Wednesday, May 15, 2013

Sa isang hindi kalayuang nakaraan, sa Metro Manila ay may sasakyang nagyayao't dito na pinangalanang Love Bus.  Air-conditioned ito, imported yata sa Japan, batay sa mababasang mga notice o paalala sa mga bababa:  push button when get off.  

Noon, medyo sosyal ka na kapag pa-love bus, love bus ka.  Ito lang kasi ang air-conditioned na sasakyan ng panahong iyon, liban sa taksi.  Hindi rin naman kamahalan ang bayad, kaya naging paboritong sakyan ng mga empleyado (hindi pa nauuso at wala pa sigurong frankisa ang FX noon, na siyang namamayani ngayon).  

Sa aking palagay ay marami ring istorya ang nabuo sa mga nagkakasabay sa pagsakay sa love bus.  Ngunit katuwas ng mga love stories na iisipin ninyong isusulat ko tungkol dito, iba ang aking ginawa.  Naiiba, ngunit may katotohanan.  Na sana ay magsilbing ilaw na tatanglaw sa mga nalalabuang isipan ng mga kinauukulan o ng mga taong makaka-relate sa situwasyong nasa kwento.

Ito ay kwento ng buhay na kung tutuusin, ay masasabi ring kwento ng pag-ibig, sa tunay na kahulugan nito.

Tara na... sakay na sa LOVE BUS... 




LOVE BUS

MAHABA na ang pila ng mga sasakay sa Love Bus na biyaheng Ayala - Makati Medical Center nang bumaba si Helen sa dyip na galing Marikina.  Dismayado siya.  Gusto kasi niyang sa tabi ng bintana maupo para maidlip nang hindi maaabala kung bababa ang kanyang katabi. Karaniwang gawain iyon ng mga nag-oopisina sa Makati na sumasakay ng Love Bus sa may Ali Mall, ang umidlip habang nagbibiyahe.

Puyat siya nang sinundang mga gabi.  Hindi siya pinatulog ng huling pag-usap nilang mag-asawa sa telepono.  Parang nakadikit sa kanyang tainga ang tinig ni Roland.

“'Len... parang gusto ko nang umuwi...”

“Gusto mo na?” ulit niya, sa nadamang pagkabigla ay wala siyang naisip sabihin

“Oo. tatapusin ko na lang ang kontrata ko ngayon.  Malapit nang mag-expire.”

Gusto niyang mag-panic sa narinig. Naalala agad niya, apat ang pinapag-aaral nilang anak.  Elementarya nga lamang, pero ang mahal ng matrikula, ang laki ng gastos sa araw-araw.  Sa ipinadadalang pera ni Roland mula sa Saudi, maluwag na maluwag sila.  Kapag umuwi ito...

“Ano ba'ng sabi ng boss mong Arabo?”

“Hindi pa naman niya alam ang balak ko, ang gusto ko.  Nang huli nga kaming mag-usap, sinabi sa akin na I'll have my exit and re-entry visa at ang contract ko ay automatically renewed.  Biniro ko pa nga.  Sabi ko, anything from the
Philippines you want me to bring back for you.”

“Ano'ng sabi?”

“Only two things,”  ang sagot sa akin.  “One, I come back daw, and two, I come back on time.  Nagtawanan nga kami.  Mabait sila sa kompanya, pero talagang gusto ko nang umuwi.”

“Pagdating mo dito...”  hindi niya itinuloy ang sasabihin.

“May naipon naman ako.  Pangnegosyo.  O maghahanap ng ibang trabaho.  Saka, di ba sabi ng boss ko diyan noon, anytime na bumalik ako, tatanggapin ako.”

Kapag umuwi si Roland, mapasok man sa inalisang kompanya na nagsabing tatanggapin itong muli ay kailangan pa rin nilang magtipid para matustusan ang kasalukuyang gastos nila.  “Gusto mo bang bumalik du'n?”  tanong niya, alam na mataas ang pride ni Roland.

“Not necessarily.  Fallback position lang iyon.  O, ano...”

“Anong ano?”

Waring hindi inaasahan ni Roland ang kanyang sagot.  Matagal na hindi ito umimik.  Akala niya, naputol ang linya.  “Roland?”

Iba ang tinig ni Roland nang sumagot.  “O, sige...”

May tampo si Roland, agad niyang nadama.  “Susulat ako sa 'yo,” nagmamadali, nag-aalala ang kanyang tinig.

“Sige,”  muling sabi ni Roland at klik, ibinaba nito ang telepono.  At gabi-gabi ay binagabag siya ng alalahaning baka kung ano na ang inisip ng asawa.

Sa dakong hulihan na ng bus nakakuha ng upuan si Helen.  At hindi sa tabi ng bintana, may nauna na rito.  Isang  lalaki na ang asta ay handa nang umidlip.  Nakapatong ang dalawang bisig sa kandong na diyaket, ang nakasandal na ulo ay nakakiling paharap sa gawing bintana at nakapikit na ang mga mata.

Maingat na naupo si Helen, sa leeg isinukbit ang mahabang strap ng dalang shoulder bag, niyakap ang bag, at pumikit na rin.  Hindi pa lumalalabas ng EDSA ang bus, nakalimot na siya.  At nagulat nang gisingin ng katabi.

“Miss... miss... excuse sandali.  Makikiraan lang.”

Napatingin si Helen sa lalaking nagsalita.  Napalinga sa paligid. Ilan na lamang ang taong  sakay ng bus.  “Bakit?  Nasa'n na ba tayo?”

“Lampas ng Herrera.”

Napadukwang si Helen sa buton ng when get off.  “Paseo lang ako,” sabi niya sabay tayo.

Tumayo na rin ang lalaki at magkasunod silang bumaba, sabay na naglakad ng Ayala Avenue pabalik ng gawing EDSA.  Nasa kanto sila ng Herrera nang magsalita ang lalaki.  “Nakikita kitang lagi sa Love Bus.  Taga-Cubao ka ba?”

Umiling si Helen.  “Marikina ako.”

“Marikina.  Marami akong kamag-anak du'n,  sa San Roque, mga Samson.  May mga pinsan ako, sina Eddie, may pwesto sa palengke sa bayan, magkakarne sila.  Baka suki mo pa sila.”

