Saturday, January 25, 2014

PAGKAKATAON

NAKALIMA munang ring bago niya narinig ang inaantok na tinig ni Joy. “Hello, Joy, si Maila ito.”

“Bakit, Maila?  Bakit?”

“Wa epek, Joy, wa epek!”

“Anong wa epek?” gising na ang tinig ni Joy.

“Iyong ipinakuha mo sa aking seminar,  hindi umapekto iyong positive thinking. Walang nangyari.”

“My God, Maila, ano ba'ng gusto mong mangyari na hindi nangyari?”

“Isa lang naman ang gusto kong mangyari at alam mo yun, Joy.  Kaya ako kumuha ng sinabi mong seminar ay dahil gusto kong bumalik sa 'kin si Rudie.”

Bigla sumeryoso ang tinig ni Joy.  “Maila, bukas tayo mag-usap, pwede?  Alas dos ng madaling-araw ngayon.”

“Sinunod ko namang lahat ang mga techniques.  I visualized,” ngunit wala ng kausap si Maila.

SINA Joy at Maila, matalik na magkaibigan pero magkaiba ng personalidad.  Si Joy ay panganay sa tatlong magkakapatid, si Maila ay panggitna sa lima.  Iyong tinatawag na middle child sa buong kahulugang sikolohikal nito.  Kung saan si Joy ay confident, go-getter, achiever, si Maila ay kimi, mahiyain, kulang ng tiwala sa sarili.  Saving grace nga lamang na likas na matalino si Maila at may angking ganda kaya okey pa rin ang buhay sa kanya, saka magaling siyang makisama.  Sanay makisama sa mga nakatatanda at nakababata sa kanya sa pamilya.     Magkasundo sila ni Joy dahil siguro opposites attract. Si Joy ay very positive, si Maila ay negative,  huwag nang sabihing very.  Ang isang basong ang lamang tubig ay nasa kalahatian,  sa tingin ni Joy ay half-full.  Kay Maila, ito ay half empty.  Kapag may lakad sila at biglang umulan, magrereklamo si Maila, ang malas naman.  Sasabihin ni Joy, mabuti, mawawala ang alikabok, madidilig ang mga halaman.  Si Maila, baka bumaha.  Si Joy, lalamig, hindi tayo papawisan.  Ganoon silang dalawa.

Sa college nagsimula ang kanilang pagkakaibigan.  Na dinala nila hanggang sa makatapos ng pag-aaral at makapagtrabaho.  Dumalang na lamang ang kanilang pagkikita nang magkaroon sila ng kani-kaniyang boyfriend.  Kay Maila, si Rudie, tagaroon sa kanilang subdibisyon.  Gusto na sa  pamilya nina Maila si Rudie.  Gusto na si Maila kina Rudie.  Kapwa tapos nang mag-aral, kapwa matatag na ang trabaho.  Paminsan-minsan, nasisingit na sa usapan ang kasal.  Nang nagbakasyon sa probinsiya si Rudie.  Na nang bumalik ay may naiba na.  Ang masaya, makwentong si Rudie ay naging tahimik, parang laging wala sa sarili.  Waring laging may ibang iniisip.

Si Maila.  “Ano ba, Rudie, kangina pa tayo walang imikan dito.”

Si Rudie.  “Sige, magkwento ka.”

Pumiksi si Maila.  “Kuwento na nga ako nang kwento sa 'yo, hindi ka naman nakikinig.”

Humihingi ng paumanhin ang tinig, pati mga mata ni Rudie.  “Sorry.”

Nagbuntung-hininga si Maila.  Naninikip na ang kanyang dibdib sa sama ng loob.  “Parang nagbago ka.  Mula nang manggaling ka sa probinsiya.  Ano ba 'yun?”

Umiling si Rudie.  “Wala, siguro masisipon lang ako.”

