kamag-anak lamang nina Claring at Manoling ang naritong inimbita, at saka kami na mga kaiskwela nila sa haiskul.  Di ba chosen few tayong lahat?  Palakpak naman diyan!”
          Hiyawang umaatikabo mula sa mesa ng mga kaibigan ng ikinasal ang naging sukli sa pahayag ng emcee.  Nagpatuloy ito at nakinig kami.  “Sa wakas… tunay  na sa wakas… natupad na rin ang pangarap sa buhay ng aming kaiskwelang si Manoling.  Elementary pa lamang  ay may pag-ibig na ito kay Claring.  Ang totoo, kaming lahat, may crush kay Claring na bagong lipat sa aming eskwela, galing ng Bulacan.  Pero isa man ay walang nagtangkang manligaw sa kanya dahil dalawang kapatid ni Claring ay mga teacher sa aming iskul.  Misses Pedroza, good afternoon po!”  kumaway sa dako namin ang emcee at kumaway din si Ka Luming at ang nasa kabilang mesa na si Ka Aning, kapatid nilang isa ring guro.  Kapwa sila hindi nag-asawa.
          “Kaya ang nangyari, palakad-lakad na lamang kami sa harapan ng bahay nila, at totooiyong kasabihang matanaw lamang namin ang bubungan nito, e, maligaya na kami, lalung-lalo na itong si Manoling na siyang pinakamasidhi ang pagmamahal sa kay Claring.  Sa dami ng may crush kay Claring, wala isa mang nakaligaw,  natapos at natapos kami sa haiskul.  Pero diyan kayo bibilib kay Manoling, ibang   mag-isip. Tipong may pagka-sipsip sa teacher.  Tinatawagan ko rito si Miss Pedroza, ”  tumingin ang emcee sa amin.
          Hagalpakan na namang umaatikabo ang mga nasa hapag na kaiskwela nina Claring. 
          Nakangiting nilingap ako ni Ka Luming, sabay tayo at bitbit ang kanyang handbag na lumapit  sa may podium.  Inabot ni Ka Luming ang microphone mula sa emcee.  “Good evening to all of you.  Let me explain something here. Hindi ko tatawaging pagsisipsip ang ginawa noon ni Manoling.  Ang pagsisipsip, sa pagkakaintindi ko, ay ang paggawa ng mga bagay na inaakala ng gumagawa na ikatutuwa ng isang guro.  Halimbawa’y pagreregalo ng bulaklak, pagkain, pagtulong sa pagdadala ng kanyang gamit.  On the contrary, ang ginawa ni Manoling noon ay pwede pang ikagalit ko.  Sumulat siya ng love letter kay Claring, pero sa akin niya ipinadala.  Aba’y ginawa pa akong tulay.  E, kung bumagsak ang tulay!”          
         Sigawan ang lahat, hindi magkamayaw sa ingay.  May narinig pa ako sa kabilang mesa, okey si Miss Pedroza, and to think, napaka-istrikto niya noong araw! 
          Nagpatuloy si Ka Luming.  “Ang sabi ni Manoling sa sulat niya, sa akin daw niya sinasabi na honest ang intentions niya kay Claring, pero aminado siyang bata pa sila at nangako siyang itutuun niya ang kanyang panahon sa pag-aaral, kaya hindi muna siya magtatapat ng pag-ibig dito.  Pero, gusto raw niyang malaman ng pamilya namin ang kanyang nasasaloob.   Pakiusap lamang niya, kung maaari raw, kung sakali at mapansin ko na may manliligaw kay Claring sa panahon ng kanilang pag-aaral   na wari namang  napupusuan na nito, ang nasabing sulat niya ay ibigay ko rito.  Pero kung wala naman, in time, sabi niya, siya na mismo ang lalapit at magsasabi kay Claring.” 
       Ang hawak na handbag ay binuksan ni Ka Luming at isang mamula-mulang enbelop ang kinuha sa loob nito.  “Itinago ko ang sulat.  Narito,”  itinaas ni Ka Luming ang sobre.  Nagpapalakpakan, lahat ay tumingin sa kinaroroonan nina Manoling at Claring.  Pulang-pula ang mukha ni Manoling.  Siyang-siya naman sa pagkakangiti si Claring.
          Si Ka Luming, hindi pa tapos.  “May ilan pa kayong kaiskwela na regular na dumalaw kay Claring sa P. Campa sa inupahan naming apartment nang lumuwas na kami ng Maynila at nag-aral na sila.  Waring hindi naman nanligaw, pero regular ang pagdalaw.  Pero, wala si Manoling sa mga ito.  At dahil ako ay napakiusapan, lagi ko namang pinakikiramdaman si Claring kung may nagugustuhan na.  Hanggang makatapos sila ng pag-aaral at nagsipagtrabaho at si Claring ay nagbalak mag-aral na naman.  Sa abroad.  Noon pa man  ay hinihintay ko na ang pagdating ni Manoling, pero isang sulat na naman ang dumating sa akin.” 
       Mula sa handbag ay muling dumukot ng sobre si Ka Luming, itinaas para makita ng lahat.  Muli,   palakpakan. Bahagyang inayos ni Ka Luming ang salamin sa mata at binasa ang sulat ni Manoling.  
