Saturday, September 29, 2012

ANG TAHANAN NI ERIKA


ANG  TAHANAN NI ERIKA

SA dormitoryo, kay Erika nakatuun ang pansin ng lahat nang hapong iyon.  Bawat makasalubong niya ay ngumingiti sa kanya.  Bumabati.  Nanunukso.  Na tinutugon naman niya ng pagngiti rin, pasasalamat sa pagbati, tampal dine at kurot doon sa mga panunukso.

“Ano ang nararamdaman mo, Erika?”  tanungan ng mga ito.

Pahigang ibabagsak ni Erika ang kanyang katawan sa malambot na kutson ng kanyang katre.  Mag-iinat.  Ipipikit nang mariin ang mga mata habang mawala- lumitaw ang ngiti sa kanyang mga labi.  Saka sasagot.  “Natatakot.”

Kikiligin ang kanyang mga kaharap.  Magtitinginan.  Bubulalas ng tawa.  Ano nga kaya.  Ano nga kaya.  Mamamatay ako, sasabihin ng isa, sabay pagpapatibuwal sa tabi ng nakahigang si Erika.

Sa pagbaba ni Erika sa patahiang nasa ilalim ng dormitoryo ay sunuran rin ang kanyang mga kasama.  At panibago na namang tuksuhan.  Ang mga mananahi, palibhasa'y nagsisitandang dalaga ay lalong higit kung manukso.  At kiligin.

Naghapunan si Erika sa gitna ng pagkakagulo ng mga dormitoryana.  Adobong manok ang ulam at may fruit salad pa.

“Nagpasikat din naman si Ate Nene,” sabi ng mga ito kay Erika.  “Kung hindi ka lang ikakasal bukas, ang ulam natin ngayo'y ginisang munggo at pritong galunggong.  Biyernes yata ngayon.”

Tawa nang tawa si Erika.  Hindi makakain.  At naggagalit-galitan sa harap niya ang matandang tagapagluto.  “Ano ba, Erika.  Nu'ng araw, nagmamakaawa ka sa akin, bigyan lang kita ng atay ng manok.  Ngayon, may atay na, may balunbalunan pa, saka hita pa ng manok, ayaw mong kumain.  Aba'y magpakabusog ka.”  Itinaas ng matandang tagapagluto ang kanang bisig, sabay kindat sa mga nakikinig.  “Iba na yung malakas.”

Hindi pa tapos ang umuugong na halakhakan ay lumapit naman kay Erika ang dalagitang tagapagsilbi sa hapag.  Wika nito.  “Ikaw,  Erika, baka akala mo'y di ko alam.  Nung araw, pagtalikod ko, dalas mong mang-umit ng saging sa counter.  Hala, ubusin mong lahat iyan.”  Inilabas nito sa mesa ang isang piling na saging.

Tumayo si Erika, nakataas ang dalawang kamay.  “Suko na ako.  Suko na.  Ayoko nang tumawa. Baka wala na akong itawa bukas.  Baka ngiti ma'y di na ako makangiti.”

Iniwan ng dalaga ang mga kaharap.  Ang mga ito, sa gitna ng pagkakatuwaan at sa kabila ng pagtutol ng tagapagsilbi ang siyang kumain ng saging.


TAHIMIK sa silid nina Erika.  Pinabayaan siyang mamahinga ng kanyang mga kasama.  May naligo.  May nag-aayos ng buhok.  May umalis upang magpanikyur.  May namalantsa ng bestidong isusuot kinabukasan.

Nasa tabi ng durungawan ang katre ni Erika.  Pinakamainam ang kinalalagyan niya sa buong dormitoryo.  Sariwang hangin ang nalalanghap niya, hindi tulad ng mga nasa una't ikalawang silid na nasa tabing-durungawan din ngunit may alikabok ang nasasagap dahil nakaharap ang mga ito sa isang lansangang daanan ng mga sasakyan.  Ang silid nina Erika ay katapat ng maaliwalas na palaruan ng isang panlalaking kolehiyo,

Sa kanyang pagkakahiga ay tahimik na pinagmamalas ni Erika ang larawan ng isang makisig na lalaki na nakapatong sa munting hapag sa tabi ng katre niya ngunit lumilipad ang kanyang diwa.  Ano ang ginagawa ng mga lalaki sa isang stag party.  Laking katangahan.  E di nag-iinuman.  Nagkukuwentuhan.  At pinapayuhan ang ikakasal.  Kung minsan nga ay... a, ayoko!

Pilit na pinayapa ni Erika ang naglilikot na guniguni.  Ipinukol ang tanaw sa labas ng durungawan.  Latag na ang dilim.  Sa pagitan ng mga dahon at sanga ng punong pino na nakatanim sa gilid ng palaruan ng kolehiyo ay namataan niya ang isang bituin.   May kirot na naramdaman siya sa kanyang puso. Itay bulong niya...Itay...

Ang sabi ng kanyang ama.  Huwag mo nang alalahanin ang isasaloob ng iyong tiya.  Ang ibang tao na lamang. Ano ang kanilang sasabihin?  Wala ka bang tahanan?  Wala ka bang pamilya?  Ano't sa dormitoryo mo gustong manaog sa araw ng iyong kasal?