Umiling si Helen.  “Hindi kami taal na tagaroon.  Doon lang nakakuha ng house and lot kaming mag-asawa, sa SSS Village.  Saka medyo malayo kami sa bayan, sa Concepcion ako namamalengke.”

“A...” napatango ang lalaki.  “E, ba't hindi mo kasama si mister.  Sabagay,” mabilis na dugtong, “hindi ko rin kasama si misis,”  at nagtawa ito.

Napangiti si Helen, lubos na naunawaan ang buong kahulugan ng mga sinabi ng lalaki.  Na nakikipag-usap lamang ito, small talk, sa isang kasakay sa Love Bus, na kaparehong lumampas ng bababaan.  Na walang ibang ibig sabihin ang pakikipag-usap.

“Wala siya rito. Nasa Saudi.”

“Saan sa Saudi?  Galing din ako du'n.”

Nagkainteres si Helen.  “Sa Riyadh siya.”

“Du'n din ako nu'n,”  nilinga ng lalaki si Helen habang naglalakad.  “Siyanga pala, ako si Lito.  Lito Santos.  Diyan ako sa DBP pumapasok.”

“Ako si Helen.  Reyes.  Sa BPI ako.  Kung  DBP ka, di ba dapat, sa Buendia ka bababa, saka kukuha ng dyip.”

“Oo,  kaso lumampas nga.  Lalakarin ko na lang, sa Makati Avenue, total, maaga pa, saka maganda ang panahon.  Yun nga palang husband mo, saan connected?”

“Dati sa El Seif Development.  Pero iba na ngayon.”

“Matagal na ba siya du'n?”

“Matagal na rin.”


“Wala pa ba siyang balak umuwi?  Nang permanente?”

“Pinag-uusapan.  E, ikaw, ilang taon ka ba doon?  Bakit ka umuwi?”  Sinulyapan ni Helen ang lalaki.

“Mahigit din limang taong ang itinagal ko dun.  At medyo mahabang istorya kaya ako umuwi.”

Napatawa si Helen.  “E saka mo na lang ikwento sa akin. Narito na ko sa amin,” isang tango sa kausap at tumawid na si Helen ng Ayala Avenue sa kanto ng Paseo de Roxas.

Sa maghapong pagtatrabaho sa opisina, hindi miminsang sumingit sa isipan ni Helen si Lito.  Nadama niyang gusto niyang muli itong makita, makausap, mausisa tungkol sa pagtatrabaho sa Riyadh, sa buhay-buhay doon ng mga Pilipino.  Hindi palakwento ang kanyang asawa.  Maigsi ang mga sulat nito. Nangungumusta lang at nagsasabing mag-ingat sila, huwag mag-alala at ito nama'y okey, walang sakit.  At lagi, ang pahabol na sulat ka agad

 

KINABUKASAN, sa istasyon ng Love Bus sa may Ali Mall, sa dating upuan sa dakong hulihan, dinatnan ni Helen si Lito.

“Naka-save na itong upuan mo,” nakangiting bati ni Lito.

“Thank you.”  Sa loob siya pinaupo ni Lito.

“Matutulog ba tayo ulit.”  biro ni Lito.  “Baka lumampas na naman tayo.”

Nagtawa si Helen.  “Hindi.  Pakukuwento ako sa'yo tungkol sa Riyadh, sa trabaho n'yo doon, sa buhay ninyo.”

Si Lito naman ang nagtawa.  “Magbabaka-sakali kang makarinig ng mga bagay na hindi naikukuwento ng asawa mo.  Baka naman pagsimulan pa 'ko ng kagalitan ninyo.  Mahirap na.”

“Naku hindi. Mabait ang asawa ko.”

Umayos ng upo si Lito at nagsimulang magkwento ng buhay nito.  Bago nagpunta sa Saudi.  Habang nasa Saudi.  At bakit bumalik na muli sa Pilipinas.

“Mid-eighties noon.  Kabi-kabila ang retrenchment sa mga opisina.  Nag-usap kaming mag-asawa, kailangang umisip kami ng ibang pagkakakitaan.  At naisip ko ang Saudi, kahit marami nga ang lokohan dito.  Alam mo na, iba ang kontratang pinirmahan sa trabahong daratnan.”

“Paano nga ba nangyayari iyon?”

Si Lito.  “Halimbawa, ang kontrata ay para sa plumber, pero daragdagan nila ng and other job.  Ayun na, pagdating doon, hindi tubo ang hahawakan mo, kundi piko.  Kuwento nga ng isang umuwi na sa Pilipinas, hindi naman sila makareklamo.  Kaya kahit sila tubero, nagtiiis na lang sila sa pagtibag ng bato.  Sa pagtira sa barracks, hindi makatulog sa ginaw.  Walang ibang tao sa kanilang kinalalagyan.  Para silang itinapon.  Isa pa'y iba ang suweldong ibinigay sa suweldong ipinangako.  Noon iyon, ha, kuwento nila noon.  Ngayon, ewan kung nabago na.” 

Napahinga nang malalim si Helen.

“Ako naman, sa awa ng Diyos, okey ang trabaho kong nakuha.  Walang lagay-lagay.  Kaya lang, iyong unang dalawang linggo ko, hindi ko makakalimutan...”
humina ang tinig ni Lito.

Unang dalawang linggo.  Pinagbalikan sa isip ni Helen ang unang sulat ng kanyang asawa mula Saudi.  Napakalungkot, ito ang tandang-tanda niya.  Pero talagang ganito ang buhay, kaunting tiis.

Mabait si Roland.  Sa sulat nito, siya pa ang inaalala at inaaliw.  Ang sariling damdamin at pangngulila ay hindi gaanong pinag-ukulan ng pansin sa hangaring mapanatag ang kanyang kalooban.  Sa puntong ito'y nagtagumpay ang kanyang asawa. 

Patuloy sa pagkukuwento si Lito. 

“Pagdating ko sa airport, nanghaba ang leeg ko sa paghanap nu'ng plakard na kinasusulatan ng pangalan ko.  Matagal bago ko nakita at talagang kinabahan ako.  Baka ikako hindi natanggap ang telex na ipinadala ng recruiting agency.  Baka mali ang oras ng departure o ang flight number.  Laking pasasalamat ko sa Diyos na okey naman pala.”

