Thursday, April 11, 2013


SUPER PINOY HENYO

May innovation sa Larong Pinoy Henyo, ang paborito naming game sa telebisyon.  Mas challenging.  Mas gagamitan ng utak.  Noong una, ang mga kategoryang pinagpipilian ay ang mga sumusunod lamang:

1.Tao – Buhay o patay; babae o lalake; pangalan o parte ng tao na internal o external o pangkalahatan; artista, bayani, presidente, singer, athlete, newscaster, pulitiko, etc.


2.Hayop – Land, water, air o kumbinasyon; apat, dalawa o walang paa; zoo, farm, domestic (o extinct na); malaki o maliit; etc.


3.Pagkain – Solid o liquid; almusal, tanghalian, hapunan, merienda, partyfare; streetfood, pulutan; gulay, prutas o ulam; condiments; etc.


4.Lugar – Pilipinas o labas (Asia, Europe, America, etc.); NCR o mga region kung kabisado ito; Luzon, Visayas, Mindanao; city o province, landmark, o street; 


5.Bagay – Nasa bahay, loob (parte ng bahay, mga lugar like kitchen, bathroom, bedroom, etc); depende sa gamit (luto, kain, linis, hygiene, toys,  suot, décor, etc.); malaki (appliances, furniture, etc.) o maliit (accessories, jewelry, etc.); Nasa labas ng bahay (transpo, wala, dalawa, apat, maraming gulong); malaki o maliit; air, water, land; etcetera.

Iyan ang mga pinagpipilian ng mga nakaraang Pinoy Henyo.  Ngunit iba na ngayon.  SUPER PINOY HENYO daw! 

Napanood ko ang una at ikatlong araw ng kanilang laro (may lakad ako noong ikalawa.   Ang una nilang Super Pinoy Henyo word ay TINIK.

Saan mo ikakategorya ang TINIK?  Ang contestant ay nakarating nang panghuhula sa ISDA.  Excited na ang mga nanonood, kami rin.  Bangus, tilapia, lahat na yata ng uri ng isda ay sinabi.  Pero hindi nahulaan.

Kung iisipin at hihimayin, ang katulad nito ay ang paghula noong araw sa TAO.  Noon, ang mga contestant ay laging pangalan lamang o kung artista, pulitiko o anupaman ang inihuhula.  Kalaunan na lamang natuto silang magtanong kung parte ng tao (paa, daliri, siko, mukha, etc.) at kung external o internal ito (puso, utak, atay, etc.) o pangkalahatan (dugo, buto, laman, balat).

Sa Super Pinoy Henyo, ganito rin dapat mag-isip ang mga contestant.  Kumbaga sa binabasa, read between the lines.  Think outside the box, sabi nga. Kung ang sagot ng kapartner ay OO, OO, OO sa hula noong isa na ISDA, dapat ay tinuunan na ng pansin na ISDA nga ito, pero ano?  Ngayon, pwede nang sagutin na TINIK pala.  O baka KALISKIS.  O HASANG.

Noong ikatlong araw, ang pinahulaang salita ay SAMPAYAN.  Ang contestant ay nakarating sa labas ng bahay.  Nakikita sa labas ng bahay.  Sa bakuran.  Gawa sa metal.  Pero inabutan ng oras, hindi rin nahulaan.

Mapapansin na ang mga salitang pinahuhulaan, so far, ay karaniwan din, kaya lamang, kumbaga sa pelikula ay “indie” hindi mainstream.  Karaniwan, common noun o generic, mahalaga rin, pero hindi pansinin.  Pero ngayon, tulad rin ng “indie”, nasa limelight na.  Popular.  Kumikita.

Asahan na ang mga darating pang pahuhulaang salita ay ganitong uri.  Asahan rin na BAKA may karagdagang KATEGORYA kung saan maika-classify ito.  Halimbawa:

6.Pangyayari – Okasyon (Pasko, Bagong Taon, Semana Santa, Valentines Day, graduation, etc.) 


7.Outer space – universe, planet (names of planet – Jupiter, Mars, Venus, etc.), milky way, moon, earth, etc.


8.Nature – ilog (hindi pangalan ng ilog), dagat, lawa, bundok, burol, bulkan, gubat, batis, sapa, etc.


9.History o Events (depende ito sa current events o kung anong celebration ang ginagawa sa araw o buwang iyon) – Bataan Day, EDSA 1, EDSA 2, World War 2, etc.


10.Profession – teacher, lawyer, doctor, dentist, accountant, engineer, etc.


11.Abstract ba ito? - O idea? - democracy; communism, socialism; language, etc.


12.Nationality – Filipino, American, French, Italian, etc.



At kung anu-ano pa siguro.


Narito ang ilang mga salita na ihanap ninyo ng kategorya, dahil baka lumabas ito sa Super Pinoy Henyo.  At kung sakaling lumabas nga, at nakatulong ako, aba, e, balato naman diyan!!!

-Rainbow o Bahag-hari; putik; ulan; ambon; pelikula; bansa; tula; awit; tulay; gamot; kalendaryo o calendar; kalsada o lansangan o kalye; eskinita; asuwang; tikbalang; anito; ispiritu; kaluluwa; multo; etc.

Magaling, tunay na magaling ang larong ito.  Educational.  Natututong mag-isip ang mga sumasali.  Talagang pinaghihirapan ang mga pinananalunang premyo.




Good Luck!


Saturday, April 6, 2013


Bataan Day, Araw ng Kagitingan

Holiday!  Walang pasok!

Sa maraming kabataan, iyon lamang ang kahulugan ng Bataan Day.  At kapag narinig ang Bataan, ang agad sumasaisip ay mga magagandang beaches na puntahan ng mga mag-a-outing o magbabakasyon. 