Pero hindi naman nasipon si Rudie.  Hindi nilagnat.  Hindi natrangkaso.  Wala.  Ngunit hindi na bumalik ang pagkamasayahin nito.  At may napansin pa si Maila.  Hindi na araw-araw   dumalaw sa kanila si Rudie.  Kapag tinawagan niya ay nasa bahay naman.  At kung wala ay umuwi raw ng probinsiya.

Ano pa ang iisipin ni Maila.  Lahat na ng negative na bagay.  Ayaw na sa akin ni Rudie.  At alam ko, mahiyain kasi ako.  Gusto niya'y lista, makwentong tulad niya.  Hindi ako iyong tipong ipagmamalaki.  Pangit ba ako?
Pagharap niya sa salamin, makikita ni Maila na maganda naman siya.  Matalino siya at alam niya ang maganda sa pangit  ngunit sasabihin pa rin ni Maila sa sarili,  hindi siya nagagandahan sa akin.  Pinalitan na ko ni Rudie.

At tinanong niya si Rudie.  “Mayroon nang iba, Rudie.”

Sa pagkasalita ni Maila, hindi iyon lumabas na tanong kundi isang statement of fact.  Sa pagkakatitig sa isa't isa, si Rudie ang unang bumawi ng tingin.  Halos hindi marinig ang tinig nang magsalita.  “Ikaw lang, Maila, ikaw lang pero...”

“Ano?”

“Nang umuwi ako sa probinsiya ni Tatay...”

Naramdaman ni Maila, parang unti-unti siyang nahuhulog sa isang malalim, madilim na balon.

Si Rudie,  “May... may nangyari.”

Ang iba pang sinabi ni Rudie ay alingawngaw na lamang sa tainga ni Maila.  May nakilala ako  du'n. Ipinareha nila sa 'kin.  Tinukso kami.  Gano'n sa probinsiya pag may bagong mukha.  Sama-sama kami. Piyesta.  Piknik. Sayawan.  Minsan, dalawa lang kami at wala namang talagang nangyari, ano lang...pero nakita kami ng tatay niya.  At probinsiya 'yun Maila.  Probinsiyang- probinsiya.



Ikinasal si Rudie.  At sabi ni Joy.  “Uso pa ba ang pikot ngayon?  21st century na?”  Saka idinugtong,  “Mabuting ngayon mo na nalaman na ganyan si Rudie.  Hindi kayang mangatwiran kung talagang walang nangyari.  Sabihin mo, gusto rin niya siguro.  Buti na ngayon kaysa kung kailan kayo mag-asawa, saka pa gagawa ng ganun.”

Si Joy, as usual, ang laging nakikita ay iyong ganda, iyong kauuwiang buti ng isang pangyayari.  Pero hindi si Maila.  Nagmukmok na siya, araw at gabi ay naawa na sa sarili.

Noon niyaya ni Joy na magseminar si Maila.  “Magagamot ang pagka-negatibo mo.  Tatalakaying mabuti dito ang tungkol sa positive thinking.”

Tanggi agad si Maila.  “Hindi ko kailangan iyan,”  at sa sarili, si Rudie ang kailangan ko.  Si Rudie.



Ayaw paawat si Joy.  Buong tiyagang nagpaliwanag.  Brain control.  Regulation of brain wave frequencies.  Beta. Alpha. Theta,  Delta. 

Umungol si Maila,  “Pwede ba, Joy, tigilan  mo 'ko.”

Tuloy pa rin si Joy.  “Sa seminar na ito, matututuhan mo ang art of controlled relaxation.”

Umiling si Maila,  “What kind of animal is that?” 

Si Joy.  “Improve image creation.  Visualization.  Unconscious solution of problems.  Superior intuitive sense.”  At kung anu ano pa na inilingan lamang ni Maila. 

Pero makulit si Joy.  “What you give is what you get.  What you sow is what you reap.  Kung negative energy ang inilalabas mo, negative energy ang lalapit sa iyo.”