Bahagyang napangiti si Lito.  “Ang haba ng unang sulat ko sa misis ko.  Ikinuwento kong lahat, detalyado.  Ang pagpirma sa bagong kontrata na nasusulat sa English at Arabic, naroon ang halaga ng suweldo sa riyal, hindi na sa dolyar.  Ang pagsurender sa passport sa aming employer na pinalitan ng tinatawag na Iqama.

 
Napatango si Helen.   Naikwento rin ni Roland ang tungkol sa iqama, iyong libretang kinasusulatan ng pangalan niya, propesyon, kapanganakan, passport number at bansang pinanggalingan, ang lokasyon ng kompanyang pinapasukan at ng iqama number.  Napakaimportante raw nito.

“Napakalungkot ng mga unang buwan,”  patuloy ni Lito.  “Matatawag na ngang langit ang pagdating ng mga sulat buhat sa Pilipinas.  Dyahe pero napapaiyak ako sa aking pag-iisa.  Mahirap ang malayo sa sariling pamilya.  At sa sariling bansa.  Korni, pero totoo iyong kasabihang wala nang sasarap pa kundi ang tumira sa sariling bayan.”

Saglit na tumigil si Lito, bahagyang tumikhim.  “Sa totoo lang, tuwing makakakita ako ng eroplano at ng ibon na tila ba maya, higit lang maputla ang kulay, e, talagang gusto ko nang umuwi.”

Napabuntung-hininga nang malalim si Helen.

“Buti na lang at marami kaming Pilipino na nakatira sa may Hara District.”

“Blumetritt?”

Napatawa si Lito.  “Alam mo pala.  Blumentritt nga ang tawag namin sa Hara District.  Pag Huwebes ng gabi, di nga ba iyon ang parang pinaka-weekend, kasi Biyernes ang pinaka-Linggo sa Saudi, nagkakainuman kami.  Alam mo naman ang mga Pinoy.  Kaya nga lang , non-alcoholic ang beer.  Tulad ng mousi, nakakabunsol lamang, wa epek, walang binatbat sa San Miguel.  Sabagay, walang point of comparison.  Pero ang importante ay may nakakausp kang Pinoy.  Kahit nga ba kung minsan, e, nakaka-depress ang mga kwentuhan.”

“Bakit, masyadong malungkot?” 

Umiling si Lito, napangiti.  “Hindi malungkot.  Biruan nga.  Kaya lang,  maaanghang na mga biruan.  Na baka kami, e, miyembro na ng kung anong unyon doon, hindi pa namin alam.  Alam mo na, na baka may sunong na kaming kung ano sa ulo.  Biruan lang.  Pero kadalasan nga, ang mga usapan ay tungkol sa lungkot, init, lamig, pagtitiis, pag-aalala sa mga iniwan na baka kung ano na ang mga nangyayari... “  muli, humina ang tinig ni lito.

“Pero naka-adjust din kayo kalaunan, di ba.  Enjoy na rin.”

Tumango si Lito.  “Kailangang mag-adjust.  Forced to good ka, wika nga.  Saka marami namang napapasyalan du'n.  Sa Batha na karaniwang pasyalan ng mga Pinoy.  Sa harap ng Batha Hotel ang tagpuan ng mga gustong magkita.  Para bumili ng damit at sapatos o electronic goods.  O para kumain sa Bahay Kubo Restaurant.  O sa Quiapo o Pinoy, pangalan ng mga kainan doon.  O para makabasa ng diyaryong galing sa Pilipinas.  Liwayway.  Mod.”

“Nagpaparti rin ba kayo doon?”

Lumaki ang mga mata ni Lito, nilingap si Helen.  “Oops, ang kuwento ko'y nung naro'n ako, ha.  Baka mamaya, awayin mong asawa mo.”

Ang tawa ni Helen.  “Hindi.  Sabi ko naman nga sa yo, mabait iyon.”

“Buweno, nagpaparti rin kami doon.  Kaya nga lang, kung lalaki ang may parti, panay lalaki ang imbitado.  Kung babae, panay babae.  Mixed crowd kapag married o couple ang may parti.  Ang usual entertainment namin ay manood ng beta movie, mamasyal nga sa mga shopping center para magwindow-shopping at girl-watching.  Uupo kami sa mga bench, magkukukot ng popcorn, saka kakain ng swarma.”

“Swarma?  Iyon bang sandwich na may palamang manok o beef?”

Tumango si Lito.  “Ang mga shopping center ay karaniwang bukas mula alas kuwatro ng hapon hanggang alas onse ng gabi, liban kung Ramadan, na mula alas siyete ng gabi hanggang alas dos ng madaling-araw.  Saka, pag oras ng dasal nila, na depende sa paglubog ng araw, karaniwa'y alas sais, isinasara ang mga tindahan.”

Itinuon ni Helen ang paningin sa labas ng bintana ng Love Bus.  Alam naman pala niya ang halos lahat nang narinig kay Lito.  Hindi naisulat ni Roland sa kanya pero napagkuwentuhan naman nila sa mga pag-uwi at pagbabakasyon nito.  “Kung Pasko't Bagong Taon, ano'ng ginagawa n'yo?”

Napailing si Lito.  “May pasok sa trabaho.  Hindi masayang pareho sa atin.  May parti rin, kanya-kanyang dala ng pagkain, may exchange gift.  Pero siyempre mababaw lang yun.  Sa likod ng isipan namin, ang mga narito sa Pilipinas ang naaalala namin.  Kaya napakaimportante sa amin ang tumatanggap ng sulat.  Ako, ulit-ulit kong binabasa ang sulat ng pamilya ko.  Ang sulat kasi ang tanging nag-uugnay sa amin dito.  Kaya iyong tamad sumulat ang pamilya, napapalitan ng penpal..." nakangiting nilingap ni Lito si Helen.

“Madalas akong sumulat sa asawa ko,”  sambot ni Helen sabay sa pagkaalala sa pangakong sulat sa asawa.  “Pero, bakit ka umuwi?”

Hindi kaagad sumagot si Lito.  Waring inisip na mabuti ang sasabihin.  “Nang huling uwi ko'y may napansin ako sa aking pamilya.”

