Monday, February 17, 2014

Lifted from the blog of my daughter, with permission.  An exercise in Freewrite with a Valentine's Day theme of her homeschooling daughter.

By Lizzie, the romantic

 How do you show your love to those who mean a lot to you?

On Valentine's Day, I give them secret cards and chocolate, roses and (in Mama's case) maybe a clean house.

Other days, I give them hugs, kisses, the occasional present, maybe a snow fort or iced mocha. 

I buy them stuff like cookies, drinks, and maybe the bracelet Ate's been craving for days, months, weeks.


I snuggle.


 
I don't actually need to tell them.  They know.








                   SARIWANG ROSAS 



            SA  ARAW  NG  MGA  PUSO


 
VALENTINE'S DAY

Tumanggap ako ng isang nakatutuwang greeting nitong nakaraang valentine's day. Narito -

Happy valentine
to all those who are taken
almost taken,
taken for granted,
waiting to be taken,
assumed to be taken
and those who aren't taken seriously.


Siguro naman, tayong deka-dekada nang nagdiriwang ng wedding anniversary ay nabibilang doon sa all those who are taken.  Pinakasalan na nga, e.  Kaso, nababati pa ba  tayo ng Happy Valentine kapag sumasapit ang araw na ito?  Naaabutan ng tsokolate, (noon ay mga Lindt) o kundi man tsokolate ay kahit na chocnut o hopia?  Napapadalhan ng roses (noon ay bouquet of long-stemmed red roses specially delivered) o kundi man ay kahit na pinitas na bulaklak ng yellow bell sa garden?  Lumalabas para mag-dinner (bagaman noon ay sa Max's  lamang, kasi kulang sa budget, na naging steak sa Alfredo's kalaunan)? Marami akong kakilala, na nauuna na raw silang bumati, kaya sigurado silang may response agad.  Saka sila na ang naghahanda sa bahay ng medyo espesyal na pagkain kung kulang pa rin sa budget, o kaya ayaw nang lumabas dahil sa trapik.  Itong mga taken na ito ay baka taken for granted na ngayon.

Ito siguro ang bagay na poem from an anonymous author na dapat ay itinanong ng mga ito noon:

I would ask of you my darling,

a question soft and low
that gives me many a heartache 

as the moments come and go
your love I know is truthful 

but the truest love grows cold;
It is this that I would ask you; 

will you love me when I'm old?

Ngayon, kayo ba iyong assumed to be taken?  Naku, iyong mga dalaga riyan, o binata man, na akala ay sila na.  Akala ay may understanding na sila, iyon pala, sila lamang ang may akala.  Pagdating ng Valentines Day, panghal na sa kahihintay ng tawag sa telepono (noong araw, wala pang celfon, pero may telegrama kung nasa malayo), o naiinip na sa pagdalaw, dahil akala ay sila na, hindi pala!  Masaklap!  Ito ang bagay na tula sa kanila.

My hand is lonely for your clasping dear
my ear is tired waiting for your call
I want your strength to help, your laugh to cheer,
heart soul and senses need you, one and all.


Ito namang mga waiting to be taken, baka  feeling  almost taken na kayo.  Magkaiba po ito.  Kung almost taken, medyo nagpaparamdam na.  Noong araw, panay na ang mga palipad-hangin, mga salitang makahulugan patungkol sa iyo.  Kumbaga ngayon, mga tanong na sumbong kita sa pulis, kasi ninakaw mo ang puso ko.  Mga birong kapag pinatulan ng pinatungkulan, ay may kasunod na pangyayari.  Iyong waiting to be taken, aba, e dagdagan pa ang pa-charming at nang mapansin ng kursunada mo.  Otherwise, walang mangyayari sa paghihintay mo.