Dear Miss Pedroza,  Nabalitaan ko mula sa isang kaiskwela namin na matalik na kaibigan ni Claring na aprubado na ang aplikasyon niya sa pag-aaral ng kanyang Masters sa abroad.  Sa harap ng ganitong pangyayari, naisip kong ituloy na rin ang aking balak na kumuha ng graduate studies sa abroad rin.  Isa itong scholarship na noon pa offered sa akin, na dahil parang conflict sa noon ay binabalak ko nang paglapit kay Claring, ay ambivalent akong ituloy.  Pero ngayong paalis  pala siya, fate has made the decision  for me.  Alam ko, Miss Pedroza, deep in my heart, na darating din ang tamang panahon para sa aming dalawa.. This was written so many, many years ago and this I will keep, but the other one, the first one, I am now giving to Manoling and Claring as my wedding present for them.”           
       Agad namang tumayo sina Manoling at Claring at kinuha ang sobre sa Ka Luming, sabay halik sa magkabilang pisngi nito.
          “Thank you, Miss Pedroza,”    hinarap ng emcee ang mga panauhin,  “let’s give Miss Pedroza a big hand.”
          Inihatid ng masigabong palakpakan si Ka Luming hanggang ito ay makaupo sa aking tabi.  “Galing naman,”  bulong ko sa kanya.  “Pero, kay tagal naman ng tamang panahon nila.” 
          “There is a season for everything under the sun,”  sagot ni Ka Luming na nakatingin sa may podium.  Iniaabot ng emcee ang microphone sa isang kaibigan ni Claring.
          “Ako si Linda Poblete Asuncion, kaiskwela, kabarkada, kaututang-dila, katapatan ng mga sikreto ng puso ni Claring, mula elementary hanggang sa kolehiyo.  Laman  kami ng bahay nina Miss Pedroza noon.  At totoong  hindi namin kasama si Manoling , physically, pero in spirit, lagi siyang naroon.  Ang mga kabarkada naming boys ay mga loyal lahat kay Manoling, kasi raw, pinakokopya sila nito ng homework noong araw, kaya kung panay man ang dalaw nila kay Claring, e, dahil binabantayan nila ito for Manoling.  Ito namang si Claring, kapag tinutukso nila sa mga nanliligaw dito, e, nagsasabing marami pa siyang plano sa buhay at ang pagbo-boyfriend   ay wala rito.  Tulad na nga ng pag-aaral sa abroad.  Na ginawa niya.   Nagkataon namang si Manoling ay umalis din at nag-aral doon. 
Noon na nagkahiwa-hiwalay ang aming barkada.  Kani-kaniya nang buhay.  Trabaho.  Pagpapamilya.  Hindi na nagkabalitaan.  Wala nang umuuwi sa probinsiya.  Hanggang nag-silver jubilee sa haiskul.  Wala sina Claring at Manoling, pero, maliwanag ang balita, kapwa may asawa na ang dalawa.  Kapwa nasa America.  May mga anak na.  Pero dahil sa silver jubilee, naging aktibong muli ang dati naming barkada.  Lagi na kaming  dumadalo ng reunion sa haiskul.   Maya’t maya ay nagkikita-kita, nagkakantahan, at huwag kayong aalis, mamaya ay magkakantahan at sayawan pa tayo.   At balik tayo sa kuwento ko, hanggang nagkatagpong muli sina Manoling at Claring.  Sa abroad… pero, Claring, Manoling,  kayo na ang magtuloy ng
inyong historia de un amor na ngayon lamang masisiwalat sa madlang pipol.”
Sabay na nagtungo sa harapan   sina Manoling at Claring.  Nakangiti silang pasulyap-sulyap sa isa’t isa.  “Ano ba ito, wedding reception?  Roasting? Or what?”  tanong ni Manoling.
          “Share…”  sigawan ng barkada.
          Inakbayan ni Manoling si Claring.  “Okay,”  sabi nito.  “Para matapos na ito at nang maumpisahan na ang kantahan at sayawan!”   Palakpakan ang barkada.
          At nagsimula na si Manoling.  “Tama si Miss Pedroza… si Ka Luming…”
          Siniko ako ni Ka Luming.  Nilingap ko siya.  Nakangiti siya, may kislap ang mga matang matamang nakatingin sa kina Manoling at Claring.  At naisip ko, gusto niya si Manoling para kay Claring, noon pa man siguro.  At natutuwa siya sa mga nagaganap ngayon.  Ibinaling ko ang aking pansin kay Manoling.  Pinakinggan ito sa pagsisiwalat, sa pakikibahagi nito ng kanilang buhay ni Claring sa  mga panauhin.   
        Si Claring ang first love ko.  At bukod sa sulat na itong ipinadala ko kay Ka Luming, may una pa akong sulat, iyong inipit ko sa libro ni Claring noong grade five kami, kung saan nahuli ako ni Ka Luming.  Itinago ko rin ito dahil naisip ko noon, pagdating ng panahon, gusto kong maibigay ito kay Claring, para maipakita sa kanya na noon pa man, in love na ako sa kanya.  Hindi ko alam, aabutin ng mahigit sa kung ilanpung taon bago ko magawa ito.  Iyon pa man, Claring, tanggapin mo ito…         