Inisip ni Helen kung ano ang senaryo sa kanilang bahay nang huling uwi ni Roland.

Si Lito.  “Maliliit pang mga anak ko, toddler ang bunso nang umalis ko.  Pagbabakasyon ko'y medyo malaki na.  At istranghero ako sa tingin nila.  Ayaw sumama sa akin ang bunso.  Natatakot lumapit.  Kalauna'y naging close na rin pero papaalis na ako.  Nang huling uwi ko, ang malalaki nang umalis ako ay mga tinedyer na, higit nang malalaki at waring may sarili nang buhay.  Na hindi ako kasali.  At naisip ko, its not worth it.  Ang malaking kinikitang pera, kapalit ay watak-watak na pamilya.”

“Pero kahit naman magkakasama ang pamilya, kung may communication gap, hindi nag-uusap ang mga magulang at anak, para ring watak-watak,”  sabi ni Helen.

“Totoo iyon,”  ayon ni Lito.  “Ibig ko lang sabihin, ang mga tao sa Saudi ay naroon sa kani-kanilang dahilan, mostly economic.  Pero kung dumating ka na sa puntong medyo nakaipon na, pwedeng may panimula nang pang-negosyo o baka may mababalikang trabaho dito sa Pilipinas, and I am only speaking for myself, masasabi kong hindi worth it na hiwa-hiwalay ang pamilya.  Ang totoo naman, e, walang may gustong watak-watak ang pamilya kundi nga lang kailangan.”

How true, naisip ni Helen at binalingan si Lito.  “So, ang mga anak mo ang dahilan, kaya ka nagdesisyong umuwi....”

Bahagyang napangiti si Lito.  Waring nag-isip-isip kung itutuloy ang sasabihin.  Pagkuwa'y nagkibit ng balikat.  “I'm not exactly honest with you.  Ang totoo'y may isa pang dahilan.”

Hinintay ni Helen ang sasabihin ni Lito.  Tumikhim ito. “Nagkaroon ako ng penpal.  Ang pangalan ko'y ibinigay ng isang kaibigan sa kanyang kaibigan na kanyang kasulatan na ibinigay naman sa isang naghahanp ng penpal sa Saudi. Biruan lang umpisa.  Kalaunan, nakakawilihan na, hinahanap-hanap na, hinihintay-hintay.  Pinadalhan ako ng litrato,  maganda, seksi, saka kung anu- ano pa.  Malayo ang Saudi sa Pilipinas at ang distansiya nito ay waring nakakabawas sa guilt feelings namin sa pakikipagsulatan sa ibang tao.”

Nilinga ni Lito si Helen.  “Isipin mong ganito ang damdamin ko samantalang regular at madalas ang sulat sa akin ng misis ko.  Paano mo masisisi ang mga kasamahan ko na bihira o ni hindi nakatatanggap ng balita mula sa kanilang pamilya?”

Inisip ni Helen kung kailan ang huling sulat niya kay Roland.  Nagpatuloy si Lito.  “Ayokong ibigay na katuwiran ang likas na kahinaan ng tao kung bakit nangyayari ang mga nangyayari sa mga asawang iniwan sa Pilipinas at sa mga asawang nagtatrabaho sa abroad,  pero nangyayari.  Naisip ko lang noon, kapag naramdaman kong nangyayari na sa akin iyon, uuwi na ako habang hawak ko pa  ang aking sarili.”

“Ano ang nangyari?”  sabi ni Helen.

Napailing si Lito.  “Ang sumunod na sulat sa akin ng penpal ko ay may tatak na Al-Khobar.  Natanggap raw siya sa isang kompanya doon.”

Natutop ni Helen ang kanyang dibdib.  “Ano'ng ginawa mo?”
 
Napahinga nang malalim si Lito.  “Suwerte lang.  Matatapos nang kontrata ko.  Tinawagan kong misis ko.  Sabi ko'y gusto ko nang umuwi.”

Kagyat na naalala ni Helen si Roland.  “Ano'ng sabi niya?”

“Tuwang-tuwa siya.”

“Marami siguro kayong savings...“ nag-aalanganin pang tanong ni Helen ngunit iyon lamang ang dahilang naisip niya kung bakit parang hindi nanghinayang ang asawa ni Lito sa pag-uwi nito.

“Hindi naman,”  sabi ni Lito.  “Kailangan pa ring kumayod kaming pareho.”

“Ikinuwento mo ba sa kanya kung bakit ka nagdesisyong umuwi?”

Ngumiti si Lito.  “Kalaunan, naitanong ko sa kanya kung bakit hindi man siya nagpasubali sa desisyon kong umuwi.  Marami kasi kaming alam na kaso na gusto nang umuwi ng lalaki e, ayaw pang pumayag ang asawa dito sa Pilipinas.  Ang dahilan, economic.  Marami pang hinuhulugang lote at appliance, mga anak na pinapag-aaral.  Gano'n din ang kalagayan naming mag-asawa to a certain point.  Bakit nga ikako agad siyang pumayag.”

Parang napigil ang hininga ni Helen.  Pakiramdam niya'y may matututuhan siya sa naging sagot ng asawa ni Lito noon, sa situwasyon nila ni Roland ngayon.

Nilingap siya ni Lito.  Nagtama ang kanilang mga paningin.  “Sabi niya... “ binawi, muling itinuon ni Lito ang mga mata sa harap ng bus, “sabi niya, nang tumawag ako't nagsabing gusto ko nang umuwi, may nadama siya sa aking tinig.  A call for help.  Nangangailangan ako ng tulong.  Kung anuman ang dahilan, hindi niya alam, hindi rin inalam.  Ang punto'y nangangailangan ako, tinawagan ko siya, at pinakinggan niya ako.”

Napasandal sa upuan si Helen.  Napapikit nang mariin.  At sa sarili ay inulit.  Ang punto'y nangangailangan ako, tinawagan ko siya, at pinakinggan ako.

Mamayang gabi, naisip niya, a, hindi, pagdating palang sa opisina, kung hindi pa time, gagawa na siya ng sulat para kay Roland.  Sasabihin niya, umuwi na ito, walang problema, may naipon naman sila, saka nagtatrabaho naman siya.

