Friday, August 30, 2013

PEOPLE'S MARCH


Sa katatapos na naganap sa Rizal Park na sa tingin ko ay may ibinabadyang liwanag na hahawi sa karimlang nakalambong sa bansa bunga ng mga katiwaliang nangyayari, hindi ko naiwasang pagbalikan ang isang bahagi ng aking kwentong Isang Pook, Dalawang Panahon, na inilathala ko rito noong Pebrero 4, 2009.  Ito ang aking kwentong nagwagi noon sa Carlos Palanca Awards for Literature, 1989.

Ito ay ang liham ng isang anak sa kanyang ina:

NANAY, kay rami nang nangyari sa ating bayan. Wala na ang diktador. Lansag na ang barikada sa Mendiola. Maaari ka nang mamasyal sa Malacanang. Bago na ang gobyerno, iba na ang mga nagpapagalaw rito. Tagumpay ang pangulo sa plebisito at sa pambansang halalan ng mga senador at kinatawan. Ngunit kung minsan, Nanay, parang patuloy pa rin akong nawawalan ng pag-asa. Malimit ko tuloy maala-ala si Ronnie.

Sa kabilang dako, sabi naman ni Erwin, isang bagong kaibigan, umuulit lamang daw ang kasaysayan dahil ang mga tao’y hindi natututo sa aral nito. Ngunit naiiba raw ang mga Pilipino. Pagkatapos raw ng rebolusyon sa EDSA, hindi na tayo babalik sa ating pinagmulan. Oo, magkakaroon pa rin daw ng mga katiwalian sa pamahalaan. Mga nakawan sa kabang-yaman ng bayan. Mga pagdanak ng dugo sa labanan ng Pilipino sa kapwa Pilipino. Mga rally, demonstrasyon at protesta ng mga istudyante, manggagawa, magsasaka at taong-bayan. Ngunit ang lahat raw ng ito ay bahagi na lamang ng huling hakbang bago tayo lubusang makaahon. Natatanaw na raw ang liwanag. Huwag lamang tayong magpapabaya. Ay, Nanay, gusto kong makilala mo at makaharap si Erwin. Pagkatanggap mo ng sulat kong ito ay dalawin mo naman ako. Ha, Nanay? Tiyak na magkikita kayo ni Erwin. Madalas siya rito sa dormitoryo.


Marahil, ang naganap sa Rizal Park ay bahagi na ng huling hakbang.  Na nagigising na nga ang mga taong-bayan.  Ayaw nang maulit ang kasaysayan.  Baka natatanaw na nga ang liwanag.
 
Pork Barrel – 
Mga Tanong at Kuru-kuro 
ng Isang Maybahay


Nasundan ko kamakailan sa telebisyon ang kaganapan sa Rizal Park.  Pinakinggan ang mga hinaing, galit, sama ng loob, pagkasuklam ng mga taong binigyan ng pagkakataong isiwalat ang kanilang nadarama tungkol sa isyu ng pork barrel.  Mga taong nagbabayad ng buwis sa pamahalaan, buwis na pinagmumulan ng nasabing pork barrel na taon-taon ay ibinibigay sa mga halal na kinatawan ng bayan. 

Ang panonood ko at pakikinig ay nagbunga ng maraming tanong.  Mga katanungang sumaisip ko na rin noon, ngunit hindi naman naisatinig.  Kangino ko ba naman sasabihin?  Nababanggit lamang sa mga usapan sa mga kasama sa bahay o sa ilang kaibigan.  Na wala namang nangyayari.

Ngunit matapos kong mapanood ang nangyari sa Rizal Park, naisip ko lamang na bakit di ako magtanong, baka may makaisip sumagot.  Mga tanong ng isang karaniwang tao, ng isang maybahay na ang kasama sa buhay, sa buong panahon ng pagtatrabaho ay nagbayad ng buwis sa gobyerno.  Na ngayon ay siyang isyung pinag-uusapan kung saang bulsa naisilid, hindi sa dapat kapuntahan.

Simpli lamang ang mga tanong.  Ang mga kuru-kuro ay bunga lamang ng kaunting kaalaman, kaya nga nagtatanong.