“At alam mo ba,”  sabi pa ni Joy,  “ang dami naming success stories – sa business, sa relationship, sa pag-aaral, pagpasa sa board exams, sa buhay.”

Noon tinitigan ni Maila si Joy.  “Coincidence.  Nagkataon lamang.”

“Okey.”  ayon ni Joy.  “Sabihin mong coincidence lang.  But the bottomline, natupad ang gusto mo.  Nangyari ang gusto mong mangyari.”

Masama pa rin ang tingin ni Maila.  “Baka kung ano na yan.  Baka may sa kuwan na yan.”

Ang tawa ni Joy.  “Pakinggan mo ako, Maila.  Binigyan tayo ng Diyos ng dalawang kamay, alangan namang isang kamay lamang ang ating gamitin.  Okey?”

Tumango si Maila at nagpatuloy si Joy.  “Binigyan tayo ng dalawang paa, isang paa lamang ba ang gagamitin mo sa paglakad.  At ang ating brain, iyong utak mo, left and right hemisphere.  Pero ayon sa pag-aaral, isa lang ang gamit na gamit.  Sayang naman kundi natin gagamitin pareho.  At yun ang ituturo sa seminar.”

Marami pang sinabi si Joy.  Sample ng success stories daw.  “Isang kasama namin, nawala iyong kotse, kinabukasan, nabalik.  Mayro'n pang maghihiwalay nang mag-asawa, nagkabalikan.”

Doon nainteresado si Maila.  Maghihiwalay nang mag-asawa, nagkabalikan.  Si Rudie, gusto niyang bumalik sa kanya si Rudie.  Kesehodang may asawa na ito.  Kung tatanggapin niya ito, hindi naman siguro, pero saka na lang niya iisipin, dahil ang gusto niya, basta bumalik sa kanya, na nagsisisi.

At pumayag siyang magseminar.  Sinabayan naman siya ni Joy.  Libre kasi ang review.  Apat na araw ang seminar.  Natutuhan niyang magrelaks samantalang nakaupo sa isang silya.  Relax your scalf, your forehead your face your throat shoulder, arms, hands... hanggang sa pakiramdam niya, nakahiwalay ang kanyang utak sa kanyang katawan.  Sabi ng lecturer, this is learning to control and use your mind more effectively.  This is not learning to control someone else's mind.

Pero hindi narinig iyon ni Maila.  Dahil ang talagang balak niya, pabalikin si Rudie sa kanya.   Kaya buong tiyagang pinag-aralan niya ang mga techniques, sinunod ang mga ehersisyo.  Ngunit waring nakaligtas din sa kanyang pandinig ang isa pang sinabi ng lecturer.  Hindi ninyo magagamit kailanman ang natutuhan ninyo rito sa mga masasamang hangarin.  Kung ito man ang inyong intensiyon, hindi ito magtatagumpay.

Nang huling araw, parang gradwasyon, hindi nakarating si Joy.  Napag-isa si Maila.  Isang kaiskwela ang kumausap  sa kanya, nagtanong.  “Ano sa palagay mo, kaya ba nating gawin iyong mga itinuro?”   Na sinagot rin nito.  “ Aba, siyempre, kayang-kaya.  Kailangang positive, di ba?” ngumiti ito kay Maila.

Sinagot din ng ngiti ni Maila ang kausap.  Sa unahan niya ito nakaupo.  Madalas magtanong sa lecturer.  Natatandaan pa niya ang sinabi nito noong unang araw.  “I don't need a complete overhaul but some aspects of my life could stand improvement.  That's why I'm here.”

At nagtawanan pa nga silang lahat.  At naisip pa niya, siguro siya, kailangan ang complete overhaul.  “Kailangang positive,” sagot niya kay Ferdie.  Natatandaan rin niya.  Ferdie ang pangalan nito.  At binata.

“A-attend ka ba ng monthly forum ng mga graduates?” tanong ni Ferdie.

“Ano nga ba'ng ginagawa roon?”  tanong naman niya.