Biglang tumigil ang bus, iminulat ni Helen ang kanyang mga mata.  Nakatayo na si Lito, nakangiti.  “Dito na 'ko, bababa na ko...”

Nakangiting tumango rin si Helen.  “Thank you, Lito...”  ang tanging nasabi niya.  At tutoong-totoo sa loob ang sinabi niyang pasasalamat.


Nobyembre 21 at 28, 1994, Liwayway






Monday, May 13, 2013


MAYTIME, NOON... NGAYON...

Mayo na.  

Noong araw, panahon namin (mahahalata na), ito ang buwan ng pag-i-iskarsiyon sa Antipolo, sakay ng inarkilang La Mallorca o Pambusco.  Kasama ang buong barkada, tabi-tabi sa dalawahan at tatluhang upuan, kung minsan nga ay may bangko pa sa gitna.  Nagkakantahan, sinisinta kita, di ka kumikibo, akala mo yata ako'y nagbibiro... Kumakaway sa mga nadaraanang tao, na kumakaway ding pabalik.  Sa kapirasong zigzag na nadaanan ay naghihiyawang akala mo ay ang Kennon Road sa Baguio ang inaakyat.

Pagdating sa Antipolo, sisimba.  May nakaperdible pang  “pin” ng Birhen sa dibdib na akala ay libre nang siya ay salubungin ng tindera at kabitan,  may bayad pala.  Sunod ay bibili ng kasuy, mangga at suman ang may pera.  At sasakay na muli ng bus dahil pupunta sa Balara o sa La Mesa Dam.  Doon magpi-piknik, kakain ng adobong manok at kaning binalot sa sinalab na dahon ng saging na muling binalot ng Manila Times.  Magkokodakan.  Maglalaro ng “truth or consequence” sa lilim ng puno ng tekla.  Maglulubid ng buhangin kapag natanong kung sino ang crush o sino ang manliligaw o nililigawan.  Pag-uwi ay sasaglit pa sa Baclaran, luluhod, magdarasal na sana, siya ay crush ng kanyang crush.  Kagat na ang dilim pagdaan sa Luneta.  At hapo, ngunit punung-puno ang batang puso ng kasiyahan sa isang iskarsiyon lamang, uuwi na, at pagdating ng panahon, may gunitang pagbabalik-balikan.

Ngayon, ang Mayo ay eleksiyon.  Tuwing ikatlong taon.  Para mabago ang mga nakaupong tao sa gobyerno.  Ngunit ma-Nobyembre o Mayo ang eleksiyon, ang kinalabasan, batay sa kalagayan ng bansa, ay parang pareho pa rin.

Sabi nga, same, same...


Ang mga nanalo lamang ang punung-puno ng kasiyahan, daig pa ang nag-iskarsiyon sa Antipolo at La Mesa noon.


Thursday, May 9, 2013


TATLONG TULA TUNGKOL KAY NANAY

Mother's Day na.  Naisipan kong maghanap ng tula tungkol sa mga nanay at may nagustuhan akong tatlo.  Tatlong tulang magkakaiba ang sinasabi.  Narito ang una na sinulat ni William Butler Yeats.  Isang talata mula sa buong  The Wind Among the Reeds, 1899.

Song of the Old Mother

I rise in the dawn, and I kneel and blow
Till the seed of the fire flicker and glow;
And then I must scrub and bake and sweep
Till stars are beginning to blink and peep;
And the young lie long and dream in their bed
Of the matching of ribbons for bosom and head,
And their days go over in idleness,
And they sigh if the wind but lift a tress:
While I must work because I am old,
And the seed of the fire gets feeble and cold.


Does the poem ring a bell?  May kinanti ba itong gunita?  Hindi man sa ating sariling ina o sa atin bilang isang ina, ay sa iba naman nating kakilala?

Isang inang hindi pa pumuputok ang araw ay gumigising na, nagsisimula nang magtrabaho sa bahay.  Noong araw na walang de-kuryente o de-gas na kalan, ay nagsisimula nang magparikit ng kahoy sa may pugon upang magluto ng almusal. Sunod ay hawak na ang walis, ang basahan at maglillinis na sa kabahayan. Maglalaba pa siguro o kung anupaman ang dapat gawin sa bahay hanggang sumapit na naman ang gabi at sumikat na ang mga bituin... magpahinga upang muling kumayod kinabukasan...

Samantala...  ang mga bata ay tuloy sa pagkakahimlay sa mga higaan, pinapangarap pa ang mga makukulay na laso na ipapanali sa buhok at idedekorasyon sa dibdib.  Na ang mga araw ay ginugugol sa kawalan nang ginagawa... ipinagbubuntung-hininga ang munting hihip ng hangin na gugulo sa kanilang buhok...

Sa panahon ngayon, mga Mommy na gigising na rin nang maaga.  May kasambahay man ay katulong pa rin siya sa paghahanda ng agahan, pag-aayos ng mga dapat ayusin sapagkat aalis siya ng bahay.  Papasok sa trabaho, tutulong sa asawa upang magkaroon ng mabuting kinabukasan ang pamilya.  At kinahapunan, darating sa bahay na hapung-hapo ngunit kailangan pa ring pangasiwaan ang lahat.

Samantala...  ang mga bata ay gigising, kakain, tutungo sa iskwelahan, uuwi ng bahay, maglalaro, manonood ng telebisyon, gagawa ng homework, magte-text sa kaibigan, o kung may computer, nasa facebook... at wala nang ibang inaalaala kundi ang kanilang sarili, ang kanilang mga kaibigan...

May kakilala ka bang makaka-relate dito?  O ikaw mismo?

Ang ikalawang tulang napili ko ay sinulat ni Edgar Allan Poe noong 1849.  Tunay na kakaiba ito.  Nakakagulat. 

To My Mother


Because I feel that, in the Heavens above,
The angels, whispering to one another,
Can find, among their burning terms of love,
None so devotional as that of “Mother,”
Therefore by that dear name I long have called you—
You who are more than mother unto me,
And fill my heart of hearts, where Death installed you,
In setting my Virginia’s spirit free.
My mother—my own mother, who died early,
Was but the mother of myself; but you
Are mother to the one I loved so dearly,
And thus are dearer than the mother I knew
By that infinity with which my wife
Was dearer to my soul than its soul-life.

