Thursday, November 28, 2013

RANDOM THOUGHTS... RANDOM TALKS... 1, 2, 3

RANDOM THOUGHTS... RANDOM TALKS...1

Wala lang, sabi nga ng mga bata ngayon.  Naisipan ko lamang na bakit hindi ko isulat ang mga bagay na kung minsan, biglang dumaraan sa aking isipan.  Dahil sa isang bagay na nakita.  O narinig.  O nabasa.  O natikman.  O naalala.  Bakit nga ba hindi.  Kaya, heto na po ako...

Tungkol sa kakanin (gutom siguro ako noon):  Ang pinaka-nagustuhan kong puto bumbong ay ang inihain sa amin minsan ni Cora, maybahay ng dati, na ngayo'y namayapa nang pangulo namin sa high school alumni association na si Turing.  Kung tatanungin ninyo kung ano ba ang lasa nito, ang tangi kong masasabi ay lasa itong puto bumbong!  Hindi lasang keso, hindi lasang mantekilya, na siya ngayong usong inilalagay sa mga kakanin.  Na pampasarap raw.  Na nagpapaiba ng lasa.  Na hindi mo na makapa ang tunay na lasa nito.

Puto.  Noong araw, may putong Pulo na ngayon ay mababakas mo na sa mga putong Marikina.  Ngunit ang natatandaan kong lasa ng putong kutsinta ay iyong inuuwing pasalubong ng aking ina tuwing siya ay namamalengke noong musmos pa ako.  Iyong nasa bilao at hiniwa-hiwa nang pahilis at lasang-lasa ang anise na parang langgam na nakabudbod sa ibabaw nitong malambot at malagkit.  Kamakailan, sa isang dinalaw na kamag-aral sa Plaridel, nakatikim ako ng puto kutsinta na may ganitong lasa.  Lasang kutsinta talaga.  Tinanong ko kung sino ang may gawa nito.  Ipinagawa raw sa magpuputong si Cita sa palengke ng Plaridel.  Gusto ko man ang nabibiling putong pula na may palamang munggo, na nabibili ko naman kay Citang sa Sta. Isabel, hinahanap-hanap ko pa rin ang putong lasang puto kutsinta talaga. 

Suman sa lihiya.  Tuwing namamasko kami noon sa Nana Tuyang, kapatid na nakatatanda ng aming Inang, ang ibinibigay niya sa amin ay isang bungkos ng tali-taling suman sa ibos at sa lihiya, na siya kong paborito.  Lalo at isasawsaw sa murang niyog at asukal na pula.  Tamang-tama lamang ang lasa ng lihiya na sangkap nito.  Minsan, dinalhan ako ng ganitong suman ng isang bagong kaibigan, si Norie, at sa wakas, muli kong nalasahan ang suman sa lihiya ng aking kabataan.  Sa ngayon, ang mga nabibili ay parang may kulang.  Ewan ba kung ano, basta iba. Bagaman at may natikman naman akong galing sa Calapan, Mindoro, na hugis kuwadrado at ang sawsawan ay ang tinatawag naming ginaok sa Bulacan, na masasabing tumatama na rin sa aking panlasa.

Sa kasalukuyan, hinahanap ko pa rin ang lasa ng bibingka sa kanto noon, doon sa aming baryo, na wala na ngayon.  Ako noon ang laging nauutusan na magpaluto ng miryenda.  Dala ko na ang itlog ng tinatawag ngayong free range na manok, na  bunga ng pagtatalik nila ng tandang (hindi bunga ng mga patuka o feeds na nabibili), na isasama sa bawat sigang ng bibingka na lalagyan ng hiwa-hiwang itlog na maalat sa ibabaw.  Ang bibingka ay gawa sa galapong, babad na bigas na giniling sa gilingang-bato, at hindi sa rice flour na siya marahil kalakaran sa pagluluto ng bibingka ngayon na kinukulapulan ng sandamukal na margarine sa ibabaw, binubudburan pa ng asukal.  Marahil ang mga sangkap na ito ng tunay na itlog at natural na galapong ang sikreto ng tunay na lasang bibingka na miss ko na...

Kayo rin marahil, may ganito ring damdamin sa mga paborito ninyong pagkain.  Ngunit kung pagmumuni-munian naman, hindi kaya romanticized lamang ang pagkatanda natin sa lasa ng mga kakaning ito, na ating hinahanap sa nakakain ngayon?  Tulad halimbawa sa alaala ng isang lumipas na panahon, na ginintuan sa ating palagay na sa katotohanan naman ay puno rin ng ilang mapait na karanasan... 


O sa naaalaalang unang pag-ibig na hindi malimut-limutan... ang gunita nitong ayaw lamang bitiwan... pilit pa ring ninanamnam ang tamis ng mga ngiti, ang lagkit ng mga titig.  Na kung pagbabalikan naman ay naroon ang katanungang bakit hindi kayo nagkatuluyan?

Basta.  Gusto ko ang puto bumbong, ang kutsinta, ang suman sa lihiya at bibingka noon.

Basta.