1.Kung saan nagmula ang pagbibigay ng pork barrel, sa ilalim ng ibang pangalan o label, ay bahagya nang nasagot ng ilang napanood pa ring interview sa telebisyon:  na as early as 1916 pa raw ito;  may nagsabi naman na ginamit rin daw ito upang ang mga kontra sa namamalakad sa gobyerno noon ay maakit na kumampi sa kanila; na sa pagdaraan ng panahon, sa ilalim ng iba't ibang partidong nanunungkulan, ay binigyan ng iba't ibang pangalan at dinagdagan ng halagang ipinamamahagi.  In other words, patronage talaga ang nasa likod nito.  Na siya pa ring nangyayari hanggang sa ngayon.
2.Sa  interview sa isang kilalang senador, sa masusi at deretsong pagtatanong ng reporter, inayunan niya na ito (#1) ang realidad.  Nangyari at nangyayari sa kasalukuyan.  Ngayon, kung aalisin ang pork barrel, ano na?  Iyan ang tanong.  Saan daw mapupunta ang milyun-milyong salaping ito?  Kanginong bulsa?  E, di lalo raw lalaki ang salaping nasa poder ng nanunungkulan, na lalong magbibigay sa kanya ng kapangyarihan kung saan gagastahin o kung kangino ibibigay.  Sa mga kapartido lamang?  Na siya namang nangyayari?  May sumagot namang isang taong gobyerno na ang pera ay mauuwi sa general fund na pwedeng gamitin sa ilalim sa mungkahing line budgeting.  Iyon daw tipong may kani-kaniya nang kapupuntahan.
3.May isang interview pa rin, sa isang economics professor sa isang kilalang unibersidad, na nagsabing hindi niya mabigyang-katuwiran kung bakit sa mga senador at kongresista ibinibigay ang ganitong mga pera para sa mga pagawaing-bayan samantalang wala naman silang alam tungkol dito.  Kaya sila nahalal ay para sa mga laws legislation.  Ang pag-aasikaso sa mga pangangailangan ng isang lalawigan o bayan ay trabaho raw ng mga local government units.  Sila ang dapat na nakaaalam ng pasikut-sikot sa kanilang lugar.  The word is dapat.  Pero inaalam ba naman nila?  O iyong sa kanilang kapartido lamang ang tinutuunan nila?
4.May dalawang nag-uusap, mga anchor sa isang radio station.  Sabi noong isa, dapat daw alisin na nga ang pork barrel.  Kung saan ito mapupunta, ibigay raw sa mga government units.  Halimbawa, ang bawat bayan, kailangang magkaroon ng overall development plan, according to the needs of the constituents.  Ospital, iskwelahan, lansangan, irrigation, etc. Sunod, ang planong ito ay isumiti raw sa gobernador, na dapat ring magkaroon ng overall development plan para naman sa buong lalawigan. Collate the data, prioritize, then submit to DILG.  Batay sa tatanggaping datos ng departamento, sila naman ang magsusumiti sa respective agency – kung sa agriculture, sa public highways, health, education, etc. - na siyang gagawa ng budget para sa mga ito.  Na siya namang bubusisiin ng Kongreso kung aaprubahan o hindi.  Ang sabi naman noong isang kausap, di kaya pumasok rin ang pulitika doon pa lamang sa paggawa ng overall development plan?  Na kung sino ang kapartido ang siyang papaburan o bibigyan ng priority?  Iyan ulit ang tanong.  At kapag nagkaroon ng halalan at nagbago ng administrasyon, maiiba ba ang overall development plan?  Dapat siguro ay isang independent agency, hindi mula sa gobyerno, ang gumawa nito.  Mula sa isang corporate na pag-aaralan ang lakas at kahinaan ng nasabing lugar, ang yamang taglay nito, na magsasaalang-alang rin sa relasyon nito sa mga karatig na lugar.
5.At narito ang aking mga tanong, kung wala nang pork barrel na ibibigay:
-Sa loob ng isang taon, magkano ba ang total na pork na tinatanggap ng lahat ng senador at kongresista?  At ng presidente na may “pork” din daw, iba lamang ang pangalan?
-Ilang iskwelahan ba ang maipapagawa ng total na halagang ito?  Mabibili na ba nito ang mga pangangailangang aklat at gamit ng mga iskwela?  Masusuwelduhan na ba nito ang mga gurong magtuturo sa mga bagong iskwelahan?  Maitataas na ba ang kanilang mga suweldo? 
-Makapagpapagawa na ba ng mga ospital sa malalayong lugar?  O klinika?  Mga dialysis center?  Mga libreng gamot o hospitalization sa mga nangangailangan nito?
-Tubig at ilaw sa mga liblib na lugar, mabibigyan ba sila nito?  Mga tulay at lansangan?  Mga patubig.  Pabahay.  Hanap-buhay?