“To share daw our success stories.  To help us in our technique failure pag ayaw mag-manifest iyong goals natin. Mag- attend tayo. Maila,”  yaya nito at sumilid sa kanyang isip, alam ni Ferdie ang kanyang pangalan.
.
Muli siyang ngumiti.  “Iisipin ko muna.”

Kinabukasan sa opisina, madalas matigilan si Maila, napapatitig sa kanyang telepono.  Alam naman niyang hindi na niya mapababalik si Rudie sa kanya.  May asawa na ito.  Nang huling mabalitaaan niya, parang maligaya naman, parang hindi naman pinikot.  Naalaala niya si Joy at ang mga sinabi nito.  Maila, limutin mo na si Rudie.  Sagot niya, paano.  Wika nito, gamitin mo yung pinag aralan natin.  Positive thinking.  Program for somebody better.  Isang higit pa kay Rudie.  Isang bagong kakilala.  Interesado sa iyo.  At tawagan ka sa telepono.  Hindi iyong si Rudie ang hinihintay mong tumawag.  At basta maniwala kang mangyayari, tiyak na mangyayari.

Napabuntung-hininga si Maila.  Magdilang-anghel sana si Joy.  At saglit siyang pumikit, huminga nang malalim, binura, itinaboy ang malungkot na pangitain sa kanyang isipan.  At inilarawan ang isang lalaki, wala pang mukha, katabi niya, at masaya, maligaya silang dalawa.

Nagulantang si Maila sa kiriring ng telepono sa mesa.  Kumakaba ang dibdib na dinampot ito.  “Hello...”

Ang tinig.  Maila... si Ferdie ito.  Ang kanyang bagong kakilala.

Nobyembre 16, 1992




Wednesday, January 22, 2014

RANDOM  THOUGHTS... 
RANDOM  TALKS... 5

Sleepover:  Nakaranas ba kayong mag-sleepover noong kamusmusan ninyo?  Iyong matutulog sa bahay ng isang kaibigan?  Ng mga kabarkada?  Uso ito abroad at dahil tayong mga Pinoy ay tunay na magaling na manggaya, sa pananamit, sa pagkilos, sa pagsasalita at sa kung anu-ano pa, ginagawa na rin ito ngayon dito sa atin.  Sa mga lubhang mura pa ang edad, makabubuting supervised ang ganitong aktibidad.  At lalo na siguro sa mga teen-agers ngayon!
Ang katotohanan ay masaya ang ganitong pagsasama-sama ng magkakaibigan.  Dito sila nagkakakwentuhan nang husto.  Ng kanilang mumunting lihim.  Dito sila nagkakakilalang mabuti.

Noong nasa Maynila na ako at nag-aaral, uwian ako tuwing Sabado at bumabalik lamang ng Linggo.  May naiwan akong mga kapit-bahay na kabarkada sa probinsiya na hindi na nagpatuloy mag-aral sa Maynila.  Tuwing uuwi ako, hinihiling kong paminsan-minsan ay matulog sila sa bahay namin. Sila, kumbaga, ang nag-i-sleepover sa amin.  Ang aming bahay ay larawan ng mga sinaunang bahay noon na pawid ang bubong, tabla ang mga dingding at sahig sa sala at kawayan naman ang sahig ng mga kuwarto, komedor at kusina.