Ito ang  aking tahanan, Itay.”

“Isang dormitoryo!”
  Waring nakagitla sa kanyang ama ang tinuran niya.  “Isang dormitoryo!”  ulit nito.  “May oras ang dalaw, kain at tulog.  Ito ba ang itinuturing mong tahanan?”

Tumango siya.  At pinilit niyang magpaliwanag sa kabila ng paninikip sa kanyang lalamunan.  “Kung saan naroroon... kung saan natatagpuan... ang kaligayahan... at katahimikan. Di ba, Itay?  Kaya ito ang aking tahanan.  Isang dormitoryo.”

Nagdaramdam na lumisan ang kanyang ama at makalipas ang ilang araw ay sumapalad niya ang isang liham nio.  Ang kapasiyahan mong manaog sa dormitoryo sa araw ng iyong kasal ay naglalagay sa akin at sa iyong tiya sa isang kalagayang kahiya-hiya, anang isang bahagi ng liham,  ngunit huwag kang mag-alaala.  Darating ako sa araw ng iyong kasal.  Ihahatid kita sa altar.  Hindi ko tatalikuran ang katungkulan kong ito sa iyo.  Idalangin mo lang anak, sana ay maunawaan ko at matanggap na sapat na ang labindalawang taong ipinagkawalay natin upang mawalan ako ng bahagi sa iyo... upang piliin mo sila at talikuran mo ako.
Ang liham na iyon ay iniyakan niya tulad nang pag-iyak niya noong unang gabi ng pagtira niya sa dormitoryo may labindalawang taon na ang nakalilipas.


NAPABALIKWAS si Erika.  “Labindalawang taon!”  bulalas niya.  “Akalain ninyo, labindalawang taon akong nakapagtiis tumira rito sa dormitoryo.”

“Oo nga,” wika ni Lorna sabay lapit kay Erika.  “Kaya umalis-alis ka na at kami'y sawa na sa iyo.”

Lumakad-lakad si Erika sa silid.  Pailing-iling.  “Labindalawang taon na ang almusal ay kapeng lasang tsokolate at minsan, tsokolateng lasang kape.  Saka scrambled na itlog, hard boiled na itlog, estrelyadong itlog.”

“At sa tanghalian ay kari-karing tuwalya na pagkakunat-kunat.”  sambot ni Lorna.

“At  sa gabi nama'y paksiw na galunggong.  Ugh...”  at dumuwal ang nagsalita.

“At limang minuto lamang sa telepono,”  anang isa naman.

“Pila pa sa banyo.”  Hinatak ni Erika ang kanyang tuwalya at bata.  “Maliligo nga pala ako't darating na iyong mag-aayos ng aking buhok.”


BUMANGON sa pagkakahiga si Erika.  Inaninaw ang orasan sa ibabaw ng munting hapag sa tabi niya.  Nang makitang wala pang ikalabindalawa ng hatinggabi ay tuluyang bumaba sa katre.  Kumilos ang nakahiga sa karatig niyang katre.  “Erika, ikaw ba 'yan?”  tanong nito.

“Di ako makatulog.” ipinatong ni Erika ang dalawang siko sa palababahan ng durungawan at nangalumbaba.  Pilit na pinaglalagos ang paningin sa karimlang bumabalot sa paligid.

“Excited ka.”  Bumangon na rin si Lorna.  “Talagang ganyan raw ang ikakasal.”

“Sa salas tayo,”  yaya ni Erika.

“Kailangan mong matulog,”  tutol ni Lorna.

“Saglit lang. Tayo na.”

Nanungaw ang dalawa pagdating sa silid-tanggapan ng dormitoryo.  Madalang na ang mga sasakyang nagdaraan at paisa-isa na lamang ang mga taong naglalakad.  Walang kakibo-kibo si Erika.

Binalingan siya ni Lorna.  “Naaalaala mo ang iyong itay.”

Pasadlak na naupo si Erika sa kalapit na sopa.  “Noong araw, taga Room One ako.  Ang mga kakuwarto ko, iba-iba. May Ilokana.  Zambalenya.  Tagalog. Pangasinan.  Labintatlong taon lamang ako noon.  Hirap na hirap akong makisama.  Isang taon pa lamang namamatay si Inay.  Kapapag-asawa lang ni Itay.”

Sumandal si Erika at tumingala sa kisame.  “Minsan.  Gumawa ako ng paraan.  Gusto kong maging kaibigan ang mga kasama ko  I wanted to belong.  Kaya nang marinig kong nais nilang magdrinking session ay nagprisinta akong magbigay ng isang boteng rum.”  Nagtawa si Erika.

“Ano'ng nangyari?”

“Nangumbida kami ng taga Room Four.  Bar reviewee.  Talaga namang game.  Nang walang malasing, dami kasing coke... ay naglasing-lasingan.  Lumupasay sa sahig. Humapay-hapay.  Biling-bili naman namin.  Lalo na 'ko.  Ang tawa ko lang, nang biglang dumating ang may-ari ng dormitoryo, si Ate Nene.  Kinagalitan kaming lahat.”