    Ito ay tanong lamang ng isang maybahay na ang immediate concern ay ang nakikitang suliranin na pang-araw-araw.  Mga batang nag-aaral, gurong mababa ang suweldo, kakulangan ng ospital, mahal na bilihin, at kung anu-ano pa.  Sana naman ay may nag-iisip na kung ano at kung paano ang gagawin sa mga pork barrel na hindi na ipamimigay, kung totoo nga ang mga sinasabi ng mga nanunungkulan.  Na baka totoo ang hinala ng marami na papalitan lamang ng pangalan, o hindi na lalagyan ng pangalan, ngunit naroon pa rin, makararating pa rin sa mga gustong pagbigyan.

    Marami na rin ang lumalabas na mungkahi kung saan ito gagastahin.  At mapapansing kung saan rin ang sentimyento nila, iyon ang tinutuunan ng kanilang mungkahi.  Sa militar, pambili raw ng mga war ships na magbabantay sa karagatan ng bansa.  Sa mga nasa weather bureau, pambili ng mga doppler whatever para maging tama ang prediksiyon sa bagyo at ulan.  Sa Comelec raw.  Para maitama ang kung anumang mali rito. 

    Sana lang, sa anuman mapunta ito, maging sa kapakinabangan ito ng marami.  Ayyy, abangan na lamang natin ang susunod na kabanata.


    O magkita-kitang muli sa martsa?

Tuesday, August 13, 2013

ALANG-ALANG SA ISANG BATA

UMILING si Noli nang marinig ang sinabi niya.  “Bakit pa.  What is the point,” tanong nito.

“Tama,” ang ayon niya.  “Ano pa nga ba ang pakialam ko sa kanila.  Unless … unless I still love him.”

“And you do.”

Hinanap ni Mila ang mga mata ni Noli at nginitian niya ito.  “Once upon a time.”

“Ngayon, Mila,” may nais matiyak ang tinig ni Noli.

At umiling si Mila kaya pumayag si Noli na pumunta si Mila kina Elsa.  At kasama siya mula sa pagbili ng tsokolateng pasalubong para sa kay Joy.

SI JOY ay limang taong gulang, isang karaniwang bata na may karaniwang pananaw sa buhay.  Lahat ng makita at marinig ay tinatanggap na katotohanang hindi mapupuwing.  Itinatago sa sarili. Nagiging bahagi ng paglaki.

Maraming taon na ang nakalilipas, siya, si Mila ay isa ring Joy.  At may isang inang tulad ni Elsa.

“Ito ba'y oras pa ng pag-uwi ng isang lalaking may asawa?”

Ginising siya ng matinis na tinig ng kanyang ina.  Pupungas-pungas siyang bumangon sa pagkakahiga.  Tinungo ang pinanggalingan ng tinig.

“Ang bibig mo, Marta.  Tulog na ang mga kapit bahay,” paangit ang sagot.

“A, wala silang pakialam.  At kung nahihiya ka, ay uuwi ka nang maaga at nang hindi ako sumisigaw.”

“Marta!”

Doon siya lumabas ng pinto ng silid.  Ang larawang nakita niya ay matiim na tumimo sa kanyang isipan.  Nakadakot ang dalawang kamay ng kanyang ina, pilit na pinapalo sa dibdib ang kanyang ama.  Na hindi nito magawa sa dahilang hawak ng kanyang ama ang dalawang isig ng kanyang ina.