Dahil okupado ng pamilya ang mga kuwarto, sa sala kami naglalatag ng malaking banig at tabi-tabi kaming limang mga teen-ager dito.  Kung gaano kalaki ang banig, ganoon rin kalaki ang aming kulambo (hindi pa uso ang screen sa probinsiya noon).  Binubuksan pa namin ang bentanilya para nasisilip namin ang mga nagdaraan sa kalsada. Kaya tuloy nang minsang kumidlat dahil umuulan, todo arte kami dahil inaari naming flash ng camera ang kidlat, at kami ay kinukunan ng litrado ni Topico, ang kilalang photographer ng aming bayan.   Ang saya-saya namin, bulungan, halakhakan, ang pinag-uusapan ay ang mga crush – kung saan nakita, kung ano ang suot, kung ano ang sinabi.  Kinikilig pa. Tandang-tanda ko pa ang isang senaryong ipininta ng isa kung saan pagdating ng panahon, nag-asawa na siya ngunit hindi naman doon sa kanyang crush.  Sa senaryo niya, agad siyang nabiyuda.  Tamang-tama, nang nasalubong niya ang dating crush, namatay rin pala ang napangasawa nito.  kaya silang dalawa pa rin ang nagkatuluyan.  (Awa ng Diyos, hindi naman nangyari ito sa kanya!) 

Seniors:  Ang kwento ko naman ngayon ay sleepover ng mga seniors.  Naging kagawian na naming magkakaiskwela sa high school na pagkatapos ng aming reunion, kaming mga babae ay nag-i-sleepover, pwera mga husbands na tagahatid at tagasundo na lamang ang papel.  Ito ay ginaganap namin sa condo unit ng balikbayang kaiskwela na may-ari nito.  Dahil halos taon-taon ay umuuwi sila ng Pilipinas, naging taon-taon na rin ang pagkikita-kita naming ito, kahit simpling get-together na lamang ng klase ang nagaganap at hindi malakihang reunion.


Ngayon, tingnan ninyo ang takbo ng kwentuhan at usapan ng mga seniors sa kanilang sleep-over, na malayung-malayo sa mga teen-agers!


-Anong gamot mo sa iyong maintenance?
-Betazok.
-Ay, pareho tayo.  Anong miligram?
-Hoy, alam ba ninyo, pag may allergy kayo, di dapat basta iinom ng anti-histamine.  Baka contra sa gamot ninyo sa hypertension.
-O, kain kayo.  Pastilyas, galing Bicol iyan.
-Naku, matamis, diabetic ako.
-Ako rin.  Uminom na 'ko ng metformin.  Ikaw ba, ano sugar mo?
-Di ko alam.
-Ano blood pressure mo?
-Ayyy, di ko tinitingnan.  Pag tiningnan ko sa gabi at mataas, hindi ako makakatulog.  Kapag sa araw ko tiningnan, sira na ang buong maghapon ko.
-Ako, lagi, monitored.
-Ano ang gamit mo, iyong sa wrist o iyong may stethoscope?
-Bawal na ang mercury.

-Kayo ba, nasakay na sa ambulansiya?
-Naku, ako, madalas.  Accident prone yata ako.  Minsan nga, nahulog ako sa hagdan.  911 ang tinawag.
-Ako naman, nag-collapse sa may krosing sa atin.  Buti, may tumulong at tumawag ng ambulansiya.
-Siyanga pala, saan ba tayo kakain?  Sa labas?
-Oo, may Japanese restaurant diyan sa kanto.  Lalakarin na lang natin.
-Di ba delikado maglakad?  Gabi na.
-Alisin na lang ninyo mga alahas at huwag magdala ng bag. 
-O, huwag namang lahat ng alahas, baka akalain sa restoran, wala tayong pambayad.

-Saka baka lalong mapansin ng holdaper, bakit walang alahas ang mga ito.  Kapkapan pa tayo.
-Mayroon ngang matandang naholdap.  Iyong pera niya e sa loob ng
ano niya itinago. Alam pala noong holdaper.  Sunod, sabi noong matanda...
-Nakow, joke iyan.  Talaga, ikaw!
-Buti, natatandaan mo ang punchline ng mga joke mo.  Ako, nalilimutan ko!
-Ilista mo.
-Naglilista nga ako.  Pag nga mag-gro-groseri, may listahan ako.  Kaso, iyong listahan ang nalilimutan ko.
-Ako, kasasabi ko lang, di ko na maalaala!

-Alzheimer na 'yan!
-May gamot na ang alzheimer.
-O, ano?