The want of you is like no other thing
it smites my soul with sudden sickening
it binds my being with a wreath of rue,
this want of you


Ngunit para sa akin, ang huli, those who aren't taken seriously ang may pinakamalaking problema.  Sa palagay ba ninyo, ganito ang kaso ni Cynthia...
na ito siguro ang tinutula …

You have taken back the promise 

that you spoke so long ago
taken back the heart you gave me 

I must even let it go
where love once has breathed, pride dieth, 

so I struggled but in vain
first to keep the links together, 

then to piece the broken chain...

Basahin ang sumusunod na kwento.

SARIWANG ROSAS  

SA ARAW NG MGA PUSO

BIYERNES. 
Pebrero 12.  Binilugan ni Cynthia ng pulang ballpen ang petsa sa kalendaryo.  Kung ngayon tatawag si Greg, ngayon na, naisip niya. Sinulyapan niya ang suot na relo.  Malapit nang mag-ikaapat ng hapon.  Muli, ibinalik ni Cynthia ang mga paningin sa kalendaryo sa ibabaw ng kanyang mesa.  Hindi naman maaari bukas, kanyang naisaloob.  Sabado.  Wala siyang pasok sa opisina.  At sa Linggo, katorse ng Pebrero, Valentines Day, lalong hindi puwede.  Siguro, Lunes na.  Kaylalim ng buntung-hiniinga ng dalaga.

Kung sakali, naisip niya, kung sakali at hindi tumawag si Greg, maglilibot na lamang siya sa Makati pagkalabas sa opisina.  Baka makapili na siya ng magandang panregalo para rito.  Ano kaya ang mabuting ibigay sa isang taong nasa kanya na yata ang lahat,  Mamahalin ang mga regalo ni Greg sa kanya. Gusto naman niyang makaganti.  Hindi lagi siyang nasa receiving end.  Naalaala niya iyong portamonedang yari sa balat, nakadispley sa Rustan's.  Kurbata kaya.  O mamahaling ballpen, pauukitan niya ng pangalan nito.  Ano nga ang ibinigay niya rito noong nakaraang Valentine?  Kapalit ng mga roses at chocolates na dumating sa kanilang opisina ng araw ng Biyernes, Pebrero 13 at ng isang mamahaling kuwintas na ginto na ibinigay naman sa kanya nang personal kinalunisan.  Pebrero 16.  Ang ibinigay niya kay Greg ay isang pocket book tungkol kay Lee Iacocca.  Isang token gift sa valentine.  Kaya nga ba tinatanggihan niya ang kuwintas na regalo ni Greg.  Hindi marapat, kanyang naisip.  Ngunit mapilit si Greg.  For old times sake...

Papaalis na si Cynthia sa opisina nang dumating ang parihabang kahon na may lamang tatlong mahahaba ang tangkay mapupulang american roses, binili sa Petals n Twigs.  At isang kahon ng swiss chocolates.  Ang nakasulat sa tarheta.  Happy Valentine.  See you on Monday.  Greg.

A... sa Lunes na nga sila magkikita ni Greg.  Dala nito ang isa pang mamahaling regalo, alam niya.  Na paano niya tatanggihan.  Kung may maigaganti nga sana siyang maganda ring regalo para rito.  Pero what can you give someone who has almost  everything.  In fact, everything na nga.  Pati asawa, mayroon si Greg.

Ang kanilang nakaraan ni Greg.  At ni Roy.  Hindi niya dapat kalimutan si Roy.  Barkada silang tatlo.  Pero sila ni Roy ang magkapareho ng kategorya sa buhay.  Karaniwan.  Nakapag-aaral. Hindi kapus ngunit hindi naman kaluwagan.  Mga propesyunal ang miyembro ng pamilya.  Ngunit si Greg, iba.  Estudyante pa lang ay may sarili nang kotseng minamaneho.  Malaki ang allowance.  Galante.  Mapagregalo.  Popular sa kampus.  At may gusto sa kanya.

Sabi ni Roy sa kanya. Bihirang pagkakataon na nagbubukas ito ng dibdib at  bibig.  “Sigurado ka ba, Cynthia?”