Nag-aaway sila, biglang sumilid sa kanyang isipan.  At nadama niyang ang katahimikan ng kanyang munting daidig ay niyanig ng isang nagbabantang panganib.  May kasamang iyak ang kanyang tawag.  Nanay!

Niyakap siya ng kanyang ina.  Hinimas-himas ng kanyang ulo.  Hinagkan hagkan sa pisngi.  “Kaawa-awang anak ko.  Kaawa-awa,” paulit uli na sambit nito.

Mahilig sa barkada ang kanyang ama, narinig niya sa kanyang ina.  Inuuna pa ang mga kaibigan bago ang pamilya.  Hindi na tayo mahal. Pinababayaan na.

Nagalit ang kanyang ama nang kanyang usisain tungkol sa bagay na iyon.  Hinarap ang kanyang ina.  “Anong kalokohan ang isinisilid mo sa ulo ng bata.”

“Totoo naman,” may kasamang dabog na sagot ng kanyang ina.

Kay lalim ng buntong-hininga ng kanyang ama.  At siya ang hinarap nito.  “May ikukuwento ako,” ang sabi sa kanya.  At ang kwento nito ay kakaiba.  Malaki na siya nang kanyang lubusang maunawaan.


Tungkol sa dalawang tinedyer na kaagad pumasok sa buhay mag-asawa.  Hindi pa handa.  Ang babae ay kaagad napasubo sa mga gawaing bahay tulad ng paglalaba, pagluluto, paglilinis ng bahay at nang magkaanak ay sa pag-aalaga nito.  Ang lalaki naman ay kinailangang maghanapbuhay kaagad, kasabay ang pag-aaral sa gabi upang makatapos ng karera at nang magkaroon naman ng magandang kinabukasan ang pamilya.  Ang mag-asawang tinedyer ay kapwa nagmamahalan, ngunit sa dahilang kapwa sila pagod, kaagad umiinit ang ulo, hindi maiwasan ang pag-aaway.  Nakatapos naman ang lalaki at nakalipat sa isang mainan na hanapbuhay.  Nagkaroon ng mga bagong kaibigan.  At kung minsan, ginagabi sa pag-uwi ngunit hindi naman ang ibig sabihin nito'y hindi na niya mahal ang pamilya.

“Kilala mo ba kung sino iyong lalaking sinasabi ko?” ang tanong sa kanya.

Umiling siya at natawa ang kanyang ama.  “Ako 'yon.  At mahal na mahal ko ikaw.  At saka ang iyong nanay.”

Ngunit iba ang sinasabi ng kanyang ina at higit siyang naniniwala rito.  Ang mga katunayan ay maliwanag niyang nakikita.  Mga gabing hindi dumarating ang kanyang ama.  Sabado at Linggong hindi makapa sa bahay.  Kung dumating naman ay away.  Sumbatan.  Sigawan.  Kaya lumaki siyang nalilito, walang makapang kapayapaan sa kanilang tahanan.

Nasa elementarya siya nang may mangyaring higit na malubha. Dinatnan niyang paalis ang kanyang ama may dalang damit.  Tinungo niya ang kanyang ina.  Hindi makapagsalita ito.  Nang tangkang mangusap ay tuluyang napahagulgol nang iyak.  At parang pinipiga ang kanyang puso sa matinding awa. Nanay … nanay.

Kay sakit ng katotohanan.  Ngunit walang luhang tumulo mula sa kanyang mga mata.  “Wala na,” ang sabi ng kanyang ina.  “May iba na siya.  May anak sila.”

