Thursday, February 21, 2013

KUNG ALAM MO LAMANG...

Many moons ago, our barkada came across this poem.  Ang tula na anila'y nagpalipat-lipat lamang ng kamay ang kopya, malabo pang duplicate sa makinilya, ay galing sa isang koleksiyon ng mga tula, Best Loved Poems na nilimbag sa New York.  May kopya ako ng aklat na ito nang nasa dormitoryo ako, ngunit nawala o nawaglit nang umalis ako rito.  Hinanap ko ang kopya nito, ipinagtanong sa mga library sa States at sa Canada, ngunit waring out of publication ito.  Tanda ko pang Anonymous ang sumulat nito. 

Yaon ang panahong ang mga teenagers ay may crush sa  wala namang crush sa kanila, kaya tamang-tama ang tula sa kanila.  Damang-dama, wika nga.  

Ngayong buwan ng mga puso, muli kong inilalagay ito para sa mga dumaranas ng damdaming minsan isang panahon, ay nadama rin ng mga teen-ager ng aming henerasyon.  

If you but knew
How all my days seemed filled with dreams of you,
How sometimes in the silent night
Your eyes thrill through me with their tender light,
How oft I hear your voice when others speak,
How you  'mid other forms I seek
Oh, love more real than though such dreams were true
If you but knew.

Could you but guess
How you alone make all my happiness,
How I am more than willing for your sake
To stand alone, give all and nothing take,
Nor chafe to think you bound while I am free
Quite free, till death, to love you silently,
Could you but guess.

Could you but learn
How when you doubt my truth I sadly yearn
To tell you all, to stand for one brief space
Unfettered, soul to soul, as face to face,
To crown you king, my king, till life shall end,
My lover and likewise my truest friend
Would you love me, dearest, as fondly in return,
Could you but learn? 

Ganito ang damdaming namamayani sa puso at katauhan ni Lorna, sa kwentong "Sa Muling Pagpintig ng Puso".   
SA MULING PAGPINTIG NG PUSO

SABADO ng gabi.  Araw at oras nang pagdalaw ni Romeo kay Julieta.  Iyon ang sabi ng tanyag na radio announcer na si Johnny de Leon noon.  Pagdalaw upang pumanhik ng ligaw. O kung kasintahan na'y upang masilayan ang mukha ng hinihirang.

Ngunit si Raul, kung dumalaw sa kanya noon ay hindi upang manligaw o upang silayan ang kanyang mukha.  Hindi naman siya ang hinihirang ni Raul.  Hindi siya ang iniibig nito.  Si Sylvia ang mahal ni Raul.  Si Sylvia pa rin sa kabila nang marami nang taong nagdaan.  Si Sylvia pa rin kahit wala na ito dahil kaytagal nang pumanaw.  Si Sylvia.  At kaytagal na rin nang kanyang ipinaghintay, ipinagtiis.

Si Raul, si Sylvia at siya, si Lorna.  Silang tatlo ang klasikang tatsulok.  Umiibig siya kay Raul.  Si Raul ay umiibig kay Sylvia.  At si Sylvia ang mapalad.  May katugon ang pag-ibig nito kay Raul.  Siya ang ikatlo sa tatsulok.

Magkababata sila at magkakamag-aral.  Magkakalaro ng bahay-bahayan sa kung saan sina Raul at Sylvia ang laging mag-asawa at siya ay kung anong papel na lamang ang ginagampanan. 

Kung bakit si Sylvia ang gusto ni Raul ay isang palaisipan na hanggang ngayon ay inihahanap pa niya ng kasagutan. Higit siyang maraming katangian kaysa kay Sylvia.  Higit na maganda.  Lagi siyang reyna sa mga santakrusan at pistahan.  Si Sylvia, minsan man ay hindi nakuhang sagala sa alin mang prusisyon.  Lagi, taga-ilaw lamang niya.  Si Sylvia, tagahawak ng lusis sa kanyang tabi.  Ngunit si Sylvia ang pinakamamahal ni Raul, ang pinakasalan, ang iniyakan nang mamatay.  At ang hinahanap-hanap hanggang ngayon.

Minsan, kinausap siya ni Rose, matalik niyang kaibigan sa paaralang pinagtuturuan.  “We're not getting any younger, Lorna. Matatapos na naman ang taon, wala pa tayong biyenan.”

Wala siya sa mood noon.  Pikon siyang sumagot. “Ba't di kayo pakasal ng boyfriend mo?”

“Gusto ko'y sabay tayo,”  ang sagot.

Isang matalim na tingin ang ipinukol niya rito.  “Alam mong wala akong boyfriend, paano tayo magkakasabay?”

Umiling si Rose.  “Kasi, ang daming lumiligaw sa iyo, nagpapakamatay ka sa hindi namamatay sa iyo. Time to wake up, girl.”

Tinalikuran niya si Rose at buong araw ding hindi binati,  Nainis siya rito kasi ay totoong lahat ang sinabi nito.  Naiinis rin nga siya sa kanyang sarili at kay Raul na bulag sa kanyang mga katangian. Pati na kay Sylvia, kasalanan man ang magkaroon ng ganoong damdamin sa isang namayapa na.

Hindi naman talagang nakakainis si Sylvia.   Masayahin ito, laging nakangiti, malakas tatawa.  Gusto rin niyang kasama ito dangan nga lamang at  naging kaagaw niya sa pag-ibig ni Raul.  Malaki ring sakripisyo para sa kanya ang mga panahong iyon ng pag-iibigan ng dalawa.  Magkasama sila sa isang dormitoryo ni Sylvia, nag-aaral sa isang paaralan at kumukuha kapwa ng pagtuturo.  Saksi siya sa matamis na pagtitinginan ng dalawa.  Saksi rin siya nang ikasal ang mga ito.