“Tungkol kay Greg?” ganting tanong niya.

Umiling si Roy.  “Sa damdamin mo.”

Saglit siyang nag-isip.  “Mahal ko siya.”

“Malalim ang tubo?” nang-aarok pati tinig ni Roy.

“Hinahanap ko siya, gusto ko'y laging kasama.  Nagseselos ako kapag nakita kong may kausap siyang iba.”

Nagkibit ng balikat si Roy.  At siya naman ang nagtanong.  “Ayaw mo ba kay Greg para sa akin?”

Nagtama ang kanilang mga paningin ni Roy.  "Gusto, mabait naman si Greg.  Kaya lang... ” pilit ang ngiti ni Roy.

"Ano?"  tanong niya.

“Moot and academic,” ang sagot nito.

Si Roy, may pag-ibig sa kanya, ang katotohanang sumilid sa kanyang isip.  May lumbay siyang nadama sa natuklasan.  Si Roy ay isang katangi-tanging binata.  At naisip niya, kung nagkasabay kaya iyong dalawa sa pagtatapat ng nasasaloob sa kanya, sino kaya ang kanyang pipiliin?  Kaytagal siyang nag-isip, dinama ang sarili.  At buong katapatan niyang inamin, hindi niya masasabing si Greg pa rin.

Nang magtapos sila sa kolehiyo ay hindi na niya nabalitaan kung saan nakapagtrabaho si Roy.  Siya ay namasukan muna sa isang opisina ng isang kamag-anak habang nag-aantabay ng isang maganda-gandang hanapbuhay na darating.  Ilang buwan pang dumalaw-dalaw sa kanya si Greg.  Tumawag-tawag sa telepono sa opisina.  Sumundo-sundo.  Hanggang isang araw, may sinabi ito.  Hindi siya makapaniwala sa narinig.

“Uso pa ba 'yan? Greg?  Nangyayari pa ba 'yan sa mga panahong ito?  Ang anak, ipinagkakasundong ipakasal sa anak ng isang kaibigan?”

Ano nga ang sabi ni Greg.  Ikaw ang mahal ko, ang tunay kong mahal.  Bulaklak ng dila, mga hungkag na salita, sana mamatay na siya, ang iyak niya noon.  Gusto niyang sisihin si Greg.  Hindi siya ipinaglaban nito sa harap ng kagustuhan ng mga magulang.  Ngunit si Doris, Doris ang pangalan, binanggit ni Greg,  ang napagtuunan ng lahat ng kanyang galit at ngitngit.  Si Doris at ang family background nito.  At business connections.  Iisang molde sina Doris at Greg, napag-alaman niya.  Hindi nila kategorya ni Roy.  At naisip niya noon kung saan naroon si Roy.

Ngunit patuloy ang buhay sa ayaw niya at sa gusto.  Naghihilom ang sugat gaano man ito kalalim. Dumating ang panahon, nalipat siya ng trabaho.  Natanggap sa isang malaking korporasyon.  Noon din niya nakita si Roy, kasamahan pala niya sa opisina, ibang departamento nga lamang.  At nang panahon ding yaon sila muling nagkausap ni Greg.

Nauna ang pagkikita nila ni Greg. Biyernes ng hapon sa may Rizal Theatre.  Kumukuha siya ng tiket para sa isang show.  Nang may humawak sa kanyang bisig.  Nang lingunin niya ito, ang nakangiting mukha ni Greg ang bumulaga sa kanya.  “Cynthia!”

Tuwang tuwa siya.  “Greg!”  Saglit  na nalimutan niyang may pananagutan na sa buhay ito.  Na siya ay pinagkasalanan nito.  Ipinagpalit sa isang Doris.

Sa isang coffeeshop sila humantong.  Ang tanong ni Greg.  “How's life?  What's new?”