Nagpatuloy sa pagsariwa ng nakaraan si Erika, habang buong pagkaunawang nakikinig si Lorna.

“Ako ang pinakabata noong panahong iyon, ngunit hindi naging dahilan ito upang ako ay kanilang katuwaan at ituring na bunso.  Lubha akong walang kibo.  Hindi palabati at laging nagmumukmok.  Ang hindi ko pakikihalubilo ay ipinagkamali nilang kasupladahan at ang matatandang maaaring makaunawa ay abala sa kanilang sariling buhay.  Kaytagal kong walang kaibigan.”

Bumuntung-hininga si Erika bago nagpatuloy.

“Hanggang isang araw, ako'y nagkasakit. Dinalaw ako ng aking ama kasama ang aking tiya.  Marami silang pasalubong ngunit sandali lamang ang itinigil nila sa akin.  Noon ko naunawaan, noon ko natanggap na talagang ako'y nag-iisa na sa buhay.  Patay na ang aking ina.  May asawa nang kauli ang aking ama.  Hindi ko na maaasahan ang panahon niya at pagmamahal.  Kung bakit, ewan ko.  Tinanggap ko na lamang kalaunan.  Inisip na lamang na may dahilan.  Kaya salapi na lamang ang maiuukol niya sa akin...” sa huling binanggit ay waring nabasag ang tinig ni Erika.

Tumayo si Erika.  Sinabayan ni Lorna si Erika sa paglakad.  Nang magawi sa hagdanang papanaog ay sagot na tumigil si Erika.

“Kay dalas kong maupo sa may ibaba ng hagdanang ito.  Lagi kong hinihintay ang pagdalaw ni Itay.  At kaydalas kong mabigo... hanggang naging ganap akong dalaga.. at makilala ko si Roman.”

Bago tuluyang pumasok sa kulambo ay tinanong ni Erika ang kaibigan.  “Masisisi mo ba ako?”


WALANG kakurap-kurap na nakatitig si Erika sa salamin.  At habang tumatagal ay waring naglalaho ang larawan ng babaing nakasuot pangkasal na kanyang katitigan.  Ang pakiramdam niya'y para siyang magaang-magaan.  Lumulutang. At ang sarisaring ingay at salitaan sa kanyang paligid ay malayung-malayo, halos hindi na niya marinig.

Ang saglit na pagkawala sa sarili ay pilit na ikinubli ni Erika sa pamamagitan ng paggala ng paningin sa kabuuan ng silid na kinaroroonan niya.  Tokador dito na kinapapatungan ng sarisaring bote ng pabango at gamit ng babae.  Ang malaking kama roon na may malambot na kutson at laging natatakpan ng ginantsilyong bedspread.  Telepono sa may pagpasok ng pintuan.  Ito ang silid ni Ate Nene, ang may-ari at tagapamahala sa dormitoryo, pinaka-ina ng lahat ng nakatira roon. Ang kanyang pinaka-ina sa nagdaang labindalawang taong pagtira sa dormitoryong iyon na naging pinaka-tahanan niya.

Isang walang pangalang pamimigat ang naramdaman ni Erika na namuo sa kanyang dibdib.  Kasunod nito'y ang pagtusok sa likod ng kanyang mga mata ng isang libo't isang matutulis na...

“Aspili nga, hoy...”  umaalon ang tinig ng baklang kinasundo na mag-aayos kay Erika.

Sa umugong na halakhakan ay may isang namumukod na hagikgik.  Hinanap ng mga mata ni Erika ang pinagmulan nito at nginitian.  Si Uding.  Labing-anim na taon.  Kadarating lamang sa dormitoryo.

Katabi ni Uding si Thelma.  Sana'y Ateng na kita, sabi nito.  Sana'y kapatid na kita, bulong niya at kanyang naalala ang mga kapatid niya sa ama na bihira niyang makita at makapiling sa kadahilanang hindi siya ang may gawa.  Si Lolly sa likod ni Thelma.  At si Gigi sa tabi ni Lolly.  Si Linda.  Si Nita.  Si Laida.


DINATNAN ni Erika sa salas ng dormitoryo ang kanyang ama, kausap ang may-ari, si Ate Nene.  Nginitian niya ito at sa pagtatama ng kanilang mga paningin ay may pilit siyang inaninaw sa mukha nito.  Wala ang kanyang hinahanap at nakaramdam siya ng pagkabigo.

“Sa simbahan na magtutungo ang tiya mo't mga kapatid,” narinig ni Erika na sabi ng kanyang ama habang inaabot niya ang kamay nito.

Tumango si Erika kasunod ang isang malalim na buntung-hininga.  Pagkuwa'y binalingan niya ang nakamasid na may-ari.  Ginagap niya ang palad nito.  “Aalis na ako, Ate Nene.”

“Magkikita pa naman tayo pagkatapos ng kasal.”

Matipid na ngumiti si Erika.  “Oo nga, Ate Nene, pero ngayon ko gustong sabihin sa inyo, sa harap ng aking ama, na hindi siya nagkamali ng pagpili ng dormitoryong pinagtirahan sa akin.  Na  naging maligaya ako rito.”