Ngunit hindi nagtagal ang pagsasama nina Sylvia at Raul.  Iniwan sila ni Sylvia at nakita niya kung gaano kabigat ang dalamhating dinala ni Raul sa pagpanaw nito.  Noon naman unti-unting nag-usbong sa kanyang puso ang binhi ng pag-asa.  Bata pa si Raul at walang anak.  Madali itong makalilimot.  Iyon ang kanyang buong akala nang datnan niya ito isang hapon sa kanilang tahanan.

“Kumusta?” masaya, nananabik niyang bati.

“Eto,”  sagot ni Raul.

Nakita niya, nasa mga mata pa rin ni Raul ang sakit.  Nasa labi pa rin ang pait. Nasa laylay na mga balikat ang kalungkutang dinadala.  Napaiyak siya at naggalit-galitan si Raul.  “Hindi ako dumalaw rito, Lorna upang makipag-iyakan. Ayaw ni Sylvia nang ganyan.”

Naisip niya noon, hayaan si Raul sa pagbabalik-alaala sa nakalipas nila ni Sylvia hanggang  dumating sa puntong matanggap ang katotohanang wala na nga si Sylvia.  Bata pa ito at may karapatang umibig pang muli.

Kaya tuwing hapon, pag-uwi niya buhat sa eskuwelahang pinagtuturuan dinaratnan na niya si Raul sa kanilang tahanan. Sa buong panahon  ng pagbabakasyon nito, dinadalaw siya.  Ginagabi sila sa pagkukwentuhan na lagi namang si Sylvia ang paksa. Sabi nga ni Sylvia... ang gusto ni Sylvia... ayaw na ayaw ni Sylvia... ang lakas tatawa ni Sylvia... madaya sa scrabble si Sylvia...

Natapos ang bakasyon ni Raul at muling bumalik sa Maynila kung saan ito nagtatrabaho. Ngunit tuwing Sabado ng gabi, dumarating ito upang dumalaw sa kanya.  Nagkukuwentuhan sila tungkol sa trabaho at siyempre hindi nawawala sa usapan si Sylvia.

Bumili siya ng baraha.   Naglaro sila at nalibang.  Nagdala ng scrabble si Raul. Naglaro sila at nalibang.  Hanggang lumipas ang mga araw at naging linggo, naging buwan at naging taon.  Nag-asawa na sa iba ang masugid niyang manliligaw at mayroon na naman siyang bagong talisuyo ngunit kung paanong bulag si Raul sa kanyang pagtatangi ay bingi naman ang kanyang puso sa mga iniluluhog ng kanyang manililigw. Hanggang hindi nag-aasawa si Raul, buo ang kanyang pag-asa.  Nakahanda na siyang maghintay kundi nga lamang sa sinabi ni Rose, ang kanyang kaibigan. Gumising ka na Lorna.

Naisip niya, kung mag-aasawa lamang si Raul, kung titigil lamang si Raul nang pagdalaw sa kanya, matuturuan niyang lumimot ang kanyang puso.  Noon niya naisip na ipakilala si Raul sa isang bagong guro sa kanilang paaralan.  Taga- karatig bayan ito, nangangasera sa kanila at umuuwi tuwing Sabado kaya hindi nakikita ni Raul.

“Kaarawan ni Tatay, Millet.  Sa isang linggo ka na umuwi,”  anyaya niya na hindi nito tinanggihan.

Maganda si Millet at mayroong mga katangiang taglay ito na hawig kay Sylvia. Masayahin, laging nakangiti, magugustuhan si Millet ni Raul, naisip niya.  Sa makikitang resemblance ng dalawa, mahuhulog ang loob ni Raul.  Muling magigising ang puso sa tawag ng pag-ibig at kapag nagkatuluyan ang dalawa, lutas na ang kanyang problema.  Maaari na niyang ibaling ang kanyang pansin sa isa sa mga nanunuyo sa kanya kahit nagdurugo ang kanyang puso.  Kahit si Raul ang kanyang mahal.

Mukhang klik naman sina Millet at Raul.  “Kababata ko, Millet,” pakilala niya.

Si Millet.  “Hi,”  bati nito kasunod ang tanong, “talaga nga bang magaling ka sa scrabble?  Sabi ni Lorna, hindi siya manalo sa iyo.”

Nginitian siya ni Raul.  “Pinagbibigyan lang ako ni Lorna.  Ikaw ba, naglalaro ng scrabble?”

Nakisagot siya.  “Naku madaya iyan.”

Nakita niya, natigilan si Raul.  Naalaala ba nito si Sylvia.  “Sige, maglaro kayo,” pagtataboy niya sa dalawa.
Mula sa komedor, nasusulyapan niya ang dalawa.  Kung mag-usap, parang dati nang magkakilala.  Kung magtawanan, para bang ang saya.  Damang-dama niya ang kirot sa kanyang dibdib.  Tagumpay yata siya.  Tagumpay na bigo.

Pagkatapos ng hapunan, nagtugtugan sila ng piyano at nagkantahan.  Maganda ang tinig ni Millet tulad rin ni Sylvia.  May inilabas siyang isang lumang piyesa.  Kay Chopin.  “Paborito ito ni Tatay,” ang sabi niya.

“May lyrics iyan,”  wika ni Millet.  “Alam kong kantahin kung wala lang tayong lakad bukas dahil baka umulan.”

“Hindi baleng bumagyo, kumanta ka lang,” susog naman ni Raul.

Naglaro ang mga daliri niya sa teklado ng piyano  habang pumapailanlang ang himig ng Nocturne in E-flat major kasabay ang magandang tinig ni Millet.