Dinilig ng luha ng kanyang ina ang nakapunlang binhi ng galit sa kanyang dibdib.  At naging pataba ang hirap nilang tiniis upang maitaguyod ang buhay.
Lumaki siyang may kinamumuhian.  Lahat ng mga babaing maganda at todo makeup, sapagkat sa kanyang isipan ay ganoon ang larawan ng babaing umagaw sa pagmamahal ng kanyang ama sa kanila.  At lahat ng lalaki.  Sapagkat ang kanyang ama ay lalaki, na umalis, nilisan sila.  At pilit man niyang itinatanggi, nadadama rin niyang naghihinakit siya sa kanyang ina.  Sa abot ng kanyang isipan, alam niyang naiiba ang kanyang nanay sa karaniwang ina.  Malayung-malayo sa ina ni Noli na kapit bahay at kababata niya, ang tanging lalaking kanyang pinakikitunghan.  Mabait ito at hindi nagtataas ng boses sa ama ni Noli.  At hindi pa niya nakitang nagkagalit na nagsisigawan minsan man.  Mahal niya ang kanyang ina.  Ang kanyang ama.  Ngunit ang paninisi ay hindi niya maiwasan.  A, namumuhi siya sa buhay.  Ang sabi niya kay Noli.

“Huwag, Mila,”  isang araw, sabi sa kanya ng ina ni Noli.  “Huwag.”

“Hindi ko po mapigil ang aking sarili,” ang luha ay naglandas sa kanyang pisngi

Ito ay masuyong pinahid ng ina ni Noli.  “Ang kasalanan ng iyong mga magulang ay bunga lamang ng kanilang kabataan.  Huwag mo silang kamuhian.”

“Iniwan kami,” may himagsik an kanyang tinig.

“Naaburido an iyong ama.  Nataboy lamang sa pakikibarkada.  Naging lubhang selosa at makasarili ang iyong ina.”

“Kasalanan ni Nanay.”

“Hindi lubos.  Bata siya.  At napag-iwanan.  Naging taong bahay.  Naagnas ang pagtitiwala sa sarili.  Kung mayroon man sigurong may kasalanan ay kaming mga kapitbahay o ang iba pang taong nakauunawa ng mga pangyayari.”

“Anong ibig ninyong sabihin,”  nagtataka niyang tanong.

“Kung may nangahas sana sa amin na magpayo sa iyong ina, paliwanagan siya.”

“Bakit di kayo kumibo?”

Malungkot na ngumiti ang ina ni Noli.  “Ayaw naming masabi na nanghihimasok kami sa buhay ng may buhay.”

Ang naging usapan nila ng ina ni Noli ay naging laman ng kanyang isipan   at sa pagdili-dili ay dumating sa kanya ang unawa.  Tao lamang ang kanyang ama na nagnais umalpas sa tao lamang na ina niya.  Na maaang nagupo sa hirap, ang isipan ay tumigil na sa pagtubo, hindi na makaabot at makaagapay sa kanyang ama.


KASABAY ng pagdating ng unawa ang paghupa ng pagkamuhi sa kalalakihan.  Si Noli ay mabait.  Ang tatay ni Noli ay mabait.  Marami silang kakilala na mababait.  Kaya nang magdalaga siya at mag-aral, ilag man siya sa mga lalaki ay hindi naman siya lubusang malayo.  Nag-oopisina na siya nang makilala niya si Victor.  Nakilala sa pag-aabang-abang ng sasakyan.

“Ihahatid kita sa inyo.  Nais kong makilala ang pamilya mo.”

Tumanggi siya.  Hindi pa niya tiyak kung handa na ang kanyang ina na tumanggap ng lalaki sa kanilang pamamahay.  Maliban kay Noli.  At si Noli ay isang kaibigan.

Kaya hanggang sasakyan na lamang sila ni Victor.  At kalaunan, natutuloy sa miryendahan.  Hanggang sa mahulog ang kanyang loob dito.  Mula sa pagmimiryenda ay sumama siya sa pamamasyal, panonood ng sine.  Mahal daw siya ni Victor.  Mahal na mahal.  Kahit ano pa ang mangyari, siya lamang.
Naniwala siya.  At pinagtibay sa loob na ang nangyari sa kanyang mga magulang ay hindi mangyayari sa kanila.  Iiwasan niya ang  ugaling hindi nagustuhan ng kanyang ama sa kanyang ina.  Kung tutuusin, di ba doon lamang nagsimula ang lahat.  Bagaman at hindi naman lubusang masisisi ang kanyang ina.  May malaki ring pagkukulang ang kanyag ama.