May kumislap sa mga mata ng may-ari.  Pagkuwa'y masuyong kinabig sa dibdib niya si Erika.  “Higit kang magiging maligaya sa piling niya.  Mabait kang bata.”

At sa pagtawa ni Erika ay hindi niya napansin ang anino ng lumbay na saglit na tumabing sa mukha ng kanyang ama.

Sa puno ng hagdan ay nakaabang ang tagapagluto, mga tagapagsilbi sa hapag, mga katulong at ilang hindi makadadalo sa kasal.  Pigil ang hiningang nangakamasid kay Erika.  Pagtapat sa nakamatang tagapagluto ay saglit na tumigil ang dalaga.

“Talagang sawa na kayo sa akin, Ima.  Ni ayaw ninyong dumalo sa kasal ko.”

Pilit na ngumiti ang matanda.  Ikinibut-kibot ang mga labi na waring gustong magsalita.  Pagkuway biglang tinalikuran si Erika, sabay bulalas ng iyak.  “Ang anak ko.  Erika, anak ko...”

Matagal na hindi nakaimitk si Erika.  Nang mapahinahon na ang sarili ay tiningala ang kaagapay na ama.  “Tayo na Itay,”  yaya niya.

Ngunit waring wala sa sarili ang kanyang ama.  Parang itinulos sa pagkakatayo ito.  Puno ng pagkabaghan na hindi maialis ang mga mata sa umiiyak na tagapagluto.

Marahang pinisil ni Erika ang kamay ng ama at sa masuyong tinig ay sinabi.  “Umiiyak siya, Itay... dahil may aalis na kasama sa bahay.”

Unti-unti binawi ng ama ng dalaga ang paninging nakapako sa umiiyak.  Sinagot ang pisil ng kamay ng anak, habang tatangu-tangong nagwika.  “Oo nga. Oo na.”  At ang lungkot na tuwina'y kaakibat ng pagtanggap sa isang masakit na katotohanan ay nanulay sa tinig nito.

Pebrero 26, 1968 Liwayway

­Lumang Kasangkapan sa Isang Eskaparate ng Isang Lumang Bahay


­Lumang Kasangkapan 
sa Isang Eskaparate 
ng Isang Lumang Bahay

Sabi nga, naisipan lang.  Sa huling pag-uwi sa lumang bahay, naisipang linisin ang isang eskaparate na kinalalagyan ng mga lumang baso, pitsel, prutera, dulcera, sopera at mumunting tasa ng tsokolate.  Ngunit hindi ito natuloy sa paglilinis at sa halip, nahawakan ko ang kamera at ang nangyari, kinodakan ko na lamang ang mga ito.




Sa loob-loob ko, minsan isang panahon, ginamit ang mga ito ng mga taong nakatira sa lumang bahay.  Ang sorbetes ay hindi galing sa groceri, kundi gawa sa grapinyera na iniikot nang mano-mano, may tipak-tipak na yelo na nabubudburan ng asin, sa paligid ng galonera.  Makapuno, atis, keso, avocado, mantekado, vanilla – iyan ang lasa ng sorbetes noon.  At ito ay hindi inihahain na nakalagay sa apa.  Ang Ba Berto lamang na sorbetero ng aming kamusmusan sa elementarya ang gumagamit ng apa.  Na kapag napaglalambingan namin ay nahihingan ng ekstrang apa para mahatian ang kaiskwela ng halagang singkong sorbetes.  Mayaman ka na, kapag ang biniling sorbetes ay sa pandecito ipinalaman.  Noon, sa mga tahanan, ang sorbetes ay sa kristal na kopita inilalagay.  At hindi punung-puno.  Tamang-tama lamang ang laman. (Sa aming bahay, nang lumalaki ang aking mga anak, baso ang pinag-lalagyan ng kakaining ice cream, at itinataktak pa, na para namang pwede pang siksikin at nang mapuno!)


Ang pitsel na kulay rosas ay may istorya pala.  Minsan, sa isang pagdalaw sa aming anak, naimbita kami ng kanilang kaibigang halos kaedad namin.  Sa bahay nito kami naghapunan at ang unang bumati sa aming paningin ay ang gagamiting huwego ng dinnerware.  Kulay rosas na lahat, mula sa pinggan, platito, tasa, baso at iba pa.  Doon namin nalaman, na noong panahon raw ng Great Depression sa States, noon nagpalabas ng mga kasangkapang tulad nito, na may kulay - rosas, asul, ewan kung may iba pa.  Kaya, kumbaga, antigo talaga at may kasaysayan pa ang mga ito.  Naikwento na rin tuloy namin na sa Pilipinas, mayroon din kami ng kasangkapang tulad nito.  Kaya lang, pitsel lang at baso.  Na ngayon naman ay bihira naming gamitin, kasi ay napakanipis.  Ingat talaga sa pag-inom at paghuhugas, baka mabasag.

Ang prutera.  Nakatutuwa ang natagpuan ko sa eskaparate.  Makulay ito.  Berde.  At scallop pa ang gilid.  Sa ibang bahay naman, iyong prutera ay tatlong patong, ang taas!   Sa aming bahay, dalawang patong lang, sa aking pagkatanda.  Nasa gitna ito ng mesa, iyong tinatawag ngayong centerpiece, at dahil maraming patong, marami  ring prutas ang nailalagay.  Piling-piling na mga saging, mangga, tsiko, dalandan, mansanas, ubas, depende sa kakayanan ng maybahay.  Sa mga piyestahan, ang prutera ay napapalamutihan pa sa buong gilid ng mga nakasingit na pastillas, na nakaladlad ang burdadong buntot.