Pasulyap-sulyap siya kay Raul.  Titig na titig ito kay Millet.  Matamang-mataman sa pakikinig.  No heart should refuse love, how lucky are the ones who choose love  and if you should lose love you have the right to love again... Wala na si Sylvia.  Matagal nang wala.  May karapatan nang umibig na muli si Raul.  Ngunit sino ang iibigin nito?  Si Millet?

Isang linggo makalipas ang Sabadong iyon ng pagkikilala nina Millet at Raul ay muling dumating ito sa kanilang bahay na lubos niyang ikinagulat.  Tiyak na tiyak niyang umuwi man ito ay kina Millet pupunta.

“May iba ka yatang hinihintay,”  ang puna tuloy nito.

“Akala ko lang, kina Millet ka pupunta ngayon,” sagot niya.

Tumawa si Raul.  “Nakakahalata ako.  Inirereto mo ako kay Millet.”

“Maganda siya, mukhang makakasundo mo at hawig sila ni Sylvia,” aniya.

“Talagang gusto mo nang palitan ko si Sylvia.  Gusto mo nang mag-asawa ako.” seryoso na si Raul.

“Kaya ka ba mag-aasawa ay upang palitan si Sylvia?” seryoso na rin siya.

Umiling si Raul.  “Iisa lamang si Sylvia.  Wala siyang makakapalit at wala akong balak na siya ay palitan.  Si Sylvia ang aking unang pag-ibig at mananatili siyang una at natatangi, ngunit kapag nag-asawa akong muli, ang tanging dahilan lamang ay umiibig ako sa aking pinili,” mahabang paliwanag nito.

Hindi niya napigil ang pagtatanong.  “Mayroon  ka na bang napili?”

Tumango si Raul at napilit niya ang isang ngiti.  “Dapat ay naroon ka.  Wala rito.”

“At sino ang dapat na narito na hindi ako,” usisa naman nito.

Nagkibit siya n  balikat.  “Iyong taong may dahilan sa pagtungo rito.”

“Ibig mong sabihin, wala akong dahilan sa pagpunta-punta rito?” tanong ni Raul.

Matagal siyang hindi nakakibo.  Alam niya ang mga dahilan ng pagdalaw sa kanya ni Raul.  Siya si Lorna ay isang tagapagpagunita kay Raul sa masasayang araw nito at ni Sylvia.  Siya, si Lorna ay bahagi ng lumipas ng dalawa bukod sa siya ay maaasahang tagapakinig sa mga kwento tungkol kay Sylvia.  Taga-unawa kung may problema.  Taga-aliw kung nalulumbay.  At ang katotohanan, nakahanda na sana siyang gampanan ang gayong uri ng papel sa buhay niIa ni Raul kundi siya ginising ng sinabi ni Rose, ang kanyang kaibigan. Namamatay raw siya sa hindi naman namamatay sa kanya. 

Nainis siya kay Rose ngunit nang  makapag-isip-isip siyang mabuti at matanggap ang katotohanan ay waring nakutya siya sa sarili.  Isang malaking kabaliwan ang kanyang ginagawa.  Kailangang tapusin na niya.  Kaya niya naisipang ipakilala si Millet kay Raul.  “Si Millet!”  bigla nasambit niya.

Napailing si Raul.  “Talagang obsessed ka nang magkatuluyan kami ni Millet. Kung ikaliligaya mo, Lorna,  hayaan mo, susubukan ko,” tumayo si Raul at nagpaalam.

Nabigla siya at walang nasabi.  Lalo pa siyang hindi nakaimik sa mga iniwanang salita nito.  “Salamat sa pagtitiyaga mo sa akin, Lorna.  Hindi ko malilimutan ang pakikiramay mo sa panahon ng aking pangungulila.  Kaya lang,  masyado akong nalibang sa pagtungu-tungo rito.  Nalimutan ko tuloy na may sarili kang buhay at sariling pag-ibig.  Hayaan mo, libre ka na sa mga darating na Sabado.”

SABADO na naman ng gabi.  Nakaupo si Lorna sa harap ng piyano, patipa-tipa sa ilang teklado habang mahinang sinasabayan ng pag-awit ang tinutugtog.  No heart should refuse love, how lucky are the ones who choose love and if you should lose love, you have the right to love again.  Ang lahat ng tao ay may karapatang umibig na muli.  Si Raul, inamin nang may napili, may iniibig na, may nais nang pakasalan.  Mapalad si Millet. 

Kaya lang, naguguluhan siya.  Parang may hindi siya maunawaan sa sinabi ni Raul tungkol sa obsession niyang magkatuluyan ang dalawa.  Kung ikaliligaya raw niya, susubukan nito.  Subukang ano?  Na ligawan si Millet?  Bakit susubukan?  Ibig bang sabihin hindi si Millet ang talagang mahal nito?  Kung hindi si Millet, sino?

Napatigil sa pagtugtog ng piyano si Lorna.  Parang sasabog ang kanyang dibdib sa damdaming nadama.  Posible kaya, posible kaya na ang tinutukoy ni Raul ay...

“Good evening, Lorna.”

Gulat na napalingon si Lorna.

“Kangina pa ako rito,  pinatuloy ako ng nanay mo.  Hindi ka lang namin inabala.  Masyado  yatang malalim ang iniisip mo,” wika ni Raul

Huminga nang malalim si Lorna.  Inanyayahang maupo ang bisita.

Naupo si Raul, matagal na hindi umimik.  “May dahilan ang pagtungo ko rito ngayon, Lorna. Gusto kong malaman mo na ito na rin ang dahilan ng pagdalaw ko sa iyo noon pa mang araw.”