 
Ang tinutukoy dito ni Edgar Allan Poe na kanyang ina ay ang kanyang biyenan!  Hindi ba kagulat-gulat?  Lalo na sa mga manugang na hindi naman maganda ang relasyon sa kanilang mga in-laws.  Marahil, dahil halos hindi na niya nakasamang matagal ang kanyang tunay na ina na namatay agad, at halos wala na siyang natandaan sa kanilang pinagsamahan, bukas ang kanyang puso sa pagtanggap sa kanyang biyenang babai bilang kanyang ina.  Unang-una, ito ang ina ng kanyang pinakamamahal.  Wow!  


Ang ikatlong tula ay sinulat ni Rudyard Kipling noong 1891.  Ito ang dedikasyon ni Kipling sa kanyang nobelang The Light That Failed.  Nakatitiyak akong ganito ang sentimyento ng bawat anak sa kanyang ina.

Mother O' Mine

 
If I were hanged on the highest hill,
Mother o’ mine, O mother o’ mine
I know whose love would follow me still,
Mother o’ mine, O mother o’ mine!

If I were drowned in the deepest sea,
Mother o’ mine, O mother o’ mine
I know whose tears would come down to me,
Mother o’ mine, O mother o’ mine!

If I were damned of body and soul,
I know whose prayers would make me whole,
Mother o’ mine, 0 mother o’ mine!

 

Alay ko ang mga tulang ito sa lahat ng ina. 
At sa lahat ng anak.


NASAAN?

Isang araw, wala kang magawa.  Nasa bahay ka lang.  Tinamaan ka ng tamaritis.  Iyon bang natatamad kang kumilos o mag-isip o magligpit-ligpit, alam mo naman, hindi natatapos ang trabaho sa bahay.  Hindi mo type ang palabas sa telebisyon.  Ilang ulit mo nang pinanood ang dvd ng sitcom na "Friends".  Mabagal ang internet, nakakainis mag-surf.  Wala na halos load ang celfone, huwag munang gamitin.  At wala ka nang mabasa, kasi, pinahinto mo na ang subscription ng Time at Reader's Digest.  Tapos na ring basahin ang serye ni Jan Karon at Aunt Dimity at ang "The Help" ni Kathryn Stockett.  Para namang heavy for the day na umpisahan ang libro ni G. K. Chesterton na "The Innocence and Wisdom of Father Brown", maliit ang font.

Ano'ng gagawin mo?

Ako, nang mangyari itong minsan, nagbuklat ako ng mga album ng litrato.  Mga lumang album na nakasalansan sa shelf.  Sangkaterba ito.  Natatandaan ko, ang una kong binili nang ako ay magkatrabaho after college, ay ang bumili ng class ring (kasi, uso noon ang pagbibigayan ng ganitong singsing sa mga magkasintahan).  Ang ikalawa ay ang pagbili ng camera.  Isang Kodak Brownie.  Isang munting pangarap na natupad!  Celebrity sa akin noon si Topico sa Malolos, siya ang photographer ng bayan. 

Sa rolyo ng film napupunta ang ekstra sa sweldo ko tuwing kinsenas.  Kuha dine, kuha doon.  


Aso ni Amang... 


Rosas at cactus...



Bahay ng Oya at Amang Puten...

Sarili ko, paminsan-minsan, hindi kasi ako fotogenic, hehheh.  Kailangan ay lagi sa good side lang ang anggulo.  At gastos pa rin sa pagpapadebelop. 

Nang mag-asawa ako at magkaanak, lumawak ang aking subject matter.  



Mga bata - dalawang taon, tatlo't kalahati, apat at kalahati...



Lahat ng birthday, communion, mga milestones sa buhay nila, faithfully recorded ng brownie hanggang napalitan ito ng mas kumplikadong brand, na may depth of field pa, etcetera, etcetera.  Pero, natutuhan ko rin ito.  Hanggang minana ng aking mga anak at nagkasya na lang ako sa instamatic.  Less problem, lalo at nasa biyahe.  Point and shoot lang.  24.  36.  Lahat nang ito ay pawang gumagamit ng rolyo ng negatibo, na pang-black and white lang, mahal ang colored kasi.  Then came the digital camera.  Baterya lang ang kailangan at madali namang mag-upload sa computer ng mga kinodakan.  Kaya lang, dito naman nagrereklamo ang mga kinuhanan na walang computer.  Hindi nila ito nakikita.

But I digress.  Balik tayo sa pagbubuklat ng album, na aking ginawa noong wala akong magawa...  na sa paisa-isang pagbuklat ng mga pahina nito, sa wari ay panonood ng isang silent film na hindi kumikilos, sa pagmamasid sa mga kilalang mukha ng mga taong nakasalamuha, nakasama, naging bahagi ng aking buhay minsan, isang panahon, may namuong tanong sa aking isipan -
Nasaan na kaya sila? 

Isang film exchange ang kompanyang napasukan ko noon.  Namimili ang kompanya namin ng mga pelikulang Ingles sa abroad at ipinalalabas sa mga first at second run theatres sa Manila at sa mga probinsiya. Marami kaming checkers na siyang tagabantay sa mga takilya kapag percentage ang renta sa aming pelikula. Kung flat rental, hindi na kailangan ang serbisyo nila.   Ngunit iilan lamang kaming empleyado sa opisina,  Apat na dalaga at apat na binata, dalawang lalaking may-asawa at si Mang Ambo.  Nabalitaan ko, sumakabilang-buhay na raw si Mang Ambo.  Siya ang taga-ayos ng mga rolyo ng pelikula.  Siya rin ang bahala kung lagare ang pagpapalabas (dalawang sinehan, iisang kopya ang pelikula). 