RANDOM THOUGHTS... RANDOM TALKS...2


Sa bangko, nakapila ako sa labas, wala pang a las nuwebe at hindi pa nagpapapasok ang guwardiya.  Hindi ako magdedeposito, magbabayad ako ng bills.  Sabi nga ng isang kaibigan, bakit hindi na lang sa telepono, para walang hussle, di na kailangang lumabas.  O kaya ay mga direct debit sa account.  O sa ATM.  Sa totoo lang, asiwa ako sa mga makina.  Napaka-impersonal.  Gusto ko ay mga taong nakakaharap, nakikita ang mukha, nasasalubong ang mga mata habang kausap.  May interaction, kumbaga.  Yes, my age is showing...

Ang kainaman nang lumalabas, marami kang nakikita.  At naririnig.  Tulad nga ng isang umagang iyon, na nakapila ako at naghihintay ng pagbubukas ng pintuan ng bangko, narinig ko ang usapang ito:

Sosyal ang dating ng babae.  May edad na rin, ngunit pustura.  Sakbat ang step-in niya na may garbo.  Naka-pedicure.  Nasa likod ko siya.  Kinausap niya ang guwardiya.

Babae:  Iyong isang branch ninyo, hindi pa machine ang gamit, mano-mano pa rin, mabagal tuloy.

Guwardiya:  Yes, Ma'am, hindi pa nga.

Babae:  Pero, malaki ang parking nila.  (Uy, may kotse!)

Guwardiya:  Malaki nga, Ma'am.

Babae:  Gusto ko rin du'n, kilala na nila ako.  Humihingi pa nga ako ng inumin sa kanila.  (Uy, valued client!)

Babae:  Kaya naman, kung anu-ano rin ang ibinibigay ko sa kanila.  Birthday, Pasko.  (Uy, mayaman...)

Babae:  Kasi naman, minsan may ipinabibili sila sa anak kong nasa Paris...  (Uy, merci buco, may anak abroad!)

Guwardiya:  A, bubuksan na ho ang pinto.  Pwede nang pumasok...

Nagpasukan na kami, kasunod ko ang babae, na kalaunan, nakita kong humingi nga ng isang basong inumin.

O, di ba, galing ng lumalabas ng bahay.  Maraming human interest kang makikita at maririnig.  Kaaliw-aliw...

RANDOM THOUGHTS... RANDOM TALKS...3

Ano ang Pasko sa isang sinalanta ng bagyong Yolanda?  Inulila ng asawa, namatayan ng mga anak, nawalan ng mga magulang, nawasakan ng tirahan, tinunaw ng daluyong ang kabuhayan? 

Bawat palad na nakalahad, tinig na humihingi ng tulong, mga matang waring nais panawan ng pag-asa ay may hatid na luha sa kaibuturan ng mga nakamalas ng malagim na larawang ito. 

Pare-pareho ang mga senaryong napapanood sa telebisyon.  Mga taong maayos na nakapila magkaroon lamang ng isang supot ng karampot na bigas, at ilang delatang sardinas.  Madlang nagkakagulo, nagtutulakan, nag-aagawan, pumapasok sa mga tindahan, kumukuha ng kahit anong bagay na makakain o maipagbibili kalaunan, pantawid-gutom, hindi na alintana na ang kanilang ginagawa ay labag sa batas, sa sariling konsensiya, tanging ang nasa isipan ay ang maysakit na pamilya, ang kumakalam na sikmura ng anak o magulang.

Sa gitna ng kaguluhang ito, isang tagpo ang naiwan sa aking alaala.  Ito ang larawan ng isang babae, isang nanay, napag-alaman ko kalaunan sa pakikipag-usap nito sa isang reporter.  Ang nanay ay nasa labas ng isang malaking tindahan na pinasok ng mga tao, ngunit ang nakita kong bitbit niya ay dalawang maliit na Krismas tri.

“Aanhin ninyo iyan,”  tanong noong reporter.

Nahihiyang ngumiti ang babae.  “Para sa mga anak ko.  Kahit paano... kahit ganito... Pasko pa rin.”      

Marami na rin akong nabasa at narinig na ngayong Kapaskuhan ay hindi magdiriwang bilang pakikiramay sa mga nasalanta ni Yolanda.  Siguro, hindi na maghahanda nang malakihan, o magbibigay ng mga regalo o bibili para sa sarili at sa halip ang katumbas nito ay ibigay na lamang na donasyon sa mga biktima.  Tama ito at kapuri-puri, ngunit isaisip rin sana, na ang Pasko ay isang araw ng pagdiriwang at paggunita sa pagsilang ng Mesiyas.  


Na hindi nalimutan ng Nanay sa nasalantang lugar na ang naisipang kunin ay ang munting krismas tri para sa kanyang mga anak. Dahil... Pasko.  Kahit paano, Pasko pa rin!

HAPPY THANKSGIVING DAY

Isang textula ang ipinadala sa akin ni Gaying ng Angono, na mula kay Frank Rivera, isang Filipino playright.  Nais kong ibahagi ito sa inyong lahat.

"Araw ngayon ng Pasasalamat
Marami tayong ikagagalak
Mga maghapon, saka magdamag
Tamang kaibigan at kaanak
Laksang biyaya't libong halakhak
Galing sa Dios sa ati'y yumakap.
HAPPY THANKSGIVING DAY!"