-Pa-opera ka sa tiyan.
-Ha?

Ganyan po ang takbo ng usapan ng mga seniors na nag-i-sleepover.  Samu't samu't.  Kung anu-ano ang pumapasok na paksa.  Na ang iba ay hindi naman totoo.  Bali-balita lang.


Ang grupong ito, na nakabalabal lahat dahil mga ginawin na, nang pumasok sa loob ng restoran, na walang mga suot na alahas at iisa lang ang may dala ng bag, ay nakangiting sinalubong ng mga waitress, na sa loob-loob siguro, ayyy, mga seniors, mabagal umorder, makulit, pero okey namang mag-tip, lalo at malaki ang kanilang discount.



RANDOM THOUGHTS... 
RANDOM TALKS...4

SHORTS: 
Minsang naglalakad ako, nasundan ko ang isang babaeng naka-shorts.  At nakasalubong ng marami pang babae na ganito rin ang suot.  Mga bata, dalagita, dalaga, matanda, matandang-matanda, mataba, payat, balbon, makinis, may peklat (bakukang pa ang iba), may varicose, may balat, may pekas, pike, sakang, maputi, maitim – lahat na, wala nang isinasaalang-alang, lahat na ay nagsusuot ng shorts. 
 
Noong araw (heto na naman ako), ang nagsusuot lamang ng shorts ay iyong mga atleta na kasali sa volleyball, softball, hurdle, running at iba pang uri ng sports.  Napapanood rin ito sa mga pelikula ni Rosa Rosal kung saan kontrabida ito at may eksenang nakasuot ng shorts.  Nagbabadya ng kaseksihan bilang kontrabida, siyempre, nang-aakit sa bida.  Kalaunan, nakikita na ring isinusuot ito ng mga sosyal na babae sa ilang okasyong pinupuntahan.  Dumating na rin ito sa puntong ginagamit nang pambahay ng mga babae, katambal ay tee shirt, sa halip na daster.  Na pinaiksing housedress ng ating mga nanay.

Noong araw na noong araw (bata pa talaga si Sabel), ang mga matatanda ay may tinatawag na kutod.  Ang kwento pa ay kulay lumot ito at ang tela ay manipis, parang seda, galing yata sa parachute.  Ewan, kwento lang kasi ito.  Baka panahon ng Hapon noon.  Pero parang ito ay isang uri ng shorts, lampas-tuhod at maluwang na kumbaga, pinanggalingan ng puruntong ni Dolphy.  Katulad ni Dolphy, ang puruntong ay naging popular at halos lahat, babae man o lalake, ay nagsusuot nito, pambahay man o panlakad.  Na karaniwan ay printed – bulaklakin o guhitan o may kung anu-anong dibuho.

Ang mga batang lalake, pagpasok sa iskwela, ang suot ay korto.  Ito ang tawag sa shorts na karaniwan ay khaki.  Buong elementarya, ito ang suot nila, ngunit pagdating sa high school, long pants na ang kanilang suot. Graduate na sila sa shorts.  Nagbabadya na rin ito ng pag-iwan nila sa pagkabata.  Binatilyo na, pantalon na ang suot.

Sa pagdaraan ng taon, ang puruntong ni Dolphy, mandin ay umikli.  Marahil, dahil sa pagmamahal ng tela.  Nauso na rin ang hot pants. Hapit na.  Halos kainin na ang pundya.   Ang dating shorts ay naging short short na, nakalabas na ang bulsa.  Style daw.  At isinusuot na kahit saan, kahit yata anong okasyon.  Hanggang ipagbawal na sa simbahan.  At sa city hall sa amin (hehehe)!  Ewan lang kung hanggang ngayon.