Sinalubong ni Lorna ang mga mata ni Raul. Nagpatuloy ito.  “Hindi ko pinapalitan si Sylvia, Lorna.  Kaya ako natagalang magsalita ay nais kong lubos na makatiyak sa aking nadarama.  Na umiibig ako sa aking pinili, sa aking pakakasalan hindi sa dahilang siya ay kaibigan ni Sylvia at mauunawaan ang aming nakalipas.  Gusto kong matapat na maipadama na iniibig ko siya sapagkat siya ay siya.  Katangi-tangi, kaibig-ibig... kung ako'y kanyang mamarapatin.”

“Raul!”

“Natakot ako, Lorna nang ipakilala mo sa akin si Millet.  Parang nais mo nang mawala ako sa iyong buhay at nadama kong hindi ko mapapabayaang mangyari ito sa ating dalawa.  Ang tayo ay magkahiwalay... maliban... maliban kung ito ay kagustuhan mo... dahil may iba..."

Umiling si Lorna,  Sunud-sunod na iling.   Na iisa ang isinasaad.  Wala.  Walang iba.  Ikaw lang, Raul.  Ikaw lang.

Enero 12, 1987 liwayway
LAKI SA LAYAW

May dinaluhang workshop ang aking bisitang balikbayan at iniwang assignment sa akin para sa mga homeschooling niyang mga anak ay ang pagtuturo ng awit at tula sa Pilipino. 

Dahil sa ang kanilang ina ay Pilipino at ang mga bata ay may pinapasukang Paaralang Pinoy (minsan isang linggo) sa kanilang lugar sa Virginia, sanay naman ang mga ito sa Tagalog.  Nauunawaan ang “gist” ng mga usapan sa paligid, ang napapanood sa telebisyon, marunong maglaro ng Pinoy Henyo, bahagyang alam ang geography ng Luzon, Visayas at Mindanao, kabisadong awitin ang Sinisinta Kita, ilang kanta ni Celeste Legaspi (Saranggola ni Pepe, Mamang Sorbetero), at sa ngayon, ang isinatagalog ni Pete Lacaba na La Vie En Rose.   Marunong din silang magbasa ng Tagalog,  kaya para sa assignment sa akin, ang napili kong ipakabisang tula sa kanila ay mula sa Florante at Laura.

Ang laki sa layaw, karaniwa'y hubad
Sa bait at muni, sa hatol ay salat
Masaklap na bunga ng maling paglingap,
Habag ng magulang sa irog na anak.

Sa taguring bunso't likong pagmamahal
Ang isinasama ng bata'y nunukal
ang iba'y marahil sa kapabayaan
ng dapat magturong tamad na magulang.


Sinimulan ko ang pagtuturo sa pamamagitan ng tamang pagbigkas sa mga salita at kung ano ang ibig sabihin nito.  Sunod ay ipinabasa ko nang paulit-ulit ang tula para masanay ang dila.  Ang pagpapamemorya ay kalaunan na lamang.

Ang pinili kong awit ay “Ang Pipit”.  Ganito rin ang sistemang sinunod ko: pagbigkas at pag-unawa sa ibig sabihin ng awit.  Saka na lamang ang himig.

Ngunit wika nga, I digress.  Nabanggit ko lamang ang mga bata subalit ang nais ko namang talakayin ay ang tulang napili ko para sa kanila.  May kinalaman kasi ito sa napili kong kwento para sa buwang ito na tungkol sa isang batang “spoiled”. 

May anak ba kayong spoiled?  Kapatid?  Kaibigan? 

Kapag maliit pa kasi ang mga bata, medyo atrebida o atrebido,  pasagut-sagot, ang daming hiling na ibinibigay naman, natutuwa pa ang matatanda.  Kaso, kapag nakalakhan at parang kawalang-galang na at hindi na mabago, problema na.  Hindi lamang sa pamilya, kundi sa mga kaibigan nito. 

Pagtitiisan mo ba naman ang isang kaibigan na ang laging gusto ay siya ang masusunod?   Sa panonooring sine, sa kakainang restoran, sa o-ordering pagkain.   Siya ang bida sa mga kwentuhan, hindi ka na makasingit?  Iyon bang tipong kapag nakahawak ng microphone ay hindi na bibitiw.  Kung type mo ang ganitong kaibigan, martyr ka siguro o masokista.

Sila ang mga pinalaki na hindi lubhang “tinablan” ng tamang disiplina.  Ibig lang sabihin, may ipinatupad naman sigurong disiplina ang magulang, kaya lamang...

Dahil kung hihimayin, makikita rin na may dahilan ito.  Mayroong mga batang pinalaki sa layaw, ang lahat ng alwan sa buhay  ay ibinigay ng mga magulang na mga laki sa hirap at hindi nakatikim nito nang sila ay lumalaki.  Mayroong mga batang pinabayaang “makawala” o “magwala” ng mga magulang na lubhang hinigpitan o sinikil ang mga kilos sa kanilang paglaki.  Mayroong mga bata na minahal nang husto ng mga magulang na lumaking kulang sa atensiyon.  Lumalabas na nais lamang nilang maipadama sa kanilang mga anak ang hindi nila nakamit sa kanilang paglaki.

Ngunit anumang sobra o labis, sa bigay na pera man o atensiyon o layaw sa buhay, kadalasan ay hindi maganda ang kinahihinatnan.   Kung may magaganap na “wakeup call”, mga pangyayaring magbubukas sa paningin ng kinauukulan, maaaring ang hindi magandang kinahantungan ay maiwawasto o maitutuwid.

Nangyayari ba ito sa tunay na buhay?  May kilala ba kayong nagkaroon ng “epiphany” sa gitna ng magulo nilang buhay upang baguhin ang landas na kanilang tinatahak?  Mga artistang mataas ang tono, wika nga, mga dating tanyag at maraming fans, na bumagsak, na nang makabalik sa katanyagan ay nagbago?  Mga pulitikong pinagmuntikanang makulong dahil sa mga kasong inihain laban sa mga ito,  na nang  makabalik sa pusisyon ay nagbago?  Mga taong mayaman, nagkaroon ng reversal of fortune, at muling yumaman, may naiba ba sa mga ito?