Kung sabagay, ang naganap sa Bataan ay nangyari, maraming-marami nang taon ang lumipas.  Sino pa ba ang makaaalaala rito.  Ang mga pangunahing tauhan na malapit sa atin, kumbaga sa isang istorya o isang pelikula, ay wala na rin sa ating piling.  Magulang natin, na lolo at lola na ng ating mga anak, halos hindi na nila dinatnan, hindi na nakausap tungkol sa mga nagdaang panahon.  Ang mga sanggol o paslit noon ay wala namang natatandaan.  Marahil, mga kwentong salin-salin na lamang. 

Arigato.  Tomodachi.  Ichi ni san shi go roku shitchi hachi...
mga salitang Hapones na natandaan, narinig sa matatandang kapatid na tinuruan ng Nihongo sa panahon ng kanilang pag-aaral. 

Panahon ng takbuhan o paglikas.  Pagtakas sa kalaliman ng gabi, pagsakay sa mga bangka, pagpalaot sa malalayong lugar na sana, sana'y hindi maabot o marating ng mga sundalong Hapones.

Air Raid shelter.  Mga hinukay na balon sa ilalim ng bahay o sa dakong duluhan sa may kawayanan na magkukubli rito.  Na karaniwa'y kwadrado o parihaba ang hugis, sasapnan ng mga sako at banig upang mahigan, mapagkanlungan kapag nagkakakaputukan na.

Bayong-bayong na perang papel, pambili ng kung ilang salop na bigas.  Sinaing na may kasamang mais.  O kamote.  Pamparami.  At kung wala nito ay lugaw na lamang.  Swerte na kung malapot.  E, kung malabnaw?  Ngayon, congee ang tawag, sari-sari pa ang sahog – chicken, beef, century egg.  Noon, asin lang ang kasama.  (Naalaala ko ang kwento ng isa kong kapatid.  Sabi raw nito noon:  Kahit walang ulam, basta at kanin lamang na purung-puro at walang kasamang kamote o mais, maligaya na ako!  Pero siempre, nang matapos na ang giyera, naghahanap na rin ng masarap na ulam.)

Gerilya.  Isang salitang pabulong kung sabihin sa pag-uusap ng mga matatanda.  Gerilya ang isang pamangkin, ang isang amain, ang isang kaibigan. Bisita sa kalaliman ng gabi.  May hatid na balita. Bumagsak na ang Corregidor! Isinuko na ang Bataan!  

At sa ating paglaki, sa ating pag-aaral, nalaman natin ang nangyari sa Bataan.  Sa Death March. Sa Martsa ng Kamatayan.  Kung saan higit sa pitumpong libong sundalong Pilipino at Amerikano ang pinalakad hanggang sa Camp O'Donnell sa Capas, Pampanga.  At higit sa sampung libo rito ang namatay bago nakarating sa kampo.  Namatay sa gutom, sa uhaw, sa saksak ng bayoneta, sa kalupitan ng mga sundalong Hapones.

(At ngayon, nakasakay tayo sa mga kotseng made in Japan.  Bumibili ng mga electronic products na yari sa Japan.  Samu't saring imported sa Japan.  Samantala, tayo, ang exports natin sa kanila ay mga domestic at mga dancer.  Pero, kung magkakatuusan, sasabihin siguro nilang hindi naman tayo binagsakan ng atomic bomb!  Sabagay...)

In a nutshell, kaya tayo may kaunting kaalaman tungkol sa Bataan Day at sa Martsa ng Kagitingan, ito ay dahil sa mga pamilya nating nasakop ng mga Hapones at nakaranas ng digmaan inabutan man tayo nito o narinig na lamang natin sa mga kwentuhan,

Sa mga kabataang nagsasabi ng “Greek to me” kapag natanong ng tungkol dito, isama na sa itinerary ninyo sa pagbabakasyon sa magagandang beaches ng Bataan, ang pagdalaw sa Dambana ng Kagitingan.  Paraanan ng tingin ang mga larawan at basahin ang nangakasulat doong pangalan.  Malay ninyo, baka may kapangalan kayo.  Na lolo ninyo siguro!   Na kasama sa Death March!

Ang kwento ko sa buwang ito ng Araw ng Kagitingan ay isang balik-tanaw ng isang matanda sa dinanas niya ng nakaraang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. 
 
Isang ama ng tahanan na inabutan ng digmaan sa isang lugar na malayo sa pamilya.  Ang kanyang salaysay ay tunay na nangyari na inihabi ko lamang sa kwento.  Ang matandang ito ay ang aking ama.

Dahil may binanggit na mga ngalan ng probinsiya sa kwento, naisipan kong maghanap ng mapa ng Pilipinas upang madaling maisalarawan sa isipan ang mga isinasalaysay dito.  Sa totoo lamang, ang layon ko na makakita ng mapa ng bansa ay pansarili.  Nais kong matunton ang landas niyang tinahak upang makauwi sa amin noon.

Ang kwentong ito na nalathala sa Liwayway noong Nobyembre 22, 1971 ay nakasama sa isang antolohiya ng mga piling kwentong mula sa panulat ng mga babai na tinipon ni Prof. Soledad Reyes ng Ateneo.  Ang pangalan ng aklat ay “Ang Silid na Mahiwaga”.

Isang Gabing Walang Telebisyon


Isang Gabing Walang Telebisyon
 
TUMILI si Anafe, kasabay ang alangang sigaw, alangang iyak nina Rowena, Soly at Bey.  Sumunod ang nananakot na tinig ni Ariel. Multo!  At ni Eric, Nanay!

Pumaswit si Rico.  “Magsitigil kayo!”

May tumakbo at sa kadiliman ng paligid ay nabangga sa isang silya.  Aruy ko po, ang sakit!  Si Soly iyon.

Rumagasa ang mga paa. may kung anong nasagi mula sa kusina, bumagsak ang isang aluminyong lalagyan, palanggana marahil, multo! sigawan at hagikgikan.

Galit na si Rico.  “Di ba titigil?  'Asan ba 'yung flashlight, Ana?”