Ang sopera ay lalagyan ng sopas.  May takip ito na karaniwan nang may dibuho pa.  Ang tipo ng handaan noon ay hindi ang karaniwan nang buffet ngayon, na nakahalayhay na sa buffet table ang mga putahe at ang mga bisita na ang kani-kaniyang kuha.  Na ang ibang masisiba ay halos gabundok kung maglagay sa plato, sunod ay hindi naman nauubos.  Takaw-mata lamang.  Noon, nakaupo ang mga bisita sa mahabang mesa, halos bihira pa rin ang bilog.  Kasi, sa mahabang mesa, mayroong tinatawag na kabisera, na siyang ulo ng hapag, kung saan nauupo ang padre de pamilya, at kung may punsiyon naman, ay ang panauhing pandangal.  Si Padre Damaso, noong panahon ni Rizal, sa tahanan ni Kapitan Tiago.  Sa bawat pinggan sa mesa ay may nakalagay na malukong, na siyang nilalagyan ng sopas na sinasandok naman mula sa sopera.  Bawat putahe ay isa-isang inaalay at iniaalok sa bawat panauhin.  Noon, halos walang katapusan ang dating ng mga putahe, lalo at may kaya ang may handaan.

Dulcera o ang mga lalagyan ng minatamis na grabansos, makapuno o murang buko, ube.  Ang leche flan ay naraniwan nang may sariling bandeha na kristal din.  At tulad nang nabanggit sa unahan, ang pastilyas San Miguel na ang borloloy na balutan ay ginunting na mga senaryo ng mga nagsasayaw o lokal na tanawin sa nayon, ay sa gilid ng prutera isinisingit, kaya ang buntot ng mga ito ay nakalawit na parang palamuti.  Tunay na hindi lamang tiyan ang binubusog, kundi pati ang mga mata.  Noon. 

Nang ikasal ako ay may natanggap akong dalawang set ng chocolate cups, na very dainty ang dibuho at napaka-fragile ang hitsura, kaya hindi naman nagamit nang madalas.  Unang-una, sa malaking tasa umiinom ng tsokolate ang aking pamilya, dahil homemade ng aming neighbor ang cocoa balls na galing pa ng Bicol.  Maliliit lamang talaga ang mga tasa para sa tsokolate.  Dahil noon, talagang tsokolate-e ang ipinaiinom sa mga handaan.  Natatandaan pa ba ninyo ang kaibhan ng tsokolate-e sa tsokolate-a?  Naalaala ko tuloy ang kwento ng aking pamangkin na paborito ang tsokolate.  Nang maliit pa ito ay isinama ng kanyang Mama sa isang parasal ng kapit-bahay na isa sa mga handa ay tsokolate.  Aba'y isang tungga lamang ng bata ang laman ng tasa, kaya panay ang “uho” ng tagasilbi, sa katuwaan ng lahat.




Buntot na lamang ng nasabing panahong nabanggit ang inabutan namin.  Ngunit kami naman ay kasama sa mga unang nakaranas ng pagkain ng buffet style.  Na sa restaurant ay smorgasborg ang tawag.  Ng Noritake dinner set na inireregalo sa kasal ng mga ninang.  Ng kinokolektang pitsel na may disenyong katutubong sayaw.  Natatandaan pa ba ninyo ito?

 
At saka, ang kulot ng buhok sa cold wave, hindi na sa kuryente na parang oktopus, na ang mga galamay ay nakakabit sa hinati-hati at inikot-ikot na buhok namin.  Ng buhok na tiss pag nagpa-hairdo sa parlour. Natatandaan ko pa ang mervin ng aking Inang at ang kapirasong kumpol ng binilot na pinutol niyang buhok (madalas mapagkamalang daga) na ipinalalaman niya sa kanyang coiffure para magkaroon ito ng tinatawag ngayong “body”.  Gayundin, sa pagsayaw ng rock n roll (malaswa, sabi ng Amang Puten).  At pagpapatugtog sa jukebox!  Ilang diyes ang naihulog ko para patugtugin lamang ang paboritong kanta noon – What is this thing called love?

Hindi ko dinatnan ang harana.  Hindi ako naharana, ngunit may mga kaiskwela ako (mas matanda sa akin) na nakaranas nito, lalo at nadarayo sila sa ibang lalawigan.  Kapag namataan ng mga kabinataan doon na may nababagong mukha, wika nga, agad nang magkakayayaang mangharana.  Pero ano ba ang harana?  May isang tagasubaybay na nagmungkahi na sana, maglagay ako ng artikulo tungkol dito.  Dito na dumating ang tulong, basta gagamitan ng pananaliksik, ang kaibigan kong si Rolly E.  Sa humiling, abangan sa isang buwan ang artikulong ito. 