O sa kwento ko lamang nangyayari ito?  Iyon pa man, maaliw man lamang kayo, matutuwa na ako.  Kaya heto na ang kwento ni Joy.
GUSTO KO NANG MAMATAY

NANG unang marinig ito ni Freddie mula sa mga labi ni Joy ay dalaga't binata pa lamang sila.  Ang dilim ng mukha ni Joy.  Nakakunot ang noo.  At bubulung-bulong.

Cute, ang naisaloob niya.  Ngani-ngani niyang halikan ngunit nasa publiko sila, hindi maaari. Isa pa'y siya ang dahilan ng pagmumukmok nito.  “Sorry,” sabi niya. “Hindi na mauulit.”

“Napanis ako kahihintay,” gumagaralgal ang tinig ni Joy.

“Bigla ang dating nila,” ang kanyang mga magulang ang tinutukoy niya. “Hindi ako nakaalis. Nahiya naman akong umalis dahil galing pa sila sa probinsiya at dinalaw lamang ako.”

Bahagyang umaliwalas ang mukha ni Joy. “Akala ko kasi...  Talagang gusto ko nang mamatay...”

“Mamamatay rin ako,” bulong niya.

At ang sagot ni Joy ay isang maliit na kurot.

Ngunit paborito yatang ekspresyon ni Joy iyon. Muli't muli niya itong narinig. Sa iba't ibang pagkakataon. Nahuli siyang dumating sa tipanan, gusto ko nang mamatay.  Hindi siya nakatawag sa telepono sa takdang oras na sinabi niya, gusto ko nang mamatay. Ganire't ganoon, gusto ko nang mamatay.

Ngunit binata't dalaga pa nga sila ni Joy noon. At ang ganoong tampuhan ay dagdag na sarap lamang sa kanilang pagsisintahan.  Kapag umungot na si Joy at bumulong na gusto nang mamatay, nagseseryoso siya at sasagot. Hahalikan kita riyan.

May pagkakataong nakakahalik siya.  May panahong lalong lumalala ang sumpong. At bibilang nang araw bago sila magkabati. Na sa kanya lagi nagmumula ang unang hakbang.  Noon pa lamang, dapat sana'y kinutuban na siya.  Ngunit mahal niya si Joy at sila  ay ikinasal.

Totoo nga pala ang kasabihang hindi makikilalang lubusan ang ugali ng isang tao kundi makakasama nang mahaba-haba ring panahon.  Huwarang asawa si Joy kung ang gagawing pamantayan ay ang husay ng pakikisama.  O ang paghawak ng kuwarta, pagpapatakbo ng tahanan.  Kaya lamang, basta at siya, si Freddie ang nasasangkot, kakaiba ang ugaling umiiral kay Joy.  Nagiging selfish. Masakim. Possessive. Makasarili. Oy, akin ito, para bagang nais ipangalandakan.  At sa kanya ay para bagang may babala.  Ako lang Freddie.  Ako lang.

Bigla ang overtaym. Hindi nakapagpasabi kay Joy, wala silang telepono sa apartment.  Alam niyang maghihintay ito.  At maiinip. At susumpungin. Ngunit wala siyang magagawa.

Gabi na nang dumating siya. Kumatok siya'y walang sumalubong. Ginamit niya ang kanyang susi. Nagtutulug-tulugan sa kuwarto si Joy.  “Bigla ang obertaym.” ang bungad niya.

“Gusto ko nang mamatay,”  ang sagot ni Joy.

Ngunit hindi cute, bagkus ay nainis pa siya. Tinalikuran niya ito at kumain siyang mag-isa.  Natulog siya sa saliw ng singhot at hikbi. At pumasok siyang muli sa opisina kinabukasan nang hindi pa sila nag-iimikan ni Joy.

Isipin ba niyang hindi daratnan si Joy sa kanilang bahay. Ang sabi ng kanilang katulong, sunduin daw ninyo siya sa mga nanay niya.

“Spoiled brat,” naiinis niyang nasambit at iyon nga ang katotohanan.  Nagdudumilat. Dangan at may kulaba yata ang kanyang mga mata noong nililigawan niya ito.

“Lima kaming magkakapatid.”  kuwento ni Joy. “Pang-apat ako. Unang babae. Ang bunso ay babae rin.”

“E, di spoiled ka,”  ang biro niya noon.

Ngumiti si Joy. “Ayaw mo ba ng spoiled?”

Kung katulad ni Joy ang spoiled, kay puti at kay lambing, di bale na, ang naisip niya.

“Pero ano bang klaseng spoiled?” ang tanong pa rin niya.

Bahagyang lumabi si Joy. “In the sense na gusto ko, ako lang.  I am first. Kung may boyfriend ako o asawa, ako muna bago ang iba pa, iba pang tao o iba pang mga pangyayari.”

Kung kandidato para maging boyfriend ni Joy, masarap pakinggan ang sinabi nito.  Exciting. At talagang deadly. “Pareho pala tayo,” ang ayon niya.

Ngunit ngayong mag-asawa na sila ni  Joy ay alam niyang hindi sila pareho ng ugali nito. Mahal niya si Joy, kaya mahal rin niya ang kanyang trabaho. At kung kailangang mag-obertaym, mag-oobertaym siya kahit hindi nakapagsabi rito.  Hindi sa wala sa kanya ang romansa. Doon pumapasok ang kalikasan ng lalaki.  Ang babae ay walang iniisip kundi ang tahanan, ang asawa, at mga anak kung mayroon na.  Kung nagtatrabaho ito, may dagdag na isipin, ngunit ang lalaki ay iba. Kasali sa rat race. Higit na mabigat ang mga pressures sa labas ng tahanan na dapat sagupain. Paano niya ito ipaliliwanag kay Joy.