Isa sa apat na binata, na ang trabaho noon sa aming opisina ay tipong “all-around go-fer” (at acknowledged naming “matinik” sa girls) ay naging mayor ng isang bayan sa Sorsogon.  Galing, saludo ako sa kanya.  Tawag namin sa kanya ay Emil.  Guwapo siya.  Kulot ang buhok.  Malambing.  Maganda ang boses.  Mabait.  Natatandaan ko, isang pangyayari, bagong kasal ako at may pagkaing nais kainin – murang buko, tinalupang bilog na bilog ang laman na tinusukan ng straw.  Ngunit saan kaya ako makabibili nito sa downtown Carriedo o Avenida Rizal?  Nasa labas ng opisina si Emil, sa isang errand, nang bigla itong bumalik.  Nasita pa siya kung bakit bumalik nang iyabot niya sa akin ang isang supot na kinapapalooban ng murang buko na aking napupusuang kainin.  Na noon din ay literally, “nilantakan” ko, oblivious sa mga kaopisinang nanonood na hindi ko man naalalang alukin.  Iyan si Emil... maalalahanin... pero, nasaan kaya siya ngayon?

Isa pang binata noon, na paboritong manood ng lahat na yatang palabas sa Araneta Coliseum, mahilig sa basketball, singkit, crewcut, kamag-anak yata ng isang military man (Calinawan?) na nagkagusto (ewan lang kung nakaligaw) sa isang kaopisinang dalaga, at paminsan-minsan ay inihahatid ako sa dorm dahil wala raw naman siyang gagawin, hehheh, (pero di ko naman siya laging pinatutuloy sa itaas, kasi, may bisita na akong naghihintay doon), nang huli kong nabalitaan ay nagtungo sa Vietnam.  Masasabi kong isa siya sa mga unang OFW.  For a time ay nagkapalitan pa kami ng mga sulat.  Na natigil rin dahil bisi ako sa buhay pamilya.  Pero, nasaan na kaya siya ngayon?

Kaibigan, naging kumare, ang buhay at pag-ibig ng kasama kong ito sa opisina noon ay tunay na makulay.  Pang-telebisyon.  Pang-teleserye.  Nang maghiwalay kami dahil tumigil na ako sa pag-oopisina matapos isilang ang aking panganay, hindi pa rin siya nakalimot sa akin.  Paminsan-minsan, dumarating siyang bigla sa aming tahanan, nangungumusta.  Binibigyan ako ng update ng mga pangyayari sa kanyang buhay.   At pag-ibig.  Taon ang binibilang sa pagitan ng mga pagbisita niya sa akin. 

May isang pagkakataon na ako ang nakatunton sa kanya dahil sa isang nabasang pangalan sa obituary.  Ang pinakahuli ay nang siya naman ang tumawag,  Nagkita kami sa lumang Greenbelt, kumain sa Max.  Mula noon, wala na akong nabalitaan sa kanya.  Alam ko, nagpunta rin siya sa abroad.  Kung talagang nanirahan na roon sa California na kinaroroonan ng kanyang anak, iyon ang hindi ko tiyak. 

Ilang panahon nang sumasagi sa aking isipan, o kaya at bigla na lamang na makita kong nakatayo siya sa aming gate, kumakatok...  dahil hindi naman ako lumilipat ng tirahan.  Ngunit wala, hindi pa rin siya dumarating.  Ano na kaya ang nangyari sa kanya? C – iyan ang initial ng pangalan niya.  Nasaan na kaya siya?

Isang lumang, lumang bahay sa Legarda noon.  Katapat ng Legarda Bowling Lanes.  Diyan ako nangasera sa unang taon ko ng pag-aaral sa kolehiyo.  Kasama ko ang aking kapatid na lalaki at iba pang mga magkakapatid na taga-Malolos at Guiguinto.  Tatlo silang magkakapatid na anak ng aming kasera.  Dalawang lalaki, isang babai.  Matatalino.  Mga relihiyosong tao, istudyante ng mga exclusive schools.  Mga die-hard fans ng kanilang kolehiyo.   Hanggang ngayon, kabisado ko pa ang mga battle songs sa baskeball ng mga eskwelahan na miyembro ng NCAA.   Dahil sa kanila.   The red and the white, colors true, it is you we defend, fearless for you, our might in the fight we will end...  Pleasant silang makisama sa amin, ngunit hanggang doon lamang.  Wari, may distansiya.  Nakatungo sila kung maglakad kapag nadadaanan kami.  Snob?  Ewan, hindi naman namin feel na ganoon.  Mas tipong mahiyain pa nga.  Kung bakit naman, ewan rin namin.  At hindi kami nagkaroon ng pagkakataong malaman.

Ang bunso nila ay naging abogado.  Ngunit ang natatandaan ko sa kanya ay  ang pagtugtog niya ng isang wind instrument na kadalasan ay pumupunit sa katahimihan ng isang natatamad na dapit-hapon.  Ruby, ang theme song ng pelikulang Ruby Gentry ang tinutugtog niya.  Hindi naman siya kagalingang tumugtog ngunit maganda ang piyesa.  Haunting.  At naiwan sa akin ang alaala ng isang tahimik na kapaligiran sa loob ng isang luma at antigong kabahayan, mataas na kisame, isang kuwarto na may nakahilerang apat na tiheras, isang maliit na mesa, ilang silya, isang nakalawit na kuryente na kinakabitan ng isang incandescent na bombilya, isang bintanang kinukulong ng rehas at nakaharap,  higit lang na isang metro ang layo sa pader ng katabing lumang gusali.

Isang schoolyear lang ako sa kasera at lumipat na sa dormitoryo.  Mula noon ay hindi ko na sila nakita.  Si Lola.  Si Tiyang.  Silang magkakapatid.  May ilang balita, ganoon lang, ngunit wala nang komunikasyon.  Kung nasaan sila ngayon, iyon ang aking katanungan.

Dormitoryo.  Pag-aaral at paghahanap-buhay, dito ako nakatira.  Isang melting pot kung saan nagkasama-sama sa loob ng isang bubong ang iba't ibang nilalang, na isinulat ko sa aking talaarawan na “right out of my geography book”.
Halos limampu kami sa limang kuwarto.  Marami akong pwedeng hanapin at itanong kung nasaan sila, ngunit ang tutuunan ko ng pansin ay ang silid na naging tahanan ko nang matagal.

Sapagkat matagal akong nanirahan dito, may panahong ako ang pinakabata at dumating rin ang panahong, isa ako sa mga nakatatanda, yaong napapanahon nang lumagay sa tahimik,  Noon naman nagsimula sa pag-aaral ang grupo ng mga batang nag-gravitate agad sa akin.  Lahat sila ay naging malapit sa akin, dahil masaya raw ako at nakakausap, hindi masungit.  Huwag lang nainis sa boss sa opisina at “huwag kang hahara-hara sa daan at mainit ang ulo ni Eve”.  Minahal ko silang lahat, siguro lang, some more than the others, dahil lamang mayroong mga taong natural na lovable at malambing.