Sumagot siya.  “Time heals. Life is good. Okey ako. At may bagong trabaho.  I start monday.  Ikaw?”

Kumumpas ang kamay ni Greg.  “Okey rin ang buhay.  Ang business.  May anak na ako. Lalaki.”

Pinung-pino ang kirot na nilikha ng mga salitang narinig niya kay Greg.  At muli, may nakahimlay nang gunita na muling nagising.

“Can't we be friends, Cynthia?  Kahit kaibigan lamang.  Hindi mo lang alam, hindi mo siguro mapaniniwalaan, masakit din sa akin ang mga nangyari.”

Kaibigan.  Hinihiling ni Greg na sila ay maging magkaibigan.  Naglaro sa kanyang isipan ang larawan ng isang babae, walang mukha, si Doris ang asawa ni Greg.  At ang kanilang nakalipas ni Greg.  Ang masasayang araw sa kolehiyo, ang pagkainggit ng marami sa kanya,  ang kanilang paghihiwalay, ang mga sakit ng kanyang loob.  Kaibigan lang, kaibigan lang pala, bakit hindi.  Bakit nga ba hindi.  Nginitian niya si Greg.

Kinalunisan sa bagong opisinang pinasukan nagkita sila ni Roy.  Anong saya nila hanggang sa mabanggit niya si Greg.  “Still in touch with him?”  tanong ni Roy.

“Recently, nagkita kami.”

“Do you intend to see him again?”  malamig, patag na patag ang tinig ni Roy.

Sinalubong niya ang mga mata ni Roy.  Hinanap doon ang galak na nabasa nang sila ay magkita.  Wala.  At tumango siya.  “We're still friends.  May masama ba roon?”  tanong niya, defensive siya.

Saglit na hindi umimik si Roy.  Pagkuway ngumiti. “Nice seeing you again, Cynthia.”

Hindi na sila muling nagkausap ni Roy pagkatapos noon.  Gusto niyang magdamdam sa binata sa malamig na pakikitungo nito sa kanya. Isang ngiti. isang hi, Cynthia kapag sila ay nagkakasalubong.  Bakit ganoon.  Parang wala silang pinagdaanang magandang pagsasama.  Naisip niya, may pag-ibig pa ba ito sa kanya?  Subalit si Roy, napag-alaman niya ay mayroon nang kasintahan.

Ang muling pagkikita nila ni Greg ay nagdala ng panibagong sigla at kapanabikan sa kanyang buhay.  Lagi, tumatawag ito sa telepono. Nangungumusta, nagkukuwento ng kung anu-ano tungkol sa anak, sa negosyo, sa problema, lahat lahat na.  Si Doris lamang, ang asawa nito ang hindi nila pinag-uusapan.  At ang nakalipas nilang relasyon.  At ang kasalukuyan nilang damdamin sa isa't isa.  Kuntento na siya.  Wala siyang ilusyon  tungkol sa kanilang dalawa ni Greg.  Bagaman at sa kanyang sarili ay may inaalagaan siyang tuwa.  Na para bang she's put one over Doris sa ginagawa niyang muling pakikipagkaibigan kay Greg.  Sapagkat iyon naman talaga ang totoo.

Magkaibigan lamang sila.  Maitataas niya ang kanyang noo sa harap ninuman.  Wala siyang dapat ikahiya.  Wala siyang ginagawang lisya.  Kaya hindi niya maialis ang hinanakit kay Roy.  Si Roy na dapat makaunawa sa kanya higit kanino pa man ang wari ang siyang unang humahatol.

May mga pagkakataong ang tawag sa telepono ay hindi sapat.  Kaarawan niya.  Gusto ni Greg na sila ay magkita.  “Please...”