Unang babae pagkatapos ng tatlong sunud-sunod na anak na lalaki, ito si Joy. Kung pagtatagpi-tagpiin niya ang mga pira-pirasong balita tungkol kay Joy na narinig niya sa mga labi ng kanyang biyenen at mga bayaw, ay para na niyang nakita nag paglaki ni Joy.

Si Joy ay hindi nakatikim ng baba. Ito'y laging kalong.

Bawat dumating, may pasalubong kay Joy. Kahit ano lamang, basta mayroon.

Sa pagpapakilala sa mga kaibigan, una si Joy. Tanging babae.

Kapag umiiyak si Joy, inaamo. Kapag nagtatampo, sinusuyo. Sino ang mahal ni tatay? Si Joy. Sino ang paborito ni nanay? Si Joy. Kaya lumaki si Joy na namber wan sa puso ng mga magulang at kapatid at sapagkat sagana sa atensiyon at pagmamahal, lumaking kaibig-ibig, masaya, malalahanin sa kapwa.

Nang hindi sukat akalain, nang walong taon na si Joy, ay bigla pang nasundan.  Kahiya- hiya, wika nga ng kanyang biyenan ngunit ano pa ang magagawa.

Ang tatlong lalaki na halos mga binatilyo na ay nangatuwa. At nangantiyaw. “Wala na si Joy. Hindi na bunso!”

Ang sagot ni Joy sa simula'y tawa. “E ano. Gusto ko nga ng kapatid.”

“E kung babae, hindi ka na only girl.  Ayyy,  wala na si Joy.”

At pumadyak daw si Joy. Pumadyak nang pumadyak. Na may kasamang iyak at sumbong. “Nanay, nanay, huhuu... gusto ko nang mamatay!”

Nakagalitan ang mga kapatid na lalaki ngunit ang nangyaring tuksuhan ay hindi na nagamot.  Sa katauhan ni Joy ay may pagbabagong naganap,  isang pangambang natanim, isang pagtitiwalang nayanig. Marahil ganoon, sino ang nakaaalam.

Babae ang isinilang ng nanay ni Joy. Hindi na nga ito ang only girl. Dalawa na sila. At  hindi rin bunso.

Nagsimula ang mga tanong. mahal mo pa ba ako tatay?
Mahal na mahal.
Si baby, mahal mo?
Mahal din.
Sana... sana ako lang.


At ang paliwanag ni tatay.  Lima kayo. Mahal kayong lahat. Paglaki mo, pag nanay ka na rin, mamahalin mo ring lahat ang anak mo. Hindi isa lang.

Lumaking maayos ang pagpapalagayan ng magkakapatid, si

Joy at ang bunso. Kung ininda ni Joy ang pagkahati ng atensiyon na dati ay sa kanya lamang nakatuon ay hindi gaanong napuna ng mga kapamilya. Kung matutukso ng mga kapatid o kamag-anak, hindi na umiiyak nang malakas si Joy. Nagkukulong na lamang sa kuwarto. Doon nagmumukmok. At natutuwa pa nga ang lahat. Dalaga na si Joy. Hindi na eskandalosang magtampo.

Marahil, naisip ni Freddie, sa loob ng kuwarto ay panay ang panalangin ni Joy na sana mamatay na ito. Dahil wala nang nagmamahal.  May kahati na.

At ngayong may asawa na si Joy, hindi na magkasya sa pagkukulong sa kuwarto para alagaan ang tampo nito, umuwi pa sa bahay ng mga magulang. At napasusundo pa.  Aba'y kailangang magkaliwanagan. Hindi maaari ang ganoong sistema. Sabihin nang spoiled pa si Joy.

Ngunit maganda ang balitang sumalubong sa kanya nang dumating siya sa kanyang mga biyenan.  Bumubungad pa lamang siya sa pinto ay mayroon nang bumabati.  “Aba, nariyan na pala ang daddy.”

Nagtatakang nagpalipat-lipat ang kanyang mga mata sa dinatnan.  “Anong daddy?”

Umingos si Joy.  “Ikaw, malapit ka nang maging daddy.”

Iyon lamang at ang iniisip niyang showdown nila ni Joy ay parang bulang naglaho. At sa mga sumunod pang pagkakataon na si Joy ay sinumpong at bumulong na gusto nang mamatay, naroon na siya, parang luku-lukong umaamo.  “Huwag naman.”  Naisip niya, miminsan lamang maging unang  ama at unang ina ang isng pag-asawahan kaya ang lahat ay napagpapasensiyahan.

Ngunit nang makapanganak na si Joy ay iba na ang salitaan.  Kailangan na siyang kumayod nang husto sa pagtatrabaho. May pamilya na siya. At muli, gusto man niyang pagpasensiyahan sapagkat kahit paano ay nauunawaan na ang mga insecurities ni Joy ay hindi na niya magawa,  Nayayamot na siya sa paborito nitong ekspresyon. Walang kadahi-dahilan, may nalimuan lang siya, gusto na nitong mamatay.


Kahuli-hulihan ay hindi niya napigil na sumagot.  “Sige, ikaw ang bahala...”


ANG sabi ng doktor na tumingin ay isa lamng simpling kaso ng flu at nirestahan ng tamang gamot si Joy. Ngunit bakit parang hindi bumubuti ang kalagayan nito. Hulog na ang katawan. At pati ang doktor ay inabot na nang pagkabakla. “Ipasok natin sa ospial. Baka mauwi sa pulmunya.”

Umiling si Joy.  “Ayoko, ayoko,” anito sa mahinang tinig.