Nagmula tayo sa lumang bahay, lumang kasangkapan, at ngayon ay harana.  Pawang mula sa isang nagdaang panahon.  Ngunit anumang bagay, luma man o bago, ang lahat ay nasa sa pananaw at damdamin ng tumitingin.  At ng nakadarama. 

Naitanong ko minsan, sa isang pag-uwi sa lumang bahay, kung kaya kong tumira sa nasabing bahay?  Dahil hindi ito ang bahay na aking sinilangan at nilakhan.  Hindi kaya ito isang uri ng betrayal sa aking tunay na tahanan?  


Ewan kung bilang sagot, ngunit ito ang sumingit sa aking isipan: My own, old house... is in my heart.  Hindi mabubura.  Nakatatak na.  At ang nababanggit dito na lumang bahay, na sinilangan at nilakhan naman ng isang tao sa aking buhay...  This house is in my life...

Sagot ba iyon sa tanong?

Basahin:  Ang Tahanan ni Erika. 

Friday, September 28, 2012

Guillermo Estrella Tolentino, National Artist

GUILLERMO ESTRELLA TOLENTINO, NATIONAL ARTIST

Katatapos ko lamang ikwento si Dolphy sa posting ng Hulyo, kasama sa aking “A Brush with a Celebrity” (Enero 02, 2009, Robi Domingo), nang tumawag sa akin ang isang pamangkin mula sa Bulakan.  May balita siya.  Anya'y may panukalang palitan ang ngalan ng isang kalye sa amin, sa dati nitong tawag na “Sabitan” sa “Guillermo E. Tolentino, Sitio Sabitan”.  Sa isa sa mga bakuran sa kalyeng ito nakatirik ang dating tahanan ng bantog na iskultor.  Ang “marker” aniya, ay ilalagay sa ika-24 ng Hulyo, na siya niyang kaarawan.

Sa mga kabataang ngayon ay naninirahan sa kahabaan ng kalye Sabitan, wala marahil na sinuman na makaka-relate sa ngalang Guillermo E. Tolentino.  Sino ba 'yun, kaipala'y itatanong nila.  Ano't papalitan ang kinamihasnan na nilang ngalan ng kalye, na gabi't araw ay tinatakbo ng sinasakyan nilang traysikel?  Hindi namin siya kilala, idurugtong pa siguro nila.

Sino nga ba si Guillermo E. Tolentino?  Ka Memong, iyan ang tawag ng isang senior na nakaaalala pa sa kanya.  Maganda ang kanyang asawang si Ka Panching.  At magaganda rin ang kanilang mga anak.  Ilang pangalang natatandaan niya – Si Nene, si Duday, si Mariquit, si Liwanag...

Kamag-anak ng Ka Memong ang Ka Pedong Aldaba na isa sa mga umugit ng Sto. Rosario Credit Cooperative sa Sabitan, Malolos, Bulacan,  patuloy pang kwento ng nakausap kong nakaaalala sa Ka Memong.

Para sa kaalaman ng mga kabataan, si Guillermo E. Tolentino ang iskultor na lumilok ng Oblation sa Universidad ng Pilipinas.  Siya rin ang gumawa ng Balintawak Monument sa may Caloocan.  Malaki ang naialay niya sa sining ng eskultura sa bansa.

Sa isang pag-uwi sa lumang bahay  ay nadaanan namin na nakakabit na ang marker ng Ka Memong.  Agad naming kinuhanan ng larawan ito.  Natural lamang na makadama kami ng pagmamalaki na ang isang dakilang iskultor na tulad niya ay isang anak ng Sabitan. 

At natural pa rin, bukod pa sa dala-dala niyang apelyido sa ina, na Estrella.  Guillermo Estrella Tolentino.  Kasi po, Estrella rin ako!




 

Wednesday, September 19, 2012

Larawan ng Isang Lumang Bahay

May nagmungkahi sa akin na ilagay ko raw ang larawan ng lumang bahay namin na binabanggit ko sa aking "Counting My Blessings".  Sa kasamaang-palad, wala akong larawan nito.  Ang mangilan-ngilan na nagpapakita ng kapirasong bakod na kawayan o harapang hardin ay na-Ondoy at wala na!  Alaala na lamang ang natitira.

Ang narito ngayon ay larawan ng isang higit na lumang bahay, na pinatibay naman ng isinaayos na silong na naging karagdagang tirahan ng isang pamilya.  Ngunit mababakas pa rin dito ang angking kalumaan sa mga durungawang gawa sa kapis at mga nakumpuni nang inanay na bentanilya.

Alam ko, ang lumang bahay na ito ay punung-puno rin ng magagandang alaala ng mga nanirahan dito.  Tiyak na maglalaro sa kanilang gunam-gunam ang paglalaro sa malawak na bakuran, pag-akyat sa mga puno ng bayabas, pamimitas ng kaymito, mangga, tsiko at buko, pamamangka sa maluwang pang ilog, kasama ang paliligo at pag-aaral lumangoy sa malinaw pang tubig nito, panginginain ng murang bunga ng sasa at pag-inom ng matamis na unang sahod ng tuba, na kalaunan ay pinanggalingan ng maasim na suka.  Sa ngayon, patuloy itong pinagpapala ng may-ari, sa kabila ng pagkamatay ng mga punong sinalanta ng tubig-dagat na dala ng high tide, pagbabaw at pagkipot ng ilog na naging tapunan ng basura.  Iyon pa man, patuloy na nakatayo ang lumang bahay, na paminsan-minsan, ay kinariringgan ng magagandang tugtugin mula sa radyo o cd, o awitan at tawanan ng isang barkadang nagkikita-kita rito.