Isang iindak-indak na apoy, munting apoy mula sa isang sinindihang palito ng posporo ang nag-ambag ng liwanag sa paligid.  “O. 'eto.”

Inabot ni Ana ang posporong hawak ng kanyang ama.  “Sandali nga, Ama.”

Tumalikod si Ana at tinungo ang kabinet na pinaglalagyan niya ng mga kandila. Nadaanan niya ang kanyang ina at naulinigan ang sinasabi nito na waring kinakausap ang sarili.  Bakit kaya?  Ba't kaya nawalan ng kuryente?

Ang mga kandila ay nasindihan at sabay-sabay nagkantahan ang mga bata. Happy birthday to you, happy birthday to you, happy birthday, happy birthday...

Hinanap ni Ana si Rico.   Nakasalubong niya ang asawa sa may pintuan,  sa may porch.  “Isinara ko 'yung gate, mahirap na,” wika nito.  “Siyanga pala, aalisin ko pa sa pagkaka-plug iyong refrigerator at tv.”

TV.  Nakangunot ang noo na tinungo ni Ana ang silid-tulugan ng mga anak.  Sa liwanag ng aandap-andap na kandila ay sinimulan niyang ayusin ang mga higaan. Walang kuryente.  Walang tv.  At ang telebisyon lamang ang inaasahan niya na mapagtagal sa pagbabakasyon sa kanilang bahay ang kanyang mga magulang.

Taon na ang binilang ng balak na bakasyong iyon.  Noon pa mang suwertihin silang magkabahay sa Marikina.  “A, siguro naman, e makaluluwas na kayong madalas ngayon,” aniya.  “Malakas ang hangin sa Marikina.  Dating bukid iyong subdibisyon namin.  Wala na kayong maikakatuwiran na mainit, pareho sa apartmen.”

Sagot ng kanyang ama.  “Hayaan mo.  Darating nalang kaming bigla ng iyong ina.”

Iyong pagdating nang bigla ay hindi kailanman dumating.  “Pa'no ba, e mahirap maiwan itong bahay.”  wika ng kanyang ina.  “Sino'ng magpapakain ke Duke.”

At magpapatuka sa mga bibi at magdidilig ng mga halaman at kung anu-ano pang mga gawain na maaari namang gampanan ni Ester, ang kasama ng mga ito sa bahay.

Ngunit kahit na mahigpit ang kumbida ni Ana sa kanyang mga magulang na magpalipas naman ng kung ilang araw sa kanilang tahanan ay alam din niya na talagang hindi basta-basta makaaalis sa kanilang bahay ang mga ito.  Ang dahilan, may pamangkin siyang dalaga na ulila at sa kanila nakatira.  Sino ang makakasama nito sa bahay maliban kay Ester kung aalis ang dalawang matanda.

Hanggang sa magkaasawa ang kanyang pamangkin.  At sa wakas, natuloy na rin ang balak na bakasyon.

Nang sunduin nila ito, bago paandarin ang kotse nagtanong muna si Rico.  “Ayos na ba ang lahat,  Ama.  Baka may nakalimutan ang Ina.”

Nilingon nya ang dalawang matanda sa likod ng kotse.  Nag-iisip ang mga ito.  “Nadala mo ba iyong bote ng burong mangga?”  tanong ng kanyang ama.

Tumango ang kanyang ina.  “Kasama n'ung bote ng gawa kong pickles.”

“E, iyong itlog na maalat.  Saka iyong natirang kare-kare?”

“Aba'y ikaw 'kamo ang magbabalot n'un.”

“Aba'y akala ko'y binalot mo na.”

Ang mga maiiwan na nasa tabi pa ng bakod at hinihintay ang kanilang paglakad ay mabilis namang kumilos.  Ang naiwang itlog at kare-kare ay naihabol.  “Diyos ko, aba, e dala na ninyong lahat.  Baka wala nang matira sa amin,” angal ng kanyang pamangkin.  Lahat ay nagtawanan.

Hanggang ang kotse ay pinaandar na.  “O, iyong aso, baka makalimutan ninyong pakainin,” paalala ng kanyang ina.

“At iyong mga pinto, kung gabi...” sabi naman ng kanyang ama.

Siguro kung mga sampung beses lamang ay naipagbilin na ang mga iyon.  At natulak rin sila sa wakas, sa gitna ng di magkamayaw na paalaman, pati ng mga kapitbahay.  Babay babay,  susulat naman kayo.  Na para bang magtatawid dagat ang dalawa at di sa Marikina lamang pupunta.

Masaya ang unang gabi ng bakasyon.  Okupado ng kanyang ama ang dahilig na silyang rattan ni Rico.  At ang kanyang paboritong sopa ng kanyang ina.  Nasiyahan ang dalawa sa panonood ng Superstar sa telebisyon.  “Ganda ngayon si Nora, ano.”  wika ng kanyang ina.  At nagpalakpakan ang mga bata.

Ginabi rin ang dalawa dahil kasama nilang tinapos ang Mission Impossible.  “Iyan lang ang mainam sa may telebisyon, di ka maiinip sa bahay,” wika naman ng kanyang ama.

Sa  umaga, binayaan niyang magkulakuti sa bakuran ang kanyang ama.  Naroong maggupit ito ng tumataas na damo sa bakuran.  Nariyang suhayan nito ang humahapay na puno ng Donya Aurora.  Naghasa ng mga kampit at kutsilyo, ke pupurol naman.  Paano ninyo nagagamit ito.  Pinagtiyagaang sulutin ng aspili ang pinong butas ng salaan na tinigasan ng nilutong gulaman.  Inayos ang mga umuugang ulo ng sandok.  Inalisan ng tuyong sanga ang puno ng bataw.  Ang matagal nang punla at malaki ng puno ng mga sili sa paso ay pinaglilipat sa isang sulok sa likod-bahay.  Ang mga sirang silya ay sinuliyahan, buti't nadala ko ang aking mga gamit.  Ang mga pigtas na tsinela ay pinagtatahi.  Buti't di ko nakalimutan ang aking malaking karayom.