Kaarawan niya at wala siyang pupuntahan,  ang blowout para sa barkada sa opisina ay itinapat ng Sabado.  Pumayag siya.  At iyon ang kanyang pagkakamali.  May inihatid na pagbabago ang kanilang pagkikita.  Marahil, dahil sa paligid, nasa isang sulok sila ng munting restorang iyon sa may Makati avenue.  May ginigising na gunita ang lumang tugtuging instrumental.

Hindi niya maalaala kung ano ang pinag-uusapan nila nang biglang huminto sa pagsasalita si Greg, hinawakan ang kanyang kamay, tinitigan siya at saka nangusap.  “Alam mo ba, Cynthia. I still love you.”

Nabigla siya.  Hindi sa hindi niya inaasahan ang bagay na yaon kundi dahil sa kuntento na siya sa mga pangyayari.  Status quo.  Magkaibigan lamang.  How naive can you get,  bakit ba si Roy ang dagling sumaksak sa kanyang isipan.  Naghagilap siya ng sasabihin.

Si Greg pa rin ang sumagip sa kanyang pagkalito.  “Huwag kang sasagot, Cynthia.  Wala akong hinihintay na sagot.  Gusto ko lang na malaman mo ang aking niloloob.  Kung sakali at ayaw mo na akong makita o marinig o mabalitaan sabihin mo lang.  Igagalang ko ang iyong kagustuhan.”

Ano ang kanyang sasabihin.  Ano ang kanyang iisipin.  Wala siyang sinabi at ang naisip ay iwinaksi.  At nagpatuloy ang tawag sa telepono. Ngunit ang pang-okasyong pagkikita ay naging minsan isang buwan, hindi na inihahanap ng dahilan.  Hindi na binanggit ni Greg ang tungkol sa damdaming iniuukol nito sa kanya.  Nabalik sila sa estadong parang magkaibigan lamang .  Ngunit iba.  May naiba.  Nitong mga huling araw, binabagabag na siya ng ilang katanungan.  Nagkakasala ba siya?.  May asawa si Greg.  Sumasama siya rito kahima't walang nangyayari.  Tumatanggap siya ng regalo.

LINGGO, Pebrero 14.  naglilibot si Cynthia sa SM North Edsa, nagbabakasakali pa rin na makabili ng panregalo kay Greg nang masalubong niya si Roy.  May kasama.  Simple.  Maganda.  Gusto sana niyang umiwas ngunit nakita na siya ng binata.

“Cynthia,” masiglang bati nito.

“Roy...”   ganting bati niya.

“Si Merle, girlfriend ko.  Si Cynthia, barkada ko noong college. At kasama ko pa rin ngayon sa opisina,” pagpapakliala nito.

Napansn niya may hawak na bulaklak ng rosas si Merle, ang tangkay ay nababalot ng foil.  Naalala niya ang tinanggap na rosas buhat kay Greg.  Noong Biyernes, Pebrero 12.  lanta na ngayon.  Bakit ba hindi sa araw ng mga puso siya tumatangap ng bulaklak.  At regalo.  Bakit kundi a dose o a-trese ay a-kinse o a-disisais.  May kirot siyang nadama sa kanyang dibdib.  Sa kanyang buhay, kailan kaya matatapat sa ikalabing-apat ng Pebrero ang araw ng mga puso.  Alam niya, siya lamang, siya lamang ang makapagpapasiya.

Pinukaw siya ng tinig ni Roy.  “Cynthia, ikumusta mo ako kay Greg.  Nagkikita pa ba kayo?”

Napahinga siya nang malalim.  Dahan-dahan, itinaas niya ang kanyang noo, sinalubong ang mga mata ni Roy.  At umiling siya.  “Hindi na.  Hindi na,”  kaniya pang ulit.

Ibig niyang sabihin, buo na ang kanyang pasiya, hindi na siya muli pang makikipagkita.  Sapagkat sa ubod ng kanyang sarili, nais niyang sariwa ang mga bulaklak ng rosas sa araw ng mga puso.  Tulad ng rosas ni Merle.

Pebrero 15, 1988