SARI-SARING MAKULAY NA BUTONES

Isang tagasubaybay ang agad nagpadala ng larawan ng makukulay na butones nang nabasa niya ang aking posting tungkol sa "Counting My Blessings".

Ohhh, ito'y langit kong ituturing kung noong aking kamusmusan ay sumakamay ko ang ganito karami, kagagandang butones!


Salamat!

Saturday, September 15, 2012

Counting My Blessings


Counting My Blessings

Noong araw, tuwing sumasapit ang Thanksgiving Day kapag buwan ng Nobyembre, nakagawian ko nang gumawa ng listahan ng mga biyayang ipinagpapasalamat ko.  Noon, kung anu-ano lamang naman. 

Ngayon, kahit Agosto pa lamang, sinimulan ko nang gumawa ng aking listahan.  Na itinutuloy ko ngayong Setyembre.  At isang naiibang uri ng listahan.  Sa halip na mga bagay lamang ang ilalagay, isasali ko pati mga tao at lugar, pagkain at pangyayari. (aba, e, parang Pinoy Henyo!) at magagandang alaala ng lumipas.  Mga moments, wika nga.   

Kayo din, subukan ninyo.  Narito ang aking mga biyaya, mga taong walang katumbas na halaga, mga alaala at bagay na hindi mahahalagahan ng salapi.

1. Ang aking ama.  Si Amang.  Sa kanya namin namana ang honesty sa pagtatrabaho.  Pagiging objective at di mapanghusga.  Pormal siya at istrikto ngunit paborito ng mga pininsan sa pagiging mapagbiro at karinyoso.  Malambing at protective sa aming Inang.  Mapag-aral.  Malalim.   Musical.


2. At si Inang.  Kapag pinagbalikan ko sa isip ang nakaraang araw na ipinagsama namin, natatandaan ko, lagi, ako ang nagkukuwento sa kanya ng mga nangyari sa akin at siya ay lagi lamang nakikinig.  Kumbaga, siya ay laging naroon, anytime na kailangan ko siya.  At ito'y tunay na isang biyaya sa isang lumalaking bata, sa isang teen-ager, sa isang bagong ina.
 

3. Mantilla.  Ito ay isang tela na seda, burdado ng makukulay na bulaklak at ibon sa isang itim na manton, ang hugis ay halos trayanggulo at may mga borloloy sa dalawang gilid.  Pagsapit ng ika-16 ng Disyembre, simula ng simbang-gabi, gagamitin na ito ng Inang.  Ang alaalang ibinabalik nito ay malamig na simoy ng hangin sa madaling-araw na nanunuot hanggang buto at mabangong halimuyak ng pulbos na Maja.  May mantilla ako ngayon, regalo sa akin.  Puti naman at burdado rin.  Ngunit hindi ko alam kung saan gagamitin.  Wala na ang sigid ng lamig ng Disyembre.  

4. Chicharong Baboy.  Hindi ito Lapid's.  Ito ay hiwa-hiwang taba at balat ng baboy na binili ng Inang sa palengke, minantika at hinayaang nakababad sa loob ng ceramic na kamaw.  Noong araw na ang kilalang mantika lamang ay Purico at Cenvoco na sa pagprito lamang ng isda ginagamit, ugali na niya ang gumawa ng sariling mantika para sa paggigisa at iba pang lutuin.  Kung kinakapos ng ulam, pipirituhin lamang niya ang nakababad na balat ng baboy at tunay na walang sinabi ang chicharon ngayon.  Cholesterol 'ikamo? Awa ng Diyos, Inang lived to a ripe old age of 91.
 

5. Swing.  Nang gibain ang lumang bahay namin sa probinsiya at nagtayo ng panibago, nagpagawa kami ng swing sa mga karpintero.  Malaki ito at matibay. Tunay na napakagandang istambayan naming mga teen-agers noon. Doon kami nagkakantahan sa saliw ng aking ukulele.  Doon pinag-uusapan ang mga secret crushes.  Sabi nga, kung makapagsasalita nga lamang daw ito, napakarami nang sikreto ang maikukwento.  Ang swing na ito ang nasa pabalat ng aklat kong “Minsan, May Isang Pag-ibig”. Na bago tuluyang nalansag ay naiguhit at naipinta naman ng aking anak.    Batid ko na sinumang minsan, isang panahon ay naupo at inugoy sa duyang ito, na ngayon ay nakabili ng aklat ay agad nakilala ang pabalat.  At kahit paano, may gumitaw na gunita ng panahong nagdaan.
 