Sa pagluluto, kinatulong niya ang kanyang ina.  Tinanong niya ito sa mga kalutong ba't hindi niya makuha ang stroke, lahat naman ng sangkap nito'y isinasangkap din niya.  At pinatikim din niya ito ng kanyang bersiyon ng chicken curry.  At naghaleya sila ng malagkit na maraming gata ng niyog.  At nagluto pa sila ng ginaok.  Nag-usap sila tungkol sa pananahi.  At ang mga sulsihing kamiseta ay ibinigay niya sa kanyang ina.  At hinayaan niya itong bungkalin ang paligid ng mga puno ng rosas.

Nang yayain niya ang kanyang mga magulang sa pagbabakasyon, kasama niyang sinabi na marami siyang ipagagawa at ipakukumpuni.  Alam niya, kanyang nabasa sa kung saan, ang matatanda na hindi sanay magbakasyon ay madaling mainip dahil hindi sanay ang mga katawan nito na walang ginagawa sa bahay.  Kaya sa dahilang nais naman niyang magtagal sa kanilang tahanan ang mga magulang, pinag-isipan niyang mabuti kung paano ito hindi mangaiinip.

Pagdating ng tanghali, binubuksan na niya ang telebisyon.  Sa mga channel na may ipinalalabas na mga lumang pelikula.  Si Carmen Rosales. Si Linda Estrella.  Nang bata pa si Tessie Agana.  Si Rogelio de la Rosa.  Paraluman.  Hanggang sa mga kantahan.  At sayawan ng mga young stars.  Kaunting pahinga lamang ng telebisyon makapananghali at sige na naman.  Kaunting pahinga muli sa dakong hapon at arya na naman.  Oras ng ligaya.  The Wow Generation.  At kung anu-ano pa.

Dalawang buong araw pa lamang sa kanila ang kanyang mga magulang ay nakumpuni na ang mga dapat kumpunihin.  Nagawa na ang mga dapat gawin.  Abot na ang mga oras na wala itong mga ginagawa.  Napapansin niya, waring inip na ang mga ito.  Si Rico ay maghapong nasa opisina.  Gabi na kung umuwi.  Ang lahat ng bata ay maghapon ding nasa eskwelahan.  Pagod na kung dumating at pagdating pa'y aasikasuhin naman ang mga leksiyon para sa kinabukasan.  Pagkatapos ay manonood ng telebisyon.  Siya ay waring naubusan na rin ng mga kwento at tanong.  Nalaman na niya kung sinu-sinong mga kamag-anak ang namatay.  Ang mga pininsang nakapag-asawa.  Ang samu't-saring tsismis sa kanilang bayan.

Miyerkoles ng umaga sinabi niya.  “Kalahating araw lang ang opisina ni Rico sa Sabado, Ama.  Ipapasyal namin kayo ng Ina sa Nayong Pilipino.”

“At sa Luneta, ang ganda!” sabad ni Bey.

“Sa Fort Santiago,” susog ni Eric. 

“Sa Manila Aquarium,” wika naman ni Ariel.

Hinimas-himas ng kanyang ama ang baba nito.  “Gusto na sana naming magpaalam ng iyong ina.  Alam mo na'ng iyong ina, madaling mainip pag walang ginagawa.”

Umungol ang kanyang ina.  “Ako pang dinahilan.  Ikaw ang me sabing tapos nang mga kumpunihin mo kaya parang gusto mo nang umuwi.”

Tumutol ang kanyang ama.  “Naku, ako pa'ng itinuro.  Baka akalain na lamang nireng anak mo'y...”

Sambot kaagad ang kanyang ina.  “Talaga namang ikaw.  Pero'ng totoo...” at siya ay binalingan nito, “nag-aalala ang iyong ama sa bahay.  Alam mo namang di sanay maiwan ang iyong pamangkin at kapapag-asawa lamang.  Di pa masyadong marunong mag-isa.”

Siya naman ang umungol.  “Kaya ho nu'n.  Saka Miyerkoles na ngayon.  Ang lapit na ng Sabado.  Sa Linggo na namin kayo ihahatid.”

Waring hindi nakumbinsi ang kanyang ama.  “Wala nang magawa rito.”

“E, di manood na lang kayo ng telebisyon.”

“Kung di nga lang dine sa telebisyon ninyo, e talagang nakakainip dito.  Du'n sa atin, parang hindi matatapos ang trabaho.  Laging may magagawa,”  sabi ng kanyang ama.

Sumabad ang kanyang ina.  “Kung gabi naman at medyo maalinsangan, e makapamamasyal kami sa me kanto, sa tindahan ng Kumareng Maria.”

Inip na nga ang kanyang mga magulang.  Hinahanap-hanap na ang mga dating gawi.  Alam niyang wala nang kauuwian ang kanilang usapan maliban sa pagtakda ng araw ng pag-uwi ng mga ito.  “Akala ko, isang buwan kayo rito,” sumbat niya.

Umugong ang tawa ng kanyang ama.  “Naku...”

“Sige. 'sang linggo na lang,” pagbibigay wari niya.

Muli, tumawa ang kanyang ama.  “Bukas na lang.  Pahahatid kami ke Rico du'n sa me highway.  Tamang masasakay kami ng bus na sa Diversion ang daan.”

May kung anong damdamin na nag-udyok na siya ay maging mapilit.  “Sa Linggo na, Ama.  Magsawa man lang kayo sa panonood ng telebisyon.  Du'n sa atin, e walang tv.  Mamayang gabi e makikita n'yo si Vilma sa Oh My Love.  Bukas naman e....”

“Hayaan mo't iisipin namin,” ang kanyang ina ang sumagot.


SAKA nawalan ng kuryente.