Hinimas ni Freddie ang noo, ang buhok ni Joy.  “Kailangan. Para ka gumaling.”

May luhang namuo sa sulok ng mga mata ni Joy at gumulong sa pisngi nito. “Gusto ko nang mamatay.”

Hindi nga cute, ngunit hindi na rin nakayayamot ang sinabi ni Joy. Ang nagsasalita ay ang batang hindi naka-recover sa pagdating ng kasunod na kapatid. At sapagkat babae ay nawala ang pribilehiyoang nag-iisang babae sa pamilya.  At hindi na rin bunso.

Gusto nang mamatay, wala nang nagmamahal. Kulang sa atensiyon. Iyon ang ibig sabihin ng pagkakasakit ngayon ni Joy. At totohanang pagkakasakit. Totohanang paghanap ng unti-unting kamatayan.

Sapagkat naging pabaya siya, si Freddie, dito. Ang opisina at ang trabaho niya rito ang inaasikaso niya. Ngunit para rin kay Joy. A, paano niya ito ipaliliwanag sa isang spoiled brat na tulad ni Joy. At sa kalagayan nito ngayon.

“Mahal na mahal kita. Joy,  paniwalaan mo sana ako.”

Umiling si Joy.  “Ewan... ewan ko...”

At napailing din si Freddie.  At nabanggit niya.  “Nakapagtataka, Joy, pero ganyan din ang aking pakiramdam.”

Napakislot sa pagkakahiga si Joy.  “Ano... ano'ng ibig mong sabihin?”

Hinanap ni Freddie ang mga mata ng asawa.  “Ewan ko. Ewan ko rin kung totoong mahal mo ako.”

Kumatal ang tinig ni Joy.  “Hindi ako magkakaganito kundi kita mahal.”

Tumayo si Freddie, tinalikuran ang nakahiga.  “Gusto mong mamatay.  Ibig sabihin walang halaga sa iyo na maiwan mo ako... ang ating anak. Kung mamatay ka, naisip mo na ba kung ano ang mangyayari sa amin?  Sino ang magpapalaki sa anak natin?”

“Tiyak, mag-aasawa kang muli.”

“At ganoon mo kamahal ang iyong anak. Mabuti kung mabait ang matagpuan kong pangalawang asawa. E, kung salbahe at ako'y nasa opisina, ano ang magiging lagay ng bata?”

At nagpalakad-lakad sa loob ng silid si Freddie habang patuloy sa pagsasalia. “Mahal mo ako pero hindi ka nasasaktan na ako'y mag-aasawang muli. Kung ako ang nasa kalagayan mo, sisikapin kong gumaling para sa aking pamilya, sapagkat mahal ko kayo. Ni ayokong isipin na may kayakap kang ibang lalaki. Pero ikaw...”

Nagpatuloy si Freddie.  “Ang kamang hinihigan natin. Naisip mo na bang pagdating ng panahon ay iba na ang kasiping ko kapag namatay ka?  Tayo ang bumili niyan. Ikaw ang pumili. Pagkatapos, iba ang hihiga. Ang mga dinner set na ipinundar mo, ang mga appliances na hinuhulugan buwan-buwan... at ako, sa katitiyaga ko sa trabaho, lalaki ang suweldo ko, kanino maiintrega. Saiyo ba? Pangarap mo'y kotse. Pagbili ko, sino ang sasakay?   Ang bagong asawa ko... ang mga anak namin!”

Nang huminto sa pagsasalita si Freddie ay nakaupo na sa kama si Joy.  “Tayo na sa ospital,”  wika nito.

Ang yakap na iyon ni Freddie sa asawa.  “Ay naku,  Joy. You're selfish and spoiled, but I love you. At pag ikaw ang nawala... gusto ko na ring...?

“Mamatay!”  salo ni Joy.

Pinipigil ang ngiting tumalikod si Freddie.   “Magbihis ka na. Dali.”

Mayo 20, 1974 Liwayway

Monday, February 11, 2013

The Year That Was – 
in Pictures, Email, Letter, 
Texts and Phone Calls...


Reunion with old, old friends in an old, old house.


Walk-down-the-aisle reenacted by Balikbayans celebrating their golden wedding anniversary, at the lawn in a family reunion...

visit to Marikina Shoe Museum...

Happening at a High School Class meeting - comparison of varicose vein, and the winner is...


Marikina Clean-up Crew in action... 

Li-Gaia ...

    

                             Just what does it mean?



The wonder of skype... watching them smile at the gifts we sent - Kulasa dolls!
And proudly showing off Khaleh & Mbaki, the award-winning short film animation of their Tata Dennis!  On their tee-shirts!

             Upgraded barangay road, upgrading gate...


                      upgrading yard, repairing house...

What a wonderful find in a magic baul - an old newspaper dated September 1989 with the Palanca winners' picture on it, paper money, candle in a bottle, a mass card, a multiflex collection, and a suyod!

How about memories in sea shells picked by maidenly hands on the shore, stored in an old eskaparate, along with used raffia bag, worn out photo album and whatnots... guarded by none other than Rin Tin Tin!
  
A Barbie is a Barbie is a Barbie!  But can it compare with this doll?  The favorite doll of a now nonagenarian lady!


                   What treasure an old house unravel...


Meanwhile, in Marikina, same, old problem.  
Rain means flood.

Some makeover needed.  But first, to replace cracked wooden electric post with a sturdy one.  Then, to pave the sidewalks.
 

In between all of these were flowers and cakes of birthdays, cute flower girls at weddings, anniversary getaway of churros and tsokolate-e...












And suddenly, it was already November and there would be arrivals in  the house.  Sliding door were put in place to enclose Li-gaia for the kids protection.  Good dog!