Sa ngayon, matapos ang ilanpung taong paghihiwalay at pagkakaroon ng kani-kaniyang buhay, halos natunton ko na silang lahat.  Karamihan ay nasa abroad.  Nakita ko na sila doon.  Pag umuuwi sila ay nagkikita kami rito.  Mayroong may pamilya na, mayroong “blessedly single” pa.  At no regrets.  Ang daming litraro ng bawat reyunyon namin.  Nakakausap ko sila sa telepono, sa email, sa text.  Alalaon baga'y may koneksiyon.

Maliban sa isa.

Maganda siyang dalaginding noon.  Mahiyain.  Mahinhin.  Tipikal na galing-probinsiya.  Mahaba ang kanyang buhok na laging naka-ponytail.  Mapungay ang kanyang mga mata, malantik ang mga pilik, malago ang kilay.  At kay habang manamit.  Nasa kalagitnaan ng binti ang laylayan ng damit.  Sabagay, di pa yata uso ang mini noon. 

Nagkita pa kaming minsan nang may nagbalik-bayan na kasama naming bumisita sa dating tagapamahala ng aming dormitoryo na nakatira noon sa Wack-Wack.   Iyon ang huli.  Ngayon ay wala nang kabali-balita. 

Sa iyo... marami nang nangyari.   Alam mo ba, wala na si Chita.  Miss ka na namin.  Nasaan ka na ba ngayon? 
 

Marami pa akong pwedeng hanapin, tulad ni Liwliwa, isang Ilokana, Cynthia, isa sa mga unang kaibigan ng aking kamusmusan at kaiskwela sa elementarya, Hilda Q., kabarkada sa UE...  ngunit ako'y titigil muna.  

Dahil... 

...nalulungkot ako.

Monday, May 6, 2013


COUNTING  MY  BLESSINGS

May natatandaan akong awit noong araw, Counting My Blessings -

When I'm worried and I can't sleep
I count my blessings instead of sheep
And I fall asleep counting my blessings
When my bankroll is getting small
I think of when I had none at all
And I fall asleep counting my blessings...


At sinubukan ko rin itong gawin noon kapag hindi ako makatulog.  Ngunit kapag hindi siguro totoo sa loob ang ginagawa o kaya ay lumilipad naman ang isip sa ibang bagay, hindi tagumpay ang kinalalabasan.  Bata pa kasi, hindi pa focus sa mga ginagawa.

Noon naman, napanood ko si Oprah at ang isinusulong niyang pagdebelop ng sarili na magkaroon ng attitude of gratitude. Tama namang halos kasabay itong naging paksa sa miting na dinadaluhan ko.  Sinabi ng aming facilitator, bago raw matulog, ugaliin namin ang magpasalamat.  Magagawa raw ba namin ang makabilang ng limang bagay, sampu, dalawampu, hanggang sandaang bagay, na ipagpapasalamat sa aming buhay?  Parang ang dami naman.  Pero, subukan ninyo.  Dahil sinubukan ko.  Hindi sa isang upuan lamang tulad nang sinabi ng aming facilitator, kundi, sa bawat sandali na maramdaman ko ito.  At itong “attitude” na ito, na sinasabi ni Oprah, ang kapag naitanim mo sa sarili, ang magbubulong sa iyo na magpasalamat sa tuwi-tuwina..

Hindi ba kung pagod na pagod ka sa paglalakad at nakakita ka ng mauupuan, nababanggit mo, ay, salamat po!  Kung uhaw na uhaw ka at may nainom na tubig, sasabihin mo, ay, salamat po!  Kung gutom at may nag-alok o nakakita ng mabibilhing pagkain, ay, salamat po!  Kung biglang umulan at may nasilungan, ay, salamat po!  At kung matindi ang sikat ng araw at may nagpasukob sa payong, ay, salamat po!
 

Tunay na marami tayong maipagpapasalamat sa ating buhay.  Tulad ngayon, salamat sa computer, may email, mga nasa malayong lugar, nakakausap.  Salamat sa internet, may skype, ang malayong pamilya, nakikita, nakakaulayaw.  Salamat sa text, naipaaalam mong maaatraso sa pagdating, matrapik, para huwag mag-alala ang naghihintay. 

Salamat at may tubig sa gripo o poso, salamat sa kuryente, sa telepono, sa mga sasakyan, sa kalsada, sa mga supermarket, sa mga tindahan.  Salamat sa mga ospital, iskwelahan at mga simbahan.  At sa pamahalaan... kahit paano...


Marunong kang bumasa o tumula o umawit ngayon.  Salamat sa mga gurong nagturo sa iyo nito. Salamat sa doktor na gumamot sa iyo, sa anak mo, sa pamilya mo.  Salamat sa kasambahay mong naiiwanan upang ikaw ay makapaghanap-buhay. Salamat sa nagrarasyon ng diyaryo, sa naglalako ng binibiling taho, sa karterong naghahatid ng sulat.

Salamat sa ulan, salamat sa araw, salamat sa ulap, sa bituin, sa buwan.  Salamat sa ibon, sa alagang aso't pusa, salamat sa mga halaman...

Sa pinakasimpling pamamaraan, kapag matutulog na tayo at binabanggit ang salitang salamat po, maaaring isaisip natin na salamat, nakaraos na ang ating araw.  Mamamahinga na at salamat, may bubong sa ating ulunan, may hinihigaan, tahimik na ang kapaligiran.  Salamat sa pamilya, sa mga kaibigan.  O kahit na sa mga hindi kaibigan na dahil sa kanila ay natututo kang mag-isip o magnilay-nilay, bakit? 


Salamat sa mga magagandang nangyari sa buhay.  At salamat rin sa mga hindi natutupad na pangarap o adhikain, baka hindi pa panahon na ito ay makamtan.  O baka hindi ito ang para sa iyo.  Baka may higit pang nakalaan.  At may dahilan...

Na ang Diyos lamang ang nakaaalam. 



Salamat.