Malas.  Malas na malas, bulong sa sarili ni Ana.  Ano pang magagawa ngayong gabi.  Walang mapapanood.  Lalo nang maiinip ang dalawa.  Tiyak nang tuloy ang alis bukas.

Iiling-iling, lumabas ng silid si Ana.  Wala isa man siyang dinatnan sa salas.  Nakasalubong niya ang katulong.  “Nasaan sila?” tanong niya.

“Sa porch, Ate.”

At nalabasan niya ang lahat sa porch.  Ang kanyang ama sa inilabas na dahilig na silya ni Rico.  Katabi nito si Eric.  Sa may paanan ay nakatalungko si Ariel.  Nasa isang silya ang kanyang ina, kandong si Bey.  Sa isa pang silya ay sama sama, nagsisiksikan sina Anafe, Soly  at Rowena.  Lalakad-lakad si Rico sa may damuhan.  Nakapamulsa, titinga-tingala sa mabituing langit.  Sa mesang salamin, nakatayo sa gitna, nakatulos sa ibabaw ng isang delatang pork luncheon meat ang isang kandilang balyena.

Narinig pa niya ang sinasabi ni Rco.  “Iyang kuryente ang kapag sinabotahe, malaking bagay.  Paralisado ang marami sa mga pabrika at planta.  Walang tv, walang radyo, walang diyaryo.”

Hinila ni Ana ang isang silya at naupo, malapit sa kinaroroonan ng kanyang ina.  “Baka gusto na ninyong magpahinga, Ina,” bulong niya, kaalinsabay ang isiping kung natutulog ang mga ito, di na mararamdaman ang pagkainip.

Hindi nakuhang sumagot ang kanyang ina.  Nagsalita ang kanyang ama at nabaling ang pansin nito, ang pansin nilang lahat dito. 

“Ganitong-ganito lamang noong panahon ng Hapon.”

Tiningala ni Ariel ang nunong lalaki.  “Japanese,  Ama?  Hapon?”

“Anong Hapon?”  tanong ni Bey.

“Tao sa Japan,” sagot ni Rowena.

“Nakakita na ba 'ko ng Hapon?”  tanong naman ni Eric.

“'Pinanganak ka na ba nu'ng panahon ng Hapon?”  singhal ni Anafe.

“Gago!”  kasabay ang hagikgik, bulong ni Soly.

Pinandilatan ni Ana ang anak.  “Soly!”

Muli ang tinig ng kanyang ama.  Malaki, mababa, malalim. Sa madalang na pagsasalita.  Na wari, bawat salita ay hinuhugot sa nakabaong mga gunita.  “Sa Isabela ako inabutan ng giyera.  Doon ako nakadestino noon.”

“Ako nama'y nag-iisa,” sambot ng kanyang ina.  “Anim na magkakapatid ang iyong ina.  Dalawang taon lang at kargahin pa ang bunso.  At may kasama pa 'kong me sakit.  Ang Nana na siyang nag-alaga at nagpalaki sa inyong Ama.”

“Hindi nakababangon ang Nana, di ba?”  Umupo nang tuwid, umalis sa pagkakahilig sa silyang rattan ang kanyang ama.

“At talagang alagain.  Sinusubuan.  Sinisilbihan.”

Humingi ng sigarilyo ang matandang lalaki kay Rico.  Nang masindihan at makapagpausok ay muling nagsalita.  “Kaya alalang-alala ako noon.  Nagpasiya kaagad ako na umuwi,  kahit na maglakad.  Mula Isabela.”

Lakad!”  Sabay-sabay ang tinig ng mga bata.

Sinulyapan ni Ana ang kanyang ama.  Nagpatuloy ito. 

“Mula sa Jones, nagkotse kami.  Anim kami noon, hanggang sa Cordon.  Mula sa Cordon naglakad kami, walang humpay na lakad hanggang sa Penaranda, sa
Nueva Ecija ito.  Sa bundok ng Sierra Madre kami nagdaan.  Labindalawang araw kaming naglakad.  A-dose ng Pebrero ng kuwarenta y dos nang kami'y umalis ng Isabela.  Dinating namin ang Penaranda ng a-beinte tres.  .”

Nagbuntong-hininga ang matanda.  Napahinga rin nang malalim si Ana.

“Labindalawang araw sa bundok.  Ang mga lansangan ay talaga naming iniwasan sa dahilang baka kami makasalubong ng mga Hapon.  Umupa kami ng giya at ito ang nagturo sa amin kung alin ang susunod na bayang dapat naming puntahan upang makauwi kami.  Alam ba ninyo na kapag sinabi niyang a... diyan lamang sa makababa ng bundok ang susunod na bayan, tuwang-tuwa na kami.  Iyon pala ay kung ilang taas at baba ang bundok na iyon bago ang bayan na tinutungo namin ay aming makita.  Kung gabi'y nakikituloy kami.  Sa umaga'y sige na naman ang lakad.  Magang-maga na ang aming mga paa.  Sa pagod.  Sa di maiwasang paglusong sa malamig na tubig ng mga sapa at ilog na aming tinatawid.”

Palihim na sinulyapan ni Ana ang kanyang ina.  May kung anong pinapahid ito, parang may kinukusot sa mga mata.  Nakadama rin siya nang panghahapdi ng mga mata.  Muling nagsalita ang matanda. 

“Mula sa Penaranda, nagkalesa kami hanggang sa Gapan.  Mula sa Gapan, umangkas kami ng trak hanggang PlaridelBulacan na ito.  At mula sa Plaridel, sakay kami ng kalesa hanggang sa Malolos.”

Muli, nagsindi ng sigarilyo ang matandang lalaki saka binalingan ang asawa.  “Ikuwento mo naman sa iyong mga apo ang nangyari sa inyo noon.”

Matagal bago nagsalita ang kanyang ina, napansin ni Ana.  Ang katal ng tinig nito ay hindi nakaligtas sa kanya. 