       Mula sa bulsa ng pantalon, dinukot ni Manoling ang isang nakatuping pad paper.  Iniladlad muna niya ito at iniharap sa aming lahat at maliwanag naming nabasa, sa napakalalaking letra ang mga salitang I LOVE YOU, CLARING.  From  MANOLING.  Ang petsang nasa sulok ng papel ay bagong sampa lamang ng dekada singkwenta.
          Nakangiting inabot ni Claring ang loveletter ni Manoling.  At siya na ang nagtuloy sa  pagkukuwento.  Noong high school, halata ko nang may crush sa akin si Manoling, pero hindi ko pinansin, bagama’t hanga ako sa kanya, mabait siya at matalino.  Isa pa’y hindi naman niya ako nilalapitan.  Nang nasa kolehiyo na kami, dahil magkaiba naman, hindi  rin kami nagkita.  Nagpapakumusta naman sa   mga kaiskwela, pero ganoon lang.  Interesado ako sa kanya pero wala naman siyang sinasabi, wala ring ipinahihiwatig, panay kumusta lamang.  Nang nag-aral ako  sa abroad, naiisip ko pa rin siya, pero nang naroon na ako, naiba na ang aking buhay.  Marami akong bagong kakilala, isa sa mga ito ang naging kapalaran ko sa buhay.  Nalimutan ko na ang nakaraan.  Malayo na ang high school days, ang high school barkada.  Except maagang nawala sa aking buhay ang aking kabiyak.  Maayos naman ang aking naging  kalagayan..  May isa akong anak na napag-aral ko at nagtatrabaho na sa Manhattan.  Minsan ay niyaya niya akong sumama sa isang party ng isang kaibigan., mga Pilipino lang ang imbitado.  Ipakikilala raw niya  sa akin ang dalagang balak niyang ligawan.  Naroon din daw ang tatay nito, mainam at nang magkakilala raw kami…
          “Si Manoling!  Si Manoling ang tatay ng dalagang gustong ligawan ng anak ni Claring!” excited kong wika kay Ka Luming.
          Natawa si Ka Luming.  “Ay, naku, writer ka nga!  Naghahanap ng conflict para gumanda ang kuwento.  Sabi ko naman, simpli lamang ang historia de un amor nina Claring at Manoling.”  
          Medyo may kaguluhan rin sa mga panauhin.  Sabay-sabay na nagtatanong.  Si Manoling ba iyong tatay?  O, iyong anak n’yo, nagkatuluyan rin ba?   Bakit  wala sila ngayon?  
          Itinaas ni Manoling ang dalawang kamay, pinayapa ang mga nagkakaingay.  Sabay silang umiiling ni Claring.  “Hindi ako ang tatay noong liligawan ng binata ni Claring.  Iba.  Bisita lang ako doon, kaibigan noong sinasabing tatay na pilit akong isinama para daw malibang dahil nga sa kamamatay lang noon ng aking maybahay.  At doon na nga muling nagkurus ang landas namin ni Claring.  And here we are now,”  nilingap nito si Claring,  saka hinalikan sa pisngi.
          “At wala ang mga bata ngayon dahil hindi sila basta nakaaalis sa trabaho nila,” sambot ni Claring.  “Saka, kasama na namin sila sa civil wedding doon sa abroad.  Ang kasal naming ito ay para sa inyong tagarito.  Gano’n kayo kalakas sa amin,”  pagtatapos na wika ni Claring.
Mula sa kung saan, lumabas ang isang string quartet at   nagsimulang humilis ng biyulin.  Ang pag-awit ay nagsimula sa aking tabi, sa  Ka Luming, na sinabayan ng mga kaiskwela nina Claring at Manoling,  mahinay sa simula,  papalakas kalaunan.  Ya no estas mas a mi lado corazon, En el alma solo tengo soledad, Y si ya no puedo verte, Porque Dios me hizo quererte, Para hacerme sufrir mas…  Nagsimulang magsayaw ang mag-asawa.  Kay ganda nilang pagmasdan!  At naisip ko, paano na kung nagkataong si Manoling pala iyong tatay ng liligawan ng anak ni Claring?  Paano na ang pag-ibig ni Manoling?             
Nilingap ko si Ka Luming, sa mahina nitong pagkanta. Siempre fuiste la razón de mi existir, Adorarte para mí fue religión, Y en tus besos yo encontraba… 
Tumingin siya sa akin at sa aking isip ay para kong narinig ang kanyang tinig.   Talagang simpli lang ang istorya.    Walang suliranin.  Walang conflict.  Kailangan lamang ay tiyaga sa paghihintay ng tamang panahon.          
          At napatango ako.  Pagkatagal-tagal man, bumilang man ng maraming, maraming taon, ngayon pa lamang ang tamang panahong itinakda para sa mga ito.