Nang isang pinsan ng kanyang kaopisina ang nakakita kay Victor.  At sana ang sumunod na pangyayari ay isang masamang panaginip lamang.  Si Victor ay may asawa.  Elsa ang pangalan.  At isang anak.  Si Joy.

Kay lupit ng buhay.  Gusto niyang matawang-maiyak sa mga pangyayari.  How ironic.  Ang kanilang pamilya, all over again.  Ang kanyang ama si Victor.  Ang kanyang ina si Elsa.  Siya si Joy.  At siya pa rin, ngayon, ang babaing mang-aagaw.  Na kanyang kinamumuhian noon.

Sabi ng pinsan ng kanyang kaopisina, hindi masisisi si Victor.  Si Elsa ay ang tipo ng babae na hindi magugustuhang uwiin ng asawa.  Masyadong possessive.  Ang nakakahinayang ay hindi naman sila dating ganoon.  Marahil, may pinagmulan.  Ang kaawa-awa ay ang bata.  Si Joy.  Ngunit paano, mahirap makialam.

Kinausap niya si Victor.  Umamin ito.  “Totoo iyon, Mila.  Ngunit wala akong balak na lokohin ka.  Nakahanda akong iwan ang aking pamilya.  Wala nang pag-ibig.  Namamatay ang pag-ibig.”

Ngunit si Joy, ang anak ni Victor ang kanyang naalala.  Umiling siya.  “Hindi.  Bumalik ka sa iyong asawa.  Kay Joy.”

Naghiwalay sila ni Victor.  Kalauan ay naghilom ang naging sugat ng kanyang puso.  Si Noli ay mainam na manggagamot.  Sinusundo siya nito sa opisina.  Sabay silang umuuwi.  Kung gabi ay dumadalaw sa kanya.

Nang isang araw ay nakita nila si Victor.  May kasamang babae.  Bago raw kasintahan.  At parang may kamay na bakal na pumisil sa kanyang puso.  Naalala niyang muli si Joy.  Siya ay si Joy.  At si Joy at siya, si mila, ay iisa.  Anak ng isang pag-asawahang unti-unting nagkakalayo.

At nakabuo siya ng pasiya.  Tinawagan nya sa  telepono si Elsa.

ANG SASAKYAN ay sa harapan mismo ng bahay huminto.  Isang bunggalo na nakatirik sa isang hindi kalakihang bakuran.  Mahigpit ang pagkakahawk ni Noli sa bisig ni Mila.  “Kung magalit...”

“Sinabi kong ako'y kaibigan at tungkol sa kay Victor ang aking sasabihin.”

“Paano mo sisimulan.  Lalabas na para kang nanghihimasok.”

“Ipakikilala muna kita.  Kasintahan ko.  Saka ko ikukuwento ang tungkol sa amin ni Victor noon.  At tungkol sa nanay at tatay ko.  Sila ni Victor.  Si Joy at ako.  Ang parallel.  Noli.  Baka mabuksan ang kanyang mga mata.”

“Nangangamba ako, Mila.  Baka di niya maunawaan.  Masamain niya.  At kung ano pa ang sabihin niya sa iyo.”

Hinanap ng kamay ni Mila ang palad ni Noli.  “I'm going to risk that Noli.  Sapagkat hanggang walang nangangahas na ipamulat sa kanya ang lahat, hindi siya magbabago.  Hindi magiging interesadong mabuo ang kanilang pagsasama na sa kanya magmumula ang unang hakbang.  Maaaring may nagpapayo naman sa kanyang kamag-anak, ngunit kung minsan, sabi ng iyong nanay noon, may pagkakataong higit na pinakikinggan ang ibang tao.  Kaya anuman ang mangyari ngayon... bumalik lamang ang ama ni Joy... kay hirap ng walang ama, Noli...”

Pinisil ni Noli ang palad ni Mila.  “Alang-alang...”

“Sa isang batang ang pangalan ay Joy,”  sambot ni Mila.

Umiling si Noli.  “Ang batang nasa isip ko'y... Mila ang pangalan.”

Ngumiti si Mila.  “Kung gayon ay ano pa ang ating hinihintay.”

Ang timbre sa gate ay tinuunan ng daliri ni Noli.

Agosto 26, 1985 Liwayway