“Dumating na nga ang balitang malapit na ang mga Hapon.  Nagbakwet kami.  Gabi nu'n, maliwanag  ang buwan.  Sumakay kami sa isang kasko.  Marami kaming pamilya.  Nasa isang malaking duyang rattan ang Nana, buhat-buhat ng mga lalaki.”

Nagtinginan ang dalawang matanda.  “Nakituloy kayo sa Kalero.”  Ang kanyang ama ang nangusap.  “Sa mga kumare sa inaanak mong si Efren.”

Bigla tumawa ang kanyang ina.

“Naku, itong nanay ninyo, ayaw kumain ng mapulang kanin.  Gusto raw niya'y maputi.  At ayaw gumamit ng prenelang kumot na de kolor.  Puti rin ang gusto.  Kung sinong maitim, maputing lahat ang gusto.”

Naghagikgikan ang mga bata.  At pinandilatan ni Ana ang mga anak.  Muling nagsalita ang kanyang ina. 

“Mula sa Kalero, nagtira rin kami nang kung ilang araw o linggo sa Kulis.  O Pulong Ita.  O Ita-itahan.  Di ko na matandaan ang pangalan.  Hanggang magkaroon kami ng munting bahay na tirahan sa may labasan  ng Kalero, halos bukana na ng Wawang Kurus.”

Muli, ang tinig ng kanyang ama.  “Nang magaling na ako, kapag gabi, lumalabas kami sa bukid, nauupo sa bangko at pinapanood ang mga liwanag sa langit na likha ng mga putukan at kung anu-anong pagsabog.  Malayo kami sa pook ng labanan.  Di kami maaabot.  Iyon ang aming libangan noon.”

“Nilugaw ang aming pagkain.  Para makatipid sa bigas.  Ang karaniwang ulam ay tulya.  Maraming tulya sa Liku-liko.  Paliligo nami'y kasabay na ang pangangabibe.”

Nagpatuloy sa pagpapalitan ng mga alaala ang dalawang matanda.  Patuloy rin ang taimtim na pakikinig ng mga bata, nagtatanong paminsan, nagtatawanan. 

Pinagmasdan ni Ana sa pagsasalita ang kanyang ama.  May napansin siya sa mukha nito.  Waring nagkaroon ng buhay.  May kakaibang kislap ang mga mata.  Dahil kaya sa kakaibang liwanag ng kandila?  Ngunit ang tinig.  Buhay na buhay.  At kung kumumpas, parang kaysigla. 

Binalingan ni Ana ang kanyang ina.  Gayon din ito.  Wala ang bahid ng pagkainip sa mukha.  Wari, ang pagbabalik sa gunita ng mga nakaraan ay may ginawang pagbabago sa katauhan ng kanyang mga magulang.  Ngunit ano ang dahilan.  Bakit?

“At nakabalik kami ng bayan.  Sa ilalim ng lumang bahay, hindi na ninyo dinatnan iyon, ang bahay namin noon ay tabla at pawid, may yerong pairap, may sala-salang kahoy na bakod sa silong, ay humukay kami ng lungaw.  Malaking-malaking shelter.  Na pinaligiran ang dingding na lupa ng mga sako ng palay.  Kung masyadong mahigpit ang panahon, doon kami naglalagi sa loob.  Doon kami natutulog, kumakain.  Kung hindi nama'y nasa itaas kami ng bahay.  Alisto lang kapag may dogfight, takbo agad sa silong.  Pasok agad sa shelter.”

“May isang panahon na ang naistasyong mga Hapon sa atin ay mababait.  Doon sila tumira sa eskwelahan sa tapat.  At sa templo.  Kung gabi'y naririnig namin ang kanilang sabay-sabay na ungol at intonasyon.  Sila pala ay nagdarasal.  Kung minsan naman ay napapanood namin sila sa paliligo.  Isang malaking dram na puno ng tubig.  Una muna ang mga opisyales.  Pababa sa mga karaniwang sundalo.” Tumawa ang nagkukuwento niyang ama  at napasunod si Ana.  At ang mga bata.

“Dumating din ang pag-alis ng mga Hapon.  May higing nang darating ang mga Amerikano.  Nagkagulo na sila.  Bumagsik ang mga sundalo.”

“Noon nasunog ang Atlag,” sagot ng kanyang ina.  “Sa eskuwelahan tayo noon nakatira.  Kitang-kita ang apoy.”

“Noon maraming namatay.”

“Hangang dumating na nga ang mga Amerikano.  Ang tuwa ng lahat.  Nag-iiyakan sa tuwa.  Nagsisigawan, nakahilera sa dalawang gilid ng kalsada humihiyaw... Hey Joe... Victory Joe!”

Tumigil sa salitang pagkukuwento ang dalawang matanda. Pinagmasdan ni Ana ang kanyang ama.  Tumayo ito mula sa pagkakaupo.  Bahagyang pinalaki ang dibdib, saka nag-inat, nang masulyapan ang relos na panggalang.  Inaninaw.  “Aba'y nalibang tayo.  Gabi na pala.  Wala pang kuryente.”

Lumingap-lingap si Rico.  “Wala pa nga ho.”

Si Bey ay pinatayo ni Ina.  “Aba'y makatulog na.  May klase pa kayo bukas.”

Tumutol si Ariel.  “Pero hindi pa tapos ang inyong kuwento.  Ano ang nangyari nang dumating ang mga Amerikano.  Ano'ng ginawa nila rito sa Pilipinas?”

Tumutol din si Rowena.  Ibang klase ng pagtutol.  “Ayoko na ng kwento tungkol sa Amerikano.  Gusto ko naman, e tungkol sa mga tiyanak.  Totoo bang may tiyanak sa mga bukid, Ina?”

“At nuno sa punso at kapre?” singit naman ni Soly.

“Talaga bang gusto ninyo ng ganoong kwento?”  ang kanyang ama ang nagtanong.

Sabay-sabay ang mga bata.  “Opo.”