6. Christmas Tree na tunay na pine tree galing ng Baguio, pauwi ng Amang na nakadestino noon doon.  Gustung-gusto ko na humihiga sa ilalim ng Christmas tree at sinasamyo ang pine scent nito.  Paskong-pasko ang dating talaga sa batang puso ko.  At ang alaala ng aking unang Christmas tree na sanga ng puno ng bakawan.  Payat at parang naninihang.  Tipid sa berdeng papel de hapon na ipinambalot sa katawan at sanga nito.  Natatandaan ko, hiningi ko ito sa aking Grade Four teacher, si Miss Velasco pagkatapos ng aming Christmas program sa klase.  Kalaunan ko na lamang napagnilay-nilayan na hindi naman pala ako lubos na mahiyain. 
 

7. Makinang Singer ng Inang.  Hindi dahil dito niya tinatahi ang mga damit namin, kundi dahil ginagamit ko itong kunwari ay piyano.  Wala kaming piyano, pero nag-leleksiyon naman ako kay Mrs. Cue, kaya ang ginagawa ko, isinasandal ko ang piyesa sa katawan ng makina, sunod ay titipahin ko ang pahabang kahon sa harap, na waring iyon ay mga teklado.  Con todo arte, sabi ko sa inyo!  Ngayon?  Tadhana na may tunay na piyano ako!  Pag-aari ng isang taong nang dinadalaw ako sa dormitoryo ay tinutugtog ang isang bahagi ng piyesang “My Heart at Thy Sweet Voice” ni Camille Saint-Saens at “Theme For Love” ni Victor Young.

8. Butones.  I have yet to meet somebody who played with buttons when she was little.  I did.  May isang kahong tabla ako ng tabako Alhambra.  Ang laman nito ay mga basyong kaha ng posporo, maliliit na piraso ng kahoy, at iba't ibang uri ng  butones.  Imagination, iyan ang pinagagana ko.  Noon pa man, malikhain na pala ako.  Iginagawa ko ng istorya ang mga butones. Sila ay mga taong pinagagalaw ko.  Ang mga butones na galing sa polo ng Amang ay mga lalake, galing sa Inang ay mga babae.  Ang maliliit ay mga bata.  Ang mga puti ay istudyante na nakauniporme.  May mag-asawa, may anak, may titser, may tindera.  May iskwelahan, may palengke, may simbahan.  Makalat na laro ito, dahil gumagawa ako ng isang sambayanan.  At dahil makalat, madalas akong makagalitan ng kapatid kong tagalinis ng bahay.  Madalas niyang itago ang aking kahon at doon na ako umiiyak.  Ngayon?  Hindi na butones, I play with words na.
 

9. Alaala ng aming lumang bahay.  Na kumakatawan sa isang lumipas na panahon.  Durungawan na halos dalawang metro lamang ang layo sa lansangan.  Na kapag kami ay nakapanungaw, nakakausap namin ang mga kakilalang nagdaraan.  'Oy, saan ang punta mo?  Na sasagutin ng dine lang.  O kaya, 'Oy, sa'n ka galing?  Na ang sagot naman ay iyon din, dine lang...  Na kung minsan naman, kapag ito ay huminto, medyo magkakasarapan na sa kwentuhan.  Uso pa noon ang nakapanungaw.  At katanawan lamang ang kaibayong bahay ng Kaka at Ka Seang, mga kinagisnang kamag-anakan, anak ng Amang Puten at Oya, na kalaunan na lamang namin nalaman na wala namang blood relation.  Kapag may bago akong damit na tahi ng Inang, tatayo na ako sa isang silya,  tatawagin sila at ipagpaparangalan ito.  Isang modista ang Kaka at sa kanya ko nahihingi ang ilan sa aking mga magagandang butones.
 

10. Dormitoryo.  Alam na ng lahat, produkto ako ng dormitoryo.  Stockholder na nga ang tawag sa amin noon – mga dormitoryana sa buong panahon ng pag-aaral hanggang sa pag-oopisina.  Ang kaibhan namin marahil sa iba, ay ang pagtuturing naming tahanan ito, hindi lamang pansamantalang tirahan. Dahil sa mga namuong pagsasamahang parang pamilya na hanggang ngayon ay matibay pa rin.   Lahat ng ito ay mababasa sa aking unang aklat na “Minsan, May Isang Pag-ibig” na mabibili sa lulu.com.    Halos kalahati ng mga kwento roon ay tungkol sa buhay at pag-ibig sa loob ng dormitoryo.    Naroon din  ang nagwaging kwento sa Palanca na “Isang Pook, Dalawang Panahon” na tungkol sa dorm
         

Samantala, dito muna ako hihinto sa aking listahan.  Anytime sa mga susunod na buwan, dadagdagan ko ito.  Sapagkat, nagsisimula pa lamang ako. At di ba naman, tuluy-tuloy ang mga biyayang ipinagkakaloob sa atin? 

Inaanyayahan ko rin kayo na maglista at ibahagi sa amin ang mga biyayang natanggap ninyo.  Gawin ninyo ito, lalo na sa mga araw na parang pinanghihinawaan kayong wari ay walang nangyayari sa buhay ninyo.  Dahil hindi totoo ito.   Lagi, may happening sa atin.
  

Sa ngayon, abangan ang kwento ni Erika, ang tahanan ni Erika.  Ito ba'y kubo?  Bahay na bato?  O isang dormitoryo?
 

Abangan!