Bakit kaya lubhang naging pangkaraniwan ngayon dito ang pagsusuot ng shorts?  Dahil ba komportable ito?  Mura ang halaga ng ready made shorts?  Kaunting tubig at sabon lamang ang kailangan sa paglalaba?  May punto, kung iisipin.  Ngunit kung paglilimiin din, dapat sigurong isaalang-alang rin nang nagsusuot ang iba pang bagay.  Tulad halimbawa, ng isang dalaga o may asawa mang babae, na may kaakit-akit na katawan at binti, lalakad sa kalye nang sobra ang iksi ng shorts, bakat na ang di dapat mabakat, makikita ng mga istambay o ninuman na maaaring pasukan ng tukso at masamang isipin pag namasdan sila... di ba maaaring pagsimulan ito ng krimen?  Ngayon, halos wala nang patawad ang mga ito.  Pati mga batang walang malay, nagiging biktima na rin ng panghahalay.  Na marahil, ang nagbunsod lamang ay ang isang nakitang babaeng naka-shorts.


Ilagay lamang siguro sa lugar, sabi nga. 


Thursday, January 9, 2014

FOOD FOR THOUGHT – 
SA BAGONG TAON
May dinadaluhan akong forum minsan isang buwan, bilang follow-up sa isang kinuhang seminar maraming taon na ang nakalipas.  Bawat pagkikita namin ay may handout na Food for Thought ang aming facilitator.  Ito ang paborito ng grupo na halos taun-taon ay nauulit ibigay sa mga attendees.

Be careful of your thoughts, they become words...
Be careful of your words, they become action...
Be careful of your actions, they become habits...
Be careful of your habits, they become your character..
Be careful of your character, it becomes your destiny.

By: Frank Outlaw

Simpli, ngunit totoo.  Anumang bagay na pumasok sa ating isipan, negative o positive, apektado na ang ating mga kilos at ang mga salitang mamumutawi sa ating mga labi.  At hindi man tayo magsalita, mababasa ito sa ating mga mata. 

  
Kung malikot ang galaw ng ating mga mata?  Kung hindi tayo makatingin nang deretso?  Di nga ba kung nakikipag-usap tayo at nakahalukipkip, may ibig sabihin na ito?  Kung panay ang hipo sa ating ilong?  Na lahat ay dikta lamang ng isiping naglalaro sa loob ng ating ulo.   Kaya kung negatibo ito, magkakaroon ng manifestation sa ating mga galaw at kilos at pananalita, na kalaunan, magiging bahagi na ng ating persona na siyang bubuo ng ating katauhan.  Ito ngayon ang magdadala sa atin sa buhay na maganda at mainam, o kabaligtaran nito, batay sa mga isiping inalagaan natin sa ating sarili.  

Natatandaan ko pa, noong unang araw ng seminar na dinaluhan ko noon, at sabihin ng lecturer na ang lahat ng bagay ay nagmumula sa isipan, na dito sa loob ng ating ulo binubuo o nabubuo bago magkaroon ng pisikal na manifestation, medyo hindi pa ako kumbinsido.  Mga halimbawang ibinigay niya ay isang karaniwang silya o upuan.  Ginawa ng karpintero gamit ay piraso ng tabla at mga pako.  Pero ito anya, ay binuo muna sa isip ang anyo at hugis, saka marahil iginawa ng sketch o drawing sa papel.  Ang mga gusali, bahay, tulay, simbahan – lahat ng ito aniya ay bunga ng isip.

Sabi pa niya, nakatikim na ba kayo ng masarap na pagkain na ginamitan ng mga tamang ingredients, ngunit nang gayahin ng iba, gamit rin ang tamang sangkap, ay hindi naging kasing-sarap?  Ang dahilan raw sa likod ng pagkakaiba ay ang damdaming namamayani sa taong nagluto nito.  Na kung tutuusin, damdaming idinikta ng kung anuman ang isiping namamayani dito habang nagluluto.  Baka alanganin na mali ang kanyang ginagawa.  Naroon ang pagdududa.  Walang tiwala sa sarili na kaya niyang magluto nang masarap.  Ibig lamang sabihin, kung pumasok na ang negatibo, naiiba na ang kinalabasan.