“Kung ganoo'y matulog na kayo,” wika ng matandang lalaki.  “Bukas ng gabi magsasawa kayo sa aking mga kwento.  Pagkaaral ninyo ng leksiyon, hindi tayo manonood ng telebisyon.  Magkukuwentuhan na lang tayo.  Gabi-gabi.  Sa Linggo na kami uuwi ng inyong Ina.  At sa dami ng aming kwento, babalik kaming muli.  Gusto n'yo?”

Opo, malakas na sagutan ng mga bata.

At napatingin si Ana kay Rico.  Sa Linggo na sila uuwi.  At babalik pa raw.  Bakit.  Ano ang nangyari at nagbago ng pasiya ang kanyang ama.  Wala naman, maliban sa...  maliban sa... nagdaang kuwentuhan.

Bigla ang dating ng unawa kay Ana.  Iyon ang dahilan.  Ang nagdaang kuwentuhan.  Ang pagbabalik sa nakaraan.  Ilang taon na nga ang kanyang mga magulang.  Lampas nang pitumpu.  Ang buhay ng mga ito ay binubuo na lamang ng mga gunita.  Alaalang maganda, mapait, masaya, malungkot.  At sa isang kakaibang kapaligiran na tulad ng Marikina, na kahit mahangin ay hindi pa rin maitutulad sa Malolos na siyang tahanan ng mga ito, kinalakhan, kinatandaan, ang pagkainip ay malulunasan lamang, hindi sa pamamagitan ng pagbibigay ng mumunting kumpunihin at sa pagpapanood sa telebisyon, kundi sa pakikihati, pakikibahagi, sa mga nakaraan nito.  Ang puso ng kabuuang buhay ng kanyang mga magulang.   ***

(Eve:  Sa nakita kong mapa ng Pilipinas, tinalunton ng aking daliri ang bayan ng Jones sa Isabela kung saan sila nagmula na may sinakyan pang kotse.  Nakarating sila sa bayan ng Cordon sa Isabela pa rin.  Mula rito, naglakad na sila, nagdaan sa bundok ng Sierra Madre.  Sa mapa ngayon, sa dakong lalawigan ng Aurora ito.  Hanggang sa nakarating sila sa Penaranda, isang bayan sa Nueva Ecija.  (Ang distansiya ng Isabela hanggang sa Nueva Ecija ay humigit kumulang sa dalawang daang kilometro.)  Nangalesa sila hanggang Gapan, nakisakay sa trak hanggang Plaridel, all the while, sakbibi ng pangamba at takot na makasalubong at masita ng mga Hapon.  Hanggang makarating sa Malolos.

Wala akong gunita ng kanyang pagdating.  O ng kanyang mga kwento sa ginawang paglalakbay ng panahong iyon.  Ngayon na lamang, sa paglalagay ko ng kanyang kwento sa blog na ito, ngayon ko na lamang nadama ang bigat ng kaniyang dinanas.)  

Monday, April 1, 2013

Mapaghimalang Silid

Mapaghimalang Silid

Nang nakaraang buwan, isang balikbayang anak ng National Artist na si Guillermo E. Tolentino, Manlililok, ang namasyal sa Malolos, sa tahanang tinirahan nito noon upang makita na rin ang marker na inilagay rito kamakailan.




Kasama ang isang kapatid, sila ay umuwi, kasabay ang tatlong pinsan ng aking kasama.  Nais rin daw nilang makita ang lumang bahay na minsan, isang panahon, nang sila ay mga bata pa, ay binibisita rin nila dahil magkakaibigan sila ng mga pinsan naming naninirahan dito noon.  Sumama na rin sa pagdalaw ang kapatid at maybahay ng aking kasama.

Kaya ang nangyari, ito ay isa muling balik-bisita sa lumang bahay na nitong nakaraang taon ay laging laman ng aking blog dahil sa samu't saring pagpapaayos.  Ngunit kakaiba sa mga naunang kwento tungkol sa bahay, hindi lamang ito naging balik-bisita.  Ito'y naging isang balik-tanaw sa nakaraang panahon.




Ang kasamang pinakamatanda sa mga pinsan, na noon ay isa lamang batang paslit, ay balik-balik na lumilibot sa buong bahay.  Habang naglalakad ay parang monologue na nagsasalaysay ng mga gunitang gumigitaw sa kanyang isipan habang minamalas ang paligid.

Diyan... diyan sa ilog na iyan kami namamangka.  Maluwang pa iyan, malinis, malinaw ang tubig. 
(Punung-puno ng water lily ang ilog, na bukod sa makitid na, ay mababaw pa sa mga itinatapong basura.)  At sa silong, nagtitinda ako ng bangus.  (Tinda-tindahanan?)






At diyan ako natutong lumangoy, sabad ng nakababatang kapatid.  Kaya nang mag-aral ako sa UP, hindi na problema ang swimming ko.  Saka, may puno ng sampalok sa tabi niyan.  Lagi akong nasa itaas nito at nanginginain.  May nanghingi pa nga ng isa, kaya tinapunan ko ng isa.  Sabi ba  naman, 'isa nga ang 'binigay!'  E, isa ang hiningi mo, sabi ko naman.


Ang nakababatang pinsang ito ay kaiskwela ko sa elementarya, na-accelerate nga lamang siya noong Grade 4 kaya nauna siyang nagtapos sa akin.  Noon pa man ay magkaibigan na kami at malimit ngang niyayaya kaming mga kaiskwela niya na mamasyal sa Sabitan kapag panahon ng baha.  Sabik kami sa baha, dahil masarap magtampisaw rito dahil malinis pa ang tubig.  Itinuturo niya sa amin ang kanilang bahay sa tapat ng poso artesyano (na ito mismong bahay na binibisita nila ngayon) bagaman at sa bahang kalsada lamang kami naglalagi.  Ni wala sa aking hinagap na darating ang panahong sa nasabing bahay na ito ako ay maninirahan, kapag nadadalaw sa Malolos.  Ang buhay nga naman.