With kids around the house, nothing was sacred anymore.  Not even an old box of memorabilia where they found love notes, stuffed toys, angels, smurf, Garfield and...


yes!!! an old gown and tiara worn by their mom on their Anda's 25th wedding anniversary! Now tried on by an 11 year old, helped by her sister...


 More changes.  No Santa Claus but there was Saint Nick. And gifts of chocolate gold coins for good luck and prosperity, oranges and treasures crafted by kids' hands all appeared on the shoes piled beside the door.

Christmas decor with a difference.  Our Nativity scene also changed.  It was a "sabsaban" alright, but where was the Holy Family?.
 
 Still far, far away... resting after being denied shelter (actually, at the far side of the piano) ...

But on Christmas Eve, they did find the place to stay.

And that's how the year ended... on a happy, hopeful note.   

But months before this, there was the nonstop email for the printing preparations of the new book, the nobela - Mahirap Ba Akong Mahalin.  

First, the cover.  Pastel on paper.  Face must mirror the question.  Mahirap Ba Akong Mahalin?

 
At pagkatapos ng maraming sketches at diskusyon, nang nakaraang taon, nalunsad na rin ang aking ikalawang aklat, ang “Mahirap Ba Akong Mahalin”.  Print on demand ito sa States at anumang kopya na dito available ay ipinadadala lamang nang partikular.  May mga interesado naman at lubos kong ikinatuwa ang mga tinanggap na feedback mula sa mga nakabasa.  

Tunay na naging makahulugan para sa akin ang nagdaang taon dahil sa kasiyahang, wika nila ay naidulot ng nabasang nobela.  Narito ang ilan:

-Nakuha ko na sa UP ang libro mo, Mahirap Ba Akong Mahalin.  Labis akong natuwa.  Malaki, matibay ang binding at pang-senior citizen ang font.  Magaang basahin.  Na in love na naman ako kay Celso at nakiisang damdamin kay Gina.  Feel ko siya. Hehe.  Para akong teenager.  Salamat.  Ganda mo talagang magkwento, idol.  (Texted by L. T. Rubin of  Angono)

-Hoy!  Congratulations!  Pinuyat mo ako.  Ilang gabi akong naglamay para tapusin ang nobela mo.  Kahit nga nasa canteen na ako, binabasa ko pa rin ito.  Ganda-ganda!  Tinutukso na nga ako ng mga waiter, 'Uy si Ma'am, nagbabasa ng love story, kasi picture niya ang nasa cover.  Ako nga ba iyon?  (Phone call by Celia S. of UP.  Hawig kay Arlene ang cover, kaya maaaring kamukha mo rin nang kabataan mo.)

-Eve... galing-galing!  Sabi ko sa sarili, si Eve nga ba ang sumulat nito?  Si Eve na kau-kausap ko noon, kung makatawa ay kay lakas.  Malalim... malalim ang pinaghuhugutan.  Piling-pili ang mga salita... simula ng kawalang-hanggan... salagimsim... galing talaga!  Hanga ako.  (Comment by C. O. B. a balikbayan and an old friend from way way back, when we met recently)

-Naglalakbay na ang libro mo.  Nasa kay Celia na sa Pulilan ngayon.  Bale tatlong araw na nilamay ko!  Hindi ko tinigilan hanggang hindi tapos.  Nakaaantig ng damdamin.  Di maipaliwanag ang paghanga ko sa iyo.  Paano ba makalikha ng obrang ganyan?  Pinagpala ka. 
(By Glo. D. Coronel, Music Professor, UST)

-Naku! Di nga ko makapigil.  Grabe.  Am trying to slow down kasi I don't want the story to end too soon. 
(By Emma D. balikbayan residing permanently in the country now.)

-Natapos ko na ang libro.  Super!  I am so very proud of you.  Your parents must be smiling from heaven, looking down on you.  Ang Inang mo seguro, sabi sa Amang mo, “Hindi siya huminto hanggang hindi niya nakamit ang gusto niya:  ang magsulat."  At hindi lang karaniwang pagsusulat.  Premiado pa. (By Ruby of Canada)


-Sunud-sunod na araw kong binasa ang libro hanggang sa matapos.  Ganda.  Gawa ko pag gabi bago matulog, binabalikan ko ang magagandang eksena sa nobela at ulit-ulit kong binabasa.   (By Jet P. de L.- of Florida, USA)


Kasisimula lamang ng taon.  Katatapos lamang ng isang malaking reyunyon ng aming klase sa high school na isa sa mga dahilan kung bakit ako naging lubhang abala, bukod pa siempre sa mga pampamilyang pagtitipon.  Maraming kwento akong utang sa blog na ito. Huwag mag-alala.  Mababasa ninyong lahat ito sa darating na araw.  

May nagtanong sa amin, sa isang dinaluhang seminar:  Ano raw ba ang "purpose in life" ko.

Pinagnilay-nilayan ko ito at dumating sa puntong tinatahak ko na pala ang landas na isakatuparan ang tunay na mithi at layunin ko sa buhay.  Noon ay makasulat, makapagsulat, makapagpalathala, manalo sa anumang timpalak na sasalihan upang mapatunayan naman na may karapatan pala akong magsulat, na nangyari naman... 

At ngayon...

sa pamamagitan ng blog na ito ay maibahagi ang ilang kwento, mga sanaysay na kontribusyon ng ibang mambabasa, at personal na karanasan sa pagsusulat na baka makatulong naman sa mga mag-aaral, kasama ang mga personal kong karanasan sa mga bagay-bagay na kapupulutan ng ibang pananaw sa paglutas ng karaniwang suliranin sa buhay .  Simpli lamang.  Dahil simpli lamang akong tao.

Pebrero na ngayon.  

Maligayang Araw ng Pag-ibig sa inyong lahat!