Tuesday, March 25, 2014

And the Saga Continues...



AND THE SAGA CONTINUES…

Sinagot ko ang liham ng sumulat sa akin tungkol sa “awit ng aming  kamusmusan”. 

Ang mga magulang ng kanilang ninuno ay nagmula sa Katimugan ng Pilipinas bagaman at ang nagturo sa kanila ng awit ay dito na sa Kalakhang Maynila lumaki.  Kung paanong ang nagturo naman sa akin nito ay dito sa Gitnang Luzon isinilang, lumaki, nagpamilya, at sumakabilang-buhay. 

Wala pa ring kasagutan ang katanungan kung saan nanggaling ang awit. Isang awit na pambata, kung ang pagbabatayan ay ang kasimplihan ng himig.  Ngunit kung susuriin naman ang lirika, ang mga salitang ginamit lalo na sa dakong hulihang linya, wari ay patungkol ng isang binata sa isang sinisinta. Na ngayon ko na lamang napag-uukulan ng pansin.

Noong araw, basta, inaawit ko ito. Lalo at kabilugan ang buwan, kukunin kaagad ng aking Amang ang kanyang gitara, patatayuin pa ako sa isang silya o mesa, at voila! Bira na agad ng kanta. Con todo arte pa. Dibdib ko’y may susi (kakatukin ko pa ang tapat ng aking puso), pilit na bubuksan (kunwari ay pipihitin ko ang susi) Sa ngayon, showbiz ang tawag dito.