Nasaan ang hagdan,
tanong ng anak na babai ni Ka Memong, tawag sa National Artist ng mga kamag-anak at kanayon. Ipinakita sa kanya ang hagdang pababa sa likod-bahay.  Ang tanda ko, pagpanaog ko, ilog na!  (Nawawala yata ang hagdanang naaalaala niya.  Baka ibang bahay iyon, may nagbiro.)

Nasaan ang banggera?  Ang tauban ng plato?  Ang suksukan ng mga baso?  Ang paminggalan?


Hayan, sabi naman namin.  Inayos lang, para matibay-tibay.  Mayroon nang  bintana at kita pa rin ang ilog at ang mga puno sa bakuran.

Noong panahon ng Hapon...
may kung sino'ng nakaalala.

At ipinakita na ang butas sa dilenterang pinto na dinaanan ng bala ng baril na tumagos hanggang sa capiz na bintanang nakaharap sa ilog.  Buti, walang tinamaan.

Napunta ang usapan sa panahon ng Hapon.  May nagtanong sa aking kasama.  Saan ka naroon noong panahon ng Hapon?

Ang sagot:  Ewan, tao na ba 'ko n'un?
Sa totoo lang, itinatago raw siya sa silong ng bahay, sa pagitan nang nakasalansang takba ng mga telang paninda.  O kaya ay nasa air raid shelter kasama ang matatanda.

Noon namin narinig, sa unang pagkakataon, mula sa trese anyos noon, higit nang otsenta ngayon, ang kwento ng silid.  Nang mapaghimalang silid, her words.

Anong silid?  Aling silid?
  Ang tanungan.

Iyan!
  At itinuro ang silid-tulugan namin ngayon.

Owww...
  sa loob-loob ko. 

At nagkwento ang aming pinsan.  Bata pa 'ko n'un.  Tandang-tanda ko.  Dumating ang balita na mayroong mga sundalong Hapong umaakyat sa mga bahay at ang makitang mga babae ay ni-re-rape! May mga dalagang tagarito na sumugod dito para magtago.  Ang ginawa agad ng aming Lolo ay inipon kami sa silid na iyan.  


Sa puntong ito ng pagkukwento niya,  agad siyang pumuwesto sa harapan ng pintuan ng silid at nag-utos sa may hawak ng camera, picture, picture! 

   
At nagpatuloy siya matapos ang kodakan.  Sa loob ng silid, inatasan kami ng aming Lolo na magdasal nang taimtim.  Taimtim na taimtim.

Sa pandinig ko'y dumadagundong ang rumaragasang mga paa nang umaakyat na mga sundalong Hapon sa hagdanan.  Ang silid na kinaroroonan namin, mismo, ay kitang-kita, dahil nakaharap ito sa hagdanang inakyat ng mga sundalo.  Sunod, narinig namin, balik-balik ang mga Hapon sa kabahayan, mula loob hanggang sa kusina.  Balik-balik sila!  Mamamatay yata kami sa matinding takot.  


Ang silid na ito ay kitang-kita sa sala, tiyak, agad mapapansin ng mga ito.  Ngunit mandin, hindi nakita ng mga sundalong Hapon ang pintuan ng silid. 

Matapos ang wari ay napakahabang panahon, sila ay tuluy-tuloy nang nanaog.  Umalis.  Nang gabi ring iyon, nagsilikas kaming lahat, sakay ng kasko, nagtungo sa malayo, para magtago.


Kung iisipin, ano ba ang nangyari?  Paano  ipaliliwanag ang nangyari noon?Talaga bang hindi nakita ng mga sundalo ang pintuan ng silid?  Laki-laki ng pinto?  At pag-akyat sa hagdanan, tanaw agad ang silid.


Himala!  Iyon lamang ang dahilan.  Iniligtas kami ng aming mga panalangin. Totoo ngang ang lahat ay natatamo sa taimtim na pagdarasal.  Ito ay isang mapaghimalang silid!  Tunay na mapaghimala!
 


Sabi ng anak na lalaki ng Ka Memong, ingatan n'yo ang bahay na ito.  Bihira na ang ganitong mga bahay. 

Nilingap niya ang paligid.








 –  ang maluluwang na durungawan kung saan lagus-lagusan ang noo'y malakas na hangin, ang bakurang natatamnan ng mga punong-kahoy, ang kinauupuang mahabang bangko sa mesang kainan sa komedor.  Isang lumang bahay na hindi sa kategorya ng mga bahay na bato at tisa ng mga maykaya sa buhay, ngunit isang bahay na may mapaghimalang silid!

Na may bat in residence pa!
  Dagdag ko.

Paniki?
  Di makapaniwala ang aming mga kaharap.

Na nakatago sa kung saan at lumalabas kapag dumilim.  Sanay na kami at di na namin pinapansin kahit nagsasalimbayan sila sa  paglipad.
  Kwento pa namin.                           

Paniki?
  Ulit ng anak na lalaki ng Ka Memong.  Tumango.  Ang mga lumang bahay ay may buhay, kung iisipin.  Madarama mo ito, patuloy niyang wika.  


(Sa sandaling ito nang wari ay kanyang pagmumuni-muni, naalaala ko ang isang kaibigan, isang masasabing kindred spirit, na ang ngalan ay Liwanag rin, na miss ko na sa mga ganitong uri ng pag-uusap.)

May nakisagot, may ispiritu... 


Na tinanguan niya, ispiritu, ngunit waring may hinahanap pa siyang angkop na salita na maglalarawan ng nais niyang sabihin at ipakahulugan.

Doon ako sumagot.  May  soul?

Tumawa siya, tinanguan ako.  At thumbs up, sinabi niya, okey ka!

At napatawa rin ako.  Talagang okey ako, ayon ko naman.

Tunay, masaya at makahulugan ang araw na iyon ng kanilang pagdalaw.