Kalaunan, sinabihan kami ng lecturer na mag-relax, payapain ang sarili, pumikit at isipin na kumakain kami ng manggang hilaw na isinasawsaw pa sa masarap na bagoong. 

Resulta?  Lahat kami ay naglaway, nangasim, gayong ang mangga ay isa lamang isiping pinaglaro sa loob ng aming ulo.  Iyon aniya ay isang halimbawa lamang kung gaano ang kapangyarihan ng isipin sa ating katauhan.  

Kaya, mula ngayon, mag-ingat tayo sa mga isiping pinapaglaro sa loob ng ating ulo.  Pamalagiing maganda at positibo ang mga ito.  Dahil dito rin pumapasok ang Law of Attraction. Negative attracts negative.  Positive attracts positive.

Manigo, Payapa, Masayang Bagong Taon sa lahat!








Sunday, January 5, 2014


BAGONG TAON, 
BAGONG NOBELA

Hindi ko pa natatapos isalin sa computer ang aking nobelang Sa Pag-ibig, Parehas ang Laban mula sa mga sipi ng Liwayway na kinalathalaan nito noong 1989-2001.  Ito ang aking kauna-unahang nobela, kumbaga, ang aking panganay.  Ang nakakatulad nito ay isang historical account ng buhay at pag-ibig ng mga nilalang na “bunga at bihag” ng isang panahon – the fifties' generation. 

Mahaba ito at detalyado, sapagkat ninais kong “mahuli” o ma-capture ang essence ng nasabing panahon, ang innocence ng mga tauhang nabubuhay noon.  Wika nga ay ang tunog, galaw, lasa at kulay nito.  Na sa palagay ko ay nagawa ko naman.  Sa kahabaan, ito ang tipong hinay-hinay, unti-unti ang gagawing pagbasa.  Kumbaga ay nanamnamin at ilalagay ang sarili sa isang panahong ginalawan ng mga nilalang ng nasabing henerasyon, kasabay ang ngiti o kunot ng noo o iling, ganito sila noon!   Na kung pagninilay-nilayan, darating sa konklusyon na, parang kami rin pala ngayon!

Ngunit, tulad nang sinabi ko, hindi pa nga ito tapos ilagay sa computer.  Sa halip, ang isa ko pang nobela ang aking naisipang isaayos.  At ayos na nga, handa nang ibigay sa printer.  Ang kulang na lamang ay ang pabalat o cover na tulad ng mga naunang aklat, ay nais kong ipinta ng aking anak. Na ginagawa na niya ngayon.

Ang pamagat ng nobelang ito ay Sa Sukatan ng Pag-ibig, Sa Timbangan ng Pagmamahal. 
Narinig na natin, marahil ay may nabalitaan nang kwento ng pag-ibig ng mga taong nagsasabing he o she... is the greatest love of my life!  Gagawin ko ang lahat para sa kanya.  Para ipakitang magagawa ko ang lahat sa kanyang ikaliligaya! 

Lahat?  Ikaw, magagawa mo ba ito?  May kilala ba kayong tao na ganitong magmahal?

Ang tanging masasabi ko ay ito:  Abangan ang paglabas ng aklat, basahin ang nobela at alamin ang sagot!  Ito ang alay ko sa taong 2014. 

Samantala, maaari pa ring bilhin ang mga naunang aklat, Minsan, May Isang Pag-ibig,  at Mahirap Ba Akong Mahalin sa lulu.com.  Magandang panregalo sa lahat ng panahon.


MANIGONG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!!!

Friday, January 3, 2014


MANIGONG BAGONG TAON!

AT PARA SA LAHAT-

MABUTING KALUSUGAN,
PAYAPANG KAISIPAN,
MALIGAYANG PAMILYA,
MASASAYANG KAIBIGAN,
AT KASAGANAAN!

 PANALANGIN...
AT PASALAMAT...