Sabi ko sa sumulat sa akin, sa malao’t madali, matutuklasan rin namin ang misteryo sa likod ng nasabing awit.

Samantala, sa kasalukuyan, dalawang angkan na hindi pa nagkikita, hindi magkakilala, ang pinagbubuklod na ng isang awit. 

Patuloy, ang awit ay magpapasalin-salin sa mga henerasyon, kung paanong inawit ng mga anak ay inawit na rin ng mga apo at aawitin pa ng mga apo sa tuhod.

Nasa internet na. 
Nasa Youtube.  http://youtu.be/cewq9wJ8Wp0
Nakatawid na ng dagat. 

Thursday, March 20, 2014

Isang Gabing Tahimik, Maliwanag ang Buwan

Noong 2011, itinanong ko rito sa aking blog kung may alam ang aking mambabasa ng lumang-lumang awitin.  Isang partikular na awit ang aking binanggit na itinuro sa akin ng aking Amang. Na sa abot ng aking kaalaman ay walang ibang umaawit, matanda man o bata.  Sa amin ngang pamilya, ako lamang ang kanyang tinuruan nito, sa saliw ng kanyang gitara. Itinuring kong "akin" ang awit na ito.  Sariling akin.

Lumaki ako, nag-aral, naghanap-buhay, nag-asawa at nagpamilya.  Sa kaabalahan, hindi ko ito naituro sa aking mga anak.  Ngunit dumating ang panahon na ang aking dalawang apo, ipinanganak at lumalaki sa America, ay lumabas na may magagandang tinig at mahilig kumanta.  Miyembro sila ng kanilang church choir, English, Spanish, Latin - umaawit sila sa mga wikang ito.  At naturuan na rin silang umawit sa wika natin, mula sa Bahay Kubo noong bago pa lamang nagsasalita, hanggang sa mga awiting Pamasko at Lupang Hinirang, Sinisinta Kita, Saranggola ni Pepe, at nitong huling pagbabakasyon nila sa Pilipinas, ay ang aking awit, Isang Gabing Tahimik, Maliwanag ang Buwan.

Hindi ko malilimutan ang araw na ito, ika-20 ng buwan ng Marso dahil sa isang tinanggap na email.  Na tungkol sa awit na itinuturing ko ring "pamana" ng aking ama sa akin.  Tuwang-tuwa ako.  Lalo pa nang bisitahin ko ang facebook ng sumulat at doon ay nakita at napakinggan na tinugtog sa piano ang nasabing awit.  Nabasa ko rin ang lahat ng nag-like, na iisa lamang ang mensahe - pagbabalik-tanaw sa isang ginintuang panahon ng kamusmusan, kung saan kaalinsabay nila sa paglaki ang awit na ito.  Kung saan...

Ang gabi'y tahimik
Maliwanag ang buwan
Basang-basa pa ng hamog
Ang mga halaman
Dibdib ko'y may susi
Pilit na bubuksan
Dahil lang sa ganda mong
Kapita-pitagan.  

Ang awit ay itinuro lamang sa akin.  Palibhasa'y bata, hindi ko na inalam kung saan ito nanggaling o kung saan natutuhan ito ng aking Amang.  Inakala kong palasak ang awit at nang lumaki na lamang ako saka ko natanto na walang ibang nakaaalam nito.
Kayraming mga bagay na sana ay naitanong natin noon sa mga nakatatanda, na ngayon na lamang pinanghihinayangang hindi nagawa.  Huli na ang lahat.  At ito rin ang dahilan sa likod ng pagsusulat ko sa blog na ito.  Ang mailathala para sa mga anak at apo ko at sa kanilang henerasyon, kung ano kami noon... kung paano kumilos, magsalita, sumulat, umawit... kung ano ang aming iniisip, pinapangarap... kung paano kami magdala ng aming mga tagumpay at kabiguan.  At ang lahat ng ito ay sa pamamagitan ng aking mga kwentong nalathala na noon sa Lingguhang Liwayway.

Sa sumulat tungkol sa awit, kung hindi ko man nasagot kung saan nagmula ito, ang interesado akong malaman naman ay kung saan ang bayan at lalawigan ni "Loling" mo.  

Si Amang ay taal na Bulakenyo.