Tuesday, December 25, 2012

25 Disyembre, 2012 12:59


25 Disyembre, 2012
12:59, hatinggabi
Pasko

Naiiba ang Paskong ito.  Sa unang pagkakataon, pagkatapos ng maraming, maraming taon, kumpleto ang aming pamilya.  Anak, manugang, apo.

Naiba rin ang dekorasyon sa bahay.  Pinabayaan ko na ang mga bata ang mag-ayos, gamit ang mga recycled decors ko.

Pinakaiba ang Nativity scene.  Nang ayusin ko ito, kumpleto ang mga tao.  Kinabukasan, napansin kong nawawala si Jesus.  Tanging ang sabsaban at mga hayup ang nasa kural.  Nagkalat ang mga pastol.  Wala pa ang tatlong hari.  (Nakita ko, nasa kabilang shelf.)  At namamahinga sina Maria at Jose sa isang malayong lugar (sa dulo ng ibabaw ng piyano!)
Araw-araw, nababago ang eksena.  Na ngayon, nakarating na sina Maria sa loob ng sabsaban, naroon na ang mga pastol, at malapit-lapit na ring makarating ang tatlong hari (nasa ibabaw na rin sila ng piyano!)

At naiba ang centerpiece ng dining table.  Sa gitna nito, naroon ang Christmas wreath na may nakatayong apat na kandila, tatlong violet ang kulay at isang pink.  First Sunday of Advent, may babasahin ang Head of the House (oldest?) na maikling prayer, kasunod ang pagsisindi ng isang kandila ng youngest (na hindi marunong humawak ng palito ng posporo). Gabi-gabi, sinisindihan ito hanggang matagpos ang apat na linggo at ang apat na kandila. 

Walang Santa Claus sa aming bahay, ngunit naroon si St. Nicholas na naglagay ng oranges at gold coins (chocolate) sa nakahilera naming sapatos.  At mumunting regalo na sariling gawa, hindi binili.  Bonus na ang istorya kung bakit may gold coins na ibinibigay si St. Nick.

Naiba rin ang ilaw na nakasabit sa bintana ng bahay.  Nadagdagan ito ng isang lumang, lumang parol made of wicker na nahalungkat sa taguan, binuhay ng bagong kabit na Christmas lights at ngayon ay nagbigay-buhay sa facade ng aming attic.



Matatagalan siguro bago maulit ang muling pagsasama-sama ng aming pamilya (mahal ang pamasahe), tulad rin ng maraming, maraming pamilyang Pilipino at ng mga kaanak nilang nasa ibang lupain, ngunit sa ngayon, enjoy na lamang, savor every moment, at manalangin na kahit saan tayo naroon, sama-sama man o kahit hiwa-hiwalay, ang mahalaga'y dala natin ang tunay na diwa ng Pasko - 

PAG-IBIG.

PAGMAMAHAL.

Maligayang Pasko sa inyong lahat!!!